Chapter 16

NAGLILIPARAN ang mga tuyong dahon sa gilid ng baku-bakong kalsada sa pagdaan ng kanilang sinasakyan. Mataas na ang sikat ng araw, kaya naman maging ang mga alikabok ay pumapasok na rin sa nakabukas na bintana ng sasakyan sa tuwing umiihip ang hangin; hindi iyon alintana ni MacKenzie. Tahimik lang niyang tinatanaw ang mga nagtataasang punong-kahoy sa gilid ng kalsada. Ilang sandali pa'y biglang huminto ang sasakyan sa gilid ng daan.

"Nandito na tayo," sabi ng lolo niya na siyang nagmamaneho ng sasakyan.

Ilang sandali ang lumipas bago lumabas sa sasakyan si Mattias, sumunod din siya.

"Nasa bundok pa nga si Papa," anito. Nilapitan nito ang isang sasakyan na nakagarahe sa unahan nila. Halatang ilang araw na ito roon dahil sa makapal na alikabok na kumapit sa salamin, may mga tuyong dahon na rin sa bubong nito.

"Sa papa mo ba ang kotseng iyan?"

Tumango si Mattias ngunit hindi ito lumingon sa kanya.

"Dito namin natagpuan ang kotse ni Matteo kaya alam din ng papa mo ang lugar na ito. Maaaring sinundan niya kung saan dumaan ang apo ko at ang kapatid mo," pahayag ng lolo niya.

Matapos marinig ang sinabi ng kanyang abuelo ay agad niyang inilibot ang paningin sa buong paligid. Sa ilalim ng mga nagtataasang puno ay nakita niya ang maliit na daanan papasok sa kakahuyan.

"Iyan siguro ang daan paakyat sa bundok," aniya habang tinatanaw ang loob ng kakahuyan.

"Tara na. Maghanda na tayo," sabi ni Mattias. Agad itong bumalik sa sinakyan nila at inayos ang mga dadalhin.

Tumango naman ang matanda nang magtama ang tingin nila.

"Kumilos ka na, nieta. Alam mo na ang mga kailangan mong gawin sakali mang matagpuan n'yo ang kuta ng mga Bangkilan."

"Maraming salamat sa paghatid sa amin dito, 'lo. Tatandaan ko po ang mga bilin n'yo." Lumapit siya rito at mahigpit itong niyakap. Walang kasiguraduhan ang lakad nila ni Mattias, maaaring katulad ng iba'y hindi na rin sila makabalik.

"Buo ang tiwala ko sa 'yo, nieta, tutulungan ka ng kwintas," anito at tinapik ang kanyang balikat. Tumango siya bilang sagot dito.

Matapos ang madamdaming pag-uusap nila ay magkasabay silang naglakad palapit sa kanilang sasakyan. Nang makalapit doon ay agad niyang kinuha ang armas niya na nakapatong sa upuan, ikinabit niya ito sa kanyang baywang. Isinuot rin niya ang kanyang jacket para takpan ang pulang sleeveless, siguradong malamig sa loob ng kakahuyan at para iwas din sa mga kagat ng insekto. Isinunod niyang ilagay sa kanyang likuran ang backpack niyang medyo may kalakihan, naglalaman iyon ng mga kakailanganin nila sa loob nang ilang araw na pananatili sa bundok.

"Ready ka na ba?" tanong ni Mattias, nakahanda na rin ang mga gamit nito.

"Oo. Wala ka na bang nakalimutan?"

"Sa palagay ko'y wala na," anito bago tinapik ang malaking bag at saka iniligay sa likuran nito.

"Mag-iingat kayong dalawa. 'Wag ninyong kalilimutan ang mga napag-usapan natin. Maging mapanuri sa bawat makikita n'yo sa loob ng bundok na iyan. Uulitin ko, mapagbalat-kayo sila kaya kailangan nang dobleng pag-iingat."

"Opo, 'lo. Ikaw na muna ang bahala kay mama," aniya.

"Gagawin po namin ang lahat para muling makabalik kasama nang iba kung sakaling buhay pa sila," turan ni Mattias.

"Sige na, kumilos na kayong dalawa't kailangan ko na ring bumalik agad sa baryo."

Bago pumasok sa loob ng sasakyan ang lolo niya ay muli niya itong niyakap. Nakaramdam siya ng lungkot sa kanyang puso. Ipinapaubaya na niya sa Diyos ang lahat, anuman ang maging kahahantungan nang mga kilos nila. Naniniwala siyang mas mananaig pa rin ang kabutihan laban sa kasamahan, sa pagpapala ng Panginoon ay muli silang makakabalik kasama ng iba pa.

"Sige na. Tama na iyan, baka magbago pa ang isip ko't baka hindi ko na kayo payagang pumasok sa lungga ng kalaban!"

Bigla siyang bumitiw sa pagkakayakap sa matanda. Kahit paano'y ngumiti siya habang nakatuon ang paningin sa lolo niya nang pumasok ito sa sasakyan. Hinintay nilang makaalis muna ito bago sila tuluyang pumasok sa kakahuyan.

MATAPOS ANG MAHIGIT dalawang oras na paglalakad ay biglang huminto si Mattias sa tabi ng mga nakausling bato na nasa gilid ng daan.

"Magpahinga muna tayo rito, pansin ko kasing hinihingal ka na," anito nang nakangiti.

Hindi na siya kumontra pa. Talagang nakaramdam na siya ng pagod, paahon kasi itong tinatahak nila, at halos dalawang oras na rin silang naglalakad. Wala pang bakas na magpapahiwatig sa kanila kung malapit na silang makarating sa nais nilang puntahan.

Kinuha niya ang tubigan na nasa bulsa ng kanyang bag. Tinungga niya iyon, kahit paano'y natanggal ang pagkauhaw niya nang dumaloy ang malamig na likido sa kanyang lalamunan.

"Hindi ka ba nagugutom?" tanong ni Mattias.

Umiling siya.

"Kaya pa." Sinipat niya ang relong pambisig, pasado alas onse ng tanghali. "Kailangan nating makahanap ng ligtas na lugar, 'yong hindi tayo mapapansin ng mga Bangkilan," aniya.

"Iyan din ang naisip ko," wika ni Mattias.

Puro nagtataasang puno at mga huni ng sari-saring ibon ang maririnig sa buong paligid. Napaisip siya, saang lugar ang ligtas dito? Hanggang nasa teritoryo sila ng kalaban ay walang ligtas na lugar; anumang oras ay puwede silang atakihin ng mga ito.

Nang lumingon siya sa binata ay nahuli niya itong nakangisi matapos tunggain ang hawak na mineral water.

"Bakit?" Pinagtaasan niya ito ng kilay.

"Wala... ang astig kasi ng datingan mo, parang si Tsu Qi," anito, kasunod nang mahinang pagtawa.

Naikunot niya ang kanyang noo. Sa pagkakatanda niya, isa itong si Mattias sa dakilang tagahanga ni Tsu Qi, iyong bida sa So Close. Noong teenager sila, madalas nila iyong panoorin sa dvd pagkatapos ng eskwela. Kakaiba talaga ang lalaking ito, nakuha pa siyang asarin.

"Baka nakakalimutan mo kung bakit tayo nandito, Mattias?"

Hindi nakaligtas sa kanyang mga mata ang pagpalatak nito. "Sungit! Bagay sa 'yo ang maging assassin o kaya naman... maging amasona."

Babatukan sana niya ito pero agad siyang natigilan. Mula sa malayo ay may narinig siyang mga yabag, tila unti-unti ring bumibigat ang suot niyang kuwintas.

"Bakit, Zie?"

"May parating..." Dagli niyang inilibot ang paningin sa paligid at naghanap nang puwede nilang pagkublihan. "Kailangan nating magtago."

Mabilis na kumilos si Mattias. "Doon sa itaas. Bilisan mo," anito.

Inalalayan siya ni Mattias na umakyat sa paahong bahagi sa gilid ng daan. Kumapit sila sa mga nakausling ugat ng puno, ilang sandali pa'y maayos silang nakarating sa itaas at nagkubli sa likod ng malaking puno. Dumapa sila sa lupa na nalalatagan ng mga tuyong dahon, tiniis na lang niya ang singaw ng lupa na sumuot sa kanyang ilong. Mabuti na lang at may matataas na damo sa kanilang harapan, sapat para ikubli sila nang tuluyan. Ngunit ganoon pa man, pinilit niyang sumilip sa maliit na siwang sa pagitan ng mga dahon ng damo, nais niyang matanaw kung sino man ang parating.

Pigil ang kanyang paghinga, habang palapit ang mga yabag ay lalo namang bumibilis ang kabog ng dibdib niya.

"Nasaan na 'yong sinasabi mong parating?" bulong ni Mattias. Nang lingunin niya ito ay muntikan pang magdikit ang mga mukha nila.

"'Wag kang magulo... maghintay ka lang." Gusto na niyang itulak ang ulo nito na nakipagsiksikan at nakisilip din sa maliliit na siwang.

Ilang minuto ang lumipas bago tuluyang dumaan sa tapat nila ang isang lalaki, matikas ang pangangatawan ngunit kapansin-pansin ang punit-punit nitong kasuotan na may bakas pa ng sariwang dugo. Marami itong sugat sa braso, halatang galing ito sa pakikipaglaban.

Ang akala niya'y makakahinga na siya nang maluwag pero hindi pa pala. Biglang huminto sa paglalakad ang lalaki, muli itong pumihit pabalik saka tumigil sa tapat nila, nakatuon sa lupa ang paningin nito. Nang sipatin niya kung ano ang tinitingnan ng lalaki ay nadismaya siya.

Dinampot ng lalaki ang plastic ng mineral water at dinala iyon sa tapat ng ilong saka inamoy-amoy.

Naloko na. Nakita niyang ibinalik iyon ni Mattias sa bulsa ng bag nito, marahil ay nalaglag ito noong umaakyat sila kanina at gumulong patungo sa gitna ng daan.

Nagpalinga-linga ang lalaki sa ibaba at kitang-kita niya ang pagbabago sa mukha nito. Kanina lang ay halatang may iniinda itong sakit sa katawan, ngayon ay naging matigas na ang awra nito. Nagbago ang kulay ng mga mata, naging pula at nagkaroon din ng maiitim na ugat sa pisngi nito hanggang leeg.

Kinagat niya ang kanyang pang-ibabang labi sa pagpipigil na hindi makalikha ng ingay. Mas lalo niyang idinikit ang kanyang ulo sa lupa, saka dahan-dahang nilingon ang kanyang katabi. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang hawak na ni Mattias ang baril na kanina lang ay nakasukbit sa baywang nito. Kung matigas ang anyo ng lalaki sa ibaba, ganoon din ang awra ni Mattias, mukhang handa nitong iputok ang armas na iyon oras na malagay sila sa alanganin.

Huminga siya nang malalim bago
kinuha ang isa sa mga patalim na nakasabit sa sinturong nakapulupot sa kanyang baywang. Kailangan din niyang maghanda at maging alerto.

Pakiramdam niya ay biglang bumagal ang oras, sa bawat segundo ay tila nasa bingit sila ng kamatayan. Batid na niya ang kakayahan ng isang Bangkilan, kaya dapat lang na hindi siya maging kampante kahit pa mayroon siyang agimat na tinatawag.

Sinilip niyang muli ang lalaki at sa pagkakataong iyon ay tila nahulog siya sa bangin nang magtama ang mga mata nila. Agad na kumabog ang dibdib niya at awtomatikong yumuko.

"Shit!" bulong ni Mattias. Naramdaman niya ang malapad nitong kamay sa ibabaw ng kanyang ulo dahilan para lalo siyang sumubsob sa mga tuyong dahon, kulang na lang ay pumasok iyon sa bibig niya.

Napapitlag sila nang biglang may lumundag hindi kalayuan sa kanilang pinagkukublihan. Dinig nila ang mabagal na paghakbang ng lalaki palapit sa kanila. Bawat lagatik ng mga tuyong dahon at maliliit na sanga sa tuwing natatapakan ito ng lalaki ay lalong nagpapabilis sa kabog ng dibdib niya. Nagpapatunay na hindi pa siya handa sa ganitong pagkakataon. Ramdam din niya ang mabigat na paghinga ni Mattias, nakapatong pa rin ang kamay nito sa likod ng kanyang ulo. Ipinikit na lang niya ang kanyang mga mata.

Lord, ikaw na ang bahala sa amin.

"Isa... dalawa... tat---"

Siniko niya si Mattias saka ito pinandilatan ng mga mata. Nakaumang sa direksyon ng lalaki ang hawak nitong baril.

"Lalo tayong mapapahamak kapag ipinutok mo 'yan!" nanggigigil niyang sabi bagamat pabulong lamang.

Hindi nakaligtas sa paningin niya ang pagtagis ng bagang ni Mattias.

Nang muli siyang bumaling sa gawing kinaroroonan ng lalaki ay nahagip ng paningin niya ang kanyang suot na kuwintas, nakalabas na pala ito sa ilalim ng kanyang damit at ngayon ay nakalantad na ang hugis tatsulok na medalyon. Halos lumuwa ang mga mata niya nang makitang tila kumikinang ito. Dala lang ba ito ng takot kaya kung ano-ano ang nakikita niya?

Nawala ang atensyon niya sa kuwintas nang matanaw ang pigura ng lalaki, ilang hakbang na lang ang layo nito sa kanila. Pigil ang kanyang paghinga, ni hindi na niya magawang gumalaw at hinayaan na lang na tumulo ang butil-butil na pawis sa kanyang noo. Mahigpit niyang hinawakan ang patalim sa kanyang nanginginig na kamay, kapag nasa alanganin na, mapipilitan silang lumaban.

Luminga-linga ang lalaki, para itong asong singhot nang singhot, inaamoy ang buong paligid at naghahanap kung saan naroon ang mga kargamento.

Napaawang ang bibig niya nang biglang tumakbo ang lalaki at nilampasan sila. Nahawi pa ang mga damo sa harapan at humampas iyon sa ulo nilang dalawa ni Mattias. Posible kayang hindi sila nakita nito?

Agad niyang hinawakan ang medalyon at kumikinang pa rin ito.

Hindi nga kaya nakita ng lalaki sina MacKenzie at Mattias o inihahanda lang sila nito sa isang patibong?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top