3 Ang Tik-Tik
Ikatlong Kababalaghan
Ang Tik-Tik
EXPERT SI MART pagdating sa academic stuffs: mag-compute ng polynomial square roots, mag-recite ng periodic table of elements, magsaulo ng mga paboritong tambayan ng national heroes at kahit pa i-act ang Romeo and Juliet ni Shakespeare... ng mag-isa. Walang kahirap-hirap, pero ang pumatay ng aswang? Nasa pinakadulo 'yan ng to-do list n'ya kung may dulo man iyon.
Three minutes ago, nakasubsob s'ya sa kanyang lumang study desk kasama ang kalahating dosenang libro na patung-patong at isang platitong mani na sinigurado n'yang babad sa asin at ginisang bawang. Hindi naman halata na mahilig siya sa maaalat at maaanghang na pagkain. Hilig n'yang mag-advance reading lalo na ngayong freshmen s'ya sa high school na pinapasukan din ng kuya n'ya.
Habang nagsasaulo ng branches of physical science, naka-on ang T.V. sa National Geographic Channel na nakapwesto sa kanan sa dulo ng higaan. At 'di lang 'yan, naisipan n'ya pang mag-laro ng S.O.S. nang mag-isa. Hindi na normal 'yan para sa isang labing-dalawang taong gulang na bata.
Saglit na tumingin si Mart sa kanyang wristwatch.
Bakit kaya wala pa sila?, naitanong n'ya sa sarili. Tinutukoy n'ya malamang ang tatlo n'yang kapatid. S'ya ang naatasang magbantay sa kanilang lola ngayong gabi na ngayon ay mahimbing nang natutulog sa isa pang higaan sa kwartong iyon, na nasa ikalawang palapag ng kanilang bahay. Mula sa bintana, makikita ang maliwanag at bilog na buwan.
Inilipat ni Mart ang ilang gamit n'ya mula sa kwarto nilang magkakapatid sa kabila at gumawa ng improvised study desk para makapag-aral pa rin s'ya kahit nasa kabilang kwarto.
Wala naman talaga s'yang kinabi-busy-han sa buhay kundi ang mag-aral. Ang problema lang, hindi n'ya alam kung anong pangarap n'ya paglaki sa dami ng bagay na interesado s'ya: science, geometry, history, technology, calculus. Hindi n'ya alam kung anong pupuntahan n'ya.
Pero matapos ang bakasyon nilang magkakapatid sa bahay ng kanilang Lolo Isko at Lola Nimpa, gulo-gulo na. Parang nawasak ang buong buhay n'ya, ang mga paniniwalang kinalakihan n'ya ay naglaho sa isang Big Bang.
Tik. Tik. Tik. May narinig s'yang tunog sa labas ng bintana. Lumapit s'ya rito para tignan ngunit masyadong madilim sa labas. Hinubad n'ya ang suot na salamin, pinunasan ng kaunti saka sinuot muli pero wala namang pinagkaiba, malabo na nga ang paningin n'ya, madilim pa ang paligid.
Bumalik s'ya sa kinauupuan at pinatay ang T.V. Nag-isip s'ya ng bagong bagay na interesado s'yang gawin tulad ng pagbibisikleta o kaya magsulat ng tula, pero iniisip pa lang n'ya, tinatamad na s'ya. Alam naman n'yang kahit kailan 'di s'ya matututong magbisikileta. Lahat ng pisikal na bagay, Kuya Maki n'ya lang ang may alam. At sa pagsulat ng tula, siguradong wala s'yang matatapos dahil wala naman s'yang nasisimulan. Natigil ang pangangarap n'ya nang marinig n'yang muli ang kakaibang tunog, ngayon naman ay sa kanilang bubong. Nagsimulang tumahol ang kanilang asong si Jordan na nakatali sa labas ng kanilang bahay.
Tumingala s'ya at ang tanging nakita n'ya ay lima o anim na butiki na kasalukuyang may ginaganap na convention sa kanilang kisame. Bumalik si Mart sa kanyang ginagawa nang may lumagabog sa kanilang bubong. Napatayo s'ya at lumingon sa natutulog n'yang lola kung nagising ito ngunit hindi iyon ang una n'yang napansin.
Lumapit s'ya sa higaan upang tignan ang kakaibang bagay na iyon. Isang mahabang tali ang nakasabit sa kanilang kisame at umabot ang dulo nito sa kumot ng kanyang lola. Nang kanyang usisain, hindi pala ito nakasabit kundi nanggaling sa bubong at lumusot sa maliit na butas ng kanilang kisame. Kulay abo ito, malansa ang amoy at mga isang sentimetro ang kapal.
"Wala 'to dito kanina, ah," nasabi n'ya sa sarili. Hinawakan n'ya ito para hilahin sana pero napaso ang palad n'ya sa kung anumang likidong nakabalot dito.
Tik. Tik. Tik. May kung ano na namang tumunog sa kanilang bubong at sigurado s'yang hindi lang iyon basta mga butiking nagko-conduct ng symposium. Nang bigla n'yang naalala ang isa sa mga kwento ng kanilang lola noong mga bata pa sila tuwing gabi bago sila matulog. Namumuo sa isip n'ya ang isang aswang na may itim na balat at napakahabang dila, pumupuntirya sa mga buntis para kainin ang hindi pa nito isinisilang na sanggol. Kaya pala kanina pa tahol ng tahol si Jordan, naisip n'ya.
Naghanap s'ya ng gunting sa kabinet sa ilalim ng T.V. set, bumalik sa tabi ng higaan at ginupit ang mahabang tali bago pa ito makaabot sa tiyan ng kanyang lola sabay sabing, "Hindi naman buntis ang lola ko, loko kang aswang ka!"
Isang malakas na lagabog mula sa bubong ang nagpagising sa kanyang lola. Napaupo sa gulat si Mart sa kabilang higaan ngunit bago pa makatakas, binalot n'ya ng kumot ang nagwawalang putol na dila sa sahig.
"Aba'y ano ga iyon, Mat-Mat?" tanong sa kanya ni Lola Nimpa na puno ng pagaalala sa kanyang mukha na para bang kagigising n'ya lang mula sa isang masamang panaginip.
Hindi na nakapagpaliwanag ng maayos si Mart at mukhang alam na rin ni Lola Nimpa ang nangyayari. Agad s'yang tumayo at tumingala at may kung anong hinahanap sa itaas. Narinig ni Mart ang tila isang mabigat na bagay na gumagapang sa kanilang bubong.
"La, ano pong gagawin ko rito?" tukoy ni Mart sa nagwawalang dila.
Mabilis na naka-isip ng paraan si Lola Nimpa. Yumuko s'ya para kuhain ang isang garapon sa tabi ng kanyang higaan at isinaboy ang laman nitong puting mga butil sa putol na dila. Agad itong nalusaw at tanging itim na usok lang ang natira. Tinikman ni Mart ang ilang butil at nakumpirmang sodium chloride ito, asin.
Sa edad na pitumpu, halatang marami ng masasalimuot na karanasan ang dinanas ni Lola Nimpa at isa na rito ang pagpuksa ng mga aswang. Ginuhitan ng wrinkles ang kanyang maamong mukha at puti na ang lahat ng hibla ng kanyang maiksing buhok na gupit panlalaki.
"Ala'y Tik-Tik nga ereh," sabi n'ya habang nagpapagpag ng kamay sa suot na bistida.
Binalot ng takot si Mart na pumunta sa likod ng kanyang lola bilang depensa.
"Nasaan na ga?" tanong ni Lola Nimpa.
"Ang alin po?" Ngunit ang tinutukoy pala nila'y nakasampa na ngayon sa kanilang bintana. Naka-pulang t-shirt ito na may print na "Keep Calm and Hakuna Matata" sa harap at naka-boxer shorts. Umuungol ito at nagrereklamo sa paggupit ng kanyang panlasa. Makain n'ya man sila, hindi na kasing-sarap ng dati.
"Jingagalith nyo ko," ang sabi ng tik-tik sabay talon ng ubod ng lakas gamit ang mga binti nito papunta sa mag-lola.
Isasaboy sana ni Lola Nimpa ang isang garapong asin sa mukha ng aswang na siguradong tutupok dito ngunit naunahan s'ya ng putol na dila nito na ngayo'y kalahating metro na lang ang haba at nagdurugo pa. Napaso ang kamay ni Lola Nimpa dahil sa mala-asido nitong laway at siya'y natumba sa sahig. Hinawakan ng tik-tik ang magkabila n'yang braso kaya hindi s'ya makakilos.
Anong gagawin mo, Mart?, tanong ni Mart sa sarili. Ramdam n'ya ang pag-akyat ng dugo sa kanyang ulo at mabilis na pagtibok ng kanyang puso. Brain Blast! Kinuha n'ya ang ilang butil ng asin na nagkalat sa sahig at ipinanghillod sa maitim na batok ng tik-tik. Sumigaw ito ng malakas at nagpatirapa. Nakawala si Lola Nimpa sa kaniya.
Tumakbo nang mabilis si Mart sa study desk n'ya hindi para kumuha ng libro at magbasa ng susunod na gagawin dahil wala iyong mararating kundi para kuhanin ang isang platitong mani na kinukutkot n'ya kanina at isinubo ang lahat ng maalat na laman nito kasama ang napakaraming bawang sa bunganga ng tik-tik na hanggang ngayon ay nagwawala pa sa sahig sa hapdi ng kanyang batok. Unti-unting natunaw ang bibig nito at ang natitira pang dila ngunit kulang ang asin at bawang sa pagpuksa sa kaniya.
"Ahhh!" Napasigaw si Mart sa biglang pagsaksak ni Lola Nimpa sa dibdib ng aswang gamit ang gunting. Hindi s'ya sanay sa ganoong uri ng karahasan ngunit mas 'di n'ya kakayanin na ang mailagay sa "cause of death" n'ya ay eaten by an ugly aswang.
Naging usok ang buong katawan ng tik-tik. Naiwan ang suot nitong damit at isang itim na itlog. Bago pa ito gumapang papunta sa kanila, tinapakan na agad iyon ni Lola Nimpa na agad na nabasag at ang itim na usok sa loob nito ay sumama na sa natira sa kawawang tik-tik. Tumigil na rin sa pagtahol si Jordan sa labas ng bahay.
"Tandaan mo, Mat-Mat. 'Pag nakapatay ka ng aswang, basagin agad ang mutya na ere, ha? 'Yan kasi ang nagbibigay sa kan'ya ng kagustuhang kumain ng laman at dugo ng tao. Ala'y kung hindi, aswang ka na rin 'pag napasok 'yan sa loob mo. Naintindihan mo ga?" ang babala ni Lola Nimpa na parang nagku-kwento lang s'ya ng isa sa mga bed time stories na madalas n'yang ikuwento noong mga maliliit pa ang mga apo niya.
Tumango lang si Mart at ipinangako sa sarili na hindi na ulit s'ya makakaengkwentro ng aswang sa buong buhay n'ya.
Isang katok sa kanilang pinto ang umagaw ng kanilang atensiyon at alam na ni Mart na hindi na n'ya matutupad ang pangako n'ya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top