5 Ang Kumakatok

Ika-Limang Kababalaghan

Ang Kumakatok

"WALA PA BA SIYA?"

Pangatlong tanong na ang narinig ni Mart mula nang dumating sa kanilang bahay ang kanyang ate at bunsong kapatid. Kasalukuyan s'yang nagduduldul ng pinaghalong asin at dinurog na bawang sa ibabang bahagi ng bintana sa kanlurang bahagi ng kanilang bahay. Pinipilit n'yang aliwin ang sarili sa pagsisigurong hindi magkakaroon ng awang ang nilalagay n'yang asin. Bahagya s'yang naka-tungo at nakapikit at pilit na inaalis sa isip ang imahe ng mga malalaki at mapupulang mata ng aswang na maaaring nakasilip sa bintana nila o kaya ay itim at malalagkit na daliri na bigla na lang lulusot sa mga siwang nito. Inayos n'ya ang suot na salamin sa mata.

"Wala bang sasagot?"

Nilingon ni Mart ang abala n'yang ate sa may kabilang bahagi ng kanilang bahay, galit na galit sa hawak nitong cellphone.

"Hindi mo ba talaga alam kung saan lumalakwatsa kuya mo? Tinawagan ko na lahat ng kilala kong kaklase n'ya, pati titser n'ya. Hating-gabi na," tanong nito sa kanya.

"Ate, 'wag kang O.A. 8:30 pa lang. Di ko talaga alam kung saan pa pumunta si Kuya Maki. Nandito na 'ko sa bahay ng maaga," sagot n'ya.

"Malamang pinaghati-hatian na ng mga aswang ang katawan n'ya. Matagal ko ng sinabi, hindi s'ya karapat-dapat na tagapangalaga," sabi ng isang magaspang na boses na nagmumula sa ibabaw ng kanilang mahabang lamesa.

Muling sinubukan ni Mart na titigan ang berdeng duwende ngunit sa bawat kurap ng kanyang mata ay nawawala at bumabalik ito sa kanyang paningin, tanda ng kanyang hindi pa rin matatag na paniniwala sa kanila, sa mga maligno.

"Bata, pahingi pa nga ako ng tsokolate na 'yan. Meron pa ba?" sabi ng duwende sa bunsong kapatid ni Mart, si Mac, na nakaupo sa tabi ng lamesa at nagpapakain ng tinapay sa alaga nitong aso.

"Oh, salo," sabay hagis sa duwende.

"Kung totoo 'yang sinasabi mo, edi, sana hindi kami nakaligtas sa mga maligno dati," sabat ni Maggie.

"Maligno? Nakipaglaban ba tayo?" inosenteng tanong ni Mac. Nagkatinginan lamang sina Mart at Maggie.

"Oo nga, nakalabas kayo sa Balete ng ligtas pero malayo na sa kaligtasan ang Balete ngayon matapos kaming lusubin at mapalayas," sabi ng duwende.

"Alam mo, hindi ko pa rin maintindihan masiyado 'yang kwento mo, Daryo."

"Duroy ang ngalan ko. Pasensya na hindi ko nasaksihan ng buo. Busy ako no'n sa punso kasama ang pamilya ko."

"Busy. Nagtatago kamo," sabat ni Mart sa usapan.

"Isa ka pa, Mart. Pumayag ka rin naman sa kalokohan n'yo ni Maki no'n bago 'to nagsimula," banta ni Maggie kay Mart.

Nakaramdam s'ya ng lungkot at konsensiya tuwing inaalala ang nangyari. Napatigil s'ya sa kanyang ginagawa. Natapos na n'ya ang bintana.

"Meron ka pa ba, bata?" tanong muli ni Duroy.

"Wala na, eh," sagot ni Mac.

"Uhh. Lowbat na 'ko," sigaw ni Maggie sabay akyat sa hagdan para kunin ang charger niya.

"Mga bata, tama na 'yan. Mabuti ga'y tulungan n'yo na lang ako rito," sabi ng matandang babae mula sa kanilang kusina, si Nimpa, ang kanilang lola. Kasalukuyan nitong hinahalwas ang nilutong pinangat at sinaing na bigas.

"Opo, La. Papunta na," sabi ni Mac sa masiglang boses.

Naiwan si Duroy sa lamesa na tinatahulan ng kanilang asong si Jordan at si Mart na nakatingin sa malayo.

"Mat, tapos na ga yan?" Nagitla pa siya sa tanong ng kaniyang lola.

"Ah, malapit na po." Lumapit s'ya sa kanilang malaking pintuan sa harap, ang unang daan papasok sa kanilang bahay. Gawa ito sa kahoy at halatang may kalumaan na. Dalawang pinto ito na sa gitna binubuksan. Hinawakan ni Mart ang bakal na kandado para siguraduhing naka-lock ito. Lumuhod s'ya at sinimulang magbudbod sa pinakailalim ng pintuan pakanan.

Tumahimik saglit sa parte ng bahay nila na 'yun kasabay ang pagbuo na naman ng takot sa isipan ni Mart. Gumuguhit sa kanyang kalooban ang ungol ng mga aswang, ang galit ng mga engkanto, at sigaw ng kaniyang lolo.

"Tok. Tok. Tok." Muntik ng matumba si Mart sa biglang paggalaw ng mga pinto. Nasa kalagitnaan pa lang s'ya ng paglalagay ng asin. Tumayo s'ya at tinignan ang pintuan, tinatanong ang duwag n'yang sarili kung bubuksan ba ito. Bumilis ang tibok ng kanyang puso. Naghintay s'ya ng apat na segundo, limang segundo, anim ngunit hindi na nasundan pa ang pagkatok.

Pumikit s'ya at pinilit alisin ang imaheng naiiisip n'ya ng pagkakataong iyon. Base sa mga kwento ng kanyang lola, ang pagkatok ng tatlong beses sa gabi ang paraan ng pagbati ng isang uri ng maligno na may masamang pahiwatig. Hinawakan n'ya ang kandado na sing-lamig ngayon ng yelo. Nakaramdam s'ya ng hirap sa paghinga. Natatakot s'ya na pagbukas n'ya ng pinto, bubulaga ang tatlong nilalang na nakaitim na hood at may hawak na kandila, dalawang matanda at isang batang babae. Sila ang tagapagdala ng balita, hudyat na sa gabing iyon ay mayroon na namang kukuha ng buhay sa isa sa kanilang pamilya. Sila ang mga kumakatok.

Hindi maaari, bulong ni Mart sa sarili na nagbigay ng kaunting tapang sa natitira pa n'yang katauhan. Naninigas ang kanyang kanang braso sa pagkakahawak sa kandado ngunit inipon n'ya ang buong lakas at binuksan ang kanang bahagi ng pinto. Pumasok ang malamig na simoy na hangin. Binuksan ni Mart ang mga nakapikit n'yang mata at namasdan ang tahimik na kalsada sa unahan ng kanilang tahanan, sa ilalim ng maliwanag na mga bituin sa langit. Walang tao o maligno. Bahagya n'yang ibinaba ang suot na salamin at ibinalik sa pwesto. Nilinga-linga n'ya ang paningin sabay sarado uli sa pinto. Nakahinga s'ya ng maluwag.

"Oh, Mat-Mat. Anong problema?" tanong ng kanyang lola na may bakas ng pangamba. Ibinaba nito sa lamesa ang hawak na kaldero.

"Wala po," maikli n'yang sagot. Dagli s'yang bumalik sa kanyang ginagawa at tinapos ang pagbubudbod ng asin sa pintuan.

"Pumunta ka na rine at tayo'y kakain na."

Ngayon, medyo naiintindihan na ni Mart kung paanong kalmado pa rin ang kanyang lola sa gitna ng mga pangyayari. Bawat isa kanila ay nananatiling takot ngunit ang pagpapakita ng kahinahunan sa gitna ng labanan ang tunay na kahulugan ng katapangan.

"Ako ma'y nag-aalala din sa apo ko pero wala tayong maitutulong kung walang laman ang ating tiyan."

"Anong ulam?" sabat ni Duroy.

"At ikaw ga ang bisita namin? Anong balita ang dala mo? 'Wag kang mag-alala, pagtitirhan kita ng pinangat," tanong ni Lola Nimpa.

"Ayun na nga ang sinasabi ko. Mga three months na 'kong wala sa Balete simula ng palayasin kami ng mga engkanto. Busy ang lahat sa preparasyon para sa kasal nang kami ay nilusob ng walang kalaban-laban," panimula ni Duroy sa kwento.

"Sinong ikinasal?" tanong ni Mac na umupo sa upuan at taimtim na nakinig. Umupo sa tabi n'ya si Mart.

"Nagapi nila ang datu at maging ang mahiwagang dilag."

"Si Maria?" Napalakas nang kaunti ang boses ni Maggie. Pababa na ito ng hagdan nang marinig n'ya ang kwento kaya dagli rin itong umupo sa tabi ng lamesa.

"S'ya 'nga. Ang dakilang Marya. Hindi ko alam kung paanong lumakas ng ganoon ang mga engkanto. Hindi iyon ang first time nilang paglusob sa liwasan pero sa pagkakataong 'yon, nagtagumpay sila. Nagtago ako, I mean, naghahanda kaming pamilya sa loob ng punso. Hindi ko na nakita ang lahat pero narinig ko may mga nasawi, may mga hinuli pero maraming nakatakas at isa na 'ko r'on. Nakakalungkot pero ang tirahan namin, ang kaharian ng Balete... ay wala na," malumbay na himig ng duwende.

"Teka, teka, teka. Sinong Marya, at anong kaharian? Ate, Kuya, 'di ko maintindihan?" tanong ni Mac sa kanilang lahat. Walang makasagot ni isa.

Si Lola Nimpa ang bumasag ng katahimikan. "Utoy, marami ka pang hindi nalalaman. Maging ako. Ang mabuti pa nga simulan natin sa umpisa."

"La, pero—?" malungkot na tugon ni Maggie dahil alam nito kung gaano kasakit marinig ang kwento kung paano nawala ang kanilang lolo, si Isko, ang minamahal na asawa ni Lola Nimpa.

"Ala'y hayaan mo na, Ne. Kailangan ring malaman ni bunso ang buong pangyayari. Nang sa gayon, malinawan tayong lahat."

"Pero." Tumingin si Maggie sa mata ng kanyang lola. Tumingin din s'ya kay Mart, kay Duroy, at pagkatapos ay sa mga mapagtanong na mata ng bunso nilang kapatid.

"Makinig ka bata. Lahat kayo ay nasa panganib. Kung natalo nga ng tagapangalaga ang mga engkanto noon, sigurado reresbak sila ngayon," banta ni Duroy kay Mac.

"Pwes hindi ako natatakot at handa na 'kong makinig," sagot nito.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top