Chapter 21:

Flaviano (1932)

PANGHIHINAYANG, iyon ang isaktong naramdaman ni Flaviano habang tinatanaw niya ang batang si Gustavo. Nagkubli siya sa likod ng malaking puno nang dumating ang ina nito. Ngayon ay hanggang tanaw na lang siya. Masamang tingin ang ipinukol niya sa mag-inang ngayon ay papalayo na.

May araw ka rin sa akin, Gustavo!

Isang malakas na puwersa ang bigla na lang dumamba sa kanyang likuran at itinulak siya dahilan upang masubsob ang mukha niya sa ugat ng malaking puno.

Amoy pa lang ng bagong dating ay batid na niya kung sino ito. Napangiti siya.

"Hindi ka ba talaga titigil sa pagpapanggap na ako, Flaviano! Layuan mo si Gustavo!" sigaw ng kanyang mabait na kakambal. Umibabaw ito sa kanyang likuran at pinagsusuntok siya.

"I-itinigil mo 'yang ginagawa mo, D-damian." Pinilit niyang gumulong at sinalag ang mga kamao nito.

"Ikaw ang tumigil, Flaviano!"

Tunay ngang mahalaga para sa kapatid niya ang batang si Gustavo. Palagi na lang itong nagagalit at paulit-ulit na ipinagtatanggol ang kaibigan nito.

Nang makakuha ng pagkakataon ay sinipa niya ang kakambal dahilan upang matigilan ito sa pagpapaulan ng suntok sa kanya. Agad siyang bumangon at mabilis itong ipininid sa katawan ng puno. Nagbabagang tingin ang ipinukol niya rito. Walang anu-ano ay bigla niyang sinakal ang kakambal. Ito naman ngayon nagpupumiglas at pilit na binabaklas ang kanyang mga kamay na nasa leeg nito.

"May magagawa ka ba kung ayaw kong layuan ang kaibigan mo, Damian!"

"K-kaya w-wala kang k-kaibigan dahil m-masama ang u-ugali m-mo..."

"Ayoko ng kaibigan—lalo na kung isang tao! Pagkain natin sila—'di ginagawang kaibigan ang mababang uri na nilalang!"

Unti-unting humaba ang kuko niya saka iyon dahan-dahang ibinaon sa leeg ng kanyang kakambal. Napangiti siya nang makitang tumulo ang sariwang dugo mula sa balat nito.

"Flaviano!"

Binitiwan niya ang leeg ni Damian nang marinig ang boses ng kanyang Kuyang Darrius. Nang lingunin niya ito'y isang lumilipad na palad ang agad na sumalubong sa kanya at dumapo iyon sa kanyang pisngi.

"K-kuyang..." Namanhid ang kanyang pisngi at pati utak niya ay tila naalog din. Ngunit, pinilit pa rin niyang salubungin ang nagbabagang tingin ng kanyang Kuyang Darrius.

"Ano bang nangyayari sa 'yo, Flaviano? Nais mo bang patayin ang sarili mong kapatid? Ang babata n'yo pa ngunit kung mag-away ay dinaig pa ang nagpapatayan!" namumula na ang pisngi ng kuyang niya, pati litid nito ay lumilitaw na rin.

Nanahimik na lang siya. Wala rin namang mangyayari kung sasagot pa siya. Tiyak na siya pa rin naman ang lalabas na masama, samantalang itong si Damian ang mabait at paborito ng lahat.

"Humanda ka dahil isusumbong kita kay ama! Hindi ba pinagbawalan ka nang pumunta rito sa patag, ngunit ano'ng ginawa mo? Sumuway ka na naman sa utos ni Ama!" dagdag pa ng kuyang niya.

"Di magsumbong ka... magsama pa kayong dalawa!" sigaw niya. Tiningnan niya nang masama ang dalawa, saka siya mabilis na tumakbo palayo.

"Wala ka talagang paggalang, Flaviano, hindi pa ako tapos sa iyo!" sigaw ng kuyang niya. Hindi na niya ito pinansin.

Upang maibsan ang sama ng loob na nadarama ay mas minabuti niyang magpalit ng anyo. Habang tumatakbo siya ay unti-unting gumapang sa kanyang katawan ang kakaibang enerheya, tila ba pinipiga ang kanyang buong kalamnan. Ilang sandali lang ay lumiit na ang kanyang mga paa, ang kanyang mga kamay ay naging pakpak, at nabalot ng itim na balahibo ang kanyang buong katawan. Nag-unahang malaglag sa lupa ang mga kasuotang kinuha pa niya sa sampayan ng mga tao.

Nang tuluyang maging ibon ay agad niyang ikinampay ang kanyang mga pakpak. Lumipad siya nang lumipad. Ilang beses siyang nagpaikot-ikot sa itaas ng mayayabong na puno. Kumawala sa lalamunan niya ang malakas na huni, iyon ang tanging paraan upang ilabas niya ang lahat nang sama ng loob na kanyang nararamdaman.

Nang magsawa sa paglipad ay dumapo siya sa sanga ng isang puno. Mula sa kanyang kinalalagyan ay abot-tanaw niya ang malawak na kapatagan kung saan   nagkukumpulan ang mga bahay sa tribo ng Sighay.

Bawal silang makihalubilo sa mga tao, ngunit ang kanyang kakambal ay lihim na pumupunta roon at nakikipagkaibigan pa. Nang sabihin niya iyon sa kanyang ama ay pinabulaanan ito ng kanyang kakambal, ang masaklap ay siya pa ang lumabas na sinungaling kaya pinarusahan siya ng kanilang ama. Dahil doon, nag-umpisang  lumayo ang loob niya kay Damian, nagsimula ang kanilang alitan. Kaya nais niyang patayin si Gustavo, upang makaganti sa kanyang kapatid.

Pati ang kanilang ama ay kinaiinisan na rin niya. Halata naman kasing may paborito ito, iyon ay ang kuyang niya pati na rin si Damian. Siya na ang talipandas, suwail, at tamad, ang mga salitang madalas niyang marinig mula sa ama. Sayang lang at wala na siyang ina na nakagisnan, kung sakaling hindi ito namatay noong ipinanganak sila ni Damian, baka sakaling may kakampi rin siya.

Sa edad niyang labindalawang taong gulang ay namulat na ang kanyang kaisipan. Maraming ipinatutupad na batas ang kanyang ama sa loob ng kanilang tribo na sa tingin niya ay hindi naman kailangan dahil hindi ito patas. Isa na roon ang pagbabawal na pumatay sila ng tao, nagtitiyaga na lang sila sa karne ng mga kahayupan na namumuhay rin sa bundok na iyon. Kung minsan naman ay bumababa sa patag ang mga kalalakihan upang kumuha ng mga bangkay sa libingan ng mga tao, at iyon ay pinaghahatian ng buong tribo. Nais ng kanyang ama na manatiling lihim sa mga tao na nabubuhay ang mga katulad nila sa mundong ito. Habang buhay na lamang ba silang magtatago sa kabundukang iyon?

Kung tutuusin, ang mga katulad nila ay mas angat kaysa mga tao dahil malakas at may taglay silang kapangyarihan.

Ang kuwento ng kanyang ama ay nagmula raw ang angkan nila kay Baruka, isang magandang diwata na nangangalaga sa bundok na iyon. Umibig daw ang diwata sa isang tao ngunit sa huli ay pinagtaksilan lamang ito. Ang busilak na puso ni Baruka ay napuno ng pighati at pagkamuhi sa mga tao. Bilang ganti ay pinatay nito ang taksil na kasintahan, dinukot ang puso at kinain ang lamang loob. Lahat nang magtungo sa lugar na iyon ay pinapatay nito, maliban lang sa isang makisig na mangangaso. Muling umibig si Baruka, ngunit sa pagkakataong iyon ay naging tuso na raw ito; ginawa nitong bangkilan ang lalaking mangangaso. Kalaunan ay nagkaroon sila ng mga supling at iyon na nga ang lahi nilang mga bangkilan; ang pinakamataas na uri ng mga aswang.

Kung siya ang magiging pinuno ng kanilang angkan sa hinaharap ay babaguhin niya ang mga patakarang hindi niya gusto. Ngunit, malabo iyon dahil ngayon pa lang ay may napili na ang kanyang ama, iyon ay ang Kuyang Darrius niya.

Isang putok ng baril mula sa 'di kalayuan ang narinig niya, dahilan upang maputol ang kanyang malalim na iniisip.
Agad na nagpuyos ang kanyang dibdib. May mga mangangaso na namang pumasok sa kanilang teritoryo upang agawin ang mga pagkaing dapat ay sa kanila.

Mayamaya ay may narinig siyang sumisigaw, boses iyon ni Damian. Agad niyang ipinikit ang kanyang mga mata at pinagana ang matalas niyang pandinig upang matukoy kong saan ang eksatong pinanggalingan ng ingay. Ilang sandali lang ay nalaman na niya kung nasaan si Damian, isang kilometro ang layo nito mula sa kanyang kinaroroonan.

Agad niyang ibinuka ang kanyang mga pakpak at saka mabilis na lumipad sa ibabaw ng kakahuyan.

"Tulong! Tulungan n'yo kami!" malakas na palahaw ng kanyang kakambal.

"Bakit? Ano'ng nangyari?" tanong niya. Bagamat ilang metro pa ang pagitan ay magagawa na nilang mag-usap sa pamamagitan lamang ng kanilang isipan.

"F-Flaviano... si Kuyang!"

"U-umalis ka na, D-Damian, i-iwanan mo n-na a-ko. I-iligtas mo a-ang sarili m-mo..." rinig niyang sabi ng kanyang kuyang. Agad siyang kinabahan nang marinig ang boses nito.

Pinilit niyang bilisan ang paglipad ngunit malakas ang hangin kaya medyo nahihirapan siyang igalaw ang kanyang mga pakpak. Batid niyang may masamang nangyayari sa kanyang mga kapatid.

"P-pero, kuyang... Kuyang Darrius! Gumising ka! K-kuyang..."

"Ano'ng nangyayari? Damian!" Hindi siya sinasagot ni Damian, puro palahaw lamang nito ang naririnig niya kaya lalong tunambol nang husto ang puso niya.

Nang malapit na siya sa kinaroroonan ng mga ito ay agad niyang sinuyod ang loob ng kakahuyan upang hanapin ang mga kapatid. Hindi naman siya nabigo dahil abot tanaw na niya ang mga ito.

Parehong nasa anyong usa ang kanyang dalawang kapatid. Nakahandusay sa ibabaw ng mga tuyong dahon ang kanyang Kuyang Darrius, at may palasong nakabaon sa likod nito tagos hanggang dibdib. Nasa  tabi naman nito si Damian na sinusuwag ang katawan ng kanilang kuyang na mukhang wala nang malay. Halos madurog ang puso niya sa tagpong kanyang natatanaw.

Dadapo sana siya sa likod ni Damian nang biglang may pumutok, nang lingunin niya ang pinagmulan ng ingay ay natanaw niya ang maliit na bagay na lumilipad sa ere, at tila tumigil ang oras nang dumaan ito sa harapan niya, mabilis at umuusok pa.  Animo'y huminto ang kanyang pahinga.

"Damian, umalis ka na riyan! Bilisan mo!" aniya nang matiyak na tatama sa ulo ni Damian ang bagay na iyon. Agad namang tumakbo si Damian kaya hindi ito tinamaan.

"P-Paano si Kuyang?" anito. Huminto si Damian at muling lumingon sa kuyang nila.

"Basta! Narinig mo naman ang sinabi niya kanina—iligtas mo ang sarili mo!"

"Pero—" May bumagsak na palaso sa gilid ni Damian kaya wala na itong nagawa kundi ang kumaripas ng takbo. Sinundan ito ng sunod-sunod na putok ng baril. Mabilis naman siyang lumipad at nagpasirko-sirko sa pagitan ng mga sanga ng puno.

Nakahinga siya nang maluwag nang matanaw niyang narating ni Damian ang makapal na damuhan. Nang masigurong ligtas na ang kakambal ay muli siyang pumihit pabalik sa kinaroroonan ng kanyang Kuyang Darrius.

Agad siyang dumapo sa mataas na sanga kung saan hindi siya mapapansin ng mga tao sa ibaba. Mula sa kanyang kinalalagyan ay pinagmasdan niya ang anim na kalalakihan na ngayon ay nakapalibot sa katawan ng walang malay niyang kapatid.

"Wala ka talagang kupas, Carlos!" rinig niyang sabi ng lalaking may nakasukbit na mahabang baril sa balikat nito. Kilala na niya ang mukha ng lalaki dahil madalas itong mangaso sa kagubatang iyon.

"Gracias, amigo," sagot naman ng lalaking may hawak na palaso. Batid niyang ito ang ama ni Gustavo dahil ilang beses na siyang nagtungo sa tirahan ng mga ito upang magmanman.

"Malaki ang isang ito—sapat na ang mga nahuli natin para sa darating na piging," masayang wika ng isa pang lalaki.

"Tama ka, Ikong," pagsang-ayon ng lalaking may mahabang baril. Tumingin ito sa iba pang kasamang may hawak na malaking sisidlan. "Isilid na sa sako ang isang ito."

Akmang bubuhatin ng dalawang lalaki ang katawan ng kuyang niya na nasa anyong usa nang biglang nagsalita ang lalaking may hawak na palaso, "Sandali lang, amigo."

Lumapit ang lalaki at masusing pinagmasdan ang katawan ng kanyang kapatid. Mayamaya ay binunot nito ang palaso.

Pakiramdam niya'y sa kanyang katawan tumarak ang palasong iyon. Hindi niya lubos maisip kung gaano kasakit ang dinaranas ng kanyang kapatid. Rinig niya ang mahinang tibok ng puso nito kaya nagkaroon siya ng kaunting pag-asa.

"Kuyang! Lumaban ka! Subakan mong pagalingin ang sarili mo!" aniya. Sinubukan niya itong kausapin ngunit talagang mahina na ang kuyang niya kaya mukhang hindi na siya nito naririnig.

"Kuyang! Gamitin mo ang kapangyarihan mo, kuyang," muling tawag niya. May kakayahan silang pagalingin ang sarili nila, iyon ay talagang itinuturo sa kanila ng mga matatandang guro sa kanilang tribo. Sa pagkakaalam niya ay walang sandata ang puwedeng kumitil sa buhay nila. May sapantaha siyang may kakaiba sa palasong tumarak sa katawan ng kanyang kapatid.

Habang tumatakbo ang oras ay pahina nang pahina ang tibok ng puso ng kanyang kuyang, kaya naman ang kaunting pag-asa niya ay unti-unti na ring naglalaho. Lalo pa nang makita niyang isinilid na ng dalawang lalaki ang katawan nito sa isang malaking sisidlan.

Lalong sumisiklab ang apoy sa kanyang puso habang tinatanaw ang lalaking may hawak na palaso.

May araw rin kayo! Isinusumpa ko 'yan!

Kung kaya lang niyang sugurin ang mga ito ay ginawa na niya, dangan nga lamang ay hindi pa sapat ang kanyang kakayahan upang kalabanin ang mga taong ito.

Wala siyang nagawa kundi ang sundan ng tingin ang mga lalaking paalis. Isang malakas na huni ang kumawala sa bibig niya. Tila nanghihina ang kanyang katawan kaya ibinaon na lang niya ang kanyang mga kuko sa sanga ng puno. Gustuhin man niyang tulungan ang kanyang kuyang ngunit wala siyang magawa. Malaki ang tampo niya rito, ngunit hindi iyon sapat upang mawala ang pagmamahal niya para sa nakatatanda niyang kapatid.

MALAPIT NG LUMUBOG ang araw nang maisipang umuwi ni Flaviano, sinisisi niya ang kanyang sarili dahil sa nangyari sa kanyang kuyang. Kung hindi siya nagtungo sa patag ay siguradong hindi susunod ang kuyang niya, hindi ito aalis ng tribo kundi dahil sa kanya.

Papasok pa lang siya sa kanilang tribo nang makitang nagkakagulo ang lahat. Siguradong nakapagsumbong na ang kakambal niya. Agad siyang nakaramdam ng takot sa kanyang ama, tiyak na siya ang sisisihin nito.

"Maghanda kayo! Susugurin natin ang Sighay!" sigaw ng kanyang ama. "Hindi ako papayag na kitilin ng mga taong iyon ang buhay ng aking anak! Hindi pwedeng mawala si Darrius! Hindi pwedeng mamatay ang susunod na pinuno ng ating lahi!"

Nanatili na lang siyang nakatayo malapit sa kanilang balay at pinagmamasdan ang mga katribo, may ilan sa matatandang babae ang lumuluha, ngunit mas marami ang galit at isa na nga roon ang kanyang ama.

"Maging ang anak kong si Damian ay nakaratay ngayon dahil sa kagagawan ng mga taga Sighay—nararapat lamang na pagbayarin sila sa ginawa nilang ito sa aking mga anak! Ang buong tribo nila ay kulang pang kabayaran—uubusin natin sila! Walang ititirang buhay isa man sa kanila! Ito na ang pagkakataon ninyo upang pumatay at kumain ng buhay na tao!"

Hindi na niya pinakinggan pa ang ibang tinuran ng kanyang ama. Agad siyang pumasok sa kanilang balay at nabungaran  niyang nakahiga sa papag si Damian, nasa tabi nito ang matandang manggagamot ng kanilang tribo. Lumabas ang matanda nang malingunan siya.

"D-Damian." Mabilis siyang lumapit sa kakambal. Nag-unahang tumulo ang mga luha sa kanyang mga mata nang makita ang ayos nito. May sugat ito sa kanang dibdib na nilapatan ng mga sariwang dahong panggamot. Mahina ang tibok ng puso ni Damian at tila tinakasan na ng kulay ang mga labi nito.

Parang nanghina ang mga tuhod niya.

"D-Damian," usal niya. Kahit panay ang pag-aaway nilang dalawa, sa pagkakataong iyon ay tila nawala ang namuong galit niya para sa kakambal. "K-Kasalanan ko ito, a-ako ang dapat sisihin..."

"'Wag mong sisihin ang sarili mo, Flaviano. Tama ka, anak, hangal ang mga tao! Sa simula pa lang, dapat ay hindi ko sila hinayaang makapasok sa ating teritoryo! Naging mahina akong pinuno!" turan ng kanyang ama. Lumapit ito at mahigpit siyang niyakap.

Humagulgol siya nang maramdaman ang bisig ng kanyang ama. "A-Ama, pinatay nila si Kuyang," usal niya.

"Titiyakin kong magbabayad sila, anak, wala akong ititira sa kanila!" turan ng ama. "Ngunit, kung sakaling hindi ako makabalik, kayong dalawa ni Damian ang mamuno sa ating angkan."

Tumango na lang siya bilang sagot sa kanyang ama. Halo-halong emosyon ang kanyang nadarama ng mga oras na iyon, tuwa, lungkot, at galit ang pumupuno sa kanyang puso.

Sumugod ang kanyang ama kasama ang mga kalahi nila sa Tribong Sighay, at tanging silang mga bata lamang ang tanging naiwan sa kanilang tribo.

Lumipas ang isang araw, linggo, buwan at mga taon, hindi na bumalik ang kanyang ama maging ang mga kasama nito. Wala silang alam kung ano na ba ang nangyari sa mga ito. Sinubukan nila ni Damian na muling bumaba sa kapatagan upang sundan at hanapin ang kanilang ama, ngunit tila nagpapaikot-ikot lamang sila sa loob ng bundok na iyon. Hindi sila makalabas. Sa pagdaan ng mahabang panahon ay tila nakakulong silang lahat sa isang hawla.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top