26 Ang Ibon
Ika-Dalawampu't Anim na Kababalaghan
Ang Ibon
SUMASAKIT ANG ULO NI MIGUEL. Parang may pumukpok ng kaniyang bungo at pinilit buksan ito. Pinigilan niya ang hilo pero kusang umiikot ang kaniyang paningin. Naliligo siya sa malamig na pawis.
Hinigpitan niya ang hawak sa manibela ng kaniyang motor, pinakinggan ang ingay ng makina. Hinahampas ng malakas na hangin ang kaniyang katawan habang binabaybay ang madilim na kalsada.
Nasilip pa niya sa suot niyang helmet ang liwanag ng bilog na buwan. Inakala niyang kulay pula ito't nagdurugo kaya sandali pang gumewang ang sinasakyan niya dahil sa kabang biglaan niyang naramdaman.
Parang tubig ng ilog na umaagos ang mga ala-ala niya. Dalawang dekada na ang nakararaan nang sumama siya sa huling misyon niya bilang Maharlika. Binata pa siya noon at kahit anong pigil ng kaniyang ina at ama ay wala silang nagawa.
Hindi niya inaasahan na babalik siya sa Batangan kasama ang isang hukbo ng mga maligno at Maharlika laban sa isang makapangyarihang engkantada.
Natatandaan pa niya ang pangako niya sa isang dalaga. Ako ang iyong kawal, poproteka sa'yo magpakailanman. Siya ang naatasang magbantay sa tagapangalaga ng agimat. Hindi niya makakalimutan ang matatamis nitong ngiti na unti-unting pumupunit ngayon sa kaniyang puso.
Nagtagumpay silang magapi at maikulong ang reyna. Naitaboy na nila ang halimaw na kumakain ng buwan. Ngunit anong kabayaran? Isang batang marami pa sanang pangarap na tutuparin ang nagsakripisyo ng kaniyang buhay .
Sinigawan niya ang mga anito, lalong-lalo na si Mayari na hindi man lang pinigilan ang kaniyang hinlog na mag-anyong buwan at tuluyang lamunin ng serpyente. Ngunit alam niyang sarili ang dapat sisihin.
Kalaunan ay pumayag siya sa plano ng kaniyang inang si Nimpa, ang iwan nila ang buhay Maginoo para maging isang payak na pamilya. Isinuko nang kaniyang ina ang pagiging katalonan. Maging ang ama niyang si Lolo Isko ay kinalimutan ang pagiging pinuno ng mga diwata kapalit ng matiwasay na pamumuhay.
Simula noon, nagkaroon ng kasunduan ang mga timawa at maligno sa Batangan na kahit kailan ay 'di na magkukrus ng landas hanggang sa unti-unti rin silang lumisan.
Hindi niya maatim na muli silang magbabalik at manggugulo sa kanilang pamilya. Bakit ang anak ko pa? Bakit si Mike pa ang piniling bagong tagapag-ingat? Siya dapat ang nagsagawa ng nakasaad sa kapalaran. Natapos na sana nila ang nakatakda.
Nitong hapon, gumising siya sa malalim na pagkakatulog. Sa tulong ng kaniyang ina at ng kaniyang bunsong anak ay muling nanumbalik ang kaniyang mga ala-ala. Isa lamang ang hangarin niya ngayon, gawin ang kaniyang makakaya upang tulungan o 'di kaya'y pigilan ang kaniyang mga anak sa kanilang binabalak.
Mabuti na lamang at pumayag ang kapalitan niyang si Edgar na sumalo muna sa shift niya habang 'di pa siya nakababalik.
Bago umalis at tumungo sa Laguna, ikinuwento sa kaniya ni Mac ang pakikipag-usap nito sa kaniyang lolo, ang anitong si Mapulon. Hanapin ang katotohanan, sa kinang, 'wag palilinlang. Kahit ano pang ibig sabihin ng mga salitang iyon, tungkulin niyang ihatid ang mensahe sa tagapangalaga ng agimat.
Dahil sa malalim na pag-iisip, 'di niya napansin ang isang puting bagay sa harapan ng kaniyang dinaraanang kalsada. Tinamaan ito ng headlights niya pero hindi pa rin ito kumilos kaya iniliko niya ang motor. Nawalan siya ng preno hanggang sa sumemplang ang kaniyang sinasakyan sa gilid ng kalye.
Tumalsik siya sa may damuhan at natanggal ang suot na helmet. Tumama ang likod niya sa matigas na lupa at napatigil saglit sa kaniyang paghinga. Pinilit niyang imulat ang mga mata. Tila sumasayaw na liwanag ang mga bituin sa langit.
Hinipo niya ang sintidong basa ng dugo. Pinilit pa rin niyang makabangon hanggang sa makaupo. Hindi niya maramdaman ang kaniyang mga binti.
Masama ang pagkakabagsak niya.
"Magandang gabi, Ginoo," bati ng nakaputing babaeng muntikan na niyang masagasaan. "Akalain mo 'yon, sa ganitong sitwasyon pala tayo magkikitang muli."
Pinilit ni Miguel na aninagin ito. Pamilyar ang boses ngunit hindi niya makita ng ayos ang mukha nito.
"Aminin ko, nagtampo ako nung kinulong niyo ako sa puno. Hindi ako nasiyahan sa munti kong kaharian. Mareklamo ang mga engkantong iniwan niyo sa'kin. Hirap nilang bantayan."
"S-sino ka?" marahang tanong ni Miguel. Lasang tinunaw na bakal ang kaniyang bibig. Nahihirapan siyang ibuka ang mga ito.
"Aba, hindi mo na 'ko agad kilala?" sabi nito sabay tawa. "Gan'on na lang ba 'yon? Samantalang iniligtas pa kita sa kamay ng kapre at pinagaling ang iyong mga sugat."
Ramdam ni Miguel ang bawat pagtibok ng kaniyang puso. Kahit naliliyo'y pilit niyang inalala ang mga nangyari. Hindi pa rin nagbabago ang tawa ng engkantada.
"A-anong kailangan mo sa'kin? Hindi ba't nakalaya ka na? Lubayan mo na kami!"
"'Wag mo 'kong sigawan," panduduro ng mahiwagang babae. "Gusto ko lang ipahatid sa anak mo ang taos-puso kong pasasalamat dahil siya mismo ang sumira ng harang sa bulwagan at sa Balete. Hindi ko siya nakausap kanina nung dinalaw ko sila. Naging abala ang mga alaga ko sa pakikipaglaro sa kanila."
"Anong ginawa mo? K-kapag nalaman kong napahamak sila, ako mismo ang magkukulong sa'yo habambuhay!" panggigigil niya. Gusto niyang tumayo ngunit hindi niya maigalaw ang mga paa. Bumaon ang mga kuko niya sa lupa dahil sa galit.
"Ay, wala naman akong ginawa. 'Yung mga kasama ko lang." Yumuko ang engkantada at tinitigan siya sa mata. "Agad din naman kaming umalis. At dahil masyado silang nanabik, nag-uwi pa ang nga aswang ng mapaglalaruan. Martin ba ang ngalan niya? Andoon siya sa kweba, naghahagilap ng maihihinga." Malakas ang halakhak nitong tila ngayon lang nakatikim ng tuwa.
Gusto ni Miguel na sumigaw, tumayo at pagsusuntukin ang engkantada. Parang tinutusok ng libo-libong karayom ang puso niya ngayon dahil sa huling pagkakataon ay wala siyang magawa. Isang palpak na anak at palpak na ama. Puro kabiguan na lamang, hindi niya matupad ang sariling tungkulin.
Naagaw ang kanilang atensyon ng isang bagay na nagliliwanag sa langit- isang gintong ibong parang kometang mabilis na bumubulusok papunta sa kinapupwestuhan nila.
Napatahimik ang engkantada't biglang nagseryoso. Tumuntong ang malaking ibon sa lupa na unti-unting nagbago ng anyo. Isang lalaking nakasuot ng itim na tuxedo ang lumitaw sa kinaroroonan kanina ng ibon. Natatakpan ng anino ang mukha nito. Dahan-dahan itong humakbang palapit sa kanila.
"Ana, hindi ka pa ba kuntento? Hindi magandang mangutya ng taong walang kalaban-laban. Tigilan mo na 'yan," saway nito sa engkantada. Malalim ang boses ng lalaking tila nanggagaling sa kailaliman ng lupa.
"Ipagpaumanhin mo, Ginoo, ang asal niya," sabi nito sabay yuko sa tabi ni Miguel. "Sa ngayon, may papel ka pang dapat gampanan." Itinaas nito ang kanang kamay, dalawang daliri lamang ang nakatuwid.
Hindi na nagawa pa ni Miguel na sumigaw nang idikit ng misteryosong lalaki ang mga daliri sa kaniyang noo. Nakaramdam siya ng napakatinding sakit, parang pinipilipit ang bawat buto niya't kalamnan. Nasulyapan pa niyang muli ang liwanag ng buwan bago mawalan ng malay.
*************************************************************
Short chapter muna tayo ngayon, but a very critical one.
What do you think of Miguel and Ana's encounter?
At sino nga ba ang mahiwagang lalaking naka-tuxedo?
Up Next: Ang Wak-Wak
Keep on reading! You my vote and comment any suggestions and/or reactions.
Love y'all! ( ˘ ³˘)♥
-- Catam, B.C.A. of Klab Maharlika
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top