2 - Tonia

Maagang nagigising si Tonia dulot ng maagang pambubulahaw ng mga manok ng kapitbahay nilang si Mang Nestor.

Gayunpaman ay hindi na sila nagrereklamo dahil binabahagian naman sila nito ng kalahating kilo ng manok sa tuwing natatalo ng mga alaga ni Mang Nestor ang mga manok ng kalaban sa tuwing nagsasabong ito.

Aminado naman si Tonia na masarap ang manok na nanggaling sa sugal. Gaya ng kung pa'no niya binubuhay ang sarili matapos mapalayas ng kaniyang mga magulang dahil sa maagang pagbubuntis.

Naalala niya pa ang huling post niya sa social media. Ang kaniyang litrato na nakangiti habang hinahagod ang kaniyang hindi pa bumubukol na tiyan. Isang bagay na kaniyang pinagsisihan dahil masyado pang maaga para magpalit ng profile picture kaya agad siyang pinuntirya ng mga taong hindi niya kilala.

Dahil sa nangyari, nalaman ng mga magulang niyang may bata sa kaniyang sinapupunan, na may semilyang sumanib sa kaniyang mga itlog na nagdulot ng buhay na hindi planadong mabuo.

Nagising na lang siya isang beses na mahigpit na hinawakan ng kaniyang ama ang kaniyang kaliwang braso, hindi makapagsalita hanggang sa makalabas sila ng kanilang bahay, kung saan naman nito binitiwan ang kaniyang brasong may bakas ng kaunting pamumula.

Hindi nagsalita ang kaniyang ama pero kitang-kita ni Tonia ang galit sa mga mata nito. Alam niya ang dahilan kung ba't ito biglang nag-alimpuyo sa inis at magkahalong yamot at panghihinayang.

Mula sa kaniyang mga mata ay bumaba ang tingin nito sa kaniyang tiyan, bago ito dahan-dahang umiling.

"Lumayas ka na, hindi ka namin pinag-aaral para lang magpabuntis nang maaga," ang sabi pa ng kaniyang ama.

Tumalikod ang kaniyang amang hirap na humanap ng mga salitang hindi aabot sa pagmumura. Relihiyoso ang kanilang pamilya at isang malaking dagok sa buhay ng ama ni Tonia ang malamang nabuntis ito sa murang edad pa lamang.

Ni hindi na nito tinanong kung sino ang ama. Wala itong pakialam. Gusto na nitong siya ay tuluyang mawala sa kaniyang paningin.

Nakita ni Tonia ang anino ng kaniyang ina, nakasilip lamang mula sa kuwarto ng kaniyang maarugang asawa. Nais man nitong humindi sa desisyon ng ama ni Tonia ay wala naman siyang masasabi pang dahilan para baguhin ang isipan nito para hayaang manatili ang kanilang anak sa kanilang mumunting tahanan.

Padabog na pagsara ng pinto ang siyang tumapos sa koneksiyon ni Tonia sa kinalakhang pamilya.

Tumira si Tonia sa bahay ng kaniyang nobyo. Parehas na walang trabaho, pinag-aaral pa ng mga magulang nito.

Sa kabutihang-palad ay mabuti naman at mabait ang mga magulang ng nobyo ni Tonia. Ngunit nangyayari lang ito kapag nandiyan ang nobyo niya. Sa tuwi kasing wala ito sa bahay na iyon, doon na niya naririnig ang mga panunumbat na meron ang bunganga ng pamilya ng kaniyang nobyo.

Ang ingay na naman ng mga manok ni Mang Nestor. Napakamot ng ulo si Tonia, isang masamang panaginip. 

Isang masamang panaginip ang pagtira sa nobyo niya.

Dahil sa bahay na iyon nawala ang kaniyang hindi pa naisisilang na sanggol, mula sa kamay ng ina ng nobyo niyang pinakain siya ng manok na hindi niya waring may panulak na tubig na may halong gamot na pampalaglag pala ito.

Ang sarap ng manok gaya ng mga natitikman ni Tonia sa tuwing nananalo si Mang Nestor. Ngunit sa bawat tubig na kaniyang iniinom matapos nito, doon niya nalalasahan ang pait ng katotohanang napariwara ang kaniyang buhay.

Naghiwalay sila ng nobyo niya at humanap si Tonia ng iba. Isang lalaking sampung taon ang agwat sa kaniya ang kaniyang nakilala.

Si Roy. Ang kapitbahay ni Mang Nestor. Hindi ito nagsasabong pero mabait itong lalaki na mahilig mag-ayos ng mga sirang appliances na sa kaniya ay ipinagagawa ng  mga kapitbahay nila.

Nagkamabutihan si Tonia at Roy, at gaya ng nobyo nito noong siya ay may kakayahan pang humawak ng social media, silang dalawa ay nagtalik at umaasang magkakaroon na sila ng panganay nilang dalawa.

Lumabas ng bahay si Tonia, naabutan niyang magkausap si Mang Nestor at si Roy. Laking tuwa ni Tonia nang madatnan niyang may tangan-tangang plastik na may lamang manok ang kaniyang katipan.

Ngumiti siya sa tuwang may makakain na naman silang masarap ngayong araw na ito.

Hanggang sa bigla na lamang siyang nakaramdam na tila ay masusuka siya.

Kaagad na nagtungo si Tonia sa banyo, siya ay dumuwal nang dumuwal. At nang matapos na siyang magsuka ay kaagad naman siyang nagtungo sa kusina.

Uminom siya ng isang baso ng tubig at saka nalasahan ang buhay at pag-asang kanilang inaasam...

- 30 -

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top