9 Ang Lamang-Lupa

Ika-Siyam na Kababalaghan

Ang Lamang-Lupa

Hindi alam ni Mart kung anong ginagawa n'ya. Hindi talaga.

Kanina lamang ay nakakulong sila sa kanilang kwarto, naghihintay matapos ang kanilang lola at ina sa kung anumang ginagawa nila sa paligid ng kubo. Nung lumusot sila sa bintana sa likod para makatakas, nakita n'ya pa si Nene na may dalang isang bilaong bawang na iniaabot sa kanilang lolang abala sa pagbungkal ng lupa sa tapat ng hagdan sa may harapan. Kung bakit? Hindi n'ya alam.

Tulad ng pagsang-ayon n'ya sa Kuya Mike n'ya na sundan nila ang kanilang ama sa paghahanap kay Mac sa gitna ng gabi at silang dalawa lang. Kung bakit? Hindi n'ya rin alam.

Siguro dahil dapat din s'yang sisihin sa pagkawala ng kanilang bunsong kapatid. Ang gusto lang naman n'ya ay masubukang lumabas sa kan'yang kahon, makaranas ng mga bagay na 'di n'ya pa nararanasan. Kahit ngayong bakasyon lang. Ngunit hindi naman n'ya alam na ang unang beses n'yang pagsama sa kan'yang mga kapatid sa pamamasyal ay maaaring huli na rin.

"Mauuna ko. Sunod lang kayo ni Jordan. 'Wag tayong masyadong maingay," bulong ng kaniyang kuya habang pinapasok nila ang kagubatan sa pangalawang pagkakataon. Hawak ni Mart ang bibig ng masunurin nilang aso. Isang tahol lang siguradong mahuhuli sila Ng kanilang lola at ina. Sapat na ang kanilang pag-aalala, ayaw na n'yang madagdagan pa. Kaya gagaawin n'ya ang lahat para makatulong – sa payo ng kan'yang kuyang si Mike.

Kung meron mang taong kakambal ang kamalasan, ang Kuya Mike na n'ya siguro 'yun. Kahit halos araw-araw napapalo ng kanilang ama ang kan'yang kapatid sa kung ano na namang kalokohang nagawa nito, Malaki pa rin ang tiwala ni Mart sa Kuya Mike n'ya.

Simula kinder hanggang makatapos sila ng elementary, Kuya Mike n'ya ang kan'yang maaasahan sa tuwing may susubok na gulpihin s'ya sa eskwelahan para makakopya ng assignment. Nasaksihan n'ya kung gaano katapang ang kan'yang kuya na kahit ilang beses silang mapatawag sa guidance office at mapagalitan ng kanilang magulang, hinding-hindi s'ya nito pababayaan. Mahirap mang aminin, gusto n'ya itong tularan, kahit sa isang katangian lang.

"Buksan mo na ilaw mo." Nilingon s'ya ni Mike. Binuhay nito ang dalang tablet na kinuha pa nila sa nakatagong maleta ng kanilang tatay. Lumiwanag ng bahagya ang kanilang harapan. Nakita nila ang nagtataasang damo at mabatong daan.

Binuhay na rin ni Mart ang dalang maliit na flashlight na kasama sa nabili n'yang 'swiss army toolset' noong nakaraang fieldtrip. Madalas n'ya 'tong gamitin sa paggawa ng projects sa school. At baka magamit n'ya rin panglaban sa kung anumang masasalubong nila.

Inayos n'ya ang suot na salamin sa mata. Baka sakaling mas luminaw ang nakikita n'yang kadiliman sa paligid. Kasunuran nila si Jordan na kanina'y himalang tahimik ngunit ngayo'y nagsisimula nang mag-ingay.

"Jordan?" Nilingon n'ya ang kanilang bantay na mahinang umuungol. Nakita n'ya ang buntot nitong walang humpay sa pagwagayway, nakatalikod sa kanilang direksyon, nakahinto at tila ba may tinititigan sa dilim. Tinapat ni Mart ang ilaw ng flashlight sa kung anumang pinagmamasadan ni Jordan ngunit tumambad lamang ang mga natumbang damong kanilang natapakan sa pagdaan.

"Arf!" Hinablot ni Mart ang tali sa leeg ni Jordan at inakay papunta sa direksyon na kanilang pupuntahan. Ngunit nakadalawang hakbang pa lamang ay may bigla s'yang natamaan sa harap, dahilan para malaglag ang kan'yang salamin.

"Kuya? Ba't tumigil ka?" tanong n'ya sa nabangga n'yang si Mike. Yumuko si Mart para kapain ang nalaglag na salamin.

"Mart?"

"Bakit?"

"May sumusunod sa'tin." Napatigil si Mart sa pagkapa.

"Arf! Arf!" May narinig silang kumakaluskos sa damuhan.

"Kkkuyya..." may nginig ang kan'yang pagtawag.

"Sshhhh," sagot ni Mike.

Ramdam ni Mart ang lamig ng dampi ng hangin sa kan'yang balat. Iwinasiwas n'ya ang hawak na flashlight at iminulat ng maigi ang mga mata.

Bzzzzh.

"Ano 'yon?" sabay nilang tanong. Patuloy sa pagtahol si Jordan.

Bzzzzh. Mhaginooh..., bulong ng maliit na boses.

"Kuyah!" Nanunuyo na ang lalamunan ni Mart. Nagpa-panic ang kan'yang utak ngunit 'di s'ya makakilos sa takot. "Uwi na tayo."

"Arf! Arf!"

"Jordan?" Itinapat ni Mart ang hawak na flashlight sa tinatahulan ng aso. Nakita n'ya sa pagitan ng matataas na damo ay may nakasiwang na maliliit na ilaw – isang pares ng mata, nakatitig sa kanila, nagmamasid. Kung sino man ang nagmamay-ari ng mapungas na pares ng mata na iyon, ang lebel nito'y singbaba lang ng tuhod. Akala pa nga ni Mart ay may taong nakadapa sa mga damo ngunit nagsimula itong kumilos. Gumapang ito ng sobrang bilis papunta sa kinatatayuan n'ya.

"Aaahhh!" Hindi na nakita ni Mart ang kaanyuan ng nilalang. May humihigit sa paa n'ya, matalas na kuko at mga brasong sing-tigas ng torso. Natumba siya. Nalaglag n'ya ang flashlight.

"Martin!" Pinuntahan s'ya ni Mike para tulungan. Pilit nilang hinihila ang paa niya mula sa maiigsi ngunit malalakas na pares ng braso na tila nanggaling sa lupa at hinihila na siya pailalim.

Mhaginooh..., bulong ng maligno gamit ang maliit nitong bibig. Mukha itong pinaghalong demonyo at kutong-lupa. Kakulay 'to ng anino kaya nangingibabaw ang liwanag ng mulat nitong mga mata.

"Alis! Alis! 'Di ko maintindihan sinasabi mo." Sinubukan ni Martin tadyakan ang lamang-lupa gamit ang isa pa niyang binti ngunit hindi ito natitinag. Hila-hila s'ya sa balikat ng kaniyang Kuya Mike.

"Arf. Arf. Rfff." Umaksyon na ang matapang nilang aso. Kinagat nito ang ulo ng lamang-lupa na ngayo'y nagmamakaawa sa nararanasan. Bumitaw ito. Nakahanap si Mart ng pagkakataon para makatayo at kinuha ang flashlight niya. Konting kalikot sa toolset at lumabas ang balisong na tago nito. Hindi niya rin alam kung pa'no siya nakakalagpas sa gate ng school araw-araw.

"Jordan!" sigaw nilang dalawa. Nasaksihan nila ang magiting na pakikipagbuno ng kanilang aso at unti-unti na itong natatalo. Mabilis kumilos ang maligno. Halos 'di makita ng dalawa ang paggalaw nito. Tanging ungol lang ng kawawang si Jordan ang umaalingawngaw sa gitna ng kagubatan na iyon.

Itinaas ni Mart ang hawak na patalim at nagbilang. Isa. Dalawa. Isinaksak niya sa katawan ng lamang-lupa na ngayo'y nakagapos na sa aso.

Wuuhhh!, sumigaw ito ng malakas at nakabitaw. Mabilis itong nakatakas at kinain ng lupa. Binalot ng maitimna likido ang balisong ni Mart. At si Jordan.

"Gud dog," bulong ni Mike sa magiting na aso. Nakahiga ito sa damuhan. Puno ng galos ang katawan at bahagya ng makakilos.

Bzzzzh. Narinig na naman nila ang tunog na 'yun. Naghanda ang dalawa sa muling paglusob ng lamang-lupa.

"Lumabas kang Pokemon ka," sabi ni Mike. Naisip tuloy ni Mart, nakakatakot pala ang mga Pokemon sa totoong buhay.

Bzzzzh. Sa may bandang kanan. Itinapat nilang parehas ang hawak na ilaw sa damuhan at bumungad ang maliit na maligno.

"Waaahhhh!!!!"

"Aaahhh!" sabay nilang sigaw nang biglang matabunan ang nilalang ng isang malaking kahoy. 'Di pa naalis ang takot sa katawan ni Mart ay nadagdagan pa ito ng pagkagulat. Sinundan nila ng tingin ang malaking kahoy na hugis pambayo ng balinghoy na minsang ginagamit ng kanilang lolo kapag nagluluto sila ng nilupak. Yun na yata ang pinakamalaking pambayo na nakita nila sa buong buhay nila. Mas matangkad pa ito sa pinakamataas na puno sa paligid at halos maabot ang bilog na buwan sa langit. Siguradong lupak na lupak ang kawawang lamang-lupa na nadaganan nito.

"MGA MAGINOO," bigkas ng malalim na boses sa kung saan. Kinilabutan ang magkapatid at muntikan ng magkayakapan.

"Kuya, ikaw ba 'yun?" tanong ni Mart.

"Hindi. Ikaw ata. 'Wag ka ngang magbiro."

"MAHILIG AKO SA BIRO," sagot ng pangatlong boses. Sa lalim at lamig ng boses, para 'tong nanggagaling sa loob ng malaking kweba.

"Sino ka?" tanong nila.

"BAKIT KAILANGAN KONG MAGPAKILALA SA LOOB NG AKING NASASAKUPAN?" Akala nila'y may malaking punong tumubo sa harap nila, sa tabi ng higanteng pambayo na biglang gumalaw at lumiko sa direksyon nila. Pero ang malaking puno ay hugis tao pala, may bilog na ulo at dalawang braso. Ang isa'y nakahawak sa pambayo at ang isa'y nakatago sa likuran ng higante. Iniyuko nito ang malaki at kalbong ulo at ipinantay sa paningin nila. Wala silang makitang mata maliban sa kilay na tila nililok sa kahoy kasama ang matangos na ilong at manipis na guhit na nagsisilbing bibig.

"GANOON NA BA AKO KALIPAS! WALA NG TAGA-LUPANG NAKAKAKILALA SA AMING MABABABANG ANITO?" Hindi maintindihan ni Mart ang reklamo ng anito kaya tinuloy niya na lang ang pagpapaliwanag sa tanong niya.

"HINDI PA ISINISILANG SINA APOLAKI AT MAYARI AY HALOS NALIBOT KO NA ANG BUONG KALUPAAN. GA-LIMANG BUNDOK BANAHAW ANG ITINANDA KO KINA AMIHAN AT HABAGAT, PERO TILA KAMI PA ANG INYONG KINALIMUTAN," tanong ng higanteng tuod. Gawa sa kahoy ang buo nitong katawan kaya walang makikitang ngipin sa tuwing binubukas nito ang kanyang bibig. Mukha itong estatwang 'di natapos ukitin ng manlililok. Sa tanong n'ya ngayon, nagawa n'ya pang magtaas ng kilay.

"SABIHIN MO SA AKIN MAGINOO?"

"Aba, malay ko," ang tanging naisagot ni Mike. Tahinik lamang si Mart sa isang gilid, nakanganga sa kamangha-manghang nilalang sa harap nila ngayon. 'Ganto pala itsura ng mga estatwa sa Easter Island 'pag may katawan', isip n'ya.

Tumindig ng maayos ang anito. Bahagya ng mahagip ng mga dahon ng katabing puno ang kaniyang balikat. May suot itong malaking tela sa katawan mula balikat hanggang paa kaya 'di nila makita ang buo nitong katauhan.

"KUNG GANOON, MGA MAGINOO, HAYAAN NINYO AKONG MAGPAKILALA. MADALI AKONG KAUSAP. AKO SI UWINAN SANA, ISA SA PINAKAMATANDANG ANITO NA INATASAN NI AMANG BATHALA NA MAMAHALA SA LAHAT NG KAGUBATAN AT KASUKALAN SA LUPA. MAGING MGA DUWENDE, NUNO, AT IBA'T-IBA PANG KLASE NG LAMANG-LUPA AY AKIN RING NASASAKLAW." Tuloy-tuloy lang ang hiagnte sa pagsasalaysay, nakatingin sa malayo at iwinawasiwas ang kanang braso upang imuwestra kung gano kalawak ang nasasakupan niya. "PAKIKALAT NA LANG SA IBA." Sa bagal nitong kumilos, maniniwala na silang milyong taon na ito katanda.

'Bathala? Apolaki? Mayari? 'Di ba mga diyos at diyosa 'yun na sinasamba ng mga sinaunang Pilipino?' tanong ni Mart sa isip. Hindi siya mahilig sa mga kwentong pambata ngunit pamilyar sa kanya kahit papano ang mga ngalang iyon.

"Teka," bulong ni Mike sa kaniya. "Akala ko ba maliit lang ang mga duwende at nuno? Ba't mas malaki pa s'ya sa kapre?"

"Ewan ko nga din, eh. Baka may case din ng gigantism sa kanila," sagot ni Mart.

"ABA'T MGA WALANG GALANG NA MAGINOO, NARIRINIG KO KAYO."

"May tenga ba s'ya?" hirit ni Mike.

"Salamat pala, Sir, sa pagkakaligtas sa'min." Naglakas-loob na si Mart.

"SAAN?" Medyo kumalma ng kaunti ang anito.

"Sinugod po kami ng isa sa mga alagad n'yo."

"SINO?" sabay na tumingin ang magkapatid sa ilalim ng higanteng tungkod. Iniangat ito ng anito at lumabas ang napiyaot na maligno.

"AY, MALUBAY! KANINA PA KITA HINAHANAP." Ungol lang ang isinagot nito. "MAHILIG LANG TALAGA SILA MAMASYAL, LALO NA 'PAG NAGUGUTOM." Dinampot lang ng anito ang lamang-lupa sabay pitik. Kawawang maligno. "BALITA KO MALASA DAW ANG MGA MAGINOO, LALO NA IYONG MURA PA ANG EDAD." Nagkatinginan ang magkapatid. Napansin ng anito ang kanilang pagtataka.

"Maginoo?" sabay na tanong ng dalawa

"HINDI MAIKUKUBLI NG AGIMAT NA IYAN ANG HALIMUYAK NG ISANG MAGINOO." Yumuko ang anito. Itiunuro ng malaking daliri nito ang dibdib ni Mike.

"ITO AY ISA SA PINAKAMAKAPANGYARIHANG AGIMAT SA KALUPAAN, KAHIT PA SA KALANGITAN." Napaatras si Mike sabay hawak sa kwintas para itago. Napuno ng tanong ang isip ni Mart. Ngayon niya lang napansin ang suot-suot ng kaniyang Kuya Mike. Mukha lanag naman itong mumurahing bato ngunit tila nakaramdam siya ng pagka-inggit.

Lumapit pa ng kaunti ang anito at tila sila'y inaamoy. "MAALAT-ALAT. MAY PAGKABANTOT. HMMM." Nag-amuyan ang magkapatid. "SIGURO KAYO AY HINLOG NG MAPAYAPANG SI HAIK... NGUNIT MAY KAKAIBANG ALINGASAW..."

"KUNG SINONG ANITO MAN ANG INYONG PINAGMULAN, HINDI NIYO LUBUSANG MATATAROK ANG MGA PARATING NA PANGANIB. ANO NGA BANG GINAGAWA NG MGA MURANG HINLOG NA TULAD NINYO SA GIT..."

"Ah, Sir." Sinamantala na ni Mart ang pagkakataon bago pa mauwi ito sa sabayang pagbigkas. "Mawalang galang na po pero hinahanap po kasi namin ang kapatid namin, si Mac. Kasama namin siya kaninang umaga sa sapa ng bigla siyang nawala."

"Baka naman nakita mo siya." Sumingit na si Mike. "Tutal teritoryo mo naman. Hanggang siko ko s'ya. Medyo kasing-gwapo ko. Bungi yung ngipin sa taas. Tas..."

"HINDI PA KO TAPOS MAGSALITA. PERO KUNG ANG TINUTUKOY NINYO AY IYONG WALANG MALAY NA PASLIT SA LABAS NG BALETE, NASA PANGANGALAGA NA SIYA NGAYON NG MGA DIWATA. KUNG DI LANG DIN IYON MAGINOO, MAY HAPUNAN NA SANA ANG MGA ALAGA KO."

"Saan?" tanong ng magkapatid na may bahid ng pagkagulat.

"ANAK NI LAM-ANG, HINDI NA NAMAN KAYO NAKIKINIG. SAAN PA, SA KAHARIAN NILA. SA BALETE."

"Sa puno?"

"TAMA. SA LOOB. AT MANGANGAILANGAN KAYO NG TULONG KUNG BALAK NIYONG PASUKIN ITO."

"Kung ganon," sabi ni Mike na tila nagkaroon ng lakas ng loob na magpanukala. "Kapalit ng pagtulong namin sa paghahanap ng isa sa mapapanghi mong alaga, maari namang...."

"ALAM KO ANG TINUTUKOY MO, BATA. HINDI PA AKO NAKAKADALAW MULI SA BALETE NG BATANGAN AT MAY PINAGKAKAABALAHAN PA RIN AKO HANGGANG NGAYON. MARAMI PA AKONG DAPAT UNAHIN." Ipinasok ng anito ang higante nitong kamay sa loob ng suot na damit. Kung anumang dinudukot nito, tila hindi nila magugustuhan.

"BILANG PABUYA, HAYAAN NIYONG IBIGAY KO ITO SA INYO." Napaatras muli ang dalawa sa iniaabot ng anito. Sa palad nito makikita ang isang nagniningning na bato na may kakaibang hugis.

"Ano 'yan?" tanong ni Mike. "Gintong ano, gintong am... dumi?" Bahagyang napasang-ayon si Mart sa turan ng kapatid kung pagbabasehan ang pinagdukutan ng mahiwagang bagay.

"BWAHAHA." Tumawa ang anito ng pagkalalim. "SABI KO NAMAN SA INYO, MAHILIG AKO SA BIRO. ITO AY ISANG GINTONG LUYA, KALOOB NG MAHIWAGANG DILAG NA SI MARYA. IBIGAY MO LANG SA KUNG SINO MANG NAGBABANTAY NG PUNO. TIYAK NA HINDI NILA IYAN MATATANGGIHAN."

"Ano daw ulit?"

"ANG DAMING TANONG. MALALIM NA ANG GABI. MAPANGANIB. HUMAYO NA KAYO AT UMUWI NA MUNA. MAS LIGTAS KUNG ISASAGAWA NINYO ANG INYONG HANGARIN SA ILALIM NG HARING ARAW."

"Arf." Nagitla ang magkapatid. Nakalimutan na nila ang sugatan nilang aso.

"Jordan!" sa huling pagkakataon, tumaas na naman ang kilay ng anito at may kung anong dinudukot sa loob ng kaniyang mahiwagang kasuotan.

"TANGGAPIN NINYO ITO. DAHON NG BAYABAS MULA SA HALAMANAN NI SINUKUAN. PARA SA SUGAT NA NATAMO NG INYONG ALAGANG DAGA. KAWAWA NAMAN. MAHILIG LANG TALAGANG MAGLARO ANG MGA LAMANG-LUPA LALO NA SA GABI." Kinuha ni Mart ang makapal na dahon na sinlaki siguro ng palanggana. 'Gaano kaya kalaki bunga nito'. May huling bilin ang anito sa kanila.

"KUNG AYAW NINYONG MALIGAW, MABUTING BALIGTARIN NINYO ANG INYONG KASUOTAN." Iyon lamang at ang higanteng istatwa sa kanilang harapan ay naging anino na lamang ng isang malaking puno. Umihip muli ang tila tumigil na hangin.

Sa saglit na panahon, pakiramdam ni Mart nasa loob sila ng isa sa mga kwentong pantasya na nababasa niya. Ngunti imbis na mamangha, nababahala siya.

"Awooohhhh!!" Nagitla ang dalawa sa narinig na tahol sa di kalayuan. Naalala ni Mart ang sinabi ng anito. 'HINDI MAIKUKUBLI ANG HALIMUYAK NG ISANG MAGINOO. HINDI NIYO LUBUSANG MATATAROK ANG MGA PARATING NA PANGANIB.'

"Mart," tawag ng kuya niya. "Iuwi na natin si Jordan." Nakita ni Mart ang sinserong mga mata ng kaniyang Kuya Mike. Siguro sapat na ang isang gabi ng kabaliwan.

Bzzzzh. May kumakaluskos na naman sa talahiban. Mabilis na hinablot ng dalawa ang dala nilang flashlight at tablet. Tumindig ng ayos, at naghanda sa paglusob. Isang maitim na nilalang ang lumabas sa damuhan.

"Aaahhh! Buhok ko 'yan!" sigaw ng kakila-kilabot na nilalang. Napatigil ang dalawa sa pag-atake.

"Ano ba, Maki, Martin? Mukha ba kong aswang ?" tanong ng Ate Maggie nilang mukhang aswang at nanginginig pa ang basang katawan.

"Anong ginagawa niyo rito? Saka anong nangyari sa aso na 'yan?" Tanong lang din ang isinagot ni Mike.

"Si Tatay? Si Lolo? Ba't mag-isa ka lang?"

"Arf."

"Pwede ba mamaya na kayo magkwentuhan?" singit ni Mart. "Ang importante makauwi na muna tayo."

"Pa'no tayo uuwi, kanina pa 'ko paikot-ikot sa gubat na 'to. Hindi ko makita ang daan." Nagkatinginan ang magkakapatid.

"Sabi ni Inuwi Mo Sana, am... Mart, ikaw na nga magsabi."

"Ano? Ba't ako?" At nagsimula na uli silang magtalo-talo. Nagulat na lang si Mart na ipinapagpasalamat pa niya iyon. Siguro dahil bumalik saglit sa normal ang paligid. Nawala ng bahagya ang kanilang mga kaba, kahit hindi alam ni Mart kung paano ipapaliwanag ng maayos kay Maggie ang tungkol sa pagbabaligtad ng damit.

"Maakkii. Nakikita kitang tumitingin!" saway ng kanilang ate. Humahagikhik lang sa gilid si Mike at bumubulong, "hihi, flat."

Sinubukan ni Mart alalahanin ang simula ng araw nila. Gusto lang naman niya na magkaroon ng mga bagong karanasan sa bakasyong ito ngunit tila may mas malaking plano ang mga diyos at diyosa sa kalangitan at simula pa lamang ito ng kanilang masalimuot na kapalaran.

*************************************************************

I am deeply apologizing for the very late update. Busy lang po sa work. But thank you for waiting.

Also this chapter is one of my longest and most critical yet that it had to undergo several revisions due to introduction of a lot of concepts.

Just keep on voting po at feel free to comment any suggestions.

-- Catam, B.C.A. of Klab Maharlika Laguna Chapter

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top