22 Ang Anito

Ika-Dalawampu't Dalawang Kababalaghan
Ang Anito

KUNG SAKALING BABYAHE SIYANG MULI, titiisin na ni Maggie ang lahat ng amoy ng usok at pawis sa gitna ng traffic, 'wag lang maulit ang ginawa nila ngayon.

Makalipas ang halos kalahating oras ng pagliko sa mga kanto ng lagusan at pag-iwas sa mga malignong muntikan na nilang makasagupa, lumabas sila sa isang manhole paakyat sa abalang kalsada.

Lahat na 'ata ng klase ng amoy ay kumapit sa suot niyang leather jacket. Sa dami ba namang butas at hukay na pinasok nila, 'di niya akalaing sa mapanghi at madagang sewer ang exit nila. Parang gusto niyang maligo ng tatlumpung beses.

Dumampi sa kanilang mga balat ang sinag ng umaga. Sa tagal nila sa lagusan, nakapaniniwara sa pakiramdam ang masikatang muli ng araw.

"This way," utos ng batang babaeng kasama nila. Kung saulo ni Maggie ang lugar, malamang kanina niya pa nakutusan 'tong Maharlikang nakilala nila. Masiyadong bossy.

Sinimulan nilang lakarin ang tahimik na kalye at gumilid. Mangilan-ngilan lamang ang mga sasakyang nagdaraan. Kakaunti rin ang mga tao na ni minsan ay 'di nagbigay ng ibang tingin sa kanilang lima— isang teenager na may kasamang apat na musmos. 'Yung isa may sakbit pang pana at 'yung isa naman, halatang may nakasuksok na sandata sa likuran.

Wala naman sanang mag-akalang miyembro siya ng sindikato at ang mga batang ito'y ginagamit sa kung anumang 'di marangal na operasiyon.

"Magandang umaga," bati ng dalawang matandang kanilang nakasalubong. Nginitian niya lamang ito at agad na inakbayan ang dalawang kapatid.

"Namamasiyal lang po, heh," pilit niyang sagot. Tumango lamang ang matatanda at bumalik sa kanilang paglalakad. Magigiliw ang mga tao rito.

"Hindi ba tayo sasakay?" tanong niya sabay pisil sa kaniyang mga pagod na binti. Halos magdamag din silang naglakad mula Maynila sa loob ng lagusan. Kaya siguro gamit na gamit ang daanang iyon dahil napagdudugtong nito ang mga lugar na malayo sa isa't-isa. Ni hindi nga nila nakitang nalagpasan na pala nila ang ilog ng Pasig at lawa ng Laguna.

"Ow. Pasensiya na, Prinsesa. 'Di uso sasakyan dito," tukso ni Yana.

Napahanap siya ng tubong ihahataw pero piniling ikalma na lamang ang sarili. "Oo nga, 'no? Nakikita ng dalawang mata ko," pang-aasar niya dito na biglang napahawak sa suot na eye patch.

"Nasa ordinansa na po kasi ng bayan na wala ng sasakyang dadaan papasok ng UPLB. Iwas polusiyon saka para mahikayat daw ang mga taong maglakad," paliwanag ni Rigel.

But we're walking for hours now, reklamo na lang niya sa isip at tinanggap ang paglilinaw.

"Hindi ba tayo kakain? Gutom na 'ko, Ate," singit ni Mike hawak ang kumakalam na tiyan. "May dinaanan tayong McDo, oh. Baka naman."

Nilingon ni Maggie ang isang linya ng mga kaninan na nilagpasan lamang nila at nagkalkula sa isip kung magkano ba ang nadala niyang pera.

"Mas better kung magpapatuloy na tayo," suhestiyon ni Yana na hindi naman tinangkilik ng mga kausap. "Nandito na tayo sa arko, oh. Malapit na. Doon na tayo mag-breakfast sa Klab."

"Totoo ba? Ay, siya. Bilsan na natin," sambit ni Rigel na himalang nagkaroon muli ng sigla. "Natatakam na 'ko sa sariwang isda at prutas."

Sumunod na lamang sina Maggie sa dalawa. Bumungad sa kanila ang magkabilaang hilera ng mga punong-kahoy. Napapalibutan ng mga halaman ang pangalan ng unibersidad.

Tumabi si Maggie sa may damuhang basa pa ng hamog. Yumuko siya at hinawakan ang mga ito. Malayo sa kanilang eskwelahan sa Maynila na kailangan pang gumamit ng pekeng damo para magmukhang may hardin sa loob ng school.

Malalaki at magkakalayo ang mga building dito sa UP campus. Hindi matataas at karaniwa'y hanggang dalawang palapag lamang.

Ang mga taong nakakasalubong nila, kung hindi namamasyal ay nag-eehersisyo. May mga nagyo-yoga, nagzu-zumba at nagja-jogging. Tamang-tama ang klima sa ganitong mga gawain.

Nilanghap ni Maggie ang sariwang hangin na kahit kailan ay 'di niya mahanap sa Kamaynilaan. Siya'y tulad ng halamang nadiligan makalipas ang ilang taon.

Binagtas nila ang kahabaan ng isang football field at nilagpasan ang kilalang oblation statue. Nagpahuli siya ng paglalakad sa mga kasama para ilibot ang mga mata sa kapaligiran. Ngayon lang uli sila nakapasiyal na magkakapatid.

Kapag walang kausap, kadalasa'y isinusuot niya ang earphones para makinig ng musika maliban ngayon. Kaysarap pakinggan ang mga huni ng ibon at hampas ng hangin sa nagsasayawang mga dahon.

"Sugang pilak?" bulalas ni Mart sa kaniyang unahan. Simula sa pagkikita nila sa lagusan ay kanina pa nito kausap ang bagong kakilalang si Rigel.

"Oo. Sa stellar silver gawa ang busóg na 'to," pagmamayabang ng batang lalaki sa hawak na pamana. "May tatlong klase ng metal na peligroso sa maligno at tanging mga tao o Maginoo lamang ang maaaring gumamit. Isa pa d'on ang bulang tanso o lunar copper. Sample 'yung sibat ni Yana, este, Captain kanina. Nakita mo ba 'yon?" Nakailang tango si Mart.

Ngayon lang uli napansin ni Maggie ang kapatid na interesado sa pinag-uusapan.

"Ang isa pa ay adlawang ginto o solar gold. Mahirap silang hanapin. Ilang piling lugar lang ang alam kong pinagmiminahan nila," pagpapatuloy ni Rigel.

"Iba pa sila sa normal na gold, silver at bronze?" tanong ni Mart

"Kinakalawang ang mga 'yon. Eto, hinde. Ang mga metal na 'to ay pinaniniwalaang nagmula sa katawan ng unang tatlong cosmic deity na nalikha."

Pamilyar si Maggie sa kwentong iyon. Matapos ang bakasyon nila sa probinsiya, pinagsabay niya ang pag-aaral at pagri-research tungkol sa mga alamat, kwentong-bayan at mitolohiya ng Pilipinas. Bibihira lang kasi magkwento ang kanilang Lola tungkol sa mga anito. Kadalasan ay mga babala at mga bagay na dapat gawin kapag may nakaharap na maligno.

Sinilip niya ang kapatid na si Mike na nangunguna sa paglalakad katabi si Yana. Kumpara sa dalawang batang lalaki, hindi sila ganoon kaingay mag-usap. Halos magkasing-edad lamang ang mga ito pero 'di hamak na mas mature mag-isip ang dalagita.

Maiksi ang buhok nitong 'di man lang dumikit sa batok. Hanggang ngayon, nagtataka pa rin siya kung bakit kailangan nitong magsuot ng panakip sa mata. Masiyado sigurong isinabuhay ang pagiging 'Captain'.

Pasulyap-sulyap ito kay Mike na tila may bagay na gustong ipaliwanag. "Natural law sa mga anito ang pagpapasa ng tungkulin at kasama rito ang kapangyarihang mamahala sa anumang elementong iniatas sa kanila."

"Aahh," sagot ng kapatid niyang si Mike na halata namang nagpapanggap lamang sa pakikinig.

Ipinagpatuloy ng kausap ang pagsasalita. "Kadalasan, kapwa anito rin ang sumasalo. Halimbawa ay sina Bulan at Mayari. Minsan naman sa mga hinlog o descendant na katulad natin. O 'di kaya ay sa mga likha, mga bagay na pinagsasalinan nila ng kanilang diwa hanggang sa magamit ng karapat-dapat. Katulad ng amulet mo na 'yan."

Kalmado na kung magsalita ang dalagita. Hinala ni Maggie, sa suot na agimat ni Mike lang naman ito interesado. Nakita niya kanina kung paano nito titigan ang kwintas, parang mangangasong nakahanap ng masisila.

"So, para palang Power Rangers, ang mga tagapagtanggol ng sangkatauhan. Nice!"

Napabuntong-hininga na lamang siya sa walang kwentang sagot ng kapatid.

"Anong nice? Alam mo ba kung gaano kahirap magmana ng responsibilidad sa mga anito?" Ramdam ni Maggie ang irita at panggigigil sa boses ni Yana. Parang matanda nang kausap. Kahit siya'y hindi pa naisip ang gano'ng klaseng dilema.

"You're impossible," himutok nito. "Anyway, were here na." Pinagmasdan ni Maggie ang tinutukoy niya— isang mababang building na gawa sa bato. Sa bungad nito'y nakatayo ang isang estatwang kalabaw na may pakpak.

'Dont tell me, may malignong ganito. Mababaliw na 'ko, komento niya sa isip.

Inakyat nila ang hagdan. Nakaharang sa malaking pinto ang isang security guard

"Good morning, Sir," masiglang bati ni Rigel dito ngunit hindi gumalaw ang guwardiya. Matikas itong nakatayo at nakatitig sa malayo, ni hindi kumukurap. "Sir? Hello." Ikinaway-kaway pa ni Rigel ang kamay sa mukha nito pero 'di pa rin natitinag.

"Let me," hawi ni Maggie. Siguro'y mga bata pa ang mga kasama niya kaya 'di pinapansin. Minabuti niyang siya na ang magtanong sa bantay. "Excuse me, Sir. Can we go inside?" Hindi pa rin ito kumilos at mukhang 'di na humihinga.

"Sir?" Sinundot niya ang balikat nito na siyang nagpagulat sa guwardiya at iwinasiwas ang mga braso na parang traffic enforcer na nagpa-panic.

"ID. ID. ID. ID," paulit-ulit nitong salita sa mala-robot na boses. Ilalabas sana ni Maggie ang naitagong school ID sa dala niyang sling bag nang banggain siya ni Yana na lumapit sa guwardiya at itinapat ang dalang badge sa pagmumukha nito.

Hindi na siya nakaangal pa. Dala ng kuryusidad ay sinilip niya ang ipinakitang tsapa ng kasama. Hindi niya maintindihan ang mga nakasulat dito. Sa gitna'y may logo na hugis tatsulok at sa loob ay may letrang mukhang tabong may lamang tubig. Baybayin. Tanda na niya. Ang lumang alpabeto ng mga sinaunang Pilipino.

Pinalakihan ng guwardiya ang kaniyang mga mata na tila inii-scan ang badge sabay gawi ng mga braso sa may pintuan. "Pasok. Pasok. Pasok."

"Tara," aya ni Yana na pinangunahan ang pagbukas ng malaking pinto.

Muntikan pang mahampas si Maggie ng batuta ng guwardiyang bigla na lang iwinasiwas. "Bag. Bag. Bag. Magandang umaga. ID. ID. ID." Bumalik ang security guard sa kaniyang pagkakatindig kanina.

"Baka kulang sa tulog," bulong ni Mike

Bumungad ang malinis na lobby. Naka-display sa magkabilaang tabi ang iba't ibang klase ng halaman, prutas at mga sanga ng punong natatakluban ng glass covers. May nasa pitong tao siguro ang laman ng lugar, isa-isang pinagmamasdan ang mga naka-exhibit.

"Masaganang araw, mga bata. Welcome to UPLB Botanical Museum and Research Center, eh," masiglang bati ng isang lalaki sa reception area. Naka-simpleng barong ito. 'Mr. Gapas' ang nakasulat sa nametag. Malaki ang ngiti ng lalaking halos maghugis bigas ang mga ngipin. Buhok nito'y singtigas ng mga dayami katulad ng suot niyang salakot, mistulang damaged hair na 'di nadadampian ng shampoo't conditioner. Matingkad na brown ang kulay ng mga mata nitong singtalas ng kalaykay. Halimuyak ng palay na maghapong binilad sa araw ang amoy ng lalaki.

"Maaaring obserbahan ang alinmang halaman. 'Wag lang pipitas ng 'di nagpapa-alam. Anong maipaglilingkod ko, eh?" Agad na inilabas ni Yana ang kaniyang badge at ipinakita rito.

"Oh! Maharlika. My bad. 'Di ko agad napansin sa dami ng bisita." Nilingon ni Maggie ang isang couple na nagpipuktyuran sa may gilid. Sinubukan pang hawakan ng babae ang isang kulay bughaw na kamatis para mag-pose nang biglang hampasin sa kamay ng isa sa mga bantay. Walang reaksyon ang guwardiya katulad ng bumungad sa kanila kanina. May mga lumabas pang tuyong damo ng umubo ito. Dismayadong umalis ang magkasintahan at naghanap ng malilipatang pwesto. Bukod sa mga kakaibang bunga at halaman dito tulad ng bulaklak ng santang sinlaki ng sunflower at hugis bilog na mga saging, wala naman ng ibang bagay na nakaaaliw sa maliit na museum. Madami na sa kaniya ang pitong bisita?

"Ah, boss, ayos lang ba mga sekyu niyo?" tanong ni Mike. "Para kasing maluwag ang turnilyo."

"Ah, iyon ba? 'Wag niyo silang alalahanin. Understaff kasi kami kaya gumamit na 'ko ng taong-dayami panakot sa ibon, eh." Nagkatinginan silang magkakasama, pare-pareho ang nasasaisip. "Anyway, anong inyong dahilan at napadalaw kayo sa aming kapitulo?"

"May kailangan lang kaming i-report sa head student ng Laguna chapter," sagot ni Yana na tila walang gana sa kaniyang dapat gawin.

Sumingit sa kanilang pag-uusap si Rigel. "Ah, Sir, hahatid rin po namin sila sa may bundok," tukoy nito sa kanilang magkakapatid.

Napakapit si Maggie sa strap ng suot na slingbag. Pakiramdam niya'y nakatayo siya sa harap ng klase para sa recitation. Itinaas niya ang kamay at nagboluntaryong magpaliwanag. "Ahm. Mis-Mister Gapas."

"Sinong Gapas?"

"Po?"

"Ah, ako nga. Tama. Sanay kasi ako sa pangalang Dumangan, eh."

"Dumangan?" gulat na tanong nina Yana at Rigel, 'di makapaniwala sa narinig.

"Dumangan, as in, ang anito po ng pag-aani?" tanong ng batang lalaki.

"Himalang kilala niyo pa ako. Ngayon lang uli ako nakadalaw sa timog-katagalugan. Pansamantala muna akong nagbabantay ng mga kapalayan dito. Medyo naaliw ng konti. Kasi tignan niyo naman ang biotechnological efforts ng Laguna pagdating sa plant breeding at pest-resistant crops. Sadyang nakakahanga ang mga naimbento naming new hybrid. Saan ka nakakita ng seedless mais o kaya'y kamoteng-pakwan?"

Napahikab si Maggie. 'Wala na bang ika-boboring, isip niya.

"Isa pa, ando'n naman sa Sambal ang tatlo ko pang kapatid. Kaya na nila 'yon, eh."

Sa pagkakataong iyon, ikinuwento na nilang magkakapatid kung paano nilusob ng engkantada ang kaharian ng Balete at ginawang bihag sina Maria at Gat Panahon. Taimtim ding nakinig ang dalawa pang Maharlika.

"Oh, I see. Hmm. Kaya pala 'di na 'ko nadadalaw ng aking apong si Diyan Masalanta o mas kilala niyo bilang Maria."

"Apo?" Napataas ng kilay si Maggie.

"Masalimuot ang pamilya namin. Magulo. Mahabang kwento."

"'Di ba dapat ay kayo mismo ang nagliligtas sa kaniya?" tanong ni Mart.

"Ako'y hindi na nangingialam sa kanilang away. Malalaki na sila. May tungkuling iniatas sa akin, ang siguraduhing may bigas na makakain ang bawat mag-anak at iyon ang aking dapat pagtuunan ng pansin." Nagugulumihanan si Maggie. Parang puzzle na unti-unting nabubuo ngunit marami pa ring pirasong kulang.

"At ikaw naman, Max-"

"Mike po."

"Mike, ang bagong tagapangalaga ng agimat ni Bathala, eh."

"Opo."

"Naaalala ko tuloy ang mga naunang nagmana ng agimat na 'yan."

"Talaga po? Sino-sino po?" usisa ng kaniyang kapatid.

"Malayo sa itsura mo." Napasimangot bigla si Mike. "Ang kababayan kong si Bangkaw na nanguna sa rebolusyon ng Macabebe. Si Dayang Kalangitan, ang unang babaeng naging datu ng Tondo. At marami pang iba."

Muling nanumbalik ang sigla ng kausap. "Talaga po? Sigurado, isa din diyan si Lapu-Lapu."

"Ay, hindi. Mga aswang ang tumalo kina Magellan noon kaya madali silang napatay."

"Si Pedro Penduko po?"

"Imbento lang naman 'yun, eh," sagot ng anitong sigurado sa kaniyang sarili na totoo't hindi kathang-isip lamang.

"Eh, si Dr. Jose Rizal po?"

"Please. 'Wag si Pepe."

"Pasensiya na po pero maaari po bang makapasok na kami?" nahihiyang hingi ni Yana ng pahintulot.

"Aba'y oo naman. Ang sarap ko kasing kausap, eh."

"Salamat po."

"Mangyaring isulat lamang ang inyong ngalan sa copperplate." Isa-isa silang pumirma gamit ang isang bolpeng hugis karit na panggapas. Kusa itong umuuka sa manipis at malapad na registration na gawa sa tanso.

"Alam niyo, hiring kami ng staff. Tamang-tama, mga hinlog kayo ni Mapulon. Kailangan namin ng makakatulong sa pag-aani," alok sa kanilang magkakapatid ng anito.

"Saka na lang po, heh," nahihiyang sagot ni Mike.

"Sige. Tanggapin niyo na lang 'tong souvenir ng museum. Inuubos na namin ang tirang stock." Tigigisa silang inabutan ng kulay dilaw na bolang kasinglaki ng tennis ball at gawa sa pinatuyong kanin.

"Ano po 'to?"

"Puffed rice balls. Gawa ng mga alaga kong scarecrow."

"Wow! Ano pong mahika ang nagagawa nito?"

"Wala. Pang-meryenda namin 'yan."

"Saan po ang Klab?" singit ni Yana sa usapan.

"Unang pinto sa kanan. Isigaw lamang ang password."

"Ano pong password?" tanong ni Mart.

Umayos ng tindig ang anito at tila naghanda sa imumuwestra.

🎶 'Magtanim ay 'di biro, maghapong nakayuko. Hey! 'Di man lang makaupo, 'di man lang makatayo. Hey!'🎶

Sabay-sabay silang napangiwi sa kahihiyan.

"Biro lang. Katok lang kayo't kayo'y pagbubuksan." Sabay-sabay din ang kanilang pagbuntong-hininga.

"Masaganang araw muli." Nagpaalam na sila rito at nagtungo sa binanggit na direksiyon. Sinalubong sila ng isang malaking pintong kahoy. Limang metro ang lapad nito at anim naman ang taas. Sa gitna'y nakaukit ang letrang katulad ng nasa badge ni Yana.

Pagbukas nila'y 'di inaasahan ni Maggie ang makikita. Ang nasa isip niya'y malaking silid lamang ang pupuntahan nila ayon sa pangalan ng organisasiyon, Klab Maharlika, ngunit malayo rito ang kanilang nadatnan.

Nasilaw pa sila sa biglaang sinag ng liwanag. Bumungad ang isang tahimik na kaparangan. May mangilan-ngilang puno sa paligid. Sa tabi'y ilang dampang gawa sa matitibay na kahoy ang nakahanay. At sa pinakadulo'y matiwasay na umaagos ang isang ilog. Parang isang malinis na ecopark ang napasukan nila. Tila bahagi pa rin ito ng reserve sa paligid ng bundok Makiling— sa loob ng isang maliit na museum.

May mangilan-ngilang bata ang nagtatakbuhan sa paligid, ang edad ay mula sampu hanggang dalawampu sa hula ni Maggie. Ang ilan ay kumpulang nakaupo na tila nagpi-picnic o nag-aaral ng lesson. Ang iba nama'y nakasakay sa maliliit na bangka at masayang nakikisabay sa agos ng ilog. Makalagpas nito'y makikita na ang dibdib ng bundok na pinunó ng iba't ibang klase ng punongkahoy.

Naabutan ni Maggie ang mga kapatid na kapwa nakanganga. Kung tutuusin, nasaksihan naman na nila ang mga ganitong klase ng tagong pook para sa mga maligno tulad ng sa puno ng Balete. Pero hindi pa rin siya makapaniwala na may ganitong klaseng lugar sa loob mismo ng isang building.

Humakbang sila papasok. Pinong damo ang bumabalot sa sahig na lupa. Dalawang babae ang nagbukas sa kanila ng malaking pinto na kanila ring isinara agad. Mukhang kanó ang mga ito. Singputi ng gatas ang mga balat at dilaw ang mahahabang buhok. Parehas na may nakapatong na korona ng bulaklak sa kanilang mga ulo. Kung hindi lamang sa magkaternong dilaw na blusa at modernong jeans ay aakalain na ni Maggie na sila'y mga diwata. May nakalagay ding badge sa kanilang dibdib, kamukha ng kay Yana. Ito siguro marahil ang pagkakakilanlan ng mga Maharlika. Tumango lamang ang mga ito sa kanila at mahinhing tumungo sa mga nakapilang Maharlika sa may gilid na naghahanda sa pagsasanay.

"Garth," tawag ni Yana sa kanilang harapan. Nakatalikod ang isang matangkad na lalaki. Baligtad ang itim nitong sumbrero. Kupas na P.E. T-shirt na kulay maroon at berdeng pajama ang bihis nito, at nakayapak lamang. Halos matakpan ang kabuuan ng likod nito ng isang mahabang espadang may malapad na blade. Pinalilibutan ito ng barbed wire na siya ring ginamit pangsakbit sa katawan. Si Maggie na mismo ang napaaray sa sakit. Humarap ang lalaki sa kanila.

"Oy, Yana! Long time no see," masayang bati nito. Halos pumikit na ang singkit nitong mata sa pagkakangiti. Kulay ginto ang suot nitong badge.

Ito ba ang tinutukoy niyang head student?, taka ni Maggie sa isip dahil kung titignan ay halos kasing-edad niya lamang ito o baka nga mas bata pa ng isang taon.

"'Di mo naman sinabing magsasama ka ng Grade 1," tukoy nito sa napasimangot na si Rigel.

"Para namang close tayo," mabilis na bwelta ni Rigel. Lumapit sa kanila ang binata.

"At sinong mga kasama mo? Mga kaklase mo den, ha?" Tinapik nito ang panga ng kausap at mapaglarong naghamon. Itinaas ni Rigel ang manipis na binti at akmang sisipa.

"Tumigil nga kayo!" saway ni Yana sa dalawa na mabilis namang napatahimik.

"'Wag high blood, Captain. Na-receive ko text mo. Nakahanda na ang umagahan. Akala ko naman breakfast date naten." Isang malakas na suntok sa sikmura ang naisagot sa kaniya ni Yana. "Aw! Na-miss din kita."

"Nakuha mo," tawa ni Rigel.

"Mabuti pa'y dalhin mo na kami sa kainan."

"Aye Aye, Captain. Ladies first." Pinauna sila nitong maglakad. Nakabuntot si Maggie sa mga kapatid nang bigla siyang harangin ng binata.

"Huwait! O, anito ng kagandahan. Siguro'y narinig mo ang dalangin ko gabi-gabi na maibsan ang aking kalungkutan. Kaya't nahabag ka't dinalaw ako." Mukhang nawalan na ng gana si Maggie na kumain sa mga pinagsasabi nitong walang kasing umay.

"Garth!" tawag ni Yanang lumapit pa sa kanila at hinila ang binata sa tainga palayo. Nahuli ni Maggie ang pagkindat nito sa kaniya. Kung 'di lang nakabibighani ang kapaligiran ay baka nasuka na siya.

Pinagmasdan niya ang kakahuyang naliligo sa sinag ng araw. Abot kamay na nila ang bundok, ang lugar na kanilang patutunguhan.

*************************************************************

Kamusta naman sa inyo si Dumangan bilang anito?

Totoo bang si Garth nga ang head student ng Laguna Chapter?

May cameo ba ako? Char. (✧Д✧)

Up Next: Ang Maharlika

Keep on reading! You may vote and comment any suggestions and/or reactions. Love y'all! ( ˘ ³˘)♥

-- Catam, B.C.A. of Klab Maharlika

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top