20 Ang Sarangay
Ika-Dalawampung Kababalaghan
Ang Sarangay
Mga tatlumpung segundo sigurong hindi nakahinga si Mike pagkapasok na pagkapasok nila sa puno ng Balete. Para siyang lumublob sa swimming pool at lumabas din kalaunan.
"Here." Iniabot ni Mart sa kaniya ang isa sa tatlong flashlight na baon nila.
"Nah. Subukan kong gamitin powers ko para magkailaw," tanggi niya.
"'Wag kang pasikat," saway agad ni Maggie. "Masasayang lakas mo. I-reserve mo 'yan. Now, get this." Inihampas ng ate niya ang flashlight.
"Aray." Sa isip-isip niya, kung tutuusin, tama naman ang tinuran nito. Pagkatapos niyang magpalabas ng ilang boltahe ng kuryente kanina laban sa mga aswang, nakaramdam siya ng panghihina. Napasobra siguro ang paggamit niya rito. "Sana nagpa-drive thru tayo. Mart, penge ngang snackbar."
Binuksan ni Mike ang flashlight habang nanginginain. Gumala ang tatlong liwanag ng kanilang lente sa itim na pader ng lagusan. Mga nasa apat na metro ang luwang ng daanan. Tanging malalim na hugong lamang ang kanilang naririnig— katulad ng huni kapag napasukan ng tubig ang tenga. Amoy dagta ng puno ang lugar.
"Mike, sa unahan. Ako sa likod," utos ng kanilang ate. "Bilangin mo kung pang-ilang kanto na tayo. Magbibilang rin ako rito."
"Hindi ba pwedeng tabi-tabi tayo," suhestiyon niya.
"Bakit? Natatakot ka na naman. Daig mo pa si Mart kung makatili kanina. Kala mo ikaw ang kumausap sa multo."
"Nagsalita ang—"
"Alin?"
"Wala." Tumahimik na lamang siya at dahan-dahang pinangunahan ang paghakbang. Gusto niya sanang idahilan na kaya lamang ganoon ang reaksiyon niya ay dahil naalala niya ang engkantadang si Ana sa babaeng multo na nakisakay sa kanila kanina.
Nilunok niya ang lahat ng takot at humuni na lamang.
🎶 'Pag panay ang dalaw ay nayayamot— 🎶
"Maki!" sigaw ng ate niya sa likod.
"KJ." Napilitan tuloy siyang sumipol na lang.
Sa 'di kalayuan ay sumilip ang liwanag ng unang kantong madaraanan. Napalitan ng konkretong bato ang pader at kisame ng lagusan.
Bigla siyang hinigit ni Mart sa damit patago sa dilim nang may nilalang na lumabas sa kantong iyon— isang lalaking nakasuot ng damit pang-prayle, lumulutang ang katawang wala nang ulo. Agad rin naman itong pumasok sa katapat na lagusan.
"Buti na lang 'di tayo nakita," usal niya nang maglaho ang multo.
"Malamang. Pugot nga, eh," ismid ni Maggie.
"Joke lang daw 'yon. 'Wag kang serious."
"Bil'san mo na."
"Opo." Nagpatuloy sila sa paglalakad. Sinubukan niyang silipin ang ikalawang kanto, tinapat ang ilaw rito. Nagkalat ang ilang puntod na sinadyang buksan. Nilingon sila ng tatlong aswang na abalang nanginginain ng bangkay.
Suminghal ang isa at akma pang ibubuka ang mga pakpak sa likod para sila'y bugawin.
"Chill, bro. Not my taste," sabi niya rito.
"Ang sabi ko, bil'san mo." Hinawakan ni Maggie ang kwelyo ng uniform niya at binuhat pasulong. "Tara na."
Sabay-sabay silang napahinto nang may dumaang maliit na hayop sa harap nila— mukhang pinaghalong aso at kambing na may mahahaba at baligtad na binti. Palundag-lundag itong may hinahabol.
"Mart, sigurado ka ba sa tinuro nung multo?" saglit niyang tanong.
"Shhh. Diretso lang." Sa bawat sulok na kanilang daraanan ay nagbabago rin ang kanilang paligid. Mula sa bato ay magiging kahoy, putik, lupa, bakal. Iba-iba rin ang ingay na kanilang naririnig— mga ungol, hiyaw ng mga nilalang na alam nilang hindi sa hayop, motor, tren at miski sigaw ng magbabalot. Ang isang parte pa nga ay 'di nalalayo sa underground tunnel ng Intramuros na minsan na nilang napasyalan.
"Dalawampu!" sabik na hiyaw ni Mike dahil nagpursigi siyang nasa tama ang kaniyang pagbibilang.
"Tara na," iginiya siya ng mga kapatid at sabay-sabay na pinasok ang kantong iyon.
"Sa ikatlo tayo."
"Yes, boss." Ngunit bago pa sila makalayo ay nakarinig sila ng malakas na ingay. Mabibigat at tila mala-higanteng hakbang ang nagmumula sa kanilang harapan.
"May paparating." Huminto sila. Hinanap ng kamay ni Mike ang braso ng kapatid na si Mart.
"Ungoar!" Malakas na ungol ang nagpaatras sa kanila. Sa gilid ay lumabas ang pinanggalingan ng ingay— isang malaking lalaki na may tangkad na walong talampakan. Halos pumutok sa kasikipan ang suot nitong pulang striped na polo at kupas na pantalon sa maskulado nitong katawan. Kulay ng putik sa palayan ang balat nito at sa-kalabaw ang kuko ng dalawang paa.
Lumabas ang bumabaga pang usok sa malaki nitong ilong. Singhaba ng batuta ang pakurba nitong sungay sa tuktok ng ulong mukhang toro.
Yumuko ang sarangay at tinitigan sila ng malakristal nitong matang punong-puno ng galit.
"Ungoar!"
"Takbo!" rinig ni Mike na sigaw ni Maggie bago sila tumalikod at kumaripas pabalik sa pinanggalingan nila.
"Malas. Malas. Malas," sambit niya habang nakakapit sa damit ng mga kapatid para 'di mahiwalay. Ramdam nila ang malalakas na hakbang ng halimaw na nagdudulot ng pagyanig sa lupa.
"Dito... ah, hinde. Dito pala!" Nakailang liko sila. Nawala na sa dati nilang plano, makalayo lamang sa sarangay. Rinig ni Mike ang tibok ng mga ugat niya sa sintido. Basa na ng pawis ang kaniyang uniform.
Saglit silang huminto sa tabi ng isang punso para magpahinga. Ngunit ilang minuto pa lang ay narinig nilang muli ang ungol ng maligno.
"Mahabaging anito!" bulalas niya sabay takbong muli. Inunahan niya ang dalawa at nang makatiyempo, lumiko siya sa tabi ngunit nakaharang sa daraanan niya ang isang batang babae. Nakahilig pababa ang lupang iyon kaya wala siyang nagawa kundi mabangga sa batang katulad niya'y gulat na gulat din.
Nagpagulong-gulong sila hanggang sa makarating sa pinakaibaba.
Tumama ang likod ni Mike sa matigas na pader. Nakabaligtad siyang bumangon, sapo ang batok.
"What the heck?" sigaw sa kaniya ng babae habang nagpapagpag ng nagabukang denim pants. Maluwag na blouse na kulay sky blue ang suot nitong panloob na pinatungan ng dark brown na jacket at high boots naman ang sapin sa paa.
Inayos ng dalagita ang nagulong maiksing buhok. Kapansin-pansin ang eyepatch na tumatakip sa kaliwa nitong matang tulad ng sa pirata. Pero, 'di pa rin naiwasan ni Mike na titigan ang mukha nito. Halos kasing-edad niya lang ang bata.
"Anong tinitingin-tingin mo, boi?" mataray nitong tanong.
"W-wala." Magso-sorry sana siya ngunit hindi na niya tinuloy. Hinanap niya ang flashlight at natagpuan itong sira na.
"Yana!" sigaw ng isang batang lalaki na maliksing tumakbo pababa sa pwesto nila. Kasunuran nito ang dalawa niyang kapatid na mga kapwa pawisan din.
"Ang sabi ko, 'wag mo 'kong tatawagin sa pangalan ko 'pag nasa misyon tayo," paalala ng estranghero sa kasama nito.
"Sorry, Yana, 'di na mauulit," sagot ng batang mala-kerubin ang ngiti. Kulot ang maiksi nitong buhok na nadadaganan ng suot na goggles. Naka-simpleng black t-shirt ito na may print na 'To Infinity and Beyond'. Shorts at sandals ang pang-ibaba. Sakbit nito sa katawan ang isang pampanang búsog na gawa sa bakal.
"Kailan ka pa naging lampa, Maki," tawag sa kaniya ni Maggie na bumaba na rin sa kinaroroonan nila kasama si Mart. Tinignan ni Mike ang paligid. Nakakulong sila sa isang tila abandonadong imbakan ng produkto. Ilang florescent lamp sa kisame na malapit nang mapundi ang nagbibigay sa kanila ng liwanag.
"Tignan mo, Yan- I mean, Captain." Tinuturo ng batang lalaki si Mike. Nagtaka siya at inisip na baka ngayon lang sila nakakita ng gwapo.
"Umiilaw ang torong!" Itinapat ng babaeng estranghero ang hawak nitong bagay sa kaniya— isang blankong compass na imbis na kamay na panuro ay naglalaman ito ng tatlong maliliit na bituin.
"Sino ka bata? Kampon ka ng sinong maligno?" maangas na tanong ng babae.
"Yana, right?" singit ni Maggie sa usapan.
Umirap muna ito sa kaniyang partner bago sumagot.
"Yes, I am." Naghalukipkip ito ng mga braso. "Anong ginagawa niyo rito sa Network?
"Network?" tanong ni Mart.
"Ang lagusan," sagot ng batang lalaki. "Hello. Ako pala si Rigel. At ito si- buddy ko."
"Bakit? Sa inyo ba 'to?" ismid ni Maggie.
"Hinde. Wala akong balak angkinin. If I were you, bumalik na kayo sa pinanggalingan niyo. Delikado rito ang mga timawang 'tulad niyo. Unless, gusto niyong ipalamon ang sarili," banta ni Yana sabay talikod at akmang aalis.
"Hindi kami timawa." Lumapit si Mike. "Maginoo ka rin, hindi ba?"
"Maharlika."
"Yana! Ay, ano. Tignan mo. Umiilaw pa rin," turo ni Rigel.
Hinarap ng babae si Mike. Tinitigan siya at tila pinag-aaralan ang kaniyang itsura. Umikot ang mga mata nitong may hinahanap. Napansin ng binibini ang suot ni Mike na kwintas na nakatago sa likod ng kaniyang uniform at agad itong hinablot.
"Oy. Dahan-dahan." Napansin niya ang pagkagulat nito pagkakita sa agimat niya.
"Ang amulet," paghanga ni Rigel. "Kilala niya kaya si-"
"Shut up!" pigil ni Yana at halos ibato pabalik ang kwintas kay Mike.
"Who are you? What are you doing here?" matatalas na tanong sa kaniya ng babae. Sumingit sa kanila si Maggie na 'di hamak na pinakamatangkad sa kanilang lahat.
"Excuse me. Who are YOU?" yumuko ito at dinuro si Yana. Umawat ang batang si Rigel.
"W-w-wait. Girls. Chill. Walang magsasabunutan." Tumahimik ang dalawang babaeng nag-iwasan ng tingin. "Katulad po ng sinabi ni Y-, ni buddy, mga Maharlika po kami. Nasa middle po kami ng mission. We're looking for someone, something..."
"Sino? tanong ni Mart.
"Nevermind," pigil ni Yana. "Tara na, Astroboy. We should keep going." Ngunit natigil sila nang marinig ang ungol sa 'di kalayuan. Nabahala ang magkakapatid. Wala silang ibang daraanan kundi ang nag-iisang lagusan na pinanggagalingan nila.
"Ungoar!"
"What's that?" sigaw ni Yana sa kanila.
"Ahm... Taong-toro."
"Sarangay? What did you do? Oh, sh-" Napapalo na lang ang babae sa ulo na tila may naalalang bagay.
"Kailangan na nating tumakas!" hagulhol ni Mart. Namuo ang takot sa kanila.
"No, we can't. Walang ibang labasan," tugon ni Yana.
"So, what do we do?" tanong ni Rigel.
"Balatik?"
Tumango ang batang lalaki at tila naintindihan ang gagawin. Dumiretso ang dalawa sa magkabilaang panig ng lagusan att nag-abang.
"Ungoar!" Walang magawa sina Mike. Para silang mga langaw na nadikit sa sapot ng gagamba. Tinignan niya si Maggie.
"Ready?" Itinaas nila ang mga kamay sa kanilang harapan at naghanda sa mangyayari. Si Mart naman ay pumunta sa likuran nila at inilabas ang kutsilyo.
Hinubad ng batang si Rigel ang arkong pamana at binanat pataas kahit wala namang lamang bala. Nakababa na ang suot nitong goggles.
"Rigel," bulong ni Yana.
"5 feet. 45 degrees," kalkula ng batang lalaki.
Binitawan nito ang pana at may lumabas na gintong palaso, kumikintab na tila maliit na kometa. Tumama ito sa kinapupwestuhan ng buddy niya. Nagpakita ang mahaba at manipis na lubid. Itinarak ng mag-partner ang dulo sa magkabilang panig ng lagusan.
"Ungoar!" Lumabas sa bukana ang galit na galit na sarangay. Napaatras pa si Mike sa kaba. Tumakbo ang halimaw pababa.
"Oh, no." Huminga ng malalim si Mike. Pinakiramdaman ang sarili. Inimagine niya na ang bawat kalamnan niya'y naglalabas ng enerhiya, dahan-dahang inakay patungo sa mga braso at inipon sa kaniyang dalawang palad. Nagsimulang lumitaw ang maliit at asul na sparks sa espasyo sa harapan niya.
Dug. Dug. Dug. Lumindol ang lupa habang tumatakbo ang maligno.
"Now!" sigaw ni Yana. Nang humakbang papasok ng lagusan ang sarangay, napatid ang matatabang paa nito ng lubid. Ngunit mabilis nitong nabawi ang balanse't nakatayong maigi. Pero hindi pa pala iyon ang katapusan ng trap. Lumipad ang dalawang palaso sa magkabilang dulo ng lubid papunta sa ulo ng halimaw.
Tusok sana ang bungo nito kung hindi mabilis na nasalo ng sarangay ang pana ng mga kamao.
"Ungoar!" ungol nito sabay tapon sa sandata. Nakatuon ang mga mata nito sa harapan, sa kanilang magkakapatid.
"Shazam!" Nagpalabas si Mike ng libong boltahe ng kuryente papunta sa halimaw.
Gayundin ang kaniyang ate, itinapat ang kamay rito at pinaulanan ng nakasisilaw na sinag.
Singlakas ng hugong ng tren ang hiyaw ng maligno sa sakit.
Makalipas ang ilang segundo, ibinaba na nila ang mga braso at hiningal sa pagod. Parang nag-pushup si Mike ng sanlibong beses.
Pero lahat sila'y nagulat nang makitang nakatayo pa rin ang sarangay. Umikot sa katawan nito ang kuryente at sinag at hinigop lamang ng kulay berdeng hikaw sa kaliwang tenga nito. Ang kanang tenga naman ay nagdurugo. Tila may pumigtas sa kaparehang hikaw.
"What the-"
Suminghal ang halimaw ng nagbabagang usok mula sa kaniyang ilong. Humakbang ito papalapit sa kanila, yumuko at itinutok ang mga sungay. "Ungoar!"
Hindi malaman ni Mike kung saang direksiyon lulundag. Binuhos niya ang lakas sa pagtalon palayo. Nilagpasan sila ng maligno na dire-diretsong inuntog ang pader sa kanilang likuran. Nagkalamat lamang ito at walang pakeng iwinagwag ang mga bato.
Lalo pa itong nagalit.
Napaluhod si Mike sa pagod. Hinabol niya ang kaniyang hininga.
Naghanda ang halimaw sa round 2 ngunit bago pa makakilos ay may lumipad na sibat patungo rito na mabilis din nitong nasalo.
Nilingon ni Mike ang pinanggalingan ng sandata. Nakita niya si Yana, hawak ng dalawang kamay ang isang mahabang speargun. Nakapilig ang ulo at nakatutok ang nag-iisang mata sa direksiyon ng maligno.
"Fwahaha." Nakuha pang tumawa ng sarangay nang biglang ang dulo ng hawak na sibat ay kumalas. Lumabas ang malumot na lambat na yumakap ng mahigpit sa katawan ng halimaw. Nawalan ito ng balanse at natumba.
"Basic!" bulalas ni Rigel sabay apir sa partner.
Kinasa ni Yana ang hawak na speargun para umiksi. Isinuksok niya ito sa pantalon sa likuran at humakbang papalapit sa kanila. "Kidlat at Sinag. Kaninong hinlog kayo?"
Hindi sila agad nakasagot. Medyo nabigla si Mike sa mabilis na pangyayari. Hindi tumalab ang kuryente niya.
"Maharlika," tawag ng sarangay na pilit pa ring nagpupumiglas. Iginulong-gulong nito ang katawan sa sahig, sinusubukang makaalpas.
"Nagsasalita pala siya?" komento ni Mart habang itinatago ang kutsilyo sa bag.
"Tumigil ka, sarangay. Lalo lang hihigpit ang lambat."
"Alam kong nasayo ang hiyas. Naaamoy ko."
May dinukot ang babae sa kaniyang bulsa at ipinakita ang maliit na kulay berdeng perlas— kaparehas ng suot na hikaw ng taong-toro. "Jade mula Zambales. Magandang klase." Iniitsa-itsa pa ni Yana ang bato.
"Kukwa' yatun!" sigaw ng sarangay.
"No. This is mine now."
"Faano 'yan nafunta sa'yo?"
"Ibinenta sa akin ng nakasalubong naming Anggitay kanina. Bihira silang maglako ng batong-hiyas dahil 'yun ang hilig nila. Kung alam ko lang na tulad mo ang nagmamay-ari nito, 'di ko na sana binili. Hay," buntong-hininga ng dalagita.
"Sabi ko sa'yo, wag na, eh," paalala ni Rigel na tumabi sa kaniyang buddy.
"Well, no use na rin sa'kin since sa may-ari lang gagana 'to. 'Di ko rin magagamit. Ugh! Sayang 'yung pinagpalit kong tansong bul-ul."
"Ibalik mo saken 'yan." Hindi siya pinansin ng dalaga.
Tumingin lamang ito sa katabing batang lalaki. Sabay silang napangiti sa naiisip. "Okay, cool. I'll return it. On one condition."
"Hindi ako fafayag."
"Edi, wag." Akmang tatalikod sila.
"Sige na. Sige na. Anong gusto mo, kutong-lufa?"
"Sa paraan ng pagsasalita mo, mukhang taga-Norte ka. Saang branch ka nagtatrabaho, kalabaw?"
"Ungoar!"
"Ah, ganun."
"T-tuguegarao."
"Sasagot ka pa. Sasagot din naman."
"Easy lang, pards," pigil ni Rigel dito.
"All right. Send-an mo 'ko ng... limampung piloncitos sa account ko." Inilabas ni Yana ang cellphone at itinapat ang screen sa Sarangay. "Code?"
Nagdalwang-isip pa ang maligno bago sumagot. "Three. Five. Zero. Zero. One. Seven. Two."
"Sealed."
"Asan na hikaw ko?" Sinubukan nitong galawin ang katawan para lumapit.
"Catch." Ibinato nito ang hiyas na sinalo ng sarangay gamit ang bibig. "'Wag kang gumalaw. Kumalma ka. Kusang luluwag ang lambat."
Nainis lamang ang maligno dahil wala itong magawa kundi sumunod sa utos ng isang bata.
"Woah. Anong klaseng transaksiyon 'yon?" mangha ni Mike.
"Ang alin?" tanong ni Rigel. "Ah, 'yon ba? Bitcoin. Empleyado ng sanglaan ang sarangay na 'to. Tignan mo uniform."
Sinunod nga ni Mike ang sinabi nito at nakita ang pulang stripe na baro ng halimaw. Logo ng isang kompanya ang badge nito sa kaliwang dibdib.
Pinulot ni Yana ang kulay tansong sibat na kaniyang itinira kanina, inikot ang puwetan at kusa itong umiksi sa dalawang pulgada lamang. Inilabas nitong muli ang speargun at ipinasok ang bala.
"I think we're done here," aya nito kay Rigel na itinaas pang muli ang goggles at isinakbit ang pana sa katawan.
"W-w-wait!" pigil ni Mike sa dalawa. "Saan kayo pupunta?"
"Wala na kaming business dito."
"P-p-p-pero." Nilingon ni Mike si Mart na abalang pinag-aaralan ang lambat. "Mart, tanda mo pa direksiyon?"
"Malamang hindi."
"Saan ba punta niyo?" tanong ni Rigel sa kanila.
"Sa bundok ni Makiling. Doon kami pinapapunta ni Tala," sagot ni Maggie.
"Tala? You mean si Tala? Ang anito ng bituin?" Kita na ang lahat ng ngipin ng batang lalaki sa kaniyang pagkakangiti. Lumapit ito sa kaniyang partner at hinila-hila ang jacket.
"Yana?"
"Ano?"
"Sigurado ka ba? Hindi ba't may dadaanan din tayo roon? Saka nakita mo ba 'yung amulet niya?"
"Oo. Nakita ko," bulong nito.
"Please. Baka naman matulungan niyo kaming makarating sa bundok," pagmamakaawa ni Mike.
"Captain?" sumamo ni Rigel.
Napatingala na lang ang dalaga sa pakiusap ng kasama. "Buddy naman, eh."
"Sige na?"
"Okay. Okay." Hinarap ng babaeng Maharlika ang magkakapatid. "Sasamahan namin kayong makarating sa paanan ng bundok. Pero kayo na bahala pagkalagpas d'on."
"Kahit ano," ismid ni Maggie.
"Basta, ginagawa lang namin ito alinsunod sa layunin ng Maharlika, ang gumabay sa mga naliligaw na Maginoo."
"Yey!" palakpak ni Rigel.
"Humanda na kayo. Sa Laguna chapter tayo. We're going to meet some Klab members."
*************************************************************
What are your thoughts on the introduction of Yana and Rigel as new characters?
Are you excited to meet some of the Klab Maharlika members?
Lets find out. Up Next: Ang Katalonan
Keep on reading! You may vote and comment any suggestions and/or reactions. Love y'all!
-- Catam, B.C.A. of Klab Maharlika
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top