12 Ang Balete

Ika-Labindalawang Kababalaghan

Ang Balete

Hindi ganito ang inaasahan ni Maggie.

Kung magiging pantasya man ang buhay niya, ang nai-imagine niya ay pinagaagawan siya ng isang gwapo ngunit simaptikong bampira at isang matipuno ngunit sindserong taong-lobo. Sa isip niya, ganong klase dapat ang kwentong kaniyang sinusundan.

Ngunit hindi. Kahit anong paliwanag ang marinig niya, hindi pa rin siya makapaniwala sa nangyayari.

I can't, bulong niya sa sarili. Binabagtas nilang muli ang kagubatan sa pangalawang pagkakataon. Ala-sais na ng umaga. Maliwanag na ang sikat ng araw. At labingdalawang oras na ang lumilipas simula ng mawala ang bunso nilang kapatid. Sumunod ang kanilang lolo at maging ang kanilang ama – na kung alam niya lang na 'di na babalik ay hindi na niya sana iniwan kagabi.

Kasama niya ngayon ang dalawa pa niyang kapatid. Si Mart na alam naman niyang inosente sa nangyayari. At si Mike na himalang nawala ang kakulitan panandalian. Tahimik. Walang nagsasalita sa kanila. Tila ba mga seryoso at puno ng kaba sa kanilang gagawin.

Alam niyang hindi uubra ang plano nila ngunit wala siyang magagawa kundi magtiwala sa kanilang lola.

Bilang panganay, si Maggie ang may pinakamatagal na panahong nakasama ang kanilang lolo at lola. Napakabait ng mga ito. Masisipag. At mapag-aruga. Pangarap ni Maggie na maging kasingsaya ang kaniyang buhay pag-ibig, tulad ng kaniyang lolo at lola.

Ngunit kagabi, nang sila'y makabalik sa kubo, halos hindi na niya makilala si Lola Nimpa base sa paliwanag nito.

Hindi siya nakatulog buong gabi na 'yon. Matapos magpalit ng damit dahil sa pagkabasa sa sapa, umupo si Maggie sa dulo ng upuang-kahoy sa kusina. Nakapatong ang tuwalya sa kaniyang mga balikat at sapo ng kaniyang malalambot na kamay ang isang tasang mainit na kape habang tumititig sa malamlam na liwanang ng gasera sa lamesa. Amoy niya pa ang lansa ng dugong dumanak dito at nagkalat ang ilang sirang muebles.

Pumasok sa loob ang nanghihina niyang lola. Sapo nito ang batok at iniinda ang sakit.

"La? Dahan-dahan po. Dapat nagpapahinga pa kayo?" sabi niya rito at akmang aalalayan ang kaniyang lola ngunit pinigilan siya nito.

"Ineng, okey lang. Kaya ko 'to." Umupo si Lola Nimpa sa tapat niya. Tinitigan siya nito sa mata. Tila ba may hinihintay. Hindi alam ni Maggie kung ano ang kaniyang ikikilos. Nagsalitang muli si Lola Nimpa.

"Mahimbing ng natutulog ang iyong ina. Pinainom ko siya ng katas ng mansanilya, pampakalma." Narinig na ni Maggie ang kwento kung paano sila inatake ng mga aswang.

"Pati si Jordan. Mabisa ang dahon ng bayabas. Ay, saludo naman ako sa kagitinginan ng asong 'yan." Maging ang kwento tungkol sa pag-atake ng lamang-lupa kina Mike at Mart ay narinig na rin niya.

"Mabuti pa'y lumipat tayo sa balkonahe. Sariwa ang hangin doon." Tumayo ng muli ang kaniyang lola. Hindi na nagdalwang-isip pa si Maggie at sumunod na lamang.

Naabutan nilang humihigop ng kape ang dalawa niyang kapatid. Nakadungaw mula sa malaking bintana ang bilog na buwan na nagbibigay ng liwanag sa balkonahe.

Umupo sa kanilang tabi si Lola Nimpa. Naghanap na rin ng pwesto si Maggie.

"Hindi ako naging tapat sa inyo mga apo, " panimula ng kanilang lola. Taimtim silang nakinig. Tanging tunog ng mga kulisap ang maririnig sa labas ng kubo.

Sa tuwing magkukwento ang kanilang lola, isa si Maggie sa mga unang namamangha dahil alam niyang mga imahinasyon lamang ito. Pero sa pagkakataong iyon, ramdam niya ang kaseryosohan sa boses ni Lola Nimpa. Hindi ito isa sa mga bedtime stories niya.

"Alam kong hindi pa kayo handa ngunit hindi na darating pa ang tamang panahon." Malalim na buntong-hininga ang inilabas ng kanilang lola bago ito nagpatuloy.

"'Di ko alam kung pa'no sisimulan. Mga apo, totoo ang mga maligno. Ang mga kwento ko'y hindi kathang-isip." Napanganga ang tatlo sa narinig kahit alam nilang paparating ang mga ito.

"You mean, those creatures? T-t-tikbalang? Duwende?" tanong ni Maggie.

"Oo, apo."

"'Kala ko galing lang 'yun sa kwento ni Lola Basyang," komento ni Mike.

"Ano ka ba," sagot ni Mart. "Totoong tao din si Lola Basyang. Likha ni Severino Reyes."

"What? Lalaki si Lola Basyang?"

"Mga apo, pwera biro." Napatigil ang dalawa. "Sinasabi ko ang mga ito hindi para aliwin kayo kundi para ihanda kayo."

"Saan po?" tanong ni Maggie. Nagdalawang-isip si Lola Nimpa bago magsalita.

"Hindi ko aakalaing magbabalik sila. Tahimik noon ang baryong ito. Payapang namumuhay ang mga tao dito kasama ang mga maligno. Malaki ang naitutulong ng isa't-isa. Bayanihan. Ngunit lumipas ang panahon at nagbago ang ihip ng hangin."

"Hindi lahat ng maligno ay nakisama. Lalo na nung dumating ang mahiwagang engkantada." Nilinga ni Maggie ang mga kapatid na tila nananabik sa kwento ng kanilang lola.

"At ganon din ang mga tao. Hindi lahat ay tumupad sa kasunduang mamuhay ng nagkakaisa. Nagkaroon ng hidwaan at labanan sa pagitan ng mga maligno at maging ang mga Maharlika."

"Maharlika?" tanong ni Mart. "Ang nasa pinakaitaas ng social class ng mga sinaunang Pilipino?"

"Parang ganon na nga, apo. Pero ang mga maharlika ay espesyal na kalipunan ng mga Dugong Bughaw. Sila ang mga sinanay na mandirigma mula sa lahing Maginoo."

"Maginoo? Sabay na sambit nina Mike at Mart. Maging si Maggie ay nagitla sa atensyong ipinukol ng kaniyang mga kapatid sa tila History Lesson 101 tuwing AP class.

"'Yon po ang tinawag sa amin nung higanteng anito," kwento ni Mike. "Si Uwian Na Sana."

"Uwinan Sana," pagtatama ni Mart.

"W-w-wait!" Napasingit na si Maggie sa usapan. "Naguguluhan na po ako."

"Walang dahilan para 'di ka malito, apo. Tayo. Kayo ay mula sa lahi ng mga Maginoo. Mga mortal na ipinanganak ngunit nagtataglay ng dalisay mula sa angkan ng mga anito." Napaurong si Maggie. Binabawi na niya ang sinabi tungkol sa bampira at taong-lobo.

"Ako...," turo ni Lola Nimpa sa kaniyang sarili, "ay mula sa lahi ng mga Katalonan. At nagsilbi sa baryong ito sa matagal na panahon bago maganap ang digmaan ng Batangan kung saan may mga nasawi sa magkabilang panig."

"Sino pong nanalo?" tanong ni Mike.

"Wala, apo," tugon nito. "Nagapi ang kampon ng engkantada. Nangako ang mga malignong hindi na sila gagambalain pa sa buhay ng mga tao at mananatili lamang sa puno ng Balete. Ngunit, isa-isa na ring lumisan ang mga mamamayan ng baryong ito upang lumipat sa lugar na mas ligtas." Naintindihan na ni Maggie kung bakit wala siyang makitang ibang kapit-bahay na malapit at kung bakit takot pumasok ang sinuman sa baryong kinalakihan ng kanilang lolo at lola.

"Hindi ko kayang ipaliwanag kung bakit sila muling nagbalik ngayon. Ang tanging magagawa ko'y ihanda kayo sa anumang mangyayari." Iyon na siguro ang pnakanakakatakot na narinig ni Maggie mula sa kaniyang lola. "Hindi madali maging isang Maginoo."

"Aaahhh!!!" Nawala siya sa kaniyang malalim na pag-iisip nang marinig niya ang sigaw ni Mart. Bumalik siya sa realidad. Sa gitna ng binabagtas nilang gubat.

"Kuya naman, eh," reklamo ni Mart habang pinupulot ang nalaglag na salamin sa mata at pinagpapagpag ang ilang butIl ng lupa sa ibabaw ng kaniyang ulo.

"Ahahahaha. Tinatakot lang kita. Ito naman, 'di na mabiro." Nasa likod nito si Mike na mukhang nakaisip na naman ng kalokohan.

"Oy, ano ba. 'Di ba kayo titigil?" saway ni Maggie, "Tuloy ang lakad."

"Yes, ma'am," sagot ni Mike sabay subo ng tsokolateng baon nito sa kanilang paglalakad.

Kasalukuyan nilang dinaraanan ang lugar kung saan na-engkwentro nina Mike at Mart ang anito. Base sa kwento ni Lola Nimpa nila kagabi, bihirang magpakita ang kahit na sinong anito sa mga tao ngunit hindi sila simpleng tao lang.

Sinilayang muli ni Maggie ang suot na kwintas ni Mike sa leeg.

'Agimat ng Lumikha', tawag ng kanilang lola dito. Hindi maiwasan ni Maggie ang magtanong kung paanong ang tagapag-ingat ng isa sa pinakamakapangyarihanng bagay sa mundo ay ang walang kwenta niyang kapatid.

'Of all people, bakit si Mike pa?' isip niya. Ang batang araw-araw niyang kinaiinisan. At kung 'di lang niya ito kapatid ay matagal na niyang ipinakain sa mga aswang. 'Kung ako sa mga anito, nag-background-check muna ako, mga fifty times.'

Buong gabing binantayan ni Lola Nimpa ang agimat upang 'gisingin' daw ang natutulog nitong kakayahan bago muling ibinalik kay Mike kanina bago sila lumisan ng kubo.

'It doesn't make sense,' bulong niya sa sarili. 'Everything doesn't make sense.'

Ilang hakbang lang at narinig na nila ang agos ng tubig ng sapa. Bumilis ang tibok ng puso ni Maggie.

"Aaattte," tawag sa kaniya ni Mike sa nakakatakot na boses at bumulong, "Huwag kang lilingon."

Pak! Isang malutong na batok ang natamo ni Mike mula sa malalakas na kamao ni Maggie. 'Pag ganitong kinakabahan siya, eh.

Dahil don, tahimik nilang tinawid ang malamig na tubig ng sapa. Nilinga-linga ni Maggie ang paligid. Wala na ang kahit na anong bakas ng apoy.

'Kinuha s'ya ng santelmo. Kinuhang alay,' naalala niyang sabi ni Lola Nimpa nung ikinuwento niya rito ang nangyari. Nung mga sandaling iyon, nasaksihan niya kung paanong naglaho ang matibay na loob ng kaniyang lola at tuluyan itong humagulhol. Agad na kumuha ng isang basong tubig si Maggie para ipainom rito at mapakalma. Ramdam niya ang kirot sa dibdib ng pinakamamahal nilang lola.

'Wala na tayong magagawa. Alam kong darating siya sa puntong ito.' Tugon nito. Hindi niya maintindihan ang tinutukoy niya. Ang tanging bagay na sumagi sa isip niya ay pagsisisi.

Kung iisipin, siya ang dahilan ng pagkawala ni Lolo Isko. Kung hindi sana siya lumingon. Kung 'di sana siya iniligtas ng kaniyang lolo, siya sana ang kinuhang alay ng santelmo. Ngunit iba ang isinagot sa kaniya ni Lola Nimpa.

'Wag mong sisihin ang iyong sarili, Maggie. Hindi mo kasalanan. Nasa mabuting kalagayan na ang Lolo Isko mo. Nakabalik na siya sa dapat niyang kalagayan noon pa man.' Hindi na nagtanong pa si Maggie kung anong ibig sabihin ng mga salitang iyon. Alam niyang pampalubag-loob lamang ito.

'Sana ligtas sila,' usal ni Maggie para sa naiwang lola at ina sa kubo kasama ang magiting nilang aso na si Jordan.

Ipinagpatuloy nilang tatlo ang paglalakad. Para silang mga pusang iniligaw ng amo sa gitna ng kagubatan. Mga gutom, pagod, at puyat. Ngunit kahit ano'y kanilang gagawin maitama lamang ang lahat.

Muling nakaramdam si Maggie ng takot, ng kaba. Tila ba may mga nagmamasid sa kanila mula sa matataas na damo at mayayabong na punong-kahoy sa paligid. Pinilit niya ang sarili na tumingin ng diretso, hindi lumilingon sa kaliwa o kanan o kahit sa likuran.

"Nandito na tayo," rinig ni Maggie ngunit hindi na niya inalam kung sino ang nagsalita dahil naagaw ang atensyon nila sa pagbungad ng malaking puno ng Balete. Tinitigan nila ito. Magkahalo ang nararamdaman ni Maggie – pagkamangha sa kagandahan at kahiwagaan nito o galit dahil nasa loob lamang nito ang kanilang kapatid at maaring maging ang kanilang ama kasama ang kung ano-anong klase ng malignong dahilan ng suliranin nila ngayon. Ang puno ng Balete.

"Ano? Magtititigan na lang tayo?" basag niya. Nagpalitan lamang ng tingin ang dalawa. "Ugh. Ba't ba kayong dalawa pa nakasama ko?"

'Ridiculous', bulong niya sa sarili.

"Paano-Paano tayo papasok d'yan?" tanong ni Mart.

"Dala mo pa ba 'yung ibinigay sa iyo ng anito?" tanong ni Maggie. Agad na isinuksok ni Mart ang kamay sa bulsa at inilabas ang isang piraso ng gintong luya.

"Aba, aba. Nakikinig ka pala sa kwento namin, ha?!" tukso ni Mike.

"Malamang, timang." Nilapitan ni Maggie si Mart at kinuha ang ginto sabay tingin sa Balete.

Nagsimulang humakbang si Maggie. Hinawi ang mga nakalaylay na baging. Sumunod ang dalawa sa kaniya.

"Tao po!" sigaw ni Mike. "Mamamasko po."

"Isa pa, Mike. Pakain ko sa'yo 'tong luya, eh." Saway ni Maggie. Hanggang ngayon puro kalokohan pa rin ang alam ng kapatid.

Nilapitan nila ang malapad na katawan ng Balete at sinubukang hawakan ang gilid ng malaking awang nito sa gitna na tila nagsilbing pinto papasok sa kaibuturan ng puno.

"Ano 'to?" Sabay na nagkatinginan sina Maggie at Mike sa natuklasan ni Mart. Isang tumbon ng lupa – mukhang maliit na burol, mga dalawang metro ang taas at nakadantay sa katawan ng Balete – isang punso.

"Hala. Tabi-tabi po," tugon ni Mike.

"Tabi!" sigaw ni Maggie. Lumapit siya rito at yumuko upang tignan nang mabuti. Inalala niya ang bilin ng kanilang lola – 'Makakapasok lamang kayo sa Balete kung mayroong magiimbita sa inyo mula sa loob.'

'Ugh! Screw it," usal niya sabay tayo, itinaas ang kanang binti at akmang sisipain ang nananahimik na punso.

"Woah! Woah!" sigaw ng dalawa niyang kapatid sa tabi. Muntikan na s'yang matumba nang hawakan s'ya ng mga ito sa braso para pigilan pero imbis na magalit ay natuwa siya.

"Gumana ang plano ko," nakangiti n'yang sabi. Tinignan lang s'ya ng dalawa na puno ng pagtataka bago maagaw ang atensyon nilang lahat ng isang bagay na nagliliwanag sa ibabaw ng punso.

Kapwa nila kinusot ang mga mata at tinitigang muli ang bagay na iyon.

"Hoy, bata! Ano sa tingin mo ang ginagawa mo, ha?" rinig nilang sigaw ng magaspang na boses mula sa isang maliit na nilalang na nakasuot ng luntian – isang duwende.

"Hindi porket matangkad ka, may karapatan ka ng manira ng properties ng iba. Made-demolish na naman 'tong apartment ko." Hindi sila makapaniwala sa nakikita. Totoo nga ang lahat. Ang mga nilalang sa kwento ni Lola Nimpa.

Hinablot ni Mike ang salamin sa mata ni Mart para isuot at titigang muli ang duwende. Singtangkad lamang nito ang hinlalato, may matutulis na tenga at nakakatuwang kasuotan.

"Wow! Ang liit n'ya."

"Hoy, bata! Ako na pinakamatangkad sa lahi namin. Magtigil ka."

Sumingit si Maggie sa pagtatalo ng dalawa,

"Ah, pasensya na po, Ginoong– "

"Duroy."

"Duroy. 'Wag n'yo po s'yang intindihin." Tinignan s'ya ng duwende mula ulo hanggang paa sabay irap.

"At bakit naman, binibini? Muntik mo na ngang gibain ang punso ko," reklamo n'ya.

"I know. I know. But... makinig ka, okay?" Yumukong muli si Maggie upang ipantay ang tingin sa maliit na nilalang.

"Sa tingin ko – sa tingin namin – ikaw ang makakatulong sa amin."

"At bakit ko naman kayo tutulungan. Hmmm?" Inilabas ni Maggie ang ginto at ipinakita sa duwende. Napanganga ito.

"Totoo ba ng nakikita ko?"

"Hindi. Picture lang 'yan," hirit ni Mike.

"Shhh," sabay na saway nina Maggie at Mart.

"Gintong luya mula kay Marya!"

"Sa'yo na 'to kung gusto mo?"

"Ha? Totoo ba?" Abot-tenga ang ngiti ng nilalang.

"Ang laki ng kikitain ko d'yan? Pwede kong ibenta sa mga dilawang duwende o kaya ipambayad kong renta sa mga matandang nuno para hindi na kami palipat-lipat." Napakunot ng noo ang duwende. "Pero paanong- bakit kayo nagkaroon nan? Nasa loob ang dakilang Marya at wala pa kong nakitang mortal na bumisita dito sa matagal na panahon?"

"Ang daming tanong," tugon ni Maggie. "Gusto mo ba o hindi?"

"Aba'y syempre naman. Wahaha. Akina. Akina." Tiniklop ni Maggie ang mga palad upang itago ang nagniningning na ginto.

"Sa isang kundisyon."

"What?" Napatigil ang duwende. "Alam mo, tuso ka din para sa isang binibini, eh. Ganyan ang type ko."

"Eww. 'Wag ako! My goodness. Gusto mong sakalin kita? Halika rito."

"Ang choosy naman nito."

"Ah, excuse me," singit ni Mike, "Mr. Duwende."

"Duroy, my boy."

"Mr. Duroy. Am. Matagal na ba kayong nakatira rito?"

"Hindi naman. Mga 3 months pa lang. galing kaming Alabang bago kami lumipat dito. Ba't mo natanong?"

"Kahapon ng umaga. Mga ganito ding oras. Nangaling kami rito kasama si Mart." Itinuro ni Mike ang nakatulalang kapatid sa tabi. "... at si Mac, pinakabata naming kapatid." Himalang nakikinig ang duwende.

"Tapos tinakot kami ng... taong kabayo kaya kami nagtatakbo."

"And then?"

"And then, 'di na namin kasama si Mac. Ang sabi ng anito, kinuha s'ya ng mga diwata mula sa loob ng Balete."

"Oo, tama. Nabalitaan ko. Usap-usapan sa liwasan na may nagtanggal ng mahiwagang harang sa paligid ng Balete. May bumunot daw ng mga pako ni Lakan Bakod." Nagkatinginan sina Mike at Mart. "Kaya nagkaroon ng pagkakataong makalabas ang ilang maligno mula sa Balete. Nakita ko ngang nagsilabasan 'yung ilang diwata at pagbalik, may buhat na silang batang walang malay."

"Tama! Tama! 'Yun nga!" sigaw ng tatlo.

"Wait! 'Wag n'yong sabihing kapatid n'yo 'yon? At gusto n'yong makiusap ako sa mga diwatang ibalik s'ya? No no no no. Na. Ah. Kenatbi."

"Hinde," singit ni Maggie. "Hindi ka makikiusap. Kami ang kakausap sa kanila.

"Nakasinghot ka ba ng dagta? At paano naman, aber?"

"Imbitahin mo kaming makapasok," masigla n'yang sagot.

"Ha? Nahihibang na ba kayo? Ay naku, wala naman akong pakialam kung mapahamak kayo, but, ako ang masisisi kapag nagdala ako ng mga mortal sa loob, noh! No way! Ayokong parusahan ni Gat Panahon. Lalo na't kababalik lang n'ya. Isa pa, mahigpit ang pagbabantay ngayon ng mga tikbalang para sa nalalapit na kasalan. Kaya kung ako sa inyo, bumalik na kayo sa lungga niyo ngayon pa lang."

"Sigurado ka, ayaw mo nito?" Isa pa at muling tinitigan ng duwende ang nagniningning na ginto na tila inaakit s'yang yakapin ito ng mahigpit ngunit pinigilan n'ya ang sarili.

"No. No. No. Hindi n'yo ko madadaan sa suhol. Wala na 'kong pakialam
d'yan. Babalik na 'ko sa punso at kunyari, hindi tayo nagkita kahit kailan." Tumalikod ang duwende.

"Sandali!" pigil ni Maggie.

"Gusto mo bang makitang masira ang maliit mong bahay?" Lumingon ang duwende at nagimbal sa bagay na kanyang masasaksihan. Nakataas na ang binti ng tatlo, mga nakangiting demonyo at handa nang wasakin ang kaniyang dream house.

"Nooo! 'Wag. 'Wag. 'Wag. Maawa kayo. Ayoko ng lumipat uli ng bahay. Please."

"So... Pa'no?" Huminga ng malalim ang duwende at nag-isip ng ilang segundo.

"Tick. Tock. Tick. Tock."

"Okay, okay. Fine. Tutulungan ko na kayong makapasok... pero, i-promise n'yo sa'kin na susunod lang kayo sa lahat ng sasabihin ko. 'Wag kayong gagawa ng kahit na anong magpapapansin sa inyo mula sa mga maligno sa loob. Is it clear?" Lumunok ng laway ang duwnede.

"Clear!" sagot ng tatlo.

"At isa pa."

"Ano 'yun?"

"Hindi sapat ang isang gintong luya. Kapag nakausap n'yo na ang dakilang Marya, kailangan n'yo ko ihingi ng mga... kinse pa."

"Ano?"

"Deal?"

"Okay. Okay. Deal."

Kinuha ni Mike ang duwende na tumuntong sa kan'yang palad at ipinatong sa kan'yang kanang balikat. Sabay-sabay silang huminga ng malalim at naghintay ng ilang sandali.

"So," tugon ni Maggie. "Panong gagawin natin? May hidden door ba sa punso mo or what?"

"Wait. Wait. Nagko-concentrate ako. 'Wag kayong makulit." Pumikit ang duwende. Lumipas ang ilang segundo. Isang minuto. Inikot-ikot ni Maggie ang paningin sa paligid at nagsipa-sipa ng ilang bato sa lupa.

"Kaya today?"

"Ito na. Ito na. Maligayang pagdating sa kaharian ng Balete." Iminulat ng duwende ang mga mata at itinaas ang mga kamay, senyas ng pagsalubong sa kanila.

"Nandito na tayo."

"Saan? Eh, wala namang-", naputol ang salita n'ya ng maramdaman n'yang tila nagbago ang paligid. Umihip ng malakas ang hangin. Tumataas at bumababa ang temperatura. Umalingasngas ang mga nakakatakot na tinig.

Para silang binalot ng kung anong klaseng enerhiya. Ang paligid nila ay naging puti, abo, hanggang sa maging dilim. Tila may humigop ng ingay at kahit gusto nilang sumigaw, wala silang marinig. Ni katawan nila ay hindi nila makita.

Lumipas ang ilang segundo at ang dilim ay untiunting napalitan muli ng liwanag. Sumakit ang ulo ng tatlo at umikot ang kanilang paningin. Halos matumba sila sa kanilang naramdaman. Para silang sumakay ng elevator mula first floor hanggang 300th floor ng walang tigil. Muntikan ng mapasuka si Mike.

Naglinaw ang kanilang paningin at sa kauna-unahang pagkakataon, kanilang nasilayan ang loob ng puno ng Balete.

Sa harap nila'y magiting na nakatayo ang dalawang malaking pintuan. Bahagyang nakaawang ang gitna nito at sumilip ang kaunting liwanang at samu't saring ingay. Nakaukit ang ilang kakatwang hugis sa pintong gawa sa kahoy. May kawayan. Isang lalaki. Isang babae. At may ibong lumilipad sa ibabaw.

Sa likuran nila ay kadiliman. Maging sa kanan at kaliwa.

"Bilisan natin!" sigaw ng duwende.

"Don tayo sa shortcut pa-dambana. Sa kanan n'yo." Nagdalawang-isip pa ang magkakapatid kung susundin ba ang utos ng duwende. Nang may marinig silang mga ingay na nagmumula sa likod ng malaking pintuan – mga hakbang na parang bakal sa pagtapak sa sahig sa lupa, mga halakhak na tila nagmamadali.

"Ayan na ang bantay na tikbalang!" Sabay-sabay silang tumakbo pakanan. Tila mahika ang kanilang nilalakaran dahil kusang umiilaw ang harapan at dumidilim ang daan na kanilang pinanggalingan. Tila, sumusunod sa kanila ang liwanag.

Patuloy sila sa pagtakbo sa makitid na lagusan.

"Dito," turo ni Duroy at pumasok sila sa isang maliit na butas.

"Hayyy. Buti na lang hindi nila tayo nakita. Bahala na."

"San na tayo? Tanong ni Maggie pagkalabas nila ng lagusan. Bahagya silang napapikit sa pagtama ng malakas na liwanang sa kanilang mga mata. At bumungad ang malawak, maingay at abalang lugar na iyon.

"Nandito na tayo... sa liwasan."

*************************************************************

Okay. Di na ko magsasabi ng kahit ano. Tutal, di naman natutupad. Bumawi na lang ako sa number of words. Hahahaha.

Thank you for your patience. Enjoy reading and do not forget to vote and comment any suggestions and/or reactions. Have  a nice day!

-- Catam, B.C.A. of Klab Maharlika 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top