33 Ang Batúgan

Ika-Tatlumpu't Tatlong Kababalaghan

Ang Batúgan

HALOS HINDI NA GUMANA ang inhaler ni Mart. Lalo lang siyang nahirapang huminga nang magsimulang bumuhos ang ulan kanina. Ramdam niya ang bigat ng bawat patak mula sa maitim na langit. Nagmistulang gabi sa buong paligid ng isla.

"Mahabaging Bathala," rinig niyang pagtangis ng kaniyang lolo.

"Bakit po, Gat Panahon?" tanong ni Perlas na katabi nila. Tahimik silang nagtatago sa likuran ng malaking bato malapit sa bungad ng kagubatan, taimtim na pinagmamasdan ang matayog na puno ng Balete sa 'di kalayuan. Mga isang kilometrong kaparangan ang pumapaikot dito na siyang pinalilibutan ng nasa limampung iba't-ibang maligno at aswang.

Mistulang pukyutan ang Balete pero imbis na mga bubuyog ay mga kapre't asong itim, manananggal at tikbalang ang nakapaligid. Isang hakbang palapit ay mangangagat ang mga bantay ng walang pakundangan. Ni hindi ininda ang malakas na ulan. Tila naghihintay sa paglusob nila.

"Ang Balete, unti-unti nang namamatay," bulong ni Gat Panahon sa pinakamalungkot na tono. Kita ni Mart ang pagdaloy ng luha nito kasabay ng mga patak ng ulan. Nilinga niya ang puno. Makapal pa rin naman ang palumpong ng mga dahon nito pero 'di tulad ng dati ay halos magkulay abo na. Ganun din ang mga baging, katawan at ugat ng Balete. Hindi pa man tag-lagas, ramdam ni Mart na nauubusan na ito ng buhay.

"Nakikita mo rin, hindi ba?" tulalang tanong ng kaniyang lolo. "Nakalulungkot na ang mismong mga mamamayan nito'y walang malay sa dahan-dahang pagkasira ng kanilang tirahan. Para na rin nilang pinutol ang puno sa likas nitong lugar."

"Na'san si Tómas ko?" Naagaw ang kanilang atensyon ni Perlas. Kanina pa ito palinga-linga, sinusubukang hanapin ang kaniyang irog mula sa lupon ng mga maligno sa kanilang harapan.

Boom! Isang malakas na pagsabog ang naganap sa may bandang kaliwa ng Balete. Nag-panic ang mga bantay. Ang iba'y naglipatan sa kabila habang ang iba'y dahan-dahang siniyasat ang pinanggalingan noon.

Mula sa makapal na usok ay lumabas ang pigura ng apat na bata, bawat isa'y nakaangat ang mga sandata.

Pinaningkitan ni Mart ang mga mata para makakita ng ayos. May hawak na latigo ang pinakamatangkad na babaeng nakatali ang buhok sa likod. Ang isa nama'y batang lalaking naka-uniform at may hawak na espadang nagliliwanag.

"Ate? Kuya?" bulong ni Mart. "'Lo, sina Ate Maggie at Kuya Mike po!" sabik niyang sigaw sabay hawak sa braso ni Gat Panahon para ituro ang kaniyang mga kapatid.

"Silang tunay," mangha nito.

Hindi malaman ni Mart kung paano itatago ang sayang nararamdaman. Gusto niyang tumakbo palapit at yakapin sila ngunit nasa kalagitnaan sila ng laban. Mga búhay nila ang nakataya.

"Sino ang dalawang Maharlikang iyon?"

"Sina Yana at Rigel po. Nakilala namin sa lagusan."

"Ano na'ng sunod nating gagawin?" tanong ni Perlas sa kanila at umayos ng pagkakapwesto sa likod ng batuhan.

Pinagmasdan ni Mart kung paano makipaglaban ang kaniyang mga kapatid at kaibigan. Isa-isang sumugod ang mga maligno ngunit sadyang mabisa ang dala-dala nilang sandata pampuksa ng mga kalaban.

Nanlaki ang mga mata nila nang lumabas mula sa siwang sa gitna ng katawan ng Balete ang dalawang higanteng bungisngis. Mabagal man ang lakad nila'y lumilikha naman ng lindol sa bawat hakbang palapit sa apat na Maginoo.

Nanigas ang katawan ni Mart sa takot. Naalala niya ang huling sagupaan nila sa mga higanteng iyon. Minabuti niyang alisin ang mapait na ala-ala at nag-isip ng sunod na hakbangin.

"Bakit silang apat lamang?" pagtataka ni Gat Panahon. "Hindi nila kakayanin ang mga kalaban."

"Ano bang binabalak nila?" bulong ni Mart.

"Ramdam ko ang diwa ni Maria sa loob ng puno, maging ng kay Ana. Sa tingin ko'y sinusubukan nilang apat na makapasok sa loob."

Natanaw nila ang isang hukbo ng mga tikbalang na pasugod na rin, pinangungunahan ng isang kayumangging kabalyero na nakasuot ng baluti.

"Tómas!" tawag ni Perlas.

Agad na hinarap ni Mart ang anggitay. Nakaisip siya ng plano.

"Okay. Ganito ang gagawin natin. Kailangan ka pong makita ni Senor Tómas. Subukan niyo po siyang kumbinsihin na umanib sa atin. Malaki po ang maitutulong nila," paliwanag niya ditong hindi niya sigurado kung naintindihan ba dahil panay lang ang ngatngat ng anggitay sa kaniyang mga batong hiyas. "Anyway, mandi-distract uli tayo."

"Distrak?"

"Opo. Kailangan nilang makapasok sa loob ng Balete kaya tayo naman ang manggagambala pansamantala sa mga kalaban."

"Apo, ilang beses mo nang pinatunayan ang tiwala ko sa'yo. Ngunit sa huling pagkakataon, ika'y aking tatanungin. Nakatitiyak ka ba sa balaking ito?"

Gustong-gusto ni Mart na sumagot ng hindi. Ang totoo'y nanginginig ang bawat kalamnan niya sa takot. Ngunit alam niyang nasa bingit ang buhay ng kaniyang mga kapatid. Nilunok niya ang namuong laway sa lalamunan, tinitigan ang mga mata ng kaniyang lolo at tumango. "Opo."

"Kung ganoon, gagawin ko ang aking makakaya upang makatulong," pangako ni Gat Panahon. "Ako'y nanghihina na ngunit susubukan ko pa ring gamitin ang aking natitirang kapangyarihan sa kapanahunan. Kayo'y humayo na't gawin ang nararapat."

"Opo," pakling sagot ni Mart.

Umayos ng tayo ang anggitay at hinawi ang mahabang buhok. Nagliliwanag pa rin ang kulay-asul niyong katawan, sinamahan pa ng kintab ng mga suot nitong alahas. Panigurado, agad silang makikita ng kalaban. Inalalayan pa nito si Mart sa pagsakay sa likuran.

Nagpaiwan si Gat Panahon sa batuhan. Patago itong aatake sa mga kalaban.

Ipinadyak ng anggitay ang unahang binti sa lupa at kumaripas ng takbo patungo sa gitna ng labanan. Humahampas ang hangin at patak ng ulan sa kanilang mga mukha.

Gulat ang reaksyon ng mga malignong kanilang madaraanan. Isang kapre ang sumubok na sila'y patumbahin ngunit maliksing nakaiiwas si Perlas. Tinatadyakan lang nito ang mga humaharang na asong itim.

"'Wag 'yang buhok ko!" sigaw ni Perlas sa isang manananggal na pilit sumasabunot sa kaniya. Napatigil sila sa pagtakbo. Anumang segundo ay maaaring umatake ang kahit na sino. Rinig ni Mart ang sigawan at ungulan sa paligid. Hinubad niya ang suot na backpack. Wala na silang natira pang armas panlaban.

Hinawakan niyang mabuti ang bag at itinaas. "Umalis kang aswang ka. Shoo!" sabay hagis ng bag papunta sa manananggal na agad naman nitong ikinatumba sa putikang lupa. "Three points!" Saglit siyang nagsaya. Tinapik niya ang likuran ng anggitay, hudyat na ipagpatuloy na nila ang pagtakbo.

Nasilayan na ni Mart ang mga kapatid at kaibigan. Abala ang bawat isa sa pakikipaglaban. Si Maggie, iwinawasiwas ang mahabang latigo sa kumpol ng mga tusong engkantada. Si Mike naman, parang naglalaro lang gamit ang espadang-kuryente laban sa mababangis na aswang.

"Mart!" Napalingon siya sa sigaw na 'yon. Hindi na niya napansin ang malaking paa ng bungisngis na sumipa sa katawan ng sinasakyan niyang anggitay. Parang bundol ng sasakyan ang lakas ng impact. Lumipad sila palayo. Bumagsak ang nanghihinang katawan ni Mart sa lupa.

Pinilit niya pa ring bumangon para makaupo. Nakita niyang tumba na rin sa putikan si Perlas.

"Hinde!" sigaw ng isang batang lalaki sa 'di kalayuan— si Rigel. Nakatutok ang pana nito sa taas at nagpaulan ng sunod-sunod na palaso. Maging ang kalapit na si Yana ay pinuntirya ng sibat ang higanteng bungisngis na ngayo'y aapak sana sa kawawang si Mart.

Tumanim ang matatalim nilang bala sa mabalahibong binti ng higante na nawalan ng balanse't dahan-dahang natumba. Nadaganan pa nito ang ilang maligno.

Agad na lumapit kay Mart si Rigel.

"Ayos ka lang?" ngiti nito. Si Yana naman ay tinulungang makabangon ang anggitay, "Paanong—Saan kayo nanggaling?

"Mahabang kwento. Kailangang naming makalapit sa Supremo." Mukhang naintindihan naman na nito ang gusto niyang sabihin.

Kahit hirap huminga, umakyat muli si Mart sa likuran ng anggitay. 

"Masaya akong makita kang muli, kaibigan," paalam nina Rigel at Yana sa kaniya bago sila bumalik sa pakikipaglaban.

"Tómas!" malakas na sigaw ni Perlas. Ipinagpatuloy nila ang pagtakbo. Nasilayan nila ang hukbo ng kabalyero na kumakalaban kina Maggie at Mike. Sa hula niya'y malapit na sila ng matalo.

Napasinghap siya nang makitang matumba ang mga kapatid, panay galos ang mga katawan. Hinawakan pa ng isang tikbalang ang damit ng Kuya Mike niya't iniangat mula sa lupa para titigan.

"Katapusan mo na, bata." Inilabas nito ang sakbit na itak.

"Tigil!" sigaw ni Mart. Pinunasan niya ang mukhang basa na ng ulan. Napatigil nga ang mga kabalyero't sabay-sabay na lumingon sa kanila. 

"Perlas?" Napanganga ang Supremong tikbalang at dali-daling tumakbo palapit sa minamahal nitong anggitay. Hindi rin makapaniwala ang mga kasama nito.

Ang akala pa ni Mart ay aatakihin siya ng pinuno ng kabalyero ngunit nakatitig lamang ito kay Perlas na agad nagyakapan at naghalikan sa pananabik.

"Tómas," ungol ng anggitay. Nanginginig ang katawan nito't walang pakialam sa nangyayari sa paligid habang itinutuloy ang pakikipaglampungan sa tikbalang.

Nakaramdam pa ng kaílangan si Mart kaya minabuti na niyang bumaba.

"Mart!" tawag ng kaniyang mga kapatid. Binitawan ng maligno si Mike. Kahit sugatan, mabilis na niyapos si Mart ng kaniyang kuya. Lumapit sa kanila si Maggie at nakisalo sa kanilang pagyayakapan. Naiiyak sila sa tuwa nang muling makatagpo ang isa't-isa.

"Where have you been?" tanong ni Maggie. Pinunasan nito ang nga luha ni Mart. "Are you okay?"

"Yes po," pahikbi-hikbi pa siya sa pagsagot. "Nakatakas kami sa kweba kasama si Perlas at si Lolo."

"Si Lolo?" gulat ni Mike. "Nas'an siya?"

Itinuro ni Mart ang pinanggalingan nilang batuhan ngunit wala na roon si Gat Panahon. Napagawi ang tingin nila sa isang anitong mag-isang nakikipaglaban sa isang higanteng bungisngis. Napanganga sila sa mangha kung paanong mabikas nitong kinokontrol ang tubig ng ulan at malakas na hangin laban sa higante. "Woah!"

"Mart, kailangan nating makapasok sa loob ng Balete," paliwanag ni Maggie. "Ang agimat lamang ni Mike ang pwedeng tumalo sa engkantada."

"Understood," sang-ayon ni Mart. "Kaya 'ko dinala rito si Perlas."

"Anong ibig mong sabihin?" pagtataka ni Mike. Sabay-sabay nilang nilingon ang anggitay na nakaharap na ngayon sa palibot ng mga tikbalang.

"Mga kawal, ang aking irog ay muling nagbalik, ligtas sa kamay ng Maginoong ito. Wala na'ng dahilan para sumunod pa sa ninanais ng engkantada," sigaw ni Señor Tómas sa kaniyang mga kabalyero. "Alam nating lahat na hindi naman ito ang ating ginusto. Ano pang hinihintay niyo? Tayo'y magsilikas na."

"Hindi maaari," pagtutol ng isa sa mga tikbalang. "Ang loob ko'y na kay Reyna Ana. Tama lamang na 'di tayo pasakop sa mga mahihinang nilalang na 'yan." Sumang-ayon rito ang ilan pang maligno.

"Kung ganoon. Humanda kayo sa bagsik ng aking patalim." Itinaas nito ang itak at walang takot na sumugod. Nagsimula muli ang labanan, ngayo'y sa pagitan na ng mga kapwa nila maligno— ang panig ng katarungan laban sa pilit pa ring umaanib sa engkantada.

Hindi na pinalipas pa ni Mart ang pagkakataon. Walang saysay makisali sa digmaan.

Papuslit silang tumakas at tumakbo papunta sa puno ng Balete. Nalimliman sila ng mga dahon at baging ng puno mula sa patuloy pa ring buhos ng ulan.

Nilingon muli ni Mart ang kaparangan. Nakita niyang magiting na nakikipaglaban sina Yana at Rigel at maging ang kaniyang lolo.

"Kailangan ko silang tulungan," sabi niya sa kaniyang mga kapatid.

"Ano?" Kumunot ang noo ng kuya niyang si Mike. "Pero wala kang armas."

Dinampot ni Mart ang nakitang gulok sa sahig. Naiwan siguro ng kung sinumang bantay.

"Ito. Pwede na 'to." Hinarap siya ni Maggie at tinitigan, mga mata nito'y nangungusap.

Naramdaman ni Mart ang pangungulila nito ngunit nangingibabaw ang pagmamalaki 

"Proud ako sa'yo, Mat-Mat," sabi ng kaniyang ate sabay halik sa kaniyang noo.

Sa una'y 'di pa makapayag si Mike ngunit lumapit na rin ito at may iniabot sa palad ni Mart.

"Ano 'to, Kuya?" Tinignan niya ang maliit na tansang gawa sa pilak.

"'Di ko rin alam. Pero tingin ko, ito na ang tamang oras para gamitin 'yan. Ipitik mo." 

Sinunod nga niya ang utos ni Mike. Umitsa ang tansan palayo sa kanila. Lumapag lamang ito sa lupa at walang nangyari.

"Ahm. Sigurado ka bang 'yan 'yung binigay ni Tala?" Naglaho ang kanilang pagkadismaya nang biglang lumiwanag ito at lumabas ang isang malaking bola. Palaki nang palaki hanggang sa umabot sa mababang sanga ng Balete.

Kulay pilak ito't kumikislap na parang bituin 

"What the heck is that?" sabi ni Maggie.

Uwu, rinig nilang ingay na nilikha ng mahiwagang bola. Umikot-ikot ito at nang humarap ay may lumabas na isang pares ng mga mata at maliit na bibig. Uwu?

"Nagsasalitang bola? Seryoso ba si Tala?" komento ni Mike.

"I think we have to go na. This is getting weird," paalala ni Maggie sa kanila.

Lumapit kay Mart ang kuya niya at itinapat ang kamao. Tinugon ni Mart ang fist pump nito at nagpaalam. Pinagmasdan niya pa ang pag-alis ng kaniyang mga kapatid papasok sa gitnang siwang sa katawan ng Balete.

Hinarap niyang muli ang higanteng bola. "Now what?"

Uwu. Gumulong ito papunta sa kaparangan. Nagulat din ang mga kalaban dahil bawat malignong madaanan nito'y kusang kumakapit sa bola, tila kinakain sila ng higanteng snowball na patuloy pa rin ang paglaki sa bawat aswang at engkantong mapadikit dito.

"Oh, my goodness." Hindi makapaniwala si Mart. Nakita niyang napatigil din sa pamamana si Rigel para pagmasdan ang buháy na bituin.

Nagtatatalon pa itong lumapit kay Mart nang makita siya.

"Talang Batúgan."

"Ano?" pagtataka ni Mart.

"Saan mo nahanap ang Talang Batúgan? Hindi ako makapaniwalang makikita ko sa personal ang North Star." 

Walang naintindihan dito si Mart.

Napanganga na lamang sila nang makita ang bungisngis na napatumba nila kanina. Nakatayo na ito't sinubukang tapakan ang dilaw na bola ngunit dumikit lamang ang mga paa nito sa bituin at nahirapan nang makakilos. Uwu.

"Astig!" sabay nilang sabi. Nagkatinginan pa sina Mart at Rigel bago patakbong sumugod muli sa labanan. Handa na nilang talunin ang mga kalaban.

*************************************************************

Ang orihinal na title ng chapter nito ay "Ang Digmaan". But, I'm saving it for Book Two (siguro).

Our favorite gang is back! Kumusta kaya ang kahihinatnan ng Digmaan sa Balete. Magapi kaya nina Mart ang mga kalaban? Ano na ang mangyayari kina Maggie at Mike sa loob ng puno? Abangan.

Up Next: Ang Nuno

Keep on reading! You my vote and comment any suggestions and/or reactions.

Love y'all! ( ˘ ³˘)♥

-- Catam, B.C.A. of Klab Maharlika

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top