21 Ang Katalonan
Ika-Dalawampu't Isang Kababalaghan
Ang Katalonan
Naka-ilang retry si Mac sa level ng kaniyang nilalarong mobile game. Magaling naman siya dito dati pero ngayon, palagi siyang talo. Nawawala siya sa focus. Maraming bagay ang nagpapagala-gala sa kaniyang isipan.
Himalang hindi pa siya inaakyat ng kaniyang lola sa kwarto para sawayin at pagsabihang matulog na. Hatinggabi na ngunit abala pa rin ang Lola Nimpa niya sa may kusina. Amoy niya hanggang sa silid ang iba't ibang klase ng mga dahong pinakuluan ng kaniyang lola.
Naisipan niyang tumigil muna sa paglalaro at sumilip sa ibaba.
Naabutan niya si Lola Nimpa sa may salas. Isang lamesitang natatakpan ng puting tela ang nasa kalagitnaan. Nakapatong rito ang dalawang kandilang bagong sindi at isang maliit na flower vase. Ilang pirasong prutas at mani ang nakalagay sa dahon ng saging. Sa gitna'y merong kanin na mainit-init pa. Nakapaikot ang nasa limang itlog at ilang pirasong fried chicken na nagmukhang inadobo sa tinta dahil sa pagkasunog.
Patay ang kanilang mga ilaw. Pumapasok ang liwanag ng bilog na buwan sa nakabukas nilang bintana. Saglit pang kinabahan si Mac ngunit agad din namang nawala ng maalalang naipako na nila sa paligid ng bahay ang regalo ng anitong si Tala. Simula n'on, tumahimik na ang kanilang gabi. 'Di na sila ginagambala ng mga nakahihilakbot na ingay.
Maging ang kanilang asong si Jordan ay mahimbing nang natutulog sa labas ng kanilang pinto. Bumalik na muna sa kaniyang punso ang kaibigan nilang duwende.
Dahan-dahang humakbang si Mac pababa ng hagdan. Lumangitngit ang mahunang kahoy na tuntungan nang siya'y makaabot sa pinakahuling baitang. Napalingon sa kaniya si Lola Nimpa.
"O, Mak-Mak. Saktong-sakto sa oras. Pumarine ka," aya nito sa kaniya. Hindi siya nagdalawang-isip na lumapit.
Muli pang inayos ng kaniyang lola ang lamesita gamit ang malilinis ngunit mahihina ng kamay. Naglalaro ang mga anino sa mukha nito na lalong nagpalalim sa mga kulubot nitong balat at nagpalitaw sa mga uban ng maiksing buhok.
Umupo si Mac sa sahig sa tabi ng mababang lamesa katapat ng kaniyang lola. "Anong meron po? May bisita po ba tayo?"
"Ala'y wala naman," ngiti nito. Kahit matanda na'y buo at mapuputi pa rin ang mga ngipin. "Wala pa sa ngay-on dahil iimbitahan pa natin sila."
Napatingala siya sa tinuran ng matanda. "Ano pong-"
"Iyo gang natatandaan ang sinabi ng anito kanina sa hapunan?
"Alin po d'on?"
"Mac. 'Di ko na maiintay pa ang tamang panahon. Ngay-on na ang itinakdang oras, ang simula ng tagsibol."
"Sino pong bibisita?" Tipid na ngiti ang isinagot ni Lola Nimpa.
"Pamilya, apo. Pamilya natin. Nawa'y magustuhan nila ang inihanda ko. Noon, puting manok na buhay ang iniaalay sa mga anito bago sila kausapin. Ay, wala naman akong makita kanina sa palengke kaya ireng baon niyo sana bukas ang niluto ko. Naiwanan ko pa sa kusina kanina ang pritong manok kaya nasunog." Napakamot ito sa ulo.
Tinignan ni Mac ang mala-uling na fried chicken. Napadighay siya sa kawalan ng katakaman. Masarap magluto ang kanilang lola kaya nakapagtatakang napabayaan niya ito. Malamang, wala din sa focus at maraming iniisip tulad niya.
"Ano pong gagawin natin?" May dinukot ang kaniyang lola sa ilalim ng lamesa, isang bote ng mga halamang pinakuluan sa langis.
"Kilala sa Batangan ang ating angkan. Sa bawat henerasiyon noon pa man, sa ating lipi nanggagaling ang kanilang katalonan."
"Kanta- ano po?"
"Katalonan. Ang isang karaniwang tao ay hindi maaaring basta-basta na makitungo sa mga anito. Hindi sapat ang kanilang kakayahan para rito. Isang piling miyembro ng balangay ang pinipiling maging punong-ispiritwal. Ang namamagitan sa mga mensahe at babalang gustong ipabatid ng mga anito at ng mga hinaing at problemang nais isangguni ng mga mamamayan. Iyan ang pangunahing tungkulin nating mga katalonan."
"Natin?"
"Tama, apo. Isa sa inyong magkakapatid ang magmamana ng katungkulang ire. At ikaw, Mak-Mak, bagamat mura ay may pinakaangkop na hilagyo o kalooban upang kasihan. Kung meron lamang akong sapat pang oras upang ihanda ang iyong sarili."
"Saan po? La, 'di ko po kayo maintindihan." Pakiramdam ni Mac, pumasok siya sa maling classroom, kaharap ang guro sa mas mataas na lebel habang nagtuturo ng araling hindi pa abot ng kaniyang isipan.
"Hindi po ba hihintayin lang natin si Ate at sina Kuya dito?" Ano bang ibig sabihin niya?, isip ni Mac. Bakit may pagmana? Aalis ba siya? S'an pupunta?
"Mak-Mak, makinig kang mabuti." Inikot ng kaniyang lola ang takip ng bote ng langis. Lumabas ang matapang na amoy. "Matanda na si Lola. Anumang oras ay darating ang aking sundo. Hindi natin batid."
Nakaramdam si Mac ng takot, takot na matindi pa nung minsang nawala niya ang cellphone ng Ate Maggie niya, nang minsang maligaw siya sa Luneta Park, at nung nagpaalam sa kanila ang kanilang inang umalis pa-abroad. Pinigil niya ang nangingilid na luha sa mga mata.
"'Wag kang mag-alala, apo. Kahit kailan ay 'di ako lilisan. Ako'y nasa tabi mo laang saan man kayo naroroon." Itinaas ni Lola Nimpa ang hawak na botelya at bago pa makapagsalita ang kaniyang apo ay ibinuhos nito sa ulo ni Mac ang laman ng bote.
Nagulat siya sa ikinilos ng kaniyang lola. Kumalat ang malapot na likido sa kaniyang anit hanggang noo.
"Hinahon, Mac. Ipanatag mo ang iyong kalooban. Pakiramdaman ang bawat paghinga, ang paglabas at pagpasok ng hangin sa iyong katawan," dahan-dahang atas sa kaniya.
Napatigil si Mac. Hindi niya maibuka ang mga bibig, ni maikilos ang mga braso. Nakita niyang may inilabas muli ang kaniyang lola. Ilang pirasong beads na may iba't ibang kulay ang nasa palad nito.
"Handa ka na ba sa kwento ko, apo? Maaring ito na ang huling istoryang aking masasambit. Kaya makinig ng mabuti." Inihulog nito ang mga beads sa ibabaw ng lamesita. Rinig ni Mac ang bawat patak ng mga ito, tila ambong unti-unting lumalakas.
Umikot ang paligid. 'Di niya mapigilan ang hilo hanggang sa siya'y mapapikit.
Pagmulat niya'y nasa harap na siya ng isang kubo. Madilim ang paligid. Malungkot ang liwanag ng bugtong na buwan sa langit. Umihip ang malamig na hangin.
Maya-maya'y may mga taong lumabas sa pintuan ng kubo- isang babaeng hanggang tuhod ang haba ng buhok kasama ang isang makisig na lalaking may sakbit na gulok sa baywang. Akay-akay nila ang isang batang lalaki na halos kasing-edad lamang niya. Nagmamadali ang mga itong bumaba sa tatatlong baitang ng hagdan. Ni hindi na nila isinuot ang mga sapin sa paa.
Tumanaw mula sa bintana ang isang matandang babae. Mahaba rin ang maputi nitong buhok.
"Nimpa," tawag nito sa ginang sa labas. " Bilisan ninyo ang pagtakas. Pangangalagaan kayo ng puno ng Balete."
Tinignan muli ni Mac ang mag-anak. Palagay niya'y ito ang kaniyang Lola Nimpa at Lolo Isko. Ang kaniyang amang si Miguel malamang ang batang lalaking umiiyak. Saka lamang niya napagtantong nasa bayan muli sila ng Kumintang, sa kanilang iniwang kubo, ilang dekada mula sa nakaraan.
"Pero, Inang," papiyok na sumamo ng kaniyang lolang halos 'di niya makilala sa haba ng buhok.
"'Wag mo na 'kong alalahanin. Ito ang dapat na mangyari." Pagtangis lamang ang naitugon ng kausap.
"Isko, ingatan mo ang aking apo. Sundin mo ang nakatakda." Tumayo lamang ang lalaki at kinarga na ang batang si Miguel.
Napalingon si Mac sa kaniyang kaliwa. Mula sa pagitan ng mga punong-kahoy ay sumisilip ang ilang pulang liwanag. Tila mga matang masugid na naghahanap.
"Andiyan na sila. Bilisan niyo!" sigaw ng matandang babae. "Nawa'y ingatan kayo ng mga anito."
"Hayon!" rinig nila sa 'di kalayuan. Patungo sa kubo ang 'di bababa sa isang daang residente ng baryo- mga lalaki't babae, bata't matatanda. Kung hindi sulo ay itak ang hawak ng mga ito. "Salot! Aswang! Mangkukulam!" galit na galit nilang hiyaw.
Nagsimula ng tumakbo ang mag-anak papasok sa loob ng madilim na kagubatan. Naiwan ang matandang babae sa may bintana. Kalmado at tila tanggap na ang mangyayari sa kaniya. Nilingon siya nito at nagbigay ng mapanuring tingin.
"Ano pang ginagawa mo?" Nagtaka si Mac at napatanong kung siya ba ang kausap nito. "Takbo!" Nagulat siya at napatalima na lamang sa utos ng matanda.
Sumunod siya sa direksiyong tinungo ng kaniyang lolo at lola. Tanaw niya lamang ang maputing damit ni Nimpa. Mabilis ang kanilang pagkilos. Ilang beses pang muntikang matilapid si Mac sa daan. Nilagpasan nila ang madawag na talahiban at ang sapa.
Nang makarating sa puno ng Balete ay agad silang sumilong sa loob nito. Nagkasiya sila sa gitna kung saan may espasyo.
Tumabi si Mac sa kaniyang lolo at lola. Yakap ng mga 'to ang batang si Miguel. Tahimik silang humihikbi. Rinig ni Mac ang mga dasal na kanilang ibinubulong, mga pangalan ng anitong hindi siya pamilyar.
Ilang minuto lamang ang lumipas ay naulinigan na ni Mac ang ingay ng mga tao. Lumabas mula sa mga punong-kahoy ang mga galit na galit na mamamayan.
"Inang!" Agad na pinigilan ni Isko si Nimpa sa pagsigaw. Nakita nila ang matandang babae, gapos ng dalawang lalaki. Wala na itong malay at tadtad ng sugat ang katawan hanggang sa mukha.
Nanghina si Mac sa nasaksihan.
"Lumabas kayo, mga salot!" sigaw ng ilan. Himalang hindi sila nakikita ng mga ito. Tila ba naglagay ng tabing ang puno sa pagitan nila at ng kumpulan sa kanilang harapan.
"Sige. Tawagin mo ngayon ang mga poon mo. Nasa'n sila? Sinong magliligtas sa'yo?" tutya ng isang lalaki sa kawawang matanda sabay dura rito. Nasaan na nga ba ang mga anitong tinawag nila na dapat ay nangangalaga sa kanilang sinugong katalonan.
"Mga kabaryo, ihanda ang sulo." Hinagis nila ang katawan ng matanda sa tabi ng malalaking ugat ng Balete. Sinimulan nilang sunugin ang ang mga baging.
Napapikit ang mag-anak at hinigpitan ang yakap sa isa't isa. Nanlumo si Mac. Tumulo ang kaniyang luha. Sininghot niya pa ang malapit ng lumabas na uhog. Pinunasan niya gamit ang mga braso ang kaniyang mga mata.
Pagmulat niya'y nasa ibang lugar na siya. Maliwanag na ang paligid. Wala na ang mga galit na tao sa kagubatan, maging ang mag-anak at ang puno.
Nasa gitna siya ng isang palayan. Nakatuntong ang kaniyang mga paa sa tubog na putik. Nilanghap niya ang hanging-bukid.
"Ikaw ba'y naliligaw, iho?" Napalingon siya sa isang matandang babae. Madungis ang suot nitong damit-magsasaka. May hawak itong punla sa kamay.
"Tamang-tama ang lagay ng panahon para magtanim," sabi nito. Agad itong nakilala ni Mac, ang matandang nagligtas sa kaniyang lolo at lola, ang Inang ni Lola Nimpa. Ngunit hindi mababakas ang mga sugat sa katawan nito. Tanging matamis na ngiti ang mababanag sa masaya nitong mukha.
"Ito ba ang unang beses mong pagdalaw sa kabilang ibayo?" tanong nito. Hindi niya alam ang isasagot. "Kung ganoon, isang maligayang pagbati mula sa amin."
Nilinga ni Mac ang paligid. Ilang magsasaka ang abala sa pagtatanim ng palay. Karamihan ay kababaihan. Mangilan-ngilan lamang ang lalaki.
"Ang bawat isang naririto ay nagmula sa ating angkan, nagsilbi ng kanilang tungkulin bilang katalonan." Napanganga si Mac sa pagkamangha. Hindi siya makapaniwalang makakatagpo niya ang mga miyembro ng kanilang pamilyang naglaan ng buong buhay bilang tagapamagitan.
"Karamihan ay babae pero ako na ang nagsasabi sa'yo, wala ito sa kasarian kundi sa kakayahang ilaan ang katawan na kasihan, sa malinis na kaisipan at kaibuturan bilang sisidlan. Kamusta si Nimpa?" Nagitla siya sa biglaang tanong nito.
"Ahm. Ah. Mabuti naman po," tipid niyang sagot.
"Tingin ko nga. Nakapagpalaki siya ng malulusog at mabubuting apo, tulad mo." 'Di maikaila ni Mac ang pagkakatulad ng ugali nito sa kaniyang lola.
"Matagal na panahon na nung huli niya kaming tawagin para humingi ng tulong. Ngunit ngayo'y naririto ka. Magdarapit-hapon na." Tinanaw ng matanda ang kanluran. "Palubog na ang kaniyang araw. Ang sayo'y pasibol pa lang." Wala siyang maintindihan sa mga matalinhaga nitong salita.
Nagsimulang magkumpulan ang mga magsasaka sa ilalim ng punong mangga. Pinaghati-hatian nila ang prutas, itlog at manok na alay ni Lola Nimpa.
"Isinagawa niya siguro ngayon ang pagsasalin. Bilang unang hakbang, kakailanganin mong makilala ang iyong bantay- isang tao, hayop, bagay o anumang nilalang na siyang magiging gabay mo sa pagtupad ng iyong tungkulin."
Napaurong si Mac nang biglang dumapo sa balikat ng matanda ang isang kulay-abong kuwago.
"'Wag kang matakot. Ituturing mo ring kaibigan ang iyong bantay. Sila'y tunay na maasahan."
"Arf." Napalingon siya sa pamilyar na tahol. Nakatuntong sa pilapil ang isang asong kulay mais ang balahibo.
"Jordan?" sabik niyang tawag dito. "Jordan!"
"Arf. Arf." Nagtatalon itong tila gusto siyang lapitan ngunit nagdadalawang-isip na lumusong sa putikan.
Binalikan ni Mac ang matanda.
"Ano pang hinihintay mo? Lakad." Tumango siya rito tanda ng pasasalamat. "Pabanggit pala na hilaw pa 'yung manok. Ahahaha," masayahing biro nito.
Tumungo na siya sa tumatahol pa rin niyang aso na nagsimula ng tumakbo palayo.
"Saglit lang, Jordan. Hintayin mo 'ko." Sumampa siya sa pilapil at umahon. Ipinunas niya ang putikang kamay sa shorts. Pagbaling niya ng tingin ay nasa ibang lugar muli siya.
Madilim na naman ang paligid. Nakapalibot ang ilang matatag na punong-kahoy. Halos wala siyang maaninagan sa kapal ng hamog. Kahit ang liwanag ng buwan ay bahagya nang makapasok sa bahaging iyon ng kagubatan.
Sa hula ni Mac, hindi ito ang baryo ng Kumintang. Umaapaw ang lagim sa kapaligiran. Tila nakahinto sa paghinga ang lugar. Wala siyang maramdamang kahit na anong palatandaan ng buhay.
"Arf!"
"Jordan," bulong niya sa asong nakatago sa damuhan. Nang siya'y makita, nagsimula na naman itong tumakbo. "Saan ka pupunta?" Wala siyang magawa kundi sundan ito.
Naabutan niya ang asong nakaupo sa tapat ng isang maliit na kweba, sabik na winawagwag ang buntot.
"Arf!"
"Jordan?"
"Mac? Mak-Mak?" tawag ng isang lalaki sa bunganga ng kweba. May mga trosong nakaharang dito kaya isang braso lang ang kaya nitong ilabas para mahawakan ang ulo ng aso para laruin. "Ikaw nga!"
Pilit inaninag ni Mac mula sa kadiliman ang itsura ng lalaki. Namumukhaan niya ito pero hindi niya matandaan kung saan sila nagkita.
"S-sino po kayo?"
"Hindi ako sigurado kung makikilala mo ako sa anyong ito. Pero ako si Isko, ang Lolo mo."
"Lo?" Kinilatis niya ang kausap at naalala ang karanasang nasaksihan niya kanina- ang kaniyang Lolo Isko noong bata pa habang itinatakas ang kaniyang mag-ina.
"Ako 'to. Nagbalik sa pagiging diwata."
"Saan- bakit po kayo nandito?" Ni hindi siya sigurado kung nasa tamang panahon ba sila.
"Dito kami ikinulong ng mga malignong tumaliwas at humiwalay sa balangay, ang mga kampon ng engkantada."
Mariing nakinig si Mac kanina sa kwento ng kaniyang mga kapatid at kung hindi siya nagkakamali, ang lugar na ito ang kanilang hinahanap para mailigtas ang kanilang lolo at ang kaharian ng Batangan.
"Apo, alam kong kakambal mo lamang ang gumagala sa dakobg ito. Iniisip kong nasa mabuting kalagayan ang iyong panlupang katawan." Napatingin si Mac sa mga braso niyang tila maputlang sinag lamang ng liwanag.
Blaggg!, rinig nilang tila yabag ng higante sa may tabing talahiban.
"Mac, maraming bantay rito. Kailangan mo ng unalis bago ka pa nila makita."
"Pero, Lo. Hinahanap na po kayo nina Ate at Kuya."
"Alam ko. At maghihintay ako."
Lumapit kay Mac ang asong si Jordan at nagsimulang magbungkal. "Jordan, anong ginagawa mo?" Nagkalat ang lupa sa kaniyang paanan. Mula sa mababaw na hukay ay lumabas ang isang halaman.
"Apo, pakisabi kay Nimpa, nasa mabuti akong kalagayan," malungkot na bilin ng kaniyang Lolo. "Magkikita kaming muli. Pangako."
Hindi na siya nakasagot dito dahil ang kaninang maliit na halaman ay mabilis na tumubo. Ang mga makapal na baging nito'y niyakap siya at dinala pataas.
Pakiramdam niya'y nakasakay siya sa rides pero hindi tumitigil sa pag-angat hanggang maabot nila ang kaulapan sa langit. Nang huminto, saka lamang siya nakalanghap muli ng hangin. Pakiramdam niya'y umiikot ang kaniyang kalamnan at nasusuka.
Dahan-dahan siyang ibinaba ng halaman sa kulay-abong sahig na hindi niya sigurado kung likha ba sa konkreto.
Nag-alinlangan pa siyang kumilos dahil isang maling hakbang ay baka bigla siyang bumulusok pababa. Nanigas ang kaniyang katawan sa takot.
Halos makapal na hamog lamang ang nakikita niya sa paligid. Malamlam ang liwanag ng langit- walang bituin, araw o buwan. Tila napunta siya sa lugar kung saan nag-aagaw ang umaga at gabi.
"... gabay lamang. Hayaan niyo silang mahasa ang sariling kakayahan." Hindi niya maiwasang mapalingon sa mga nag-uusap 'di kalayuan sa kaniya. Nilakasan niya ang loob at lumakad palapit sa direksiyong iyon.
"Pagdalaw lamang ang aming gagawin. Kung hindi nila kayanin, kasawian ang kanilang kakamtin," matapang na turan ng isang makisig na lalaki.
"'Wag ka ngang ganiyan," sumbat ng isang dalagita. "Mga bata pa lamang sila."
"Hindi ga'y bata ka rin?"
"Ang panahon ay nasasayang sa inyong pagtatalo. Kayo'y humayo na. Marami pang nararapat pagtuunan ng pansin," saway ng matandang lalaki.
Sinilip ni Mac ang tatlong estranghero. Nakita niyang umakyat ang lalaki at dalagita sa isang higanteng tandang. Sapat na ang mga nasaksihan niya para 'di na magulat pa rito.
"Hanan. Apolaki. Aasahan ko kayo." Tumango lamang ang dalawa. Ibinuka ng puting tandang ang malalaking pakpak at lumipad pababa sa kung saan man sila sinugo. Naiwan ang matandang lalaking napabuntong-hininga. Humawak ito sa kaniyang tungkod at umupo.
"Maari ka ng lumabas," bulong nito. Napalunok si Mac sa pagtukoy sa kaniya ng anito. Ngunit hindi pa uli nagsalita ang matanda. Wala namang ibang tao o nilalang sa paligid na maaring kausap nito kaya siya'y dahan-dahang lumapit.
Saka niya lamang napagtantong malaking tao pala ang matanda, mas mataas pa sa tatlong palapag na building ng school nila at ito'y nakaupo pa.
Gawa sa iba't ibang klase ng punong-kahoy ang kasuotan nito. Naghahalo din ang halimuyak ng matandang halos magpahilo kay Mac. Naalala niya rito ang mga halamang-gamot na pilit ipinapainom sa kaniya ni Lola Nimpa sa tuwing may sakit siya.
"A-asaan po ako?" mahinang tanong niya.
"Hindi ka naliligaw, bata. Ako si Mapulon, ang bantay ng Kapanahunan." Agad na nakilala ni Mac ang ngalan ng anito.
"Map-Mapulon? Kayo po ang-"
"Tama. Sa akin nagmula si Gat Panahon, ang inyong lolong piniling magkatawang-tao nang dahil sa pag-ibig. Ikaw at ang iyong mga kapatid ay aking hinlog at aking pananagutan."
"T-Totoo po kayo?" mangha pa rin niya.
Napatawa ang matanda. Gumalaw ang mga balbas nitong gawa sa kalmadong ipo-ipo. Bahaghari ang laman ng mata nitong sumasabog sa iba't-ibang kulay ng liwanag. Maamo ang mukha nitong tila pinagaganapan ng ilang ikot ng water cycle.
"Sa ngayon. Ngunit tulad ng panahon, ako'y lilipas din." Napakunot lamang ang noo ng bata. "'Di kalauna'y maiintindihan niyo rin ang lahat. Mabilis ang mga pagbabago. Hindi na naisip ng mga tao ang dulot sa kalikasan ng kanilang nakasanayang pamumuhay. Ginagawa namin ang lahat upang hindi Ito tuluyang masira, ang kalupaang handog ni Bathala.
"Ngunit hindi ako nag-iisa sa tungkuling ito. Maraming anito ang nagtutulungang maiayos pa rin ang ating kalagayan, maiayon sa tamang gawi.
"Hindi kakayanin ng isa lamang ang aking kapangyarihan. Kaya, minabuti kong ibahagi sa inyong apat ang pamamahala sa Kapanahunan. Nang sa gayo'y sa inyo magsimula ang paglinang ng kahalagahan ng pagtutulungan."
Alam ni Mac na importante ang sinasabi sa kaniya ng matanda ngunit hindi niya maalis ang atensyon sa kilay nitong gawa sa mahimulmol na ulap. Natawa pang muli ang anito.
"Ikaw ang nagpapaalala sa akin sa isa ring batang hindi marunong makinig." Dahan-dahang tumayo ang matanda. Naglaglagan pa ang mga tuyong dahon sa kaniyang kasuotan. Itinaas nito ang mahinang braso at may itinuro.
"Iyong pagmasdan. Ang dakilang Balete. Ang unang punong nalikha at siyang bukal na daliyan ng kahiwagaan, ng Kaluwalhatian. Pinilit ni Mac na tingalain ang tinutukoy nito ngunit tanging hamog lamang ang kaniyang nakikita hanggang sa sumilip sa pagitan ng nga ulap ang isa sa mga higanteng sanga ng puno. Ni hindi niya alam kung hanggang saan ang simula at dulo nito. Nakatuntong sila ngayon sa paanan ng punong mas malaki pa sa kahit anong bundok na nakita niya buong buhay.
Nanghina ang kaniyang mga tuhod sa pagkakatuklas at halos matumba sa pagkaliyo. Nagpatuloy ang matanda sa pagsasalita.
"Upang maabot ang rurok ng paglago, ang bawat halaman ay dumadaan sa apat na antas. Tagsibol. Tag-ulan. Tag-araw. At taglagas. Lahat ay may kaniya-kaniyang tungkulin upang ganaping husto ang kasaklawan. Pagkamatay at muling pagkabuhay."
Nalulunod na si Mac sa lalim ng mga salitang sinasambit ng anito.
"A-ano pong ibig niyong sabihin?" Ilang beses na niya itong natanong dahil wala talaga siyang maintindihan sa nangyayari.
"'Wag mo na munang pakaisipin. May tamang panahon para doon. Sa ngayon, nagsisimulang bumangon ang tunay na kalaban. Isa sa tungkulin mo bilang bagong katalonan ay ang maghatid ng aking bilin sa iyong kapatid, sa tagapangalaga ng agimat. Siya lamang ang makapagliligtas sa aking supling mula sa kapahamakan." Yumuko ang matanda at inilapit ang ulo nitong kasinglaki ng isang globo sa mall. "Hanapin ang katotohanan. Sa kinang, 'wag palilinlang."
Naramdaman ni Mac ang bigat sa mga salita nito. Tila may iniatang sa kaniyang isang bloke ng yelong unti-unting matutunaw hangga't hindi naipapasa.
May iniabot ang anito na maliit na dahong nakapalumpon. "Ingatan mo ang binhi sa loob ng dahong ito. Darating ang araw na ikaw mismo ang magpapalago nito."
Hindi naman nakaangal si Mac at kinuha na lamang at agad na ibinulsa ang iniabot sa kaniya.
"Arf!" Napalingon si Mac sa paligid. Hinanap niya ang tahol ni Jordan.
"Tawag ka na ng iyong bantay. Tandaan ang aking bilin. Hanggang sa muli, Katalonan." Umihip ang napakalakas na hangin at halos madala ang patpating katawan ni Mac. Tatanungin pa sana niya kung lolo sa tuhod ang itatawag niya rito kahit di siya sigurado kung may tuhod nga ba ito.
Nagising siya sa malabnaw na laway sa kaniyang pisngi. Bumungad ang kaniyang asong sabik na sabik sa pagdila.
"Eww! Good morning." Bumangon siya at pinunasan ng kumot ang mukha. Nasa loob na siya ng kwarto nila. Nangangamusta ang haring-araw sa bintana. Malamang ay inilipat siya rito ni Lola Nimpa kagabi nang siya'y makatulog.
Bahagya pa siyang nahilo nang pilitin niyang tumayo. Iyon na 'ata ang pinakawirdong panaginip niya sa lahat. Napansin niyang nakaumbok ang bulsa niya sa short at nang kaniyang kapain ay natagpuan niya ang dahong may lamang binhi. Siguro nga'y totoo ang kaniyang panaginip.
Sinuot niya ang tsinelas at lumapit sa pinto. Kasunuran niya si Jordan. Napahinto siya saglit nang may marinig na nag-uusap sa ibaba, dalawang boses na nagtatalo sa may sala. Dahan-dahan siyang lumabas ng kwarto. Hinawakan niya si Jordan para hindi ito mag-ingay.
Mula sa tuktok ng hagdan ay nakita niya si Lola Nimpa na nakaupo sa sofa, kausap ang kaniyang amang si Miguel na nakatayo at 'di mapakali. Nakasuot pa rin ito ng damit pang-gwardiya. Kababalik lamang siguro mula sa trabaho.
"Inay naman. Alam mo namang pasaway ang mga 'yon. Bakit mo pinayagang umalis?" sigaw ng kaniyang tatay na pinipigilan ang sariling magalit. Tumutubo na ang bigote nitong kailangan ng ahit.
"Huminahon ka, Miguel. Magiging ligtas sila. 'Yan ang pangako ng anito."
"Nandito na naman tayo sa kabaliwang ito. Hindi ba kayo titigil, 'Nay? Hindi-Sila-Totoo. Mga kathang-isip lang. Halos tawagin na kayong loka-loka ng mga kapitbahay. Isipin niyo ang mga apo niyo, 'Nay." Napapikit na lamang ang kaniyang ama at pilit inaalis ang inis sa nangyayari. Nanginginig ang mga sarado nitong kamao.
"Mabuti pa'y ubusin mo na muna itong ginawa kong tsaa." Inialok ni Lola Nimpa ang tasang may kulay dilaw na inumin.
Malakas na buntong-hininga ang binitawan ni Miguel bago saglit na tumabi sa kaniyang ina at nilagok ang natitira pang tsaa. Himalang napatahimik ang kaniyang ama. Ipinatong nito ang ulo sa mga palad at nagsimulang umiyak.
"Isa 'kong pabayang tatay. Hindi ko magampanan ang sarili kong tungkulin." Halos mabingi na si Mac sa salitang iyon na pauli-ulit niyang naririnig - *tungkulin*.
"Hindi 'yan totoo, anak. Ginawa mo ang makakaya mo." Inalok ng kaniyang lola ang braso nito at ipinatong ang ulo ni Miguel sa kaniyang kandungan. Marahan nitong hinimas ang magulong buhok ng kaniyang nag-iisang anak hanggang sa makatulog ito.
"Oh, apo. Kamusta ang iyong paglalakbay?" bati sa kaniya ni Lola Nimpa. Bahagya pa siyang nanibagong muli sa buhok nitong panlalaki, malayo sa ginang na tumatakas sa may kagubatan.
"Ahm. Okay naman po," matipid niyang sagot. "Kamusta po si tatay?"
"Are, pinainom ko muna ng pinakuluang mansanilya pampatulog. Ilang oras ang kakailanganin niya para makaipon ng lakas upang mapanumbalik ang kaniyang paniniwala."
"Paniniwala?"
"Nung nilisan namin ang baryo at nanirahan dito sa Maynila, sumanguni kami sa isang albularyo para patulugin ang kaniyang kaisipan tungkol sa mga maligno't anito. Sinubukan naming mamuhay ng matiwasay bilang isang normal na pamilya." Malayo ang tingin ng kaniyang lola. Pilit inuungkat ang mga ala-ala.
"Dumating ang panahong napabalik siya sa kaniyang landas bilang Maginoo. Hindi maganda ang kinalabasan nito. Nagtamo lamang siya ng sugat sa laman, sa isip, at sa puso. Kaya sa pangalawang pagkakataon, muli kaming bumalik sa albularyo at pinilit ang aming makakaya upang muling maisara ang kaniyang paningin. Ngunit alam naming hindi ito pangmatagalan." Malungkot ang tingin nito sa anak na mahimbing na natutulog. "Sinubukan naming pigilan ang nakatakda. Isang malaking pagkakamaling dapat ng itama.
"Mak-Mak, sino ang iyong nakasalamuha?" Mabilis na nagpalit ng emosyon ang matanda at sabik na sabik malaman ang naging karanasan niya kagabi.
"Ah. Marami po."
"Nagustuhan ba nila ang manok?"
"Masarap daw po 'yung nilagang itlog."
"Gan'on ga?"
"'La. Nakita ko po pala si Lolo." Tumahimik ang kausap niya na naghihintay sa kaniyang sasabihin. "Nasa maayos daw po siyang kalagayan. 'Wag daw po kayong mag-alala." Hindi na niya binanggit ang tungkol sa madilim na kweba at mga bantay na kampon ng engkantada. Mukhang naintindihan naman ng lola niya ang gusto niyang iparating.
"'La, may nakausap din po akong anito at may bilin po siya kay Kuya Mike."
"Mamaya mo na banggitin paggising ng tatay mo." Nagtaka siya saglit kung bakit kailangan pang hintayin ang kaniyang ama para rito. "Sa ngayon, ipagpatuloy muna natin ang ating nasimulan." Napalunok ng laway si Mac. "Nakapili ka na ba ng bantay mo?"
"Arf!" Si Jordan na mismo ang sumagot.
"Mabuti. Punta na tayo sa ikalawang hakbang."
*************************************************************
Congrats, natapos mo din basahin ang more than 4k words na update na ito. Wahahahhaa.
(ノT_T)ノ ^┻━┻
Welcome to the middle chapter of the first book. This one talks about the past, present and the future of the series. That's how important this is.
Magiging madugo na po ang mga susunod na Kabanata. Char. ⊙.☉
Up Next: Ang Anito
Keep on reading! You may vote and comment any suggestions and/or reactions. Love y'all! ( ˘ ³˘)♥
-- Catam, B.C.A. of Klab Maharlika
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top