25 Ang Makiling

Ika-Dalawampu't Limang Kababalaghan

Ang Makiling

NANG MAWALA ANG BUNSO nilang kapatid na si Mac sa gubat, matinding takot ang naramdaman ni Maggie. Kaya laking pasasalamat niya noong malamang nasa piling pala ito ng mga diwata. Ngunit ang masaksihan ang isa pa niyang batang kapatid na si Mart na inilipad ng manananggal papunta sa kawalan, parang bumagsak ang langit at lupa para sa kaniya.

Ni hindi siya makaiyak sa sakit na nararamdaman. Mahapdi ang mga sugat na kaniyang natamo sa pakikipaglaban. Tuyot ang kaniyang bibig at naglalasang kalawang. Basang-basa ng pawis ang kaniyang damit. Kumikirot ang kaliwang balikat niyang may bali. Ni hindi niya maramdaman ang sariling paghinga. Nanlalabo ang kaniyang paningin. Kung maaari lamang sanang humiga at saglit na magpahinga. Ngunit ayaw siyang tigilan ng isip na humahabol sa sariling pangamba.

Tinignan niya ang latigo sa kaniyang kamay, buntot-pagi na bigay sa kaniya ng binata sa Klab Maharlika. Basa ito ng sariwang dugo at itim na abo. Pinilantik niya ang nga daliri at kusang yumapos at umikot ang tali sa kaniyang braso.

Nilinga niya ang paligid. Parang may dumaang ipo-ipo sa dakong iyon dahil sa nga punong nangatumba. Wala ng mababakas na mga kalaban. Ang bungisngis naman ay walang malay nang nakahiga. Unti-unting nagiging alikabok ang patay nitong katawan.

Malubha ang lagay ng higanteng tamaraw. Naputol ang isa sa mga sungay nito sa ulo. Malalim at mahina ang ungol nito habang inaalo ng among lalaki, ang anitong si Dumakulem.

Sina Yana at Rigel naman ay halos napaupo sa pagod. Nakatulala ang mga ito sa langit at 'di makapaniwala.

"Hindeeee!" rinig ni Maggie na sigaw sa 'di kalayuan. Nahagip ng kaniyang mga mata ang kapatid na si Mike na tumatakbo pabalik sa direksyon na tinungo ng manananggal. Nakataas ang nga braso nito't pilit naglabas ng kuryente papunta sa langit kahit wala namang tinatamaan.

"Mike? Mike!" tawag niya rito. Sinubukan niyang humabol ngunit sadyang mabilis ang takbo ng kaniyang kapatid. Pagod na rin ang kaniyang mga binti.

Ibinuka ni Maggie ang mga kamay at nagtangkang magpalabas pang muli ng sinag ngunit malabong liwanag na lamang ang ibinibigay nito. Nasobrahan na siguro sa pakikipaglaban kanina. Hindi rin nakatulong ang papalubog na araw.

Kaya ibinigay niya ang natitira pang lakas para tumakbo. Sorry, Mike, bulong niya sabay hataw ng kaniyang braso. Kumawala ang kaniyang latigo at humaba hanggang maabot at mayakap ang patpating katawan ni Mike. Saka lamang ito napatigil at napaluod sa lupa.

Kinalas ni Maggie ang tali at lumapit sa kaniyang kapatid. Hinawakan niya ito sa balikat at siya'y nilingon.

"Ate, kailangan nating iligtas si Mart. Kinuha siya ng kalaban. Halika, doon sa bandang silangan sila pumunta. Maaabutan pa natin siya," pagsusumamo nito, hawak ang salamin ng kapatid nilang basag na ang lens.

Nilinga ni Maggie ang direksyong iyon. Nagbabadya ang ulan. Ibinalik niya ang tingin sa kaawa-awang kapatid. May mga kalmot at sugat ang braso at leeg nito. Namamaga ang mukha nitong basa ng luha at sipon.

"M-Mike." Hindi niya alam ang isasagot. Hinawakan siya ng kapatid sa siko para ayain.

"Tara, Ate. Doon. Doon sila pumunta."

"Mike." Kinagat ni Maggie ang kaniyang labi at pinigilang umiyak. Hindi siya nagpatinag. Sa pagkakataong iyon, isang bagay ang alam niyang gawin. Hinawakan niya ang damit ng kapatid at hinila para yakapin.

"Ate." Hinigpitan niya ang pagyapos at hinayaang umiyak ang kaniyang kapatid. Nanginginig ang katawan nito sa pagtangis.

"Kasalanan ko 'to," bulong ni Mike. "Kung 'di ko sana isinigaw sa kaniya na gamitin ang sandata, hindi na sana niya pinilit pa. Hindi sana siya nahulog at tinangay ng aswang. Paano kung kainin siya ng mga iyon? Paano kung-"

"Mike." Hinawakan ni Maggie ang mga pisngi ng kapatid at tinitigan sa mata. "Listen. Ililigtas natin si Mart, okay? Kasama na niya ngayon sina Lolo at Maria. Sigurado akong poprotektahan nila siya." Tumahimik lamang si Mike. Ipinunas nito ang suot na uniform sa mukha at tumahan.

Nagulat pa si Maggie nang bigla itong humakbang pabalik sa mga kasama nila. Iniabot ni Yana ang dahong-palay na tinanggal nito sa pagkakatusok sa bangkay ng bungisngis.

"Ikaw!" Itinutok ni Mike ang tabak sa anito. "Bakit wala kang ginawa? Hindi mo sila pinigilan. Siguro, kakampi ka rin nila." Napatakbo bigla si Maggie rito nang makitang nanggigigil ito sa galit. Pero alam niyang wala silang magagawa kung sakaling patulan pa nila ang lalaki.

"Ano? Bakit 'di ka makasagot?" sigaw ni Mike. Hinawakan ni Maggie ang braso nito at ibinaba ang sandata.

"Patawad," seryosong tugon ni Dunakulem, malayo sa tono niya kanina noong nagpapakilala. "Labis akong nadala ng kaniyang panghalina at hindi ko nagawang bantayan ang bundok tulad ng akin mismong tungkulin." Nakita ni Maggie ang katapatan nito sa nga sinasabi. Tila maging ito'y 'di makapaniwala sa nangyari.

"Magkakilala ba kayo?" tanong niya rito. "Anong pinag-usapan niyo?"

"Hindi ko lubos akalaing magkikita pa kaming muli ni Anagolay."

"Nino?" sabay na tanong nina Yana at Rigel na mga kapwa pagod at sugatan.

"Si Anagolay? Tama ba narinig ko?" singit ni Yana. "Ang anito ng kawalan? Ang iyong... asawa?"

"Kung ganoon, si Reyna Ana ay isa ring... anito?" pagtataka ni Mike na ngayon ay huminahon na.

"Kaya siguro hindi natin siya naramdamang papalapit. Siya ang sinasangguni sa tuwing may mga nawawalang bagay noon. May kapangyarihan siya sa direksyon at lokasyon," paliwanag ni Rigel. "Malamang ay tinakpan niya ang kinalalagyan nila ng mga kampon niya."

Naalala ni Maggie ang binanggit ni Tala bago nila simulan ang misyon. "Tama. Ang sabi sa'min ni Tala, maging siya'y hindi makita ang kinaroroonan ngayon ng Balete." Napatango sila sa pagkakatuklas. "Pero bakit hindi niyo agad sinabi sa'min?" biglang sisi nito kay Dumakulem. "Ang hirap kumalaban ng kaaway na 'di namin lubos na kilala."

"Patawad talaga," yuko ng anitong napalunok ng laway. "Mahabang kwento. Saka ko na ipaliliwanag. Ang mabuti pa'y dalhin ko na muna kayo sa kanlungan para gamutin ang mga natamo niyong sugat at bumawi ng lakas."

"No!" pagmamatigas ni Mike. "'Di pa sila nakakalayo. Ramdam ko. Maaabutan natin sila kung kikilos na tayo ngayon."

"Naiintindihan ko. Ngunit tama ang sinabi ng kapatid mo, mahirap kalabanin ang kaaway na 'di nakikita. Kilala ko si Anagolay. Babawi ako sa inyo. Pangako 'yan. Sa ngayon, ang kailangan ninyo ay pahinga." Nilapitan nito ang nanghihinang alaga.

"Milky, maaari mo ba kaming dalhin sa kanlungan?" Tumayo ang higanteng tamaraw at umungol ng napakalakas. Kahit sugatan ay nagpakita ito ng lakas ng loob na magpatuloy pa rin.

Tumalikod ang tamaraw at ibinandera ang kaniyang malaking buntot. Sinimulan ni Dumakulem ang pag-akyat.

Hinarap ni Maggie ang dalawa nilang kasamang Maharlika. "Maraming salamat sa paghatid sa amin-"

"Sasama kami," mabilis na tugon ni Rigel.

"Ano?"

"Kasalanan din namin kung bakit umabot sa ganito ang sitwasyon. Gagawin namin ang lahat para mabawi si Mart. 'Di ba, Yana?" Nawala bigla sa pagkakatulala ang dalagita. Huminga ito ng malalim bago sumagot.

"Deal. Isa pa, takipsilim na. Delikado nang bumalik. Saka, kung involved ang mga anito rito, siguro dapat din itong talakayin ng Klab." Hindi sigurado si Maggie sa huli nitong tinuran pero sang-ayon siyang mas makabubuting magpahinga muna at sama-samang magplano ng sunod na hakbang.

"Ano pang hinihintay niyo? Tara na." Pinangunahan na niya ang pagsampa sa tamaraw. Nang makasakay silang lahat ay nagsimula na itong maglakad.

MABAGAL NGUNIT MALALAKI ang hakbang ng tamaraw. Anumang oras ay maaari silang mahulog kaya kahit pagod ay pinilit ni Maggie na magising at higpitan ang kapit sa balat ng hayop.

Tuluyan ng lumubog ang araw sa kanluran. Madilim pero payapa ang paligid ng bundok. Hindi na nila kailangan pang magpailaw dahil mukhang alam na ng sinasakyan nila ang direksyong tatahakin. Isa pa, nasa backpack ni Mart ang nga flashlight nila. Tanging cellphone lang ang naingatan ni Maggie.

Nalungkot siyang muli nang maalala ang nangyari. Mas humapdi pa ang mga sugat niya sa katawan. Tahimik ang kaniyang mga kasama sa kabuuan ng kanilang paglalakbay. Maging ang makulit na si Mike ay hindi nagsasalita, nakaupo malapit sa puwetan at nakatingin sa malayo.

"Hinto!" sigaw ng kanilang kutsero, ang anito ng kabundukan. Dahan-dahang tumigil si Milky na nagpapukaw sa kanila. "Maglakad na tayo mula rito. Hindi na angkop ang daraanan sa kaniya." Magalang nilang sinunod ang sinabi nito. Dali-dali ring umalis ang higanteng tamaraw at naghanap ng sariling hapunan hanggang sa kainin ng kadiliman.

"Pagkabilan kong sampu, nakatago na kayo. Isa-", rinig nilang bigkas ng isang nilalang sa malapit. "Dalawa. Tatlo " hinanap nila ito hanggang sa marating ang isang maluwang na dako ng kagubatang may mangilan-ngilang puno lang na tumutubo.

Sa isang puno ng narra ay may lalaking nakatalikod. Nakasandal ang mukha nito sa katawan ng puno, takip ng maininipis na braso. Wala itong damit at nakasuot lamang ng kupas ang bahag.

"Apat. Lima. Anim." Saka lamang napansin ni Maggie ang mahahaba nitong binti na may makapal na kukong pang-kabayo. Mahahaba rin ang tenga nito at maiiksi naman ang hibla ng buhok- isang tikbalang.

"Pito. Walo. Siyam. Sampu! Magtago ka na, Ricardo. Patay ka sa'kin."

"Paumanhin, kabalyero."

"Ay, anak ng kabayo! Sino ho kayo?" gulat na gulat nitong tanong kay Dumakulem.

"Maaari ho ba kaming makapasok sa kanlungan?" Nakanganga lamang ang maputlang tikbalang saka 'to pumito para tawagin ang kasama.

"Ricardo. Ricardo. May mga trespasser. Dalian mo." Agad nitong kinuha ang sibat na nakadantay sa may puno.

"Nasaan? Patay tayo neto kay Sergio," bulong ng isa pang tikbalang na lumabas mula sa palumpong ng sampaguita. Nang makita sila'y itinutok rin nito ang hawak na sibat.

"Boss, bawal dito ang hiker. Magsiuwi na kayo bago pa namin kayo kainin ng buhay," kabadong banta nila.

"Arturo, alam mo namang vegetarian ako. Umiwas na 'ko sa meat."

"Ano ka ba? Siyempre, kailangan natin sila takutin. Arrr."

"Kayo ba ang naatasang magbantay sa tarangkahan ng Makiling?" tanong ng anito. Iniangat pa nito ang braso para tukuyin sila. Napahakbang patalikod ang nga tikbalang sa takot.

"Hoy! 'Wag kang nanduduro. Masama 'yan," ang sabi ng kulay kapeng tikbalang na may pekas sa mukha.

"Ang galing mo r'on, Ricardo. Sigurado, tatakbo na sila palayo sa sindak."

"Teka. Kilala ko sila," hawi ni Mike sa anito at lumapit sa dalawang tikbalang.

"Ay, bata. Aba't paano? A-anong ginagawa niyo rito?" Ngayo'y nakilala na ni Maggie ang mga maligno. Sila ang nagdala sa kaniyang ama at kapatid sa may dambana ng mga diwata noong huling punta nila sa Balete.

"Pinapunta kami rito ni Tala para humanap ng tulong sa pagliligtas kina Maria at sa Balete." Nagkatinginan lamang ang dalawang tikbalang.

"Ahm. Ah. Andami na kasing nagbago. Mas mainam siguro si Sergio na ang magsabi sa inyo. Siya na muna ang pansamantalang tumayong pinuno ng mga natirang maligno ng Batangan nang lumipat kami rito," paliwanag ni Ricardo.

"So, can we go now?" sabat ni Yana na halatang pagod na pagod na ang katawang naghahanap ng matutulugan.

Dinala sila ng mga bantay sa isang maaliwalas na parang, malayo sa puno ng kagubatan. Mahamog na sa lugar na 'yon. Hindi sigurado si Maggie kung ito na ba ang tuktok ng bundok dahil numinipis na ang hangin at nahihirapan na siyang huminga.

"Andito na po tayo." Sa gitna ng kaparangan ay nakatayo ang isang maliit at payak na kubo. Magtataka pa sana si Maggie pero minabuti na lang niyang 'wag humusga sa panlabas na kaanyuan.

Naunang pumasok ang mga tikbalang, kasunod ang anito at ang dalawang Maharlika. Nagpahuli na silang magkapatid. Inakyat nila ang mababang hagdan at pagkapasok ng pinto'y bumungad ang liwasan ng kanlungan.

Naaalala niyang muli ang unang beses nilang pagpunta sa kaharian ng Balete dahil halos kahawig din niyon ang lugar na ngayon ay kanilang kinaroroonan. Malamang ay gawa rin sa kahoy ng balete ang pintuan.

Nagkalat ang iba't-ibang klase ng maligno- mga kapre't tikbalang, nuno at duwende. Mga diwatang abala sa pamamasyal at pakikilagtawaran sa pamilihan. Mga bata't matandang masayang namumuhay ng sama-sama.

"Mukhang maayos naman ang pamamalagi niyo rito," komento ni Dumakulem.

"Ay, opo. Mababait naman po ang mga taga-Makiling," nahihiyang tugon ni Arturo. "Pasencia na po kung 'di namin kayo nakilala agad kanina. Ano pa ho bang kailangan niyo, dakilang anito, at amin iyong paglilingkuran?" Yumuko ang mga ito sa harap ng lalaki.

"Ah, wala naman. Ako'y babalik din sa aking himpilan maya-maya. Mabuti pa'y ipaghanda niyo sila ng makakain at ipatingin ang mga sugat na kanilang natamo sa inyong diwatang manggagamot. Ihatid niyo sila sa dambana ni Maria upang doon pansamantalang magpahinga. At... pakisabi sa inyong kasalukuyang Supremo, gusto ko siyang makausap."

"Masusunod po," sabay na saludo ng dalawa.

ISANG MALIIT NA SILID lamang ang 'dambana' ni Maria. Gawa sa sanga ng puno ang haligi at kisame samantalang sariwang damuhan ang sahig. Nagsimula ng humaba ang talahib sa gilid. May mga sapot na rin sa pagitan ng mga tangkay ng puno sa itaas. Sumisilip dito ang liwanag ng bilog na buwan sa langit.

Binigyan silang apat ng tig-iisang piraso ng tela bilang higaan. Tinabingan naman ng malalaking dahon ng niyog ang pasukan. Ang rinig ni Maggie kanina habang kumakain sila sa liwasan, matagal ng hindi ginagamit ni Maria ang kaniyang silid dahil abala ito sa pagbabantay ng kaniyang bundok. Ilang libong species ng mga hayop at halaman ang makikita sa Makiling. Hindi pa kasama riyan ang mga maligno at mababang diwata ng mga punong-kahoy at batisan. Ang sabi nila, mabait at mapagmahal na tagapangalaga si Maria. Sinisigurado nito ang pakikipagtulungan ng mga taong residente ng bayan at ng kanilang kanlungan.

Inihiga ni Maggie ang buong katawan sa damuhan. Ramdam niya pa ng kaunti ang kirot ng kaniyang bali sa balikat. Hindi na ganoon kasakit ang kaniyang mga sugat na unti-unti ring naghihilom dahil sa lunas na ibinigay ng mga diwata.

Mabilis lamang ang kain nila kanina. Panay prutas at halamang-ugat. Katulad ng babala sa kanila, iniwasan nilang kainin ang kaning gawa sa dahil ito'y pagkaing-maligno. Hindi niya gugustuhing makulong at mamuhay kasama nila. Hindi pa.

Sinilip niya si Yana sa isang tabi. Abala nitong nililiha ang mga talim ng sibat. Kahit pa suplada ito nung una nilang nakatagpo, alam niyang mabuti ang hangarin nito na samahan sila. Ramdam niyang may poot din itong nararamdaman dahil hindi nila nagapi ang mga kalaban kanina. Lalo na si Rigel na nakatulala sa itaas at tila nagbibilang ng mga bituin sa langit. Nasaksihan nito kung paano agawin ng aswang ang bagong kaibigan.

Sa kanilang lahat, ang pinakainaalala ni Maggie atyang kapatid na si Mike. Tinignan niya ito sa kabilang gilid, nakahiga sa kaniyang latag. Nakapatong ang mga braso sa mukha at nakapikit. Alam niyang hindi pa ito natutulog.

Bumukas ang tabing ng pasukan at bahagya pa silang nasilaw. Tumambad ang anino ng dalawang lalaki- ang anitong si Dumakulem at ang kasalukuyang Supremong tikbalang na si Sergio.

"Maaari ko bang makausap ang tagapangalaga ng agimat?" mahinahong pakiusap ng anito. Dumako ang tingin nila kay Mike na napabangon. "Kung maaari sana'y mag-isa." Hindi nagdalawang-isip sina Yana at Rigel at mabilis na tumugon. Lumabas sila ng silid. Tinignan ni Dumakulem ang nakaupo pa ring si Maggie, "Binibini?"

"No. I'm his ate. Kung anuman ang sasabihin niyo, dapat lang na marinig naming parehas," diin niya. Tumango lamang ang anito at 'di na nakipagtalo.

Isinara ng tikbalang ang tabing. Lumapit sa kanila si Dumakulem at umupo sa kanilang tabi. Ibinaba nito ang suot na sumbrero na pang-hiking at bumuntong-hininga bago sinimulan ang kaniyang sasabihin.

"Ang isang mangangaso ay nararapat lamang na mahusay pagdating sa pagtukoy ng kinaroroonan ng kaniyang sisilain. Kaya hindi ko alam kung bakit sa akin iniatas ni Bathala ang pagiging anito ng pangangaso. Kaya rin siguro ibinigay sa akin ang pamamahala sa mga kabundukan para manatili lamang ako sa isang lugar at pag-aralang mabuti ang dakong iyon bago lumipat sa panibagong lunan." Hinimas ng lalaki ang maninipis na damong kanilang kinauupuan.

"Hindi nila masisising umibig ako sa kaniya. Isang baguhan at mahiyaing anitong tulad ko ang nakakilala ng binibining hindi mo mahahanap kahit saan. Kahit pa binalaan nila ako tungkol sa ugali niyang paminsan-minsang wala sa tamang timpla, ang puso ko pa rin ang aking sinunod. Isang mangangaso at isang dilag na batikan sa paghahanap ng mga nawawalang bagay. Tugma kami sa lahat ng sulok." Napangiti ito sa katamisan.

"Tinulungan pa ako ng aking kapatid na si Anitun Tabu na mamanhik at manligaw sa kaniya," tawa nito. Kahit si Maggie ay nagtaka kung bakit ang isang makisig at gwapong anito ay siya pang nahihiyang lumapit sa babae.

"Ang dati kong kaibigang si Uwian Sana ang nagpayo sa aking bigyan siya ng handog, tanda ng aking matapat na hangarin."

"Uwinan Sana?" tanong ni Mike na biglang napaayos ng upo. "Hindi ba siya ang bantay ng kagubatan?"

"Tama. Hindi ko rin maintindihan ang galit o inggit ng anitong iyon. Matagal na siyang hindi nagpapakita sa amin, nagpakalabuy-laboy. Ngunit dahil sa tiwala ko sa kaniya, tinanggap ko ang bigay niya sa'king gintong alahas. Hindi ko alam kung saan iyon nanggaling pero umaapaw ito sa kariktan kaya tama lang na mapasakamay ito ng nilalang na may kapantay na kagandahan.

"Tuwang-tuwa si Anagolay nang ibigay ko sa kaniya ito. Ginawa niyang kwintas sa makinis niyang leeg. Balani siguro ito ng magandang kapalaran dahil naging maganda ang aming pagsasama. Kami'y nag-isang dibdib at nagbunga ng-"

"Dalawa," pagpapatuloy ni Mike sa kwento ng anito. "Nakita ko ang imahe niyo sa bulwagan ni Ana. Isang lalaki at isang babae ang mga anak niyo. Kaya pala halos kahawig niya si Maria dahil sa anak niyo si Diyan Masalanta. Ang 'di ko maintindihan ay paanong naging engkantada lamang siya at nakakulong sa lugar na iyon?" seryosong tanong nitong hindi alam ni Maggie kung magugustuhan ba niya ang pagbabago nito ng tono.

"Tama. Mahal na mahal namin ang isa't-isa at bilang patunay, sinubukan niya ako kung totoo ba ang aking nararamdaman. Isang araw ay nalaman ko na lang na nawawala ang ginto. Siya ang sinasangguni ng mga tao sa tuwing may nawawala silang bagay dahil saklaw iyon ng kaniyang kapangyarihan. Kaya hindi ko maintindihan noong una kung paano nangyari iyon. Sobra siyang nalungkot sa nangyari. Halos 'di ko na siya makausap.

"Kaya binalikan ko si Uwian Sana upang alamin kung saan pa nakakakita ng ganoong uri ng alahas. Pinilit ko siyang sabihin ang totoo. Nalaman kong sa isang anito rin nagmula ang ginto- ang anitong isinumpa."

"Sino?" tanong ni Maggie na tangi niyang ambag sa usapan.

"Kilala siya sa maraming ngalan. Matagal na panahon na siyang kinalimutan ng sangkaanituhan- ang pinuno ng mga ibon, ang tumuka ng kawayan." Napakamot sa ulo si Maggie. Naghahalo-halo na sa utak niya ang mga kwento.

"Ang sabi ni Uwinan Sana, magbabalik ang may-ari upang kuhanin ang kaniyang pag-aari. At kung sakaling hindi ito makita, pupuntiryahin nito ang aming dalawang anak.

"Nung una, hindi ako maniwala at tinanggap ang kaniyang babala nilang biro. Ngunit siya'y tunay na nagbalik at magbabalik. Nalagay sa panganib ang aming mga supling kaya minabuti kong ihabilin sila sa nga pinagkakatiwalaan ko. Si Apolaki kay Sinukuan at si Diyan kina Gat Panahon at Dayang Makiling.

"Akala ko'y ligtas na kaming lahat nang malaman kong hindi naman pala nawawala ang ginto kung hindi pagsubok lamang ni Anagolay. Suot niya pa rin ang kwintas at hindi na iyon maaalis sa kaniya. Nawala siya sa katinuan. Madalas daw ay may mga bumubulong sa kaniyang gumawa ng masama laban sa amin at sa sangkatauhan.

"Masakit man ay pumayag ako sa pasya ng mga anitong dalhin siya sa lugar kung saan hindi siya makapaminsala."

"Kaya siya nasa Batangan," usal ni Maggie.

"Oo. Nanghina siya't hindi na magamit ang kaniyang lakas. Halos hindi na niya kami makilala. Sa tulong ng dating tagapangalaga ng agimat na 'yan at ng panangga ni Lakan Bakod ay napigilan namin siya sa kaniyang balak at ikinulong sa loob ng Balete. Iniatas nila sa kaniyang mamahala sa mga engkanto't engkantada roon."

"In short, kasalan ko talaga 'to," sisi ni Mike sa sarili. "Kung 'di ko sana tinanggal ang mahiwagang pakong nakapalibot sa puno at kung 'di ko sana binuksan ang pinto ng bulwagan gamit ang agimat na 'to, hindi sana tayo aabot dito. Hindi sana nadakip sina Lolo at Maria. Hindi sana nila nakuha si Mart. Paano kung wala na sila? Paano kung patay na sila?" Napakapit si Maggie sa braso ng kapatid na nagsisimula ng umiyak.

"Nagkakamali ka riyan, bata," pagsasalungat ni Dumakulem. "Kami ang dapat sisihin. Kung nagtiwala lamang kaming mga anito sa isa't-isa, hindi kami nalilinlang ng ganito. At hindi ko man alam ang kinarorooan nila, ramdam kong buhay pa ang anak kong si Diyan."

"Wait. Hindi ba si Anagolay ang anito ng nga nawawalang bagay?" singit ni Maggie. "Kaya siguro nalaman niya ang tinitirhan namin sa Maynila at nagsugo ng mga kampon niya. Káya niya itago ang kinaroroonan nila. Kung gan'on, anong papel naming magkakapatid rito? Mga bata lang kami."

"Malaki," mabilis na sagot ng kanilang kausap. "Ang agimat ni Bathala lamang ang tanging bagay na makasisira sa gintong suot ni Anagolay, ang makakapagpalaya mula sa kaniyang kinalalagyan ngayon. At tanging pinili lamang ni Maykapal ang makagagamit ng agimat niya."

"Ito ba?" tukoy ni Mike sa kwintas niya na agad niyang hinubad at ibinato sa anito. "Sa'yo na. Tutal makapangyarihan kayo. Kayo na ang gumamit n'an. Isang bata lang ako. Nagpapatawa ba kayo? Wala akong sapat na kakayahan. Please. Hindi ko kayang iligtas sina Lolo at Mart."

Tinignan lamang ni Dumakulem ang agimat sa kaniyang tabihan. "Alam ko. Alam namin." Nagtaka silang magkapatid. Pinulot nito ang kwintas at pinaikot-ikot sa kamay. "Ilang libong taon ang lumipas. Marami rin ang humawak ng bagay na 'to ngunit ni isa, hindi nagamit ng lubos. Sinubukan nila ngunit walang nagtagumpay." Ibinatong muli niya ang agimat pabalik kay Mike.

"Hindi mo kaya kung nag-iisa. Dahil hindi lang naman ikaw ang pinili ni Bathala." Nawala ang antok ni Maggie sa narinig. "Ang diwa ng pagtutulungan ay nasa inyong apat na magkakapatid. At lahat kaming anito ay naniniwalang sa pagkakataong ito, magtatagumpay tayong magapi ang tunay na kalaban."

Napatingin si Maggie sa kapatid. Inalala niya ang mga sandaling naging magkasundo silang apat. Maga isa o dalawa lamang ang natandaan niya.

"Alam kong ikaw pa rin ang nararapat na mangalaga niyan, Mike. Nawa'y matuklasan ninyo ang tunay na kahalagahan ng inyong mga kakayahan." Tumayo na ang anito para magpaalam. Naiwan silang dalawang nakaupo pa rin at pilit iniintindi ang mga impormasyong kanilang nasagap.

"Hanggang sa muli, mga Ginoo. May mga panauhin kayo bukas ng umaga. Sa ngayon, magpahinga kayong mabuti. Kakailanganin niyo ng lakas." Lumakad na ito palapit sa pintuan. Binuksan ng bantay na tikbalang ang tabing at bumungad sina Yana at Rigel na kanina pa pala naroroon at mukhang taimtim na nakikinig sa kanilang usapan. Nginitian lamang sila ni Dumakulem bago tuluyang lumabas. Dali-dali na silang bumalik sa kanilang higaan.

"Sergio," tawag ni Mike sa tikbalang na papaalis na sana. "Hindi ba may dapat ka pang sabihin sa'min?" Napahinto ito, nag-isip bago humarap sa kanilang apat. Halos hindi maaninag ang seryoso nitong mukha sa dilim.

"Wala na kayong makukuhang tulong sa amin."

"What?" hiyaw ni Maggie.

"Karamihan ng mga malignong taga-Batangan na lumikas dito sa Makiling ay maayos ng nakikisalamuha. Ayaw na nila ng gulo. Wala nang nagnanais pang maibalik ang dati nilang Kaharian."

"Ha? Nagbibiro ka ba? Naglakbay kami mula Maynila papunta rito para saan? Para sa wala?" Napabalikwas sa Maggie sa inis.

"Pasencia na ngunit maging ang kabalayero ay nagsitiwalag na dahil wala naman na silang dapat bantayan. Ang kanilang dating Supremo ikinasal sa araw na 'yon ay kumampi sa kalaban. Isa siyang malaking traydor at walang iniwan sa amin kung hindi kahihiyan."

Naramdamang muli ni Maggie ang sakit ng bawat sugat niya. Hindi siya makapaniwalang wala silang aabutan ditong hukbo para tumulong sa paglusob at bawiin ang kahariang nararapat sa kanila. Ngunit ngayo'y wala ng may interes pa.

"Hindi maari. Paano si Maria? Si Gat Panahon na dati niyong datu?"

"Matagal ng hindi namumuno si Gat Panahon? Wala na rin kaming magagawa sa dakilang Maria."

"Paano ang kapatid ko? Ang kapatid naming si Mart?" Napatahimik ang tikbalang. "Ano na'ng plano?"

"Katulad ng sinabi ng anito kanina, magpahinga na muna kayo ngayon. Bukas na bukas ay sisimulan natin ang pagpaplano. Hindi niyo ako kalaban. Sa totoo n'an, ako na lamang ang natirang naniniwala pa sa muling pagbabalik ng kaharian ng Batangan."

Napabuntunghininga na lang si Maggie. Sobrang daming nangyari sa araw na iyon at mga kapwa sila puyat.

"Magandang gabi," paalam ni Sergio bago lumabas ng silid.

Humiga na ang dalawang Maharlikang kasama nila at nagsimulang matulog. Tinignang muli ni Maggie ang kapatid na nakahiga na rin.

"Mike," tawag niya ngunit hindi ito sumagot. "Makakaya natin 'to, okay?" turan niyang kahit siya'y hindi sigurado.

Ipinahinga niya ang buong katawan sa latag at pumikit.

KINABUKASAN, bumungad sa kanilang agahan ang isang higanteng puting tandang. Sakay nito ang isang lalaki at isang dalagita- ang mga bisitang tinutukoy ni Dumakulem.

"Kay ganda ng sikat ng araw," bati ng dalagita sa kanila. Maging ang mga maligno roon ay gulat na gulat. "'Wag kayong ganiyan. Kami lang 'to. Ako si Hanan at ito naman si Apolaki, ang inyong mga tagapagsanay ngayong umaga."

*************************************************************

I really like the sudden change of character dynamics on this chapter. I dunno kung matatawag na siyang character development. 😅 But expect more. We're preparing for a bang! At 'di ko akalaing lalagpas din ito ng 4k words so congratz. Haha.

How'd you find Dumakulem's backstory? Was it familiar? <wink>

Up Next: Ang Ibon

Keep on reading! You my vote and comment any suggestions and/or reactions.

Love y'all! ( ˘ ³˘)♥

-- Catam, B.C.A. of Klab Maharlika

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top