Chapter 12


Malaki ang mga hakbang ni MacKenzie pauwi sa kanilang bahay. Kailangan kasi niyang ipaalam sa kaniyang lolo ang nakita dahil hindi siya naniniwalang guni-guni lamang niya iyon. Nasa kabilang kanto lang naman ang bahay nila at halos limang daang metro ang layo nito sa kapilya. Lakad-takbo ang ginawa niya, panay rin ang lingon niya sa kaniyang likuran. Para kasing may mga matang nagmamasid sa kaniya kaya hindi mawala-wala ang pananayo ng mga balahibo sa batok niya.

Bago siya lumiko sa may kanto ay mas lalong tumibay ang hinala niya. May sumusunod talaga sa kaniya, bagamat wala siyang naririnig na yabag ay hindi iyon dahilan para hindi niya makomperma ang presensya ng nilalang na nasa kaniyang likuran.

Alam kong ikaw 'yan! Siguradong pagsisisihan mo itong ginagawa mo!

Nagtagis ang kaniyang mga bagang. Kahit mabilis ang tibok ng kaniyang puso ay hindi niya hinayaang lamunin siya niyon. Pinanatili niyang kalmado ang kaniyang isip, iyon lamang ang makatutulong sa kaniya sa oras na iyon.

Hindi porke tumatakbo siya ay nabahag na ang buntot niya. Kailangan din ng utak lalo na kung may panganib na nakaabang.

Binagalan niya ang kanyang pagtakbo, tinantiya ang bawat galaw ng kung sinuman ang sumusunod sa kanya. Nang maramdamang sakto na ang distansiya nila'y agad siyang huminto. Walang ano-ano'y bigla siyang pumihit paharap sa kanyang likuran kasabay nang pag-igkas sa ere ng kanyang kanang paa, buong lakas na dumapo iyon sakto sa sikmura ng kanyang kaharap. Bago lumapat ang paa niya sa kalsada ay mahigpit na niyang naikuyom ang kanyang mga kamao, handang padapuin iyon sa mukha ng kalaban sakali mang hindi umobra ang una niyang ginawa. Ngunit hindi man lang nakaporma ang babae sa kanyang harapan, tila natuod ito sa kinatatayuan at hindi nagawang umiwas sa kanyang atake.

Nagmistula itong bola ng football nang tumilapon ito sa gilid ng daan. Tumama ang likod nito sa malaking puno ng Acacia, saka dumausdos pababa ang katawan nito, lupaypay ito nang bumagsak sa lupa. Dahil sa lakas ng puwersa ay naglaglagan ang mga tuyong dahon mula sa itaas ng puno. Halos mapanganga siya dahil hindi niya inaasahan na ganoon kalakas ang sipa niya. Pinakiramdamam niya ang kanyang paa, baka kasi nabali rin iyon dahil sa ginawa niya. Ngunit nagpalipat-lipat lamang ang tingin niya mula sa kanyang paa patungo sa katawan ng babaeng nakasalampak sa lupa.

Ilang minuto siyang nakatitig sa babae. Sinubukan nitong tumayo ngunit hindi nito nagawa. Muli itong napaluhod sa lupa, natatakpan ng mahabang buhok ang mukha nito kaya hindi niya mabistahan nang maayos. Rinig niyang napadaing ito habang nakahawak ang kamay sa balakang. Tumingala ito at marahang ginalaw-galaw ang balikat, rinig niya na nagsisitunugan ang mga buto nito. Mukhang sinusubukan nitong ayusin ang nagkabali-baling buto sa likod at balikat. Iginalaw nito nang paikot ang ulo.

"Sino ka!" Bigla itong natigilan sa ginagawa nang marinig siya.

Masamang tingin ang ipinukol niya rito, kung nakakatunaw iyon ay siguradong lusaw na ang babaeng ito. Ni kaunting awa ay wala siyang naramdaman kahit pa mukhang miserable ang ayos ng kanyang kalaban. Ang mga katulad nito ay hindi karapat-dapat na kaawaan.

Dahan-dahan nitong hinawi ang mahabang buhok na kasing itim ng gabi, kaya nasilayan niya nang tuluyan ang mukha nito; maamo iyon, kabaliktaran ng mga mata nitong nanlilisik at tila punong-puno ng poot.

Biglang may dumaloy na dugo sa gilid ng bibig ng babae. Sa halip na punasin iyon gamit ang kamay ay mabilis nitong inilabas ang dila saka dinilaan ang bahagi ng bibig nito kung saan may dugo. Isang ngiti ang gumihit sa mga labi nito matapos iyong gawin, tila sinadyang ipakita iyon sa kanya.

Nakakadiri ang babaeng ito! Ano'ng akala nito, maiinggit ako? Eww! Napangiwi siya habang nakikipaglaban nang titigan dito.

"Tandaan mo ang mukhang 'to, Mondragon! Sa susunod na pagkikita natin... titiyakin kong mamamatay ka sa mga kamay ko!" Bahagya nitong itinaas ang isang kamay, sapat para makita niya. Naningkit ang mga mata nito habang dahan-dahang ikinuyom ang kamao. Hindi rin nakaligtas sa paningin niya ang pag-igting ng panga nito.

Ngumiti siya nang mapakla. "Siguraduhin mo lang na buhay ka pa no'n! Baka naman ikaw ang mauna!"

Akala siguro ng halimaw na ito'y masisindak ako! Pwee!

Sa totoo lang ay hindi niya alam kung saan siya kumukuha ng tapang. Marahil ay sa suot niyang kuwintas.

"'Wag kang pakakampante, Mondragon!"

"Aba't!" Akmang susugurin niya ito pero bigla itong gumapang na parang si Sadako. Kahit halatang may iniinda ito sa katawan ay nagawa pa rin nitong gumapang nang mabilis. Hindi niya inaasahan ang ginawa nito. "Hoy! Duwag! Bumalik ka rito!"

Sinubukan niyang habulin ang babae, nang ilang hakbang na lang ang layo nito sa kanya ay agad siyang huminto.

Naikunot niya ang kanyang noo nang biglang naglaho sa kanyang paningin ang katawan ng babae. Tanging ang suot nitong blusang puti at itim na palda ang naiwang nakalatag sa lupa, nawala ang may suot.

Ilang segundo siyang nakatitig sa mga damit. Kumurap-kurap siya nang mapansing may gumagalaw sa ilalim ng tela. Halos malaglag ang panga niya nang lumabas sa blusa ang isang ibon na kulay itim. Lumundag-lundag ito sa lupa bago lumingon sa kinaroroonan niya. Pagkatapos ay bigla itong humuni nang malakas bago tuluyang lumipad palayo.

Pambihira! Nanlamig ang kanyang mga kamay dahil sa nasaksihan, tagaktak na rin ang pawis niya sa kilikili. Kung ganoon ay hindi nga biro ang kapangyarihang taglay ng mga Bangkilan, tanghaling tapat ay nagawa pa nitong magpalit ng anyo. AMAZING! Ano pa kaya ang kayang gawin nang mga ito?

Bago tuluyang umalis ay sinipat niya ang buong paligid. Mukhang wala namang ibang nakakita sa nagyari. Tirik na tirik si Haring Araw kaya walang naglalakad sa kalsada bukod sa kanya. Wala rin namang mga kabahayan sa gawing iyon, kaya marahil doon siya binalak na kalabanin ng babae.

Sinipa niya ang mga damit patungo sa damuhan. Napailing siya nang tumilapon ang mga underwear; sumabit sa ibabaw ng kamoteng kahoy ang bra ng babae. Hindi na siya nag-abalang tanggalin iyon doon.

PAGDATING NIYA sa tapat ng kanilang bahay ay may pulang SUV sa nakagarahe roon. Agad siyang pumasok sa loob. Natanaw niyang may kausap sa salas ang mama at abuelo niya. Nakatalikod sa gawi niya ang kanilang mga bisita, kaya hindi niya makilala kung sino ang mga ito.

Agad naman siyang napansin ng kanyang ina. Kunot-noo itong tumayo mula sa kinauupuan nito.

"Anak! B-bakit ganyan ang ayos mo? May nangyari ba?" Mabilis nitong tinawid ang pagitan nila, inayos ang mahabang buhok niya na nagkabuhol-buhol na. Pinunasan din nito ang mukha niyang tagaktak ang pawis.

"N-nandito sila, 'ma!"

"Mahabaging Diyos!" Napa-sign of the cross ang mama niya. Agad itong bumaling sa kanyang abuelo habang nakakunot noo at hindi mapakali. Nakuha agad nito kung sino ang tinutukoy niya, hindi lingid sa kaalaman nito ang tungkol sa mga Bangkilan. At isa pa'y naikuwento na rin kasi niya rito kung ano ang totoong nangyari noong gabing tinulungan nilang mag-lolo ang mag-anak ni Manang Carmen.

Katulad ng mama niya ay tinitigan din niya ang matandang lalaki, bigla itong napaupo ng tuwid mula sa kinauupuang Cleopatra. Hindi nakatakas sa kanyang mga mata ang pagtigas ng itsura nito, pati na rin ang mahigpit na pagkuyom ng mga kamao. Hindi niya maisatinig ang nais niyang sabihin sa kanyang lolo dahil sa mayroon silang mga bisita.

"A-ano nang gagawin natin, 'pa? Mukhang kumikilos na sila...." Biglang napahawi sa maikling buhok nito ang kanyang mama habang hinihintay ang sagot ng matanda.

"Kailangan mo nang pulungin ang mga tao, Martina. Mapanlinlang ang mga Bangkilan kaya dapat tayong maghanda! Dumating na ba 'yong delivery?"

"Hindi pa dumarat---"

"Mierda!" Tumayo ang lolo niya. "Bueno, magpatawag ka na muna ng pulong.

"A-ano'ng nangyayari, Martina?" tanong ng babaeng halos kaedaran lang ng kanyang ina. Lumingon ito sa kanilang mag-ina pati na rin ang lalaking kasama nito.

Hindi sinagot ng kanyang ina ang tanong nito. Sa halip ay nagpaalam ito sa dalawang bisita dahil may kailangan itong ayusin sa labas.

Napangiti siya nang makilala ang dalawang bisita at agad itong nilapitan matapos umalis ng kanyang ina.

"Tita Beatrice!" Lumapit siya rito, yumuko at saka nagmano sa babae. "Kumusta po kayo?"

"Mabuti naman, hija," malumanay na sabi nito. Gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Tita Beatrice ngunit halatang pilit lamang iyon, ni hindi iyon umabot sa magandang mga mata nito. Wala siyang nakitang kislap roon, sa halip ay kalungkutan ang nasilip niya. Nagkaroon na rin ng guhit ang noo nito na dati naman ay wala, tila naging humpak ang pisngi nito, nabawasan ang hinahangaan niyang ganda ng babae, kilala kasi niyang pala-ayos ito sa sarili. Palagi rin itong masigla, ma-kwento, ma-kwela sa tuwing nagkikita sila. Ngayon ay tila nawala na iyon, sabagay, katulad ng kanyang ina ay alam niyang mahirap ang pinagdadaanan nito.

"Ano'ng nangyari sa 'yo? Parang nakipaglaro ka nang habulan sa labas, ah."

"May nakaharap po kasi akong Bangkilan sa may kanto, tita." Kumunot ang noo nito.

Hindi niya alam kung tama ba na sinabi niya iyon sa babae. Nilingon niya ang kanyang abuelo at nakitang tumango ito, mukhang sang-ayon naman ito na ipaalam nila sa mga ito ang tungkol sa mga Bangkilan.

"Bangkilan?" sabat ni Mattias Suarez, ang nakatatandang kapatid ni Matteo Suarez. Rinig niya ang mahinang pagtawa nito. "Noong mga bata pa lang kami, ang salitang 'yan ang panakot sa amin ni Lolo Estev."

"Totoo sila, Mattias!" Matalim niyang tinitigan ang binata, hindi nga pala siya sigurado kung binata pa ito. Wala pa rin itong pinagbago ng ugali, masyadong antipatiko.

"Mabuti na lang at hindi ka kinain ng Bangkilan sa labas." Ngumisi ito nang nakakaloko.

Ang sarap batukan ng lalaking ito, ah!

Huminga siya nang malalim upang pigilin ang inis na nararamdaman niya. Kilala kasi niya ang lalaki, tuwang-tuwa ito kapag napipikon siya. Parang wala pa rin itong pinagkatandaan, isip bata pa rin. Sa halip na irapan ito ay nginitian na lang niya nang pagkatamis-tamis. Hindi niya alam kung tama ba 'yong nakita niyang biglang nangislap ang mga mata ng loko.

Biglang tumikhim ang lolo niya kaya nabaling sa matanda ang atensyon nila. Nakatalikod ito sa kanila at nakatanaw sa labas ng malaking bintana. Nakapaloob ang isang kamay sa bulsa ng suot na pantalon, habang ang kanang kamay naman ay nakahawak sa tungkod nito.

"Totoo ang mga Bangkilan, Beatrice, Mattias. Mahirap paniwalaan na may mga nilalang na katulad nila, ngunit kailangan n'yong maniwala. Mapanganib sila. Sila ang dahilan nang pagkawala ng mga mahal natin sa buhay."

"A-anong ibig n'yong sabihin, senior?" tanong ni Tita Beatrice. Halos magdikit na ang mga kilay nito habang nakatitig sa likod ng kanyang lolo. Palihim siyang lumingon kay Mattias, maging ito'y ganoon din ang reaksyon ng mukha.

"Alam kong naikwento sa inyo ng yumao mong ama ang tungkol sa kanila, Beatrice. Ganoon din ang ginawa ko sa aking mga apo, ngunit nakatakda na talaga ang mangyayari. Kahit anong pigil, kahit anong paalala, ang nakatakda ay nakatakda."

Para lubos na maunawaan ng mag-inang Suarez ang mga nangyayari ay inilahad ng kanyang lolo ang tungkol sa mga Bangkilan, pati na rin ang tungkol sa iniwang sumpa ng pinuno ng mga ito sa kanilang lahi. Nasa tabi lamang siya habang nagmamasid at tahimik na nakikinig.

Sino ang babaeng nakaharap ni MacKenzie? Makatulong kaya sa kanya ang pagdating ni Mattias?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top