17 Ang Tala

Ika-Labimpitong Kababalaghan

Ang Tala


Hindi na ganoon kabigat ang pakiramdam ni Mart habang isinasalaysay ng kaniyang ate ang mga pangyayari. Tatlong buwan na ang nakalilipas ngunit tila sugat na muling natuklap para sa kanila ang mga ala-alang iyon. Walang mapaparisan ang takot na kanilang naranasan n'ong isa-isang mawala ang miyembro ng kanilang pamilya, n'ong nakasalamuha nila ang mga maligno at diwata, at ang iba rito'y muntikan pa silang kainin ng buhay.

"My condolences," malungkot na tugon ng duwendeng si Duroy habang nanginginain ng sinabawang kanin. "Nadagdagan sana kayo ng apo pero... gan'on talaga ang buhay. Ano nga pala'ng nangyari sa katawan nung buntis?"

"Inilibing na namin agad sa likod ng kubo 'yung mga natirang... ahm," pigil ni Maggie sa kaniyang sagot. "Sorry, nasa harap tayo ng pagkain." Nakaupo pa rin sila sa hapag-kainan at wala pang gumagalaw sa luto maliban kay Duroy.

"'Wag mong kaisipin, Ineng," dagliang sambit ni Lola Nimpa. "Katunayan, ang mga natagpuan namin ay mga huwad na katawan lamang ng puno ng saging na pinagmukhang laman ng tao ng mga aswang." Magkahalong lungkot at takot ang naging reaksiyon ng magkakapatid.

"Ang mga aswang ay orihinal na nainirahan sa Kabisayaan. Siguro sa dami ng populasiyon at tagal ng panahon, kumalat na sila sa iba't ibang lugar, maging dine sa Kamaynilaan," dagdag niya.

"Pero bakit po kami pinupuntirya?" tanong ni Maggie.

"Hindi ko rin alam kung paano nila nalaman ang lokasiyon ninyo. Maaaring-" Napansin ni Mart ang biglang pagtigil ng kanilang lola. Tila may bagay na naalala na pilit kinakalimutan. Sumingit siya sa usapan.

"Duroy, saan po kaya napunta ang Balete? Paano po kayo nakalabas?"

Napakamot sa puwet ang duwende at sinubukang alalahanin ang mga pangyayari. "Tulad nga ng sinabi ko na sa inyo, ang mga malignong 'di ayon sa balak ng Engkantada ay pinalayas. Nakaalis kami bago pa nila madala ang kaharian sa kung saan man. Pero naiwan doong nakikipaglaban sina Maria at ang datu ng mga diwata."

Napansin ni Mart ang pag-iwas ng kaniyang lola ng paningin nang mabanggit si Gat Panahon. Hanggang ngayon, hindi pa rin siya makapaniwala na ang kinalakihan nilang si Lolo Isko, ang masipag nilang lolo na 'di nauubusan ng ngiti sa tuwing sila'y pinagmamasdan – ay ang namumuno pala sa mga maligno sa loob ng puno, ang diwatang umampon at nangalaga din kay Maria Makiling, ayon sa ikinuwento sa kanila ng kanilang lola.

Nagtanong muli ang duwende. "At ang inyong ina? Ang ilaw ng tahanan?"

"Nasa Japan na si Mama. Working abroad," sagot ng batang si Mac na kanina pa nakikipaglaro sa aso sa isang tabi. Masiyado silang nadala sa kwentuhan kaya gan'on na lamang ang kanilang pagkagulat nang bumukas ang malaking pinto sa kanilang harapan at pumasok ang malamig na simoy ng gabi. Naaninagan nila ang isang nagliliwanag na nilalang kasama ang isang gusgusing batang lalaki.

"Speaking of ilaw," mangha ng duwende.

Maluwag na ngumiti ang babae, nadagdagan pa ng kinang ng kaniyang mapuputing ngipin ang liwanag na dumadaloy sa kaniyang katawan. Halos magmukhang tanghaling tapat ang looban ng kanilang bahay.

Ibinuka ng dilag ang kaniyang pamaypay, itinaas ang suot na shades at nagwika,

"Hello, kids. I'm Tala, anito ng mga bituin. But unlike them, I don't twinkle. I shine. Hmm."

'May kamukha siyang sikat na popstar,' sabi ni Mart sa sarili habang pinupunasan ang suot na eyeglasses.

"Arf! Arf!" Masiglang lumapit sa pintuan ang kaninang nananahimik na si Jordan at diniladilaan ang binti ng dalaga.

"Ay! Shoo! Shoo! Bad dog. Bad dog."

"La!" Mula sa gilid, mabilis na tumakbo ang batang lalaking kala mo nakipagrambulan sa mga tambay sa labas dahil sa gunit-gunit nitong suot na uniform. Lumapit ito kay Lola Nimpa at agad na nagmano. Sumunod ang kanilang asong tuwang-tuwa sa kaniyang pagbabalik.

"Kuya Mike!" sigaw ng bunsong si Mac.

"S'an ka nanggaling, apo? Anong nangyare? At nas'an ang bag mo?"

"Ahh... Mahabang kuwento po."

Napansin ni Mart ang pagbaling ng atensiyon ng kaniyang lola sa bisita. Nagkatitigan ang mga ito, tila seryosong nag-uusap. Lumamlam ng bahagya ang liwanag ng dilag.

"At anong pakay ng isang mataas na anito sa aking mga apo?" mataray na tanong ni Lola Nimpa. Nagsisimula ng manghinala si Mart kung magkakilala ba ang dalawa. Napatahimik silang magkakapatid. At kahit si Duroy ay napayuko sa harap ng dalaga.

Tumayo ng diretso ang anito bago nagsalita. "I'm sorry for your loss, Nimpa. Ngunit, alam kong alam mo kung bakit ako naririto. We need your help." Halos matumba sa pagkakaupo ang kanilang lola sa lakas ng kaniyang pagtawa.

"Ahahaha. Ano? Ang mga anito? Kailangan niyo ng tulong ng mga batang ito?" Tumayo siya at inayos ang suot na bistida. "Saang panganib na naman ang tinahak n'yo para idamay muli ang aking pamilya?"

"Look," Humakbang ang dalaga at ipinatong ang dalang pitaka at pamaypay sa ibabaw ng lamesa. "Nasa kamay ni Ana si Maria at maging ang lolo niyong si Gat Panahon. Hindi namin alam kung saang lupalop nila dinala ang kaharian ng Batangan. Tungkulin ko ang pagbibigay ng direksiyon, hindi eksaktong lokasiyon. Nakatago sila sa aking mga bituin. Kaya, makatutulong kung pupunta ang tagapagmana ng agimat ni Bathala sa tahanan ni Makiling upang tulungang maibalik ang kaharian sa kanilang mga tunay na mamamayan," paliwanag nito sa harapan nila.

"Nakita mo ba kung gaano kamura ang edad nila?" tanong ni Lola Nimpa.

"I know. Pero alam nating parehas na ito na ang tamang pa-"

"Sawa na 'kong ipagamit ang sinuman sa kagustuhan ninyong mga anito, ang sumunod sa gusto niyo!" Noon lamang nasaksihan ni Mart kung paano magalit ang kanilang lola.

"W-w-wait. La, ano pong ibig sabihin ng starlet na ito?" singit ni Maggie sa usapan.

"Excuse me."

"Apo, mabuti pa'y samahan mo si Mike sa taas para magpalit ng damit."

"Nimpa," tawag ni Tala. "Hanggang ngayon ba'y hindi mo pa rin sinasabi sa kanila?"

"Ang alin? Ang alin po, La?" tanong ni Mike. Mga kapwa sila naguguluhan.

"Sige, ako na lang," pasiya ng anito. "Mga bata, 'di lang kayo basta mga simpleng Maginoo. Ang inyong lolo na si Gat Panahon ay anak ng anito ng... well panahon, si Mapulon. Technically, foster aunt niyo si Maria at kayong apat ang tagapagmana ng kapangyarihan ng klima at kapanahunan."

Itinuro ng dalaga si Mike. "Tag-ulan." Ang bunsong si Mac ang sumunod. "Tagsibol." Bumaling ang turo kay Maggie. "Tag-araw." At panghuli ay sa harap ni Mart. "At... tag-lagas." Napatingin si Mart sa katawan, kinapakapa ang sarili kung meron ba siyang mararamdamang kapangyarihan. Feeling niya, amoy bulok na dahon siya, 'yung pinangsisigá.

"Ang bawat isa sa inyo ay may tungkuling dapat tuparin. Ngunit ang may pinakamalaking bahagi sa pagsugong ito ay ang bagong nagmamay-ari ng agimat." Tumuon ang kanilang mga tingin sa madungis na si Mike.

"Gush!" ang tanging naiambag ni Duroy sa usapan.

"Totoo po ba 'yon, La?" tanong ni Maggie. Tahimik lamang si Lola Nimpa. Napabalik ito sa pagkakaupo at yumuko. Bumigat ang hangin sa kanilang paligid.

"Pasensiya na mga apo," maluha-luha nitong sambit. "Sinubukan naming pigilan kay Miguel pero... ito na nga siguro ang tamang panahon."

"May pagkakataon kayong mailigtas ang inyong lolo," alok ni Tala.

"Hold up." Itinaas pa ni Maggie ang mga kamay. "Kung totoo ang sinasabi mo, paano naman namin haharapin ang mga kalaban? At paano kami makakapunta sa Makiling kung kaliwa't kanan, inaatake kami ng mga aswang?" reklamo ng panganay na apo.

"Don't worry. That's why I'm here. Ang liwanag ko ang gabay sa mga manlalakbay na naliligaw sa dilim."

"Wait," pigil ni Mike. Napakapit ito sa suot na agimat. "'Di namin kaya ang sinasabi mo. Mga bata lang kami."

"Mike," Iginala ni Tala ang seryosong tingin sa magkakapatid. "I was once like you. Ipinanganak sa mortal na ina. Ipinasa lang din sa'kin ang kapangyarihang ito, ang mamahala sa mga bituin at konstelasiyon sa kalangitan. At ang suot mong agimat na 'yan? Hindi na mabilang ang mga kamay na pinagmanahan niyan. Lahat tumugon sa kanilang tungkulin. Dahil alam nilang 'yon ang nararapat. Hindi ko nga malaman kung bakit lalaki muli ang napili ngayon. Urduja days are sooo last century."

Tinitigan ni Mike ang agimat at tila malalim nag-isip. Gustuhin man nilang magkakapatid, isang bagay ang kailangan nila para matuloy ito.

"Lola?" lingon ni Maggie sa nananahimik na matanda.

"Ku-kung sakaling pumayag ako, maipapangako mo ba ang kaligtasan ng mga apo ko?" Diretso ang tingin nito sa anito.

"Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko upang matupad nila ang nakasaad sa kanilang kapalaran." Napaisip si Mart kung tama ba ang tugon nito.

Tumayong muli si Lola Nimpa. "Aasahan ko ang mga salita mo, Tala."

Tumango ang dilag bilang pagsang-ayon. May bigla itong hinanap sa pitakang sing-kinang ng pilak.

"Brrrp! Excuse me!" Napahiyang tumalikod ang dumighay na si Duroy at kunwari'y kausap ang aso para 'di siya mapansin.

"By the way, may handog ako sa inyo. Mike?" Lumapit dito si Mike at kinuha ang bagay na iniabot ni Tala.

"Isa sa mga piraso ng sugang pilak. Sisiklutin mo lamang sa oras ng pangangailangan. Iyong pakaingatan."

Itinaas ni Mike ang maliit na bagay na 'yon at tinitigan. "Tansan? Anong magagawa ng tansan?" pagtataka nito at akmang iiitsa.

"Stop! Be careful. Sabi ko, sa oras lamang ng pangangailangan."

"Oh! Okay. Okay. Gets ko na. Yie."

"Muntik ko ng makalimutan." May kung ano pang kinuha si Tala sa kaniyang pitaka. Inilapag niya sa lamesa ang ilang pirasong bakal na pako. "Galing kay Lakan Bakod. Makatutulong bilang proteksiyon sa inyong humble house." Lumapit dito ang duwendeng tila nakakita na naman ng bagong ikakalakal.

"Arf!"

"Hindi na nga po. Ito na nga," gulat ni Duroy kay Jordan at napaupo na lamang sa kinapupwestuhan, ilang dipa ang layo sa mga pako.

"I'll go!" Nakataas ang kamay ni Maggie na nagboluntaryo. ''Di naman halatang napaka-incompetent pa ni Maki kaya tama lang na samahan ko siya, right?" Nilingon n'ya si Lola Nimpa na tumango naman at tila inasahan na ang ikinilos ng kaniyang apo.

"Thank you, boss," ismid ni Mike.

"Welcome," irap ni Maggie.

"Si Mak-Mak ay maiiwan dito," Ipinatong ni Lola Nimpa ang kamay sa ulo ng kanilang bunso, "Para bantayan ako. Mahina na si Lola."

"Me too," singit ni Duroy. "I mean, bantayan ko sila rito. Mas kelangan nila ng kasama. Kaya n'yo na 'yan. Good luck!" thumbs up nito na may kasama pang kindat.

"Arf!" ikinuskos ng kanilang aso ang ulo sa binti ni Lola Nimpa.

"Ala'y oo naman. Ikaw ang magiting kong guwardiya, Jordan."

Sa gitna ng kanilang pag-uusap, tahimik na nag-iisip si Mart. Sinubukan niyang timbangin ang mga bagay-bagay, pilit na nilalapatan ng lohika ang bawat katwiran nila.

Halos kasing-edad n'ya lang si Mike. Bata at lampa. Anong maitutulong n'ya? Ngunit nangingibabaw ang kagustuhan n'yang mailigtas ang kaniyang lolo, maging ang mga malignong napalayas sa kanilang kaharian. Sa kaibuturan n'ya, hindi tamang magwagi ang takot at panghihina ng loob, lalo na kung tama ang tinuran ng anito tungkol sa kanilang kapalaran. 'It's just a matter of time. Now is our best chance, my chance,' isip niya.

Sa oras na iyon, sinambit niya ang mga salitang magpapabago ng kaniyang pagtingin sa buhay. 'Bahala na long quiz sa Algebra bukas.'

"Ako din po. Sasama." Hindi niya inaasahang walang umangal o nagbigay sa kaniya ng nakapagtatakang paningin.

"All right. Good. You're all set to go." Napapalakpak pa si Tala sa pananabik.

"How?" tanong ni Maggie.

"Well, mas mainam sana ang isang santelmo ngunit hindi sila sakop ng aking kapangyarihan. Kaya inatasan ko ang kakilala kong maghahatid sa inyo sa pinkamalapit na lagusan. Hindi laging maaasahan pero pwede na. And he's coming... right... now."

Beep! Beep! Malakas na ingay ng kotse ang nanggaling sa labas.

"Yoohoo! Guys, si Robin 'to!" Beeeeeeppppp!

Nahuli pa ni Mart ang saglit na pagngiti ng kaniyang ate nang marinig ang boses ng kanilang magiging sundo.

"I wish you all the best. Good luck. Nawa'y samahan kayo ng mga bituin sa inyong paglalakbay. See you soon." Ikinumpas nito ang pamaypay. Nakasisilaw na liwanag ang nagpapikit sa kanilang mga mata at sa isang iglap ay naglaho ang dilag.

"What a bitch?" bulong ni Maggie pagkaalis ng dalaga. "Ganun ba talaga siya? I've heard she's the middle child but... whatever."

"Bago ang lahat," tawag ni Lola Nimpa. "Kumain na muna tayo. Masarap pa naman ang luto ko." Masaya si Mart na bumalik na ang sigla ng kaniyang lola.

"Yoohoo! Hello!" Beeeppp.

"Hindi naman masama kung imbitahan ko siyang kumain, 'di ba?" Hindi malaman ni Mart kung sino ang tinatanong ng kaniyang ate o kung naghihintay ba ito ng sagot dahil dagli rin naman itong tumungo sa pinto.

Iniabot ni Lola Nimpa ang pinggan kay Mart at tinignan siya. "Martin, ipinagmamalaki kita." Nakatutunaw na ngiti ang ibinigay ng kaniyang lola na kaniya namang sinuklian.

"Ako din po." Saglit siyang humiling na sana hindi niya ito pagsisisihan.

*************************************************************

One of the hardest chapter to write for me, so far. Ang hirap pala mag-juggle ng dialogues ng more than five characters in one scene. Hehe.

Anyway, this is the siblings' 'Call for Action'.

Up Next: Ang Umalohokan.

As always, thank you for your patience. Enjoy reading and do not forget to vote and comment any suggestions and/or reactions. Love y'all!

-- Catam, B.C.A. of Klab Maharlika

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top