1 Ang Manananggal
Unang Kababalaghan
Ang Manananggal
TATLONG BUWAN LANG ANG NAKARARAAN, mahigpit ang paniniwala ni Mike na hindi totoo ang mga maligno—walang kapre, walang duwende, walang diwata, walang aswang. Lahat sila bunga lang ng kinakalawang na imahinasyon ng mga matatanda para takutin silang mga bata na 'wag magpaabot ng dilim sa labas ng bahay. Ngunit ngayon, kahit labing-tatlong taon na si Mike, alam n'yang marami s'yang dapat katakutan tuwing gabi bukod sa tatay n'yang handa na ang batuta sa kanyang pag-uwi at sa kaniyang ate na puro sermon lang ang alam sa buhay. Gayunpaman, 'di n'ya namalayang inabot na s'ya ng dilim sa paglalaro ng paborito n'yang computer game kasama ang ilang Grade 8 students sa internet café na katapat ng public high school na pinapasukan nila.
"Guys, uwi na 'ko. Alas-otso na, eh," paalam ng isa sa mga kasamahan ni Mike.
"Ikaw, Maki? Baka sunduin ka na naman ni Tiyo Miguel na may dalang sinturon. Hihi," tukso nito kay Mike na hanggang ngayon ay tutok na tutok sa nilalaro at ang tanging naisagot lang ay isang simpleng,
"Hmm?"
"Bahala ka." Dumiretso na ang kaklase n'ya sa counter ng computer shop para magbayad. Saka lamang na-alerto si Mike.
"Teka, anong oras na ba?", tanong n'ya rito.
"Kanina ko pa sinabi. Alas-otso na!" sagot ng kaklase n'ya na nakalabas na ng pinto at handa ng umuwi.
"Whoa! Nico naman. Di mo sinabe kaagad. Patay ako neto," tarantang nasabi ni Mike sabay tayo sa kinauupuan, kinuha ang nakasabit n'yang bag sa silya at nagbayad kay Pipoy, ang kalbong bantay sa counter. 'Yung kaninang kasiyahan n'ya sa pagpatay ng creeps sa monitor ay napalitan ng nakakikilabot na larawan ng kanyang istriktong tatay at sumbungerang ate.
"Wait lang. Sabay tayo." Ngunit pagkalabas na pagkalabas nya'y nauna na pa lang nakaalis ang kaklase n'ya na sa hula n'ya ay may mas nakakatakot na tatay at ate kaysa sa kaniya. Kaya sinimulan na n'yang lakarin ang abalang kalsada pauwi.
Tirik na ang buwan sa langit at walang kaulap-ulap kaya nagkalat ang mga bituin na parang idinudumi ng buwan gabi-gabi, ayon sa opinyon ni Mike. Ngunit ang liwanag nila'y natatabunan ng sari-saring ilaw ng mga establisyemento sa ibaba. Bingi na ang munting barangay nila sa ingay ng mga sasakyan, sa sigawan ng mga tao sa bangketa, at mga paandar na tugtugan sa bawat sulok ng kalsada.
Wala s'yang pakialam at ang tanging iniisip ni Mike ay kung ano'ng idadahilan n'ya pag-uwi. Nagamit na n'ya n'ung isang buwan ang "nag-practice-po-kami-para-sa-school-presentation" style at nung isang lingo lang, idinahilan n'yang nakiramay s'ya sa namatay na tatay ng bestfriend n'yang si Nico kahit hindi naman. Hanggang sa maalala n'yang night shift nga pala ang tatay n'ya ngayong gabi kaya malamang ang Ate Maggie n'ya lang ang dragon na kan'yang kahaharapin pag-uwi.
Sigurado, magbubunganga na naman 'yon kasi 'di ako nakapagsaing ng hapunan, ang nasabi ni Mike sa isip. Hindi n'ya namalayan ang tricycle sa kan'yang harapan at muntik na s'yang masagasaan nito. Ilang mura ang inabot n'ya bago makatawid ng kalsada.
Unggoy ka ren, bat ba parang galet lahat ng tao sa mundo, inis na nasabi n'ya sa sarili. Kahit ang totoo'y s'ya 'tong mismong galit sa mga nangyayari.
Humigit kumulang tatlong buwan lang ang nakakaraan nang magbakasyon silang magkakapatid sa probinsya ng kanilang lolo at lola na nagpabago sa kanilang paniniwala tungkol sa mga mahiwagang elementong naninirahan sa kapaligiran. Simula noon, lagi na lamang s'yang nagigising mula sa masamang panaginip at ipinagdarasal na sana isang masama at mahabang panaginip nga lamang iyon. Ngunit alam n'yang hindi.
Dahil sa biglaang pagkaalala n'ya rito, kinilabutan s'ya sa takot at muntik na s'yang maihi sa pantalon kaya agad s'yang gumilid sa isang abandonadong mercado.
Naghanap s'ya ng sulok na madilim at inilabas ang lahat ng pangit at mapanghing ala-ala sa pader ng isa sa mga stalls na dapat ay magiging bahagi ng palengke ng kanilang barangay ngunit hindi natuloy at nasayang lang, sabay tiis sa malansang amoy ng paligid.
Saka n'ya lang napansin ang nakapintang: BAWAL UMEHE D2.
Bukod doon, may isa pa s'yang kakaibang bagay na napansin sa kanyang gilid sa kanan, dalawang hakbang ang layo mula sa kanya. Akala n'ya may isa pang lalaking tumabi sa kanya para umihi dahil may isang pares ng binti na nakaharap din sa pader ngunit nang itaas n'ya ang paningin——wala pala 'tong katawan at isang pares nga lang talaga ng binti na naka-fit na Tribal Jeans at pink na sandals. Ngayon alam na n'ya kung saan nagmumula ang malansang amoy.
Muntik na s'yang matumba sa gulat kaya nagmadali s'yang tumakbo palabas ng abandonadong mercado ngunit narinig n'ya ang napakalakas na tunog ng mga pakpak. Napalunok s'ya ng laway at sinisi ang sarili kung bakit sa ganitong lugar pa n'ya naisipang jumingle.
Pahina ng pahina ang tunog ng mga pakpak kaya medyo napanatag ang loob n'ya ngunit naalala n'ya bigla ang isa sa mga kwento ng kan'yang Lola Nimpa tungkol sa mga aswang: kapag malakas ang tunog, malayo pero 'pag pahina ng pahina, palapit ng palapit.
Hindi na s'ya nakaabot sa labasan dahil biglang humarang sa kanyang daraanan ang manananggal. Ipinagdasal n'yang hindi s'ya nito nakita ngunit pagmulat n'ya ng mga mata ay nasa tapat na ng mukha n'ya ang pangit na mukha ng aswang na may pulang mga mata na tila ba limang araw na nagpuyat para sa exam; matatalas na ngiping bagong hasa lang; at mabahong bungangang puno ng kumakayat na laway at dugo.
May narinig si Mike na sumisigaw na parang baliw. Siya pala iyon habang tumatakbo palayo sa halimaw at pabalik sa inihian n'ya kanina. Madilim ang paligid kaya bigla s'yang natumba dahil sa pagbungo sa isang matigas na bagay. Nang tignan n'ya ang bagay na iyon, iyon pala ang binti ng manananggal at kumalat sa sahig ang ilang lamang loob nito mula sa bahagi ng katawan kung saan dapat naka-pwesto ang tiyan.
Narinig n'ya ang pag-ungol ng manananggal na ilang segundo na lang ay hahapunahin na s'ya. Naalala n'ya ang isang maliit na bagay sa ilalim ng puting school uniform n'ya, sa kanyang dibdib—ang kwintas na nakasabit sa kanyang leeg at ang pendant nitong kumukuskos sa kanyang balat.
Nagkaroon s'ya ng lakas ng loob. Agad s'yang tumayo, binuhat ang natumbang binti, at nagbilang—isang nanay-ko-opo, dalawang nanay-ko-po sabay hataw sa mukha ng manananggal na tumilapon sa sahig sa kanyang kaliwa.
Lalo itong nagalit at nagutom. Iwinagayway nitong muli ang dalawang pakpak na hawig ng sa paniki. Bagsak ang mahaba nitong buhok na para bang natapunan ng isang timbang tubig at naka-uniform pa ng service crew ng Jolibee.
Hinding-hindi na ako kakaen doon kahit kaylan, pasya ni Mike sa sarili dahil may isa silang crew na ngayon ay handa na s'yang gawing Yum Burger.
Nasilip ni Mike ang name tag nito at nagwika' "Ah . . . Ms. Angel, easy lang. Sit. Sit. Nyay!" Lumipad na ang manananggal at mabilis na tumungo sa kinapupwestuhan n'ya kaya tumakbo s'yang muli habang sumisigaw ng "hindi ako masarap, wala akong cheese!" Ngunit naramdaman na lang n'ya ang hapdi ng pagtusok ng matutulis na kuko ng halimaw sa kanyang likod at ang pag-angat ng kanyang mga paa mula sa lupa.
Dinagit s'ya ng manananggal palayo sa exit papasok sa mas madilim pang bahagi ng abandonadong gusali.
Buong tapang na pinigtas ni Mike ang kanyang kwintas. Hawak n'ya ang isang maliit, brown, at patulis na bato na kanyang buong lakas na itinusok sa mukha ng manananggal na nagsimulang mapaso at maagnas. Umungol ng malakas ang halimaw habang unti-unting tinutunaw ng agimat ngunit bago pa ito maglaho, tinamaan ang aswang ng isang nagliliwanag na bola na para bang miniature version ng shooting star. Naging abo ang kabuuan ng manananggal at tinangay ng malamig na hangin ang lahat ng natira sa kanya.
Good news, napadali ang pagpuksa ni Mike sa kalaban.
Bad news, kasalukuyan s'yang nahuhulog sa taas na pitong dipa at siguradog basag ang bungo niya sa sementadong sahig sa ibaba. Kung hindi nga lang s'ya sinalo at binalot ng isang higanteng dahon ng anahaw na kulay ginto at sing-liwanag ng sampung bumbilya na nagmula sa kung saan. Ibinaba siya nito nang dahan-dahan.
Nang tumuklap isa-isa ang dahon ng anahaw, ligtas na nakababa si Mike. Nakita n'ya sa harapan ang isang nagliliwanag na nilalang.
"Mga salot talaga. Tila hindi naturuan ng kagandahang-asal," ang sabi nito. Ilang segundo ang lumipas bago nag-adjust ang paningin ni Mike at nakita n'ya ng malinaw ang isang magandang babae na mga nasa mid-twenties ang edad, naka-loose na white T-shirt ang panloob na pinatungan ng glossy black long-sleeved coat na dinisenyuhan ng makikintab na silver beads. Naka-skinny jeans ito at black high heels. Isama pa ang agaw-pansin nitong bangles at star-shaped earings, mapagkakamalan mo na s'yang isang rich brat na mahilig sa late night parties.
Itinaas nito ang golden shades na hugis bituin at ipinatong sa pakulot nitong buhok na hanggang balikat ang haba at kulay itim na may pahibla-hiblang kulay dilaw. Ibinalik ng mahiwagang dalaga ang malambot nitong mga kamay sa hawak na maliit at makintab na pitaka sabay nagpakilala nang nakangiti sa kanya,
"Hello! Ako nga pala si Tala. Anito ng mga bituin sa langit."
*************************************************************
Thanks for reading. Do not forget to vote and comment any suggestions and/or reactions. Have a nice day!
-- Catam, B.C.A. of Klab Maharlika
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top