Chapter 18
NAG-AAGAW NA ang liwanag at dilim. Nag-umpisa na ring dumapo sa sanga ng mga punong kahoy ang sari-saring klase ng ibon, ang mga huni nila ang siyang bumabasag sa katahimikan ng buong paligid. Idagdag pa ang ingay ng mga kuliglig na nakikipagsabayan din sa pag-awit ng mga ibon.
Mabagal ang ginagawang paghakbang ni Mackie, tantsado ang bawat galaw niya at iniiwasan na makalikha ng ingay.
Tinitiis niya ang pangangati ng kanyang katawan dahil sa mga dahon at baging na nakapulupot sa kanya. Nagmistula silang taong halaman na naglalakad nang marahan. Sa mga palabas lamang nakikita ang ganitong eksena, hindi niya akalain na ginagawa rin nila ito ngayon. Ideya ito ni Mattias na sinang-ayunan naman niya.
Sa pagtunton sa pinanggalingan ng usok na natanaw nila kanina ay kanilang narating ang abandonadong baryo sa gitna ng kakahuyan. Tila pinaglipasan na iyon nang napakatagal na panahon dahil puro haligi na lamang ang ibang bahay na daanan nila. Kahit nilulumot na at karamiha'y lugmok na, ang iba ay pinuluputan na ng mga halamang baging, halata pa rin na yari sa matitibay na kahoy ang mga bahayan doon.
"Mukhang wala nang nakatira dito," bulong ni Mattias, nasa unahan niya ito at pansamantala munang huminto sa paghakbang.
"Sinabi mo pa. Pero sigurado akong tama ang tinutumbok nating direksyon," aniya.
"Langya, hindi naman kaya patibong lamang ito!" matigas na sabi nito.
"Hindi naman siguro, pero kailangan pa rin nating maging alerto. Mahirap na. Gumagabi na rin at siguradong dito na tayo magpapalipas ng dilim."
Kampante siya dahil wala pang ibinibigay na hudyat ang medalyon.
"Tama ka. Dito na lang tayo magpalipas ng gabi," pagsang-ayon ni Mattias.
Muli silang nagpatuloy sa paglalakad, pero sa pagkakataong iyon ay abala na sila sa paghahanap ng lugar na puwede nilang pagtaguan.
"Pwede na siguro tayo riyan," bulong ni Mattias.
Pinagmasdan niyang mabuti ang itinuro ni Mattias. Isang bahay na tinubuan na ng malaking puno sa gitna. Ang kalahating parte nito ay bagsak na ang kalahati naman ay nakaangat na at halos wala ng bubong. Para na itong nakukumutan ng mga halamang baging, ngunit mayroon itong espasyo sa gilid na puwede nilang daanan papasok sa loob ng bahay.
Wala naman siyang naramdaman na kakaiba. Maliban lang sa pagtayo ng kanyang mga balahibo dahil sa naglalaro sa kanyang isipan.
"Mukhang maraming ahas d'yan!"
"Ano'ng gusto mo? Mamatay sa tuklaw o lalapain ka nang buhay ng mga halimaw?"
"Sira! Wala akong gugustuhin alin man sa sinabi mo!"
Narinig niya ang mahinang pagtawa ni Mattias.
"Nasa gubat tayo kaya kahit saang parte rito siguradong may ahas. Ipagdasal mo na lang na wala riyan," anito.
Hinawi ni Mattias ang mga baging na nakaharang at nauna na itong pumasok sa loob ng espasyo. Hindi nga talaga mapapansin na may tao roon lalo pa't madilim na, hindi rin tinanggal ni Mattias ang mga dahon na nakadikit sa katawan nito.
Susunod sana siya kay Mattias pero agad siyang natigilan sa kanyang kinatatayuan.
Isang sigaw mula sa 'di kalayuan ang narinig niya. Nasundan pa iyon nang pagdaing ng isang lalaki. May ibang mga boses pa siyang nasagap pero hindi niya maintindihan kung ano ang mga sinasabi nito. Mas nangingibabaw ang boses ng lalaki na tila humihingi ito ng saklolo.
"May sumigaw ba? Parang may narinig ako?" tanong ni Mattias. Nasa tabi na niya ito.
"Meron... at mukhang galing sa gawing 'yon."
Itinuro niya ang gawing kanan kung saan nagmula ang mga ingay.
"Tara! Tingnan natin!"
Hindi na siya nakasagot nang biglang hatakin ni Mattias ang kanyang kamay.
Kahit nakapag-adjust na ang mga mata nila sa dilim ay nahirapan pa rin silang taluntunin ang daan patungo sa direksyon na pinagmumulan ng ingay. Bukod kasi sa mga nakausling ugat ng puno na makailang beses na rin siyang natisod ay medyo panahon ang bahaging iyon ng gubat.
"Aray!" bulong niya.
Bahagya siyang dumausdos nang matapakan niya ang isang madulas na bagay. Mabuti na lang at agad siyang nahawakan sa braso ni Mattias.
"Dahan-dahan lang kasi," anito.
"May natapakan ako..." Suminghot-singhot siya. "Malansa, naamoy mo ba?" aniya.
"Bigla ngang umalingasaw, langya!"
Ilang sigundo niyang pilit inaaninag kung ano ang kanyang natapakan.
"'Wag mo nang aksayahin ang oras mo riyan. Hindi maganda ang kutob ko kaya mainam na ang madilim... siguradong hindi kanais-nais 'yan. Amoy pa lang, e," mahinang sabi ni Mattias.
Ngunit agad siyang nanginig at mahigpit na napakapit sa braso ni Mattias.
Sa hindi maipaliwanag na dahilan. Biglang lumiwanag ang kanyang paningin, malinaw niyang nasilayan ang pugot na ulo na nasa tabi ng nakausling ugat ng puno, sariwa pa ang dugo na nanggaling doon. Dahil sa ugat na nakaharang kaya hindi ito tuluyang gumulong sa ibaba. Ilang beses siyang kumurap para masigurado na tama ang kanyang nakikita.
"Bakit, Zie?" Bakas ang pag-aalala sa boses ni Mattias.
"W-wala. Tara na."
Nagpatiuna na siya sa paglalakad. Mas pinili niyang huwag nang sabihin kay Mattias. Baka magtaka pa ito kung paano niyang nakita ang pugot na ulo, samantalang madilim ang paligid at batid niyang hindi iyon naaaninag ni Mattias.
Makailang beses siyang lumunok ng laway para lamang pigilin ang pagbaliktad ng kanyang sikmura.
Matapos ang mahigit kinse minutos na pag-akyat sa mataas na bahaging iyon ng kakahuyan ay bumungad naman sa kanila ang mga naglalakihang bato, nakaharang ito sa kanilang daraanan.
"Ba't mo tinatanggal 'yan!" sita ni Mattias nang pinag-aalis niya ang mga halamang baging at maliit na sanga na may mayayabong na dahon, tinanggal niya iyon mula sa pagkakaipit sa pagitan ng kanyang likod at sa bag na nakasukbit doon.
"Sagabal lang ito sa atin. Sige nga, paano kang susuot sa mga awang sa gitna ng mga batong 'yan?"
Hindi nakaligtas sa pandinig niya ang pagpalatak ni Mattias.
"Awang? San banda? Langya! Ang talas ng mata mo, ah!" anito.
Natigilan siya at napailing.
"Tanggalin mo na lang 'yan. Bilis!"
"Oo na."
Tumulong na siya sa pagtatanggal ng mga nakadikit sa katawan nito.
"Sumunod ka sa akin," bulong niya.
"Sigurado ka? Ako na lang ang mauuna."
"Ako na!"
"Okay, boss." Tumawa ito na parang nang-aasar.
Siniko niya si Mattias bago siya nag-umpisang lumapit sa mga naglalakihang bato.
Tinahak niya ang maliit na espasyo sa pagitan ng dalawang malalaking bato na kinapitan na ng mga lumot. Kasya lamang ang katawan nila roon. Ngunit si Mattias ay panay ang mura at reklamo. May kalakihan kasi ang katawan nito kaya nahirapan itong pagkasyahin ang sarili. Napailing na lamang siya at hindi na ito pinansin.
Bago tuluyang makalabas sa makipot na daanan ay biglang bumigat ang suot niyang medalyon. Saglit siyang huminto at naging alerto, pinagala niya ang kanyang paningin, sa ibabaw ng mga bato at maging sa itaas. Bukod sa mga nagkikiskisang dahon ng mga puno na isinasayaw ng hangin ay wala naman siyang nakitang kakaiba.
Mula sa 'di kalayuan ay muli niyang narinig ang mga dumaraing na boses na tila bumubulong sa kanyang tainga. Ngunit sinasapawan ito nang malalakas na tawanan.
"Ba't ka huminto? Langya! nahihirapan na 'kong huminga. Amoy lumot!"
Siniko niya ito. "Pwede ba. 'Wag kang maingay... malapit na tayo. Baka marinig nila iyang bunganga mo't mahuli pa tayo. Tandaan mo, matatalas ang pandinig ng mga Bangkilan," bulong niya.
"Bilib na talaga ako sa 'yo... Bangkilan ka rin ba? Ang talas ng pakiramdam mo, e."
"Ewan ko sa 'yo! Manahimik ka kung ayaw mong malapa tayo rito nang wala sa oras!" nanggigigil na sabi niya.
"Okay, boss!"
Muli niya itong siniko sa tiyan.
"Aba't! nakakatatlo ka na, a! Binibilang ko 'yan, Zie."
Napairap na lang siya dahil sa kadaldalan ni Mattias.
"Magseryoso ka nga... maghanda ka!" bulong niya.
"Okay..."
Dahan-dahan siyang humakbang, ilang sandali lang ay nakalabas na sila sa pagitan ng dalawang malalaking bato. Ngunit mga talahib naman ang bumati sa kanila.
Hinawi niya nang dahan-dahan ang mga nakaharang na talahib. Pagkatapos ay sabay nilang sinilip ni Mattias ang pinanggagalingan ng ingay.
"God!" usal niya.
"Pusang gala! Tangna!" bigkas ni Mattias.
Siniko niya ito.
"Nakakarami ka na!" anito.
"Wala na akong narinig sa 'yo kundi puro mura. Matutulungan ba tayo n'yan?"
"Sinong hindi mapapamura? Tingnan mo nga kung ano'ng ginagawa nila. Nyeta! Nakakanginig ng laman. Kumukulo ang dugo ko, gusto pang bumaliktad ng sikmura ko!" Halata ang gigil sa boses ni Mattias kahit pabulong lamang ito.
Nakita niyang bumunot ito ng baril na ikinaalarma naman niya.
"Mag-isip ka, Mattias. Nasa teritoryo na nila tayo kaya maghunos dili ka." Hinawakan niya ang braso nito at bahagya iyong pinisil.
"Paano ka nagiging kalmado, Zie? Sa kabila ng senaryo na natatanaw mo, e, ganyan ka pa rin?" anito. Nagtatagis ang bagang ni Mattias nang lingunin niya ito. Tagaktak din ang pawis sa nakakunot nitong noo.
Nagpanting ang tainga niya. Ngunit hindi siya dapat magpadala sa namumuong inis niya para kay Mattias. Kung alam lamang nito ang nararamdaman niya sa ngayon. Mahirap magpigil ng emosyon at magpanggap na kampante, pero iyon ang kailangan niyang gawin para makapag-isip siya nang tama.
"Ano'ng gusto mong gawin ko, Matti, magsisigaw at sugurin sila? Mag-isip ka nga!"
Narinig niya ang pagbuntong hininga nito.
"Okay. Sorry... nadala lang ako ng emosyon ko," anito.
"Okay lang," tipid na sagot niya.
Muli niyang pinasadahan ng tingin ang pinagmumulan ng ingay. Ilang metro lang mula sa mataas na bahaging kinalalagyan nila ay tanaw ang mga sulo na nakasabit sa katawan ng mga puno sa ibaba. May malaking siga sa pinakagitna na lalong nagbigay ng liwanag sa buong paligid.
May apat na lalaki ang nakaluhod at nakatali ang mga kamay sa likuran. Nakaharap ang mga ito sa kinaroroonan nila kaya naman kitang-kita niya ang paghihirap at takot base sa ayos ng mga ito.
Sa hula niya ay mahigit sa dalawampung Bangkilan ang nakapaligid sa apat na lalaki: matanda, binatilyo, at may mga bata rin. Iilan lamang ang nakikita niyang kababaihan sa grupo ng mga Bangkilan. Tila bumalik siya sa sinaunang panahon dahil sa kasuotan ng ilan sa mga ito na pawang bahag lamang para sa mga may edad na lalaki. May tatlong matandang babae na pawang kupas na malong ang pang-ibabang kasuotan, tanging ang mahahaba at buhaghag na buhok ang nagsisilbing pantakip sa dibdib ng mga ito.
Tila nagdiriwang ang grupo ng mga bangkilan habang nakapalibot ang mga ito sa apat na lalaki. Ang ilang ay nagtatawanan pa, may sumisipa, may bumabato rin, at ang iba ay kasalukuyang abala sa pagkain.
Natuon ang pansin niya sa dalawang bata na nagsasalo sa pagkain. Nang pakatitigan niya kung ano ang hawak ng mga ito ay nakita niyang isang kaputol na braso ang masayang pinagsasalugan ng dalawa, panay ang sibasib ng mga ito na para bang kumakain lamang ng mais. Nagkalat ang sariwang dugo sa gilid ng bibig ng dalawang bata. Halos bumaliktad ang kanyang sikmura, animo'y hinahalukay ang loob ng kanyang tiyan. Ibinaling na lang niya sa ibang direksyon ang kanyang mga mata.
Saka lang niya napansin ang maliit na papag malapit sa apat na lalaki, punong-puno ito ng sariwang dugo. Tila may mga laman pa nga ng tao na naiwan doon.
Bigla niyang naalala ang pugot na ulo na natapakan niya kanina. Marahil ay ibinato ito kaya napunta iyon doon. Dahil sa nasaksihan niya ngayon ay parang alam na niya kung ano ang nangyari. Nakakapanlumo. Lalo pa't alam na niya kung sino ang mga lalaking ito na bihag ngayon ng mga Bangkilan at pinagpiyestahan na ang isa.
Ano na ang mangyayari ngayong natagpuan na nina MacKenzie at Mattias ang lungga ng mga Bangkilan? Sino ang apat na lalaking bihag ng mga ito? Matulungan kaya nila ang apat na lalaki o maging sila ay magiging bihag din ng mga Bangkilan?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top