Chapter 2

Mackenzie

Nakarating si MacKenzie sa ikalawang palapag ng kanilang bahay bitbit ang kaniyang mga gamit. Tatlong taon siyang hindi umuwi kaya naman nanibago siya. Lalo na ngayong wala ang ama at kapatid. Wala si Allison na sumasalubong sa kanya, walang nangungulit kung ano ang pasalubong niya.

Biglang nangilid ang luha sa kanyang mga mata. Naalala niya ang huling pag-uusap nila ng ama noong tumawag ito.

"Anak, nawawala ang kapatid mo. Ilang araw na siyang hindi umuuwi."

"Baka naman po nagtanan sila ni Matt. Ang sabi n'yo ay magkasama ang dalawa."

"Masama ang kutob ko, Mackie. Umakyat sila sa Mt. Balbaruka, at natagpuan sa paanan ng bundok ang sasakyan ni Matt," turan nito.

"Baka po naligaw sila kaya hindi pa nakabalik."

"Mackie, masama talaga ang kutob ko sa ginawa ng kapatid mo at ni Matt, panganib ang pinuntahan nila. Lagi kong sinasabi sa kapatid mo na huwag pupunta roon, pero sinuway pa rin ako." Bakas ang pagkainis sa boses ng ama. Hindi rin niya ito masisisi.

"Uuwi rin 'yon, Papa. 'Wag po kayong masyadong mag-alala."

Sinabi lang niya iyon para pakalmahin ang ama. Maging siya man ay nag-aalala rin sa nakababatang kapatid, sadya talagang matigas ang ulo nito.

"Hahanapin ko ang kapatid mo, Mackie. Kung sakaling hindi ako makabalik, umuwi ka rito. Kakailanganin ka ng lolo at mama mo, maging ng mga tao rito sa baryo natin. Mag-iingat ka sana at 'wag mong kalilimutang mahal na mahal ka ni Papa."

Tuluyang tumulo ang mga luha niya.

Mahal na mahal din kita, Papa.

Sa kanilang magkapatid, mas malapit siya sa ama. Samantalang si Allison naman ay sa mama nila.

Pinunas niya ang luhang umalpas sa kanyang mga mata nang makapasok siya sa sariling kuwarto. Inilagay niya ang maletang dala sa gilid ng kama at saka siya umupo sa tabi nito. Pinagmasdan niya ang buong paligid, wala pa rin itong pinagbago.

Nang mapadako ang paningin sa malaking salamin na nasa ibabaw ng tokador ay napangiti siya.

Lumapit siya roon at umupo sa silyang gawa sa kahoy. Pinagmasdan niya ang sariling repleksyon. Sa tingin niya ay talagang gumaganda siya kapag nananalamin sa salaming iyon. Bigay iyon ng kanyang yumaong lola noong ikalabing walong kaarawan niya. Isa iyon sa mga regalong paborito niya, bukod sa may sentimental value, ito ay isang antigong salamin.

Kung titingnan ay parang nakatatakot ito, katulad noong lumang palabas sa TV na may lumilitaw na ibang mukha sa salamin. Dahil nasanay na siya sa mga lumang kagamitan kaya balewala na lang iyon sa kanya, isa pa, hindi naman siya matatakutin. Hindi siya naniniwala sa mga supernatural o kahit ano pa man ang tawag sa kanila.

Binuksan niya ang maliit na drawer. Naroon pa rin ang mga abubot niya. Wala talagang binago ang mama niya sa kanyang silid, parang ganito rin iyong ayos nito noong umalis siya.

Muli siyang bumalik sa kama at humiga roon. Sa tuwing nandito siya sa bahay nila, pakiramdam niya ay bumabalik siya sa sinaunang panahon. Maging itong higaan niya ay kahawig ng kama ni Maria Clara dahil sa puting kulambo na nakabitin sa itaas.

Pumasok ang sariwang hangin mula sa malaking bintana at masuyong inilipad ang manipis at kulay puting kulambo na nakapalibot sa kanyang higaan. Ito ang na-miss niya, tunay ngang napakasarap manirahan sa probinsya.


Tumakbo siya nang tumakbo sa masukal na gubat. Wala siyang ibang nakita kundi nagtataasang punong kahoy. Nang makaramdam ng pagod ay huminto si MacKenzie. Napayuko siya habang nakahawak ang dalawang kamay sa itaas na bahagi ng kanyang tuhod, hinahabol ang paghinga.

"Bakit ba ako tumakbo? Saka anong lugar ito?"

Natanaw niya ang nakausling malaking ugat ng puno, naglakad siya palapit doon at saka umupo. "Nasaan na ba 'ko? Bakit ako napadpad sa lugar na 'to?" Kanina lang ay nakahiga siya sa kanyang kama, ngayo'y nasa ibang lugar na siya.

Nagpalinga-linga siya sa buong paligid. Mga huni ng iba't ibang uri ng ibon ang naririnig niya, para iyong kakaibang awit na bago sa kanyang pandinig.

"Nasa paraiso na ba ako?"

Binubusog ang mga mata niya ng iba't ibang klase ng ibon na walang kapaguran habang nagpapalipat-lipat sa sanga ng mga punong kahoy, tila naglalaro ng habulan ang mga ito.

"Kay sarap namang maging ibon, malaya at parang wala silang problema." Nakangiti siya habang nakatingala pa rin sa itaas.

Naagaw ang kanyang pansin ng isang Agila, dumapo ito sa sanga hindi kalayuan sa kanya. Mas hamak ang laki kung ikukumpara sa iba at kay gandang pagmasdan ang kulay ng mga balahibo nito. Umikot-ikot ito habang nakadapo, na para bang nagpapakitang gilas ito sa kanya.

Hindi niya alam kung bakit bigla siyang tumayo at humakbang palapit sa puno kung saan ito naroon. Akmang aabutin niya ang malaking ibon pero lumipad ito palayo sa kanya.

Bigla siyang tumakbo at sinundan ang Agila. Mabilis itong lumipad kaya naman wala na siyang nagawa nang maglaho ito sa paningin niya. Nakaramdam siya ng panghihinayang, gusto niyang haplusin ang mga balahibo nito.

Muli siyang umupo sa ibabaw ng bato. Pinagmasdan niya and buong paligid hanggang sa humantong ang kanyang paningin sa mala-kristal na tubig sa ilog; animo'y kumikinang na diyamante habang tumatama ang sikat ng tirik na araw . Tanaw na tanaw niya iyon mula sa kanyang kinaroroonan.

"Pa, mabuti at nahanap mo ako. Ngayon ay nandito ka na rin kasama ko."

Tumayo siya. Hindi siya puwedeng magkamali, boses ni Allison ang narinig niya mula sa hindi kalayuan.

"Syempre naman, anak. Tatay mo 'ko kaya hinanap kita."

Nagmadali niyang tinungo ang pinagmulan ng mga boses. Umakyat siya sa ibabaw ng malaking bato at mula roon ay natanaw niya ang isang babae na naliligo sa ilog. Habang ang lalaking kausap nito ay nakaupo sa ibabaw ng bato. Nakangiti ito at nakatunghay sa lumalangoy na babae.

Bumilis ang tibok ng kanyang puso. Tama nga siya. Napangiti siya nang malapad dahil narito rin ang ama nila. "P-papa! Allison! Sa wakas ay nakita ko rin kayo!"

Sabay na lumingon sa kanya ang kapatid at ama. Lumundag-lundag siya sa ibabaw ng mga bato para makalapit sa dalawa.

"A-ate? I-ikaw nga... sa wakas ay umuwi ka na." Gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Allison nang makilala siya. Lalong kuminang ang mga mata nito. Tumigil ito sa paglangoy habang nakatanaw sa kanya.

"Nag-alala ako sa inyo kaya ako umuwi." Lumapit siya sa ama saka masuyong yumakap. "I miss you, Papa. Akala ko'y kung ano na ang nangyari sa inyo. Mabuti't okay lang kayong dalawa." Umaapaw ang kasiyahan sa kanyang puso habang yakap-yakap pa rin ang ama. Ang akala niya'y hindi na ito muling makakasama.

"Okay lang ako, Anak. Mabuti't umuwi ka na." Batid niyang masaya itong makita siya. Sobrang higpit ng yakap nito sa kanya.

"Ate, halika rito. Samahan mo akong maligo!" Kumaway si Allison sa kanya.
Napangiti siya, kahit kailan talaga ay para pa rin itong bata.

"Sige. Basta sama-sama na tayong uuwi sa bahay mamaya." Unti-unti siyang lumusong sa ilog. Presko ang tubig na sumusuot sa nabasa niyang katawan, nagbigay iyon ng ginhawa sa kanyang pakiramdam.

"Halika... lumapit ka rito, Ate. Masarap lumangoy."

"Oo. Nandiyan na 'ko. Humanda ka sa akin dahil lulunurin kita!" Tumawa ito nang malakas kaya bigla siyang lumangoy palapit sa kapatid.

"Na-miss mo ba ako, Ate Mackie?"

Tumawa siya dahil sa tanong ni Allison. "Oo naman! Na-miss kita. Akala ko nga nawala ka na, e." Sabay hatak sa buhok ng kapatid.

Pumulupot ang dalawang braso ni Allison sa baywang niya. "Ngayon ay hindi na tayo muling maghihiwalay pa, Ate Mackie," anito. Gumuhit sa mga labi ang isang matamis na ngiti, nangungusap din ang mabibilog nitong mga mata na nakikita lang niya sa tuwing natutuwa ang kapatid.

Tumitig siya sa mukha ni Allison. Napakaganda talaga nito dahil namana ang matangos na ilong ng kanilang lolo. Mapula ang manipis na mga labi. Ngunit, nagtataka siya dahil parang nagbago ang kulay ng mga mata ng dalaga. Mapusyaw na asul ang kulay ng mga iyon, ngayon ay naging brown na.

Akma siyang bibitiw sa pagkakayakap kay Allison pero humigpit ang kapit nito sa kanya. Hanggang sa parang kinakapos na siyang huminga dahil nasasakal ang leeg niya.

"Hindi ka na makakaalis sa lugar na ito!"

Nagbago ang boses ni Allison, nawala ang lambing, at naging matigas ito. Dahil doon ay nag-umpisang tumayo ang kanyang mga balahibo kahit pa nakalubog ang katawan niya sa tubig.

"A-ano'ng ibig mong sabihin?" Tinitigan niya ito.

Naguguluhan siya. Hindi pa rin ito bumibitiw sa kanya kaya itinulak niya palayo si Allison. Dahil malalim sa kinaroroonan nila, bahagya lang itong napalayo sa kanya.

Nang muli niyang titigan ang mukha nito ay unti-unting naghina ang kanyang mga tuhod.

"S-sino ka?"

Sa halip na sumagot ay ngumisi lang ang babae. Maganda ang mukha nito pero hindi na ito ang kapatid niya. Mahaba ang alon-along buhok na tinatangay ng agos ng tubig, matalim kung tumingin ang kulay brown na mga mata. Lumingon siya sa gawi ng ama pero maging ito ay nagbago na rin ang hitsura, hindi na ito ang ama niya. Paanong nangyari iyon?

"S-sino kayo? Bakit nagbago ang mukha n'yo?" Gusto niyang sumigaw pero walang boses na lumalabas sa kanyang bibig.

Dahan-dahan siyang humakbang paurong. Hanggang kilikili niya ang tubig kaya hindi siya gaanong makagalaw. Nahirapan siyang ihakbang ang mga paa dahil sa madulas ang mga bato sa ilalim ng tubig. Sumisid na lang siya at pinilit ang sariling lumangoy palapit sa pampang. Hilakasan niya ang loob kahit parang may mga nagkakarerang kabayo sa kanyang dibdib.

Saktong pagsampa niya sa pampang ay bumulaga sa kanya ang isang pares ng paa. Muntik ng maputol ang hininga niya, napahawak siya sa dibdib at agad na iniangat ang tingin. Nakangisi ang lalaki nang magsalubong ang kanilang paningin. Pinaikot-ikot nito sa kamay ang bulaklak ng makahiya habang nakatunghay sa kanya.

Palaisipan sa kanya kung paanong nakarating doon ang lalaki, samantalang nasa kabilang pampang ito kanina. Bakit hindi man lang nabasa ang suot nitong damit kung sakaling lumusong ito sa tubig?

Pumihit siya patalikod sa lalaki at akmang lalangoy muli. Ngunit, natigilan siya dahil isang dipa na lang ang layo sa kanya ng babae, ito naman ang nasa kanyang harapan. Unti-unti itong lumalapit, at matalim na nakatitig sa kanya.

"Sa tingin mo ba ay makaaalis ka pa?" Tumawa ang babae saka huminto sa paghakbang. Tila tinatantiya kung ano ang gagawin niya.

"Sino ba kayo? Anong kailangan n'yo sa akin!" Tumulo ang luha sa mga mata niya. Talagang wala na siyang kawala sa mga taong ito.

Mabigat na kamay ang dumapo sa kanyang balikat. Nang lingunin niya ang lalaki ay agad siyang hinila nito. Walang kahirap-hirap siyang iniahon sa tubig kahit na nagpumiglas siya.

"Bitiwan mo s'ya. Hindi rin naman makalalayo 'yan." Muling tumawa nang malakas ang babae Nasa gilid na rin ito ng ilog at nakaupo sa ibabaw ng bato.

Sa halip na bitiwan ay marahas siyang itinulak ng lalaki dahilan para sumubsob ang katawan niya sa batuhan. Natuklap ang balat sa tuhod at siko niya kaya naman napadaing siya at halos namilipit sa sakit.

"Mga hayop kayo! Ano'ng kasalanan ko sa inyo?"

Isang palo ng tungkod ang nagpabalikwas sa kanya.

Nakita niya ang lolo niya sa gilid ng kama, hawak nito ang tungkod na ipinangpalo sa kanya.

"Nananaginip ka, hija. Mabuti na lang at sumilip ako rito. Tanghaling tapat, binabangungot ka yata." Naglakad ito patungo sa nakabukas na bintana at saka sumilip sa labas. Tila may tinanaw ito mula roon. Kakaiba talaga ang kinikilos nito, napansin niya iyon simula pa kanina nang dumating siya.

"Napanaginipan ko sina Papa at Allison, abuelo. Parang totoo ang panaginip ko... nakita ko sila. Pero bakit ganoon? Biglang nagbago ang mukha nila."

Biglang lumingon ang Lolo Gustavo niya. "Sinasabi ko na nga ba. Masamang pangitain 'yang panaginip mo."

"Ano po ang ibig sabihin no'n? Ano'ng masamang pangitain ang sinasabi n'yo?" Napakamot na lang siya sa ulo.

"Nangyayari na ang sumpa."

Nakakunot ang noo niya habang sinusundan ng tingin ang matanda. Kakaiba talaga kilos pati ang mga salitang lumalabas sa bibig nito. "Bumaba ka na, sabay na tayong mananghalian," turan nito bago lumabas ng kuwarto.

Ano'ng nangyayari dito? A-anong sumpa ang sinasabi ni Lolo?

Ano ang ibig sabihin ng panaginip ni MacKenzie? At ano ang kaugnayan nito sa sumpang sinabi ni Lolo Gustavo?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top