30 Ang Tigmamanukan
Ika-Tatlumpung Kababalaghan
Ang Tigmamanukan
ILANG METRO LANG mula sa kubo ni Maria ay matatagpuan ang talampas. Maliit na espasyo itong punó ng maninipis na damo at nakapaikot sa gilid ang mga puno. Mistulang 'puyo' ng bundok.
Sa dulo ng talampas ay tahimik na nakaupo si Mike. Ilang hakbang lang ay siguradong hulog siya sa bangin. Ngunit hindi siya natatakot. Medyo namanhid na siya sa dapat maramdaman.
Malayo ang kaniyang tingin, tanaw ang lawa ng Laguna. Sa ibabaw nito'y namumuo ang malakas na ulan. Tirik ang araw ng hapong iyon at maalinsangan ang hangin.
Kinapa-kapa ng mga daliri niya ang hawak niyang frame ng salamin sa mata, ang tanging bagay na naiwan sa kanila ni Mart. Paano siya nakakakita ng maayos? May asthma pa 'yon. Naibulsa niya kaya inhaler niya?, pag-aalala niya.
"Habulín ang ate mo, 'no?" Nagulat pa siya sa biglaang pagsulpot ni Yana. Umupo ito sa tabi niya at inilapag ang bagong kargadang speargun sa damuhan. Nilingon ni Mike ang tinutukoy nito. Sa kanang likuran ay makikita si Maggie na pinalilibutan ng ilang kapre, nuno at mga lalaking diwata. Malugod na sinusuyo ang kaniyang ateng mahigpit ang hawak sa buntot-pagi kaya laban-bawi ang mga malignong gustong makapuntos sa dalaga.
"Asa sila," irap ni Mike. "'As'an si Rigel?"
"'And'on sa kabila."
Lumingon siya sa kaliwa. Kasama ni Rigel ang mga duwendeng hangang-hanga sa pana nito't nagpapakitang-gilas pa sa pagpapatama ng mga tuyong dahon at sanga.
"Hmm... so bakit ka andito?" tapat na tanong ni Mike kahit medyo hindi 'ata tama ang tanong niya. Kinabahan pa siya at baka sungitan siya ng kausap ngunit himalang ngumiti lamang ito.
"Rigel is right. Wala sana tayo sa ganitong sitwasyon kung natalo lang namin ang mga kalaban kahapon."
"At alam mong mas kasalanan namin 'tong magkakapatid."
"Well, yeah. Mga 80% siguro. Ambobo mo kasi gumamit ng agimat na 'yan."
"Ay, wow. Nagsalita ang magaling manibat kahit sala naman." Sabay silang natawa sa mga asaran.
"But seriously, kumusta ang pakikipaglaban sa anito ng digmaan?"
"Bakit? Inggit ka?"
"As if. Alam ko namang talo ka. Laki nga ng latay sa mukha mo."
Napadampi si Mike sa kaniyang pisngi. "Siyempre naman. Wala naman akong laban d'on, 'no. At least napatunayan kong duwag siya. Hay. Bakit ba kailangan pang tayo ang gumagawa ng mga bagay na 'to."
Napaangat ng kilay si Yana pero hindi na 'to nagulat pa. "I know right. Sometimes, tinatanong ko rin ang sarili ko. Akala ng iba, masayang magkaroon ng kakayahang hindi nagagawa ng normal na tao, ang manalaytay ng dugo ng anito sa ating mga ugat. Pero kapalit n'on ang mabigat na responsibilidad. Para lang tayong laruan. Sunud-sunuran. These powers aren't even a gift but a curse."
"Woah, lalim," biro ni Mike para subukang alisin ang kaseryosohan sa kanilang pag-iisip. Pinag-iisipan niya ang susunod na itatanong. "Naalala ko nung nakatagpo natin si Dumakulem, nag-alinlangan siya banggitin kung kaninong hinlog ka." Napansin ni Mike ang biglang pag-iwas ni Yana ng tingin.
Lumunok ito ng laway bago sumagot. "Even if I told you, wala namang magbabago." Napahawak ito sa hibla ng maiksi niyang buhok para pigilan ang kabang naramdaman. "Hindi katulad ni Mapulon at ng karamihan ng mga anito, ang ninuno ko ay kilala sa pagiging tuso at mapagtanim ng galit."
"Villain?"
"Hinde," diin ni Yana. "Ano? Ikaw ang bida tapos ako kalaban? Hindi iyon gan'on kasimple, boi."
"So ano nga?"
"It's complicated, okay. Still, ang anitong pinanggalingan ko ay may malaki pa ring tungkulin sa pagtulong sa mga nilikha ni Bathala. And I know that he's trying his best."
"Kaya ka ba may takip sa mata?"
Mabilis na iniwas ng dalagita ang ulo nang akmang hahawakan ni Mike. Napayakap ito sa mga tuhod, bakas sa mukha ang takot at pagkagulat.
"Oh. Sorry. I'm so sorry. 'Di ko sadiya," paumanhin ni Mike na nagsisi sa binalak niya. "Pasensiya na. Gan'to talaga ko madalas, 'di nag-iisip." Napaiwas din siya ng tingin at napapalo sa noo.
Nakaiilang na katahimikan ang umere bago muling nagsalita si Yana. "It's okay." May halong lungkot ang boses nito. "I was born on an unfortunate family. May mom left me very early. At si Papa naman, kung kani-kaninong babae na sumama. One time, umuwi siyang lasing na lasing dahil iniwan ng huling babaeng kinakasama niya. I know that he's not fully aware pero sa sobrang galit niya, ibinunton niya ang lahat ng galit sa akin habang hawak ang gulok."
Napalunok si Mike ng laway at 'di makapaniwala sa mga naririnig.
"After that, lumayas ako sa'min. That's how I was found by the Klab."
Tumango lamang si Mike at sinubukan uling magtanong. "Wala kang kapatid?"
"Wala. Pero ang alam ko, may mga kapatid ako sa labas. 'Di na 'ko nagkaroon ng chance na makilala sila. Kaya nga minsan kapag nakukwento niyo ang lola niyo at kapag pinapanood ko kayong magkakapatid na nagtatalo, naiingit ako."
Napatigil si Mike sa pag-iisip. Ngayon niya lang na-realize na pinagpala pa ang kanilang pamilya na bagama't madalas na 'di nagkakasundo ay kumpleto naman at sama-sama, maliban ngayon. "Sabi mo, may hinahabol kayong Maharlika nung nagkatagpo tayo sa may lagusan. Kaano-ano mo siya?"
Bumuntong-hininga si Yana bago sumagot. "Si Kit. Kit Alcantara. Buddy ko before dumating si Rigel. Former leader ng Manila Chapter bago siya mawala few months ago. Para na siyang nakatatanda kong kapatid." Sa ngiti ni Yana, ramdam ni Mike ang pangungulila nito na para bang hindi lang kapatid ang turing nito sa nawawalang Maharlika.
Itinuloy ng dalaga ang pagkukwento. "Just like you, tagapag-ingat din siya ng makapangyarihang agimat. At marami ring kalabang umaaligid sa kaniya even before pa siya mawala."
Kinilabutan si Mike. Napaisip siya kung ganoon din ang dadanasin niya sa hinaharap.
"Don't worry, matatapang ang mga kapatid mo. Sa ate mo pa lang, patay na agad sila bago makalapit sa uhugin niyang kapatid."
"Anong sinabi mo?"
"Wala." Sabay silang tumawa.
"Alam mo, sobrang laki ng potensyal mo bilang tagapag-ingat. Hindi pa kasama ang pagiging hinlog ni Mapulon."
"I know." Napatingin si Mike sa suot na agimat.
"For now, isipin mo na ikaw si Bathala. Maraming anito ang nag-aasam na makuha ang kapangyarihan niya bilang pinuno ng Kaluwalhatian. Kahit nga ang kay Mapulon, maraming anito ang naghihintay na sa kanila maisalin ang tungkulin sa kapanahunan. Kaya, ang swerte mo at ikaw ang napili."
Imbis na matuwa ay namroblema pa si Mike sa sinabi ni Yana. Mas lalo niyang naramdaman ang pagod ng katawan.
"Sa ilang oras nating pagsasama, isang aspeto pa lang ang nakikita kong ginagawa mo. Electrokinesis. Ni hindi mo pa nga ma-control ng maayos."
"You mean, lightning bending?"
"Kung anuman 'yon. Malawak ang tag-ulan. Bakit hindi mo subukang mag-eksperimento? Marami pang pwedeng magawa."
"Bakit hindi mo simulan sa'yo?"
"Edi, 'wag," iwas ni Yana.
Sinagot lamang iyon ni Mike dahil alam niyang tama ang mga sinabi nito. Siguro'y naaayon sa kahandaan ng utak at katawan ang tamang paggamit ng kaniyang kapangyarihan. Ni hindi niya nga alam kung anong IQ niya. Nasa 74 lang 'ata.
Tumayo si Mike at ikinuyom ang mga kamay
"What are you doing?" tanong ni Yana.
"Sabi mo mag-experiment, 'di ba?" Pumikit si Mike at pinagdikit ang mga palad. Pinakiramdaman niya ang bawat kuryenteng dumadaloy sa buo niyang katawan. Pinilit niyang mag-concentrate.
Proot! Napamulat siya bigla sa narinig.
"Ambaho, ah."
"Sorry," nahihiya niyang ngiti. Bumalik siya sa pag-focus. Pumikit siyang muli at mahigpit na pinagpatong ang kaniyang mga kamay. Naramdaman niya ang kiliti sa mga palad hanggang sa unti-unting lumiwanag ang mga ito.
Pagmulat niya, isang mahabang espada na ang hawak niya na gawa sa purong kuryenteng kulay asul. "Woah! Nakikita mo 'to?" pagyayabang niya kay Yana na tumayo na rin at 'di maitago ang paghanga.
"That's basic."
"What?"
"Kapag naglalabas ka ng kuryente, basta-basta mo na lang itinatapon ng walang tamang direksyon kaya kadalasan, mahina lang ang talab. Pero ngayon, inipon mo siya sa isang linya ng kuryente. Sigurado ako, mas malakas ang bisa n'an."
Kahit ano pa ang komento nito, tuwang-tuwa pa rin si Mike na pinagmasdan ang nagawa niyang sandata. May kapalit na ang naputol niyang dahong-palay.
Ipinagbitaw niya ang mga kamay at kusang naglaho ang kuryenteng espada. Bukas-sarado niyang ginalaw ang mga daliri dahil nagustuhan niya ang pakiramdam na 'yon.
"But still, that's cool," pag-amin ni Yana na napasuntok pa sa balikat ni Mike.
"Mukhang nagbunga ang ensayo mo, ijo," bati ng tikbalang na si Sergio na sumulpot sa gilid nila. Kusang sinisipsip ng itim nitong balat ang sinag ng araw kaya wala itong kintab at mistulang buhay na anino. Nagtaka pa si Mike kung bakit siya lamang ang tanging kabalyero na nakabaluti at may sakbit pang sandata sa beywang.
"Sure po ba kayo na wala ng sasama?" magalang na tanong ni Mike sa kasalukuyang Supremo. Hindi natinag ang tingin nito sa may lawa.
"Wala na. Ang inyong pupuntahan ay isang isla, ang tipak ng lupang pinagtubunan ng kawayang pinanggalingan ng sangkatauhan. Minsan lamang ito lumitaw kaya maganda talaga ang napiling lungga ni Ana."
Tumango si Mike bilang pagsang-ayon. Nang matanggap nila ang text ni Mart na nasa isang isla sila sa gitna ng lawa ng Laguna, agad nilang ibinalita ito kay Sergio at sa mga kasamahan nilang maligno. Ngunit dahil walang ibang paraan para makarating doon kung hindi sa tubig, walang ibang malignong handang sumuong. Napagpasyahan nilang silang apat na batang Maginoo ang maglalakbay kahit pa sa simpleng bangka lamang.
"Wala ba talagang santelmo?" tanong ni Mike. Naalala niya kung paano siya inihatid ng malaking apoy na 'yon palabas ng bulwagan ng mga engkanto. Mabilis na paraan sana para makabyahe.
"Wala. Mahiwagang nilang ang mga fuego. Mga ligaw sila't walang sinusunod na amo."
"Cool! So, traditional trip tayo," buntong-hininga ni Mike.
"Mag-iingat kayong mabuti, bata. Kadalasan, ang isang dambana tulad ng puno ng Balete at ng bundok Makiling ay pinalilibutan ng anyong-tubig na umaagos, tanda ng pagkabuhay nito." Bumalik sa isip ni Mike ang sapa ng Batangan at ang ilog na kanilang tinawid mula sa Klab Maharlika. "Ngunit ang lawa ay isang patay na dagat. Walang buhay. Walang nakaaalam ng mga panganib na maaaring itinatago nito."
Dumaloy ang hilakbot sa katawan ni Mike na nagpatayo ng kaniyang mga balahibo. "Ah, thanks. Na-inspire ako."
"At kung sakaling makita mo si Tomás, ang dating Supremo, pakisuntok ako ng isa."
"Noted. And, ano nga ba ang hinihintay natin dito?"
"Para doon." Itinuro ng tikbalang ang langit.
Naningkit ang mga mata ni Mike para subukang titigan ang tinutukoy nito. Sa umpisa, akala niya'y simpleng ulap lang 'yon hanggang sa humulma ang isang itim na ibon. "Uwak?"
"Tigmamanukan."
"Ah, manok. Lumilipad na manok na naman?"
"Sinabi ngang Tigmamanukan. Tradisyon na na sa tuwing magsisimula ang paglalakbay ay inaabangan muna ang paglipad ng Tigmamanukan, tinatawag na labay. Mapalad kung pa-Silangan ang kaniyang punta."
"Hindi ba, masiyado na 'yung makaluma? Outdated na," singit ni Yana sa usapan.
"At bakit naman?" pagtataka ni Mike.
"Bakit kailangang iasa ang kapalaran ng isang paglalakbay sa direksyon ng paglipad ng isang ibon. East to West. West to East. Nakatalikod tayo at nakaharap, pwedeng baliktad ang direksyon nila."
"May point siya," turo ni Mike.
"'Wag nang tumaliwas pa, ija. Ito'y bilang paggalang na rin sa ating makalumang tradisyon. Tignan mo, lumiliko na ang ibon." Sabay-sabay nilang hinintay ang gawing pupuntahan ng tigmamanukan.
"Ah, boss. Parang 'di naman siya lumiliko. Parang didiretso siya rito," kwento ni Mike. "Saka, parang hindi 'yan basta ibon. Anlaki, eh."
"Hindi. Maliit lamang ang mga Tigmamanukan. Ni hindi sila lumalagpas ng kalahating gatang sa bigat," mariing sabi ni Sergio. Tahimik nilang hinintay ang ibon hanggang sa papalapit na sa kanilang pwesto.
Nanlaki ang kanilang mga mata at napanganga nang makitang dire-diretso ang paglipad nito sa kanila at singlaki ito ng isang jetplane.
"Yuko!" sigaw ng tikbalang. Malakas na hangin ang dala ng ibon. Halos masakop ng nakatuwid nitong mga pakpak ang kabuuan ng talampas. Nakita ni Mike ang malalaki at matatalim nitong kuko sa paa.
"Woah!" Lumapag ang higanteng ibon sa damuhan at itiniklop ang mga pakpak. Kulay itim ang mga balahibo nito na may pintang asul sa may bandang ulo— isang napakagandang nilalang. Nagsilapitan ang mga maligno na kanina'y abala sa kanilang mga ginagawa.
"Akala ko ba, maliit lang sila?"
"Akala ko rin," mangha ng tikbalang. Tumilaok ang ibon nang napakalakas at ipinagaspas ang mga pakpak na halos mataboy sila sa lakas ng hangin. Nagsimula itong humakbang na tila may hinahanap.
"Sigurado ka bang Tigmamanukan 'yan? Hindi ba 'yan ang Sarimanok?" tanong ni Mike.
"Hindi. Sa Lanao matatagpuan ang Sarimanok at imposible namang dumalaw 'yon dito."
"Pero, s'an nanggaling 'yung ganiyang kalaking ibon?"
"Ang Tigmamanukan ang dakilang ibon ni Bathala. Kadalasan ay sa ganiyang anyo siya bumababa mula sa langit. Baka padala 'yan ni Bathala."
"O ng anitong isinumpa," singit ni Yana, "Ang hari ng mga ibon."
"Maaari rin," sang-ayon ni Sergio.
"Well, kahit ano pa man 'yan, mukha naman siyang mabait at mukhang meron na kaming masasakyan papunta sa isla."
Luminga-linga ang ibon hanggang sa makita nito ang gulat na gulat ding si Maggie. Payapa nitong inilapit ang tuka sa dalaga na himalang marahang hinimas ang ibon.
"Ate," tawag ni Mike. Lumipat silang tatlo sa mga kasama nila. Nakatulala si Rigel at tila nabighani sa kagandahan ng ibon.
Napaatras ang tigmamanukan nang makita sila ngunit agad din itong humakbang papalapit at iniyuko ang ulo sa tapat ni Mike.
"Woah! Ang cute mo naman." Yumuko ito na wari'y may ibig iparating. Sinubukan din ni Mike na hawakan ang bumbunan ng higanteng ibon na tila nagustuhan nito.
"Maaari mo ba kaming ihatid sa isla?" pagpapaalam niya sa ibong mabilis na tumango at gumilid. Ibinaba nito ang isang pakpak sa sahig. Tila sinasabihan silang umakyat na. Nagkatinginan ang apat na Maginoo. Sa mga ngiti nila'y sumang-ayon ang bawat isa.
Kahit nahirapan sa umpisa, nakasampa rin silang apat sa ibabaw ng tigmamanukan. Nasa unahan si Mike na wari'y kanilang tagapagmaneho. Kasunod nito si Maggie. Sa likod ay si Rigel at sa pinakadulo si Yana.
Humakbang na ang ibon papunta sa dulo ng talampas. Nilingon ni Mike si Sergio at kumaway bilang pagpapaaalam. Tumango ang tikbalang, ikinuyom ang kanang kamao at idinikit sa dibdib. Tumungo ito at lumuhod bilang pagbibigay-galang. Sumunod din sa kaniya ang iba pang kabalyero at maging ang ibang maligno. "Que te vaya bien. Adiós," bulong ni Sergio.
Pabilis nang pabilis ang hakbang ng ibon.
"Aaahhh!" sigaw nila nang bumulusok pababa sa bangin ang sinasakyan nila. Hinigpitan nila ang hawak sa itim na balahibo ng tigmamanukan at umusal ng kaniya-kaniyang dasal.
Halos maputol ang paghinga ni Mike nang maabot ng ibon ang pinakababa ng bundok sabay lipad pataas. "Woah!"
Makalipas ang ilang segundo, tumigil sa pagpagaspas ng pakpak ang ibon at payapang itinuwid ang mga ito. Hinayaan lamang na ang malakas na hangin sa himpapawid ang magdala sa kanila sa paroroonan.
"Tishislith!" sigaw ni Rigel sa likuran.
"Ano?" tanong ni Mike na pasigaw rin. Hindi sila magkarinigan dahil sa hampas ng hangin sa kanilang mga mukha
"Cool na lang." Sabay-sabay silang tumawa. Mabilis na napalitan ng kaseryosohan ang mukha ni Mike nang matanaw na niya ang bungad ng isla. Napaliligiran ito ng makapal na hamog. Maiitim ang mga ulap nito sa ibabaw na nagsisimula na ring kumidlat.
"Guys, malapit na tayo! Ready for takeoff?" sigaw niya sa mga kasamahan. Nilakasan ni Mike ang loob at pinigilan ang kaba.
Hindi na niya nagawang sumigaw muli nang isang higanteng buwaya ang tumalon mula sa tubig ng lawa sa kanilang ibaba at biglang sumunggab sa leeg ng sinasakyan nilang tigmamanukan.
Tinangay ng buwaya ang ibon kasama sila at bumulusok pababa. Napabitaw si Mike sa pagkakakapit sa balahibo ng ibon. Naramdaman niyang bahagya pang nawalan ng gravity at lumutang siya sa ere. Nasaksihan niya ang pagbagsak ng katawan ng kawawang Tigmamanukan. Isa-isa silang lumubog sa malamig na tubig ng lawa. Lumabo ang kaniyang paningin at kinain ng mga bula ang kalangitan. Unti-unti siyang nalulunod.
*************************************************************
The End.
Charot. Hahaha. Anuba namang cliffhanger 'yan.
Congratulations, you've just read the end of the second arc. Start na ng third and last arc. Kaabang-abang ang challenges na darating. Hooray for the last 8 chapters of Unang Aklat.
Thank you for being here with me, witnessing the journey as it unfolds.
Up Next: Ang Buwaya
Keep on reading! You my vote and comment any suggestions and/or reactions.
Love y'all! ( ˘ ³˘)♥
-- Catam, B.C.A. of Klab Maharlika
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top