2 Ang Tiyanak

Ikalawang Kababalaghan

Ang Tiyanak

NORMAL LANG IYON. Normal. Para namang bago ng bago, oh. Iyan ang mga salitang pilit na itinatatak ni Maggie sa sarili habang nakikinig ng paborito n'yang kanta ni Taylor Swift sa kanyang cellphone at nakasakay sa tricycle pauwi sa compound nila.

Magaalas-otso na nang matapos n'ya ang group research nila sa school na s'ya lang mag-isa ang gumawa dahil sa ayaw n'yang makita ang ka-partner n'ya sa paired work na 'yon—ang bestfriend n'ya since high school. At dahil doon, inilipat n'ya ang music player sa kanta ni Michael Jackson para makalimot pero lalo lang s'yang nainis. Paborito rin kasi ng bestfriend n'ya si Taylor Swift na ngayon  ay nililigawan ng ultimate crush ni Maggie.

Ang immature ko pala. So madrama. Nasabi niya sa sarili. Sa edad n'yang labing anim at kasalukuyang first year college, isip-bata nga talaga s'ya pagdating sa pag-ibig.

Naudlot ang kadramahan n'ya nang muntik ng may mabunggong bata ang tricycle na sinasakyan nila. Pinatay n'ya ang music player at tinignan ang nangyari

Is that Maki? natanong n'ya sa sarili. Umandar na uli ang sasakyan. Sinuklay n'ya papunta sa likod ng mga tenga gamit ang mga daliri ang mahaba n'yang bangs na pinakulayan n'ya ng pula. Hinala n'ya, late na naman uuwi ang nakakabata n'yang kapatid na si Mike, na ang tawag nila ay Maki para katunog ng Monkey dahil 'di naman daw nagkakalayo. Nagsimula na namang kumulo ang dugo n'ya dahil kung may isa s'yang kinaiinisan bukod sa mga dumi ng hayop na aksidente n'yang natatapakan tuwing umaga, iyon ay ang mga bata. Pasaway man o hindi, pare-parehas lang sa kaniya.

Pakiramdam ni Maggie, wala ng normal na nangyari sa buhay n'ya simula nang magbakasyon sila noong huling school break sa probinsya ng lolo at lola nila. Matapos iyon, puro kamalasan na ang inabot n'ya. Na-late s'ya sa enrollment kaya 'di na s'ya nakapag-shift sa course na mas gusto n'ya. Napilitan lang kasi s'ya sa Accountancy dahil wala pa s'yang alam noon sa college. Tapos ngayon, naagawan pa s'ya ng future boyfriend at ang masaklap, matalik pa n'yang kaibigan ang 'nang-agaw' . . . o sa tingin n'ya ay 'yun nga ang nangyari.

Nang makarating na s'ya sa gate ng compound, nagsimula na s'yang maglakad sa masikip na kalsada patungo sa kanilang bahay. Nagkalat ang mga batang naglalaro sa daan at may nadaanan pa s'yang mga nag-iinuman. 'Di n'ya rin naiwasang mapatingin sa mga kapitbahay na nagtsi-tsismisan tungkol sa anomalya ng nawawalang lipstick, remote control, at kung anu-ano pang walang kwentang bagay

Ganito ang normal n'yang nadadatnan tuwing umuuwi gabi-gabi pero pakiramdam n'ya may mali, may hindi normal.

Lumiko s'ya sa kanang eskinita kung saan mas kakaunti ang tao at shortcut na rin papunta sa tahanan nila. Sa pagkakataong ito, wala s'yang taong nakikita.

Habang kipkip ng mahigpit ang kanyang slingbag, nagmadali s'yang lagpasan ang isang lumang botika na ginawa ng tambakan ng mga mabubuting mamamayan ng Pilipinas kaya naglalabas ito ng nakasusulasok na amoy. Ilalagay na sana n'ya uli ang earphone sa tainga para makinig ng music at para gumanda ang mood n'ya kahit papa'no nang may maulinigan s'yang parang . . . iyak ng pusa.

Hindi na sana n'ya ito papansinin ngunit lumakas ang pag-iyak at alam n'yang iyak na iyon ng sanggol. Minabuti n'yang hanapin ang pinanggalingan ng hagulhol—sa may basurahan.

Ilang beses na n'yang nababalitaan ang mga fetus o kaya mga kapapanganak pa lang na sanggol na itinatapon ng mga nanay na nagluwal sa basurahan dahil hindi n'ya raw kakayaning magpalaki ng bata o hindi pa s'ya handa sa ganoong buhay o kaya napagkamalan n'ya lang na gamit na diaper ang baby na malamang ay hindi na normal.

Nakita ni Maggie ang isang puting lamping may bakas pa ng dugo sa gilid ng malaking puno ng mangga katabi ang ilang sakong bulok na gulay at mga sirang muebles.

Pagbukas n'ya, bumungad ang isang sanggol na halatang kapapanganak lang at saktong tumahan sa pag-iyak nang makita ang mataray na mukha ni Maggie.

"Don't stare at me," babala n'ya sa mala-anghel na supling.

'Yung totoo, hindi alam ni Maggie kung anong reaksyon o aksyon ang susunod n'yang gagawin. Hinubad n'ya ang leather jacket n'yang suot (na orihinal na sa tatay n'ya pero kinostumays n'ya para bagay sa balingkinitan n'yang katawan) para ibalot sa sanggol na halatang giniginaw sa manipis na lampin.

Sinubukan n'yang sumigaw at baka nasa malapit lang ang ina ng bata ngunit walang katao-tao sa bahagi ng compound na iyon. Nainis s'ya sa pabayang nanay ng sanggol, kung sino man iyon.

Wala s'yang awa. Parang best friend ko, ang nasabi ni Maggie sa sarili. Nagsimula na s'yang maglakad at planong i-report iyon sa barangay pero tumunog ang phone n'ya sa loob ng bulsa ng jacket. Nang kanyang sasagutin, biglang may narinig s'yang ungol. Pagtingin n'ya sa hawak n'yang sanggok, hindi na ito mukhang anghel—mukha na ng demonyo o mas tamang sabihing anak ng demonyo dahil naging nakakatakot ang hitsura nito: tirik na mga mata, balat na sing-itim ng uling at may matatalas na ngipin. Bigla itong tumalon para s'yay kagatin sa leeg. Buti na lang, naitapon n'ya ito kaagad.

Sumigaw s'ya para humingi ng tulong at akmang tatakbo ngunit tumayo ang tiyanak at humarang sa kanyang daraanan.

Kung nakakatakot ang aswang, mas nakakatakot ang tiyanak dahil kahit maliit ito, napakabilis nitong kumilos at nakakatakbo na sing-alisto ng isang soccer player—infants edition.

Hinagis ni Maggie ang bag n'ya sa halimaw ngunit mabilis itong nakaiwas. Kumuha s'ya ng pirasong kahoy at bulok na gulay mula sa tambakan ngunit mabilis na nakailag ang tiyanak na sa isang iglap ay tumalon ng ubod ng taas at handa na s'yang kainin ng buháy gamit ang maliliit na mga kuko at bibig nang bigla itong mahati sa dalawa at bumagsak sa lupa.

Siguradog patay ang tiyanak sa nangyari sa kanya. May kung anong maliit na bagay, parang itim na itlog, ang nagsimulang gumulong mula sa lumabas na lamang-loob ng aswang patungo kay Maggie ngunit inapakan itong bigla ng isang di-kilalang paa—paa ng kabayo.

Isang iglap lang nangyari ang lahat at ang kaninang sanggol na gusto n'yang iligtas ay naging tiyanak at tuluyan nang naging itim na usok sa tulong ng isang tikbalang gamit ang itak nitong may nakasabit na penguin keychain sa hawakan.

"Ayos ka lang ba, Señora?" tanong sa kanya ng kalahating-tao kalahating-kabayong nilalang. Mula sa beywang hanggang leeg ay mukha itong katawan ng tao na regular na nagdyi-gym ngunit sa kabayo ang mga binti nito at paa at maging ang ulo. Makulay na bahag ang suot nitong pang-ibaba at may mahaba itong buhok na nakatirintas sa tatlong bahagi.

Natatawa pa si Maggie dahil kinakausap s'ya ngayon ng isang nagsasalitang kabayo at alam n'yang hindi normal iyon . . . at hindi na rin bago. "S-s-salamat."

"Walang anuman, Señora. Mukhang ikaw talaga ang puntirya ng aswang na ito."

Natatawa pa rin si Maggie tuwing magsasalita ang tikbalang dahil sa malalaki nitong ngipin at mga matang . . . well, mukhang kabayo. Ngunit pinigil n'ya ang sarili.

"Paano mo naman nasabi?"

"Nakita ko s'ya kanina na umaaligid sa iyo."

"Stalker?"

"Que?"

"Nevermind."

Napatigil ang tikbalang bago muling nagsalita. "Bueno, mag-ingat ka sa iyong paglalakbay, Señora. Ako ay babalik na sa aking casa. Paalam."

"W-w-wait. Nanggaling ka rin ba sa Balete? Sa probinsya? Paanong—Bakit kayo nandito sa city?" Marami pa sanang gustong itanong si Maggie ngunit unti-unting naging anino ang katawan ng tikbalang at nag-iwan lang ng isang babala.

"'Wag niyo nang hanapin pa ang nawala na. Peligroso. Mas makabubuting umiwas na lamang sa kapahamakan." At sa isang iglap, wala na ang maligno. Malamang bumalik na sa kanyang mundo sa loob ng mga puno o sa kung saan man n'ya naisip mag-check in.

Hinablot ni Maggie ang jacket at bag niya bago tuluyang tumakbo pauwi. Marami pa s'yang dapat ikuwento sa kanyang mga kapatid.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top