Chapter 15

Pagsilip sa Nakaraan (1932)

Maaliwalas ang panahon nang umagang iyon. Malamig ang simoy ng sariwang hangin at maririnig ang mga huni ng ibon mula sa mga punong kahoy. Larawan ng isang umagang mapayapa, ngunit abala ang lahat.

Bawat isa sa Tribong Sighay ay mayroong ginagawa. Ang mga kalalakihan ay maagang nagpunta sa bukid para anihin ang mga pananim na gulay, ang iba ay nagtungo sa gubat na nasa paanan ng bundok para mangaso. Ang mga babae naman ay nagwawalis sa paligid ng kanilang kubo at nagsisiga naman ng mga naipong tuyong dahon ang ilang matatanda.

May mga binatang nagkukumpulan sa ilalim ng mayabong na puno. Ang iba'y nakasuot ng kangan at bahag, may ilan namang sa halip na tradisyonal na kasuotan ng kanilang tribo ang isuot ay mas piniling magsuot ng kamiseta't pantalong nakatupi hanggang tuhod. Masaya silang nagtawanan at nagpagalingan sa pagsibak ng kahoy.

Samantalang ang mga kadalagahan naman ay nasa tabing ilog. Suot nila ay blusang maluwang ang manggas at makukulay na palda. Abala sila sa paglalaba ng mga kasuotan at telang gagamitin nila sa darating na pagdiriwang. Malapit na kasi ang piging na dinaraos isang beses sa isang taon sa kanilang tribo.

May mga batang masayang naglalaro sa tabi ng ilog. Ang ilan ay naghahabulan, maliban kay Gustavo na nasa pitong taong gulang pa lamang at abala sa panghuhuli ng tutubi. Suot niya'y puting polo na may mahabang manggas, kulay tsokolateng pantalon na ang laylayan ay nakapaloob sa bota na siyang sapin sa paa.

Sa kakasunod niya sa isang kulay dilaw na tutubi ay napalayo siya sa mga kasama. Dahan-dahan siyang humakbang palapit sa malaking bato kung saan dumapo ang tutubi na kanyang sinusundan. Nakapagkit ang ngiti sa mga labi niya habang inilalapit ang mga daliri sa buntot ng kawawang insekto.

"I-sa, dalawa, tatlo! Huli ka!" Bigla siyang tumawa habang hawak ang buntot ng tutubi, masayang pinagmasdan ang kumakawag na pakpak ng insekto.

"Bulaga!"

"Mierda!" Biglang may sumulpot sa harapan ni Gustavo kaya napaurong siya at nabitiwan ang hawak na insekto.

"Nagulat ka ba, kaibigan?" tanong ng bagong dating.

Nalukot ang mukha ni Gustavo at masamang tingin ang ipinukol niya sa kaharap."Sino naman ang 'di magugulat sa iyo, Damian? Bigla ka na lang sumusulpot diyan, e!"

"Ano ba kasing ginagawa mo rito, Gustavo? Bakit wala kang kasama?"

Saka lang na pansin ni Gustavo na medyo malayo na pala ang kanyang narating pero natatanaw pa rin naman niya ang mga kasama.

"Wala lang... nanghuhuli ng tutubi. Ikaw? Nasaan ang kuyang mo?" .

"Nandiyan lang 'yon sa paligid, naghahanap ng pagkain," sagot ni Damian.

"Pagkain na naman? Iyan din ang sabi mo noong isang araw, e... sumama ka na lang sa balay, marami kaming pagkain doon. Bibigyan kita," mungkahi niya.

"Huwag na. Manguha na lang tayo ng Bayabas, baka mamaya pa bumalik si Kuyang," anito habang kumakamot sa ulo.

Tumango si Gustavo. "Sige. Tara!"

Gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Damian, nagpatiuna na ito sa paglalakad habang nakasunod si Gustavo.

"Gustavo! Gustavo!"

Napahinto sa paglalakad si Gustavo nang marinig ang boses ng kanyang ina sa 'di kalayuan. Agad siyang lumingon sa pinanggalingan ng boses, natanaw niya ang ina na tinatahak ang daan patungo sa kanyang kinaroroonan.

"Sandal---" Nang ibalik niya ang paningin kay Damian ay wala na ito roon. "Sa'n na nagpunta 'yon?"

"Anak! Ano'ng ginagawa mo rito? Hindi ba ang sabi ko'y 'wag kang lalayo?"

Hindi na sumagot si Gustavo, nagpatianod na lang siya nang akayin ng kanyang ina pabalik sa balay. Nakakunot ang kanyang noo habang palingon-lingon sa paligid.

KINAHAPUNAN NANG araw ring iyon ay masayang sinalubong ng Tribong Sighay ang pagdating ng mga kalalakihang nanggaling sa pangangaso. Kabilang sa mga bagong dating ang ama ni Gustavo na si Carlos Mondragon at ang mga kaibigan nito.

"Magaling! Marami kayong nahuli ngayong araw... tamang-tama iyan para sa pagdiriwang natin bukas," masiglang wika ni Ka Simeon, ang pinuno ng tribo. Bagamat matanda na ay palagi pa ring may nakasabit na kampilan sa baywang nito. Bahagya nitong tinapik ang balikat ng manugang na si Carlos.

Ngumiti lang si Carlos at bahagyang yumuko sa kanyang biyanan. Masaya niyang tiningnan ang mga kasama habang ibinababa ng mga ito sa lupa ang mga nahuli nilang hayop.

"Papa!" tawag ni Gustavo, tumakbo ito palapit kay Carlos. Sinalubong naman ito ng yakap ng ama, pagkatapos ay bahagyang ginulo ang buhok ng anak.

"Kumusta? Hindi mo na naman ba tinakasan ang iyong ina?" tanong ni Carlos. Lumapad ang pagkakangiti niya habang nakatitig sa anak.

Umiling si Gustavo. "Hindi po, papa, mabait ako ngayong araw!"

"Muy bien! Mabuti naman kung gano'n."

Mayamaya ay lumapit din si Helga. Napakaganda nito sa suot na blusa at mahabang palda. Malayang inililipad ng hangin ang ilang hibla ng mahaba nitong buhok. Nakaukit sa mga labi ang matamis na ngiti at nangungusap ang mga mata habang pinagmamasdan ang mag-ama.

"Mabuti naman at maaga kayong nakauwi, akala ko'y aabutin na naman kayo ng gabi sa bundok." Pinunasan nito ang pawisang katawan ni Carlos.

Tinanggal ni Carlos ang suot na sumbrero at biglang hinapit sa baywang ang asawa saka mabilis na ginawaran ng halik sa labi.

"Akala mo lang 'yon, Mi Esposa."

Muli sanang hahalik si Carlos ngunit kinurot ito ni Helga sa tagiliran.

"Maghunos-dili ka, nariyan ang anak mo," bulong nito.

Nang marinig ang sinabi ng ina at nakitang nakakunot-noo ang ama ay biglang bumungisngis si Gustavo. Kalaunan ay nakitawa na rin ang mag-asawa. Ngunit natigil ang masayang tawanan ng mag-anak nang marinig nilang may sumisigaw.

"Carlos! Pinuno! Tingnan n'yo ito, dali!" sigaw ni Hector Suariz, ang isa sa mga kaibigan ni Carlos. Nakasukbit sa balikat nito ang mahabang baril na siyang gamit sa pangangaso. Nanlalaki ang mga mata nito at hindi mapakali sa kinatatayuan habang itinuturo ang malaking sako na maraming dugo at nakalapag sa lupa.

May ilang naunang tumakbo patungo sa kinaroroonan ni Hector.

Mabilis na lumapit si Carlos, agad niyang tiningnan ang malaking sako na pinaglagyan niya nang nahuling usa. Hiwakan niya ang dulo ng sako at ubod lakas na itinaas iyon upang mailabas ang laman na nasa loob ng lalagyan. Nang malantad sa kanila ang laman niyon ay nagsimulang umugong ang malakas na sigawan ng mga tao sa paligid. Ang iba ay napatakbo palayo, may ilan na napatakip sa mga mata at natutop ang bibig.

Maging si Carlos ay agad na nabitiwan ang hawak na sako, halos lumuwa ang mga mata niya habang nakatitig sa walang saplot na katawan ng isang binatilyo sa kanilang harapan. Nakabaluktot ang katawan nito dahil sa ilang oras na pagkakasilid sa sako. Halos mapuno ng dugo ang buong katawan nito dahil sa tama ng palasong ginamit niya kanina.

"Mierda! Paano nangyari 'to! Sino ang lalaking iyan?" Agad na sumiklab ang kaba sa dibdib ni Carlos. Nagtatanong ang kanyang mga mata habang isa-isang tiningnan ang mga kasama.

"Usa ang isinilid natin sa sakong 'yan, hindi ako pwedeng magkamali!" turan ni Hector. Ang tatlo sa mga kaibigan nila ay tila natuod na sa kinatatayuan. Wala ni isang salita ang lumabas sa bibig ng mga ito.

Biglang hinawi ni Ka Simeon ang ilan sa mga ka-tribong nakikiusyuso. Nang makalapit sa gitna ay agad nitong sinalat ang leeg ng binatilyo at sinuri ang sugat nito. Ilang sandali pa'y malungkot itong napailing, isang buntong hininga ang pinakawalan nito bago lumingon kay Carlos.

"Patay na ang lalaking ito. Malubha ang tinamo niyang sugat kaya imposibleng mabuhay pa siya," pahayag ni Ka Simion.

"P-pero, itang, isang usa ang tinamaan ko at isinilid sa sako-paanong naging tao ang laman niyan?" turan ni Carlos.

"Hindi ko rin alam, Carlos. Mukhang totoo ang kwento ng aking mga ninuno tungkol sa mga nilalang na may kapangyarihang magpalit ng anyo. Ang tawag sa kanila ay Bangkilan, ang sabi ng mga matatanda ay nagmula ang angkan nila sa mga anghel na ipinatapon sa lupa, dahil pumanig ito sa masama."

Muling umugong ang malakas na bulungan sa buong paligid. Ang mga babae ay napayakap sa kanilang mga anak.

Kung ganoon, ang nilalang na ito ang tinutukoy ng kwintas na suot ni Carlos nang magbigay ito ng babala. Ang akala niya'y sa lugar na kanyang pinagmulan lamang mayroong mga nilalang na hindi pangkaraniwan, maging dito pala sa bago niyang tahanan ay mayroon din. Simula pagkabata ay nasanay na siyang makakita ng mga nakakatakot na nilalang, katulad na lang ng bampira at mga mangkukulam. Dahil ang kanyang pinagmulang angkan ay galing sa mga manunugis ng mga nilalang sa dilim.

"Itang, ano na ang gagawin natin ngayon? Hindi ko naman sinadya na mapatay ang isang 'yan!" Napasabunot na lang si Carlos sa sariling buhok.

"Kailangang ilibing agad ang bangkay, bago pa malaman ng mga kauri nito na galing sa tribo natin ang nakapatay sa isang 'yan! Siguradong manganganib ang buong Sighay kapag nagkataon!" pahayag ni Apo, ang matandang albularyo sa kanilang lugar.

"Tama ang sinabi ni Apo! Ilibing agad ang bangkay na ito, pagkatapos ay ituring n'yong isa lamang masamang panaginip ang lahat. Walang kakaibang naganap ngayong araw! Kailangan nating ilihim ang lahat nang ito!" turan ni Ka Simeon.

Agad namang tumalima ang mga kaibigan ni Carlos.

"Lolo, kilala ko po ang binatilyong iyan," sabi ni Gustavo nang akmang bubuhatin na nina Hector at Carlos ang bangkay. Natigilan ang dalawang lalaki.

"A-ano'ng sinabi mo, anak? Paano mo nakilala ang lala---"

"K-kapatid niya 'yong batang lalaki na madalas pong makipaglaro sa akin, si Damian... siya naman po si Kuya Darrius, papa."

Agad na lumapit si Helga sa anak at niyakap ito.

"Diyos ko! Kinakaibigan ka ng mga asuwang, anak. Paano na lang kung may masama silang balak sa 'yo?" Mahigpit na yakap ang ginawad ni Helga sa anak, puno nang pag-alaala ang mga mata nito.

"Kung tama ang sapantaha ko, hindi sila basta-basta lumalapit sa tao... pwera na lang kung may masama silang binabalak!" wika ng pinuno.

Muling nagbigay ng mga kuro-kuro ang mga tao sa paligid.

****

NANG KASALUKUYANG iyon ay nagsimula nang kumalat ang dilim, nag-umpisa nang sindihan ang siga sa gitna ng malawak na bakuran sa harap ng malaking bahay ni Ka Simeon. Ang mga ilaw ng lampara sa bawat kabahayan ay nagsimula na ring kumislap at magbigay ng liwanag.

Matigas ang anyo ng pinuno habang pinupulong nito ang mga ka-tribo. Ipinag-utos nitong ibalot sa banig ang bangkay ng binatilyo bago ito ilibing ngayong gabi.

"Ngayon, nalaman na natin na totoo ang mga Bangkilan, iminumungkahi kong bantayan n'yo ang inyong mga anak! Maging alerto kayo! Kailangang magkaisa tayo, maging mapanuri sa mga kahina-hinalang kilos. Hindi naman yata lingid sa inyong kaalaman ang kwento tungkol sa kanila... Nagpasalin-salin na ang kwentong iyon sa ating mga ninuno. Sinasabing, ang mga Bangkilan ay kayang manggaya anumang wangis ang naisin nila. Mayroon daw silang pambihirang lakas, bilis, at higit sa lahat... kumakain sila ng tao!" mahabang litanya ni Ka Simeon habang palakad-lakad sa gitna ng hugis bilog na pormasyon ng mga ka-tribo nito. Sa pinakagitna ay naroon ang siga na siyang nagbibigay ng liwanag sa mga taong naroroon. Nakalatag din sa lupa ang banig na naglalaman ng bangkay ng binatilyo.

"Mahabaging Diyos, 'wag naman sana silang sumalakay rito sa atin," sabi ng isang matanda.

"Sana nga! Sinasabi ko ito, hindi para takutin kayo... kundi ang maging handa tayong lahat sa maaaring mangya---"

Naputol ang pagsasalita ni Ka Simeon nang makarinig sila nang sunod-sunod na pag-alulong ng aso na nanggagaling sa kakahuyan, ilang metro ang layo mula sa kanilang kinalalagyan.

Biglang tumahimik ang lahat at sabay-sabay na lumingon sa pinanggagalingan ng ingay. Animo'y nakabitin sa ere ang mga hininga nila, nagmistulang nasa gilid ng bangin at anumang oras ay puwede silang malaglag doon at bawian ng buhay.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top