0 Ang Lawin, Ang Tandang, at ang Inahin

Simula ng Kababalaghan

Ang Lawin, Ang Tandang, at Ang Inahin

          Magkaibigang matalik si Lawin at si Tandang noon. Isang araw, sinubukan ni Tandang na hiramin ang singsing ni Lawin. Laging suot ni Lawin ang singsing sa kaniyang hinlalaki at napakahalaga nito sa kaniya.

          Dahil may tiwala si Lawin kay Tandang, ipinahiram niya ito kay Tandang na nangakong ibabalik sa loob ng isang araw. Sinuot ito kaagad ni Tandang at umalis upang makita ang kaniyang asawa, si Inahin.

          Nang makita ni Inahin ang singsing, gusto niya rin itong isuot. Nagmakaawa siya kay Tandang na ipahiram sa kaniya kahit isang araw lamang. Pumayag naman si Tandang dahil ayaw niyang malungkot ang kaniyang asawa.

          Ipinagmalaki ni Inahin ang magandang singsing sa kaniyang mga kaibigan. Sa kasamaang palad at sa hindi maipaliwanag na dahilan, nawala ang singsing. Hinanap ito ni Inahin kahit saan ngunit hindi niya makita.

          Sinubukan ding maghanap ni Tandang nang malaman niya ang nangyari ngunit nawala na ang singsing at hindi na ito mahahanap kahit kailan.

          Nang bumalik si Lawin kinabukasan, galit na galit ito sa pagkawala ng kaniyang singsing at nagsumpang hanggat hindi nila ito naibabalik, dadagitin niya ang mga sisiw ni Tandang at ni Inahin.

          Sa takot ng mag-asawa, hinanap nila sa kahit saan ang singsing at nagbungkal nang nagbungkal ng lupa.

          Si Lawin naman ay paminsan-minsang dumadagit ng sisiw tuwing siya ay nagugutom.

          Hanggang ngayon, nakikita pa rin natin ang inahin at ang tandang na nagbubungkal sa lupa, iniingatan ang kanilang mga sisiw laban sa lawin.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top