8 Ang Santelmo

Ika-Walong Kababalaghan

Ang Santelmo


Sigurado si Maggie na sinlaki ng ibong maya 'yung dumaang lamok sa harap n'ya kanina. Kahit naiinitan na s'ya sa suot n'yang jacket, mukhang hindi n'ya muna 'to huhubadin sa gitna ng kagubatan, dis-oras ng gabi.

Hawak ng nanginginig n'yang kamay ang kan'yang cellphone. Malakas na flashlight nito ang nagsisilbi n'yang ilaw sa daraanan. Nasa kanan n'ya ang kan'yang Lolo Isko na may hawak na gasera at itak, panghawi ng damo. Ang kan'yang ama naman ay ilang hakbang ang layo sa kanila, dala ang nag-iisang flashlight na naisabay nila sa bagahe bago umalis ng Maynila

Kung paano n'ya sila napapayag na s'ya ay sasama sa paghahanap, hindi n'ya rin alam. Ang natatandaan lamang n'ya ay nung tumanggi s'yang maging bantay ng mga kapatid n'ya sa pamamasyal nila sa gubat kanina. Nakaramdam s'ya ng kirot.

"Mak-Mak!" Pangatlongdaang beses na 'ata nilang isinisigaw ang pangalan ni Mac pero ni anino nito hindi nila makita sa kasukalan ng gubat. 'Sa'n naman kaya 'yun mapupunta? Hayst!'', tanong n'ya sa isip na sinamahan na rin ng dasal.

Nagsisimula na s'yang mag-alala. 'Di ito tulad ng dati.' Nung minsang nawala si Mac sa Maynila, natagpuan nila ito sa gitna ng construction site, nakikipagtalo sa foreman kung sino ang tunay na "may-ari ng lupa". Minsan, namasyal silang buong pamilya sa Luneta Park, nagtatatakbo si Mac hanggang sa Manila Bay. Dinala daw s'ya doon ng bantay ng lawa para tulungang makipag-usap sa local government unit tungkol sa masamang epekto ng water pollution. Kung alam n'ya lang na magiging future advocate ang bunso n'yang kapatid, baka matagal na n'ya itong sinuportahan.

Ngunit walong taon lamang si Mac at bilang nakatatanda, dapat naging mas responsible s'yang ate sa kan'yang mga kapatid.

Kahit naka-full brightness na ang cellphone n'ya, samahan pa ng liwanag ng bilog na buwan ngayong gabi, tila hindi pa rin nagagapi ang kadiliman ng paligid. Para silang tatlong bulag na nangangapa sa daan, walang direksyon, paikot-ikot lang.

Maya-maya, nakarinig si Maggie ng mahinang ingay. Parang bang may nagbukas ng gripo ng kanilang lababo. Palakas nang palakas ito habang papalapit sila. Huminto sa paglalakad si Lolo Isko. Tinawag nito ang atensyon ng nangungunang si Miguel at may ibinulong. Lumapit si Maggie upang marinig din ang usapan. Hinarap s'ya ni Lolo Isko. Ngayon lang namasdan ni Maggie ng matagal ang mga mata ng kan'yang lolo. Kakaiba ang ningning nito, lalo na sa gitna ng dilim.

"Apo, malapit na tayo sa sapa." Hinawakan s'ya nito sa balikat at nagbigay ng babala. "Iyong tandaan at 'wag na 'wag kakalimutan, kapag tumapak na tayo sa tubig, hindi na maaaring lumingon. Diretso lamang ang tingin sa daraanan. Kailangan nating makaliban sa pinakamabilis na paraan."

Itatanong sana ni Maggie kung anong meron sa sapa ngunit napatango na lamang s'ya sa mga mala-makatang salita ng kan'yang lolo. Naaalala n'ya nung minsang naikwento ng kanilang lola na ang mga katawang-tubig daw, tulad ng ilog at sapa, ay 'di lamang hangganan sa pagitan ng dalawang kalupaan, ito rin ay nagsisilbing hangganan sa pagitan ng mundo ng tao at mundo ng kababalaghan.

Alam naman ni Maggie sa kalob-looban n'ya na hindi iyon literal kundi talinhaga lamang ngunit nang lumusong na sila sa rumaragasang tubig ng sapa, nakaramdam s'ya ng lamig, ng lungkot. Para bang humihiwalay ang kaluluwa n'ya sa katawang-lupa papasok sa kabilang daigdig. Pero syempre, imagination n'ya lang 'yun. Medyo dramatic kasi s'ya mag-isip.

Itinuon na lang n'ya ang atensyon sa pag-murder ng mga maliliit na bato at lupa sa ilalim ng sapa sa mga kuko n'ya sa paa na bagong nail polish lang. Nasa harap n'ya ang kan'yang lolo. Nagunguna pa rin ang kan'yang ama na walang tigil sa pagsigaw ng pangalan ni Mac.

"Attteee!!!" Muntikan na n'yang mabitawan ang hawak n'yang cellphone. 'Boses ni Mac 'yun.'

"Mac?!" Lumingon s'ya. Sigurado s'yang nasa kabilang pampang lang ang kapatid n'ya, sa lugar kung saan sila nanggaling. Siguro'y nakita nito ang mga dala nilang ilaw kaya 'di nila napansin na kasunuran lamang nila ang kanina pa nila hinahanap.

Nasa kalagitnaan na sila ng pagtawid sa sapa kaya 'di s'ya makaaninag ng malinaw.

"Mac!" tawag n'ya. May maliit na pigura ng isang bata sa tabi ng puno ng talisay.

"Ate!" Handa na n'yang ihakbang ang kaliwang binti nang bigla s'yang napahinto. Nakaramdam s'ya ng 'di paninigurado. Itinaas n'ya ang hawak na cellphone, pinindot ang camera icon at izinoom-in sa pwesto ng inaakala n'yang si Mac.

Ngunit ang nagre-register lamang sa camera ay isang maliit na ilaw. Kulay asul ang liwanag nito. Napakunot s'ya ng noo pero nahihirapan s'yang alisin ang paningin sa ningning ng maliit na apoy. Nakarinig s'ya ng mahinang ingay, parang tunog ng bubuyog – bzzzz. At ang paligid, naging kakaiba ang amoy – mabantot, parang bulok na itlog na aksidenteng nabasag.

Ang asul na apoy na kanina'y sing-liit lamang ng nakasinding kandila ay unti-unting lumalaki pero walang nararamdaman si Maggie na init na dapat manggagaling rito.

Hindi s'ya makakilos. Naka-lock ang lahat ng buto n'ya. Para bang bigla s'yang nagising mula sa isang bangungot. Paralisado. Nahirapan s'yang huminga. Ang dalawa n'yang mata ay mulat na mulat at nakatitig pa din sa lumilipad na apoy sa harap n'ya na papalapit na at bubulusok sa kan'yang kinapupwestuhan.

Bzzzz. Nabibingi na s'ya sa ingay ng paligid ngunit naulinigan pa rin n'ya ang ilang sigaw sa kan'yang likuran.

"Magggiee!!!" May tumulak sa kan'ya. Natumba s'ya at nalublob ang kan'yang mukha sa sapa. Ginising ng malamig na tubig ang buo n'yang katawan. Wala s'yang makita.

Pag-ahon n'ya, tahimik na muli. Basang-basa ang buo n'yang katawan. Nakita n'ya ang kan'yang ama na nakaluhod sa sapa, patay na ang hawak nitong flashlight, nakatulala sa kawalan at nakabuka ang bibig sa pagkagulat.

"Tay?" tawag n'ya rito ngunit hindi s'ya narinig. Nang bumalik ang kamalayan ni Maggie, una n'yang hinanap ang nalaglag n'yang cellphone sa sapa. Nawala ang kan'yang pag-aalala nang makapa n'ya ito pero pagkuha n'ya, "Ahh!", naitapon n'ya uli dahil balot pa ito ng asul na apoy. Tinignan n'ya agad ang kan'yang palad – walang paso, wala s'yang naramdaman.

Lumiwanang na ulit ang paligid sa ilalim ng bilog na buwan. Saka pumasok sa kan'yang isipan, 'Asan si Lolo?' Inikot n'ya ang paningin sa lahat ng direksyon ngunit wala na ang bakas ng kan'yang lolo at naiwan silang dalawa ng kan'yang ama sa sapa na puno ng pagtataka.

*************************************************************

Thank you po sa mga nagvo-vote at naga-add sa reading lists nila. It motivates me a lot.

Just keep on voting po at feel free to comment any suggestions.

Kung kayo po ay nakakaranas ng engkwentro sa mga maligno, o nakakaramdam ng kakaiba (hindi po utot, ha), maaari pong kayo ay miyembro ng Maginoo. Ipagbigay alam po kaagad sa pinakamalapit na chapter ng Klab Maharlika sa inyong lugar. Pakihintay lamang po ng inyong gabay (natrapik lang po). Salamat.

-- Catam, B.C.A. of Klab Maharlika Laguna Chapter

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top