14 Ang Engkanto
Ika-Labing Apat na Kababalaghan
Ang Engkanto
Nung sandaling nakita niyang palapit na ang bantay na tikbalang, hindi alam ni Mike kung saan s'ya kumuha ng lakas at liksi upang makakilos agad sa gitna ng kaguluhan.
Habang nakikipagpatintero sa mga maligno sa kaniyang dinaraanan, palinga-linga s'ya sa kaniyang bulsa kung saan niya itinago panandalian ang nakilala nilang duwende para makatakbo s'ya ng mas mabilis. Hindi n'ya marinig kung anumang sinisigaw nito,
"Aray!" Napahinto s'ya saglit nang maramdamang may kumagat sa kaniyang hita.
"Palabasin mo 'ko!" sabi nito. Ngunit bago pa s'ya makaisip ng gagawin ay nasita siya ng dalawa pang bantay na tikbalang na handa nang ihampas sa kaniya ang mga hawak na itak anumang oras.
"Dito, bata!" tawag ng isang mahinag boses sa kaniyang kaliwa. Isang lalaking nakasuot ng puti ang nakatingin sa kaniya, bahagyang nakayuko at nakaturo ang mga daliri sa isang madilim na lagusan.
"Bilisan mo!" Maputi ito, matangkad at kasing-dilaw ng mais ang makapal na buhok. Nagdalwang-isip si Mike pero nang masilayang muli ang matatalim na sandata ng palapit na tikbalang ay minabuti na niyang tumakbo papunta sa misteryosong lalaki na Justin Bieber-wannabee.
"Ama Believer." Yumuko si Mike nang muntikan na siyang mataga ng isa sa mga bantay. Kung paano siya nakaiwas at nakaalis ng mabilis ay hindi niya alam. Agad siyang pumunta sa likuran ng lalaki.
"Tulungan mo 'ko," sabi nito sa kaniya. Nakita ni Mike ang tinutukoy nito - isang bunton ng mga basket na gawa sa kawayan. mga tatlong tao ang taas nito. Nakatauwid ang mga braso ng lalaki at tila nahulaan na ni Mike ang gusto nitong gawin.
Nasilip niyang palapit na ang mga tikbalang.
"Isa. Dalwa. Tatlo," sabay nilang bilang at itinulak ang bunotn ng mga basket sa pwesto ng mga bantay. Natabunan sila. Hindi na inalam pa ni Mike kung anong nangyari sa kanila.
"Dito tayo." Sinundan niya ang lalaki papasok sa madilim na lagusan. Kasing bilis ng tibok ng puso niya ang kanilang pagtakbo. Ramdam ni Mike ang pagkuskos ng pendant ng kaniyang kwintas sa kaniyang balat. Kahit walang makita, patuloy siya sa pagkilos. Tanging ang puting damit ng misteryosong lalaki ang nagbibigay ng liwanang sa dinaraanan nila.
Mga ilang minuto silang tumatakbo. Paliko-liko. Palalim ng palalim sa lagusang iyon. Hindi na marinig ni Mike ang ingay ng liwasan sa kaniyang likuran. Hinihingal na siya at pinagpapawisan ngunit tila hindi napapagod ang puting lalaki, nagdesisiyon siyang huminto muna panandalian.
"Thank you. Tumigil ka din. San? San ba tayo pupunta?"
"Saan pa, edi sa taong iyong hinahanap." Kasingputi ng tisa ang mga ngipin ng lalaki. Kulay asul ang mga mata. Matangos ang ilong. Mukhang artistahin. Nagliliwanag ang buo nitong katawan na tila ba sinasabing 'i-worship mo 'ko' sabay hawi ng kaniyang gintong bangs.
"Kay Mac? Nakita mo ang kapatid ko?" hingal na tanong ni Mike.
"Hindi. Nasa pangangalaga na siya ng mga diwata at papunta na roon ang mga kapatid mo." Saka lamang pumasok sa isip ni Mike na napahiwalay pala siya kina Maggie at Mart.
"Papunta tayo ngayon sa kinaroroonan ng iyong ama." Hindi alam ni Mike ang mararamdaman. Halos nawaglit na rin sa isip niya na nawawala nga rin pala ang kaniyang tatay. Naalala niya bigla kung gaano it kagalit sa kaniya kahapon nung huli silang magkita bago ito lumusong sa kagubatan.
"Teka, hindi ka ba isa sa mga diwata?"
"Hindi. Isa 'kong engkanto. Kaiba kami sa kanila." Hindi na nagtaka pa si Mike dahil base sa mga nakita nilang diwata kanina sa liwasan, ang kausap niya ngayon ay hindi mukhang Pilipino, mukhang banyaga. Napakaperpekto ng itsura nito maliban sa isa - walang guhit sa pagitan ng ilong at labi nito. Kaiba rin ang suot nitong putting damit.
"Bueno. Humayo na tayo."
"Teka. Teka. Teka," pigil niya ditto. "Ba't naman ako magtitiwala sayo?" sa dami ng malignong nakasalamuha ni Mike sa nakalipas na dalawang araw, hindi na niya alam kung sino ang dapat pagkatiwalaan.
"Bata, sa sitwasyon mo ngayon, ako lang ang natatangi mong pag-asa." Kaunti na lang, mapapaniwala na siya sa kislap ng mga ngiti nito. Ngunt iba ang nararramdaman ni Mike, nakaaamoy s'ya ng panganib.
Hinawakan niya ang suot na pendant at nakita niyang bahagyang napaurong ang engkanto. Naagaw ang atensyon niya sa bagay na gumagalaw sa kaniyang bulsa.
"Bata! Hanggang kailan mo 'ko pababayaan dito?" Binitawan ni Mike ang agimat at kinuha sa bulsa ang kawawang duwende.
"Pwe! Ang bantot, ah. Amoy panis na sopas. Ikulong mo pa 'ko uli d'yan, makikita mo talaga-" Napatigil siya sa pagsasalita noong masilayan ang lugar kung nasaan sila. Nakita nito ang nagliliwanag na lalaki.
"Anak ng kapre. Isa 'yang engkanto!" Nagulat si Mike sa bulalas nito,
"Bata, bakit tayo nandito? Hindi mo alam kung anong pinasok mo?" Hindi niya maintindihan ang mga sinasabi nito na para bang nagpapatunay lamang ng kutob niya. Hinarap niya ang nakangiting engkanto.
"Sino ka ba?" sigaw niya rito.
"Ako? Sinabi ko na sa'yo, bata. Ako ang iyong pag-asa." Binalot ng nakasisilaw na liwanang ang lalaki. Napapikit si Mike at ang hawak na duwende. Pagmulat n'ya, nag-iba na ang anyo ng kausap niya.
Ang kaninang maputi at makinis nitong balat ay kumulubot at umitim. Wala ng saplot ang engkanto at kita ang mga maitim pa sa uling nitong balat sa dibdib hanggang paa. At ang mukha nito, nakakatakot. Lumaki ang mga mata nito na halos luluwa na. Ang malagong gintong buhok ay naging ilang piraso na lang at halos makalbo na ang ulo nitong kakaiba ang porma. Walang ilong at kita ang lahat ng ngipin. Kita dahil wala ng labi, parang napunit ang balat nito sa mukha at nasisilip na niya ang kabuuan ng bungo nito. Maputi pa rin ang mga ngipin na tila ito lang ang natirang puti sa buo nitong katawan.
Tumaas ang mga balahibo ni Mike sa kaba.
"'Wag ka ng magpumiglas pa, Maginoo. Dadalhin na kita sa aming reyna," sabi nito sa napakababa at garalgal na boses.
"Nanay ko po!" usal ng nanginginig na duwende sa palad ni Mike. Ang tanging nasa isip ni Mike ay tumalikod at tumakbo sa abot ng kaniyang makakaya ngunit hindi niya inaasahan ang sumunod na nangyari.
Lumitaw sa pagitan n'ya at ng engkanto ang isang parihabang kahon na gawa sa kahoy at salamin ang ibabaw - isang lumulutang na kabaong. Bumukas ito at binunggo siya. Naitapon niya sa kung saan ang hawak na duwende. Natumba si Mike sat tumilapon ang kaniyang katawan sakto sa loob ng kabaong. Mabilis na sumara ang salaming pinto nito.
Binalot ng takot ang buong katawan ni Mike. Gusto niyang sumigaw ngunit walang lumalabas na boses. Sinubukan niyang pukpukin ang kabaong pero tuluyan na siyang nakulong. Mas dumilim pa ang paligid ng bigla itong gumalaw, dinadala siya sa kung saan.
"Aaahhh! Ilabas mo 'ko dito, Justin, I will never say never." Mabilis ang paglipad niya. Para siyang sumakay sa conveyor na singbilis ng MRT.
Biglang huminto ang kabaong. Nauntog pa siya sa salaming pinto bago ito bumukas. Bumangon siya at bumaba mula sa lumulutang na ataul. Madilim ang paligid ngunit naaninagan niya kahit papaano.
Boom! Boom! Gumuhit ang kidlat sa langit na siyang tanging nagbigay ng panandaliang liwanang. Ang kaniyang kinaroroonan ay walang katapusang parang - bakanteng lupa na walang tumutubong kahit na ano. At 'di niya makita ang pinanggalingan nila o kahit anong hangganan. Napatanong siya sa sarili kung parte pa ba ito ng Kaharian ng Balete.
Nawala na ang duwende, ang lumilipad na kabaong at ang artistahing engkanto. Sinubukan niyang humakbang. Malamig ang paligid kahit walanmg umiihip na hangin kaya napakapit pa siya sa sariling braso.
Boom! Boom! Muling kumidlat ang langit. Langit na walang ulap, walang buwan at kahit isang bituin. Hinuha ni Mike, hindi ito totoong langit at nasa loob pa rin siya ng Balete.
Sa 'di kalayuan ay may naaninagan siya. Isang simbahan. Ang nag-iisang istrukturang malungkot na nakatayo sa gitna ng walang katapusang parang. Katamtaman ang laki, gawa sa tisa at bato, at may liwanag na nagmumula sa loob nito. Iwinasto niya ang lakad patungo sa direksyon nito.
Ilang metro na lang nang biglang narinig niya ang mga nakakatakot na ingay. Napalingon siya. Isa-isang lumabas ang mga nilalang na nakaputi. Lima. Sampu. Pitumpu. Dalawang daan. Mabilis ang pagdami ng mga engkanto't engkantada. Iba-iba ang kulay ng kanilang buhok at mga mukhang banyaga. Bawat isa ay may hawak na kandila na hindi rin naman nagpaliwanag sa madilim na paligid. Napapalibutan na siya kaya mas binilisan n'ya ang takbo.
Inakyat n'ya ang hagdan ng simbahan. Mula sa malaking pinto nitong gawa sa salamin ay nasulyapan niya ang loob. Inilapat niya ang mukha at kinilanlan ang isang lalaking nakahiga sa loob ng simbahan. Nakasuot ng asul na kamiseta.
"Tay!" tawag ni Mike. Ginalaw niya ang pinto ng buong lakas ngunit hindi ito bumubukas. Sinibukan niyang itulak at sipain. Napalingon siya sa paligid. Ang mga engkanto'y nagsimula ng magpalit-anyo sa kanilang tunay na itsura.
"Tay!" sigaw niya. Tila may enerhiyang pumapalibot sa kabuuan ng simbahan. Hindi niya alam ngunit may nagtulak sa kaniyang pigtasin ang suot na kwintas. Tinitigan niya ang nagliliwanag na agimat at walang kalanto'y lanto'y na ipinukol sa malaking pinto.
Isang malakas na pwersa ang nagpabalikwas sa kaniya palayo, hangin na singlakas ng bagyo na binalutan ng ilang hibla ng kueryenteng nagpakirot sa balat niya bago tuluyang tumama amg katawan niya sa sementadong hagdan.
Nakaramdam siya ng panghihina, ng udyok na humimbing na lamang ngunit pinigilan niya ito. Pagmulat niya, basag na ang salamin ng pinto at hindi na rin niya naririnig ang mga ingay ng mga engkanto.
Dali-dali siyang tumayo. Ininda ang hilo. At tumakbo patungo sa kaniyang amang nakahilatay. Pinasok niya ang loob ng simbahan. 'Di tulad ng karaniwan, wala itong altar o mga krus. Ilang sulo lang ng apoy sa pader ang nagbibigay liwanag dito.
Sa kisame nakaguhit ang ilang imahe - hindi mga santo ngunit alam ni Mike na mga anito ito. Isang dilag na may suot na mahabang damit na gawa sa iba't-ibang uri ng anyong-lupa at anyong-tubig, katabi ang isang batang lalaki na may hawak an sandata at isang batang babaeng may nakadapong paru-paro sa balikat. Sa kabilang sulok naman ay isang matikas na ginoong nakasakay sa higanteng tamaraw. Sa gitna nila'y may isang matangkad na lalaking may mapupungay na mata, nakangiti ang manipis na labi, at may isang pares ng malalaking pakpak ng ibon sa likod - may hawak itong gintong singsing at tila dito nakalan ang tingin ng dilag at ginoo sa magkabilang tabi.
Bago maagaw ang kaniyang atensyon ay minabuti niyang ikabit muli ang kwintas sa kaniyang leeg. Nilapitan niya ang walang malay niyang ama sa marmol na sahig ng simbahan.
"Tay?" Hinipo niya ito. Mataas ang temperatura. May ilang galos ito sa katawan. Ngunit mahimbing ang pagkakatulog.
Hmm. Hmm. Narinig ni Mike ang malambing na boses na 'yon. Tila kumakanta. Umihip ang kanina pang nakatigil na hangin.
Sa kaniyang harapan ay nagpakita ang isang mahaba at nagliliwanag na puting tela. Unti-unti itong nagkalaman- isang napakagandang dalaga na nakasuot ng bridal gown. Mala-brilyante ang kinis ng balat at mala-anghel ang mukha. Kahawig ng imahe sa kisame ngunit wala na ang bakas ng kainosentehan. Inilapag nito ang mga paa sa sahig na bagama't natatakpan ang mahabang laylayan ng gown ay alam ni Mike na kanina pa ito lumulutang. Singkintab ng batis sa gabi ang hibla ng itim na buhok nitong hanggang sahig ang haba.
"Ginoo," tawag sa kaniya ng engkantadang may mapupulang labi. May gatuldok na nunal malapit sa bibig nitong nagpadagdag pa sa kagandahan ng dilag. Imbis na matakot, bahagya pang napakalma si Mike sa malambing nitong tinig.
"Ramdam ko ang lubos mong pangamba," maluha-luha nitong simpatiya sa kaniya. Bahagya itong lumuhod upang tignan siya ng mabuti sa mata, ilang segundo bago nito ibaling ang paningin sa kaniyang amang mahimbing pa ding natutulog sa pagitan nila.
Hinaplos ng dilag ang mga sugat nito na unti-unting naghilom.
"Natagpuan siya ng aking alaga sa labas ng Balete. Kaya't akin s'yang agad na ipinasok rito upang pagalingin at makaiwas sa panganib sa labas," mahina nitng salaysay. "Sa aking hinuha, siya'y iyong ama. Tama ba? Nakakatuwa naman ang pagmamahal ng mga anak sa kanilang magulang." Napangiwi si Mike ng 'di sinasadya, iniisip kung ganoon nga ba ang relasyon n'ya sa kaniyang tatay. Naalala niya ang dalawang bata sa imahe sa kisame.
"Ahm. Ikaw ba ang nasa itaas... at mga anak mo?" tanong ni Mike. Napatingala ang dilag na tila nalungkot.
"Noon. Nawa'y naging kawangis ng iyong ugali ang aking mga supling. Ako si Ana, bantay ng mga engkanto't engkantada. 'Wag ka ng mag-alala, Ginoo. Ang iyong ama'y nasa mabuting kalagayan."
Hindi alam ni Mike ang isasagot ngunit pinilit n'yang may lumabas na salita sa nanunuyot n'yang labi, "Salamat." Ngumiti ng kay tamis ang dalaga.
Sinubukan nitong ilapit ang malambot nitong kamay sa mukha ni Mike pero tila may nagtulak sa kaniya na umiwa. Nararamdaman niya ang pagtaas ng temperatura ng kaniyang agimat.
"'Wag kang matakot," sambit ng dilag. Hinayaan ni Mike na ilapat nito ang palad sa kaniyang kanang pisngi na 'di niya namalayang may galos pala at tumutulong dugo. Unti-unti rin itong naghilom. Napatulala na lang s'ya sa nakabibihagning ganda ng engkantada. Ang mga mata nito'y tila balong 'di nauubusan ng tubig.
Bumaba ang direksyon ng kamay ng dilag malapit sa leeg ni Mike. Daglian s'yang napabalikwas. Nawala sa kung anumang engkantasyon. Napabaling ang pansin ni Mike sa kumikinang sa leeg ng dalaga. Sumisilip sa suot nitong walang kadungas-dungas na gown ang isang gintong kwintas - mga isang pulgada ang lapad na mahigpit na nakapaikot sa maputi niyang leeg.
Napaigtad din ang dilag at pilit tinakpan ng kwelya ang ginto sa kaniyang leeg.
Isang maliwanag na guhit ng kidlat kasunod ng malakas na kulog ang nagpagising sa kanila.
"Ahaha. Pasensya na sa aming bulwagan," palihis na sabi nito. "Malungkot pero 'di malilimutan. Lalo na ang mga nakadamayan kong mga kaibigan rito." Tumayo ang dalaga. Ipinagpag ang mga kamay sab binti at itinuro ang gawing kaliwa.
Sa sulok ng bulwagang iyon, lumabas mula sa dilim ang isang bolang bughaw - nagliliyab ngunit walang maramdaman si Mike na init. Unti-unti itong naghugis-tao, isang maliit na batang gawa sa apoy - walang bakas ng mukha. Nagtatalon itong lumapit sa dilag na parang paslit na nanghihingi ng kendi.
Nagulat pa si Mike ng akalaing masusunog ang suot na gown ng engkantada. Naalala niya ang kwento ng kaniyang ate kaninang madaling-araw tungkol sa engkwentro nila sa isang santelmo.
"Ito si Marikit, kaibigan kong santelmo," pagpapakilala ng dilag. "Ikaw, anong iyong ngalan?"
Napaisip si Mike ngunti 'di na rin n'ya napigilang sumagot. "M-M-Mike." Hindi niya alam kung bakit ngayo'y napipi siya't halos wala ng maibigkas na salita.
"Mike, aking nababatid ang taimtim mong hangarin na mailigtas ang iyong ama at makabalik sa mundo sa labas." Hinawakan ni Ana ang kamay ng makulit na santelmo. "'Wag kang mag-alala. Tutulungan ka ni Marikit na makarating sa iyong hinahangad. 'Wag mong kalilimutang dumalaw. Hanggang sa muli na'ting pagkikita, Mike."
Unti-unting bumilog muli ang santelmo, lumaki amg sukat bago lubusang bumulusok sa kinapupwestuhan nilang mag-ama. Natabunan ng nagniningning na liwanag ang kaniyang paningin.
Pagmulat niya'y wala na sila sa bulwagan ng mahiwagang engkantada. Naglahong tuluyan ang madilim na paligid at bumungad ang napakaraming malignong nagtatakbuhan - sa gitna ng liwasan. Sa kaniyang lapag ay naroon ang tulog pa rin niyang tatay.
Sinubukan niyang alalayan ito sa pagtayo. Ngunit nakakailang hakbang pa lang sila'y-
"Timawa!!!" sigaw ng ilang nunong napatigil sa kanilang pagmamajong. Mga daliri'y sa kanila nakaturo.
Alam ni Mike na wala na silang takas. 'Di lumagpas ang dalawang segundo'y bumulaga sa daraanan nila ang tatlong matitikas na tikbalang hawak ang kanilang mga sandata. Isang salita lamang ang kaniyang huling nabanggit - "Patay."
*************************************************************
Awit! Ang intense. Iba talaga nagagawa ng Quarantine.
Kamusta, guys? Okay ba kayo d'yan? Mga buhay pa ba? Opo. Ako man din. Let's spend some time to read and support stories of other undiscovered writers here in Wattpad.
The next one will be the conclusion of the first arc. It was originally part of this chapter kaso ako mismo'y hinihingal sa haba nito. Hehehe. So, I decided na i-continue ang story on next chapter still with Mike's POV.
Ano na nga ba ang nagyari kina Maggie at Mart sa dambana ng mga diwata? Anong papel ang gagampanan ni Ana sa paglalakbay ng mga kapatid? Ano na ang kahihinatnan ni Mike ngayong nahuli na siya ng mga bantay na tikbalang? Makalabas pa kaya sila ng ligtas sa Kaharain ng Balete? Lahat ng 'yan sa susunod na kabanata - "Ang Dambana".
Thank you for your patience. Enjoy reading and do not forget to vote and comment any suggestions and/or reactions. Have a nice day!
-- Catam, B.C.A. of Klab Maharlika
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top