38 Ang Kasal
Ika-Tatlumpu't Walong Kababalaghan
Ang Kasal
MAKALIPAS ANG TATLONG LINGGO.
"Hindi ba kaygandang pagmasdan?" tanong ni Tatay Miguel sa masayang tono. Malaki ang ngiti nitong wari'y nagpapakilala ng baby na bagong panganak, naglalaro ang pananabik sa mga mata.
Hindi agad nakasagot si Mike. Hindi dahil salungat siya rito kung hindi dahil nalulunod pa rin siya sa sariling pagkamangha. Nakasilong siya sa ilalim ng punong talisay n'on, nagmumuni-muni habang nilalaro ng mga daliri ang suot niyang agimat nang lumapit sa kaniya ang kaniyang ama.
"Opo," maikli niyang sagot. Nakararamdam pa rin siya ng kaunting ilang sa tabi ng kaniyang tatay. Pero laking pasasalamat niya sa pagbabago nito. Napapagalitan pa rin siya sa tuwing may nagagawang mali. Tulad nung isang araw na na-late siya ng pasok sa school at nung isang gabi na hindi niya pala napindot ang rice cooker. Pero hindi na tulad ng dati na pinangungunahan ng galit at poot. Ramdam ni Mike ang pagkalinga ngayon ng ama nila sa kanilang magkakapatid. Unti-unti ring naikukwento nito ang tungkol sa sariling karanasan bilang Maharlika.
"Isa lang ang huling habilin sa akin ng lola mo." Bakas ang lungkot sa boses nito tuwing nababanggit si Lola Nimpa. "Sabi niya, 'wag na 'wag ko kayong pipigilan sa kagustuhan niyo, sa pangarap niyo at sa pagiging Maharlika. Ang sagot ko naman, sisiguraduhin kong lalaki kayong kasing tapang ng inyong lola."
Nagngitian silang mag-ama.
"Tignan mo si Mac. Nakakatuwa."
Nilinga agad ni Mike ang tinutukoy nito. Isang maliit na puno ang nasa gitna ng malawak na kaparangan, puno ng Balete na noo'y binhi lamang na itinanim ni Mac at ngayo'y may malago na ang mga dahon sa tulong na rin mismo ng bunso niyang kapatid. Sa may gilid ay masayang nakikipagtalo si Mac sa harap ng ilang nunong himalang nakikinig sa kaniyang mga kwento. Marami-rami na sigurong naisalaysay si Lola Nimpa.
Sa kabila naman ay tumutulong si Maggie sa pag-aayos ng hardin na pagaganapan ng kasal. Kasama nito ang ilang diwata at anggitay sa pagdidisenyo at paglalagay ng tamang liwanag sa dakong iyon. Ginamit ng kaniyang ate ang sinag nito para magpalabas ng mumunting araw.
Sa may bandang likuran ay nakikihalubilo si Mart sa kumpulan ng tikbalang na naghahasa ng kani-kanilang mga patalim. Gagamitin ang mga ito mamaya sa pag-aalay at pagsaludo sa bagong kasal. Nakikiusyoso si Mart sa pagyayabangan ng mga sandata nila. Maging ang mga duwende'y nakisama sa usapan.
Si Duroy at ang kaniyang mag-anak ay naroon din para saksihan ang magiging kaganapan.
Ibinaling ni Mike ang tingin sa pares ng malignong mag-iisang dibdib sa mga oras na 'yon- sina Tómas at Perlas. Kausap ng mga ito si Gat Panahon na nakasuot ng magarang pananamit pang-datu at si Maria Makiling, ang anito ng pagmamahalan na siyang magsasawa ng seremonya ng kasal.
Tatlong linggo pa lang ang lumipas noong huli silang magkita-kita sa may isla sa lawa ng Laguna, noong matapos ang digmaan at mawasak ang dati nilang Kaharian. Ngayon, lahat sila'y nagbalik sa dating pwesto ng Balete sa may Baryo Kumintang upang muling itaguyod ang Kaharian ng Batangan.
"Siya nga pala," akbay ni Tatay Miguel sa kaniya. "Napagpasiyahan namin ng lolo mo na muling magbukas ng Klab para sa mga Maginoo sa probinsyang ito. Nakakakaba pero pangungunahan ko ang muling paglikom ng mga batang magiging Maharlika."
"Talaga po?" panlalaki ng mata ni Mike. Maging siya'y nasabik sa plano nito. "Pero paano po? Titigil na ba kami sa school sa Maynila?"
Napatawa ang tatay niya. "Hindi, Mike. Kailangan ko pa ring kumayod at tuwing day-off lang ako dadalaw rito gamit ang lagusan. Ang lolo mo ang mamamahala bilang bumalik na ngayon ang kaniyang pagka-datu. Kayong magkakapatid? Kailangan niyo pa ng pagsasanay kaya malamang ay ite-train muna kayo ng pangunahing himpilan ngayon ng Klab."
"Wow. Excited na po ako."
"Ako rin."
"Miguelito," tawag ng isang malignong may malalim na boses. Agad na nakilala ni Mike ang matangkad na tikbalang na sing-itim ng kalangitan sa gabi ang balat.
"Magandang araw, Supremo," bati ni Miguel. Napayuko na rin si Mike sa bagong pinuno ng kabalyero. Isinuko na muna ni Tómas ang tungkulin para ituon ang pansin bilang bagong maybahay.
"'Wag mo naman akong itawag sa ngalang 'yan. Para namang hindi tayo ang magkasama noon sa Digmaan ng Buwan sa lugar ding ito, 'di ga?"
"Ala'y masanay ka na, kaibigan."
"Hiya pa raw siya, eh," tukso ng kasama nitong tikbalang na si Arturo.
"Deserb mo naman, boss. Ay, mali. Supremo pala. Ayieee!" sapaw pa ni Ricardo na kamuntikan nang madangil ng suntok ni Sergio kung hindi lamang mabilis na nakaiwas.
"Ipagpaumanhin mo, tagapag-ingat ngunit maaari ko bang makausap ang iyong ama?" pagpapaalam ni Sergio kay Mike.
Dagli naman siyang sumagot, "Opo."
"Mamaya na uli, anak," paalam ng kaniyang tatay bago sumama kay Sergio papunta sa kabilang direksyon. Naiwan ang dalawang bantay na tikbalang sa tabi niya.
"Galing mo rin, boss," puri ni Arturo. "Balita namin, ikaw raw nakatalo sa higanteng buwaya."
"Actually, hindi po."
"Hindi. 'Yung bungisngis 'ata 'yung napatumba niya," turan ni Ricardo.
"Hindi rin po ako ang nakatalo."
"Ah, 'yung sarangay?"
"Hindi rin."
"Ah, basta. Galing mo pa rin, idol."
"Thank you po."
"Tignan mo naman, ang liwanag ng haring-araw, oh. Parang nakikisabay sa kasiyahan natin ngayon," komento ni Arturo habang nakaturo sa langit. Nagtaka bigla ang kasama nitong si Ricardo.
"Teka lang, parang pababa 'yung araw rito sa atin."
"Pa'no naman mangyayari 'yon, timang. Eh, tanghali pa lang. Mamaya pa 'yan lulubog."
"Bulag ka ga? Nakikita mo ga? Ayan, pababa na, oh. Parang pinagpapawisan na 'ko."
Napatulala si Mike nang makitang totoo nga ang sinasabi nito. Ang araw na kaninang parang parol na nakabitin lang sa langit ay mabilis na bumubulusok pababa sa lupa. Singlaki lamang ito ng bahay nila sa Maynila at medyo malamlam ang liwanag.
Napaatras sila nang bumagsak ito sa kaparangan na nagdulot ng uka sa lupa, mga limang metro ang layo sa kanila. Biglang may lumabas na mga mata at bibig sa higanteng bola. Uwu.
"Ang Talang Batugan!"
Iniluwa ng katawan nito ang lamang tatlong batang hindi rin nasiyahan sa pagsakay at biyahe nila.
"Ola, amigos," batu ng matangkad at singkit na binata. Mabilisan lang itong tumango kay Mike at agad ring tinungo ang pwesto ng datu at ni Maria.
Lumapit kina Mike ang dalawa pang kasama nito- sina Yana at Rigel.
"Kumusta, boss?" bati ng magiliw na si Rigel. Sakbit pa rin nito ang mahiwagang pana sa balikat at mukhang bago na rin ang suot na goggles. Sinubukan nito kay Mike ang kaniyang itinatagong secret handshake.
"Sorry. 'Di ko pa saulo," paumanhin ni Mike. "Puntahan mo na lang sina Mart. And'on sa may kabalyero."
"'Wag mong sabihing nag-aaral na siya maghasa ng sandata?"
"Gan'on na nga."
"All right." Matuling kumaripas ang batang Maharlika palayo.
Lumapit naman sa kanila si Yana. Humaba ng kaunti ang buhok nitong may nakapatong pang hairclip na may disenyong Keroppi. Natatakpan ang isang mata nito ng eyepatch at ang isa nama'y nakatitig lamang kay Mike.
"Boss, chicks," tuya ni Arturo
"Baka tandang 'ka mo. Hindi chicks," sagot ni Ricardo at sabay pang naghalakhakan ang mga tikbalang na parang mga kabayong ngayon lang nakatikim ng damo.
"Shh. Magsitigil nga kayo," bulong ni Mike na halata namang natatawa rin.
"What's funny?" mataray na tanong ni Yana na humakbang palapit, nakahalukipkip ang mga braso.
"Wala po," pakling sagot ni Mike. "Bakit naman kasama pa si Garth?"
"Sino? Ah, si- Teka, bakit ba? 'Di p'ede?"
"Natanong lang."
"Tutulong siya sa paglalagay ng panibagong proteksyon sa Balete."
"Marunong palang lumipad 'yung bituin," tukoy ni Mike sa higanteng bolang nagpapagala-gala na ngayon sa kaparangan.
"Tinuruan ni Rigel. Medyo slow-learner pa nga lang," sagot ni Yana. "Teka, ba't andami mong tanong? May angal ka ba?"
"Pat-ay na," bulong nina Ricardo at Arturo. "Boss, balik lang kami sa may kasalan. Baka tinatawag na mga groomsman," paalam ng mga ito't papuslit na umalis.
Bumuntong-hininga si Yana bago lumapit at tumabi kay Mike. Sabay nilang pinagmasdang muli ang maliit na puno ng Balete, baka sakaling maalis ang kaílangan.
"Alam mo ba kung bakit naroon ang nóno nung araw na 'yon?" basag ni Yana sa katahimikan.
Napataas lamang ng kilay si Mike at nag-abang ng sagot.
"Ang mga nóno ay nilalang ng katubigan, ng kabilang-ibayo. Madalas, sila ang naghahatid ng kaluluwa ng mga mandirigmang nasasawi sa digmaan. Nakaamoy sila ng kamatayan."
"Pero, parang hindi naman ganoon karami ang napatay namin d'on."
"Hindi nga. Dahil hindi naman kamatayan ng kahit na sinong nilalang ang ipinunta niya roon kung hindi ang pagkawasak ng dakilang Balete."
Mabilis na dumapo ang kalungkutan sa pakiramdam ni Mike.
"Kaya mabuting nagsisimula na uli kayo ngayon. Naibalita sa akin ni Gat Panahon ang balakin niyo kaya kami narito." May kinuha si Yana sa kaniyang bulsa at iniabot ang bagay na 'yon kay Mike.
"Ano 'to?"
"Alam mo, andami mong tanong. Tignan mo kaya."
Hindi pa makapaniwala si Mike na may hawak na siyang tsapang gawa sa kahoy. Nakaukit ang logo ng Klab Maharlika sa gitna nito.
"Official trainee badge ng Klab. Inaanyayahan namin kayong apat na magkakapatid sa Manila Chapter. Para kahit papa'no, matuto kayo ng palakad para sa bubuksan niyong kapitulo rito sa Batangan."
Nauubusan ng sasabihin si Mike. Tila nag-stuck ang lalamunan niya't hindi alam ang sunod na salitang babanggitin. "S-s-salamat."
"'Di mo kailangang mag-blush. I'm just doing my duty, okay?"
Napahawak tuloy si Mike sa mga pisngi. Halata bang namula siya? Siguro'y dala lang ng pananabik.
"Anyway, puntahan ko 'yung iba mo pang kapatid para ibigay 'tong tsapa nila." Tumalikod na si Yana.
"Wait," pigil ni Mike. Agad niyang hinawakan ang kamay ng dalagita. "May tatanong lang ako saglit."
Medyo nagulat siguro si Yana at napatigil ito. Nakatitig lamang sa kamay na hawak ni Mike.
"Okay lang ba?"
Segundo bago mabaling muli ang atensyon ni Yana sabay bitaw ng kamay niya mula sa pagkakahawak at itinago sa likuran. "Ano 'yung tatanong mo?"
"Ahm. Nakita niyo na ba 'yung hinahanap niyong Maharlika?" Napakamot sa ulo si Mike nang biglang magbigay ng mataray na tingin ang kausap niya.
"'Yun lang ba? I mean, 'yun ba? Ahm. Hindi pa. Bakit?"
"Wala lang. Gusto ko lang sanang makausap din siya tungkol sa mga agimat namin."
"Oh, gan'on ba?" Patango-tango pa si Yana. "Naintindihan ko. Siguro nga'y mas mabuting makilala mo rin si Robin."
"Robin? Akala ko ba Kit ang pangalan niya?"
"Kit nga. Codename niya si Robin."
Namilog ang mga mata ni Mike. Halos tumigil ang kaniyang paghinga. Hindi siya makapaniwala sa narinig. Tama kaya ang hinuha niya? Kaya siguro may suot ding agimat ang umalohokan. Ano nga ba'ng hugis n'on? Balahibo?
"Bakit?"
"Ahm. Wala naman," pilit na ngiti ni Mike. Hindi na niya muna siguro sasabihin rito ang tungkol kay Robin. Baka masabihan na naman siyang maraming dakdak. Saka na lamang 'pag may pagkakataong muli.
"May itatanong ka pa ba? Pupunta na 'ko sa mga kapatid mo?"
"Ah. Eh. Wala na. Wala. Salamat."
Iniwanan siya ng dalagitang may mapungay na tingin. Hindi siya sigurado kung ito ba'y irap o ano. Pinagmasdan niya ito habang naglalakad papunta sa gawi ng mga kabalyero. Iniabot ang badge kay Rigel na siya na mismong nag-abot kay Mart.
Nakita ni Mike na may ibinigay rin ang kapatid niya kay Rigel- isang pirasong hairclip na may disenyong perlas. Naalala ni Mike ang nakasalamuha nilang white lady sa may Balete Drive. Siguro'y magpapatulong si Mart sa mga ito na hanapin ang kasintahan ng kaperosang iyon.
Nasa kalagitnaan siya ng pagmumuni-muni nang maramdaman niyang bahagyang lumamig ang paligid.
"Isn't it cool?"
Nagulantang siya sa biglang pagsulpot ng isang mahiwagang babae sa gilid niya. Muntikan pa siyang mapayakap sa puno ng talisay.
"S-sino ka?"
"Just a visitor." Naka plain light blue na gown ang dalaga. Bagay sa matangkad at balingkinitan nitong katawan ang malambot na telang tila dumadaloy na parang tubig ng talon. May mumunti pang hamog sa may laylayan.
Paalon ang malago nitong buhok na kulay abo. Pero imbis na magmukhang matanda sa kakaibang kulay ng buhok ay lalo pang lumabas ang kagandahan nito. Medyo matulis nga lamang ang mga kilay nitong nagbigay ng itsurang katarayan sa marikit nitong mukha.
Hindi alam ni Mike kung saan ito nanggaling. Lalo na ang pinipig ice cream na kanina pa nito nilalantakan.
"Gusto mo?" alok ng dilag. "Favorite flavor ko 'to, eh."
Nakatitig lamang si Mike na puno ng pagtataka. "Isa ka ba sa mga diwata?" tanong niya kahit alam niyang mukhang hindi naman dahil sa kakaiba nitong kasuotan kumpara sa mga diwata doong nakasuot ng saya at bahag.
"Kasama po ba kayo nina Yana?" Pero wala naman siyang ibang nakitang bumaba ng Tala kanina bukod doon sa tatlo. Pinagmasdan niyang muli ang dalagang naglalabas ng preskong awra. Nakaramdam si Mike ng ginaw na nakakaantok at nag-uudyok sa kaniyang magtalukbong sa kumot at uminom ng mainit na sabaw.
"Don't focus on me. Focus on what you have achieved," ngiti nito. "Enjoy your day. This day. Sapat na araw na para magdiwang bago ang parating na bagyo."
Napakunot ng noo si Mike. "A-ano pong bagyo?" Tinignan niya ang langit na maliwanag pa sa salamin ang klima.
"Do you remember that image? 'Yung nasa kisame ng bulwagan?"
Kinabahan bigla si Mike nang maalala ang lugar na 'yon kung saan niya tinapos ang buhay ng isang anito.
"Between the hen and the rooster, there's a vicious hawk lurking in the middle."
Pinilit ni Mike na alalahanin ang painting. Isang lalaking may malalaking pakpak sa likod at may hawak na gintong alahas ang nakita niyang imahe sa gitna niyon. Mukhang naiintindihan na niya ang tinutukoy nito.
"He was once the king of the birds. Ang tusong ibon na dahilan ng pag-aaway ng kalangitan at karagatan. The same bird who pecked the tree of life. The same king who was cursed and banished. Ang nagmanipula kay Anagolay towards his own bidding."
"P-pasensiya na po, ale, pero para saan po ang sinasabi niyo," magalang niyang pigil rito.
"At talagang ale tawag mo sa'kin, ah." Naubos na nito ang kinakaing ice cream at ibinato sa damuhan ang natirang kahoy na stick."
"Be warned, Ginoo. Your fight is about to begin."
"Luh?"
"And you need more allies to combat the coming enemies."
"Sure po ba kayo sa sinasabi niyo? I mean, may nabanggit po sila about hari ng mga ibon. Actually, kami pa nga po ang nakakita ng gintong ibon dito sa Balete n'ong dumalaw kami n'ong bakasyon."
"That's true. He's here before you even knew it. Binantayan niya kayo ang I'm telling you, he's really smart. Don't let him win."
"Para saan? Hindi po ba ligtas na ang mga maligno po na ito?"
"Oh, boy. You can't comprehend it for now. You're all far from safety. We all are. Just a friendly reminder."
"Gee. Thanks."
"Mike! Mag-start na ang kasal," rinig niyang tawag ni Maggie sa 'di kalayuan. Nagsisimula nang magtipon-tipon muli ang mga maligno para pasinayaan ang seremonya. "Pumunta ka na rito."
Nang balikan ni Mike ang dalaga, wala na ito sa pwesto niya at nag-iwan lamang ng malamig na hangin. Nagkibit-balikat na lamang siya't tumakbo na palapit sa Balete. "Coming!"
Dahan-dahang pumatak ang ambon sa lugar na 'yon kahit pa wala namang kaulap-ulap, simbulo ng pagbibigay basbas ng isang anitong may malaking papel sa magaganap. Gumuhit ang makulay na bahaghari sa kalangitan.
*************************************************************
Wakas ng Unang Aklat
*Watch out for the Epilogue and Book 2 tease! 。◕‿◕。
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top