Chapter 14
KAUUWI LAMANG sa bahay ni MacKenzie, galing siya sa lamay at wala namang kakaibang kaganapan doon. Iyon nga lang, masyadong tahimik ang gabi kaya naman hindi niya maiwasan na kabahan. Ayon sa kanyang lolo'y senyales daw iyon na may paparating na delobyo sa kanilang lugar. Sa halip na matulog at magpahinga sa kanyang silid ay mas minabuti niyang magtungo sa ilalim ng kanilang bahay, bitbit niya ang itim na backpack.
Isa-isa niyang isinilid sa dalang bag ang mga bagay na puwede niyang magamit sa bundok. Sa una ay ayaw pumayag ng lolo niya na magtungo silang dalawa ni Mattias doon, alam kasi nito na mapanganib talaga ang binabalak nilang gawin. Ngunit nagpumilit talaga siya, gusto niyang subuking hanapin ang mga mahal niya sa buhay. Paano nga kung buhay pa ang mga ito at bihag lang ng mga Bangkilan? Siguradong naghihintay ang mga ito sa tulong na darating kahit pa napakababa ng porsyento na may tumulong sa mga ito. Sa huli ay napapayag din niya ang matanda.
Tinitigan niya ang iba't ibang armas na nakasabit sa dingding. Sinuri kong alin doon ang pwede niyang gamitin sakaling mapalaban sila sa bundok. Ngunit wala siyang maibigan isa man sa mga kampilan at katana na naroon. Masyado kasi itong mahahaba, mukhang hindi siya komportambleng magbitbit noon paakyat sa bundok. Isang buntong hininga ang pinakawalan niya bago siya tumalikod at tinungo ang hanay ng mga eskaparate.
Huminto siya sa tapat ng isang eskaparate na halos nalatagan na ng makapal na alikabok. Kunot-noo niyang pinunasan ang salamin gamit ang kanyang kamay hanggang sa malantad sa kanyang paningin kung ano ang nasa loob nito.
"Maganda ang armas na 'yan, nieta. Siguradong magugustuhan mo at babagay sa 'yo."
Hindi na siya nag-abalang lingunin ang matanda. Alam niyang nasa bungad ito ng basement at prenteng nakasandig sa pader habang hawak ang tungkod. Mayamaya pa ay naramdaman na niya ang marahang paghakbang nito palapit sa kanya.
"Pwede ko bang tingnan ito, 'lo?"
"Sige. Iyan din ang naisip kong ibigay sa iyo. Sapagkat, ang armas na 'yan ay pag-aari ng isang babae."
"I-isang babae? Kay lola po ba ito?"
Biglang tumawa ang lolo niya. "Pag-aari iyan ni Ivonna Mondragon-La Viste, ang ikatlong naging tagapangalaga ng kwintas na suot mo."
Agad na nanlaki ang mga mata niya. Nabasa nga niya ang pangalang iyon na nakatala sa lumang libro. Paanong napunta sa pangangalaga ng lolo niya ang armas na iyon?
Binuksan ng lolo niya ang salamin ng eskaparate at kinuha ang bagay na nakasilid doon. Isang sinturon na gawa sa balat ng hayop, sa magkabilaang gilid nito ay nakasabit ang dalawang klase ng armas. Ang isa na nasa kaliwa ay tinanggal ng lolo niya sa lalagyan at saka iniabot sa kanya.
"Ingat lang sa paghawak, baka masugatan ka."
Tumikwas ang dulo ng labi niya dahil sa sinabi ng kanyang lolo, pero kinuha pa rin niya ang bagay na iniabot nito. Isinuot niya ang apat na daliri ng kanyang kaliwang kamay sa maliliit na butas na nasa bandang gitna ng crescent knife. Malamig ang bakal na hawakan at sumuot iyon sa kanyang kalamnan. Napangiti siya nang iangat ang kanyang kamay, bagay na bagay kasi roon ang armas na hawak niya. Kumintab ang talim nito nang tumama roon ang mapusyaw na liwanag mula sa bombilyang nakasabit sa gitna ng basement. Siguradong ibayong kirot at malalim na hiwa ang dulot niyon sa kanyang makakalaban.
"Ang ganda naman nito, 'lo." Napangiti siya habang nakatitig pa rin sa armas. May idea na siya kung paano gagamitin nang epektibo ang bagay na iyon.
"Mas maganda kung gagamitin mo rin ito, nieta." Nakangiti rin ang kanyang lolo nang lingunin niya ito. Bumaba ang tingin niya sa kamay nitong may hawak na double blade dagger, nasa isa't kalahating dangkal siguro ang haba ng bagay na iyon sa tantsa niya.
Tumango siya saka kinuha ang iniaabot nito sa kanya.
Astig!
Sa kaliwang kamay niya ang crescent knife at sa kanan naman ang double blade dagger. Mas lalong lumapad ang pagkakangiti niya.
Umatras siya nang tatlong hakbang pagkatapos ay tinitigan niya ang matanda, mukhang naintindihan naman nito ang nais niya kaya tumango ito. Humakbang ito paurong pagkatapos ay iniumang sa kanya ang tungkod na nasa kanang kamay nito, habang ang kaliwang kamay naman ay nakaposisyon sa tapat ng dibdib. Matigas ang itsura ng kanyang lolo kaya biglang bumilis ang tibok ng puso niya. Mukhang nagkamali yata siya sa paghamon dito, baka tutuhanin nito ang laban nila. Siya ang naghamon kaya wala siyang choice kundi ang umatake.
Huminga siya nang malalim at mahigpit na hinawakan ang mga armas sa magkabilaang kamay niya. Walang anu-ano'y bigla niyang sinugod ang kanyang abuelo. Alerto naman ang matanda dahil mabilis itong nakaiwas sa pag-atake niya. Nasasalag ng tungkod nito ang bawat igkas ng kamay niya sa tuwing nakakalapit siya rito. Umikot siya sabay wasiwas ng crescent knife sa bandang leeg nito ngunit mabilis itong nakailag. Naramdaman na lang niya na tumama ang dulo ng tungkod nito sa ibaba ng kanyang tuhod. Nawalan siya ng balanse kaya bigla siyang napaluhod sa sahig, nabitiwan din niya ang dagger.
Grabe! Ang sakit n'on, ah! Napangiwi siya. Nang lingunin niya ang matanda ay nakangisi pa ito.
Wala talaga siyang panama sa tungkod nito.
Nang makita ang dagger sa sahig ay agad niya itong dinampot at buong lakas na ibinato sa matanda. Kumakabog ang dibdib niya habang nakasunod ang paningin sa lumilipad na patalim. Isang dangkal na lang ang layo nito bago bumaon sa noo ng lolo niya ngunit nagawa pa ring yumuko ng matanda. Tila tumigil ang kanyang paghinga nang mga sandaling iyon, nakaawang ang kanyang bibig at pinagmasdan ang mga bubog na nalaglag sa sahig. Nagdulot iyon ng ingay na pumuno sa buong silid. Nabasag kasi ang salamin ng eskaparate na nasa likod ng kanyang lolo dahil tumagos doon ang dagger na ibinato niya.
"Mierda! Muntik na akong matigok do'n, ah!" reklamo ng matanda.
"Sorry, 'lo." Agad niya itong nilapitan at saka niyakap. Nagsisi rin siya sa kanyang ginawa. Paano na lang kung hindi ito nakailag? Baka dalawa na ang paglalamayan nila bukas.
Tinapik-tapik nito ang balikat niya kaya naman nakahinga siya nang maluwag. Baka kasi bigla na lang siyang hambalusin ng tungkod nito; masakit iyon.
"Ako na lang ang maglilinis n'yan bukas," sabi ng kanyang lolo nang akmang pupulutin niya ang mga bubog. "Baka masugatan ka pa. Kunin mo na lang iyong dagger at isilid mo rito." Sabay abot sa kanya ng sinturon.
Kinuha naman niya ito at saka ibinalik ang mga armas sa magkabilang gilid ng sinturon. Sinubukan niya itong isuot sa kanyang balakang. Bongga! Sukat na sukat ito sa kanyang katawan, kung hindi lang niya alam na pag-aari ito ng isa sa kanyang ninuno. Malamang, iisipin niyang sadyang ginawa ang bagay na iyon para sa kanya.
"Sigurado ka ba sa gagawin mo, Mackie? Mapanganib ang plano ni Mattias, hanggat maaari ay ayaw ko kayong malagay sa alanganin."
"Nakita ko naman ang punto ni Mattias, 'lo... umaasa pa rin akong buhay sila. Wala namang masama kung susubukan namin na hanapin sila."
"Iyon lang ba talaga ang dahilan, Mackie? Kilala kita..."
Napakunot ang noo niya nang lumingon siya sa matanda.
"Ano'ng sinasabi n'yo, 'lo?" Isang ngiti ang gumuhit sa kanyang labi.
"Sus! Papunta ka pa lang, pabalik na ako... alam na alam ko ang ibig sabihin ng ngiting iyan. Pero pinapaalala ko lang sa iyo, Mackie, umayos ka! Unahin mo ang malaking problema natin kung ayaw mong hambalusin kita nitong tungkod ko!"
Bigla siyang bumunghalit ng tawa.
"Si Lolo talaga, kung anu-ano ang sinasabi."
Masaya silang nagtawanan.
"Bueno. Kunin mo na ang mga kailangang dalhin, pagkatapos ay umakyat ka na at magpahinga. Maagang dadaan dito si Mattias, kaya dapat ay nakahanda ka na."
Tumango siya bago lumapit sa matanda saka ito ginawaran ng isang halik sa noo.
"Salamat, 'lo," aniya.
KINABUKASAN AY maagang nagising si MacKenzie, may mga ingay siyang narinig mula sa labas ng bahay. Agad siyang bumangon at lumabas ng kanyang silid. Hindi na niya nagawang mag-ayos ng sarili, dali-dali siyang bumaba at tinungo ang harap ng bahay nila.
Naabutan niyang nakatayo ang lolo't mama niya sa terasa, naroon na rin si Mattias.
"Ano po ang nangyari dito?" tanong niya sa kanyang ina. Nagpapalit-palit ang tingin niya sa mga ka-baryong naroon. May dalawang babae na umiiyak at tila hindi ito mapakali.
"Nawawala raw ang mga tanod natin na nagpatrolya kagabi, anak. Lahat sila ay hindi pa umuuwi hanggang ngayon," sagot ng kanyang ina.
"Baka naman po nasa paligid lang o kaya naman may pinuntahan sila. Baka nakatulog sila kung saan," turan niya.
"Maliit lang po itong baryo natin, naikot na po namin ang lahat ng kalye pero wala po talaga sila. Nagtanong-tanong na rin kami sa mga ka-baryo natin pero wala raw po silang napansing mga tanod na dumaan kagabi," pahayag ng isang binatilyo.
Agad siyang kinabahan. May mga posibilidad na naglalaro sa kanyang isipan ngunit hindi niya maisatinig. Sana lang ay mali ang hinala niya.
"Deus Mio. Saan na nagpunta ang mga 'yon?" Bigla na lang napaupo sa upuang kahoy ang kanyang ina. Nakakunot ang noo nito at puno ng pag-alaala ang mga mata, para itong binagsakan ng lagit at lupa.
Dahil sa ayos ng kanyang ina ay napabuntong hininga siya. Lumapit siya sa likuran nito at marahang hinaplos ang balikat. Nang maramdaman iyon ng kanyang mama ay agad nitong hinuli ang isang kamay niya saka hinawakan nang mahigpit. Ramdam niya ang lamig at panginginig ng kamay nito.
Isa na namang mabigat na problema ang nakaatang sa kanyang ina.
"Ang apat na tanod na nagbabantay sa patay kasama ni Antonio, nawala rin ba?" tanong ng lolo niya.
"Hindi po, sinior. Silang apat lang ang natira sa mga tanod ng baranggay," sagot ng isang babae.
"Masama ang kutob ko, baka kinuha sila ng mga Bangkilan!"
Nagbulungan ang mga taong naroroon nang marinig ang sapantaha ng kanyang abuelo. Iyon din ang nasa isip niya, wala naman kasing ibang gagawa noon kundi ang mga halimaw na iyon.
"K-kapitana, ano nang gagawin natin? B-baka kung ano na ang nangyari sa mga asawa namin..."
Kinuha nga kaya ng mga Bangkilan ang mga tanod sa baryo? Ano na ang gagawin nina MacKenzie at Senior Gustavo sa pagkakataong ito. Maubos nga kaya ang mga tao sa Baryo Mapayapa?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top