23 Ang Maharlika

Ika-Dalawampu't Tatlong Kababalaghan

Ang Maharlika

Hindi man kasing-sarap ng luto ng kanilang lola, halos maubos ni Mike ang nakahain. Nakapwesto sila sa isa sa mga lamesang gawa sa kawayan na nakahanay sa pampang ng ilog. Dito siguro kumakain ang mga miyembro ng Klab.

May mga bandila ring patindig na nakatayo sa bawat istasyon. Kulay maroon na may berdeng disenyo ang tela nito. Mga letra'y sa Baybayin nakasulat at ang logo sa gitna'y imahe ng Bundok Makiling at Lawa ng Laguna.

Preskong hangin, magandang tanawin, sariwang mga prutas na bagong pitas at mga isdang kahuhuli lamang sa may tabing-ilog at agad na inihaw. Naalala ni Mike rito nung huli silang nag-camping kasama ang mga kapwa niya boyscout. Kadalasan, pagkain lang din habol niya.

Perpekto na sana kung hindi lang sila tinititigan ngayon ng mga batang Maharlika sa paligid na nagawa pang huminto sa kanilang pagsasanay para magbulungan.

Isusubo na sana ni Mike ang huling piraso ng saging nang mahuli niyang nakatingin ang isang lalaki sa nay tabi ng puno ng narra sabay hagis ng hawak na palakol na tumusok sa gitnang bahagi ng puno at nagpaagos sa dagta nito. Ibinalik ni Mike ang saging sa lamesa. "Busog na pala 'ko. Sa inyo na lang, oh. Last na."

"They're very friendly, you know," ang sabi ng binatang nakilala nila kanina na may higanteng espada sa likuran. Nakapwesto ito sa dulo ng kanilang kinakainan. Akma lamang sa kaniya bilang punong-abala sa mga bisita.

"Sanay naman silang makakita ng mga Maginoo mula sa ibang chapter. In fact, ang iba sa mga narito'y hindi naman tubong-Laguna pero dito na sila nakatira. Kami na ang kumupkop sa kanila. Tulad nila Estella at Estrella."

"Sino?" tanong ni Mike.

"'Yung kambal na nagbukas sa inyo ng pinto kanina. Hindi sila Amerikano. Ganoon lang talaga ang itsura nila dahil mula sila sa lahi ng mga diwatang-tála sa Benguet." Napatango siya sa mangha.

"Sadyang bihira lang kami dalawin ng galing sa ibang kapitulo lalo na sa Maynila." Bumitaw ito ng makahulugang tingin kay Yana.

"At bakit naman?" usisa ni Maggie kahit kanina pa naalibadbaran sa binata.

"Dahil sa cluster meet," sagot ni Rigel na may amos pa sa mukha. "Ang taunang selebrasyon ng pagkakatatag ng Maharlika bilang samahan."

Ipinagpatuloy ni Yana ang paliwanag. "Tuwing Abril, nagtitipon-tipon ang mga pangmalakasan ng bawat chapter para maglaban-laban sa ilang serye ng paligsahan. Ang mananalong koponan ay hihiranging kampeon para sa taon na 'yon."

"Parang tournament," komento ni Mike na biglang ginanahan sa kanilang usapan.

"Ganun na nga. At sa mga nakalipas na taon, Manila chapter ang laging nangunguna maliban ngayon." Nahalata ni Mike ang biglaang pagkalungkot ng dalagita.

Ang binatang si Garth ang sumalo. "Abala kasi sila sa ibang gawain. Isa pa, baguhan ang kapalit na punong-Maharlika. Kung ako lamang, si Captain ang pipiliin ko. Ako lang talaga ang 'di niya pinili," biro nito.

"Loko. Seryosong bagay ang pagiging punong-Maharlika."

"Alam ko. Kaya nga pinilit kong maging lider sa chapter namin, eh. Kung 'di sana nawala si Ki-" Pinigil nito ang sasabihin. "Kung ikaw sana nakalaban ko nitong huli, handa akong magpatalo."

"Ayiee," tukso ni Rigel sa dalawa. "Kaumay."

"Naku. 'Wag kayong mailang sa biruan namin, ha?" paalala ni Garth. "Actually, first time din nila dumalaw dito pero matagal na kaming magkakakilala dahil sa cluster meet at mga misyon."

Iniba ni Maggie ang usapan. "But how was it possible na ang entrance nito ay sa museum ng campus?"

"Gawa sa kahoy ng balete ang pintong dinaanan niyo kanina. May kapangyarihan ang puno na makagawa ng magical portals."

Hinanap ni Mike ang basong kawayan at sinalinan ng sabaw ng buko para uminom.

"Bakit po puro bata ang mga Maharlika," tanong ni Mart. Kahit siya'y napalingon sa kuryusidad.

Buntong-hininga si Garth bago sumagot. "Hay. Kung masipag lang mag-recruit ang bagong lider sa Maynila, edi sana naka-attend na kayo ng briefing. But anyway, binuo ang samahan na may pangunahing tungkulin na sanayin ang bawat Maginoo na maging mandirigma laban sa mga malignong umaabuso ng kanilang karapatan. Tayo ang nagsisilbing tagabantay ng kapayapaan sa pagitan ng mga timawa o karaniwang tao at mga mahiwagang nilalang.

"Ayon nga sa kasabihan ni Bathala, ang sinumang kabataan ay may kakayahang maging pinuno. Sa pinakamurang edad, mas malakas ang paniniwala ng mga tao sa mga kababalaghan. Kapag tumatanda na, mabilis itong nawawala. Kaya habang bata pa'y inaanib na namin sila sa Klab Maharlika. Actually, maraming Maginoo ang lumaki na at naging produkto nito. May kaniya-kaniya na silang pamilya ngunit paminsan-minsan ay tumutulong pa din sa aming misyon."

"Mission? Para din pala tayong secret agent," masayang komento ni Mike. Napatawa saglit ang mga kausap.

"Well, parang ganun na nga. Pero 'di kami kumikilos ng mag-isa. Kaya buddy-buddy kami. Kadalasan, isang expert at isang apprentice." Ngayon, naintindihan na ni Mike ang turingan nina Yana at Rigel. "Also, gumagamit kami ng codenames habang nasa mission para maiwasang pagkakilanlan ng ilang malignong may masamang balak sa aming mga kamag-anak at kaibigan kung sakali."

"Akin ay Astroboy" pagmamalaki ni Rigel. "Ang manlalakbay sa kalawakan, kan, kan, kan."

"Ako naman ay Seraphim, ang guardian angel na mag-iingat sa bawat pusong sugatan. Biro lang. Seraphim lang talaga. At si Yana, kilala niyo naman na si Captain."

"Cool!" 'Di mapigilan ni Mike ang ma-excite. "Wow, ang galing! Pwede na ba 'kong pumili ng akin? Ako si... Thor, God of Thunder. O kaya Electric Ranger." Tumayo pa siya sa kinauupuan.

"Baliw," tirada ni Maggie. "'Di na natin kailangan ng codenames since involved na ang family natin in the first place." Napaupo at napatahimik na lamang siya.

"Well, yeah. Fair enough. Hintayin niyo ang sunod na pagbubukas ng Klab next year para opisyal na maging miyembro kayo. Sigurado, magiging malakas na naman ang Manila Chapter kapag nadagdag kayo."

"Dito na ba kayo nakatira?" singit ni Mart sa usapan.

"Ay, hindi naman. May kaniya-kaniya pa rin kaming buhay sa labas. Karamihan dito ay mga estudyante din tulad niyo na araw-araw pumapasok sa eskwelahan. Tuwing Sabado't Linggo lamang kami nagsasanay sa kampo ng aming kakayahan."

"Ang Klab Maharlika ay nagsimula sa samahan ng mga babaeng mandirigma ng itinatag ng Lakambining si Urduja sa may Pangasinan. Kalaunan, nag-evolve ito at sinaklaw ang lahat ng batang Maginoo, anumang kasarian. Nagkaroon ng sangay sa halos lahat ng probinsiya."

"Pero sa Batangas, wala?" bulalas ni Maggie. Napatigil ang binata sa pagkukwento at napatingin kay Yana. Lumunok ito ng laway bago nagpatuloy.

"Ahm. Ang alam ko, huminto sila sa operasyon, ilang dekada na ang nakakaraan. Hindi namin tiyak ang dahilan. Bulung-bulungan lang. Sabi ng iba, naglaho silang lahat kasabay ng paglaho ng buwan. Ang sabi naman ng iba, isang makapangyarihang engkantada ang tumalo sa mga natitirang miyembro. At ang mga nabuhay ay nagtago na lamang." Napanganga silang magkakapatid sa kwento nito. Hindi alam ni Mike ang mararamdaman.

"Pero tsismis lang 'yon. Hehe," bawi ni Garth na halata namang kabado sa pagtawa. "Welcome na welcome naman ang mga Maginoo ng Batangan dito sa amin. Pamilya na ang turing namin sa isa't-isa. Katulad ng isang balangay ay may kaniya-kaniya din kaming tungkulin at mga gawain ayon sa aming kakayahan."

"Kakayahan?"

Ang dalagitang si Yana ang sumagot. "Katulad ng nabanggit ko na kanina, ang mga dugong-bughaw na tulad natin ay may namamanang abilidad mula sa anitong ating pinanggalingan. May mga hinlog na likas na mahusay pagdating sa pangangaso. Mayroon naman sa panggagamot o kaya naman ay pangangalaga ng likas na yaman." Tumalsik sa pwesto nila ang tubig-ilog dahil sa ilang batang naglalanguyan.

"Mas okay siguro kung i-tour ko kayo sa Klab," aya ni Garth. "Tutal, pupunta rin tayo sa may pandayan para pumili ng sarili niyong mga sandata."

"What?" lingon ni Maggie.

"Yana told me na wala man lang kayong dalang weapon sa inyong paglalakbay. It's dangerous to use only your gifts. Lalo na't hindi pa kayo nagsasanay."

"Kailangan din namin ng bagong ammo kaya kami dumaan dito," bwelta ni Yana. "Kaya 'wag niyong isiping kayo ang dahilan. As if."

Naunang tumayo si Mart at inayos ang suot na salamin sa mata. "Tara na po."

Bago umalis ay kinuha pa ni Mike ang natirang saging. "Ayaw niyo talaga?" sabay subo. Itinapon nila ang mga pinagkainan sa may katabing sako.

Sinimulan nila ang paglalakad sa direksiyon patungo sa mapunong dako ng kampo.

Nanguna sa kanila sina Mart at Rigel na abala sa sarili nilang paksa. Hinubad na ni Maggie ang suot na leather jacket at itinali sa baywang. Humulma ang balingkinitang nitong katawan sa puting sando. Si Yana naman ay kinain na ang atensiyon sa pagkalikot ng kaniyang speargun.

Katabi ni Mike si Garth. Humanga siya sa tangkad nitong mas mataas pa 'ata sa kaniyang ama. Nakatingin sa kaniya ang mga singkit nitong mata at nakangiting tila may pilyong balak.

"Ano po 'yon?" tanong ni Mike para basagin ang pagkailang.

"Alin?"

"Natatae po ba kayo?"

"Ay, ahahaha. Hinde," tawa ng binatang tila nagpagising sa kaniya. "Hindi lang ako makapaniwalang katabi ko na ang maalamat na tagapag-ingat ng agimat ni Bathala. Ilang taon ka na ba?"

"Trese. Magkakatorse na."

"Wow. Mas matanda ako sa'yo ng halos tatlong taon. Ka-edad mo lang ako nang nagsimula akong magsanay rito. Kaya tingin ko, mabilis niyong matututunan ang pagiging Maharlika."

Nilinga ni Mike ang isang grupo ng mga batang nakaupo. May hawak silang kawayan at matulis na kahoy pang-ukit.

"Bukod sa pisikal na katawan, sinisigurado din naming naeehersisyo ang aming mga utak. Nagsasanay silang magsulat ng mga salawikain sa titik ng Baybayin. Minsan naman, kahulugan at kahalagahan ng mga kwentong-bayan at mitolohiya ng iba't-ibang bayan ang kanilang pinag-aaralan."

"May written lessons pa din dito?" dismaya ni Mike na agad namang nawala nang makita ang isang grupong nag-eensayo gamit ang eskrima. Kinawayan ni Garth ang dalagang nagtuturo sa mga ito.

"Oh. Sino po siya?"

"Buddy ko. May boyfriend na 'yon. Next time na lang tayo, boy."

"Hindi ba masakit?"

"Hindi naman. Mabilis naman akong naka-move on."

"I mean, 'yan pong barbed wire sa dibdib niyo. 'Yung panghawak ng espada niyo."

"Ah, ito ba. Hahaha. Heh." Napakamot ito sa ulo. "Hindi naman. Sanay na 'ko. Regalo 'to sa'kin ni Lakan Bakod, ang aking ninuno. Sanay talaga kami sa mga matatalim at matatalas na bagay."

Pinasok na nila ang madawag na dako. Parami ng parami ang mga puno sa paligid. Maya-maya'y dumaan sa kanilang harapan ang ilang Maharlikang may hawak na pana at sibat. Tila may hinahabol na hayop.

"Makikita mong lamang-lupa ka!" sigaw pa ng isa. Galit na galit silang nakatingin sa may kakahuyan. Hindi nagkakamali si Mike nang sinubukan niyang sumilip. Ramdam niya ang mga maligno sa paligid. Nagsimula na ring kumulo ang mga suot nilang botelya ng langis.

Itinaas ni Garth ang mga kamay. "Don't worry, guys. Marami talagang mga ligaw na maligno dito pero 'di sila nananakit. Namemeste lang kadalasan." Ikinalma ni Mike ang sarili

Nangamoy asupre ang hangin nang daanan nila ang isang batis ng putik na umuusok pa sa init.

"Mud spring. Normal 'yan dito sa Makiling. Tulog na bulkang maituturing ang aming bundok. Diyan kami minsan nagsasanay sa sining ng pakikipagbuno- wrestling." Natatanong tuloy si Mike sa isip kung kasama ba sa abilidad nila ang pagkakaroon ng balat na singkapal ng sa kalabaw.

"At ito naman ang mga mag-aaral namin sa panggagamot." Nilagpasan nila ang isang grupo ng estudyanteng kaniya-kaniya sa pagsusuri ng mga nakatanim na halamang-gamot. Ang isa'y nagsasayaw pa. Nasobrahan siguro sa nalanghap na damo.

"Here we are." Nakita nila ang isang malaking kubo. Puno ng maputing usok ang tuktok nito. Nasa limang tao ang nagsisiga ng apoy at nagsasalansan ng iba't-ibang klase ng mga patalim.

Sa gilid ay may matandang lalaking nakasuot ng face shield at nagpupukpok ng isang mahabang espada.

"Tandang Selo, kamusta?" bati ni Garth dito. Agad namang itinaas ng matanda ang harang sa mukha para maaninagan sila sa gitna ng usok. Ngumiti ito.

"Tangkad, May bagong recruit ka na naman? Dito mo ba sila ilalagay?" magiliw na tanong nito.

"Ay, hindi po." Nagmano ang binata kahit madungis ang kamay ng matanda. "Sa ibang chapter po sila. Kailangan lang po ng karagdagang sandata para sa misyon."

"Ah, ganon ba. Tamang-tama. Patapos na 'ko sa espadang ito." Iniangat niya ang isang matalim na bakal na may habang isa't kalahating ruler.

"Ah, guys. Si Tandang Selo pala, ang magiting naming panday. Siya namamahala dito sa pandayan, gawaan ng sandata."

"Ano ka ba. 'di pa 'ko matanda. Mang Selo na lang." Inikot ni Mike ang tingin sa paligid. Nagkalat ang iba't-ibang klase ng mga espada, gulok, sibat, panangga't kalasag. Sabik na nagtakbuhan sina Mart at Rigel sa isang lamesang puno ng mga pana. Si Yana naman ay lumapit sa isang lalaking nagliliha ng sibat at ipinakita rito ang kaniyang speargun.

"Mang Selo, kayo n'ang bahala kay Mike. Hahanapan ko lang ang ate niya ng sandatang akma sa kaniyang kagandahan," paalam ng binata sabay kindat sa napairap na si Maggie. Sumama rin naman ito sa kabilang dulo ng pandayan.

"Ikaw ba'y nakagamit na ng sandata?" tanong sa kaniya ng matanda.

Napahawak si Mike sa suot na agimat bago sumagot. "Hindi pa po."

"Sige. Tama lang siguro 'tong ibibigay ko sa'yo. Pang-baguhan." Tinubog nito ang hawak na bakal sa isang timbang tubig at pinunasan. Kumuha siya ng isang pirasong nililok na kahoy at inilagay sa puwetan ng patalim bilang hawakan. Lumapit ito sa isang pader na may mga nakasabit na kalubang gawa sa balat ng hayop na pinapanaklob sa talim ng tabak. Pumili ito ng isa at ipinasok ang bagong panday na espada.

"Dahong-palay ang tawag sa tabak na 'to. Sa sobrang talas, kaya nitong humiwa ng isang pirasong talahib sa gitna ng walang ingay." Iniabot nito sa kaniya ang sandata. Hindi pa alam ni Mike kung paano itatali sa kaniyang baywang kaya tinulungan pa siya ng matanda.

"Nawa'y ingatan mong mabuti. Gamitin sa mga kalaban lamang at hindi sa kapwa-tao. Ang mga bakal ng sandatang dito ay gawa sa inasnang asero. Mainam pantaboy sa mga maligno."

"Inasnan? Parang pagkain pong nilagyan ng asin?" pagtataka niya.

"Ganun na nga. Ang asin ay butil ng kadalisayaan. Hinahalo namin sa ginagamit naming metal." Paghanga lamang ang naisagot ni Mike.

"Are we good?" Lumapit sa kanila si Garth. Kasunuran na nito ang mga kasama nilang tila nasiyahan naman sa mga nakuhang sandata.

May mga bagong bala si Yana sa kaniyang speargun. Si Maggie anaman ay inaayos ang suot na tali sa kanang braso. Mga sampung beses itong umikot mula sa kaniyang pulso. Habang si Mart naman ay sinubukang hipan ang hawak na sumpit. Tumusok ang matalim nitong tunod- maliit na sibat na may balahibong buntot- sa katawan ng punong sampalok na may layong limang metro sa kanila.

"Gabayan nawa kayo sa inyong misyon," basbas sa kanila ni Mang Selo.

"Paano, Tanda? Mauna na kami."

"Sinabi ngang 'wag tanda!" angal nito sabay tawa. "Dalaw ka uli dito minsan, Tangkad. Miss ka na ng mga estudyante mo."

"Oo naman po. Magkikita tayong muli." 'Yun lamang at tumungo na sila pabalik sa kanilang pinanggalingan. Nahirapan pang maglakad si Mike dahil 'di sanay na may sakbit na patalim sa beywang pero kahit papaano'y nakaramdam siya ng kapanatagan. Sinumang kampon ng kadilimang kakaharapin ay handa niyang kakalabanin.

Nakarating sila sa may pampang ng ilog. Nakahanda na ang isang bangka sa tabi. Tirik na rin ang araw sa langit.

"Paano ba 'yan. Hanggang sa muli," paalam ni Garth sabay akbay kina Yana at Rigel. "Bisita uli kayo, ah. Babe, alam mo na." Batok ang nakuha nito sa dalagita.

"Magtino ka nga."

"Ito na. Ito na," sabay hawak sa napalong ulo. Itinaas niya ang isang braso at itinuro ang tuktok ng bundok sa kanilang harapan. Tahimik na nakahimlay ang Makiling sa kabilang pampang lang ng ilog.

"Makikita niyo ang kanlungan sa pinakatuktok. Nabalitaan kong doon lumipat ang ilang malignong naiwan sa Batangan. Hanapin niyo lang ang kubo ni Maria. Magpapakita naman ito sa mga may dalisay na pusong tulad ko. Biro lang."

Hinarap siya ni Yana at tinitigan. "Salamat," maiksing tugon nito.

"Kiss muna." Isang tadyak sa maselang bahagi ang inabot nito. "Ouch! Paalam na. See you next cluster meet. At Maggie-" Iniabot nito ang isang maliit na papel sabay bulong, "Call me." Nakatakbo na ito pabalik sa kampo bago pa mabugbog.

"Okay lang ba talagang samahan niyo kami?" tanong ni Mike sa mga kasamang Maharlika nang sila'y makaupo sa bangka at magsimulang magsagwan.

"Tutuparin namin ang pangakong ihatid kayo sa paanan ng bundok. Isa pa, naroon ang pinakamalapit na lagusang papasukan namin. 'Di ba, Rigel?" tanong nito sa batang lalaking 'di pa pala tapos sa pakikipagkuwentuhan kay Mart. "Rigel?"

"Ayayay, Captain!" gulat nitong sagot.

"Good." Kahit pa natatakpan ang isa nitong mata'y kita ni Mike ang kagandahan ng dalagita, sa loob at labas. Huminga siya ng malalim, hinawakan ng kanang kamay ang bagong sandata at ng kaliwa naman ang suot na agimat. Tiningala niya ang bundok na puno ng kompiyansa.

*************************************************************

What do you think sa Laguna Chapter ng Klab Maharkila? And also of Garth as their head student? Nakita niyo ba si author? Ako din hinde. Hahahaha.

May weapons na sila so handa sa labanan. Nae-excite na 'ko. Hehe. (✷‿✷)

Up Next: Ang Bungisngis

Keep on reading! You may vote and comment any suggestions and/or reactions. Love y'all! ( ˘ ³˘)♥

-- Catam, B.C.A. of Klab Maharlika

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top