27 Ang Wak-Wak

Ika-Dalawampu't Pitong Kababalaghan

Ang Wak-Wak

KUNG PAANONG NAGKASYA ang isang higanteng tandang sa maliit na pintuan ng kubo papasok ng kanlungan, walang ideya si Maggie. Nang makababa ang dalawang anitong sakay nito, agad itong nagtititilaok at nag-ikot sa liwasan para maghanap ng matutuka sa gitna ng mga malignong nagpa-panic at nag-uunahang makatakas. Kahit ang mga kapre'y walang nagawa.

Ang karamihan naman ng mga maligno ay tumigil sa kanilang ginagawa at lumuhod bilang pagbibigay-galang sa mga bisita. Natira ang apat na Maginoong nakatayo. Nasanay na siguro sa dami ng anito na kanilang nakatagpo sa mga araw na lumipas.

Hindi naman ito ininda ng mga bagong dating na anito. Ang isa'y makisig na lalaking nakasuot ng uniporme ng Air Force. Gamit ang matatalim na tingin, pahapyaw nitong minamasdan ang kabuuan ng kanlungan. Manipis ang gupit ng buhok. May pagkakatulad ang itsura nito sa mga estatwa ng bayaning madalas makita ni Maggie sa tuwing bumibiyahe siya sa Maynila.

"Magandang araw, marilag na binibini ng bukang-liwayway," basag ng kasalukuyang Supremo ng mga tikbalang na si Sergio. Tinutukoy nito ang isa pang anito- isang dalagita. Sa hula ni Maggie ay 'di nagkakalayo ang edad nito kina Mike at Yana. Nakasuot ito ng maluwag na blusa at mahabang tapis na kulay kahel. Bakya naman ang panyapak. Paalon ang itim nitong buhok na hanggang beywang ang haba. Nakakagising ang kagandahan ng ngiti ng binibini.

"At sa iyo rin, dakilang Apolaki," bati ni Sergio sa seryosong tono. Wari'y hindi kasing-init ang salubong nito sa lalaking anito.

"Hello po. Good morning din po," singit ni Rigel na kumikinang ang mga mata sa tuwa't pakaway-kaway pa. "Ako po si Rigel, mula sa angkan ni Tala."

"Magandang umaga din, batang Maharlika," sagot ng binibini. "Matutuwa ang kapatid ko kapag nalaman niyang may isang magiting na hinlog siyang tulad mo." Abot-langit ang ngiti ni Rigel.

"At kayong mga kababaihan, kayo ba'y mandirigma rin?" tukoy nito kina Maggie.

"S-siya pa lang po," turo ni Maggie sa katabing si Yana. Napa-po siya sa sagot kahit pa mas matanda siya rito sa itsura. Dala siguro ng tindig nitong may kumpiyansa.

"Ah, sige. Kung gugustuhin mo, maaari kang sumali sa Kalakian, ang samahan ng mga babaeng mandirigma. Ako sa ngayon ang humahawak sa pangkat. Tamang-tama ang iyong taas at tikas. Magpalusog ka lang ng kaunti." Napahalukipkip si Maggie ng mga braso para itago ang balingkinitang katawan.

"Nasaan ang tagapagmana ng agimat?" tanong ng anitong si Apolaki. Hindi inaasahan ni Maggie ang malambing nitong boses. 'Di akma sa bansag rito bilang anito ng araw at digmaan. Napatingin silang lahat kay Mike na hanggang ngayon ay tulala't nakanganga. Mukhang hindi rin naging maayos ang tulog nito, isip ni Maggie, kaya siniko niya ito nang mágising.

"Yes, sir," sagot nitong sumaludo pa. Lumapit sa kanila si Apolaki at tinitigan si Mike mula ulo hanggang paa. Parang sinusuri ng mga mata nito ang bawat buto't kalamnan ng batang tagapagmana hanggang sa matuon ang tingin nito sa agimat na nakalawit sa kwintas ni Mike

"Hinahamon kita sa isang labanan." Sabayang singhap ang tinuran ng lahat sa pagkagulat. Sigurado si Maggie na gising na gising na ngayon si Mike sa narinig. Napaurong pa ito sa kaba. Wala ni isa sa kanilang nakaimik.

"Apolaki naman. 'Wag kang manakot. Dahan-dahan lang," awat ng dalagitang anitong si Hanan. "Paumanhin. Mahilig talagang magbiro itong lalaking ito." Joke ba 'yon? Wala kamong sense of humor, komento ni Maggie sa sarili.

"Ang mabuti pa, isagawa na namin ang aming sadiya. Pinadala kami ng inyong Lolong si Mapulon, upang kayo'y... kamustahin ba at mabigyan na rin ng kaunting payo at pagsasanay sa kahaharapin ninyong tungkulin." Matamis ang ngiti nitong nagpawala ng tensyon sa paligid. Lumingon ito sa nananahimik na si Sergio, "Punong kabalyero, maari ba naming hiramin ang magkapatid upang makausap?"

"Masusunod po," sagot nito ng nakayuko.

"Maraming salamat. Halina sa labas. Tayo'y magpapa-araw sandali. Mainam ang sinag sa ating kalusugan."

KALAUNAN AY PUMAYAG DIN si Mike na sumama kay Apolaki. Samantalang si Maggie naman ay kanina pa sumusunod sa mahiwagang binibini. Dumadampi ang laylayan ng damit nito sa mga damo at halamang nadadaanan nila na tila mas bumeberde pa ang kulay at nagkakaroon muli ng panibagong buhay. Ilang minuto rin silang naglalakad sa gilid ng bundok.

"Saan sila pupunta?" tanong ni Maggie.

"Hayaan mo ang dalawang lalaking iyon. May sariling paraan si Apolaki ng pakikipag-usap. Huwag kang mag-alala, hindi mapapano ang kapatid mo."

"Saan tayo pupunta?"

"Dito." Huminto sila sa paglalakad. Nasa harap sila ngayon ng isang talampas, ilang metro ang layo ng bangin. Tanaw nila mula rito ang bahagi ng bayan ng Laguna at maging ang malaking lawa. Sa likod ng makapal na hamog makalagpas ng lawa ay nai-imagine ni Maggie ang bahay nila sa Kamaynilaan.

"Tignan mo ang hari, kaysaya sa kaniyang paglalakbay."

Nilinga ni Maggie ang tinitingala nito. Napapikit pa siya ng mata nang masilaw sa matinding liwanag.

"Sabi nila, may malaking nilalang ang magiliw na humahabol sa araw bilang kaniyang itinatanging pagkain. Kaya bagi kami pumunta rito, sinigurado ko munang maayos na makalalabas ang araw sa langit upang maghatid muli ng kaniyang liwanag. Nang sa gayon ay makabalik muli ito sa kaniyang lungga ng matiwasay.

"Katulong ko si Bantay sa tungkuling ito," tukoy nito sa higanteng tandang kanina. "Tilaok niya ang naghuhudyat ng panibagong umaga. Pantaboy na rin sa anumang kampon ng kadiliman." Ibinuka nito ang mga braso para mas malanghap pa ang sinag ng araw.

"Kung gusto mong mapalakas pa ang iyong kapangyarihan, maari mo akong gayahin."

"Maglalaban din ba tayo?" pirming tanong ni Maggie. Pinilantik niya ang kamay at kumawala sa pagkakapalupot ang kaniyang buntot-pagi. Napataas siya ng kilay nang tumawa ang kausap. Ibinaba nito ang mga braso at tumingin sa kaniya.

"Hindi, ano ka ba? Walang saysay na makipagtunggali sa'yo, Maggie. Ako ang anito ng bukang-liwayway. Hindi uubra ang kapangyarihan mo sa'kin. Isa pa, ni hindi ka pa nagsasanay sa pakikipaglaban. Samantalang buong buhay ko ay inilaan bilang pinuno ng samahang Kalakian. Halos lahat ng uri ng pakikipagbuno ay naituro sa akin ni Apolaki. Ako ang kasa-kasama niya sa tuwing nay digmaan."

Sa isip ni Maggie, may pagkamayabang din ng kaunti ang babaeng ito. "So, what are we doing here? Bakit pa tayo humiwalay kina Mike?"

"Dahil sa isang mahalagang tanong." Hindi niya inasahan ang biglang pagseseryoso nito. Napalunok si Maggie ng laway. Iginawi ng binibini ang tingin sa may lawa. Namumuo ang makapal na hamog sa ibabaw nito, nagkukulay-itim. Mukhang may paparating na malakas na ulan sa dakong iyon.

"Ano ang tingin mo sa kapatid mo?"

"Ano po?" gulat ni Maggie.

"Kay Mike. Anong tingin mo sa kaniya bilang bagong tagapag-ingat ng agimat ni Bathala, ang pinakamakapangyarihang bagay sa kalupaan ngayon?" Nablangko ang isip ni Maggie. Mayroon siyang gustong isagot pero 'di siya sigurado. Pinakalma niya ang loob at tumingin din sa malayo.

"Well, Mike is a jerk. He's an incompetent annoying brat. Masiyado pa siyang bata para magseryoso."

"Inaasahan ko na 'yang sagot mo," sabi ng kausap sabay ngiti. "Nang pumanaw si Bathala, nagkaroon ng malaking puwang sa Kaluwalhatian. Matatanda na ang karamihan ng anito upang sumali pa sa naiwang tungkulin. Dalawang batang anito ang sumubok sa hamon. Magkapantay ang kanilang lakas. Tumagal din ng mahabang panahon ang kanilang pagtatalo hanggang sa dumating ang hatol.

"Sabay nilang gagabayan ang kalupaan, isa sa araw at isa sa gabi. Ang panganay kong kapatid na si Mayari ang umako sa buwan. Siya'y iniibig ng mga maligno dahil sa kadiliman lumalabas ang kanilang kapangyarihan. Samantala, si Apolaki naman ang namahala sa araw at kinagiliwan ng mga tao dahil malaki ang naitutulong nito sa pagpapatubo ng mga halaman at bunga na kanilang kinakain."

"Anong kinalaman nito sa amin?" singit ni Maggie.

"Katulad mo, wala rin kaming tiwala sa kanila lalo na noong umpisa. Masiyadong mapupusok ang mga bata," sagot ni Hanan na tila siya mismo ay hindi na bata. "Nagtagumpay naman sila kalaunan dahil sa isang bagay na ibinigay namin— pananalig."

"So you mean, I just need to trust my brother?"

"Hindi sa kaniya. Sa sarili mo." Napakunot ng noo si Maggie. "Ano sa tingin mo ang iyong papel na gagampanan?"

"Hindi ko alam," mabilis niyang sagot. Medyo nakaramdam na siya ng ilang. Labing-pitong taong gulang pa lang siya, wala pa sa hustong edad. Kahit nga sa kursong pinapasukan niya ay hindi siya sigurado.

"Bilang anito ng umaga, inatasan ako bilang kanang-kamay ni Apolaki. Ako ang naghahatid sa araw habang siya ang namamahala."

"What do you mean?" pagtataka ni Maggie kahit nakukuha na niya ang gusto nitong sabihin. "Dahil na kay Mike ang agimat ay siya na ang piniling tagapagligtas? At sino ako? Bodyguard niya, gan'on ba? Ang aayos ng gulong pinasok niya?" Uminit ang kaniyang tenga sa magkahalong inis at hiya.

Nginitian lamang siya ni Hanan. "Hindi laging ikaw ang pangunahing bayani. Hindi dahil mas malakas at mas matanda si Apolaki ay sunud-sunuran ako sa kaniya. Sa katotohanan, ako ang bantay ng kaniyang diwang punong-puno ng sigla at kapusukan. Tayo ang tagatali ng hanging nagpupumilit na kumawala. Dahil alam natin kung gaano kalaki ang kaguluhang kaya nilang simulan."

"So basically, bodyguard."

"Ikaw ang inatasang kanang-kamay ng tagapag-ingat ng agimat. Hindi niya kakayanin mag-isa. At isa pa, hindi lang naman siya ang dapat mong ipagtanggol kung hindi ang iyong buong angkan."

Napatahimik si Maggie. Napaisip siya. Bilang panganay sa magkakapatid, alam niyang may katotohanan ang sinasabi ng kausap niya ngayon. Kahit pa sobrang kulit ng mga nakababata niyang kapatid, hindi niya maaatim na mangyari'y mapahamak ang mga ito. Sila'y handa niyang ipagtanggol sa anumang panganib na parating

"Still, it's not my job." Hindi na sumagot ang anito. Tila ramdam nitong naiparating na niya ang gustong sabihin. At alam na ni Maggie ang dapat gawin.

Naagaw ang atensyon nila ng malakas na ingay sa 'di kalayuan.

Wak. Wak. Wak. Pinilit ni Maggie na aninagin ang pinagmumulan ng tunog. Sa may kakahuyan ay may maitim na ibong lumilipad. Hindi sa bibig nito nagmumula ang ingay kundi sa malalaki nitong pakpak na tulad ng sa uwak. Maliksi itong kumilos, paikot-ikot sa dakong iyon, tila may hinahanap.

"Isang wak-wak," sabi ni Hanan.

Inalala ni Maggie ang kwento ng kaniyang lola. Ang Wak-Wak ay isang uri ng aswang na may mala-ibon na katangian. Hindi kaya kasama ito ng mga umatake sa'min kahapon?

"Ano pang hinihintay mo? Iligtas mo ang hayop na sinisila nito."

"Alin?"

"Gamitin mo ang iyong kapangyarihan. 'Wag kang mahiya."

Hindi niya maintindihan ang sinasabi ng dalagita. Gayunpaman, ipinikit niya ang mata at pinakiramdaman ang temperatura ng paligid. Pagmulat niya'y nag-iba ang kaniyang paningin. Namumuti ang bawat sulok na tinatamaan ng araw samantalang itim naman ang mga anino. Namumula ang Wak-Wak, tanda ng init na nanggagaling sa katawan nito. Parang nagkaroon siya ng sariling heat vision. Nagrehistro ang hugis ng isang batang usang nagtatago sa may kakahuyan.

Nang makita ito ng aswang ay mabilis na tumakbo ang usa palapit sa kanila, makatakas lamang sa halimaw. Ngunit mas mabilis ang wak-wak. Nangunguna ang ulo nitong bumubulusok pababa. Nakatiklop ang mga pakpak nito. Tila isang itim na eroplano ang babagsak sa lupa.

Nakita ni Maggie kung paano tumanim ang matatalas nitong kuko sa likod ng usa. Nasagap niya ang biglaang pagtaas nito ng temperatura dahil sa dumanak na dugo.

Papalapit na ang wak-wak, dakma ang kawawang hayop. Dahil sa bigat, mababa lamang ang lipad nito. Naisip na ni Maggie ang gagawin. Mahigpit niyang hinawakan ang dulo ng buntot-pagi at inihagupit pataas. Kumapit ang dulo nito sa binti ng usa.

Ginamit ni Maggie ang parehong kamay para hilahin ito pababa. Nadala siya sa lakas ng paglipad ng aswang. Wak. Wak. Wak. Mas mahina na ang tunog nito kaysa kanina. Nakaladkad ang mga paa ni Maggie sa lupa. Mga dalawang metro ang nailayo niya bago niya napigilan ang pagkilos nito. Ibinitaw niya ang isang kamay at itinapat sa aswang. Naglabas ng nakasisilaw na sinag ang kaniyang palad na bumutas sa isa sa mga pakpak ng wak-wak.

Nahulog ito sa lupa. Kumawala ang umuungol na usa at ibinigay ang natitirang lakas para tumakbo palayo, pabalik sa kakahuyan. Umaangil ang aswang at nagpagulong-gulong sa sahig sa hapding naramdaman.

Tinignan ni Maggie ang mga palad niyang nagkalapnos dahil sa higpit ng pagkakahawak sa latigo kanina. Hindi pa siya nakakaayos ng tindig ay biglang lumusob ang wak-wak sa kaniya.

"Aahh!" Natumba siya sa lupa at pinaibabawan ng halimaw. Nanghilakbot ang buo niyang katawan nang makita ang nakakatakot na itsura nito. Mukha ng babae ang nasa ulo ng aswang. Wala itong buhok ni kilay. Nanlilisik ang mapupula nitong mata at matatalas ang lahat ng ngipin. Parang pinaghalong paniki at uwak ang mga pakpak nito at ibabang bahagi ng katawan.

Nang akma itong kakagat ay mabilis niyang iniharang ang kaniyang kamay sa bibig nito. Tumusok ang mga pangil sa kaniyang palad at nanlambot siya't nanghina nang maramdamang sinisipsip nito ang kaniyang dugo.

"How dare you, bruha ka!" sigaw ni Maggie. Inipon niya ang lakas sa kaniyang kamay na hinihimod ng aswang. Pero walang lumabas na sinag. Nanlaki ang mga mata ng wak-wak at napatigil sa kaniyang ginagawa. Isinunggab ni Maggie ang kaniyang palad sa mukha nito na unti-unting mamutla at namayat— tila natutuyuan. Nanigas ang katawan nito't hindi na makakilos.

Nagawa ni Maggie na makabangon. Itinulak niya ang natigang na aswang. Nagmukha itong estatwang nakahiga sa lupa. Muli niyang tinignan ang mga palad. Nandoon pa rin ang kagat pero hindi na masakit.

"Magaling," palakpak ni Hanan sa may gilid. Nakaupo na ito sa sahig at kanina pa pala nanonood. "Inalis mo ang lahat ng lamig maging ang lahat ng katubigan sa kaniyang katawan. Alam mo na ang gagawin."

Gulat na gulat pa rin si Maggie sa nagawa niya pero ginising niya ang sarili para ihanda ang nararapat. Pinainit niya ang hawak na buntot-pagi hanggang sa manigas ito't naging mahaba at manipis na espada. Itinuro ito sa kaniya ng lalaking Maharlika sa may pandayan. Buong-lakas niya itong itinarak sa dibdib ng aswang at mabilis itong nabasag hanggang sa naging abo.

Tumindig si Hanan. "Mukhang naiintindihan mo na ang sinabi ko. Handa ka na ba?"

Nilingon siya ni Maggie bago igawi ang tingin sa may talampas. "I am."

*************************************************************

What do you think of Hanan, our lovely goddess of dawn? May katotohanan ba ang mga punto niya? Is Maggie ready for the coming war?

Up Next: Ang Agimat

Keep on reading! You my vote and comment any suggestions and/or reactions.

Love y'all! ( ˘ ³˘)♥

-- Catam, B.C.A. of Klab Maharlika

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top