6 Ang Kumintang
Ika-Anim na Kababalaghan
Ang Kumintang
Habang nakikinig ang batang si Mac sa kwento ng kanyang ate, sinubukan n'yang alalahanin muli ang mga pangyayari tatlong buwan na ang nakalilipas, buwan ng Mayo, bakasyon ng mga estudyante.
Napagpasyahan ng kanyang pamilya na bumisita muli sa probinsya ng kanilang lolo at lola. Limang taon pa lang si Mac nung huling beses silang pumunta rito. Dati, taon-taon daw silang dumadalaw pero 'yun lang ang medyo natatandaan ni Mac.
"Dito na lang po!" nagmamadaling paalam ng drayber ng traysikel sa mag-anak na Baraneda na lulan nito. Agad na bumaba mula sa loob si Mac, suot sa likod ang isang green na bag. Halos kasabay n'yang bumaba mula sa likuran ng drayber ang dalawa n'yang kuya, si Mike na mukhang 13 years old version n'ya dahil sa pagkakahawig, at si Mart na nag-ayos ng salamin sa mata pagkatuntong ng mga paa sa kalsadang iyon.
Sunod na bumaba si Maggie, ang nag-iisa n'yang ate na hindi n'ya alam kung ipagpapasalamat niya ba. Napansin n'ya ang bahagyang pagtaas ng kilay nito sa asta ng drayber bago humakbang bitbit ang asul nitong shoulder bag.
Huling bumaba ang kanilang ama at ina, sina Miguel at Shiela, na bakas ang pagod sa byahe ngunit may 'di maitatagong sigla sa muling pagbabalik sa bayan kung saan ipinanganak ang padre de pamilya na si Miguel.
Bitbit nila ang ilan pang bag laman ang kanilang gamit. Sa isip ni Mac, sa dami ng kanilang gamit, pwede na silang tumira ng ilang buwan dito.
"Mike. Mart. Ay, may dalawa pang bag rine," utos ng kanilang ama. Agad na tumakbo paikot ang dalawa para kuhanin ang mga natirang maleta sa loob ng traysikel. Pagkakuha na pagkakuha nila, agad kumaripas paalis ang traysikel.
"Nandito na tayo," masiglang tugon ni Mac habang pinagmamasdan ang arko sa tapat nila na 'di mo mababanaag kung di titignan ng maigi. Nakaukit rito ang mga salitang "MAL-GA-ANG PAG-A--NG S- BA-YO KUM--TAN-", halos natatakpan ng mayabong na dahon ng puno ng akasya sa magkabilang gilid.
"Hayo na, mga anak. Maglalakad pa tayo paloob kina mamay at inay," utos ni Miguel sa apat na nagsimula ng magsikilos. Iwinagayway muna ni Mac ng kaunti ang kanyang pwet sa tagal ng pagkakaupo.
"Ba't 'di na lang dumiretso 'yung tricycle?" pagtataka ni Maggie.
"Limot mo na. Wala namang sasakyang nadiretso paloob... saka saglit lang naman tayong maglalakad," sagot ng kanilang inang si Shiela.
Hindi naman nagrereklamo si Mac sa paglalakad ngunit 'di rin malinaw sa kaniya ang dahilan ng kanilang ina. Bahagya s'yang nakaramdam ng takot sa isip na may kinaiiwasan ang mga tao sa baryong ito.
Sabagay, sino bang matutuwa sa lugar na may pangalang Bayo Kumnan.
Inayos n'ya ang pagkakasuot ng pulang sumbrerong regalo sa kanyang kaarawan ng kanyang ina noong nakaraang taon. Sinimulan nilang bagtasin ang magabok, mabato at nag-iisang kalsada papasok sa baryo. Sinalubong sila ng mga naglalakihang puno ng kawayan na tila sumasayaw ng hip hop habang iwinawagayway ng ihip ng hangin. Tanging yagit ng mga kahoy at mga huni ng ibon ang maririnig sa paligid.
Ang pagtataka ni Mac, ni hindi n'ya makita ang mga ibon at wala rin syang ibang makitang hayop tulad ng kalabaw o kambing na inaasahan n'yang naroon. Nawaglit ang kanyang isip sa kanyang kuya Mike na namumulot ng bato sa gilid. Dagli rin s'yang namili ng mga maliliit na bato at inilagay sa bulsa kahit 'di nya alam kung saan ba ito gagamitin.
"Ano ba, Kuya?" inis na sigaw ni Mart hawak ang kaliwang tenga. Nakita ni Mac sa tabi nito si Mike na may hawak na pinitas na damo at humahalakhak sa tawa. Sinubukan ni Mart habulin ang kanyang kuyang si Mike sa inis. Napatawa na rin si Mac.
"Mike!" sigaw ng isang malakas na boses. Kahit puro kalokohan lang ang alam ng kuya niya, alam ni Mac na titigil ito sa isang bigkas lamang ng kanilang striktong ama. Sa totoo lang, di naman laging ganito ang kanilang ama. Kadalasan, mapag-aruga ito at bilang bunso alam 'yun ni Mac.
Tumakbo siya pauna upang makasabay ang kanyang tatay sa paglalakad. Nakalagpas na sila sa mga kawayan. Tumingin siya sa gilid at nakita niya ang ilang ektaryang palayan na ngayon ay natatabunan na ng mataas na damuhan, bakas ng mga huling tumira dito.
"Tay, ano po 'yong puno na iyon?" tanong niya sabay turo sa kanan kung saan makikita ang isang malawak na kagubatan, mga tatlong kilometro ang layo mula sa kanila.
Sa napakaraming mga punong-kahoy, matatagpuan sa gitna ang isang malaki at mayabong na puno, pinakamataas sa lahat ng punong nakikita nila. Ang punong iyon ang itinuturo ni Mac.
"Ah, 'yon ga? Iyon ang puno ng Balete, ang hari ng mga puno."
"Hari ng mga puno?"
"Oo. Yan ang pinakamatanda at pinakamatatag na puno sa gubat."
"Aah." Naisip ni Mac na sa laki nito baka mas matanda pa ito sa Lolo Isko nila o baka mas matanda pa sa lolo ni Rizal.
"Naakyat niyo na po ba 'yan?"
"Ah, hindi pa anak. Pinagbawalan ako nina mamay at inay na lumapit sa gubat. Sige, baka maligaw ka."
"Oh, my gosh!" bulalas ng kan'yang ate sa likod nang makatapak ng dumi ng hayop sa daan. Nandidiri nitong ipinahid ang sandals sa batuhan.
"Ang laki ng pupu... at ang fresh. Ew!" Sabay na tumawa sina Mike at Mac.
"Could you just...?" namumulang inis ni Maggie.
"Ano ba Mike, Mac. Malapit na tayo," singit ng kanilang ina. "Dun ka na maghugas."
Naputol na ang daan. Wala na ang mga damo. Napalitan ito ng iba't-ibang klase ng punong-kahoy. Humanga ang magkakapatid. Nanabik sina Mike at Mac sa mga nakabiting bunga ng mangga, bayabas, santol, sinigwelas at marami pang iba na tila naghihintay lamang pitasin.
Sa gitna ng mga punongkahoy, muli nilang nasilayan ang bahay-kubo ng kanilang lolo at lola, ang natatanging bahay na nakatayo sa Baryo Kumintang. Agad silang sinalubong ng isang matandang babae na kanina lamang ay nagwawalis sa harapan.
"Nak! Ala eh nandito na naman kayo. Haha!" tuwang-tuwang bati ni Lola Nimpa kay Miguel. Iniabot niya ang kanang kamay rito upang pagmanuhin kasama ang asawa nitong si Shiela.
"Ah, Nay! Itaas ko lang ho ito," paalam ni Miguel dala ang dalawang malaking bag at umakyat sa maliit na hagdan na may tatlong baitang lamang.
"Nay, mga apo niyo pala!" sabi ni Shiela kay Lola Nimpa sabay turo sa apat na bata sa likod. Unang lumapit si Mac na agad tinanggal ang pulang sumbrero para magmano.
"Aba, ikaw na ga si Utoy? Ang laki mo na, ah!" puri nito sa nakangiting si Mac.
"Nandyan po ba si Jordan?" tanong niya
"Oo, nandun lang," sagot ni Lola Nimpa sabay turo sa likod. Agad na tumakbo si Mac at isinigaw ang pangalan ni Jordan. Mula sa may gilid ng silong, patakbong lumapit ang isang aso na may mala-mais na kulay ng balahibo. Umupo si Mac upang salubungin si Jordan pero tumalon sa kanya ito at dinidiladilaan siya, tanda ng pananabik. Tuwang-tuwa si Mac sa pagkikita nilang muli ng kaibigan.
"La, pwede na po ba 'kong umakyat?" tanong ni Mart pagkatapos magmano.
"Ay, oo naman. Panhik na. Sabihan mo na lang si Nene na ayusin ang kwarto ninyo." Umakyat na si Mart kasama ng kanyang inang si Shiela.
"Ah, La? Saan po pwedeng mag-wash ng feet?" nakangiwing tanong ni Maggie habang nakaangat ng kaunti ang kanang paa.
"Ah, alay nakatapak ka 'ata, apo. Tara, samahan na kita sa igiban sa likod."
"Salamat po," nakangiting sagot ni Maggie kahit halata namang inis na siya sa sapatos niya.
"Mike! Magmano ka muna sa lola mo," sigaw ni Shiela na dumungaw sa bintana.
Itinigil ni Mike ang pagsusungkit sa puno upang habulin si Lola Nimpa at Maggie.
"Lola, mano po!"
"Oh, Mike! 'Wag ka ng manungkit at lolo mo na gagawa nan, hah. Magpahinga ka na sa taas."
"Sige po... ah, nasaan po si Lolo?" tanong ni Mike.
Sakto namang sulpot ni Lolo Isko mula sa likuran ng kubo kasama si Mac at Jordan na may bitbit na ilang pirasong mangga at dalawang buwig ng saging. Agad na nagmano si Maggie at Mike sa lolo nilang matanda na ngunit malakas pa.
"Tara na, Lolo. Kainin na natin to." aya ni Mac.
"Mamaya na, apo. Kumain muna tayo ng hapunan," pigil ni Lolo Isko at pumanhik na sila sa luma pero matibay na kubo.
* * * * *
"Mga anak, kakain na! Punta na kayo sa kusina," tawag ng kanilang ina na sumuyap lang saglit sa pintuan ng kwarto na kanilang tinuluyan. Nagsawa din si Mac sa kasisilip sa siwang ng sahig kung saan matatagpuan ang ilang mga manok sa kanilang silong na tahimik nang natutulog kahit kalulubog pa lang ng araw.
Umuna ng lumabas si Mac sa kaniyang kuya Mart na nagbabasa ng libro sa lilim ng gasera at ng kaniyang Ate Maggie na nagsusuklay sa harap ng isang lumang tukador.
Nasa kabila lang ang kusina. Ilang hakbang lang ang inabot ni Mac upang makarating dito. May tatlong bahagi lang naman ang bahay-kubo nila, isang kwarto, isang sala, at magkasama ang hapag-kainan at maliit na lutuan. May maigsing hagdan sa harap at ang sa likod nama'y diretso sa may poso. Sa kabuuan, maliit ito para sa isang bahay pero malaki na rin para sa isang kubo.
Naabutan niyang masayang nagkukwentuhan ang kaniyang lolo, tatay at nanay. Abala naman sa paghahanada ng pagkain si Lola Nimpa at isang babaeng maglilimang-buwan na sigurong buntis na tinutukoy nilang si Nene, malayong pinsan ng kanyang ama.
"Oh, asan na yung dal'wa?" tanong ng kanyang ina.
"Susunod na po," sagot niya sabay upo sa dulo ng mahabang upuang-kahoy katabi ni Mike na kanina pa nakikipagdilaan kay Jordan sa ilalim ng lamesa. D'yan mahilig ang kuya niya.
"Buti naman at nakapasyal uli kayo dito sa atin. Tatlong taon na, eh. Kalaki ni Mak-Mak," sabi ng kanyang lolo.
"Buti na nga lang ho at pumayag ang mga apo n'yo na sumama. Wala namang gagawin ngayong bakasyon," nakangiting sagot ng kanyang ama sabay sapo sa ulo niya. Napaisip tuloy si Mac kung tinanong ba siya para pumayag sa planong ito. Hindi naman. Para sa kanya, parang ito na 'yung nakasanayan na nilang pamilya.
"Aba, eh, hanggang kailan ba kayo rito?" tanong ni Lolo Isko.
"Hanggang magpasukan ho siguro. Ilang linggo lang," sagot ng kanyang ina. "College na nga po pala si Maggie."
"Pero pang-elementary pa rin ang isip," bulong ng kuya n'yang si Mike sa bandang gilid.
"Ano ka ba, Isko? Kararating lang nila, e, iniisip mo na agad ang pag-alis," saway ni Lola Nimpa na hinango na ang itim na palayok mula sa tungko. Biglang natakam si Mac at ilang oras na nung huli silang kumain pero nang makita ang pinaghalo-halong gulay at damo, may sanga pa ata ng puno, bigla siyang nagdalamhati.
"Nene, sumabay ka na samin," utos ni Lola Nimpa.
"Siya nga pala, utoy. Ito si Nene, anak ng pisan ko sa bayan. Eh, nabuntis doon, iniwan naman ng lalaki kaya lumayas at dito na lang tumira. Magpapakabait naman na raw, masipag namang tumulong sa gawaing bahay," pakilala niya kay Miguel.
Ngumiti ng kaunti si Nene at sumilip ang mga di-kagandahang ngipin. May mas lalala pa pala sa bungi ni Mac.
"Ilang taon ka na, ate Nene?" tanong ni Mac.
"Bente-kwatro! Hindi s'ya nagsasalita. Pipe s'ya," dagliang sagot ni Lola Nimpa.
Nginitian na lang niya ito.
Lumabas na mula sa lungga ang dalawa pa niyang kapatid. Wala na ang salamin sa mata ni Mart at nakapaikot naman ang mahabang buhok ni Maggie na inipitan lamang ng clamp.
Matapos manalangin, pinaghati-hatian na nila ang sanga, este, ang hapunan.
* * * * *
"Masarap ba ang pakbet?" tanong ni Lola Nimpa. Magaalas-nuebe na ng gabi.
Sa sala, nakalatag ang malaking banig at nakaupo rito ang apat na magkakapatid. Sa tabi, nakaupo sa malaking upuang-kahoy si Lola Nimpa na naghahanda na sa kanyang mga tagapakinig. Ang alam ni Mac, na narinig niya kay Mike, noong madalas pa silang bumisita rito ay gabi-gabing nagkukwento ang kanilang lola ng mga kababalaghan tungkol sa mga nilalang na di nakikita, mga alamat, at mahiwagang mundo ng duwende, diwata, at unicorns. Kahit di nya maalalang may kwento tungkol sa unicorn, sabik na sabik na s'yang makinig.
Abala ang kanilang magulang sa pagkukwentuhan at pag-iimis ng kusina. Si Maggie, hinihigit-higit ang hibla ng kanyang buhok at nakikipagtitigan sa split ends. Si Mike, halatang pinipigilang higitin ng higaan sa antok. Si Mart, ipinanganak na weird ay narinig niyang bumubulong sa sarili. Hindi na niya pinansin ang tanong ng kanilang lola dahil wala namang may gustong makaalam na "pakbet" pala ang tawag doon.
"La, ano pong ikukwento nyo?" tanong niya.
"Ang ikukwento ko ngayon ay tungkol sa kahiwagaan ng puno ng Balete," panimula ni Lola Nimpa.
"Balete? Di po ba, 'yun yung malaking puno sa may gubat? Alam n'yo po, nakita po namin 'yun kanina nung naglalakad kami. Ang sabi ni Tatay, 'yun daw po ang hari ng mga puno," pagmamalaki ni Mac.
"Tama. 'yon nga ang hari ng mga puno. Dito sa ating baryo, maraming kwento ng kababalaghan ang bumabalot sa punong balete. Nagsisilbi itong tirahan ng mga maligno— mga diwata, engkanto, tikbalang, nuno at iba pa."
"Saka unicorns?"
".. At unicorns. Walang sinumang sumubok na putulin ang nag-iisang puno ng Balete dahil ang sinuman daw na puputol dito ay kamatayan ang hatol. Kaya, tumanda at lumaki ang puno ng walang gumagalaw."
"Sino po nagtanim nun? Malaki din po buto ng balete?" tanong ni Mac. Napatawa si Lola Nimpa.
"Alay, wala 'yang buto. Saka bata pa lang ako, ganyan na 'yan kalaki. Sa umpisa, ang balete ay isa lamang maliit na halaman na pwedeng ibitin. Tutubo ang mga ugat nito at kakapit sa kahit anong katabing puno. Pagkatapos, para itong bampira na kumukuha ng lakas sa katabing puno hanggang sa mamatay.
"Kakapit ang ugat nito sa lupa at magsisimulang lumaki bilang puno. Ang mga baging nito ay tila mga galamay na handang sakmalin ang sinuman. Malalapad ang mga dahon nito na tumataklob sa tunay na katauhan ng balete... Ngunit tirahan naman ito ng iba't-ibang uri ng mga ibon."
"Naku, baka higupin din ang mga ibon," takot ni Mac.
"Hindi naman, apo. Ang totoo, ilang dekada ng tahimik ang ating baryo. Dito lumaki ang aking pamilya hanggang sa kadalagahan. Dito ko nakilala ang inyong mamay."
"Pero bakit po wala nang ibang nakatira?" tanong ni Mart na nakikinig pala. Napatingin din sina Maggie at Mike sa kanilang lola na siguro'y mga kapwa nagtataka.
"... Matagal nang lumisan ang mga naninirahan dito. Naglipat-bayan. Kami man ng mamay mo'y sinubukang tumira sa ibang lugar. Kaya nga sa Maynila na halos lumaki ang inyong Tatay Miguel nung siya ay nagsimulang mag-aral at nagkatrabaho." Ngunit puno pa rin ng pagtataka ang mga mata ng kaniyang mga apo na tila nakukulangan sa kaniyang sagot.
"Meron po bang nangyari?" tanong ni Mike.
"Ah, eh. Hindi ko na matandaan... Ta-tagtuyot. Isang malawak na tagtuyot kaya nawalan ng gana ang mga magsasaka rito. Tama. Yun nga."
"At... bumalik po kayo sa baryo?" tanong ni Maggie.
"... Matagal na rin kasi 'yon, mga apo. Tahimik na ang baryo. Hindi na ulit siguro iyon mangyayari. Saka, ang mamay niyo, mas gusto sa tahimik na lugar, 'yung hindi masyadong matao."
Walang tao 'ka mo, isip ni Mac. Naramdaman nya ang tila pagaalala ng kanyang lola. Nakaramdam na rin siya ng antok.
"Mabuti pa, magpahinga na kayo. Galing pa kayong byahe," aya ni Lola Nimpa at tumayo na sa kinauupuan.
"Pero, La, wala pa tayo sa unicorns," reklamo ni Mac.
"Bukas na lang. utoy. Tignan mo si Jordan, naunahan na kayong matulog. Mamamasyal pa kayo bukas, 'di ga?" Hindi na s'ya nagpumilit at pumasok na sa kwarto para mahiga. Kasunod n'ya ang tatlo pa na nagaagawan sa unan.
Saglit na nasulyapan ni Mac ang bilugang buwan sa may bintana na kahit natatakpan ng ilang puno ay maliwanag pa rin. Sa kalayuan ay masisilayan ang malaking hugis ng puno ng Balete. May naaninag si Mac na anino ng kabayo sa pagitan ng mga dahon nito.
"Unicorn," sambit n'ya sabay pikit ng mga mata.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top