15 Ang Dambana

Ika-Labinlimang Kababalaghan

Ang Dambana


SALAMAT SA ENGKANTADA, medyo nawala na ang sakit sa katawan ni Mike. Ngunit tila bumabalik ito sa kada batong matitisod ng sinasakyan nilang kartilyang-bakal kasama ang kaniyang amang mahimbing pa ring natutulog sa tabi.

Binabagtas nila ang kalagitnaan ng liwasan kaya panay ang tingin ng mga abalang maligno sa paligid. Nakatali ang mga kamay ni Mike sa likod. Wala rin naman s'yang planong tumakas ngayong bihag sila ng tatlong matitikas na bantay-tikbalang.

"Eni las words, bata?" tanong sa kaniya ng maputlang kabayo sa kaniyang harapan. Maiiksi ang hibla ng buhok na gumagapang mula ulo hanggang batok, madilaw ang mga ngipin, may kapayatan ang katawan at halos kasing tangkad lang ng Ate Maggie niya.

"Silencio, Arturo!" saway ng kasama pa nitong tikbalang na nagtutulak sa kartilya. Kulay kape ang balat nitong may mantsa ng puti sa mukha na hugis isla ng Luzon. "'Wag mong tinatakot ang bata. Mukha mo pa lang, sapat na."

"Harhar. Nakakatawa, Ricardo. Sino kayang may pekas sa mukha? Nyahaha!" sagot ni Arturong sabay tawang-kabayo.

"Aba, ako ga'y hinahamon mo, tukhang?"

"Pumarine ka. Dali. Ano. Ano."

"Magsitigil kayo!" suway ng ikatlong tikbalang na pinangungunahan ang kanilang paglalakad. Malalim ang boses nitong puno ng kaseryosohan. Sing-itim ng hatinggabi ang balat nito na kung hindi dahil sa suot nitong makulay na bahag ay mahihirapang maaninagan sa likod ng anino. May hikaw ang kaliwang butas ng ilong nito at naka-ponytail ang mahabang buhok. May suot na malaking salakot sa ulo na nagtatakip sa matatalas nitong paningin.

"Walang mararating ang inyong pagtatalo. Isa pa, kailangan na nating bilisan." Tumahimik ang dalawang tikbalang.

"Sí, Sergio," sagot ni Ricardo. "Pero hindi ba dapat makita muna ni Supremo Tomás ang mga pangahas na timawang ito?" dagdag niyang tanong.

Tumigil sa paglalakad si Sergio at napatigil din ang pagtulak sa kartilya. "Ricardo. Arturo. Hindi ba kayo nakikinig?" panimula niya. "Abala ang Supremó sa kaniyang kasal mamayang hating-gabi. Hindi na dapat s'ya iniistorbo. At isa pa-" Inilabas niya ang suksok na itak at itinuro kay Mike na bahagyang natakot at napahawak sa suot na kwintas. "Hindi sila basta timawa lang."

Napatingin ang dalawang tikbalang sa kaniya at kumilatis na tila ba inaalam kung anong parte ng katawan niya ang masarap isigang.

"Isa lang siyang batang paslit. Baka pwede nating ibenta sa mga kapre?" suhestiyon ni Arturo.

"Teka. Teka," pagpigil ni Mike. "Saan niyo ba kami dadalhin. Hindi niyo kami makakain. Hindi kami damo."

"Hoy, bata!" singit ni Riacrdo. "Matagal na naming itinigil ang damo. Masama sa kalusugan."

"Ijo," tawag ni Sergio sa kaniya. "Saan ka nanggaling bago ka namin makita sa liwasan?"

"Oo nga. Amoy... Hmpf. Amoy asupre ka. Amoy ng santelmo," pansin ni Arturo.

Napaisip si Mike ngunit hindi naman siguro sila mapapahamak kung magsasabi siya ng totoo. "Ah... sa bulwagan. Tinulungan kami ng engkantada na makalabas ni Tatay." Nilingon niya pa ang natutulog pa rin niyang ama.

"Anong sabi mo? Sa engkantada?" halos sabay na tanong nina Arturo at Ricardo.

Nagtaka si Mike.

"Si Reyna Ana ba ang tinutukoy mo? Paanong nakalabas ka roon?" tanong nila.

Hindi na nakasagot pa si Mike dahil sumingit sa kanila si Sergio, nakatitig sa kaniya ang matatalim na mga mata.

"Hindi maari!" sigaw nito sabay pukpok ng hawak na itak sa dulo ng kartilya.

Nagitla si Mike sa reaksyon ng tikbalang. Ramdam niya pa ang bahagyang pag-alog ng metal na kanilang sinasakyan. Himalang hindi nagising ang kaniyang ama.

"Halik ng engkantada lamang ang nakapagpapatulog sa kaniya ng gan'yan kahimbing," tukoy nito sa tatay ni Mike. "Hindi ko akalaing magbabalik kayo rito."

Hindi maintindihan ni Mike ang sinasabi ng itim na tikbalang. At kahit nga ang dalawang kasamahan nito'y napanganga sa pagtataka.

"Eh, señor? Ano po sinasabi niyo?" tanong ng dalawa.

"Nung huling nagpunta siya rito sa kaharian ng Balete ay nang dahil sa digmaan. Ngayong bumalik ka, nagpasimula ka na naman ng isa."

Akala ni Mike, siya ang tinutukoy ng tikbalang ngunit hindi. Naktitig ito sa kaniyang ama.

"Miguelito."

"Ay, magkakilala kayo?" tanong ni Arturo.

"Matagal na panahon na. Nung munting hidalgo pa lamang siya. At kung 'di ako nagkakamali, nananalaytay ang dugong bughaw sa'yo, bata."

Napatingin si Mike sa kaniyang mga braso. Pinakiramdaman ang tibok ng kaniyang puso. 'Dugong bughaw,' isip niya.

"Sabi ko sa'yo, Ricardo. Maginoo 'to, eh," batok ni Arturo sa kasama. "Panalo 'ko. 'Asan pusta mo?"

"Anong panalo? Sabi mo kanina, isa siyang Maharlika, hindi Maginoo. Eh, ni wala ngang bakas ng pagsasanay ang hidalgong ire," tirada ni Ricardo.

"Pasensya na po pero baka nagkakamali kayo," singit ni Mike. "Hindi po ako ang tinutukoy niyo. Kulay red po dugo ko. Tignan niyo pa."

"Bata, isa kang Maginoo. Dugong Bughaw. Hidalgo sa español. Kung nagsanay ka bilang mandirigma, saka ka mapapabilang sa mga Maharlika," paliwanag ni Arturo. "Hay. Sayang naman. Akala ko'y may makaka-isparing na kaming mga bantay rine."

"Utot mo. Paano ka makikipag-isparing, eh, kasing-payat ng tingting 'yang katawan mo," asar ni Ricardo.

"Ala'y ako ga'y hinahamon mo talaga? Ano. Ano." Iniamba-amba ni Arturo ang patpating braso.

"Silencio!" saway ni Sergio. Kahit si Mike ay napatahimik bigla.

"Kung si Reyna Ana nga ang naka-engkwentro ng batang 'to, mas lalong kailangan nating magmadali." Umayos ng pagkakatayo ang dalawang tikbalang at hinawakan ang magkabilang bahagi ng kartilya. Himalang nagseryoso ang mga mukha na lalong nagpakaba kay Mike.

"T-t-teka," pigil niya. "S'an niyo ba kami dadalhin?"

Hinarap siya ni Sergio. "Sa dambana ng mga diwata." Tinignan nito ang dalawang tikbalang at tumango. "Operacíon Rapido."

"Operacíon Rapido," tugon nila. At sa isang iglap, nag-blur ang paligid ni Mike. Ang sinasakyan nilang kartilya ay tila lumulutang, bitbit ng mga tikbalang na tumatakbong singbilis ng racecar.

Nang tumigil sila, naghagilap pa si Mike ng hanging ibubuga. Ilang segundo lang ang lumipas ay nasa ibang lugar na sila. Malayo sa liwasan. Pinigilan niyang masuka.

Itinulak ni Sergio patayo ang kartilya at nalaglag siya sa malambot na damuhan. Pinagtulungan naman nina Arturo at Ricardo ang kaniyang tulog na ama na maibaba na rin sa damuhan.

"Hwaw!" bulalas niya nang masilayan ang lugar na iyon. Naaalala rito ni Mike nung minsan silang namili sa Dangwa— iba't-ibang uri ng halimuyak ang naghahalo-halo mula sa magagagandang klase ng bulaklak. Tila ba mamahaling pabango ang kanilang inihihinga.

Ang damuhan ay singlawak ng tatlong soccerfield. Sa gitna ay may mataas na burol at sa tuktok nito'y nasilayan ni Mike ang isang magarbong kubo. May ilang taong nakapalibot dito— mga diwata.

Nagkalat ang iba pang diwata sa paligid— mga bata't matanda, lalaki't babae. Lahat ay nakatanghod sa itaas ng burol, nag-aabang.

"Kagalang-galang na datu at kairog-irog na ada," tawag ng itim na tikbalang sa kung sinumang nasa itaas.

Nilingon ni Mike ang tuktok ng burol at kaniyang naaninagan— isang babae at isang lalaki sa tabi ng isa pang batang walang malay— ang kaniyang mga kapatid, sina Maggie, Mart at Mac. 'Di maitatanggi ni Mike ang pananabik.

Sa tabi nila'y nakatayo ang tatlo pang diwata— isang binatang nakapulang bandana sa ulo katabi ng kaniyang mga kapatid; isang makisig na lalaking halatang elegante ang suot na baro't bahag na bagama't matanda na'y 'di pa rin nawawala ang sigla; at isang dilag na kahit simpleng puting damit lamang ang suot ay umaapaw ang kagandahan. Naalala ni Mike ang engkantada rito ngunit 'di maikakaila ang kalamangan ng diwata.

Nabakas ni Mike ang magkahalong gulat at takot sa mga mukha nila. Ngunit mas pinagtuunan niya ng pansin ang bunsong kapatid na ngayo'y karga-karga na ni Maggie. Nakahinga siya ng maluwag. Nawa'y mahimbing lamang itong natutulog katulad ng kanilang ama. Nang magkatagpo ang mga mata nilang magkakapatid ay 'di nila mapigilang magsingiti.

Agad itong nawala nang umihip bigla ang hangin at ang dalawa sa mga diwata'y nasa harap na niya ngayon— ang tinatawag nilang punong datu at ang magandang dilag. Hindi niya alam kung paano sila nakababa ng ganoon kabilis.

"Ap... bata," paputol na salita ng matandang diwata. Tila pinigil ang gustong sabihin. "Ikaw na nga ang bagong tagapangalaga," may lungkot sa usal nito na halos pabulong sabay tingin sa suot ni Mike na agimat sa leeg.

Kinilatis ni Mike ang itsura ng punong diwata, mukhang pamilyar. 'Di naman siguro,' isip niya.

Sumingit sa kanila ang itim na tikbalang. "Pacencia na po, Gat Panahon at Maria Makiling," bati nito na agad yumuko, ipinatong sa dibdib ang suot na salakot at lumuhod. Sumunod rin ang dalawa pang tikbalang na napatahimik sa takot at maging ang mga diwata sa paligid bilang pagbibigay-galang sa kanilang pinuno.

"Hindi po namin maayos na nabantayan ang lagusan at malaya silang nakapasok."

"Maraming salamat, Sergio," sagot ng dalagang tinatawag nilang Maria. Kayumanggi ang makinis nitong balat na halos magkulay ginto sa kintab. Ang buhok nitong abot sahig ang haba ay himalang hindi nagugulo na tila alaga sa suklay. Napapalamutian ito ng isang piraso ng pulang gumamelang nakadapo sa munti nitong tainga sa kaliwa. Walang mantsa at amoy hamog sa umaga ang puting damit nitong bahagyang natatakpan ang maselan nitong paang nakaapak.

'Gayang-gaya ng nasa picturebook,' komento ni Mike sa isip. Inalala niya ang mga kwentong pambata tungkol sa mahiwagang bantay ng Bundok Makiling. Hindi niya aakalaing makakasalamuha niya ito sa totoong buhay. Kahit siya'y medyo natakam na mabigyan ng gintong luya. Kahit ilang piraso lang, pambayad sa mga natalo niyang pusta sa online games.

Tinitigan siya nitong may halong lambing at pangamba. Itinaas ang isang kamay at ang mga tali sa braso ni Mike ay nagkabuhay upang siya'y pakawalan.

"Sabihin mo, munting lakan, saan ka natagpuan ng iyong agimat?" tanong ng dalaga nang may matamis na ngiti.

Sigurado si Mike na siya ang nakakita sa agimat at hindi ito ang nakakita sa kaniya ngunit pinili na lamang niyang sagutin ang tanong. "Ahm. Ah... sa labas po ng Quiapo church. Dun sa matandang babaeng nagtitinda ng mga necklace at bracelet." Himalang 'di nagtaka ang dalaga sa kaniyang dahilan na kahit si Mike ay 'di makapaniwalang nagkataon lang na s'ya ang nakabili ng mumurahing kwintas na 'yon.

"Taglay ng agimat na iyan ang huling lakas ni Bathala. Hindi dapat ito mapunta sa kamay ng mga hindi nararapat," babala nito sa kanitya. "Alisin mo sa isip ang iyong pagaagam-agam. Ang pagkakatagpo ng agimat sa iyo ay hindi nagkataon, kundi pagkakataon."

Bahagyang nagulat si Mike sa tinuran nito, kung paano nito nabasa ang kaniyang nasasaisip simula ng naengkwentro nila ang matandang anito.

"Ika'y pag-iingatan niyan ng lubusan. Ngunti marapat lamang din na ito'y suklian ng kapalit na pag-iingat. Sabihin mo, tagapangalaga, iyo bang gagawin ang lahat upang sundin ang iyong tungkulin?" seryosong tanong sa kaniya ni Maria na tila ba buhay niya ang kapalit.

"Ahm. Wait lang po," sagot ni Mike na magkahalong pagtataka at takot. "Grade 8 pa lang po ako. Saka may line of 7 po ako sa report card last year. Tatlong subject lang naman po. Sige, apat. Apat lang." Bago pa sumagot muli ang diwata ay sumingit sa kanilang pag-uusap si Sergio.

"Paumanhin muli, binibini, ngunit ang batang ito, sa tingin ko, ay 'di nararapat. Kung ako ang tatanungin, maghanap na lamang tayo ng bagong tagapangalaga."

"Ay, opo. Magandang ideya po 'yan," sabi ni Mike. Wala siyang ibang gusto ngayon kundi ang makauwi sa kanilang tirahan ng ligtas at kumpleto pa ang parte ng mga katawan.

"At bakit mo naman nasabi iyan, kabalyero?"

"Bago ko sila matagpuan sa liwasan, galing po sila sa bulwagan. Kay Reyna Ana."

Hindi maipinta ang reaksyon ng dalaga.

Napalunok si Mike sa susunod na mangyayari. Hindi na niya napansin ang punong datu na kanina pa pala sinisiyasat ang natutulog niyang ama sa gilid.

"Akin nang inalis ang tungayaw ng engkantada sa kaniyang ulirat," turan ng datu na tumayo ng maayos at napahawak sa sakbit na sandata sa beywang. "Nakita na ni Ana ang agimat. Maging ang tagapag-ingat." Nahuli ni Mike ang malalim na titig ng matandang diwata kay Maria na tila nangungusap. Lumingon ang dalaga sa direksiyon ng burol.

"Robin!" tawag nito. Sa isang iglap, nasa ibaba na ang binatang diwata na may pulang bandana sa ulo, hawak-hawak sina Mart na muntikan pang matumba at mahulog ang suot na salamin at ang kaniyang ateng si Maggie na bitbit ang mahimbing na natutulog na si Mac. Agad na inagaw ng binatang diwata ang kamay ni Mike para makipag-handshake.

"Hello. Name's Robin, the fastest umalohokan alive. At ikaw si Mike, ang bagong tagapangalaga."

Nagtaka si Mike kung paano siya nakilala nito.

"Oh, don't worry. Ikaw topic namin kanina ng maganda mong ate at matalino mong nakababatang kapatid on our way here. Tapos kanina, nung makita kita sa baba ng burol, sabi ko 'Ay, ito siguro 'yung tinutukoy nilang pasaway na kapatid.' Well, akala ko may katangkaran ang bagong tagapag-ingat pero no offense, bro. Mukha ka pa ring cool nung sinubukan niyong tumakas kanina. You're the man. Nice to meet you, bro," kwento nito nang hindi binibitawan ang kamay ni Mike.

Napatingin na lamang siya kina Maggie at Mart na kapwa napataas ng balikat, tila sinasabing, 'Gan'yan talaga siya.'

"Bata," tawag sa kaniya ng punong datu sa malakas na boses. "Sabihin mo, may pinagawa ba sa iyo ang engkantada? Pinilit ba niyang kuhanin ang agimat?"

Nagtaka si Mike sa mga tanong nito. Hindi niya maisip kung bakit tila ganoon na lamang ang turing nila sa engkantada. "Ahm. Wala naman po. Sa totoo nga po, pinagaling pa po niya si tatay at hinayaan kaming makabalik sa liwasan," tipid niyang sagot.

"Ang pinto ng simbahan? Nakapinid pa rin ba?" tanong sa kaniya ni Maria.

Naagaw ang kanilang atensyon ng isang malakas na pagsabog mula sa likuran, sa lagusan pabalik ng liwasan. Umalingawngaw ang mga sigaw sa dambana. Binalot ng kaba ang buong katawan ni Mike nang maalala ang ginawa niya. Nanigas ang kaniyang katawan, nanlabo ang paligid. Ni hindi na niya marinig ang tibok ng kaniyang puso.

"Nandito na sila," sabi ng dalaga sa matapang na boses. Nagtatakbuhan ang mga diwata sa paligid. Inilabas ng mga tikbalang ang kanilang sandata. Umuna sa kanila ang punong datu, hawak ng mahigpit sa mga kamay ang malaking espada, nakaabang sa lagusan.

Nilapitan ng kaniyang mga kapatid ang tatay nilang unti-unti nang nagigising.

Nabigla pa si Mike nang bigla siyang hawakan sa braso ni Sergio at tinitigan ng masama, "Anong ginawa mo?"

Napipi si Mike. Hindi niya alam ang isasagot. Naalala niya nang sirain niya ang pinto ng simbahan gamit ang agimat. 'Ano ba ibig sabihin non? Anong nagawa ko?' tanong niya sa sarili.

"Sergio!" tawag ni Maria. Binitawan ng tikbalang si Mike. Lumapit sa kaniya ang diwata. "Lakan, wala nang panahon. Kailangan niyo nang makalabas ng Balete. At tiyakin mong mapangangalagaan ng wasto ang basbas ni Bathala."

Walang maintindihan si Mike sa nangyayari. Punong-puno ng kalituhan ang kaniyang pag-iisip ngayon.

Tinanggal ng diwata ang gumamela sa kaniyang tenga at ibinigay kay Mike. "Maghawak-hawak kayo ng kamay at pitasin nang sabay-sabay ang talutot," bilin ng diwata.

Hinablot ni Mike ang bulaklak.

"Mag-ingat ka, lakan. 'Wag na 'wag magtitiwala sa kahit na sino. Gamitin ang utak at ang puso. Tiwala ko ay nasa sa iyo." 'Yun lamang bago naglahong parang bula ang dilag.

Nilapitan ni Mike ang mga kapatid at sinubukang sundin ang tagubilin ng diwata. Bumilog sila. Akay ni Mike at Mart ang kanilang ama at karga pa rin ni Maggie ang bunsong si Mac.

Bago sila tuluyang lumisan, nagtatakbo papunta sa kanilang pwesto ang punong-datu.

"Saglit, mga bata." Nilingon nila ito. "Kung inyong mararapating banggitin kay Nimpa. Mag-ingat siyang palagi, at huwag nang sayangin ang lakas sa pag-aalala sa akin."

Napanganga ang magkakapatid sa tinuran ng matanda.

"B-B-Ba't niyo po kilala si lola?" tanong ni Mike.

"Ako'y bumalik lamang sa dati kong tungkulin. Kailangan ako ng aking nasasakupan sa parating na digmaan. Binigyan ako ng isa pang pagkakataon ng mga anito na itama ang aking pagkakamali noon. Pakisabi—"

Isang malakas na pagsabog mula sa kaliwang bahagi ng dambana ang nagpatigil sa kaniyang pagsasalita. Nagsilabasan na ang mga bantay na tikbalang at ilang kapre ang pilit na bumubuhat sa bumagsak na haligi.

"Pakisabi, mahal na mahal ko siya. Hinahangad ko rin na makasama pa kayo ng mas matagal, mga apo," huling salita ng punong diwata bago naglaho.

Napuno ng usok ang dambana. Nahirapan na silang makakita.

"Lo? Lolo?" tawag nila ngunit natabunan na ang kanilang boses ng sigawan at kaguluhan. Napagtanto ni Mike na tama ang iniisip niya kanina, na kung bakit mukhang pamilyar ang punong datu na tinatawag nilang Gat Panahon.

"Kuya. Tara na," sambit ni Mart.

Napabalik sa reyalidad ang isip ni Mike. Nakahawak na sa talutot ang kaniyang mga kapatid. Siya na lamang ang hindi. Inayos niya ang braso ng kaniyang ama sa kaniyang balikat. Unti-unti na itong nagkakamalay.

"Pagkabilang kong tatlo," utos ni Maggie.

"Wait. Kasabay ng tatlo o pagkatapos?" singit ni Mike.

"Kahit ano. Pagkatapos na. Pagkatapos." Maging si Maggie ay naubusan na ng lakas na sumaway.

"Isa. Dalawa. Tatlo!" Tinamaan ng matinding sikat ng araw ang kanilang mga paningin, dahilan para mapapikit sila.

Ramdam ni Mike ang daloy ng hangin sa kanilang mga katawan. Nawala ang ingay sa paligid, maging ang halimuyak ng mga bulaklak. Napalitan ito ng amoy ng mga damong nabasa sa hamog ng umaga.

Iminulat nila ang mga mata. Inikot ni Mike ang paningin sa paligid—  ang kagubatan. Sa wakas, nakalabas na silang muli. Napahiga siya sa damuhan sa kapaguran. Sa kaniyang tabi'y nakaupo rin sina Maggie at Mart na mga kapwa nakangiti.

Mahimbing pa rin ang tulog ni Mac.

"Ah... Anong nangyari?" tanong ng bagong gising nilang ama. Sapo nito ang batok.

"Miguel! Miguel! Mga apo!" Nagmula ang sigaw sa kanilang kaliwa. Lumitaw sa pagitan ng mga talahib at punongkahoy ang kanilang lola at ina na nagtatakbo palapit sa kanila.

"Lola! Mama!" sabay-sabay nilang tawag. Iyon na 'ata ang pinakamasarap na yakap na naramdaman ni Mike buong buhay niya. Ang makitang muli ang kaniyang ina at lola, ang mapagmasdang muli nang buo ang kanilang pamilya. Ngunit may kumukulbit sa isipan ni Mike, may bagay na pilit lumalangoy palabas sa kaniyang diwa. Hanggang sa marinig niya ang ingay na iyon.

Humakbang ang kanilang lola palayo. Napaluhod ito at napahagulhol sa iyak.

Nagtaka sila sa ikinilos nito ngunit hindi si Mike. Nilapitan niya si Lola Nimpa at tinignan ang bakanteng lupa sa harapan nila. Pabilog at malawak. Walang tumutubong kahit na ano. Ang pwesto kung saan naroon dapat ang puno ng Balete. Ngunit hindi nagkakamali ang paningin nila. Sa gitna nito'y wala na ang puno. Naglahong bigla. Tila hinigop ng kung ano ang ingay sa paligid. Wala nang kuskos ng mga dahon o huni ng mga ibon. Ang tangi nilang namamasdan ay isang lupang tigang.

Hindi kayang pigilan ni Mike ang pag-iyak ng kaniyang lola. Napahakbang siya patalikod. 'Di niya namalayang tumutulo na ang luha sa kaniyang mga mata. Tinignan niya ang suot na kwintas. Hinawakan ng mga daliri ang patusok na agimat.

'Anong ginawa mo? Anong ginawa mo?' paulit-ulit niyang tanong sa isip. Sa unang pagkakataon, naramdaman niya ang kinahinatnan ng kaniyang mga pagkakamali. Pinilit niyang ituwid ang nanghihinang mga tuhod. Hinawakan nang mahigpit ang agimat at nagwika, 'Mike, anong gagawin mo?"

At iyon na siguro ang huling beses nilang pagpunta sa kagubatang iyon, sa bayan ng Kumintang, ang probinsyang taon-taon nilang binibisita.

Lingid sa kaniyang kaalaman, maging ng kaniyang mga kapatid na tatlong buwan lang ang lilipas bago sila muling tawagin ng kapalaran upang tuparin ang kanilang mga tungkulin.

*************************************************************

Yey!!!! Congrats po sa lahat ng readers na nakaabot dito. Sa wakas, natapos na ang first part ng story. Maraming salamat po sa pagsama sa mahabang flashback na ito. Hehehe.

I will post a special chapter after this, serving as a bookend for the first part (taray, wala pa sa kalagitnaan ng kuwento, may pa-epilogue na. hahaha.) just to add perspective sa mga nangyari so far. After that, transition na to present time. We'll go back to Manila para kamustahin ang magkakapatid sa kanilang susunod na adventures.

The next chapters were already outlined years ago. I might take a mega-overhaul at i-reshuffle ang events dahil kahit ako mismo, 'di inexpect ang cliffhanger. Paano ko ito iso-solve? Hahaha.

Guys, I need feedback po. Please let me know if you have any concerns with the ongoing story. Kung may sama po kayo ng loob, ilabas niyo na (ex. awtor, wala na po bang ihahaba 'to? aba'y padami po ng padami ang number of words kada chapter). Char.

So far, I had introduced the major players. I know may mga bagay an need pa ng explanations and background information. That is why may special chapter after this. Stay tune! I love y'all. 

Thank you for your patience. Enjoy reading and do not forget to vote and comment any suggestions and/or reactions. Have a nice day!

-- Catam, B.C.A. of Klab Maharlika

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top