19 Ang White Lady
Ika-Labing Siyam na Kababalaghan
Ang White Lady
Unti-unti ng nasasanay si Mart sa kawirdohan ng mundong kinalalagyan nila ngayon, pero may tatalo pa ba sa pag-atake sa kanila ng Teenage Mutant Ninja Piglets sa gitna ng siyudad?
"Nakita niyo ba? Nakita niyo?" sigaw ni Mike sa isang tabi habang iminumwestra nito ang mga maninipis na kamao. "Haduuukeen! Boom! Lechon ang mga kalaban."
Hindi maiwasan ni Mart na mainggit. Nasaksihan niya kung paanong nagpalabas ang Kuya Mike niya ng kuryente mula sa katawan nito na alam niyang imposibleng magawa ng isang normal na tao. 'Only 0.007 amps for 3 secs. are enough to kill a person'. Pero paanong nakayanan ito ng kapatid niya? Pasalamat na lamang sila at wala silang natamong malalim na sugat.
"Ang galing ko, 'di ba, Ate?"
"Oo na, Maki."
"Iba din 'yung sa'yo, eh. Parang repulsor ni Iron Man. Ehhyngg!" Himalang napatwa ni Mike ang ate nila. Halatang masaya sila sa natuklasang mga kapangyarihan.
"Tatawagin ko ang sarili ko na 'God of Thunder'!" pagmamayabang nito.
"Mali, Kuya," singit niya.
"Ha?"
"Thunder ay kulog, 'yung sound. Lightning 'yung kidlat."
"Ah, gan'on ba? Sige, iba na lang. 'Thunderbolt'!" Napaisip si Mart. 'Sige. Pede na.'
Binalikan niya ang pagbabasa sa Philippine mythology book na hiniram niya sa library ng school nila. Hinanap niya roon ang bahagi kung saan nag-aanyong maitim na baboy ang mga aswang minsan at ang tungkol sa binhi na lumalabas sa mga ito kapag namamatay.
"Anong binabasa mo, Mart?" tanong ni Mike.
"Nagtataka lang ako kung bakit sisiw 'yung lumabas sa aswang. Eh, nung napatay namin ni Lola 'yung tiktik, itlog ang lumabas."
"Pumatay ka ng tik-tik?" gulat ng kuya niya. Hindi niya pa pala nakukwento. "Nice!" Nauto pa siya sa alok nitong apir.
"Nandiyan ba 'yan sa book mo?" lingon ng kanilang Ate Maggie mula sa front seat.
"Wala nga, eh. Sabi dito, bago mamatay ang isang aswang, ipinapasa niya ang binhi sa kaniyang pagmamanahan."
"Cycle kasi 'yon," singit ng driver nilang si Robin. "Sa umpisa, itlog muna siya hanggang sa unti-unting mabasag at maging sisiw sa loob ng katawan ng napagpasahan. Kapag lumaki ito, ibig sabihin nasa huling phase na ng pagiging aswang."
"What do you mean?" tanong ni Maggie.
"Sa oras na 'yon, mas nangibabaw na ang pagiging halimaw at asal-hayop nito kaysa pagiging tao." Napatango silang tatlo aa paliwanag ng binata.
"Kuya Robin, isa ka pa lang Mulawin? Astig!" bulalas ni Mike.
"Naku, ngayon ko nga lang din nalaman. Isang misteryo din sa akin."
"Wala bang pakpak ang mga umalohokan?" pagtataka ni Maggie.
"Wala pa 'kong nasaksihan. Kadalasan, hangin ang tumutulong sa aming makalipad ng panandalian."
"Ang astig din ng baril mo. Patingin naman," suyo ni Mike.
"Nope," mabilis na tugon ng umalohokan na sumilip sa may rearview mirror para balaan sila. "That's a very dangerous weapon. You need proper training for that. Kahit pa asin lang ang bala non. Buti nga may natira pa, eh."
"What? Asin lang 'yon?" Si Mart ang sumagot,
"Non-lethal Pneumatic Handgun na gumamit ng concentrated rocksalt powder bilang pellet."
"Luh? Alam mo 'yon?"
"1,110 feet per second muzzle velocity. Walang recoil," dugtong niya. Nang matapos nilang kalabanin ang mga aswang, napansin niya ang puting powder na nagkalat sa kalsada. Tinikman niya 'yon at katulad ng turo ng lola nila, epektibo talaga ang asin panlaban sa mga maligno.
"Wow. May alam ka sa weaponry?" tanong ni Robin.
"Nabasa ko lang po," ngiti niya.
"Mag-share ka naman minsan," bilin ni Mike.
"Magbasa ka kasi."
"Mart, hanggang dito ba naman. Magfo-focus na lang ako sa lightning powers ko. Pahiram uli ng taser."
"Mike! Magdahan- dahan ka," saway ng kanilang ate. "'Pag ikaw may natamaan, ikaw tatamaan sa'kin."
"Ansabe ng nagpatumba sa poste. Ahahaha!"
"Rob? Tumatawa ka?"
"Sorry."
'Ang saya nila', isip ni Mart. Bahagya siyang nakaramadam ng awa sa sarili nung maalala niyang halos Wala siyang nagawa kanina habang nakikipaglaban. Ginawa pa siyang pain kanina ni Mike. Nakakahiya.
Hindi sapat ang bawang at asin lang. Paano kung mas malalakas, mas marami at mas malaki ang susunod nilang kahaharapin? Paano kung wala ang ate at kuya niya para siya'y ipagtanggol?
Tag-ulan. Tagsibol. Tag-araw. At taglagas. Iyan ang mga sinambit ng anito sa kanila bago nila simulan ang paglalakbay. Ano namang klaseng kakayahan ang pagkabulok ng mga dahon ng puno at pagbagsak nito sa lupa para walisin lamang at gawing pataba?
Halos kalahating oras na silang bumibiyaheng muli. Ilang kanto ang pinasok nila. Malayo na sa Highway. Nagsimulang sumikip ang daanan. Madilim pa din sa paligid. Dumadalas ang mga signage sa parteng 'yon. Slow Down. Accident Prone Area.
Napansin ni Mart ang biglang pagbaba ng temperatura. Nanlabo ang suot niyang salamin sa mata. Nang hubadin niya ito para punasan ng tela ng jacket niya, may narinig siyang bumulong sa labas lamang ng bukas na bintana.
Inilabas niya ang ulo para sumilip ngunit hampas lang ng nagyeyelong hangin ang natamo niya. Medyo nasilaw pa siya sa ilaw ng ng mga poste dahil hindi niya pa suot ang kaniyang salamin.
Pinasok nila ang isang makipot na kalsada. Dumami ang mga puno sa gilid. At mas lalo pang dumilim sa dakong iyon. Akala niya naalimpungatan lamang siya nang may makitang mga nakalutang na puting bagay sa gilid ng kalsada.
Kinusot niya ang nanlalabong mga mata. Ngunit hindi siya nagkamali. Sa bawat punong kanilang nadaraanan, pailan-ilang puting damit ang tila mga naglalakad. Nagpapakita at bigla ring nawawala. Parang nga bituin sa langit.
Narinig niyang muli ang mga bulong na nagsimula nang maging ingay. Bumilis ang tibok ng puso niya. Nanikip ang kaniyang dibdib. Kinapa niya ang inhaler sa bulsa.
"Mart? Okay ka lang?" pag-aalala ni Mike. Naaninagan pa niya ang mabilis na paglingon ng kaniyang ate bago niya ipikit ang mga mata at sinubukang huminga sa inhaler.
"Mart?" Ang pagtawag ng mga kasama niya ay unti-unting natabunan ng nakabibinging ingay sa paligid - nakapanghihilakbot na mga panaghoy, sigaw ng mga taong humihingi ng hustisya.
"Mart!" Nagulat siya ng bigla siyang kuryentihin ng kuya niya. Pagmulat niya ng mata, nakatigil na ang kanilang sasakyan. Nakatanghod sa kaniya ang mga kapwa nagtatakang mukha ng mga kasama niya.
Biglang naglaho ang ingay. 'Di niya namalayang nakatakip na pala nang mahigpit ang mga kamay niya sa kaniyang tenga.
"What is it?" tanong ng ate niya. Hindi kaagad siya nakasagot, bagkus ay kinuha niya ang nalaglag na salamin sa sahig at isinuot.
"Wala ba kayong narinig?" tanong niya sa mga ito na nagkatinginan lamang.
"Ano 'yun?" turo ni Mike sa harap ng kanilang sasakyan. Natatamaan ng headlight ng taxi ang isang taong nakasuot ng mahabang puting dress. Kumakaway ang isang braso nito, tila nagiintay ng mapaparang sasakyan. Mahaba ang itim nitong buhok na tumatakip sa kabuuan ng mukha.
"Ah, Rob?" tawag ni Maggie.
"Y-y-yes?" sagot ng nanginginig na driver.
"Tingin ko, dapat paandarin na ulit ang kotse."
"Tingin ko din." Inikot ng binata ang susi ngunit hindi agad kumagat ang engine.
Tumigil sa pagkaway ang nilalang sa kalsada at dahan-dahang naglakad papalapit sa kanila.
"Anong problema?"
"Ayaw mag-start."
"Kuya, malapit na siya."
"Ito na. Ito na." Nakahinga sila ng maluwag nang marinig ang tunog ng makina.
"Bilsan mo!" Binilisan nga ni Robin ang pagmamaneho at 'di na tinignan kung masasagasaan nila ang nilalang na iyon.
"Wala na ba?" Napalingon pa si Mart sa may likuran kung may humahabol pa sa kanila.
"Wala na," sabay-sabay nilang buntong-hininga.
'Di maiwasang nasilip ni Mart ang rearview mirror sa unahan at nakita niyang may taong nakaupo sa gitna nila ni Mike - isang babaeng nakaputi, duguan ang kalahati ng mukha at nakatitig sa kaniya, dahilan para siya'y mapahiyaw ng malakas.
"Waaahhh!" Napatingin ang tatlong kasama niya at nang mapansin ang multo,
"Waaahhh!" sabay-sabay nilang sigaw.
"Palabasin n'yo 'ko. Palabasin n'yo 'ko," pagpupumilit ni Mike at pinupwersa pang mabuksan ang pinto.
"Ihinto mo!" utos ni Maggie sa driver.
"Ayaw pumreno!"
"Ano?"
"Uwaahh!" Nakapikit lamang si Mart sa kabuuan ng pangyayari.
"Ang aarte niyo. Makikisabay lang ako," rinig nilang salita ng multo. Malamig at malaki ang boses nitong tila nanggaling pa sa kailaliman ng balon. Tumigil sila sa pag-iyak.
"Hindi ba kayo'y bibisita din sa taunang Gabi ng Lagim? tanong ng multo na nakuha pang mag-cross ng mga binti at inayos ang laylayan ng suot na lumang dress.
"Mommy!" Patuloy pa din ang pagsigaw ni Mike sa dulo.
Inalis ni Mart ang takot. Ramdam niya ang braso ng multo na nakadikit sa balikat niya. Dahan-dahan siyang lumingon dito.
"A-ano pong ibig niyong sabihin?" matapang niyang tanong.
"Sa kapistahan ngayong gabi. Hindi ba duon ang tungo niyo?"
"Ahh. Miss?" nanginginig na tawag ni Robin na pilit pa ring tumututok sa pagmamaneho.
"Bridget, iho."
"Ms. Bridget. Dito po kami itinuro ni Tala. Kay-"
"Kay Carmela? Hay." Ramdam ni Mart ang malakas na buntong-hininga ng multo kahit wala namang lumabas na hangin.
"Kay Carmela na naman. Mabenta talaga ang lola niyo. May gagamit na naman ng lagusan."
"Ah." Nagdalawang-isip pa si Robin, "Ganoon na nga po."
"I see. Isa kang anitong-hangin, tama ba?"
"Umalohokan po."
"Oh, talaga? Kilala mo si Raze? May utang pa 'yon sa'kin. 'Pag nagkita kayo, sabihin mo dalaw naman siya dito sa Balete Drive. Dun pa rin ako, Block 6, Lot 13."
"Ah, sige po. Ih," tipid na sagot ng binata.
"Mommy ko!" Nagsimula ng manalangin si Mike sa tabi.
Nasilip ni Mart na may dinukot ang multo sa damit nito - isang compact mirror. Nagsalamin ito at may inilabas pang pulang lipstick oara ayusin ang maputlang labi.
"Ayos na ba?" Nagulat pa siya nang humarap sa kaniya ang multo. Sariwa pa rin ang nga sugat at latay sa mukha nito.
"Ahm. Ah. Meron po sa... ngipin."
"Oh." Dinilaan ng babae ang tinutukoy niya. "Thanks. Pasensiya na sa mukha ko. Ito kasi huling itsura ko nung itinapon nila 'ko sa may manggahan."
Napatulala na lang si Mart at pilit inalis ang nakakatakot na naiisip.
Nasilip niya sa labas na padami na ng padami ang mga multo sa paligid. Karamihan ay mga nakaputi at pawang mga masasayang naglalakad nang sabay-sabay patungo sa lugar kung saan man gaganapin ang sinasabing kapistahan.
"Ahm. Ms. Bridget?" mahinang tawag ni Maggie.
"Yes, honey?"
"M-Malapit na po ba kami?"
"Sakto lang. Para. Dito na lang." Mabilis na inihinto ni Robin ang taxi.
"Excuse me," suyo ng multo kay Mart na napatulala pang muli sa itsura nito. Hindi niya na nagawa pang ipagbukas ito ng pinto dahil literal na nilagpasan siya ng 'di masalat na kaluluwa ng multo para makalabas. Para siyang tinanggalan ng life support ng dalawang segundo tapos binalik uli.
"Wala na ba?" tanong ng maluha-luhang si Mike.
Yumuko ang babaeng multo sa tapat ng bintana ng driver.
"Doon ang pwesto ni Carmela. Kaliwang kanto, makalagpas ng gas station."
"T-thank you po." Sinubukan ng binata na ngumiti.
"Walang anuman. By the way, pwede mo rin akong bisitahin dito 'pag may time ka, hah." Sabay flying kiss.
"Bye na po. Bye na." Matuling inikot ni Maggie ang sarahan ng bintana.
Nang makalayo ang multo, sabay-sabay ulit silang napabuntong-hininga. Tinahak na nila ang direksyong sinabi sa kanila.
Pagdating roon, isa-isa silang bumaba ng kotse at nagkapit-kamay pang humakbang sa gilid ng kalsada.
Napakatahimik ng paligid. Mabigat sa pakiramdam. Ang buwan lamang ang tanging nagbibigay-liwanag sa dakong iyon.
Sa tapat nila'y nakatayo ang isang puno ng balete. Katamtaman lamang ang laki nito kumpara sa mga katabing punong-kahoy.
"What's next?" basag ni Maggie sa katahimikan.
🎶 Nang dahil sa pag-ibig, umiiyak ngayooon... 🎶
"Ano 'yun?" gulat na tanong ni Mike.
🎶 Hang pusu kooo... Uhmmm. 🎶
"Sinong nakanta?" Nagpalinga-linga silang apat sa paligid, pinakikiramdaman kung saan nanggagaling ang himig.
Tumingala si Mart sa itaas ng puno at doon niya nakita - isang babae ang nakaupo sa matibay na sanga, nakatalikod ito sa kanila at tila walang pakialam na nagpatuloy sa pagkanta.
"Ayun?" turo niya sa multo. Agad na hinawakan ni Maggie ang kamay ni Mart at ibinaba.
"'Wag ka basta-basta magtuturo."
"Pero ayon po siya. Sa may sanga."
"Saan?" sabay-sabay na tanong ng tatlo na sinubukan ding tumingala ngunit wala namang ibang nakikita kundi mga baging ng puno.
"Andon siya. Naka-school uniform." Biglang tumigil ang multo sa paghuni at lumundag pababa sa taas na limang metro. Walang ingay na nilikha ang pagtuntong nito sa lupa, sing-pino ng pusang lumukso mula rooftop. Dahan-dahan itong humarap sa kanila at humakbang papalapit. Napalunok si Mart.
"Saan ba? Ba't wala kaming makita." Hinuha ni Mart, katulad ng ibang multo ay itinatago nito ang sarili sa paningin ng mga tao. Maliban sa nakasakay nila kanina na kusang nagpakita sa kanila. Pero paanong nasasaksihan ito ng kaniyang mga mata? May kinalaman ba ito sa panahon ng tag-lagas?
"Tumigil na ba siya sa pagkanta?" tanong ni Robin.
Ahihi. Mga bisita, mahinang tawa ng babae. Nakasuot ito ng puting blusang may mantsa ng natuyong dugo, nakapaldang dark blue na lampas tuhod at nakasuot ng puting medyas at black shoes.
Sinubukang buksan ni Mike ang kaniyang flashlight. Si Maggie naman ay inilabas ang cellphone at pinindot ang camera.
"Yoohoo! Carmela?" maingat na pagtawag ni Robin.
Oh! Alam niya ang ngalan ko? Lumapit ang multo sa harap ng binatang walang kamalay-malay na abot-kamay na nito ang hinahanap. Inobserbahan lamang ng mahiwagang nilalang ang kanilang kilos.
"Cute siya," sabay pindot sa ilong ng umalohokan.
"Aray! Sinong pumisil ng ilong ko?"
Sunod na nilapitan ng multo si Maggie at pinaglaruan ang buhok nito. *Ahihi.*
"Sino 'yon?" Pilit na umiiwas ang multo sa camera. Palukso-lukso pa itong lumapit sa nanginginig na si Mike.
"Ba't ang lameeg?" Niyakap ni Mike ang sarili.
Hmm, isang ring mag-aaral, siyasat ng pilyang multo sabay sundot sa butas ng ilong ng nakursunadahan.
"Ara-Aray!" Napahawak na lang si Mike sa nakalikot na ilong. 'Di mapigilan ni Mart na matawa. Nakuha niya ang atensiyon nito at sa kaniya'y lumapit.
Marikit ang mukha ng dalagita. Sa hula niya'y wala pa itong edad dalawampu. Nakaipit ang pakulot nitong buhok. Makaluma ang istilo. Sa isip ni Mart, Wala naman dapat katakutan.
"Carmela," tawag niya. Tinitigan siya ng mga mata nitong kasingdilim ng paligid. Sinuklian niya rin ito ng titig at 'di inalis ang paningin. Kumunot ang noo ng multo.
Nakikita mo 'ko?
"Opo."
"Luh? Sinong kausap mo?" tanong ni Mike.
"Mart, nakikita mo ba siya?" pagtataka ni Robin.
"Opo. Andito siya sa harap ko."
Interesante, komento ng multo sa kaniya at napangiti.
"Ahm, Carmela? Kung nasaan ka man, pinadala kami rito ni Tala," sabi ni Robin sa paligid kahit 'di niya alam kung saang pwesto ba siya magsasalita.
Kailangan niyo lang naman ako para sa lagusan, malungkot na tugon ng multo. Pero iiwan niyo din ako katulad ng iba.
"Carmela," subok ni Mart. "Ang pangalan ko ay Martin. Ito ang Ate Maggie ko, Kuya Mike ko at si Robin, ang... driver namin," pagpapakilala niya sa mga kasama. Tumahimik ang tatlo.
"Tuloy mo lang," bulong ni Maggie sa kaniya.
"Ahm. Ah. Nasa panganib ang lolo namin. Kailangan namin ng tulong mo para mailigtas siya."
At ano namang pakialam 'ko? Napaatras si Mart sa biglaang pagbabago nito ng tono.
Buti ka nga, may pamilyang ililigtas. Ako, ni hindi man lang sinubukang bisitahin ng sarili kong pamilya, hikbi ng multo. Ramdam ni Mart ang pangungulila nito.
"Ano bang... ano bang nangyari sa'yo?" Tumahan ito at nagsimulang magkwento.
Juanito. Juanito ang ngalan niya. Ang nagtanan sa'kin. Hatinggabi. Sa kalsadang ito. May humahabol sa amin. Isang taxi din ang nakabangga sa akin. Tinignan lamang niya ang bangkay ko at nagpatuloy sa pagtakbo. Bumalik sa pagtangis ang multo.
Simula 'non, dito na 'ko tumira. At hanggang ngayon, umaasa akong magkikita kaming muli.
"Bakit hindi mo na lang siya hanapin?" Medyo nabobohan si Mart sa tanong niya ngunit kung iisipin, tama nga naman.
Hindi iyon gan'on kadali. Ang diwa ng isang kaperosa ay kakambal ng bagay na aming tinahan. Sa baleteng ito nakadikit ang aking kaibuturan at 'di kami pwedeng lumayo ng ganoon katagal. Babalik at babalik lamang kami sa aming pinanggalingan.
"Pero kanina nakita ko, madaming multo ang naglalakad papunta sa pista?"
"S'ang part na kayo?" singit ni Mike
Iyon ba? Dito-dito lang din ang mga punong tirahan nila. Madalang ang tao sa kahabang ito kaya naisipan nilang dito magdaos ng mga pagtitipon. Ngunit, hindi naman iyon ang hilig ko.
"Gaano na ba katagal?"
Hindi ko rin alam. Si Magsaysay pa rin ba ang pangulo?
"Hindi na." Sa pagkakatanda ni Mart, 1953 nang maluklok si Magsaysay bilang presidente. Halos pitong dekada na siyang maghihintay rito.
Siguro nagtataka ka kung bakit matagal na panahon na'y hindi pa kami nakakarating sa kabilang ibayo, sa lugar kung saan naglalagi ang mga kaluluwa ng mga namatay.
Iyon lamang mga nasawi ng matiwasay. Ang mga katulad namin ay hindi pa makasunod hangga't mayroon pa kaming dapat gawin dito sa mundo ng mga buhay.
Hindi ko na rin gusto pang humingi ng hustisya at hanapin ang nakabangga sa akin. Tanging si Juanito lamang ang makapagbibigay sa akin ng lakas upang makatawid sa kabila.
Pinag-isipan ni Mart ang susunod na sasabihin.
"Kung ganoon... anong maari naming gawin para makatulong?"
Akala ko ba'y tulong ko ang kailangan n'yo?
"Carmela, naiintindihan ko po ang pangungulila niyo katulad ng pangungulila namin sa aming lolo." Maluha-luhang tingin ang ibinigay sa kaniya ng multo. Ilang segundo bago ito nagsalita.
Maaari bang... kung sakaling makita niyo ang aking irog, maari bang pakibigay nito? Tinanggal ng multo ang kaniyang ipit sa buhok at iniabot kay Mart. Napakalamig ng mga kamay nito nang kuhanin ni Mart ang ipit - isang bakal na hairclip na may palamuting perlas. Agad niya itong inilagay sa panloob na bulsa ng kaniyang suot na pulang jacket.
"Sige po. Nanganga-"
'Wag mong ipangako. Ayokong umasa. Alam kong hindi ganoon kataas ang tiyansa na makita mo pa siya. Lalo na't matagal na panahon na iyon. 'Wag kang mag-alala, maghihintay pa rin ako. Susubukan kong hindi dalawin ng lumbay paminsan-minsan. Dadalasan ko ang pagkanta upang mapawi ang aking lungkot.
Tumango si Mart. "Sige po. Susubukan ko rin ang aking makakaya."
Salamat. Maari na kayong pumasok sa lagusan.
"Kuya Robin?"
"Yes, yes, yes?"
"Pwede na daw tayong pumasok."
"Anong sinabi mo?" tanong ni Mike.
"Basta." Lumapit sa kaniya si Maggie, ipinatong ang braso sa kaniyang balikat at bumulong,
"Well done."
"Thanks, Carmela. Kung nasaan ka man," sabi ni Robin bago ito humarap sa kanilang tatlo.
"Okay, guys. Mami-miss ko kayo."
"What? Where are you going?" malakas na tanong ni Maggie.
"Ahm. Marami pa 'kong mensaheng dapat ihatid." Itinaas ng binata ang suot na slingbag. "At medyo malayo 'yung lugar na pupuntahan ko."
"Hindi ka sasama, Kuya Robin?"
"Sadly, no. Sa nasaksihan ko kanina, mukhang kaya niyo naman na. Patuloy kayong gagabayan ng mga anito."
Lumapit ito kay Mike. "Magsanay kang mabuti para maging karapat-dapat na tagapag-ingat ng agimat ni Bathala."
"Yes, sir."
"Mart."
"Po?"
"You did a good job tonight. Maniwala ka lang sa sariling kakayahan," sabay himas sa ulo niya. Muntikan pang malaglag ang salamin niya sa mata.
Sumunod itong tumungo sa natahimik niyang ate.
"Maggie."
"Robin."
"Magz."
"Rob?"
"Don't worry. Magkikita pa tayong muli. I'll try to visit Klab Maharkika 'pag nagsimula na ang pagsasanay niyo roon."
"Promise?"
"Promise." Ngumiti ang binata at itinaas ang kamao. Nagdalwang-isip pa si Maggie ngunit tinuloy din nito ang fist pump.
"Bye, guys. Ako na bahalang mag-explain sa hiniraman ko ng taxi." Pumasok na si Robin sa napiyaot na sasakyan at sumaludo.
"See you soon." Pinagmasdan nila ang pagharurot ng taxi palabas ng kantong iyon.
"Mart, s'an na tayo?" Napakunot pa siya ng noo nang mapansing napalitan na ng determinasiyon ang lungkot ng kaniyang ate.
Lumapit sila sa matayog na puno ng balete.
"Carmela," tawag niya. Sa may gilid ay lumabas muli ang multo.
Saan ang inyong tungo?
"Bundok ni Makiling." Nag-isip ang multo ng ilang segundo.
Diretso lang. Kaliwa kayo sa ika-dalawampung kanto. Tapos kanan sa ikatlo. Makalagpas ng campsite.
"Got it."
Magiingat lamang kayo dahil ang lagusan ang ginagamit ng mga malignong nagmumula sa iba't ibang dako. Makabubuting magbaligtad ng suot para 'di maligaw.
"Salamat," tugon niya nang nakangiti.
"Mart, tara na?" aya ng kuya niyang nakapasok na sa puno. Minsan pa'y nilingon ni Mart ang kalsada bago tahakin ang madilim na lagusan.
*************************************************************
Apology for the late update. I've been typing for four hours straight sa phone. Ang hirap pala. Hehe.
Up Next: Ang Sarangay
Enjoy reading! You may vote and comment any suggestions and/or reactions. Love y'all!
-- Catam, B.C.A. of Klab Maharlika
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top