7 Ang Tikbalang
Ika-Pitong Kababalaghan
Ang Tikbalang
"Ikaw na."
"Ikaw na kasi."
"Nakakainis ka naman, kuya, eh."
"Nahihiya ako, eh. Ikaw na. Malakas ka naman kay Tatay."
"Sige na nga," huling payag ni Mac. Pababa na s'ya sa hagdan mula sa balkonahe nang lumabas mula sa sala ang kanilang ina.
"Oh, anong pinaguusapan n'yong dalawa?"
"Ah, pwede po ba kaming mamitas sa may bayabasan?" nakangiting sagot ni Mac.
"Ay, magpaalam muna kayo sa tatay n'yo."
"Ah... gagawin ko na nga po, eh," patawang sagot muli ni Mac. Naabutan niya ang kanyang ama at lolo sa may harapan ng kubo na abala sa pagsisibak at pagsasalansan ng mga kahoy. Si Mike naman ay nanatili sa balkonahe at paunti-unting sinisilip ang pakikipag-usap ng kapatid. Ayaw n'yang siya ang nagpapaalam sa mga gagawin dahil unang-una, hindi siya ganoon kalapit sa kanilang tatay bagamat siya ang panganay na lalaki.
Naalala n'ya nung nadaganan ng gulong ng pedicab ang kaliwang kamay ni Mart nung nakikipaglaro s'ya ng jolen, nung nawasak ang bubong ng kanilang kusina dahil sa kan'yang pag-akyat, at nung muntikan ng masunog ang buhok ni Maggie (sinasadya man o di sinasadya) – ilan lamang sa mga dahilan kung bakit halos araw-araw s'yang napapalo ng sinturon ng kan'yang tatay. Hindi na rin n'ya maintindihan kung bakit ngunit sadyang likas kay Mike ang kalokohan.
Ngayon naman, naisipan n'yang – nilang magkakapatid na mamasyal sa gubat dahil wala naman silang gaanong gagawin. Bago pa sila bumiyahe kahapon, kinumpiska ng kanilang tatay ang mga gadgets nila maging ang paborito niyang tablet. Boring tuloy na maituturing ang ilang linggong bakasyon nila sa probinsya. Kaya ngayon, eenjoyin na lamang niya ito.
Maya-maya, nagtatakbo pabalik ang nakangising si Mac. Mukhang nahulaan niya tuloy ang sinabi ng kanilang ama.
"Anong sabe?" tanong niya na may pigil na ngiti.
"Oo daw. Pwede raw."
"Talaga?!" At akmang bababa nang hagdan si Mike para kuhanin ang dalawang tirador na nakasingit sa silong, sa ilalim ng sahig. Tinulungan s'ya ni Lolo Isko gumawa nito nung huli silang bumisita at naririto pa rin kung saan n'ya itinago.
"Pero. Kailangan daw di tayo lalagpas sa may sapa at balik daw agad bago maghapon. Saka isama raw natin si Ate para bantay." Napakamot ng ulo si Mike.
Naabutan nilang may katawagan sa cellphone si Maggie pagpasok nila ng kwarto.
"Bakit may cellphone ka?" paismid n'yang tanong. Napahinto sa pagsasalita si Maggie sa kausap n'ya sa telepono.
"Ba't ganon, 'yung tablet namin kinuha."
"So what? Mas matanda 'ko sa'yo. And this is necessity," payabang na sagot ni Maggie. Sa asar ni Mike, parang gusto n'yang sunugin uli ang buhok ng ate n'ya, isama na rin ang nguso.
Pumagitna si Mac. "Ate, pwede mo ba kaming samahan sa gubat? Mamamasyal lang kami. Sabi ni tatay isama ka daw."
"Mak-Mak, I'm like super busy right now. And... ayokong pumunta sa gubat. May mga insekto dun. Baka kung ano pa makakagat sa'kin. Saka... may kausap pa 'ko, okay?"
Hindi na makapagpigil si Mike. "Pake namen! 'Di ka namin kailangan. Kainin mo 'yang cellphone mo. Tatanda kang dalaga." Kumulog ng bahagya sa labas ng kubo. "Tara, Mac," aya nito.
"Ah, ganun." Namumula sa galit si Maggie at naghanap ng mahahablot. Buti na lang, unan lang 'yung malapit na naibato n'ya na tumama sa batok ni Mike.
"Makakaganti din ako, flatchested," sigaw ni Mike bago sila tuluyang lumabas. "Tayo na lang, Mac. Sama natin si Jordan."
"Pero kuya?"
"Tayo na nga lang."
"Yayain na lang natin si Kuya Mart?"
"Si Mart?" napaisip si Mike. "Asa'n ba 'yun?"
"Nandun sa labas, sa may duyan, ano ka ba?" Lumapit si Mac sa maliit na bintana sa kanan para tanungin ang kapatid na masayang nagbabasa ng thesaurus.
"Kuya Mart? Sama ka? Sa gubat?" sigaw ni Mac. Tumingin sa kanya si Mart na nag-isip ng ilang segundo. Isininggit ni Mike ang ulo sa bintana.
"Mart, di nakakain ang libro. Tara na," aya n'ya. Hindi malapit si Mike sa kanyang ate pero kahit papaano, close s'ya sa kapatid n'yang si Mart na isang taon lang ang ibinata sa kan'ya. Halos kasabay n'ya itong lumaki, kasa-kasama sa eskwelahan at galaan. Pero nang lumaki na ang bunso nilang kapatid na si Mac, mas napalapit s'ya rito dahil parehas sila ng hilig.
Si Mart, mahilig magbasa at mag-aral. Feeling nga n'ya may kakambal 'tong encyclopedia nung ipinanganak. 'Yung totoo, minsan naiingit siya dito tuwing recognition day. Sa dami ng medalya nitong natatanggap. Sa inggit niya, muntikan na n'yang ipa-kilo 'yun pandagdag pang-computer. Pero, naisip n'ya 'di pala pwedeng ibenta.
Mas mahilig s'ya sa sports. Naglalaro s'ya ng basketball at lumaban na rin s'ya ng sepak takraw sa school pero 'di n'ya maalala kung naging proud ba ng tatay n'ya sa kan'ya.
Tumayo si Mart sa pagkakahiga sa duyan at pinagpag ang pwetan. Nagsawa na siguro sa kababasa.
Suot ang pulang sumbrero, sumabay na si Mac sa kuya niya pababa ng hagdan. Habol-habol sila sa likod ni Jordan na nakalawit ang dila. Sumunod sa kanila si Mart na inayos ng kaunti ang suot na salamin sa mata. Napangiti na lamang si Mike.
"Tara na, Labo. Baka mapigilan pa tayo ni hindi pinagpala."
"Sino?"
"Wala." Nanguna na si Mike sa kanila, hawak ang tirador, papasok sa bayabasan na s'yang nasa bungad ng babagtasin nilang kagubatan.
* * * * *
Makalipas ang ilang oras ng pamimitas ng iba't ibang prutas, paglambitin sa mga sanga, pakikipaghabulan kay Jordan, pananaltik ng mga nananahimik na ibon, at pamamato ng buto (pamumuto?) ng kinain nilang bunga sa bunganga ng isa't isa, nagsawa na sina Mike at Mac at naisipang maligo sa may sapa.
Kahit nakailang babala sa kanila si Mart na 'wag lalampas sa sapa, 'di mapigilan ng dalawa na maghubad ng damit at magtampisaw sa malinaw na tubig.
"Tara, Mart! 'Wag kang matakot. 'Di ka malulunod, hanggang beywang lang, oh!" aya ni Mike sa kapatid na si Mart na 'di pa rin natitinag sa pagkakaupo sa isang malaking bato – katabi ng mga napitas nilang bayabas na nakalagay sa sumbrero ni Mac. Ramdam ni Mike ang pagdadalawang-isip nito. Kung meron mang taong kabaligtaran n'ya, si Mart na siguro 'yon. Isang taga-sunod at isang taga-suway.
"Miiiiiike!!!"
Napalingon s'ya kay Mac na nakikipaglaro kay Jordan ng isda-isdaan sa gilid.
'Sino 'yun?' tanong n'ya sa isip. Binalikan n'ya si Mart pero 'di naman ito nakatingin sa kanila at busy sa pagbibilang ng buto ng bayabas.
"Miiiiiike!!!"
May tumatawag sa kan'ya. Boses babae. Inikot n'ya ang buong paningin ngunit silang tatlo lamang ang nakikita n'yang tao roon at tanging ingay lang ng rumaragasang tubig ng sapa ang kanilang maririnig.
Hindi n'ya namalayang nakahawak na pala ang kanang kamay n'ya sa suot na kwintas – isang maliit at patusok na bato. Para bang otomatiko ang kan'yang pagkilos na ingatan ang kwintas laban sa 'di nakikitang kalaban – kung meron man.
"Kuya! Tignan mo!" Naagaw ang atensyon n'ya sa sigaw ni Mac.
"Ang gaganda ng mga bato, oh! May kulay violet, may stripe. May rainbow pa. Ahaha." Lumapit s'ya rito at namangha sa iba't ibang klase ng maliliit na bato sa ilalim ng sapa, iba't ibang kulay at itsura. May parang pangil ng buwaya, may tila maliit na suklay. May hugis teddy bear pa nga.
Nakaisip s'ya ng paraan para lumusong din si Mart sa sapa.
"Mart. Punta ka rito. May gemstones dito. Diamond! Emerald! Saka Tur-kos!" sigaw n'ya. Nagbago ang isip ni Mart at lumusong na rin sabay sigaw, "Torquoise, taeh."
Humakbang s'ya patalikod upang bigyan ng pwesto si Mart na agad namang napaluhod at inilapit ang mukha sa tubig. Hindi ito makapaniwala sa nakita. Mukhang madadagdagan na 'yung rock collections n'ya sa bahay.
"Whooot!" Isang malakas na ugong ang narinig ni Mike. Napatingin s'ya sa kagubatan, sa may bandang kaliwa kug saan isang kilometro lang ay makikita ang ibabaw ng matayog na puno ng Balete.
Ngunit hindi ito ang minamasdan n'ya kundi ang isang malaking ibon na kulay ginto na lumilipad sa paligid nito. Napanganga s'ya sa mahiwaga nitong itsura na sinlaki siguro ng washing machinbe nila.
Binalikan n'ya ang dalawa n'yang kapatid na tuloy pa rin ang dakot sa mga mahiwagang bato. Nilingon s'ya ni Mac. Sabay silang nagbilang ng tatlo.
"Wow! May calcite deposits dito. Limestone at sardo-blobblobblob!!"
Nag-alwasan ang mga halakhak ng dalawang loko. Umahon ang muntikan ng malunod na si Mart sabay singa ng pumasok na tubig sa kanyang ilong.
Daglian namang tumakbo si Mike patungo sa malaking bato. Kinuha n'ya ang damit nila ni Mac, ang sumbrero, at ang dala nilang tirador.
"Uuwi na tayo?" tanong ni Mac
"Hindi pa. May nakita 'kong malaking ibon. Pwedeng pang-ulam. Paunahan tayo," sagot n'ya sabay takbo sa kabilang pampang palayo sa direksyon ng kanilang pinanggalingan. Agad ding sumunod sa kan'ya si Mac na tila mas gusto ng pritong ibon kesa sa nilagang sanga bilang hapunan. 'Di rin nagpahuli si Jordan.
"Wait lang!" Walang nagawa ang kawawang si Mart sa kanila. Nahihirapan pa rin itong huminga sa pagkakalunod ngunit sumunod na lamang s'ya habang sinusubukang patuyuin ang salamin sa mata. Ayaw rin naman n'yang bumalik mag-isa.
Makalipas ang ilang minuto ng lakad-takbo, narating nila ang kinaroroonan ng puno ng Balete. Kahit na ilang beses naikwento ito ng kanilang Lola Nimpa, 'di maiwasan ng tatlo ang humanga sa kalakihan ng puno.
Nasasakop nito ang malaking espasyo ng kagubatan, sing-lapad ng stage nila sa school at may taas na anim na palapag na gusali. Sindami siguro ng hibla ng buhok ng tao ang mga dahon nito at 'di rin mabilang ang mga baging nito na ang haba'y umaabot hanggang lupa. Ang katawan ng puno ay singlapad ng isang classroom, may isang maliit na siwang ito sa gitna na mistulang pinto papasok sa loob ng puno.
"Ilang tao kaya kasya 'dyan?" tanong ni Mart na sinusubukang sukatin ang circumference ng puno gamit ang mga mata n'ya.
"Hayun!" napasigaw si Mike. Tinuro n'ya sa dalawa ang gintong ibon na nakita n'ya. Nakadapo ito sa pinakamataas na sanga at mistulang natutulog. 'Di sila makapaniwala sa laki nito.
"Anong klaseng ibon 'yan? Tanong muli ni Mart at nag-isip. "'Di naman 'yan Philippine eagle or peregrine falcon. Bluebird o buzzard?"
Hindi na inaksaya ni Mike ang oras. Iniabot n'ya ang isa pang tirador kay Mac at sabay silang naghanap ng bato na may magandang kalidad. Tumulong na din si Jordan sa pagbungkal.
Pinawalan ni Mike ang unang bato ngunit ni hindi man lang ito umabot sa kalhati ng taas ng puno. Naghanap muli s'ya ng bato at sa pagkakataong ito, nakakita s'ya ng isang bilugan na sintigas ng metal. Dinampot n'ya ito pero 'di ito umaalis sa pwesto. Para bang nakabaon sa lupa. Binitawan n'ya ang saltik at ginamit ang dalawang kamay para matanggal 'to.
Kulay silver ito, makinis, at bilugan ang ibabaw pero patusok ang baba. Mukha itong malaking pako na ginagamit minsan ng tatay nila sa pagkumpuni ng bakod nila. May logo na nakaukit sa ulo nito -
At sa katawan nakasulat ang FIREWALL (LB-1052 v.7). Parang part name ng isang component ng mga ina-assemble na sasakyan. Sa kabila naman ay Made in Kaluwalhatian, 100% Lunar Copper.
Hinagis-hagis n'ya 'to sa palad para tant'yahin ang bigat. Inilagay sa kanyang tirador at pagkabitaw, tumama ito sa mismong sanga, tatlong sentimetro ang layo mula sa ibon. Nagising ito sa saglit na pagka-bulahaw ngunit hindi pa rin umaalis sa pwesto at tila nakatitig sa mga mata ni Mike.
Nakakita uli si Mike ng isa pang "mahiwagang pako". Ang kanyang kapatid na si Mac ay hirap pa rin sa pnanaltik. Ngunit siya'y nasa ikatlong subok na. Pagkabitaw n'ya, dumiretso ang pako sa pwesto ng ibon. Muntik na itong tumama sa kaliwang pakpak bago ito nakalipad.
"Whooot!" Napatigil ang tatlo. Patuloy sa paglipad ang ibon ngunit imbis na pahalang ay pataas ito, diretso sa mga ulap hanggang sa hindi na nila makita.
Umihip ng malakas ang hangin. Mabilis na lumubog ang araw sa kanluran na kanina'y hindi naman nila napapansin. Biglang dumilim ang paligid. Nagagalawan ang mga puno na para bang may bagyo sa lokasyon kahit wala namang ulan. Umalingawngaw ang magkasabay na ungol at tahol ni Jordan. Pakiwari ni Mike, may bitbit s'ya sa likod na dalawang refrigerator sa bigat ng pakiramdam nila.
Nakita n'ya si Mac na nakatulala sa puno ng Balete.
"Kuya!" tawag nito. "Ano 'yon?"
Sabay silang lumingon ni Mart at nakita nilang may nakasandal sa gilid ng katawan ng puno – itim na hugis, dalawang beses ang tangkad sa kanila.
"Umuhuhuhu!" Hindi maipaliwanag ni Mike ang nilikhang ingay nito. Nakita nila ang ulo nito – hugis kabayo. Ngumiti ito sa harap nila, labas ang mga ngipin, nakadungaw ang pulang mga mata. Hindi na nila ito hinintay na humakbang dahil sabay-sabay silang nagtatakbo palayo sa Balete at nagsisigaw, "Mama! Mama ko!"
Parang nawala ang lahat ng bagay sa paningin ni Mike. Ang tanging nasa isip n'ya ay makarating sa kubo nila nang buhay at buo ang katawan. Kahit ilang beses s'yang muntikan ng madapa sa mga nakausling bato at ugat ng puno sa daan, 'di s'ya nagpatinag. Ramdam n'ya ang pagtama ng suot n'yang kwintas sa dibdib n'ya. Tila ba nakikipaglaban din.
Sa wakas, nakarating sila sa sapa. Nagtalsikan ang tubig sa mga mukha nila ngunit mas lalo pa nilang binilisan ang pagtakbo. Ni hindi s'ya lumilingon. Makalipas ang tila sampung oras, naaninagan n'ya na ang bubong ng kubo nila at usok na nanggagaling sa kusina. Palakasan sila ng paghingal ng kapatid n'ya.
"Ma! Mama!" sigaw n'ya. Tumigil lamang s'ya sa pagtakbo nang makitang papalapit na sa kanila sang kanilang tatay at lolo.
"Apo! Anong nangyari? Ba't kayo tumatakbo?" tanong ng kan'yang Lolo Isko. Bumaba na rin sa hagdan ang kanilang nanay at lola. Si Maggie, napatigil sa pagte-text at saglit na dumungaw sa bintana.
"Mike! Anong problema?" tanong ng kanilang ina. Ngunit mas nauuna ang pagpasok ng hangin sa baga niya bago lumabas ang mga letra sa bibig n'ya. Si Mart ang sumagot.
"Sa Balete po. May nakita kami... taong kabayo!" Pagtataka ang nasa mukha ng lahat. Nahuli ni Mike ang pagtitinginan ng kanilang lolo at lola.
Lumapit si Isko kay Mart at hinawakan s'ya sa balikat. "Totoo ba nag sinasabi mo?" Ngunit kahit si Mike hindi makasagot kung totoo nga ba ang nakita nila o napangunahan lang sila ng takot.
Nabasag ang katahimikan sa isang tanong ng kanilang tatay na si Miguel.
"Na'san si Mak-Mak?... Asan si Mac?" parang yumanig ang buong kalamnan ni Mike sa lakas ng sigaw ng kanilang ama. 'Lumindol ba?'
Lumapit sa kanila si Jordan, ang aso na kasunuran lamang nila. May kagat-kagat ito sa bibig – pulang sumbrero. Ibinaling nila ang tingin sa direksyon ng kagubatan ngunit ni anino ng kanilang bunso'y walang lumabas. Ang kaninang gubat na binagtas nila Mike, ngayon ay 'di na n'ya makilala.
Kinuha ni Miguel ang sumbrero at isang tingin lang ang binitawan nito sa takot na takot na mga mata ni Mike. Ang kadiliman ng paglubog ng araw ay mas dumilim pa.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top