Chapter 10
Hapung-hapo ang katawan ni MacKenzie, parang gusto na niyang ibaon ang sarili sa malambot na kama. Pero ang kaniyang mga mata ay hindi naman nakikisama. Alas-otso na pala ng gabi nang lingunin niya ang maliit na orasang nakapatong sa ibabaw ng kaniyang tokador.
Dahan-dahan niyang hinilot ang sariling noo at saka pinakawalan ang isang malalim na buntonghininga. Marami ang nangyari kaya parang sasabog na tuloy ang utak niya.
Nang dumating sila kanina ay pinagpahinga muna siya ng kaniyang ina. Maging ang lolo niya ay hindi na rin umangal nang pati ito ay pinilit ng mama niyang magpahinga. Mukhang batid nito na talagang napagod silang dalawa; marahil ay halata na iyon sa kilos at ayos nilang dalawa.
Ang mama na lang daw niya at ang mga ka-baryo ang siyang magtutulong-tulong sa pag-aayos ng maliit na kapilya para sa burol ni Manang Carmen.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin talaga siya makapaniwalang patay na si Manang Carmen. Sumakit ang puso niya nang maalala ang sanggol na nawalan ng pagkakaong masilayan ang mundo. Hindi na rin ito inilabas ng doktor dahil namatay na ito sa sinapupunan pa lang ng ina nito. Mabuti na rin siguro iyon. Sigurado siyang hindi ito nag-iisa dahil kasama nito si Manang Carmen hanggang sa kabilang buhay.
Dahil sa mga halimaw na iyon ay dalawang buhay na naman ang nawala. Kung hindi dahil sa kanila ay buhay pa sana ang mag-ina. Ito rin ang siyang dahilan nang pagkawala ng kaniyang kapatid at ama. Bigla niyang naikuyom nang mahigpit ang mga kamao, nagtagis ang mga bagang niya. Nag-umpisa na namang sumiklab ang apoy sa kaniyang puso; parang bulkan na gustong sumabog.
Walang mawawala sa pamilya ko mula ngayon! Humanda sila... talagang pagbabayarin ko sila!
Agad siyang bumangon. Sa isang iglap lang ay nawala ang pagkahapo niya. Ngayon pa ba siya magpapabaya, mapapagod o susuko? Sabi nga ng kaniyang abuelo ay nagsisimula na ang mga kalaban; dapat na rin siyang maghanda. Tama ang kaniyang ama, kailangan nga siya ng mga tao rito kaya dapat lamang na hindi niya biguin ang huling habilin nito.
Mabilis siyang naglakad patungo sa banyong karugtong lamang ng kanyang silid. Ilang segundo siyang tumayo sa harap ng salamin na nakadikit sa dingding, ang kaniyang mga kamao ay mahigpit na nakakuyom habang nakapatong sa malamig na tiles ng lababo. Hindi pa rin nawawala ang poot sa dibdib niya, upang maibsan ang nadarama ay lumapit siya at itinapat sa dutsa ang hubad na katawan, binuksan ang shower, at ilang sandali lang ay niyakap ng malamig na tubig ang buong katawan niya. Kahit paano'y kumalma ang nagpupuyos niyang damdamin.
Nang matapos maligo ay agad niyang isinuot ang skinny jeans at tinirnuhan iyon ng itim na t-shirt. Pupunta siya sa lamay kaya dapat lang na magsuot siya ng ganoong kulay. Itim din ang suot na sneaker shoes, komportable ang paa niya sa sapatos na iyon. Kahit makipaghabulan siya o makipagkarate ay siguradong puwede; hindi siya mahihirapan.
Habang nasa harap ng tokador at sinusuklay ang mahabang buhok ay biglang bumukas ang pinto ng kaniyang silid. Muntik na siyang mapalundag mula sa pagkakaupo sa taborete.
Mula sa siwang ng pinto ay sumilip ang lolo niya.
"'Lo, ginulat n'yo naman ako!" Mabuti na lang at hindi niya naibato rito ang hawak na suklay.
"Dapat ay magsanay kang maging alerto—talasan ang pakiramdam. Ano na lang ang magiging laban mo sa kanila kung ganyan ka?" Nakakunot ang noo nito habang naglalakad palapit sa kinaroroonan niya.
May punto naman ito. Hindi man lang kasi niya narinig ang mga yabag nito mula sa labas ng kaniyang silid.
"Wala ng panahon para magsanay ka pa, hija. Pero kailangang maging handa tayo anumang oras dahil siguradong lulusob sila!"
"Nakahanda naman ako, 'lo, hindi ko pa nakalilimutan ang eskrima na itinuro mo sa amin noon... isa pa'y nag-aral din ako ng jujitsu sa Maynila." Kampante siya dahil marami siyang alam sa martial arts na puwede niyang magamit sa pakikipaglaban.
Ngumiti ang matanda pero umiling-iling din ito.
Agad na tumaas ang isang kilay niya habang nakatitig sa matanda.
Hmm! Mukhang minamaliit ni Lolo ang kakayahan ko, ah!
"Mabuti naman kung ganoon. Maaari mo ngang magamit ang mga natutunan mo sa self defense... pero hindi sapat 'yon."
"Kahit na. Gagawin ko pa rin ang lahat para maprotektahan an pamilya natin. Ayokong may mawala na naman sa atin dahil sa kagagawan nila!" Muling kumulo ang dugo niya.
"May tiwala ako sa 'yo, hija. Matapang kang babae; walang dudang nagmana ka nga sa akin."
Bigla siyang napangiti dahil sa sinabi nito. Ang bilis talaga niyang magpalit ng emosyon. "Tama ka, 'lo."
Palagi rin namang nababanggit ng papa niya noon na magkaugali nga silang dalawa ng matanda.
"Bueno." Huminga ito nang malalim. "May nais akong ibigay sa 'yo," anito. Nakatayo ito sa kaniyang likuran. Pinagmasdan niya ang kilos nito mula sa salaming nasa harap niya habang patuloy lang siya sa pagsuklay ng buhok.
"Ano po 'yon?" Itinuon niya ang paningin sa mga kamay nitong ipinatong sa balikat niya. Napakunot ang noo niya. Wala naman itong dala, ano'ng ibibigay nito sa kanya? Bahagya nitong tinapik ang mga balikat niya.
Mayamaya'y inilabas ng matanda ang suot nitong kuwintas na kanina lang ay nasa ilalim ng damit nito. Nanlaki ang mga mata niya nang tinanggal iyon ng kaniyang abuelo sa leeg nito.
Mula noong bata pa siya ay suot na ito ng lolo niya. Ngayon ang unang pagkakataong nakita niyang inalis nito sa katawan ang bagay na iyon.
"Mula ngayon ay ipinapasa ko na sa 'yo ang kuwintas na ito, hija," anito habang isinusuot iyon sa leeg niya.
"Pero bak—" Magpoprotista sana siya dahil alam niyang mahalaga ang bagay na iyon sa kaniyang lolo.
Ngunit nang lumapat ang palawit ng kuwintas na hugis triangulong medalyon sa dibdib niya ay biglang nagbago ang kanyang pakiramdam. May malakas na puwersang unti-unting dumaloy sa mga ugat niya, parang nasusunog ang kanyang kalamnan. Nabitiwan niya ang hawak na suklay, at mabilis na sinapo ang kanyang ulo; tila sasabog iyon anumang oras. Napadaing siya at sinabunutan ang sariling buhok. Ilang sandali pa'y nahirapan na rin siyang huminga hanggang sa ang liwanag sa kanyang silid ay hindi na niya maaninag. Naipikit niya ang kanyang mga mata bago tuluyang nawalan ng malay.
Bumalik ang kaniyang malay nang marinig ang mahinang boses ng lolo niya.
Unti-unti niyang iminulat ang mga mata. Nakahiga na siya sa kama at nabungaran niya ang kaniyang lolo na nakaupo malapit sa kanang tagiliran niya, hawak nito ang hugis tatsulok na medalyon, nakapikit ang mga mata, at umuusal ng mga katagang hindi niya maintindihan. Mukhang nagsasagawa ito ng engkantasyon.
Biglang kumabog ang dibdib niya, animo'y may mga dagang naghabulan doon. Wala sa sariling itinaas niya ang isang kamay at akmang hahawakan ang braso nito. Bago pa man lumapat ang palad niya sa balat nito ay agad itong huminto sa pag-usal ng mga salita at saka dumilat. Tila nabitin sa ere ang kamay niya, bahagyang nakabukas ang bibig at nakatitig sa kulubot nitong mukha.
Sa dami ng gusto niyang itanong dito, ni isang salita ay walang lumabas sa bibig niya. Nagpabalik-balik na lang ang tingin niya sa mukha nito patungo sa kamay nitong nakahawak pa rin sa medalyon.
Unti-unting gumuhit ang ngiti sa mga labi ng matanda habang nakatunghay ito sa kanya.
"Mabuti't nagising ka na... kumusta na ang pakiramdam mo?"
Napakurap-kurap siya bago sumagot. "M-maayos na po... ano po ba ang nangyari? Ano'ng ginagawa n'yo?"
Huminga ito nang malalim. "Pasensya ka na. Ang ginawa ko'y para naman sa kabutihan mo."
"P-pero, 'lo! Hindi ko kasi maintindihan ang mga nangyayari... A-ano 'to?" Hinawakan niya ang medalyon. "Bakit bigla n'yo na lang itong ibinibigay sa akin?" Bumangon siya, at isang masamang tingin ang ipunukol niya sa kanyang lolo.
Nagsisimula na siyang mainis dahil sa mga nangyayari. Parang sasabog ang utak niya dahil punong-puno na ito ng mga tanong na wala pang kasagutan, tila pahina ng isang libro na dikit-dikit. Idagdag pa ang pakiramdam na parang may kakaiba na sa kanya.
Hinawakan nito ang mga kamay niya saka siya tinitigan sa mga mata. "Mackie... simula ngayon ay ikaw na ang bagong nagmamay-ari ng kwintas na iyan," anito na malumanay ang boses. Hindi ito natinag sa masamang tingin na ipinukol niya rito. "Ang naramdaman mo kanina ay normal lamang dahil tinanggap ng iyong katawan ang kapangyarihan ng kwintas."
Tumawa siya nang mahina.
"Ano 'to... kwintas ni Pepeng Agimat?" Kailan pa ito naging palabiro? Sa pagkakakilala niya rito'y isa itong seryosong tao. Bakit ngayon ay bigla na lamang itong nagsalita ng mga bagay na mahirap paniwalaan?
"MacKenzie, hindi ako nagbibiro! Ang bagay na 'yan ay dapat mong pahalagahan dahil nagmula pa iyan sa ating mga ninuno. Nagpasalin-salin sa mga piling miyembro ng ating angkan!" anito, "...iyan ay may taglay na kapangyarihan na magagamit mo sa pakikipaglaban sa masasamang elemento, katulad na lamang ng mga bangkilan. Sa pamamagitan n'yan ay mapapantayan mo ang lakas nila!"
Natigilan siya dahil sa sinabi nito at sa biglang pagtaas ng boses.
Ngumiti siya nang pilit, saka ibinaling ang tingin sa dingding ng kuwarto.
"Kung gano'n, paano kayo? Mukhang mas kailangan mo ito kaysa sa akin!" giit niya. Matanda na ito at mahina na rin, ano na lang ang mangyayari sa lolo niya kung sakaling tatanggapin niya ang bagay na iyon?
"'Wag mo akong alalahanin. Habang nasa katawan ko pa ang kakambal ng medalyong iyan ay wala kang dapat na ipag-alala. Mananatili akong buhay kasama n'yo."
Nag-echo sa kanyang pandinig ang huling sinabi nito. Kung ganoon ay may isa pa, at ito ang nagdurugtong sa buhay nito. Kahit paano ay gumaan ang pakiramdam niya. Ngunit hindi pa rin siya sigurado kung tuluyan niyang tatanggapin ang kuwintas.
Sinundan niya ito ng tingin habang tumatayo, mula sa kama ay lumipat ito sa taboreteng inuupuan niya kanina bago siya nawalan ng malay-tao.
"Meron pala kayo nito... bakit hindi mo ito ibinigay kay Papa? Baka nakabalik pa siya kung sakaling suot n'ya 'to."
Malalim na buntonghininga ang pinakawalan ng matanda. "Gustuhin ko man, Mackie, ngunit katulad ng nabanggit ko kanina... ang bagay na iyan ay ipinapasa lang sa napiling miyembro ng ating pamilya. Ang iyong ama ay walang marka kaya hindi ko puwedeng ibigay iyan sa kanya."
Napakunot-noo siya. "Marka? Ano'ng mark—"
"Ang pulang marka sa kaliwang balikat mo ay siyang tanda na ikaw ang susunod na itinakdang magmay-ari ng mga agimat. Wala si Carlos niyan kaya hindi ko pwedeng ipasa sa kanya. Hindi niya nakukontrol ang kapangyarihan ng mga agimat."
Napatango-tango siya.
"Kailangan mo iyang ingatan at panatilihing lihim sa sinuman, dahil oras na mapunta iyan sa maling tao... puwede niya itong magamit sa kasamaan at kapahamakan naman ang dulot sa iba."
Hindi niya alam kung maswerte ba siya dahil ipinanganak siyang may pulang marka, o malas dahil siguradong mag-iiba ang buhay niya. Makakaya kaya niyang maging katulad nito? Mukhang mabigat na pasanin ang nakaatang sa mga balikat niya.
"May gusto lang po akong itanong sa inyo."
"Ano 'yon? Sige, magtanong ka't sasagutin ko."
"Sinubukan n'yo ba silang hanapin sa bundok?"
Huminga ito nang malalim at malungkot na tumitig sa kanya. "Oo. Ilang beses ko silang hinanap, apo. Kahit mapanganib at suntok sa buwan na makita pa sila ay sinubukan ko pa rin silang hanapin. Ngunit hindi ko talaga sila nakita. Tanging ang lugar lamang kung saan nagpunta si Matteo at ang kapatid mo ang natagpuan ko. B-butas-butas ang tent na ginamit nila kaya sigurado akong inatake sila ng mga bangkilan."
Dahil sa narinig ay tumulo ang luha niya. Nawalan na siya ng pag-asa na buhay pa ang kapatid at ama. Umasa pa naman siya na kahit paano ay makababalik pa ang mga ito. Ilang minuto silang naging tahimik at mukhang nagpapakiramdaman.
Matapos kalmahin ang sarili ay umalis na siya sa ibabaw ng higaan. Habang nakatalikod ay ipinailalim niya ang kwintas sa loob ng kaniyang damit upang maitago ang hugis tatsulok na medalyon. Agad niyang nabitiwan ang manggas ng suot na t-shirt na aayusin sana niya dahil nakalihis ito. Naramdaman niya ang isang bagay na patungo sa kanyang direksiyon at tiyak na tatama sa likod ng ulo niya. Mabilis siyang umiwas. Parang nag-slow motion sa ere ang bagay na dapat sana ay tatama sa kanya. Sa isang iglap lang ay hawak na niya ang suklay na ibinato ng matanda.
Agad niya itong nilingon. Nagkalat pa sa mukha niya ang ilang hibla ng sariling buhok dahil nagulo na ito. Hindi na siya nag-abalang hawiin iyon.
Malapad ang pagkakangiti ng matanda, bakas ang tuwa sa kulubot nitong mukha.
Unti-unti rin siyang ngumiti. "Ayos ba, 'lo?"
Tumango-tango ito. "Napakahusay!" anito habang pumapalakpak pa.
Mukhang naging matalas ang kanyang pakiramdam pati na rin ang paningin ay lalong naging malinaw. Nagkaroon din siya ng kakaibang bilis. Iyon ang napatunayan niya dahil sa ginawa ng kanyang lolo. Hindi siya makapaniwala sa kanyang natuklasan.
"Hindi lang 'yan ang kapangyarihang tinataglay ng medalyon. Matutuklasan mo pa ang iba sa mga susunod na araw... hindi ko pwedeng sabihin sa 'yo sapagkat ito'y bahagi ng iyong pagsasanay. Bago ko makalimutan, kahit anong mangyari ay 'wag mo itong tatanggalin sa iyong katawan. Ikaw at iyan ay ituring mong iisa."
Tumango-tango siya. "Bago ko tuluyang tanggapin ito, maaari po bang ikwento n'yo sa akin ang lahat tungkol sa mga bangkilan pati na rin ang sinasabi n'yong sumpa?"
"Bueno... Para lubos mong maunawaan ang lahat, sige, ilalahad ko sa iyo."
Muli siyang umupo sa gilid ng kama, pinaiikot sa kamay ang hawak na suklay habang hinihintay ang kuwentong nais niyang marinig.
Nabigyan na ng sagot ang ilan sa mga katanungan ni MacKenzie. Magawa kaya niya nang maayos ang tungkuling ipinasa sa kanya ng kanyang abuelo?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top