35 Ang Engkantada
Ika-Tatlumpu't Limang Kababalaghan
Ang Engkantada
NOONG UNANG BESES na dinala siya ng kabaong sa lugar na 'yon, matinding takot ang naramdaman ni Mike. Ngayon, puno ng kapanglawan ang dako para sa mga engkanto. Pakiramdam niya'y mas lalo pang lumaki ang kaparangang wala na ngayong kalaman-laman. Lalo pang lumamig ang hanging tumatama sa kaniyang balat.
Hindi siya sigurado sa dapat maramdaman. Tumatalon ang kaniyang kabadong puso hanggang sa lalamunan. Ngunit kapag iniisip niya ang kaniyang mga kapatid, kaibigan at kaniyang lolo na magiting na nakikipaglaban sa labas, nakapagpapakalma ito sa kaniya at muling nagpapaningas ng pag-asa.
Ibinababa siya ng flying casket sa mismong harapan ng bulwagan. Agad rin itong umalis pagkatapak niya sa semento. Nasa tapat niya ngayon ang pintuang sinubukan niyang sirain noon. Nakaawang ito at lumalabas ang malamlam na liwanag ng sulo mula sa loob.
Malamig ang kaniyang pawis. Nanunuyo ang kaniyang bibig. Sinubukan niyang pigilan ang panginginig ng kamay. Umiikot ang mumunting kuryente sa kaniyang katawan, naghahanap ng sulok na matataguan.
Huminga siya nang malalim at nang hahawakan ang pinto'y narinig niya ang mahinang pagtangis na 'yon. Hindi niya naiwasang sumilip sa loob. Isang babaeng nakaputi ang nakaupo sa gitna ng bulwagan. Mahaba ang buhok nitong abot talampakan. Taas-baa ang mga balikat nito sa pag-iyak.
"Maria?" Nagtaka man, nagpasiya na siyang pumasok sa loob.
Agad siyang nilingon ng dalaga. Tumahan ito at pinunasan ang mga luha sa mata. Umayos ito ng upo.
"Ano pong nangyari?" tanong ni Mike ngunit hindi na niya nahintay ang sagot ng anito dahil agad siyang napatakip ng bibig. Isa pang dalaga ang nakahiga sa sahig. Pamilyar ang gown nitong gawa sa sutla at burdado ng marikit na disenyo. Walang-malay at mapayapang nakapikit ang mga mata. Natatandaan ni Mike ang nunal nito malapit sa labi— si Reyna Ana.
Napipi si Mike sa pagkagulat. Umurong ang kaniyang dila at hindi na maalis ang tingin sa reyna ng mga engkanto't engkantada.
"Natatakot ako," bulong ni Maria. Nanginginig ang boses nito't nangingilid pa rin ang mga luha. "Mahal ko siya. Mahal ko ang aking ina. Ngunit—"
Nadama ni Mike ang matindi nitong pangamba. Hindi niya man ito ganoon kakilala dahil isang beses pa lamang sila nagkikita ngunit nakaramdam siya ng koneksyon na nag-udyok sa kaniya para lumapit. Sinubukan niyang ipatong ang kamay sa balikat nito para aluin.
"Hindi ko lubos akalaing aabot sa ganito ang maga kaganapan. Alam ko ang nararapat gawin. Alam naming lahat na darating din ang sandaling ito, ang sandaling magpapalaya sa kaniya sa habangbuhay na pagkakakulong." Nakatulala si Maria sa may pader, 'di kayang tignan ang kaniyang inang wala na ngayong malay.
Taimtim lamang na nakikinig si Mike.
"Bata pa lamang ako'y lumaki na ako sa kalinga nina Dayang Makiling at Gat Panahon. Sa mga salaysay ko lamang naririnig ang tungkol sa aking tunay na ina. Magkagayunman, hindi ko ginusto ang bagay na ito. Hindi ko kakayanin. Hindi—" At muling umagos ang luha ng dalaga.
Wala namang maisip ni Mike na gawin para tumahan ito. Naalala niya ang sinabi ni Apolaki, na kaya pumunta sa Balete ng Batangan si Maria ay dahil pakay nitong siya na ang magsasawa ng nakatakda, palayain ang engkantada magpakailanman— sa pamamagitan ng kamatayan.
"Gawin mo na," sabi nito sa kaniya. Mariin ang tingin ng mga mata nitong nangungusap, nakikiusap. "Tanggap ko na. Tanggap na namin ang nakatakda. Batang tagapag-ingat ng agimat, nasa kamay mo ang kapalaran ng sangkatauhan." Tumayo ang dalaga at mahigpit na hinawakan ang mga balikat ni Mike. "Nawalan siya ng malay dahil sa aming pakikipaglaban kanina. Ikaw na ang tumapos ng aking nasimulan." Bumitaw ito't humakbang papunta sa madilim na sulok para maghintay.
Hindi nakaimik si Mike. Hindi siya makapaniwalang nasa harapan na niya ang tungkuling palagi niyang naririnig. Hinawakan niya ang kaniyang agimat, maliit at patusok na bagay na walang mag-aakalang isa pala sa pinakamakangyarihang bagay sa kalupaan.
Hinarap niyang muli ang nakahimlay na engkantada. Naglalaro ang mga anino sa mukha nito sa saliw ng nanghihina nang apoy ng sulo sa may pader. Tunay na kayganda ng anito. Hindi maikakailang lubos ang pagmamahal dito ni Dumakulem.
Ngunit sumisingit ang mapapait na ala-ala sa isip ni Mike. Ang imahe ng sugatan niyang amang nahimlay rin dito sa bulwagan noon, ng kaniyang kapatid na si Mart habang inililipad ng kalaban palayo, ng kamag-anak nilang si Nene na walang-awang inatake ng mga aswang, at ng mga mukha ng mga kawawang malignong nawalan ng kaharian.
Ang lungkot at takot na kaniyang nararamdaman ay unti-unting naging galit at matinding poot. Pinigtas niya ang manipis na lubid ng kaniyang kwintas sa leeg at pinaglaruan ang maliit na agimat sa kaniyang mga daliri. Lumuhod siya't lumapit sa tabi ng engkatanda. Isang tarak lamang sa dibdib nito'y tiyak ang matatamo nitong kamatayan.
"Saglit!" tawag ni Maria sa kaniya. "Bago mo gawin, maari ba akong tumalikod muna. Hindi kakayanin ng loob ko." Napahawak ito sa mukha at dahan-dahang tumalikod.
Napatulala si Mike. Isang bagay ang kaniyang napansin na nag-udyok sa kaniyang ituloy na ang plano. Hinawakan niya ang maliit na bato't walang pag-aalinlangang itinusok sa dibdib ng engkantada. Dumaloy ang kulay asul na kuryente sa buong katawan nito't bahagyang pang nangisay.
"Is that it?" tanong ni Mike. "'Yun na ba 'yon? Patay na ba siya?"
"Sa tingin ko," sagot ni Maria. Dahan-dahang itong lumapit sa kanila, yumuko at akmang hahawakan ang pisngi ni Mike. "Salamat." Ngunit hindi nito inaasahan ang sunod na ginawa ng batang Maginoo.
Pinigilan ni Mike ang braso nito. "Hindi mo ako maloloko, engkantada."
Kumunot ang noo ni Maria, "Anong ibig mong sabi—"
Malakas na kidlat ang inilabas ni Mike sa kabila niyang kamay na buong-buo niyang ipinatama sa dalaga.
Blag! Tumilapon ito sa kabilang sulok ng bulwagan at bumangga ang katawan sa batong pader. Nagbabaga ang suot nitong puting damit. Nanghihina man, iniangat nito ang ulo at nagsimulang humalakhak.
"Hindi ko aakalaing matalino ka, bata," ang sabi nito't gumuhit ang ngiti sa mga labi. "Nagkamali ako. Nagmali akong noong minaliit kita."
Nakatingin lang si Mike rito ngunit ang totoo'y naglalaro ang kaniyang isip sa kawalan. Sumunod siya sa kaniyang kutob at tumama ang kaniyang hinala.
"Paano?" tanong ni Reyna Ana. Unti-unting nagbago ang anyo nito't muling bumalik sa itsura ng engkantada. "Paano mo naisip 'yon?"
Ang totoo'y bago itarak ni Mike ang agimat ay nasilayan niya ang kislap sa leeg ng nagpapanggap na Maria kanina— ang gintong kwintas na itinago nito sa pamamagitan ng mahika.
"Hanapin ang katotohanan. Sa ginto'y 'wag palilinlang," sagot ni Mike. Kaya pala hindi mapakali ang kuryente sa kaniyang kalooban na parang may mali sa nangyayari at sa kilos ng dilag.
"Natuto ka na, bata. Ipinagmamalaki kita." Bumangon ito mula sa mga tipak ng batong nalaglag dahil sa kaniyang pagkakatama sa pader. Lumapit ito kay Mike at lumuhod, tumingala para mas malinaw na makita ang suot nitong gintong kwintas.
Napaurong si Mike ngunit tinapangan niya ang loob.
"Ang gintong ito ay handog ng aking irog mula sa haring lawin, ang dahilan ng aming pagdurusa. Nagmamakaawa ako. Mike, palayain mo na ako sa paghihirap na ito. Pakiusap."
Naantig ang loob ni Mike. Kaniyang naramdaman ang ilang libong pagtitiis na naranasan ng engkantada, ang makulong sa sarili nitong kalungkutan, mawalan ng kalayaan at maging sunud-sunuran sa nagtatagong kalaban.
"Ina?" Napalingon sila sa bumangong dalaga. Mukhang sapat lamang ang ibinigay ni Mike na rami ng kuryenteng muling nagpagising dito. Bumalik na ito sa tunay na anyo bilang si Maria Makiling at ipinagpag ang batong mababaw na itinarak ni Mike sa dibdib— batong napulot niya lang sa daan.
Hawak pa rin ni Mike ang kaniyang agimat.
"Diyan," tawag ni Ana. "Patawarin mo 'ko sa lahat ng aking kasalanang nagawa, sa 'yo, sa kapatid mo at sa iyong ama. Matagal tayong nag-usap dito sa bulwagan. Nang 'di ko kayanin ay pinili kong patulugin ka na lamang ng aking tungayaw. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung sakaling mapahamak ka ng dahil sa alahas na ito."
"Naiintindihan ko po, ina. Matagal ko na po kayong napatawad. Labag man sa loob ko ngunit alam kong mas makabubuting tuparin na ang nakatakda." Nanginginig ang boses ni Maria. Tumayo ito at tumabi kay Mike.
"Mahal kita, aking ina. 'Di ako papayag na tumagal pa ang paggamit sa'yo ng kalaban."
"Mahal kita, anak. Mahal na mahal ko kayo." Tuluyan nang bumuhos ang luha ng reyna.
Tinignan ni Mike ang magiging reaksiyon ni Maria ngunit ang tangi niyang nasilayan ay ang katapangan nito, pilit na pinipigilan ang sarili na umiyak.
Niyakap ni Maria ang nakaluhod niyang ina at sa pagkakataong iyon, nasaksihan ni Mike ang pagtatapos ng isang malungkot na kwento.
Makalipas ang ilang segundo'y nagbitiw na sila sa pagkakayapos. Ipinatong ni Maria ang kamay sa balikat ni Mike at tumango. "Ito na ang pagkakataon."
"Gawin mo na!" sigaw ni Reyna Ana. Tumingala ito't pumikit. Lumikha ng linya sa maamo nitong mukha ang luha mula sa gilid ng kaniyang mga mata.
Mahigpit na hinawakan ni Mike ang agimat gamit ang dalawang kamay. Naglabas siya ng linya ng kuryente na naging espada. Ngunit 'di tulad ng dating kulay asul, purong puti ang kidlat na dumadaloy mula sa agimat, tanda ng pagsama ng kapangyarihan ni Bathala.
Ipinukol ni Mike ang buong tingin sa gintong kwintas. Iniangat niya ang espada at ipinatama sa alahas. Malinis na nahiwa ang ginto't nalaglag sa sahig.
Umandap-andap ang liwanag ng katawan ni Reyna Ana. Muli itong nag-iwan ng tingin kay Maria at kay Mike at umusal ng pasasalamat hanggang sa unti-unting naglaho.
Parang tumigil ang mundo ni Mike. Tila lumabas ang kaluluwa niya sa kaniyang katawan dahil sa naramdamang hilo at pagkalutang ng kaisipan. Muling bumabalik ang kaniyang mga katanungan. Tama ba ang ginawa ko?
"Tama ang ginawa mo," sagot ni Maria sa kaniya na wari'y nabasa ang kaniyang iniisip. Niyapos siya nito't inilabas ang luhang kanina pang pinipigilan. "Salamat. Maraming salamat."
Pinaglaho ni Mike ang kaniyang espada't niyakap ang maninipis na braso sa dalagang anito. "Salamat din po ng marami."
Naagaw ang atensyon nila ng mahinang kaluskos sa may tabi.
Bumitaw sila sa pagkakayakap at sinipat ang nilalang na iyon. Isang batang lalaking nag-aapoy ang nasa sulok ng bulwagan. Nakikilala ni Mike ang batang santelmo.
"Halika," aya ni Maria. "Malaya ka na sa kapangyarihan ng kalaban. Halika, samahan mo kami." Inalok ng dalaga ang kaniyang kamay.
Nagdalawang-isip man, dahan-dahang lumapit ang batang apoy. Ngunit imbis na abutin ang nakalahad na braso ni Maria ay tinungo nito ang sirang kwintas sa sahig.
Napansin ni Mike ang maliit na binhi na himalang lumitaw sa parteng iyon kung saan naglaho ang engkantada.
Lumuhod ang santelmo't niyapos ang ginto at ang binhi.
"Hindi!" malakas na sigaw ni Maria. Lalapit sana ito ngunit nagliyab ang santelmo't naglabas ng napakalaking apoy.
Halos mapaso sila sa napakatinding init. Kapwa nila itinakip ang mga braso sa mga mata dahil sa silaw.
Pagmulat nila'y bumalik ang kadiliman sa paligid. Wala na ang santelmo, maging ang kwintas at ang misteryosong binhi.
"Hindi maaari." Bakas ang sindak sa mukha ni Maria.
"Ano pong nangyari? Ano pong meron?" pagtataka ni Mike. Naguguluhan siya kung anong meron sa piraso ng binhi na iyon na nakapagpabahala sa isang anito.
"Kapag ang isang anito'y namamatay, natitira lamang ang isang binhi, buto o maliit na bagay na pinagmumulan ng kapangyarihan nito. Tulad ng agimat mo."
"Kung ganoon po—" Hindi makapaniwala si Mike sa kaniyang naisip. "Ang binhi ni Anagolay ay—"
Napatahimik siya ng biglang umuga ang bulwagan. Nalaglag ang mga sulo sa pader at unti-unting bumabagsak ang mga bati sa itaas.
"Ano pong nangyayari?"
"Nakasalalay ang tatag ng Balete sa kapangyarihan ng kasalukuyang nagmamay-ari nito," sagot ni Maria. "Kailangan na nating makalabas."
Hinablot si Mike ng anito't nagmadali silang tumakbo palabas. Nasaksihan pa ni Mike ang pagbagsak ng kisame kung saan nakaguhit ang imahe nina Ana at Dumakulem at nang kanilang mga anak.
Lumabas sila ng bulwagan at nakarating sa kaparangan. Pinagmasdan nila ang mabilis na pagbagsak ng simbahan. Tila isang malakas na lindol ang tumama sa lugar na 'yon.
"Kumapit kang mabuti." Sumunod si Mike sa tinuran ni Maria at mahigpit na hinawakan ang malambot nitong mga kamay
Pumikit sila't binalot ng kadiliman. Rinig lamang ni Mike ang ingay ng pagguho ng puno ng Balete.
*************************************************************
I need hugs.
ಥ_ಥ
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top