Chapter 1
Balong
Tahimik ang gabi sa Baryo Mapayapa. Sarado na ang mga kabahayan at mahimbing nang natutulog ang mga tao. Maliban lang sa isang lalaki na pasuray-suray habang naglalakad sa gitna ng lubak-lubak na kalsada. Ang tanging suot lang niya ay kupas na pantalon, nakatupi ito hanggang tuhod niya. Wala itong damit pang-itaas, dahil ang damit na dapat ay nakasuot sa kanyang katawan ay nakasabit sa kanyang balikat. Nais niyang ipagyabang ang kanyang malusog na pangangatawan. Kitang-kita ang kanyang malaking tiyan na animo'y nakalunok siya ng isang buong pakwan.
Sariling-sarili ni Balong ang daan, tiyak na uupakan niya ang sinumang humarang sa kanya. Siya ang hari ng kalsada. Malakas ang loob niya palibhasa walang dumaraang sasakyan dahil alas dose na ng hatinggabi. Bitbit niya ang isang bote ng red horse-ang bitamina niya sa katawan.
"S-sa silong ni Ka-ka, m-may taong nakadapa. K-kaya pala n-nakadapa, naninilip ng pa-palaka."
Muli niyang tinungga ang hawak na bote. Matapos ang tatlong lagok, sinipat niya ang daan gamit ang naniningkit niyang mga mata. Nang masigurong tama ang daang tinatahak ay napangiti siya.
Nagpatuloy siya sa paglalakad at muling inulit ang paborito niyang kanta.
Wala rin namang makaririnig sa kanya dahil nasa bungad pa lang siya ng Baryo Mapayapa. Parehong taniman ng tubo ang magkabilaang bahagi ng kalsada na kanyang dinaraanan, kaya okay lang kahit mag-ingay siya.
Makulimlim ang liwanag ng buwan dahil natatabingan ito ng ulap. Ang liwanag na nagmumula sa magkakalayong poste ng ilaw ang nagsisilbing tanglaw sa kahabaan ng kalyeng iyon.
Hindi niya alintana kahit may kadiliman ang kanyang dinaraanan. Sa araw-araw niyang pagdaan sa lugar na iyon ay kabisado na niya ito. Kahit nga nakapikit siya ay alam n'ya kung nasaan ang malalim na lubak.
Mayamaya ay huminto siya. Tinitigan nang mabuti ang nakaharang sa gitna ng kalsada. Napangiti siya.
"K-Kapag sinuswerte ka nga naman." Dinuro niya ito."Gusto mo bang gawin kitang kalderetang aso? Masarap din siguro iyon katulad ng kambing," aniya at tila naglalaway pa dahil sa naisip na lutuin.
Sa laki nito kahit isang linggo siyang uminom ng alak, tiyak na hindi siya mauubusan ng pulutan.
Hindi man lang natinag ang malaking asong humarang sa kanya. 'Di hamak na mas malaki ito kung ihahambing sa isang normal na aso.
Natawa siya. Hindi pa talaga siya lasing dahil naaaninag pa niya ang itim na kulay nito.
"Hindi ka talaga aalis d'yan?"
Pinulot niya ang bato sa gilid ng kanyang paa, saka binato ang aso. Inaabala siya ng hayop na ito! Gusto na niyang makauwi-humilata sa kanyang papag.
Tumalbog sa katawan nito ang batong ipinukol niya.
Nag-umpisa itong humakbang palapit, umaangil habang ipinakikita ang matutulis nitong pangil. Tumulo ang malagkit na likido mula sa bibig nito.
"Huwag kang lalapit. Ihahampas ko sa 'yo 'to!" Itinaas niya ang hawak na bote.
Nang tumapat si Balong sa poste ng ilaw ay lalong nanlaki ang mga mata niya.
"P-paanong? A-anong klaseng nilalang ka? Bangungot ba ito o ano?" Kumurap-kurap siya. Muling tinitigan ang nasa unahan.
Gumapang ang kilabot sa buong katawan niya. Ang malamig na ihip ng hangin na kanina ay hindi niya alintana, ngayon ay unti-unti na itong sumusuot sa kanyang kalamnan. Lumulundag ang puso niya. Dinaig pa niya ang nakipagkarera.
Lalong namilog ang mga mata niya. Napahawak siya sa kanyang dibdib-pinalalakas ang kaunting tapang na natitira sa kanyang katawan.
Biglang huminto ang malaking aso sa marahang paghakbang. Kitang-kita niya kung paanong ang paa nito sa unahan ay naging kamay. Ang mabalahibong katawan ay naging hugis tao. Hanggang ang mismong malaking ulo nito ay nagkaroon ng mukha.
Ngayon ay hindi na aso ang nasa harap niya kundi isang tao. Wala siyang sinabi sa tangkad pa lang nito. Tanging ang bilugang tiyan ang tanging lamang niya.
Tumitig ito sa kanya at mukhang pinag-aaralan ang kanyang kilos. Isang hakbang paurong ang ginawa niya, ngayon ay tuluyang nawala ang ispirito ng alak sa kanyang katawan.
Ngumiti ang lalaki kaya nakita niya ang mahahabang pangil sa bibig nito. Nanlisik ang malalalim nitong mga mata. Dahan-dahan itong tumayo at ibinaling sa kaliwa't kanan ang ulo. Ikinuyom ang dalawang kamao; umabot sa pandinig niya ang paglagatok ng mga daliri ng lalaki. Ibinaling niya ang kanyang nanlalaking mata sa mga daliri nito. Laking panghihilakbot niya nang masaksihan ang unti-unting paghaba ng mga kuko nito at nagmistulang matutulis na kutsilyo.
Dumaloy ang mainit na likido pababa sa binti niya.
Ngumisi ito sa kanya. "Akala ko'y matapang ka? Nasaan na ngayon ang tapang mo, Lalaki?"
"H-Halimaw... i-isa kang halimaw!"
Bigla siyang kumaripas ng takbo palayo. Walang lingon likod siyang tumakbo. Ang tanging nasa isip niya ay makalayo at takasan ang nilalang na iyon.
****
Nang makita niyang kumaripas ng takbo ang lalaki ay agad siyang nakaramdam ng tuwa. Ito ang gustong-gusto niya. Iyong medyo pinatatakam siya. Hindi naman ito makakatakas sa kanyang mga kamay. Ngayong muling nabuhay ang kahayukan nila sa laman ng tao ay talaga namang wala nang makapipigil sa kanila.
Sinundan niya ang lalaki. Sa angking bilis niya ay hindi siya nahirapang habulin ito. Walang kamalay-malay ang lalaki na nasa likuran na siya.
Bigla niyang hinablot ang leeg ng lalaki kaya bigla itong natigilan sa pagtakbo. Hindi na niya ito pahihirapan pa, ganoon siya magmahal sa kanyang pagkain.
Sinubukan pa nitong kalagin ang kamay niyang nakahawak sa leeg nito. Ngunit 'di hamak na triple ang lakas niya kung ihahambing sa lalaking ito.
"Bi-bi-tiw-an mo a-ko---"
Tumulo ang sariwang dugo mula sa bibig ng lalaki. Dama niya ang panginginig ng katawan habang nakabaon ang kanang kamay niya sa dibdib nito. Halos maglaway siya sa napakabangong dugo. Sumuot iyon sa kanyang ilong at lalong nagpakalam ng kanyang sikmura.
Tangan niya ang pumipintig at mainit-init na puso ng lalaki. Hinatak niya palabas sa dibdib nito ang kanyang kamay. Napangiti siya nang marinig ang pagkaputol ng mga ugat nito. Hinayaan na niyang bumagsak sa lupa ang walang buhay nitong katawan.
Mabilis niyang dinala sa kanyang ilong at inamoy-amoy ang masarap na pagkain. Napakabango talaga ng puso ng tao, sa wakas ay muli na naman siyang makakatikim nito. Ito ang pinakaispisyal na pagkain para sa mga uri nila.
Unang kagat ay pinaikot-ikot niya iyon sa kanyang bibig at nilaro-laro ng dila bago nilunok. Malinamnam ang lasa nito dahil sariwang-sariwa. Sunod-sunod ang ginawa niyang pagkagat hanggang sa maubos ang puso ng lalaki.
Hindi pa siya nakuntento roon. Umupo siya sa tabi ng bangkay at itinaas ang damit ng lalaki. Dahan-dahan niyang hiniwa ang tiyan nito, bumulwak ang dugo mula roon kasabay nang pagluwa ng lamang loob.
Naglaway siya dahil sa masaganang pagkaing nasa kanyang harapan. Sinahod niya ang dugo gamit ang dalawang palad at buong galak na hinigop. Matamis ang dugo nito kaya napapikit siya at nilasap ang marahang pagdaloy sa kanyang lalamunan. Matapos makainom ay nilantakan naman niya ang lamang loob hanggang sa maubos iyon.
Matapos masaid ang masarap na pagkain ay muli siyang nag-anyong aso. Mas mapapabilis siya sa pag-uwi kapag nasa ganoong anyo siya.
Ang sarap ng kanyang pakiramdam, parang nadagdagan ang lakas niya. Bigla siyang tumakbo patungo sa tubuhan at mabilis na naglaho sa gitna ng dilim.
Mackenzie
Tahimik na tinanaw ni MacKenzie Mondragon ang bukirin sa gilid ng kalsada. Pag-aari nila ang malawak na tubuhang iyon. Ito ang ikinabubuhay ng kanilang pamilya bukod sa kanilang niyugan. Pinagmamasdan niya ang nagtataasang tubo habang nakasakay sa tricycle na siyang maghahatid sa kanya sa kanilang tahanan sa Baryo Mapayapa. Ang lugar kung saan siya ipinanganak at lumaki.
Nang makatapos siya sa pag-aaral ay lumuwas siya sa Maynila upang doon maghanap ng trabaho. Isa siyang nars sa isang pampublikong hospital. Pansamantala siyang nag-leave sa trabaho para umuwi muna rito sa probinsya dahil sa problemang kinakaharap ng kaniyang pamilya. Gusto niyang malaman kung ano ba talaga ang nangyari sa ama at sa kanyang kapatid.
Nalungkot siya nang maalala ang ama. Ang kanyang amang si Carlos Mondragon, ang laging sumusundo sa kanya tuwing umuuwi siya. Ngayon ay wala ng amang sumalubong sa kanya, isang linggo na raw itong nawawala ayon sa kanyang ina. Maging ang kapatid niyang si Allison ay nawawala rin matapos umakyat sa Mount Balbaruka kaya malaking palaisipan sa kanya ang pagkawala ng mga ito.
Huminto ang sinasakyan niyang tricycle kaya saglit na naputol ang kanyang iniisip.
"Manong, bakit po tayo huminto?"
"Wala po tayong madaanan, Ma'am," sagot ng driver.
Saka lang niya napansin ang mga taong nagkukumpulan sa daraanan nila. May mobile ng pulis na nakahinto na siyang humaharang sa kalsada.
"Manong, dito na lang po ako... lalakarin ko na lang. Isang kanto na lang mula rito ang bahay namin." Iniabot niya ang bayad sa nakangiting driver. "Salamat po, Manong."
"Walang anuman, Ma'am. Ingat po kayo."
Ngumiti siya kay Manong Driver bago tumalikod at naglakad sa gilid ng kalsada. Hinihila niya ang hindi naman kalakihang maleta. Maaga pa naman kaya okay lang na lakarin na lang niya. Saka, sariwa ang hangin dahil papasikat pa lang naman si Haring Araw.
"Naku! Nakakatakot na rito sa lugar natin. Sunod-sunod na ang mga nangyayaring pagpatay."
"Oo nga. Sino kaya ang may gawa n'yan?"
"Kawawa naman si Balong, mukhang hindi tao ang gumawa n'yan sa kanya."
"Baka naman talagang maraming addict dito sa lugar natin. Aba! Hindi kayang gawin ng normal na tao 'yan."
Ilan lamang iyon sa mga narinig niyang ibinubulong ng mga taong nagkukumpulan.
Huminto siya sa paglalakad. Ilang sandali siyang tumayo at lumingon sa kumpulan ng mga tao.
May kung anong humahatak sa kanya upang silipin kung ano ang pinagkakaguluhan ng mga tao. Nang hindi makatiis ay marahan siyang humakbang palapit doon habang hila ang kanyang maleta.
Isiniksik niya ang katawan at tumingkayad. Dahil sa may katangkaran naman siya kaya matagumpay niyang nasilip kung ano ang mayroon doon.
Bigla siyang nagsisi nang makita ang isang bangkay, wakwak ang tiyan ng isang lalaki at mukhang wala ang lamang loob nito. Naliligo sa sariling dugo.
"Oh my... sino naman kayang baliw ang may gawa n'yan sa kanya? Grabe naman!" bulong niya.
Natutop niya ang kanyang bibig at mabilis na naglakad paalis sa lugar na iyon. Parang may mga butiking bigla na lang naghabulan sa loob ng sikmura niya.
Sanay na siyang makakita ng patay pero kakaiba ang bangkay ng lalaking iyon.
Pilit niyang iwinaglit sa isipan ang nakita.
Binilisan na lang niya ang paglalakad hanggang sa huminto siya sa tapat ng isang lumang bahay.
Walang ipinagbago ang bahay nila. Dito sa kanilang baryo, sila ang may pinakamalaking bahay. Lumang-luma na nga lang ito dahil minana pa ito ng kanyang ama sa mga ninuno nila.
Puwede na nga itong isama sa pinakalumang bahay sa buong Pilipinas. Dahil sa tagal ng panahon ay pina-renovate ng kanyang ama ang unang palapag ng bahay, ngayon ay gawa na ito sa bato. Ang ikalawang palapag ay yari sa kahoy at nanatili pa rin ang malalaking bintana na gawa sa Capiz Shell.
Akmang kakatok siya sa pinto nang mapansin niyang bukas ito. Marahan niyang itinulak ang pinto at saka siya sumilip sa loob, wala siyang nakitang tao roon.
"Nasaan kaya ang mga tao rito?" sambit niya.
Tatawagin sana niya ang kanyang mama pero napaurong siya dahil sa lumilipad na tungkod. Nagpaikot-ikot ito sa ere habang papalapit sa kanya. Agad niyang binitiwan ang dalang maleta, saka siya yumuko, at nag-dive sa sahig. Nagpagulong-gulong siya para hindi tamaan ng tungkod. Para siyang bolang gumulong sa marmol na sahig, mabuti na lang dahil malinis naman ito.
"Sino ka?"
Napailing-iling siya habang bumabangon. Hindi pa rin talaga nagbabago ang lolo niya, alerto pa rin ito't malakas pa kahit ninety five years old na.
"Abuelo, si Mackie po ito." Lumapit siya sa kanyang lolo at nagmano. "Pambihira naman kayo, muntik na po akong atakihin sa puso dahil sa ginawa n'yo."
Napahawak siya sa kanyang dibdib, at saka huminga nang malalim. Parang panandaliang humiwalay ang kaluluwa niya sa kanyang katawan at lumipat ito sa kung saan.
"Ikaw pala 'yan, mabuti't umuwi ka na." Ngumiti ito sa kanya at marahan siyang niyakap."Como estas, Hija?"
"Estoy bien, abuelo."
"Mabuti naman."
Napansin niyang maputi na ang lahat ng buhok ng lolo niya. Dumami na rin ang mga kulubot sa mukha nito ngunit bakas pa rin ang angking kagwapuhan noong kabataan. Half Spanish ang kanyang lolo, kahit dito na ito lumaki sa Pilipinas ay mahilig pa rin itong magsalita ng wikang Kastila.
"Bakit n'yo naman po ako binato ng tungkod, abuelo? Muntik na ako, ah!"
Kinuha niya ang natumbang maleta at saka naglakad patungo sa sala. Pabagsak siyang umupo sa Cleopatra at nakasimangot na lumingon sa Lolo Gustavo niya.
"Nag-iingat lang ako, hija. Akala ko'y kung sino na ang pumasok dito sa bahay. Sa panahon ngayon ay kailangan na nating mag-ingat dahil nagising na ang mga kalaban."
Napakunot ang noo niya at napakamot siya sa kanyang ulo. Hindi niya maitindihan ang sinasabi ng matanda. Gusto niyang bumunghalit ng tawa pero pinigilan lang niya ang kanyang sarili, baka paliparin na naman nito ang tungkod. Mahirap na.
"Ano naman pong kalaban ang sinasabi n'yo?" Gumuhit ang ngiti sa mga labi niya."Si Lolo talaga kung ano-ano ang sinasabi."
"Huwag mong isipin iyon... umakyat ka na sa kwarto mo. Baka mayamaya'y uuwi na rin ang mama mo, nasa barangay hall pa 'yon kaya magpahinga ka muna. Marami tayong pag-uusapan mamaya."
Tumango na lang siya bilang sagot dito.
Marahang naglakad ang lolo niya palapit sa terasa at saka umupo sa upuang tumba-tumba.
Marami nga silang pag-uusapan, gusto niyang malaman kung paanong nawala ang kapatid at ama. Marami siyang nais malaman sa muling pagbabalik sa Baryo Mapayapa.
Spanish word translation
Abuelo - Lolo/Grandfather
Como estas - Kumusta ka na
Estoy bien - Mabuti po
Ano ang lihim ng Baryo Mapayapa at Mount Balbaruka? Ano ang naghihintay kay MacKenzie? Buhay pa kaya ang kapatid at ama niya?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top