13 Ang Liwasan
Ika-Labintatlong Kababalaghan
Ang Liwasan
A hidden dimension between worlds. 'Yan ang lumalaro sa isip ni Mart habang tinatakasan nila ang mga maliliksing bantay. Kaya itong ipaliwanag ng sensya, hinuha n'ya. Siguro totoo nga ang teorya tungkol sa parallel worlds.
"Maligayang pagdating sa Balangay ng Batangan," bati ng duwende sa balikat ng Kuya Mike niya. "Maiwan ko na kayo, may gagawin pa ako."
"Hep. Hep. Hep," bago pa ito makatalon palayo ay dinampot na ito ng kaniyang ateng si Maggie sa maliit nitong berdeng kamiseta. "At saan ka pupunta?"
"Baket? Nagawa ko na ang gusto niyo? Nakapasok na kayo sa loob!"
"Ang ginto?"
"Ay, malamang naman na 'di niyo rin 'yan ibibigay sa akin dahil kung sakaling may makakita sa inyong maligno, na 'di malayong mangyari, baka 'di na kayo makalabas ng buhay."
"Ganon ba? Nakakita ka na ba ng 'Inup-ang Duwende'?"
"Hmm. Sang recipe 'yan?"
"Ahh, sir." Minabuti ng sumingit ni Mart. "Kahit sana sabihin n'yo sa amin kung saan makikita ang mga diwata?"
"Oo na. Oo na. sige na." Ibinalik ni Maggie ang duwende sa mga palad ni Mike.
"Sa suot niyong 'yan, madali kayong makikilala. Mabuti pa'y maghanap na muna tayo ng pampalit d'yan sa basura n'yong damit."
Sabay-sabay na humakbang palabas ang magkakapatid at natanaw nila ang napakalawak na liwasan. Kasya ang mga tatlong basketball court.
Ngunit nagmistula itong lumiit at sumikip sa dami ng mga malignong naroroon. Iba't-ibang klase. Karamihan ay mukhang tao - kayumanggi ang balat, itim ang mga buhok, lalaki at babae, mga bata, matanda, dalaga at binata. Lahat sila'y nakaapak.
Ang mga kababaihan ay naka-baro, hanggang siko ang manggas, at may sayang abot sakong. Iba't-iba ang kulay ng kanilang damit na napapalamutian ng mas matingkad na tapis sa beywang, sa kwelyo o sa buhok.
Ang mga kalalakihan naman ay naka-kamisetang walang kwelyo. May ilang hanggang pulso ang manggas, may ilang hindi. May mga nakapantalong maluwag. May mga nakabahag. May mga nakapantalon at nakabahag. At may mga telang nakapatong sa ulo nila.
Kapansin-pansin din ang nagkikintabang mga alahas sa leeg, braso at paa nila, tila ba bumalik sila sa lumang kabihasnan. Tulad ng mga imaheng nakikita n'ya lamang sa libro ng Araling Panlipunan.
"Mga diwata," sabi sa kanila ng duwende. Ibang-iba sa na-imagine ni Mart. ''Di ba dapat may suot silang butterfly wings ta's may hawak na wand?', tanong niya sa sarili.
Nagkalat din ang mga kakaibang nilalang sa paligid. Mga maliliit na tao. Mga matatandang nuno na nakaupong-palaka sa ibabaw ng kaniya-kaniyang punso at nagbabasa ng pinakabagong dyrayo mula sa katabing bangketa.
"Ano pang isang tawag sa agila?" tanong ng isa
"Ilang titik?" sagot ng katabing nuno.
"Lima. Nagsisimula sa B-A?"
"Ba-Banoy!"
"Aha. Tama."
Bahagya pang napaurong si Mart ngang makita ang ilang umiikot na Tikbalang na may mga kipkip na itak. Nagkalat din ang ilang higanteng kapre na namimili ng brand ng tabako. At mayroon pang nilalang na ang ulo't katawan ay sa babae ngunit ang pang-ibaba ay sa kabayo. Parang babaeng bersyon ng centaurs.
Abala ang bawat isa. Tabi-tabi ang iba't-ibang klase ng pamilihan. May nagtitinda ng sandata. Mga kasangkapan sa kusina. Appliances. Mga puto't panghimagas na kulay itim. Sariwang gulay, prutas at halamang-ugat.
Nakahanay ang mga ito sa gitna ng liwasan. Tumingala si Mart. Limang palapag ang taas ng kisame na gawa sa matitibay na baging ng Balete. Sumisilip sa makikitid nitong siwang ang liwanag at huni ng mga ibon. At ang sahig na kanilang tinutuntungan ay sariwang lupa.
"Ooohhh!!!" paghanga ng magkakapatid.
Theory of Parallel Worlds, bulong ni Mart sa sarili.
"Dito tayo," turo ng duwende sa bandang kaliwa. "Yuko! Yuko!" Agad namang sumunod ang tatlo at patagong gumilid sa isang tindahan. Nakasampay rito ang iba't-ibang klase ng damit. Nasilip ni Mart sa loob ang matandang diwatang bantay na mahimbing na natutulog.
"Ito. Ito. Pwede na 'to." Itinuro ng duwende ang ilang lumang bistida sa ibabaw ng bunton ng mga hinalukay na damit.
"Seriously?" ismid ni Maggie. Napakalakas ata ng boses niya kaya biglang napatingin sa pwesto nila ang isang kapre. Nagtago sila sa likod ng bintana at walang reklamong isinuot ang mahahabang bistidang kupas at walang kulay.
"Ayan! 'Di na kayo kahina-hinala."
"Now what?"
Boom! Boom! Boom! Halos hindi na sila magkarinigan dahil sa malakas na tunog ng tambol at biglaang pagtitipon ng ilang diwata at maligno 'di kalayuan sa kanila. Nakatalikod ang mga ito at nagkukumpulan sa kung sinumang nasa gitna.
Hindi nila naiwasang makinig sa usapan.
"Mahalagang Anunsyo, mga kaibigan -," sigaw ng matikas na boses ng isang binatilyo. Lumapit sila sa likuran ng mga maligno at sumilip sa siwang. Katabi ng malaking tambol ang isang binata, mga kasing-edad ng kanilang Ate Maggie. Kaiba sa mga diwata, nakasuot ito ng pinaghalong makaluma at modernong kasuotan. Ang asul na kamiseta nito, bagamat istilong kamisa de chino na pinutol ang manggas at nakalabas ang maninipis na braso, ay may tatak sa harapan na "Han Shot First". Naka-fit itong denim jeans na inibabawan ng makulay na bahag. Komportableng sandalyas ang suot nito sa paa.
May sakbit itong itim na sling bag at may hawak na piraso ng kawayan na may mga nakaukit na letrang hindi nila maintindihan. May suot itong pulang bandana sa magulo at malago nitong buhok.
Kahit tila walang gana ang mga tagapakinig ay nakangiti itong binabasa kung anumang nakasulat sa kawayan.
"Ang Umalohokan. S'ya na naman," usal ng duwende.
"Sino siya?" tanong ni Maggie ng hindi inaalis ang tingin sa binatilyo.
"Mensahero ng mga anito. 'Wag kayong palinlang, tuso ang kagaya nila." Ibinalik ni Mart ang tingin sa binatang tila inosente naman sa mga paratang ng duwende.
"Gustong ipag-bigay-alam ng ating Lakan na matutuloy ang piging ngayong ikaanim na gabi ng bilog na buwan sa kabila ng pansamantalang pagkawala ng harang sa paligid ng Balete," pagpapatuloy ng mensahero.
"Kababalik lang niya, iho!" sambit ng isang tikbalang. "Anong alam niya sa inilagay na proteksyon ni Lacan Bacod? Maraming taon s'yang nawala."
"Dahilan 'to upang lusubin uli tayo ng mga timawa.", singit ng isang nuno. "Walang proteksyon ang puno. Kahit ano'y maari ng gawin ng mga tao. Hindi ba kayo natatakot?" Nagbulung-bulungan ang mga nakatipong maligno. Hindi makasagot ang binata.
"Ahh. Mmm... Walang dahilan para mangamba."
"Naku po! Baka putulin nila ang Balete!!"
"O kaya sunugin!"
"Ay naku! Ay naku! Nagsimulang lumakas ang ingay.
"Nasaan na ang batang timawa na natagpuan sa labasan?" tanong ng isang tikbalang.
'Bata?' bulong ni Mart. Hindi kaya si Mac 'yon?
"Nasa pangangalaga na ng mga diwata," sagot ng umalohokan.
"At bakit? Matagal ng lumisan ang mga mortal sa balangay na 'to. Hindi kaya s'ya ang nagbura sa proteksyon?" tanong ng isang kapre sa gilid. Nagbulung-bulungan muli ang mga maligno. May kaniya-kaniyang hinuha sa nangyari.
"Ah, 'di ko na masasagot 'yan. Sa ibang balita..." Bumalik ang binata sa pagbabasa ng kawayan. "Isinilang na ang ika-walong anak na babae ng Lakambini ng Tayabas -," Nag-alisan na ang ilang malignong walang interes sa tsimis.
"Teka lang. Teka lang. wala pa ko sa balitang sports at ulat-panahon," pigil niya sa mga ito. Sinubukan pa n'yang pukpukin muli ang tambol.
"Sabihin mo, ang kapatid ba namin ang tinutukoy nila?" tanong ni Mike sa duwende.
"Ah... Siguro? Alam mo kung ako sa inyo nagmamadali na tayo."
"Saan nga kami pupunta?"
"Sa may dambana - ang tirahan ng mga diwata. Malamang doon siya pansamantalang nanatili."
"Saan?"
"35 degress North." Nilinga ni Mart ang direksyong tinutukoy ng duwende. Ilang metro ang layo, makalagpas ng mga tatlong bangketa ng mga gulay at inuming alak, makikita ang isang lagusang napalilibutan ng dahon.
"Tara na!" utos ng kaniyang ateng si Maggie. Sinubukan nilang humakbang pero sagabal sa kanilang paglakad ang mahabang laylayan ng suot nilang bistida.
"Eschus me, Miss." Nagulat sila sa biglang pagharang ng isang matandang nuno sa harap nila. Hanggang beywang ang tangkad nito, nakasuot ng salakot sa ulo at may hawak na bigkis ng lantang bulaklak.
"Pwede bang magpakilala? Ako pala si Nuno. Nuno Mulak. 150 years of age pero mukhang bata pa din," bati nito kay Maggie habang nakangiti ang maiitim na ngiping may nginunguya pang salagubang. Kita ni Mart kung paanong mamula sa hiya ang kaniyang ate.
"Ah. Para sa'yo pala." Iniabot ng nuno ang bulaklak. Hinablot ito ni Maggie ng nakangisi. "Ih. Hihi. Nice to meet you, too."
"Madalas ka ba dito, binibini. Ngayon ko lang kasi nasilayan ang iyong kagandahan sa apat na sulok nitong bayan."
"Ah. Hehe. Hindi masyado."
"Tabi, d'yan, tanda." Sinipa ng isang kapre ang nuno ng walang awa at iniabot ang hawak nitong buwig ng saging.
"Hi, Miss. Saging ka ba?"
"Hinde." Nagdalawang-isip pa si Maggie sa pagtugon. "Baket?"
"Kasi gusto ko lagi sa PILING mo. Wahahahaha!" parang kulog na halakhak ng kapre.
"Hoy, higanteng tuod! Ako ang nauna d'yan," sigaw ng nuno na nakatayo agad at pilit na itinutulak ang malaking binti ng karibal.
"Oh, ate. Mamili ka na," pang-aasar ni Mike.
"Gusto mong batukan kita uli. Bilisan na natin habang nagtatalo pa sila." Sinubukan nilang kumilos paalis ngunit 'di sinasadyang matapakan ni Mart ang laylayan ng suot na bistida. Nadapa siya. Punit ang suot na tela at lumantad ang modernong kasuotan. Napunta ang atensyon sa kanila ng nagtatalong maligno.
"Sabi ko na nga ba!" Nanlaki ang mata ng nuno. "Kaya pala kakaiba ang amoy n'yo? Mga timawa!" sigaw nito at pinagtinginan silang tatlo ng iba pang mga malignong malapit sa pwesto nila.
"Mga timawa! Dalhin sa Lakan!" sigaw nila. Agad na bumalik sa pagkakatayo si Mart. Nagkapit-kamay silang magkakapatid habang pinaliligiran ng mga usiserang maligno.
"Anong pinagkakaguluhan n'yo?" Hinawi ang kumpulan ng isang makisig na tikbalang. Ang kamao nito'y nakapatong sa hawakan ng sakbit na itak sa beywang.
Mabilis ang pangyayari. Nakita ni Mart na hinubad ng Kuya Mike n'ya ang suot na bistida at itinapon sa pagmumukha ng natarantang tikbalang. Ipinasok nito sa bulsa ang duwende at naghandang tumakbo.
"Mga timawa!!!!" Nagtatakbuhan ang mga maligno sa panic. Walang maaninag si Mart. Dahil sa kaguluhan, naharangan ang kanilang daraanan. Ilang beses s'yang nabunggo ng mga diwata at maligno. Sinubukan n'yang hubarin ang suot na bistida para makakilos ng maayos.
"Attteee!" tawag n'ya at pilit hinanap ng paningin ang mga kapatid. Sa gitna ng kaguluhan, Nakita n'ya si Maggie sa katabing tindahan ng mga kawali.
"Mart!" tawag nito. Isiningit n'yang pilit ang katawan sa mga nagtatakbuhan.
"Dito tayo," rinig n'yang sambit ng isang binata. Nakita n'yang iniabot nito ang kamay kay Maggie. Ang mensahero. Pinagbigyan ng kan'yang ate ang alok ng umalohokan at tahimik na nagtanguhan. Naghawak-kamay sila. Itinuwid ni Mart ang bisig at sa wakas ay nakakapit s'ya sa isa pang braso ni Maggie.
"Aahhh," sigaw n'ya sa biglang paghangin ng malakas. Nag-blurred ang paligid. Para silang lumulutang, maliksing lumilipad at umiiwas sa mga nakaharang na maligno. Singbilis ng roller coaster pero walang seatbelt.
Ilang segundo lang ang lumipas at biglaan din ang kanilang paghinto. Muntikan na s'yang matumba at tumama ang ulo sa lupa. Buti na lang ay agad s'yang nasalo ng kan'yang ate at nasagip ang muntikan ng malaglag na salamin sa mata.
Hinawakan ni Mart ang sintido sa pagkahilo. Masusuka na ata siya.
"Pasensya na, bata," sambit ng binatang nasa tabi pa rin nila. "At binibini." Ngumiti ito kay Maggie sabay kindat.
"Anong nangyari?" tanong ni Mart sa mensahero. Mas matangkad pa ito sa kan'yang ate na ngayon ay nakatulala at hinigop ang tumutulong laway.
"Well, iniligtas ko lang naman kayo sa gitna ng ramble. At pakiramdam ko hindi matutuwa ang Lakan 'pag naisipan n'yang bisitahin ang liwasan."
Blaggg! Rinig nila ang pagkabasag ng ilang muwebles sa 'di kalayuan. Nasa likod sila ng malaking trapal na humaharang sa bukana ng pamilihan. Sa pwestong ito hindi sila makikita ng kahit na sinong nagwawalang maligno.
"Pero paano? Nasa gitna lang kami kanina?" pagtataka ni Mart.
"Ipagpaumanhin ninyo ang marahas kong paraan ng pagtakas. Ginamit ko ang aking Bagwis, ang kakayahan kong makakilos sa bilis na 300 kph. At mas mabilis pa kung 'di lang masyadong masikip sa lugar na 'to," pagmamayabang ng binata.
"And you are?" tanong ng kaniyang ateng nagkamalay na 'ata.
"Ow. My bad. Ang pinakamaliksing umalohokan sa isla ng Luzon. Tawagin n'yo kong Robin. At your service." Hinawakan nito ang kamay ni Maggie sabay halik. Tinignan ni Mart ang kan'yang ateng tila naiihi sa pagkakakilig. Siniko n'ya ito sa may bandang ribs.
"Ouch!"
"Ah, kuya?" singit ni Mart
"Robin. Tulad ng sigil ko." Tinapik nito ang naka-pin na tsapa sa kaliwa ng suot n'yang damit na may larawan ng maliit na ibon at mga letrang 'UG. 1298'. "'Yan ang codename ko galing sa Guild." Napansin ni Mart ang suot nitong kwintas na may pendant na kulay puting balahibo ng ibon.
"Kuya Robin. Thank you pala sa pagliligtas sa amin."
"Ah. Wala 'yon. Maliit na bagay."
"Pero sa susunod, sabihan n'yo po muna kami. May motion sickness po ako."
"Ah. Ganun ba?"
"Anyway," singit ni Maggie habang inaayos ang nagulo n'yang buhok at binasa ng kaunti ang mapuputlang labi.
"Was it true? 'Yung mga sinabi mo kanina. T-t-tungkol sa batang iniligtas ng mga diwata?"
"Ah, yes. 'Yun din ang dahilan kung bakit ko kayo iniligtas kina Nuno Mulak at Kapredi."
"Nino?"
"Kanina ko pa kasi kayo napansin habang nagbabalita ako." Nagulat silang dalawa. Mukhang walang epekto ang pagdi-disguise nila. Lumingon ng palihim si Maggie kay Mart sabay bulong, "Napansin n'ya daw ako."
"Hindi maitatago ang halimuyak ng isang Maginoo," pagpapatuloy ng mensahero. Magkasabay pang nagamuyan ang magkapatid. "Well, sa ordinaryong maligno, madali silang malito. Pero sa matalas kong pang-amoy, agad kong na-conclude na hindi kayo mga normal na timawa."
"Timawa?" tanong ni Mart sabay hawak sa suot na salamin sa mata. "Freemen?"
"Tama, bata. Ang malalayang tao. Tawag natin sa mga mortal na walang kamalay-malay," sagot n'ya na para bang hindi sila kasama sa klasipikasyong iyon. "At pagpasensyahan n'yo na rin dahil may history sa pagitan ng mga tao at maligno sa balangay na 'to. Well, 'di naman sa lahat ng balangay ay ganon." Unti-unting naitindihan ni Mart kung bakit ganon na lang ang reaksiyon nila sa kanilang pagdating - para silang ipis na kinaiiwasan dahil may dalang bacteria.
"Nung una, akala ko padala kayo ng Klab Maharlika. Sabi ko sa sarili ko, 'May misyon ba ang mga Maharlika dito sa Batangan?' Matagal na kasing walang chapter sa lugar na 'to. Bihira na nga akong makapunta rito, eh. Kung 'di lang ako sinugo ng Dayang Makiling para sa nalalapit na kasal ng Supremo ng mga tikbalang," masiglang kwento ng binata.
"Pero...," pagpapatuloy n'ya, "mukha namang hindi kayo Maharlika dahil wala kayong dalang kahit na anong sandata kaya sabi ko sa sarili ko, 'Ay 'di kaya hanap ng mga ito 'yung batang natagpuan ng mga diwata?' Kaya sinundan ko kayo."
"Sir-,"
"Robin na lang."
"Robin. Kuya Robin. Matutulungan mo ba kaming mabawi sila? Pati si tatay? At si lolo?"
"Tatay at lolo? Wala kong alam d'yan. Pero syempre, kaya ko kayong dalhin sa dambana ng mga diwata. Mababait naman sila sa totoo lang. 'wag mo lang silang tawagin sa maling pangalan. Mga anito talaga sila. 'Yung pinakamababang klase ng anito. Tulad ko. Pero nakasanayan na silang tawaging 'diwata' kahit nagmula 'yun sa mga Bisaya. Ang tawag sa kanila ng mga Tikbalang ay 'Ada'. Pero 'wag n'yo silang pagkakamalang mga engkanto't engkantada dahil magkaiba ang dalawa," mahabang paliwanag nito.
Napansin siguro ng binata ang pagtataka ng dalawa. "Pasensya na kung kailangan kong i-explain lahat. Nasanay lang sa pagiging tagapagsalita. Saka ngayon lang ulit ako nakatagpo ng mga batang Maginoo."
"Binibini?" Inialay muli ng mensahero ang kan'yang kamay kay Maggie na daig pa ang tuta sa walang kaduda-dudang pagsunod.
"Ok. Game," sagot nito.
Hindi na namalayan ni Mart na nakahawak na rin s'ya sa damit ni Maggie bago maalalang tila may kulang.
"Ate!" tawag n'ya rito.
"Si Kuya Mike! Sa'n si Kuya Mike?!" sigaw n'ya. Wala na silang panahong makapag-react dahil tuluyang nag-blurred muli ang paligid at mabilis silang tinangay ng hangin papunta sa kanilang paroroonan,
"Bamonos," ngiti ng umalohokan.
*************************************************************
At inyo pong nasaksihan ang pinakabagong kabanata sa masalimuot at ma-typo na paglalakabay ng magkakapatid na Baraneda.
Nakatagpo na rin po natin ang pinakabagong karakter sa istoryang ito na nagngangalang Robin.
Ano pa kaya ang mga mangyayari sa kanila? Malamang, may idea na ko. Kasi nasimulan ko ng isulat ang susunod na chapter. Hehehe.
Bakit nga ba ganoon na lamang ang pakikitungo ng mga maligno ng Batangan sa mga timawa? Ano ang papel ng misteryosong binata? Kamusta na ba ang nawawalang si Mac? At nasaan na nga ba si Mike at ang kasama niyang makulit na duwende?
Abangan ang susunod na kababahalaghan. UP NEXT: Ang Engkanto.
Thank you for your patience. Enjoy reading and do not forget to vote and comment any suggestions and/or reactions. Have a nice day!
-- Catam, B.C.A. of Klab Maharlika
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top