BALANG ARAW WAKAS

Now Playing: Sana by I Belong To
The Zoo.

[Ang Wakas]

MALAMIG na ihip ng hangin ang sumalubong sa isang babae matapos niyang makalabas ng simbahan. Ang malamig na ihip ng hangin na siyang nagpapabalik sa kaniya sa nakaraang lumilipas at hindi na muli pang magbabalik. Sandali niyang pinagmasdan ang asul na kalangitan bago nagsimulang humakbang pababa sa hagdanan ng simbahan.

Pagkababa sa malawak na hagdanan ay napatigil siya matapos mapatingin sa isang batang babae na nagbigay galang sa kaniya bago kumaway. "Magandang umaga po, Madre Sanya!" nakangiting pagbati nito sa kaniya habang patuloy na kumakaway.

Sandaling napatulala si Felicia sa batang babae na sa tingin niya ay nasa edad pito o walo pa lamang. Hindi kalaunan ay ngumiti rin siya bago yumukod upang makapantay ang munting binibini na siyang tuluyang bumuhay sa kaniyang araw.

"Magandang umaga rin sa iyo, Maria," ngiti niya bago hawiin ang hibla ng buhok na tumatama sa pisngi nito. Ang batang kaniyang nasa harapan ngayon ay madalas na napaparito sa simbahan kung kaya't nakilala na rin niya ito ngayon.

Habang nakangiti niyang pinagmamasdan si Maria na noo'y nakatitig din sa kaniya ay hindi niya maiwasang maalala ang isa sa kaniyang mga anak na nabubuhay na lamang sa kaniyang puso't ala-ala. Ang munting binibini na palaging nagdadala ng ngiti sa kaniyang labi sa kabila ng madilim na mundo, si Isla.

"Madre Sanya, kayo po ay lumuluha." Natauhan si Felicia at agad ngumiti upang itago ang luhang pilit niyang linalabanan. Umayos na siya ng tayo at napahinga nang malalim bago mapalingon muli sa simbahan at mula roon ay lumabas si Padre Alejandro.

Habang pababa ito sa hagdanan ay napasulyap ito sa kanila at napangiti. "Magandang umaga sa inyo," pagbati ni Padre Alejandro nang makalapit. Ngumiti naman muli si Felicia at dahan-dahang tumango bilang tugon.

Nagpapaalam na rin ang padre at nagpatuloy sa paglalakad sapagkat may kailangan pa itong asikasuhin. Tinanaw naman siya ni Felicia at kasabay niyon ay ang panunumbalik sa kaniya ng ala-ala kung saan humingi siya ng tulong dito sapagkat labis na siyang nahihirapan sa kaniyang sitwasyon dala ng padalos-dalos na desisyon, tatlong taon na ang nakararaan...

"Ibig mong... Bumalik siya?" tanong ni Padre Alejandro. Makulimlim ang kalangitan at narito ngayon si Felicia sa simbahan ng Santa Prinsesa upang nagkumpisal. Habang nakayuko at dahan-dahan namang tumango si Felicia bilang tugon sa katanungan ng padre.

Ngayo'y tila pinagsisisihan na niya ang kaniyang naging padalos-dalos na desisyon para lamang hindi na mahirapan pa ngunit napagtanto ni Felicia na hindi pala ganoong kadali iyon. Hindi madaling makatakas sa kadiliman, hindi madaling palayain ang pusong hindi mapigil.

"Ngunit ikaw ang nang-iwan, hindi ba?" tanong muli nito na siyang ikinatigil niya. Nanatiling nakayuko si Felicia habang pilit na pinipigilan ang pamumuo ng luha sa kaniyang mga mata dahil sa kaniyang sitwasyon ngayon. Kay hirap magmahal ng taong may minamahal ng iba.

Napahinga naman nang malalim si Padre Alejandro bago muling magsalita, "Huwag mo nang balikan, patuloy ka lang masasaktan..." pagiging totoo niya habang nakatingin sa babaeng kaniyang nauunawaan ang pinagdadaanan.

"Hija, pagsubok lamang iyan. Tayo'y binibigyan ng problema ng ating panginoong diyos na alam niyang malalagpasan din natin. Naniniwala akong makakayanan mo rin ito. Magtiwala ka lamang," wika ni Padre Alejandro at tumayo na. Nanatiling nakayuko si Felicia hanggang sa tuluyan na siyang makaalis. Walang ibang magagawa ang nagmamahal ng isang taong nakatali na sa iba.

Naiwang mag-isa si Felicia sa kumpisalan at doon tuluyang lumuha. Kay dami na niyang naging desisyon na labis niyang pinagsisisihan ngayon. Kung maaari lamang siyang bumalik sa umpisa ay hindi siya magdadalawang isip na gawin iyon, maitama lamang ang lahat ng pagkakamaling kay hirap itama.

Mula naman sa nakabukas na pinto ng kumpisalan ay lihim na nakasilip doon ang isang lalaki habang malungkot na pinagmamasdan ngayon ang lumuluhang si Felicia. Ngunit sa huli ay napayuko na lang siya at nagsimulang humakbang paalis sapagkat hindi na tama pang patuloy niya itong sundan at tanawin mula sa malayuan.

Tuluyan nang linisan ni Enrique ang simbahan kung saan huling beses niya na palang masisilayan si Felicia bago ito tuluyang lumisan sa bayan ng Santa Prinsesa kung saan sinimulan at tinapos din nila ang lahat.

Malakas na ihip ng hangin ang siyang nagbalik kay Felicia sa kasalukuyan. Mabilis niyang pinunasan ang kaniyang namumuong luha bago muling lingunin si Maria na noo'y pinagmamasdan ang kaniyang suot. Nakasuot siya ngayon ng pang-madre habang suot ang puting rosaryo. Matapos ang lahat ay pinili niyang maging madre, sa wakas ay sinunod na ni Felicia ang kaniyang nais na maging madre noon pa man.

"Madre Sanya, ibig ko pong maging madre sa oras na ako'y lumaki na. Dapat ay nandito pa rin po kayo sa oras na iyon, maaari po ba?" tanong ni Maria bago ngumiti. Nakangiti ring tumango si Felicia bago tapikin ang kaniyang ulo. Nagpaalam na rin siya rito bago tumakbo papasok sa simbahan upang magdasal.

Muli ay naiwang mag-isa si Felicia. Ilinibot niya ang kaniyang paningin sa simbahan kung saan siya nananatili hanggang ngayon. Siya ay nasa Maynila ngayon at nabubuhay nang mayapa ngunit mag-isa. Payapa na muli ang Maynila ngayon sapagkat noong taong 1764 ay natigil na ang giyera na siyang dahilan upang mawala ang mga taong naging bahagi ng kaniyang buhay bilang si Sanya.

Natapos na ang dalawampung buwang pananatili at panggugulo ng mga briton sa Pilipinas at natapos na rin ang labanan sa pagitan ng Espanya at Britanya. Ngayo'y nasa ilalim na sila ng pamumuno ng bagong gobernador heneral ng Pilipinas. Hanggang ngayon ay may mga inaayos pang lugar tulad ng ibang bahagi ng Intramuros kung saan nagsimula ang giyera. Maging sa ibang lungsod kung saan nakarating din ang mga briton. Napahinga nang malalim si Felicia bago magbaba na ng tingin sa simbahan.

Siya ay nabubuhay na ngayon bilang si Sanya Espinosa at isang madre na nagsisilbi sa simbahan. Tuluyan na niyang ibinaon sa limot ang katauhan ni Felicia De Vera. Matagal nang namatay si Felicia, kasabay ng pagkawala ng kaniyang mga anak ay ang pagkamatay din nito.

Kay dami nang nagbago sa lumipas na tatlong taon. Nagkaroon na siya ng bagong mga kaibigan na kung dati ay labis niyang kinatatakutan dahil natatakot siyang may mangyari na namang dahilan upang mawalan siya ng kaibigan.

Tuluyan na niyang kinalimutan ang lahat at nagsimulang bumuo ng bagong ala-ala bilang si Sanya na hindi kinakailangan ng asawa't pamilya upang maging masaya. Gayon pa man, hindi kailanman mawawala sa puso ni Felicia ang kaniyang binuong pamilya na ngayo'y nananatili na lamang sa kaniyang puso.

Masakit man, ngunit tinanggap na niya na ito nga marahil ang kaniyang itinakdang kapalaran. Ang maiwan at mabuhay nang mag-isa...

MATAPOS ang ilang araw na paglalakbay ay tumigil na sa pag-andar ang barko at narating na ni Felicia ang bayan na ibig niya muling balikan. Nang tuluyang makatapak sa daungan ay muling sumalubong sa kaniya ang pamilyar na ihip ng hangin na tila yumayakap sa kaniya.
Habang patuloy na naglalakad ang mga tao sa iba't ibang direksyon ay ilinibot ang kaniyang paningin sa bayan na kaniyang pinagmulan, sa bayan ng Santa Prinsesa.

Ika-walo ngayon ng oktubre, taong 1766 at naparito ngayon si Felicia dahil sa nalalapit na araw ng mga patay. Hindi niya nais na magtungo rito sa mismong araw na iyon sapagkat alam niyang mas maraming tao ang magtutungo sa simenteryo kung kaya't ngayon pa lang ay paroroon na siya sapagkat hindi niya nais na makasalamuha ang mga taong maaaring makaalala sa dati niyang katauhan.

Napahinga siya nang malalim bago nagsimulang maglakad patungo sa mga lugar na nais niyang puntahan kahit na magdadala lamang muli iyon ng kirot sa kaniyang puso. Hindi na mahalaga pa kay Felicia kung patuloy siyang masaktan, ang mahalaga lamang ay muli niyang maramdaman ang mga pangyayaring tanging ala-ala na lamang ngayon.

Makalipas ang ilang sandali ay narating na ni Felicia ang simbahan ng Santa Prinsesa na siyang agad nagbigay sa kaniya ng napakaraming ala-ala na hindi na muli pang magbabalik. Habang nakatulalang pinagmamasdan ni Felicia ang simbahan ay wala sa sarili siyang napangiti matapos maalala ang kasal nila Enrique na naganap sa mismong simbahan na iyon.

Bigla niya ring naalala ang naging huling sandali nila ni Enrique sa simbahan na ito matapos niyang piliin na lisanin ang bayan ng Santa Prinsesa sapagkat patuloy lamang siyang masasaktan sa oras na manatili siya sa bayan na ito...

Kalalabas lamang ni Felicia sa simbahan matapos magdasal nang siya ay mapatigil sa paghakbang matapos matanaw si Enrique na ngayo'y mukhang papanik sa hagdanan upang pumasok sa simbahan. Tinatagan niya na lamang ang kaniyang loob at napahinga nang malalim bago nagsimulang humakbang pababa.

Nanatili lamang diretso ang kaniyang tingin sa daan ngunit alam niyang papanik na rin ngayon si Enrique sa malawak na hagdanan ng simbahan at nakita na rin siya. Nang nasa kalagitnaang baitang na sila ay marahang nagtama ang kanilang mga balikat ngunit dumiretso na si Felicia pababa ng hagdan.

Napatigil na si Enrique at nilingon si Felicia ngunit nakatalikod na ito at tuluyang umalis tulad lamang ng ginawa nito sa kaniya. Napayuko na lang si Enrique at naglakad na rin paalis. Pareho silang nagtungo sa kabilang direksyon kung saan hindi na nila muli pang matatagpuan ang isa't isa.

At sa huli, isa na lamang silang estranghero at estranghera na minsang minahal ang isa't isa.

HABANG patuloy na naglalakad si Felicia ay napatigil siya matapos mapagtantong dadaan na siya ngayon sa calle kung saan nakatayo ang Hacienda De Vera. Umihip ang malamig na hangin at kasabay niyon ay ang kaniyang pagtanaw sa hacienda na kay dami ring nabuong ala-ala ngunit ngayo'y may iba nang nagmamay-ari rito.

Walang katao-tao sa malawak na calle at tanging siya lamang habang mag-isang tinatanaw ang tahanang labis niyang minahal. Sa muling pagkakataon ay naramdaman ni Felicia ang pagkirot ng kaniyang puso sapagkat hindi na sila ang pamilyang naninirahan ngayon dito kung hindi iba na.

Kasabay nang pag-ihip ng hangin ay ang muling pag-alala ni Felicia sa naging wakas nila ni Enrique na natagpuan nila sa iba at hindi sa isa't isa. Matapos niyang palayain si Enrique ay kay daming nangyari na siyang tuluyang pumutol sa koneksyon nilang dalawa at sa pagitan ng mga Vergara at De Vera.

Itinakda si Enrique at Assunta sa isa't isa at hindi rin nagtagal ay kinasal din sa simbahan ng Santa Prinsesa. Si Assunta De Vera na ang nanirahan sa Hacienda De Vera na kung dati ay siya. Nagkaroon ng bisa ang kasal ni Enrique at Assunta dahil ilan lang naman ang nakaalam na buhay pa siya at hindi niya rin ginusto noon na malaman ng lahat na buhay pa siya.

Hindi naman nagsalita ang mga nakakaalam tulad na lamang din ng pakiusap niya bago niya tuluyang lisanin ang bayan na ito. Hindi niya nais na hindi maging masaya si Enrique sa bago nitong minamahal nang dahil sa kaniya. Nanahimik lamang siya hanggang sa tuluyang matapos ang kasal kahit na iyon pa ang labis na nagpapadurog sa kaniyang puso noon.

Nagkaroon ng anak si Enrique at Assunta, si Josiah De Vera. Iyon ang ipinangalan ni Assunta sa kaniyang lalaking anak matapos malaman kay Enrique na iyon dapat ang pangalan ng kanilang namayapang anak ni Felicia kung lalaki ito. Sa kanilang anak na lamang nagpatuloy ang pangalan ng batang hindi nabigyan ng pagkakataon na mabuhay sa mundong ito.

Si Assunta naman na kasalukuyang inaalagaan ngayon ang kaniyang anak sa Hacienda De Vera ay nalulungkot pa rin hanggang ngayon sapagkat nasira ang kanilang pagkakaibigan ni Felicia nang dahil sa pag-ibig. Hindi niya naman ginusto na maikasal kay Enrique ngunit iyon ang ginusto ng kaniyang ama na si Don Armando.

Pumayag naman ang mga magulang ni Enrique na maikasal ito sa muling pagkakataon sapagkat nais na nilang makita na maging masaya muli si Enrique matapos mawalan ng asawa't mga anak. Hindi man sila nag-abalang tanungin kung ano nga ba ang gusto ni Enrique, kung ano ang tunay nitong nararamdaman.

Hindi nakayanan ni Felicia na manatili sa Santa Prinsesa habang nakikita ang kaniyang minamahal na magkaroon ng bagong pamilya kung kaya't sa huli ay pinili niyang lisanain ang bayan ng Santa Prinsesa at magbalik sa Maynila matapos tuluyang matigil ang giyera roon.

Tinotoo na rin ni Felicia ang kaniyang ibig noon na maging madre hindi lang dahil hindi niya nais magkaroon ng asawa kung hindi dahil nais niya talaga. Ngayo'y isa na siyang ganap na madre na handang maglingkod sa simbahan at sa maykapal. Naging mapayapa na ang buhay ni Felicia kahit na mag-isa.

Nang maramdaman ang namumuong luha sa kaniyang mga mata ay inalis na niya ang kaniyang tingin sa mapayapang Hacienda De Vera kung saan masayang namumuhay na roon ang bagong pamilya De Vera. Hindi pala masakit lang ang tanawin ang tahanang kay tagal mong nakasama kasama ang iyong mga minamahal na ngayo'y namayapa na.

Umihip ang malamig na hangin at kasabay niyon ay ang paghakbang ni Felicia patungo sa kabilang direksyon kung saan hindi niya madadaanan ang tahanang ngayon ay hindi na niya pagmamay-ari.

MALAKAS na ihip ng hangin ang mag-isang sumalubong kay Felicia matapos niyang nakarating sa simenteryo. Ang hangin na siyang nagpapasayaw sa mga puno na nasa kapaligiran ng simenteryo mula sa mgkakalayong direksyon. Napahinga siya nang malalim bago nagsimulang humakbang patungo sa kaniyang mga anak na ngayo'y hindi na siya nakapaghintay pang masilayan.

Ilan lamang ang tao ngayon sa simenteryo. Nakasuot siya ng pang-madre at hindi naman nakilala si Felicia bilang isang madre kung kaya't tulad ng dati ay umaasa siyang wala nang makakilala pa sa kaniya.

Habang patuloy na naglalakad ay napatigil siya matapos mapatingin sa isang puntod na malapit lamang sa ilalim ng puno kung saan siya magtatapos ngayon. Binasa niya ang nakaukit sa lapida.

Soledad Sierra.

Napagtanto ni Felicia na ang ina ni Sinta ang nagmamay-ari ng lapida na nasa kaniyang tapat ngayon. Malungkot siyang napasulyap sa puntod ni Gael na ngayo'y kaniyang natatanaw na. Noong nakaraang buwan ay kaniyang nabalitaan ang pagkatakda ni Sinta sa isang inhinyero na nagmula sa mayamang pamilya sa Bulacan. Labing walong taong gulang na si Sinta at nasa tamang edad na ito upang maikasal.

Walang problema kay Felicia ang bagay na iyon ngunit nalulungkot lamang siya para kay Gael sapagkat alam niyang iniibig nito si Sinta hanggang sa kamatayan. Ngunit wala naman siyang ibang magagawa sapagkat wala na si Gael, wala na ang taong ibig pakasalan ni Sinta.

Naalala niya rin bigla si Flavio, ang dati niyang kasintahan. Masaya siyang malaman na may bago na itong iniibig at asawa ngayon. Sa wakas ay pinalaya na ni Flavio ang kaniyang puso matapos tuluyang maging madre ni Felicia at mapagtantong wala na siyang pag-asa pa rito.

Napahinga nang malalim si Felicia bago nagsimulang humakbang na papalapit sa mga taong sinadya niya rito sa Santa Prinsesa. Ilinibot niya ang kaniyang paningin sa kapaligiran kung saan sa ilalim ng puno ay nakalibing doon ang kaniyang mga anak. Tila biglang dumilim ang kapaligiran at nanumbalik si Felicia sa mapait na ala-ala ng nakaraan na pilit niyang kinakalimutan sapagkat ang lahat ng iyon ay puno ng pait at kadiliman.

Sinubukan munang tatagan ni Felicia ang kaniyang loob bago isa-isang lagyan ng bulaklak ang puntod ni Gael, Hilario, Isla, at Josefa na noo'y nakapalibot at paikot sa ilalim ng puno na iyon. Nasa tapat ngayon ng puntod ni Josefa si Felicia. Nasasaktan siyang malaman na nauna pa sa kaniya ang kaniyang mga anak bago siya.

"Josefa, anak. Ang buong akala ko ay ikaw lamang mag-isa ang mananatili rito. Hindi ko lubos akalaing mapupuno pala kayo rito ng mga kapatid mo," saad ni Felicia at sinubukang ngumiti kahit pa nag-unahan na sa pagbuhos ang kaniyang mga luhang hanggang ngayon ay hindi maubos-ubos.

"Mahal na mahal ko kayo, aking mga anak. Sana'y magkakasama na kayo ngayon sa kabilang buhay at masaya rin," patuloy ni Felicia at agad pinunasan ang kaniyang luha.

Umihip ang malakas na hangin na siyang marahang nagpatangay sa laylayan ng itim na kasuotan ni Felicia. Napayakap siya sa kaniyang sarili at sandaling pumikit upang pigilan ang kaniyang mga luha at paghikbi. Hindi siya makapaniwalang mararanasan niya ang pinakamasakit na trahedya bilang isang ina, at iyon ay ang mawalan ng anak.

"M-mga anak, bakit niyo ba iniwan ang inyong ina? Nakalulungkot na mabuhay mag-isa. Kung maaari lamang kayong mabuhay muli," nasasaktan nang wika ni Felicia habang isa-isang pinagmamasdan ang puntod ng kaniyang mga anak.

Matapos ang ilang minutong pagluha ay humakbang na siya paatras. Umihip ang malamig na hangin at kasabay niyon ay ang pagbaba niya naman ng tingin sa isang puntod at sa katabi nito. May bakod (fence) na katabi lamang ng dalawang puntod na siyang humaharang sa dulo ng simenteryo dahil ang nasa ibaba niyon ay ang karagatan.

Papalubog na ang araw. Sandaling napatulala si Felicia sa dalawang puntod na iyon na katabi lamang ng puno kung saan nakalibing ang kaniyang mga anak. Kasabay nang pag-ihip ng malakas na hangin ay ang pagbasa niya sa mga nakaukit doon.

Felicia De Vera.

Enrique De Vera.

Habang patuloy na umiihip ang malamig na hangin ay nasasaktang lumuhod si Felicia sa tapat ng puntod ni Enrique. Hinawi niya ang mga patay na dahon na nahulog dito bago ilagay ang natitirang bulaklak na kaniyang dala sa lapida ng kaniyang dating asawa.

"E-enrique, kumusta ka na?" nasasaktang tanong ni Felicia. Iyon pa lamang ang kaniyang sinasabi ngunit nag-unahan na agad sa pagbuhos ang kaniyang mga luha. Ipinikit niya ang kaniyang mga mata at dinama ang malakas na ihip ng hangin na tila yumayakap sa kaniya.

Isang taon na ang nakalipas simula nang mamatay si Enrique dahil sa sakit nito sa puso. Noong mga panahong iyon ay hindi niya alam ang dapat niyang maramdaman dahil lumipas pa lamang ang dalawang taon at nawala na rin ito sa mundo.

Si Assunta ang umasikaso sa libing nito dahil ito naman talaga ang may karapatan. Huli na nang muli niyang dalawin ito nang palihim sapagkat tuluyan na rin itong inagaw ng mga alon tulad ng kaniyang mga anak.

Hindi na malaman pa ni Felicia ang dahilan upang patuloy siyang mabuhay sa mundong ito gayong nawala at iniwan na siya ng lahat. Kay dami nang lumisan sa kaniyang buhay na siyang dahilan upang tuluyang maging madilim ang kaniyang mundo ngayon. Nawala na ang lahat sa kaniya...

Si Manang Numeriana.

Si Mang Ambo.

Si Nay Anchita.

Si Hilaria.

Si Flavio.

Si Assunta.

Si Gael.

Si Hilario.

Si Isla.

Si Josefa.

At si Enrique.

Mula sa kaniyang tabi ay kinuha niya naman doon ang isang maliit na baul na ibinigay sa kaniya ni Assunta nang maabutan siya nito noong nakaraang taon sa tapat ng puntod ni Enrique. Ayon kay Assunta ay naroon daw ang mga liham galing kay Enrique at ang lahat ng liham na iyon para sa kaniya. Sinubukan ding humingi muli ng tawad sa kaniya nito ngunit tulad ng dati ay linagpasan at iniwan niya ito dahil hindi niya pa kaya.

Sapat na sa kaniyang malaman na ibig humingi ng tawad ni Assunta sa kaniya kahit tapos na ang lahat. Binuksan na niya ang baul at mula libo-libong liham na isinulat ni Enrique magmula nang mawala siya ay may isang liham na tumatak sa kaniya na hanggang ngayon ay hindi niya magawang malimutan.

Kinuha niya ang liham na iyon bago muling isara ang baul. Hindi rin siya makapaniwalang may koleksyon ng liham palang nabuo si Enrique para sa kaniya. Ang nilalaman ng mga liham ay puno ng paghingi ng tawad, pasasalamat, at pagmamahal na hindi nagawang itama ng tadhana.

Napatingin siya sa kulay kahel na kalangitan bago magbalik ng tingin sa puntod ni Enrique. Binuklat na niya ang liham na isinulat ni Enrique para sa kaniya, apat na taon na ang nakararaan. Napahinga siya nang malalim bago ito basahin sa kalagitnaan ng paglubog ng araw sa huling pagkakataon.

Mahal kong asawa,

Fe... Apat na taon na ang lumipas simula nang mawala ka. Ako ay talagang hibang na ba talaga sa iyo kung kaya't hanggang ngayon ay umaasa pa rin ako na muli kang magbabalik kahit na imposible? O sadyang ikaw ay minamahal ko lang talaga?

Ako ay labis nang nangungulila sa iyo, aking asawa. Kami ng mga anak mo ay labis nang nangungulila sa iyo kung kaya't maaari bang bumalik ka na? Hindi ko na makayanan pa na marinig ang kanilang patuloy na pagluha dahil sa iyong pagkawala nang biglaan.

Ilang alon pa ba ang kailangan kong harapin bago maintindihang wala ka na sa akin? Sa kabila ng lahat ng taong pilit na sinasabi sa aking wala ka na ay lihim pa rin akong naniniwala na buhay ka pa.

Patawad muli sa aking mga naging pagkakamali noong nandito ka pa. Sa totoo lang ay natatakot talaga ako sa iyong muling pagbabalik dahil baka poot lamang ang makita ko sa iyong mga mata tulad ng dati. Patawad sapagkat hindi ako naging mabuting asawa, patawad dahil tila nabigo ako sa aking pangako na ibigay sa iyo ang napakasayang buhay kasama ang ating binuong pamilya.

Sa kabila ng lahat ay nagpapasalamat pa rin ako dahil ikaw ang pinili kong pakasalan. Ikaw man ay palaging masungit, para sa akin ay ikaw pa rin ang perpektong asawa sa mundo. Ikaw ang pinakamabuti at pinakamagandang ina at asawa sa mundo. Ikaw ang aking mundo kung kaya't umaasa ako na balang araw ay magbalik ka at muli akong yakapin tulad ng dati.

Patawad din kung kahit minsan ay hindi ko nagawang sabihin sa iyo ito ngunit nais kong ipabatid kahit na sa liham lang na ito kung gaano kita kamahal. Mahal kita, Felicia. Hindi lang dahil ikaw ay aking asawa, kung hindi dahil mahal talaga kita.

Kung sakali mang magbago ang ihip ng hangin, huwag kang mag-alala sapagkat palagi ka namang mananatili sa aking puso habang buhay. Mananatili ka bilang aking... Felicia De Vera.

Ang iyong asawa,
Enrique.

Minahal ni Enrique si Felicia simula noon at hanggang wakas ngunit dahil sa pagdating ni Assunta ay natakpan ang pagmamahal niya para rito. Sa paglipas ng panahon at hanggang sa kamatayan ay patuloy pa rin nilang minahal ang isa't isa ngunit huli na rin ang lahat.

Sa muling pagkakataon ay niyakap ni Felicia ang liham ni Enrique para sa kaniya sapagkat iyon na lang naman ang tanging magagawa niya. Mapalad siya sapagkat hinayaan ni Assunta na makatabi ni Enrique ang puntod ni Felicia De Vera. Mahal ni Assunta si Enrique at simula noon ay alam niyang nagkaroon lamang siya ng puwang sa puso ni Enrique ngunit si Felicia pa rin ang isinisigaw ng puso nito hanggang wakas kung kaya't hinayaan na niyang makatabi ni Enrique ang namayapa nitong pamilya sa pagwawakas.

"Enrique... M-maraming salamat sa lahat. Salamat din dahil ikaw ang aking naging asawa, kay rami kong naranasan dahil sa iyo. Naranasan kong maging asawa, maging ina, at maging liwanag ng ating binuong pamilya. N-nakapanghihinayang lamang sapagkat wala na kayong lahat ngayon," nasasaktang wika ni Felicia habang patuloy na bumubuhos ang luha sa kaniyang mga mata.

"M-masaya ako dahil kahit isang beses ay nagawa kong sabihin sa iyo ang tunay kong nararamdaman. M-mahal na mahal din kita, aking asawa. Mahal na mahal ko ang pamilyang ito," lumuluhang patuloy niya. Napagtanto ni Felicia na iba pala ang sakit kapag ang iyong minamahal ay namayapa na dahil hindi na sila maaari pang magbalik muli.

"Sa susunod na buhay na lamang, aking mga mahal. Babawi tayo..." ang sinabi ni Felicia bago lingunin din ang kaniyang mga anak. Umaasa siya na sa kanilang muling pagkabuhay ay makamit na nila ang masayang wakas kung saan wala nang makapipigil pa sa kanila.

Ibinalik na ni Felicia liham sa baul bago tumayo at umatras kung saan masisilayan niya ang puntod ng kaniyang pamilya sa kalagitnaan nang paglubog ng araw. Sa huling pagkakataon ay umihip ng malakas na hangin na siyang humawi sa luha ng babaeng piniling mabuhay para sa kaniyang pamilya at sa kabila ng lahat.

"H-hanggang sa muli, mga mahal ko. Hanggang sa muling alon ng ating buhay..." saad ni Felicia at sinubukang ngumiti kahit na ngayo'y patuloy na bumubuhos ang luha sa mga mata niya. Isa-isa niyang tinignan ang bawat miyembro ng kaniyang pamilya, sa simenteryo kung saan ang lapida na lamang ang magsisilbing tanda kung sino sila.

Habang patuloy na umiihip ang malakas at malamig na hangin, sa huling pagkakataon ay muling inalala ni Felicia ang sandali kung saan buo silang namasyal ng kaniyang mga anak at ni Enrique nang masaya at magkakasama...

Nakangiting sinusundan ngayon ni Felicia ng tingin si Gael, Hilario, at Isla na ngayo'y naghahabulan sa kanilang kapaligiran. Napalingon naman siya sa kaniyang tabi nang marinig ang pagtikhim ni Enrique. Tinaasan niya ito ng kilay bilang pagtatanong.

Narito ngayon ang pamilya De Vera sa isla kung saan isinilang si Isla. Ang islang ito ay pagmamay-ari ng mga De Vera. Nakaupo ngayon si Felicia at Enrique sa tapat ng malaking bahay kubo na kanilang pagtutulugan habang nagbabakasyon sa isla na ngayo'y tila isang paraiso sa paningin ni Felicia.

May mga nagtataasang puno sa kanilang kapaligiran habang patuloy na umiihip ang malamig na hangin. Napahawak si Felicia sa kaniyang tiyan, isang buwan na siyang nagdadalang tao ngayon sa ika-apat nilang anak ni Enrique. Umayos naman ng upo ang kaniyang asawa na nasa kaniyang tabi bago sundan din ng tingin ang kanilang mga anak.

"Ikaw ay naging masaya ba sa binuo nating pamilya?" tanong ni Enrique bago lingunin si Felicia na noo'y pinagmamasdan siya.

Napahinga naman nang malalim si Felicia bago magbalik ng tingin sa kaniyang harapan kung saan doon ay natatanaw niya ang kanilang mga anak. Ang marinig ang tawanan ng mga ito ay agad nang nagbibigay ng saya sa kaniyang puso.

"Oo naman. Ang pamilyang ito ang aking mundo," sagot ni Felicia habang pinagmamasdan ang kanilang mga anak na ngayo'y nagtatakbuhan. Napabalik naman siya ng tingin kay Enrique nang akbayan siya nito.

"Ikaw din ang aking mundo, aking... Felicia De Vera..." nakangiting saad ni Enrique habang nakatingin nang diretso sa mga mata niya. Sandaling napatulala si Felicia sa maaliwalas na mukha ng kaniyang asawa bago sumandal balikat nito upang itago ang kaniyang ngiti.

Sabay nilang sinundan ng tingin ang kanilang mga anak na naghahabulan habang patuloy na nagtatawanan. Napatigil silang lahat nang madapa si Isla ngunit hindi kalaunan ay natawa rin matapos nitong ngumiti nang labas ngipin dahil kulang-kulang pa ang ngipin nito sa itaas.

Nakangiting pinagmasdan ng mag-asawang De Vera ang ngiti ng kanilang mga anak na hindi magagawang tumbasan ng kahit anong saya na nagmula sa iba. Nakangiting pinagmasdan ni Felicia ang kaniyang binuong pamilya De Vera habang nakasandal sa lalaking kaniyang minamahal at mamahalin din habang buhay.

Ang kasiyahan na matatagpuan nila sa iba ngunit iba pa rin pagdating sa isa't isa. Kasabay ng pag-ihip nang malamig na hangin ay ang pagkislap ng mga mata ni Felicia habang patuloy na umaasa na sana, habang buhay na lamang ang lahat ng ito.

Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay mananatili sa iyo ang lahat. Hindi palaging masaya, hindi palaging kuntento. Walang pang-habambuhay sa mundo ngunit sa kabila noon ay nararapat mo pa ring pahalagahan ang lahat ng mga masasayang bagay na nangyari sa iyo sapagkat hindi iyon mananatili habang buhay.

Balang araw, mapupuntahan din nila ang isang masayang paraiso kung saan ipinangako ng bawat isa na mabubuhay doon ng masaya at mapayapa. Balang araw, makakamit din nila ang masayang wakas kung saan hiniling ng lahat na magtapos doon. At ang mga pangyayaring iyon ay sa kabilang buhay at sa susunod na habang buhay na lamang.

Wakas.

********************
Æ | Cєѕѕ
© aestheticess

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top