18 Ang Umalohokan
Ika-Labingwalong Kababalaghan
Ang Umalohokan
"Oookay! We're good to go." Pumasok na si Robin at umupo sa driver seat matapos ang ilang beses na pagche-check sa sásakyan nilang taxi.
"Seatbelt, ma'am?" Bahagyang nagulat si Maggie nang napabalik siya mula sa malalim na pag-iisip sa may passenger seat.
"Sorry." Pero bago pa niya higitin ang safety belt ay mabilis na gumiya ang katawan ng binata sa harap niya para ito mismo ang mag-lock ng seatbelt niya. Amoy hamog ng damuhan sa umaga ang leeg nito. 'Di niya alam kung kaaya-aaya bang klase ng pabango iyon o hinahayaan lang ng lalaki na madapuan ng simoy sa mga lugar na huli nitong napuntahan.
"There you go." Malaki at matamis ang ngiti ng binata. Mukha nito'y hindi pa rin umaalis sa harap niya. Maghahating-gabi na pero mukhang bagong gising ito dahil sa magulong buhok na pilit na ikinulong ng pulang bandanang suot nito. May muta pa nga sa kaliwang mata.
"Kuya Robin, kelan mo 'ko tuturuan mag-drive?" tanong ni Mike na sa likod nakaupo kasama si Mart.
'Maka-kuya naman 'to,' isip ni Maggie. 'Ilang oras pa lang silang nagkakakilala, kala mo bespren.'
Sinilip niya ang mga kapatid gamit ang rearview mirror sa taas ng front seat. School uniform lang din ang ipinalit ni Mike sa butas-butas na damit kanina. Si Mart naman ay balot ng pulang jacket, kandong ang matabang backpack na pinuno ng mga "dapat" daw dala nila sa paglalakbay na 'yon – first aid kit, ilang flashlight, batteries, energy bars, lighter, bote ng asin. May kutsilyo pa nga at maging ang taser ng kanilang amang security guard ay binitbit ng kaniyang kapatid. Sinigurado ni Maggie na hawak ni Mart ang mumurahing de-keypad na cellphone para kung sakali, dito niya sila kokontakin. Ayaw man niya ngunit 'di maalis sa isip ni Maggie na baka magkahiwa-hiwalay na naman sila.
Hinawakan ni Maggie ang suot na kwintas na may maliit na bote bilang pendant. Laman nito ang ilang dahong pinakuluan sa langis. Bago sila umalis, tigigisa silang binigyan ng kanilang lola nito bilang babala sa tuwing may malapit na kampon ng kadiliman.
"Mart? Dala mo inhaler mo?"
"Opo."
"Ba't may dala kang libro?" asar ni Mike sa katabi. "Aanhin mo 'yan? Papambato sa aswang? Hahaha."
"Ikaw nga, walang dala d'yan, eh. Naka-uniform ka pa. A-attend ng flag ceremony?" sagot ni Mart. Napapalakpak sa tawa si Maggie sa banat ng kapatid. 'Boom. Basag.'
"Boys, 'wag ng malikot. Seatbelt niyo," saway niya habang tahimik na natatawa.
"Yes, boss," sagot ni Mike. "Ba't ang panghi dito, Kuya Robin?"
"'Di mo siya kuya," singit ni Maggie. "Wala kang kuya. Mahiya ka nga."
"Sensiya na. Hiniram ko lang 'to sa kakilala kong Maharlika. Gamit niya as one of their disguises. Isa kasi sa trabaho nila ang pagpapatrolya para masigurong walang maligno ang mangaabuso laban sa mga timawa... and vice versa."
'Cool!' isip ni Maggie. 'Gan'on pala tungkulin ng mga Maharlika.' Bakit bawat sambitin nito, nagdudulot sa kaniya ng pananabik? Nahúli 'ata siya nitong nakatitig sa kaniya.
"Ma'am, thank you nga pala sa alok na masarap na hapunan." Lumalabas ang mababaw na dimple nito sa kanang pisngi kapag ngumingiti.
"Ay, wala 'yon. Masarap talaga... este, masarap magluto si Lola," nahihiya niyang tugon.
"I like what you did with your hair," komento ng lalaki sa bangs ni Maggie na pinakulayan niya ng pula nung nakabalik sila mula sa probinsya. Nakatirintas naman ang dulo ng kaniyang hanggang beywang na buhok.
"Luh? Parang timang." Inayos niya papunta sa ibabaw ng tenga ang ilang hibla ng buhok gamit ang daliri. "I like your... shirt." Itinago ni Maggie ang ngiti.
"Thanks." Simpleng plain white t-shirt lang naman ang suot ng binata na pinaibabawan ng dala nitong brown sling bag.
"Hindi ka ba giginawin?" pagaalala ng dalaga.
"No, I'm okay. I enjoy the wind."
"Kaya today?" reklamo na naman ng unggoy sa likod. Pagagalitan sana niya kaso nahiya siya bigla na mag-react.
Makalipas ang ilang kalikot, nagsimula ng umandar ang lumang sasakyan.
"Eto na, men. Bamonos." Binaybay nila ang highway patungo sa lugar na itinuro sa kanila ng anitong si Tala.
"Kuya Robin, sira ba 'yung aircon? Ang init," sumbat ni Mike na ipinasok pa ang mukha sa gitna nila.
"Naku, 'di pa 'ata na-repair. Buksan ko na lang bintana."
"Thanks."
Isinara ni Maggie ang zipper ng suot na leather jacket nang magsimulang pumasok ang malamig na hangin. Inabala niya ang mata sa pagmamasid sa mga dumadaang ilaw ng poste sa kalsada kasabay ng katamtamang takbo ng kanilang taxi.
Himalang walang traffic at mangilan-ngilan lang ang sasakyan sa labas. Tahimik ang gabi. Tanging mga kapatid niya lang na nagkukulitan sa likod ang maingay.
Nilingon niya si Robin na nakatuon ang buong atensiyon sa pagmamaneho.
"Ahm. Pasensiya na, hah. Gan'yan talaga mga kapatid ko," subok niyang pakikipag-usap dito. Tinignan siya ng binata mula sa rear-view mirror at napangiti.
"Naku. Wala 'yon. Ang sasaya nga ng mga kapatid mo, eh. Kung may kapatid sana 'ko, baka nagsawa rin ako kasasaway."
"Wala kang kapatid? 'Asan ang parents mo?" Biglang nagseryoso ang mukha nito at napalunok. Nagsisisi na si Maggie ba't pa siya nagtanong.
"Wala kong kapatid," panimula ng binata. "Saka 'di ko alam kung may mga magulang ba ko." Napakagat ng labi si Maggie. Pero hinayaan niya lang na magkwento ang katabi.
"Gumising na lang ako isang araw kasama ang iba pang umalohokan. Sila ang kumupkop sa'kin. Wala 'kong maalala bago mangyari 'yon. Sabi nila, gan'on daw talaga kapag diwata. Minsan, ipinanganganak muli. Bagong buhay, bagong ala-ala." Ramdam ni Maggie ang pag-iwas ni Robin na tamaan ng lungkot.
"Ang tanging bagay lang na nasa akin na bago nila 'ko matagpuan ay itong kwintas ko." Hinawakan ng binata ang pendant na itsurang isang pirasong balahibo ng ibon at kinapa ng mga daliri ang hugis nito.
"I'm so sorry." Halos 'di marinig ni Maggie ang sariling boses.
"No, don't be." Hinarap siya ng lalaki at tinignan sa mata. "In fact, I love my job. Andami kong lugar na napuntahan. Andami kong nakikilala – mga maligno, diwata at mga anito sa bawat isla ng Pilipinas kada nagdadala ako ng mensahe sa kanila." 'Di mapagsidlan ang saya nito.
May itatanong pa sana si Maggie nang may maramdaman siyang init. Napabaling ang tingin niya sa suot niyang kwintas – ang langis sa loob ng maliit na botelya, kumukulo.
Napatingin siya sa harap ng sasakyan at isang itim na baboy ang kanilang masasagasaan.
"Robin!" sigaw niya. Napakapit siya ng mahigpit sa upuan. Mabilis na naituon ng driver ang paa sa break. Kung hindi sila naka-seatbelt, malamang tumama ang ulo nila sa unahan ng sasakyan.
"What was that?" Pare-pareho silang apat na napanganga sa gulat. Walang halos makaimik. Nangamoy ang gulong ng kanilang sasakyan sa pagkakakapit nito sa aspalto.
Binuksan ni Robin ang pinto at aktong lalabas.
"Wait, what are you doing?" pigil niya.
"Iche-check ko lang." Ayaw man niya sa ideyang ito ngunit wala silang magagawa. Masama ang kutob ni Maggie. Patuloy pa din ang pag-init ng botelya ng langis na suot niya.
Tinanggal niya ang seatbelt at lumabas. Nasa gitna sila ng tulay, sa ibabaw ng ilog. Magkabilaang poste ng ilaw ang nagbibigay liwanag sa kinapupwestuhan nila.
"Rob?" tanong niya rito habang dahan-dahan nilang nilapitan ang unahan ng sasakyan at sinilip ang ilalim. Napakapit siya sa dibdib nang makita ang isang itim na baboy na nakahiga at mukhang wala ng malay.
"Ate?" Napalingon siya kina Mike at Mart na lumabas ng sasakyan. Kumukulo din ang mga suot na langis.
"Maggie!" rinig niyang sigaw ni Robin bago siya matumba at mahiga sa kalsada nang ang baboy na kanilang nasagasaan ay nakapatong na sa kaniya ngayon, nanlilisik ang mga mata, nakalabas ang matutulis na pangil na balot ng magkahalong laway at dugo.
"Hhooink!" Akmang ngangasabin ng baboy ang leeg ni Maggie ngunit mabilis niyang nahablot ang manipis na buhok nito sa tuktok ng ulo at sinabunutan. "Huwwooink!" Nakabuwelo siya, inilagay ang kaliwang paa sa matabang tiyan ng aswang at sinipa palayo. Tumama ang katawan ng aswang sa matigas na gutter sa gilid ng tulay at diretsong nakatulog.
Nang tumayo si Maggie, saka lamang niya napansin na pinaliligiran na pala sila. Mga nasa limang baboy ng kasamaan ang nakaabang sa kanila. Ang isa, abala nang nakikipagbuno kay Robin.
"Get inside!" sigaw niya sa dalawang kapatid ngunit hindi siya sinunod ng mga ito. Inilabas ni Mart mula sa bag ang isang garland ng mga bawang na ginawa niya kanina at agad na isinabit sa leeg. Si Mike naman ay hawak-hawak ang mapurol na kutsilyo. Pinaghatian nila ang bote ng asin at naghandang magsaboy.
Binalingan ni Maggie si Robin na malapit na sa tabi ng tulay. Ginagamit nito ang bagwis para makakilos ng mabilis ngunit determinado ang aswang na humahabol dito at nagyaya pa ng kasama. Na-corner siya sa gilid ng tulay at napakapit sa railings.
Nilapitan niya si Robin at nag-isip ng gagawin.
"Maggie! Buksan mo yung compartment. Sa may dashboard!" sigaw nito.
"Ano?'
"May sandata doon. Kuhanin mo!" Sa sobrang ingay ng mga baboy, halos 'di na sila magkarinigan.
Nilingon siya ng isa pang galit na aswang kaya nagtatakbo na lamang siya pabalik sa taxi. Nakita niya ang magkapatid na nakatalikod sa isa't-isa, hawak ang mga kutsilyo at nakahandang kalabanin ang mga biik na kaharap nila.
Nilapitan niya ang sasakyan at akmang bubuksan ang pinto nang biglang- Blaaggg! May sumampa sa ibabaw nito. Nasira ang dilaw na signage ng taxi.
"Nyooiink!" sabi sa kaniya ng inahing baboy. Napatigil si Maggie sa kaniyang balak. 'Di niya inaasahan ang sumunod na nangyari. Lumundag ang aswang sa harap niya. Isinangga niya ang mga kamay at sumigaw. Manipis na sinag ang lumabas sa kaniyang mga palad at tumama ang puting liwanag nito sa bunganga ng baboy. Nalaglag ito sa kalsadang nangingisay pa sa pagkakasunog.
"What the-?" Tinignan ni Maggie ang mga kamay. Unti-unting naglaho ang mahiwagang ilaw nito. Nakapangingiliting init lamang ang ang naramdaman niya.
Nag-aagawan ang ingay ng mga baboy sa agos ng ilog sa ilalim ng tulay at ng sigawan ng kaniyang mga kasama sa paligid kaya minabuti na niyang sundin ang sinabi ni Robin. Nilaktawan niya ang bagong letson at binuksan ang pinto ng taxi.
Kinapa niya sa compartment ang isang baril. Halos mabitawan pa niya ito sa gulat. Hindi na rin naman bago sa kaniya dahil araw-araw niyang nakikita ang mga baril ng kaniyang ama. Naalala niya tuloy nung bata pa siya noong pinaglaruan niya ang nililinis na cal. 45 ng tatay niya. Muntikan ng magkabutas ang bubong nila.
Tumakbo siyang muli at naabutang nakikipaghigitan si Robin sa isang baboy na sumakmal sa kaniyang slingbag.
"Maggie! Hagis mo!"
"Catch!" Itinapon niya ang handgun na himalang nasalo ng binata. Hinayaan nitong ngasabin ng baboy ang bag para hawakan ng parehas na kamay ang pistol at itinutok sa abalang aswang.
Bang! Tumama ang bala sa kalsada. Naalarma ang iba pang tropa ng mga magagrasang baboy at magkakasabay na sumugod kay Robin.
Sinubukan ni Maggie na itaas ang mga kamay. Baka sakaling maulit niya ang nagawa niya kanina.
Nag-concentrate siya. Maya-maya'y lumabas muli ang puting sinag ngunit sala ang kaniyang pagkakapuntirya at tumama ang liwanag sa poste.
Slow-mo pang tumumba ang haligi at nabasag ang bombilya nito nang tumama sa aspaltadong kalsada.
Bumaling ang atensiyon nung isang baboy sa kaniya. May gasungay itong pangil sa magkabilaang tabi ng bunganga. Ikinuskos nito ang unahang kuko sa sahig, senyas ng paghahanda.
"Crap." Inunahan na ni Maggie ang pagtakbo at pumunta sa kabilang gilid ng tulay. Umakyat siya sa railings.
Bang! Nagulat pa siya at muntikan ng madulas nang nagsimulang bumaril si Robin sa mga aswang na agad namang nalulusaw at nagiging abo.
Sa kabilang sulok, abala pa din ang dalawang kapatid niya sa mga kalaban. Nakita niyang pinahabol ni Mart ang mga biik sa natitirang poste ng ilaw at nagbilang. Hawak naman ni Mike ang taser ng kanilang tatay na naglabas ng libo-libong boltahe ng kuryente papunta sa bakal na poste at dumaloy sa katawan ng mga kawawang biik.
Napansin ni Maggie na hindi lang sa taser nanggaling ang asul na kuryente kundi maging sa mga braso mismo ni Mike.
Dahil sa pagkamangha, hindi niya namalayang maliksing papalapit sa kaniya ang isang malaking baboy na lumukso sa harap niya. Wala siyang nagawa kundi matumba at malaglag mula sa railings ng tulay - diretso sa malamig na tubig ng ilog sa ibaba.
"Maggiee!" rinig niyang sigaw ni Robin. Naramdaman niyang may sumalo sa kaniyang katawan at unti-unti silang lumipad pataas, pabalik sa tulay.
Napakapit ang mga braso niya sa leeg ng kaniyang tagapagligtas. Naaninag niya ang ngiti ng binata.
"Are you okay?" Napatitig lamang siya sa mga mata nitong kakulay ng buhawi kapag natatapatan ng liwanag.
Lumapat ang mga paa nila sa kalsada. Itiniklop ni Robin ang malaking pares ng mga pakpak sa kaniyang likuran. Kulay abo ang mga balahibo nito at mukhang hologram kung pagmamasdan. Agad itong naglaho na tila hindi tumubo sa likuran ng binata.
Napanganga si Maggie at 'di makapaniwala.
"I know right. Ngayon ko lang din nalaman," sambit ni Robin. "Pwede ka ng bumitaw."
Saka lamang napagtanto ni Maggie na nakakapit pa rin pala siya sa binata. "Oh. Sorry. Heh." Iniwas niya ang tingin dito.
Sa 'di kalayuan, patuloy pa ding nakikipaghabulan ang mga kapatid niya sa nag-iisang baboy na natira. Mabangis ang isang 'to. Kahit duguan na mula sa kutsilyong nakasaksak sa bandang puwetan ay 'di pa rin ito natitinag.
"Nyoiink! Rrr."
"Steady...," tawag ni Mike at nang lumundag ito, itinapat ng kaniyang kapatid ang mga kamay sa hayop at lumabas mula rito ang nagliliwanag na kuryente – tila munting kidlat bago dumating ang bagyo.
"Shazam!" Bumagsak ang nasunog na aswang. Mula sa katawan nito ay lumabas ang isang maliit at itim na sisiw. Sa una'y papikit-pikit pa itong naglakad pero nang makita ang tahimik na si Mart sa gilid ay mabilis na lumipad patungo sa direksiyon ng kaniyang kapatid.
"Mart!" sigaw ni Maggie. Otomatikong hinugot niya ang baril na nakasuksok sa pantalon ni Robin at itinutok sa sisiw.
Bang! Nagulat pa siya nang masapul niya ang target.
"Woah!" Kahit ang tatlong lalaki'y nakatulalang napatitig sa kaniya.
"Yabai! Ang galing natin, team!" sigaw ni Mike na nag-alok pa ng apir sa katabing si Mart.
Nasa gitna pa rin sila ng tulay, kasama ang napiyaot nilang sasakyan, ang natumbang poste ng ilaw at ilang katwaan ng mga aswang na unti-unti nang nalulusaw at nagiging abo.
"Guys... I think we need to go," sabi ni Robin sa kanila. "Mukhang malapit na rin naman tayo."
Kanina pa nagtataka si Maggie kung saan nga ba ang tungo nila. "Saan?"
"Sa Balete Drive."
*************************************************************
One of my favorite chapters. I enjoy writing those scenes. Hehe.
Up Next: Ang White Lady.
Thank you for your patience. Enjoy reading and do not forget to vote and comment any suggestions and/or reactions. Love y'all!
-- Catam, B.C.A. of Klab Maharlika
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top