11 Ang Kapre
Ika-Labing Isang Kababalaghan
Ang Kapre
Bilang isang security guard, sanay na si Miguel sa magdamagang pagtatrabaho, maghapong nakatayo, paminsan-minsang pag-iikot at kung siya'y panggabi, natuto s'yang lumaban sa antok at pagod.
Ngunit hindi ngayon.
Basang-basa ng pawis ang buo niyang katawan, at nauubusan na s'ya ng hininga sa pagkahingal. Hawak ang flashlight sa kaliwang kamay at ang itak ng kaniyang itay sa kabila, mukhang sampung oras na s'yang naglalakad sa kagubatan pero isang kilometro pa lang ang kan'yang layo mula sa pinanggalingan nilang sapa.
Nasaksihan niya kung paano kainin ng apoy ang kan'yang ama ngunit tila ba hindi na 'yon bago at hindi na rin mahirap paniwalaan. Kahit mapanganib, nagdesisyon siyang pauwiin ang kaniyang panganay na si Maggie upang balikan ang kaniyang lola, ina at mga kapatid nito sa kubo. Sumuong si Miguel sa paghahanap ng mag-isa. Naalala n'ya kung gaano s'ya galit na galit na umalis dahil sa kapabayaan ng kaniyang anak na si Mike.
'Pasaway na bata,' bulong n'ya sa sarili kahit alam n'yang dala lamang ito ng kaniyang pagmamahal sa kanila.
"Maaac!" Paos na s'ya sa pagsigaw— kasing lamlam na ng liwanag ng kan'yang flashlight na malapit na ring mapundi. Buti na lang ay tumutulong ang bilog na buwan sa langit upang makakita s'ya ng maayos sa paligid.
Kanina n'ya pa sinusubukang lumapit sa higanteng puno ng Balete ngunit hanggang ngayon ay isang baryo pa rin ang layo nito sa kan'ya.
Sandali s'yang huminto, yumuko at tumukod sa kan'yang mga tuhod upang magpahinga. Ilang segundo lang, humakbang muli s'ya.
Sa unang pagkakataon, lumingon s'ya habang naglalakad. Laking pagtataka n'ya nang ang mga damo, halaman at sanga sa kan'yang likuran ay waring tumitiklop upang takluban ang kan'yang dinaraanan. Inisip n'ya na lamang na baka halusinasyon lang iyon at kung anu-ano na ang nakikita n'ya dulot ng antok at pagod.
Ibinalik n'ya ang tingin sa harap at parang naliwanagan ang kan'yang isip nang mapansin ang mga punongkahoy sa paligid. Tila pamilyar. Tila nadaanan na n'ya ito kanina.
Kaniya muling sinuri ang kapaligiran. Napansin n'ya ang nag-iisang puno ng talisay. Itim ang kalahating katawan nito na sa hinuha niya'y dahil sa apoy o kidlat. Inilapit n'ya ang kan'yang palad at hinipo ang sunog nitong banakal. Nakasisiguro s'yang ilang beses na s'yang nanggaling sa bahagi ng gubat na 'yon.
"Aaaghh!" Bigla s'yang naliyo. Umikot ang kan'yang paningin. Napahawak s'ya sa sintido at napapikit sa sakit.
Pagmulat n'ya, nandoon pa rin s'ya sa kan'yang pwesto ngunit nagbago ang paligid. Naliliwanagan na ito ng maraming sulo ng apoy na hawak ng mga kakaibang nilalang.
Para s'yang bumalik sa nakaraan, sa parehas na kagubatan. Kasingrami ng mga puno sa lugar ang iba't-ibang uri ng halimaw sa paligid. Nasa gitna s'ya ng isang hukbo na binubuo ng ilang daang maligno. May mga higante at maliliit na tao. May lumilipad at umaapoy. May mga mukhang mortal na tulad n'ya— mga batang kaedad lang ng kaniyang mga anak ngunit kakaiba ang pananamit at bawat isa ay may hawak na sandata. Lahat ay naglalakad patungo sa iisang direksyon— sa puno ng Balete.
'Anong ginagawa nila rito?' tanong n'ya sa sarili. Pinaghalong takot at paghanga ang kan'yang nararamdaman. Hindi s'ya makapaniwala sa nasasaksihan.
"Miguelito!" Isang malalim na boses ang nagpagulat sa kan'yang katawan. Lumingon s'ya sa kaliwa upang makita ang isang makisig na nilalang, kalahating-tao kalahating-kabayo. May suot na kalasag at armado.
"Handa na ang Caballeros. Handa na rin ang Hidalgos," sabi nito sa kan'ya. "Ito na ang hangganan, bata." Wala s'yang maintindihan sa nangyayari.
"Ingatan mo ang kampilang 'yan." Napabaling si Miguel sa hawak n'yang mahabang espada at saka n'ya lamang napansin na tila lumiit s'ya— siya'y nasa katawan ng isang binatilyo.
Napalingon s'ya sa kanan nang may biglang humawak sa kan'yang kamay. Dumapo ang kan'yang paningin sa isang magandang dilag na may mala-sutlang buhok at manipis na labi. Kasing-dilim ng ulap sa ulan ang kan'yang mga mata. Sakbit nito sa balikat ang pana at ilang palaso. Sa makinis nitong leeg ay nakahimlay ang kwintas na may maliit na pendant— isang batong hugis patusok.
Sumagi sa isip n'ya ang kan'yang nag-iisang anak na babae na si Maggie. Nakangiti ang dilag sa kan'ya. Ramdam n'ya ang init ng haplos nito sa kan'yang braso.
"Para sa Batangan," bulong ng dalaga.
"Para sa Batangan," sagot ng maligno sa kaniyang kaliwa.
"Laho!" Nagulat pa si Miguel sa magkakasunod na sigaw sa kanilang likuran. Nakatitig ang mga ito sa isang bagay sa langit— ang buwan. Sa sobrang laki nito, para bang isang dipa na lang ay abot kamay na n'ya. At ang kakaiba, hindi ito nagliliwanag ng puti. Pulang-pula ang kulay nito at tila ba ang buong paligid, kasama ang buong hukbo, ay nalulunod sa dugo.
Humigpit ang hawak ng dilag sa kan'yang braso. Nilingon n'ya ito. Naglaho na ang matamis nitong ngiti at napalitan ng pangamba. Tinitigan s'ya nito sa mata na tila ba may natuklasang bagay mula sa kan'ya.
"Naliligaw ka", sambit nito. "Ang iyong kamiseta." Ibinaling ni Miguel ang tingin sa suot na damit at pagbalik n'ya ng paningin sa paligid, wala na ang mga kakaibang nilalang. Puti na muli ang liwanag ng buwan sa langit. Wala na ang tikbalang. Wala na rin ang dilag sa kan'yang tabi.
Muntik na s'yang matumba sa hilo.
'Kaninong alaala iyon? Sa akin ba?' tanong n'ya sa sarili.
Kakaiba ang kan'yang nararamdaman. Para bang nandoon s'ya mismo sa pangyayari. At kahit pa gaano ito kahiwaga, pamilyar sa kaniya ang lahat.
Imposibleng nakarating na s'ya sa kagubatang ito kasama ang isang batalyon ng mga maligno sa ilalim ng pulang buwan patungo sa kung saan. Sa pagkakatanda niya'y bata pa lamang siya, nanirahan na sila sa Maynila upang tapusin niya ang pag-aaral. Pero habang lalo siyang nag-iisip ay nadaragdagan lamang ang kan'yang duda sa sarili niyang ala-ala.
Binitiwan n'ya ang hawak na flashlight at itak para hubadin ang kan'yang pang-itaas at isuot ng pabaliktad. Hindi n'ya alam kung paano sumagi sa kan'yang isip ang ideyang iyon ngunit alam n'yang tama ang kan'yang ginawa.
Nang lumabas na ang ulo n'ya mula sa malaking butas ng asul na kamiseta, nag-iba ang paningin n'ya sa paligid. Wala na ang puno ng talisay at tila nakabalik na s'ya sa realidad.
'Naliligaw ka.' Naalala n'ya ang sinabi ng dilag. Tinulungan s'ya nitong makaalis sa walang katapusang lagusan ng kalinlangan.
Nasa gubat pa rin s'ya ngunit hindi na katulad ng kanina. Mabababa ang mga damo at malalayo ang punongkahoy. Walang kahit na anong halaman ang tumutubo sa kan'yang kinatatayuan.
Ibinaling n'ya ang paningin sa harapan at bumulaga ang higanteng puno ng Balete. Kanina pa pala s'ya nakarating sa kan'yang pakay.
Sa laki ng puno, pakiramdam n'ya babagsak ito sa kan'ya. Ang mayabong na dahon nito'y napapalamutian ng libo-libong nagliliwanag na alitaptap. Hindi n'ya maiwasan ang humanga sa kagandahan nito.
Nagsimula s'yang humakbang papalapit, hinawi ang mga mahahabang baging. Nawala ang kan'yang nararamdamang takot. Muling pumasok sa isip n'ya ang nawawalang anak at lahat ay kan'yang gagawin makabalik lamang ito.
"Maaak-Maaak! Nasa'n ka?" malakas niyang sigaw. Katahimikan ang tanging tumugon.
Nilapitan pa n'ya ang puno at isang hakbang na lang ay kadikit na n'ya ito.
"Bwahahaha." Nagmula ang tunog sa tuktok ng Balete. Natigilan s'ya nang may naramdaman s'yang lumagpak sa kaniyang ulunan. May naaamoy siyang kakaiba. Amoy patis. Sinapo niya ang kaniyang puyo at tinignan ang bagay na kaniyang nahipo— pulbos, kulay abong pulbos.
Tiningala n'ya ang puno. Kapansin-pansin ang mga ilaw ng alitaptap. Saglit pa at kaniyang nakita ang dalawang pulang bilog na tila mga dilat na mata na nagtatago sa likod ng mga sanga ng puno.
Mayroon pang ikatlong liwanag— sigá, sigá ng sigarilyo. Hindi man niya nakikita ang usok, naaamoy niya ito. Gumapang ang takot sa kaniyang katawan. Bagamat dilim lamang ang nakikita niya, nabuo sa kaniyang imahinasyon ang pigura ng isang mabalahibong higante, may subong tabako at nakaupo sa sanga ng Balete.
Nagsimulang kumilos ang maitim na pigura. Sinubukan ni Miguel na umurong ngunit ayaw gumalaw ng kaniyang mga paa. Bumaba ang imahe, bumagsak sa harapan n'ya. Tinamaan ito ng liwanag ng buwan at kaniyang nasilayan ang kagimbal-gimbal na itsura ng kapre.
Para bang dalawang mabuhok na poste ng kuryente ang mga binti nito. Suminghal ang kapre na tila galit na galit. Hanggang sa bahag at sinturon lamang umabot ang tingin ni Miguel bago niya sinubukang tumalikod at tumakbo papalayo. Narinig niya ang malalakas na tunog ng mga hakbang ng halimaw na nagpabilis ng tibok ng kaniyang puso.
Itinaas ng kapre ang isa nitong binti pero bago siya nito matapakan ay nagawa niyang yumuko at gumulong pakanan. Rinig niya ang pagkabitak ng lupa sa binagsakan ng paa ng higante.
Nakaiwas siya sa unang atake ngunit hindi niya inaasahan ang sumunod na nangyari. Mabilis na idinuyan ng kapre ang mabigat nitong braso at tinamaan siya.
Tumilapon siya. Mga limang metro ang layo. Para siyang nabunggo ng tumatakbong tren sa sakit na nararamdaman. Ilang sugat at bali ng buto ang kaniyang natamo. Nakadapa siya at nauubusan na ng hininga. Hindi man niya kayang bumangon. Wala siyang maigalaw sa kahit anong parte ng lupaypay niyang katawan.
Patuloy na kumikilos ang kapre at binunot nito mula sa lupa ang isang punong halos kasingtangkad lamang nito. Palapapit na ito sa kaniya. Ang bawat hakbang nito'y tila lindol sa kaniyang pandinig.
'Ito na ang hangganan, bata.' Naalala niya ang sinabi ng tikbalang. Inihanda na niya ang sarili sa mangyayari nang biglang tumigil sa paghakbang ang higanteng kapre. Sa gilid ng kaniyang paningin, nakita niya ang isang nagliliwanang na nilalang na napapalibutan ng asul na apoy, maliit at kahugis ng isang batang lalaki.
"Mac," tawag niya bago niya tuluyang ipinikit ang mga mata at mawalan ng ulirat.
*************************************************************
Been a while since the last update. Pasensya na po kung superbagal ko po mag-update this year. Parang every four months lang ata ako nakapag-update. Hehehe. (Pero mas madami yon kesa nung 2018. That's progress). Sensya na talaga.
I cannot promise but I will try my best na makapagsulat as many as I can this coming Christmas break para sa 2020 ay dire-diretso po ang updates. Ayokong gawing New Year's Resolution. Baka 'di magkatotoo. Hahaha.
Anyway, malapit na pong matapos ang first arc ng story. (What? First arc pa lang yon?)
The first arc was actually written years ago. Ine-edit ko na lang po ngayon at nire-revise para ma-match sa new plans ko for the second and third arc.
This chapter was originally very short but na-inspire ako na maglagay ng backstory for my character. Baka kasi ito lang 'yung chapter na mag-feature kay Miguel. If not, makasingit pa 'ko ng isa pang chapter dedicated sa story niya for context.
I don't know po kung nagustuhan niyo ang backstory n'ya. It's a very recent addition to my lore at 'wag ko sanang pagsisihan. But I still love it!
Pasensya na rin po kung medyo nawala ang humor at snarky comments ng characters ko for the last two chapters. (Mahirap daw kasing magbiro kung seryoso ang happenings. May inatake lang naman ng aswang at kapre. At kabilaan po ang mga kidnapping na nangyayari. Kung di ka pa naman naging seryoso nan, eh.)
Your all-time favorite Baraneda siblings will come back for the next chapters. Stay tune.
Klab Maharlika-Laguna Chapter is greeting you a very Merry Christmas and a Happy New Year. Happy Holidays, guys! Enjoy the day/night/noon/madaling-araw/takip-silim or kung kailan niyo man naisipang magbasa ng Wattpad. Hahahaha. Chiao. ;P
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top