16 Ang Diwata

Ika-Labing Anim na Kababalaghan

Ang Diwata

Sa ilang libong taong pamamalagi niya sa mundo, hindi aakalain ni Maria na may bagay pa palang magpapagulat sa kaniya. Kamalian ng nakaraan na ngayo'y nanininingil na ng kabayaran.

"Ahm. Maraming salamat po talaga, dakilang M-Maria," nahihiyang bati sa kaniya ng dilag sa kaniyang harapan. Bagamat takot, ramdam niya ang lakas ng loob na sinusubukan nitong ipakita.

"Totoo po bang kayo si Maria Makiling?" tanong ng katabi nitong batang lalaking patpatin at nakasalamin na kanina pa nakatitig sa suot niyang gumamela sa tainga. "'Yun pong namimigay ng luya?" Sumingit sa kanilang usapan ang umalohokan.

"100% Maria Makiling. In the flesh," pagpapakilala nitong may kasama pang muestra. "Ang dakilang bantay ng Bundok Makiling. Ang napakagandang diyosa ng pag-ibig, pag-iisang dibdib, kabataan at mga martir. All natural. No added preservatives. Wala pang ineendorsong skincare o shampoo. Motto: Kapag gumawa ka ng kabutihan sa kapwa mo, bigyan ng luya 'yan! Also known as Dian- "

"Robin!" pigil ni Maria sa makulit na umalohokan. Alam niyang sapat na ang mga natuklasan ng magkakapatid sa araw na iyon. Ayaw na muna niyang dagdagan pa ang mga iniisip nito.

'Ganoon na nga ba ang pagkakakilala nila sa akin?', bulong niya sa sarili. Isa sa tungkulin niya bilang anito ng pag-ibig ay ang magselyo ng dalawang nilalang na nagmamahalan. Kaya rin siya napadayo sa Batangan ay dahil sa itinakdang kasal ng Supremo ng mga tikbalang at butihing mapapangasawa nito. 'Di niya inaasahang hindi lamang iyon ang kaniyang maaabutan.

"Ay, pasensiya na po, Double M. Ako'y nagbibiro lamang. Hihi. Na-excite kasi ako."

"Maraming salamat sa mabulaklak na pagpapakilala. Ngunit hayaan mo ng ako ang kumausap sa kanila. Mabuti pa ay kumuha ka ng bagong piraso ng kawayan sa liwasan. Tayo'y magpapadala ng liham kay Lakan Bakod."

"Yes, ma'am. Masusunod po." Yumuko ang binata bago tangayin ng hangin pababa ng burol na kanilang kinatutuntungan sa loob ng dambana. Sinundan niya ito ng tingin at napangiti. Hindi siya makapaniwalang lalakí ang binatang iyon sa kalinga ng mga umalohokan. Batis ng kasiyahan sa mga kwentuhan. Munting kaluluwang sabik sa paglalakbay. Bahagyang dumungaw ang hibla ng lungkot sa kaniyang mukha nang masagi sa isip ang mga kahaharapin ng mga batang ito – mga kapalarang unti-unti nang tinutupad.

"Ipagpaumnhin niyo, binibini at ginoo, kung anuman ang naiasal ng batang si Robin. Sadyang mabilis lamang iyong matuwa kapag nakaakasalmuha ng mga bagong kaibigan," sabi niya sa dalawa.

"Ay, okay lang po, Miss M." sagot ng dalaga. "Ako po si Maggie. Ito po si Mart. Ilang taon na po ba si Robin?"

"Ate!" siko dito ng kapatid.

"Ahhh. Ito naman. 'Di natin alam kung gumagana ba ang edad sa kanila. Tignan mo. Parang 'di sila tumatanda," bulong nito. Napatawa si Maria.

"'Wag na kayong magtalo, Maggie. Mart." Sabay na tumingin sa kaniya ang magkapatid. Mga tinging 'di mawalan ng pagkahanga. Dahil ba sa kaniyang mala-birheng mukha? O sa haba ng kaniyang itim na buhok na sumasayad na sa lupa.

"Miss M., kami na po ang humihingi ng sorry dahil sa ginawa po ng Kuya ko," mahinang sabi ng batang nakasalamin. "Siya po kasi 'yung nagpasimulang magtanggal nung pako po sa palibot ng Balete." Saglit na napakunot ng noo si Maria.

"Naiintindihan ko, Mart. Iyon ay piraso ng bakod na nagbibigay proteksyon sa mga maligno sa Kaharian at sa mga tao sa labas. Munting handog ng isang lakan. Gawa sa bulawang tanso. Tanging Maginoo lamang ang makakahawak dito bukod sa matataas na anito. 'Wag niyo ng alalahanin. Mabilis na makararating rito si Lakan Bakod kapag nabasa na niya ang sulat. May mas dapat tayong pagtuunan ng pansin." Nagkatinginan ang magkapatid.

"Sabihin niyo sa akin," seryoso nang tanong ni Maria. "Saan niyo huling nakita ang sinasabi niyong tagapag-ingat ng agimat, ang kapatid niyong si Mike?" Napaisip ang dalawa at naghagilap ng maisasagot. Nagsalita si Mart.

"Ahm, nasa gitna po kasi kami ng liwasan nung nagkagulo. Huli ko po siyang nakita papuntang... kaliwa po 'ata. Kasama niya po si Duroy, 'yung berdeng duwende"

"Kaliwa?" Isang kidlat ng kutob ang naramdaman ni Maria sa kaniyang kalooban. Sana'y nagkakamali siya sa kaniyang naiisip.

"Sa bulwagan," singit ng matandang diwata sa malambing nitong boses. Lumapit ito sa kanilang kinapupuwestuhn.

"Ama. Lakan," bati ni Maria na bahagyang yumuko bilang pagbibigay-galang. Nagsiyuko din ang magkapatid sa punong-datu.

"Maayos na ang kalagayan ng bunso ninyong kapatid," pagpapatuloy ng lakan. "Mabilis na humihilom ang natamo niyang sugat. Malayo na sa kapahamakan mula nang makita siya ng mga diwata malapit sa Balete ng walang malay."

Sinilip ni Maria ang paslit na mahimbing na natutulog sa loob ng kubo. Napakabata pa ngunit ramdam niya ang tinataglay nito – nilang magkakaptid. Kapangyarihang makasusugpo o makatutulong sa kalaban.

"Ama," pagaalala niya sa matandang diwata.

"Maayos na rin ang aking kalagayan, Maria. Huwag ka ng mangamba," sagot nito. Lubos ang kaniyang pagkabahala nang ihatid ng santelmo ang kaniyang ama, ang lakan ng mga diwata ng Batangan na ilang taon ding nawala nang dahil sa- nang dahil ito'y umibig.

Bumalik sa ala-ala ni Maria noong panahong namatay ang kaniyang kinilalang ina, si Dayang Makiling na unang inatasang maging tagapangalaga ng bundok Makiling bago ito ilipat sa kaniyang mga kamay. Panahong nalugmok sa kalungkutan ang kaniyang kinalakihang ama. Kahit kailan ay 'di niya masisisi nang muling tumibok ang puso nito sa isang mortal. Dahil maging siya'y nakaranas din. Bahagyang kumirot ang kaniyang pakiramdam. Napabalik ang kaniyang isipan sa reyalidad nang ipinagpatuloy ng Lakan ang pagsasalita.

"Paumanhin, mga batang Maginoo, kung ako ay hindi pa nakapagpapakilala sa inyo. Ngalan ko ay Gat Panahon."

"Nice to meet you po, Gat Panahon," bati ng dalawang 'di pa din inaalis ang pagkayuko. "Pamilyar po kayo." Tinignan ni Maria ang amang 'di halata ang katandaan sa tikas ng pangangatawan at sa suot na baluti. Malayo sa isa nitong kaanyuan ngunit naiintindihan niya kung bakit ganoon ang pakiramdam ng mga batang Maginoo.

"Maggie. Mart. Nakatitiyak ba kayo sa dakong iyon pumaroon ang inyong kapatid??" singit ni Maria.

"Bakit po? Ano po bang meron d'on?" tanong ni Maggie. Si Gat Panahon ang sumagot sa kaniya.

"Sa bahaging iyon matatagpuan ang bulwagan ng mga engkanto't engkantada. Ang lugar na kinaroroonan ng kanilang Reyna. Dahil kung sakaling nagkatagpo sila, nasa panganib ang inyong kapatid." Napuno ng kaba at pagkalito ang dalawa. Minabuti ni Maria na pakalmahin sila.

"'Wag kayong mangamba. Alam kong likas sa inyo ang katapangan. at gagawin namin ang lahat upang walang mapahamak." Sinsero ang pagbitiw ni Maria sa kaniyang mga salita ngunit kung sakaling tama ang kaniyang hinala, napipinto na ang kinatatakutan ng mga mamamayan ng Batangan.

Matagal na panahon na nang ikulong nila si Reyna Ana sa Baleteng ito. Nakapiit sa malungkot na bulwagan at inatasang maging bantay sa mga tusong engkanto at engkantada. Tanging ang agimat lamang ni Bathala ang makaaalis ng harang na siyang tanging pumipigil dito na isagawa ang naudlot nitong hangarin.

Tinignan ni Maria nang malalim ang kaniyang ama at nagpasalamat na naririto sila ngayon sa Kaharian ng Batangan. Sinuklian siya nito ng titig, hudyat ng paghahanda sa nalalapit na digmaan. Anumang oras ay magsisimula na ang pag-aaklas. Dahil kung sakaling nakatakas nga si Ana sa kaniyang selda, pangungunahan nito ang himagsikan. Maligno laban sa kapwa maligno. Ang panig na naniniwala pa rin sa tungkuling ibinigay ni Bathala, ang maging gabay sa gawain ng sangkatauhan. At ang kabilang panig na naniniwalang dapat silang mamuhay ng kapantay ng mga tao – kung 'di ma'y mamuno sa mga ito.

Nilapitan ni Maria ang magkapatid.

"Ingatan niyong maigi ang isa't-isa. Laging tandaan, walang makagagapi sa tunay na pagmamahal." Tahimik na napatango ang dalawa bago lumapit sa natutulog nilang kapatid sa isang tabi.

"Incoming!" hiyaw ng bagong dating na si Robin. "Double M. Ito na po ang kawayan. Ah, dakilang GP, nakaabang na po ang mga diwata sa ibaba para sa-" Mabilis na nawala ang ngiti ng binata nang makita ang kanilang mga mukha. "What did I miss?"

"Kagalang-galang na Datu at Kairog-irog na Ada," sigaw ng isang may malalim na boses. Sabay-sabay nilang dinungaw ang paanan ng burol. Nasilayan ni Maria ang tatlong bantay na tikbalang kasama ang walang malay na si Miguel na mabilis niyang nakilala at ang batang lalaki, ang bagong tagapangalaga. Naramdaman niya ang nag-uumapaw na kapangyaihan sa suot nitong agimat.

Tinignan niyang muli ang magkakapatid – ang huling beses na kaniyang mapagmamasdan ang kanilang kainosentehan. Nakasalalay sa mga ito ang kapalaran ng Kaharian, ng Sangkaanituhan.

*************************************************************

Ito po 'yung tinutukoy kong special chapter. A side story on Maria Makiling's point of view. Pinili kong isulat ang chapter na 'to sa POV niya to give context and some explanations sa mga nangyaring events on previous chapters like about kay Reyna Ana, kay Robin, kay GP at sa napipintong civil war.

I was thinking if mas better ba na ilagay ko ang chapter na ito after Mike's encounter with the engkantos and before his arrival on dambana which is 'yung ending ng chapter na ito. Magkasabay kasi ang pangyayari nito sa first half ng last chapter. What do you think, mga ka-Maharlika? I need some advice. Hehe.

The next chapter will be a short message and questions na din para makatulong sa akin sa pag-reoutline ng next chapters. Survey ba. Hahaha.

As always, thank you for your patience. Enjoy reading and do not forget to vote and comment any suggestions and/or reactions. Love y'all!

-- Catam, B.C.A. of Klab Maharlika

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top