[Kabanata 9 - Pagguho ng Mundo]
KINABUKASAN, nagising si Felicia dahil sa tilaok ng mga manok na maririnig mula sa kanilang tahanan. Dahan-dahan na niyang idinilat ang kaniyang mga mata at ilinibot ang kaniyang paningin. Napatigil siya matapos makitang nakahiga na siya sa kama. Sa kaniyang pagkakatanda ay sa tabi ng pinto siya nakatulog dahil sa walang tigil na pagluha kagabi.
Napatingin siya sa kaniyang tabi, muli siyang napatigil matapos makita si Enrique na payapang natutulog sa kaniyang tabi. Habang nakapikit ang mga mata ay humarap ito sa direksyon niya at niyakap siya ng mahigpit, sadyang magulo talaga itong matulog. Hindi naman malaman ni Felicia ang mararamdaman ngayong katabi na niya ang kaniyang asawa.
Sandali niya itong pinagmasdan ng malapitan. Nakikita ngayon ni Felicia ang kapayapaan sa mukha nito, na hindi niya makita sa tuwing magkaharap silang dalawa. Pakiramdam niya ay tanging poot, galit, at hinanakit na lang ang palaging naghahari sa tuwing nagtatagpo ang kanilang mga mata.
Napaiwas na ng tingin si Felicia sapagkat hindi niya nakayanan pang pagmasdan nang matagal si Enrique. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nabubura sa kaniyang isipan ang naging pagtatalo nila kagabi. Hindi niya alam kung bakit nandito ito ngayon sa kaniyang tabi.
Hinawakan na niya ang kamay ni Enrique at maingat na inalis sa kaniyang baywang. Mula sa pagkakahiga ay umupo na siya at napahinga ng malalim. Napahawak siya sa kaniyang mga mata at maging sa pisngi, ang init ng kaniyang mukha at natuyo na rin ang mga luhang pilit niyang pinipigilan kagabi.
Tumayo na siya si kama at napatingin sa bintana ng kanilang silid na noo'y nakabukas. Kulay asul ang kalangitan at mukhang maaga pa. Sa huling pagkakataon ay sinulyapan ni Felicia si Enrique na payapa pa ring natutulog hanggang sa tuluyan na siyang lumisan sa kanilang madilim na silid.
MATAPOS magtungo ni Felicia sa simbahan upang magdasal at humingi ng tulong patungkol sa kaniyang damdaming nahihirapan ay dumiretso na siya sa pamilihan sapagkat naisipan niyang uwian ng pagkain ang kaniyang mga anak. Dumiretso siya sa hilera ng mga pagkain habang suot ang itim na balabal.
Naalala niya bigla noong mga panahong hindi pa dumarating si Enrique sa buhay niya, nais niya lang maging madre sapagkat maliban sa nais niya talaga ay upang wala na rin siyang maging problema sa buhay pag-ibig at asawa ngunit dahil hindi pumayag ang kaniyang mga magulang ay nagtapos din siya sa pagkakaroon ng asawa.
"Sandali, hindi ba't siya ang asawa ni Doktor De Vera?" natauhan si Felicia mula sa pagkakatulala nang marinig ang katanungang iyon mula sa kaniyang gilid. Agad niya namang itinaas sa kaniyang ulo ang suot niyang balabal, nakalimutan niyang gawin iyon kanina at huli na ang lahat.
Napatingin siya sa dalawang babae na lumapit sa kaniya at sinimulan siyang kausapin. "Ikaw si Felicia De Vera, hindi ba? Ano ang iyong nararamdaman gayong linoloko ka pala ng iyong asawa? Bakit nagagawa niya pa ring makauwi sa inyong tahanan?" sunod-sunod na tanong ng isa, dahan-dahan namang naglaho ang emosyon sa mukha ni Felicia.
"Hindi niya naman magagawa ang mga bagay na ibinibintang niyo sa kaniya," walang emosyong tugon ni Felicia. Nagkatinginan ang dalawang binibini na iyon.
"Ngunit..." pinutol ng binibini ang kaniyang sinasabi at tinuro ng kaniyang kasama. "Nakita niya raw mismo ang iyong asawa na may kalaguyo ayon sa kaniya," patuloy nito, agad namang tumango ang itinuro ng binibini at ilinibot ang kaniyang paningin.
"N-nakita ko ang iyong asawa na may sinalubong na ibang babae kagabi sa labas ng inyong tahanan. Hindi ko nakilala ang babae sapagkat madilim na ang kapaligiran at nakasuot ito ng balabal na kagaya mo."
"Ang tanging alam ko lang ay muli nang bumalik sa loob ng inyong hacienda si Ginoong Enrique matapos nilang mag-usap saglit ng babaeng iyon at... At naghawak kamay," patuloy ng babaeng nagpapatunay na nasaksihan niya kagabi si Enrique na may kasamang iba.
Tila saglit na tumigil ang pagtibok ng puso ni Felicia dahil sa mga salitang ibinahagi nito sa kaniya. Tila binalot na siya ng kahihiyan lalo na't lahat ng mga taong nasa paligid kung nasaan siya ay nakatingin na rin sa kaniya ngayon at narinig ang lahat ng isinalaysay ng babae. Sinubukan niyang labanan ang nagsisimulang pagbigay ng kaniyang damdamin at pinanatiling walang emosyon ang kaniyang mukha.
"¿Quién? (Who?)" tanong ni Felicia sa muling pagkakataon, ngayon ay nababalot na ng lamig ang kaniyang boses dahil sa lahat ng pasakit na ibinibigay sa kaniya ni Enrique.
Nagsimula nang magbadya ang luha sa mga mata ni Felicia. Bago pa makasagot ang babae ay dali-dali na siyang tumalikod at nagmadaling lumisan sa lugar na iyon. Ang lugar na nagdulot lang naman ng pagkislap sa kaniyang mga matang luha ang dala. Tumalikod man siya, ngunit narinig niya pa rin ang kasagutan na ngayo'y bumabalot na sa kaniyang pusong nababalot din ng poot.
PAGKARATING sa Hacienda De Vera ay diretso ang tingin na dumiretso si Felicia sa loob ng mansyon. Hindi niya napansin ang kaniyang mga anak na sumalubong sa kaniya sa tapat ng pinto dahil sa dire-diretso niyang paglalakad.
Natauhan lang siya nang magsalita si Manang Numeriana, "Felicia, hija?" napatigil si Felicia at napatingin kay Manang Numeriana, tumingin ito sa kaniyang likod na kaniyang nalagpasan na.
Lumingon naman si Felicia. Dahan-dahan naglaho ang salubong niyang kilay matapos makita si Gael, Hilario, at Isla na pilit na ang ngiti habang patuloy na kumakaway sapagkat hindi sila napansin ng kanilang ina at nilagpasan lang.
Nanginginig sa galit na napahinga ng malalim si Felicia bago dahan-dahang yumukod upang tanggapin ang yakap ng kaniyang mga anak. Isa-isa niyang hinalikan sa pisngi si Gael, Hil, at Isla bago muling balingan si Manang Numeriana na ngayo'y nag-aalala siyang pinagmamasdan.
Naglakad siya papalapit dito. "Nasaan si Enrique?" seryosong tanong ni Felicia at tumingin sa itaas ng hagdan.
"Naririto siya..." muling nagbaba ng tingin si Felicia nang sumagot si Manang Numeriana. Lumipat ang kaniyang mga mata sa likuran ng matanda nang masilayan doon ang lalaking kaniyang hinahanap.
Hindi nagbago ang mukha ni Felicia, nanatili itong walang emosyon. Agad siyang naglakad papalapit dito at mahigpit na hinawakan ang braso nito dahil sa galit na nararamdaman. Akmang hahatakin na niya ito papanik ngunit sabay silang napatingin ni Enrique kay Isla nang lumapit ito sa kanila.
"Ina, bakit po? Maglalaro pa po kami nila ama, kuya Gael, at kuya Hil," inosenteng wika nito. Nanginginig ang labing isa-isang tinignan ni Felicia si Isla, Hil, Gael, Manang Numeriana, at Enrique na naguguluhan sa kaniyang ikinikilos ngayon.
Muli na niyang binalingan si Isla, "Huwag ngayon, Isla," may diing tugon ni Felicia bago hatakin si Enrique papanik. Akmang susunod ang magkakapatid ngunit agad silang pinigilan ni Manang Numeriana.
"M-manang, bakit po tila nagagalit si ina?" kinakabahang tanong ni Isla habang patuloy na umuukit sa kaniyang isip ang nanlilisik na mga mata ni Felicia. Nag-aalala namang nagbaba ng tingin si Manang Numeriana sa kaniyang mga alaga na noo'y sinundan ng tingin ang kanilang mga magulang hanggang sa tuluyan itong makapanik sa silid.
"M-maglaro na muli kayo, mga anak. Sige na. Kalimutan niyo na ang inyong mga nakita sapagkat away mag-asawa lamang iyon," tugon ni Manang Numeriana ang agad dinala ang mga bata sa lugar kung saan hindi nila maririnig ang pagtatalo ng kanilang mga magulang na tila walang katapusan.
Sa kabilang banda, nang makapasok na si Felicia at Enrique sa loob ng kanilang silid ay agad isinara ni Enrique ang pinto dahil baka marinig pa ng kanilang mga anak ang maaaring kahinatnan ng kanilang pag-uusap.
Galit na nilingon ni Felicia si Enrique, "Marahil ay kaya ka pala nagbalik muli rito ay dahil sa iyong nakatagpo, ano?" may diin na saad ni Felicia na ikinatigil ni Enrique. "Ano?" gulat na tanong nito. Ang mga naging reaksyon ni Enrique ay nagdudulot ng kaba at kirot sa dibdib ni Felicia.
Nasasaktang umiwas ng tingin si Felicia. "H-hindi ako makapaniwalang magagawa mo pa ring hawakan ang kamay ng iba gayong may asawa ka na. Anong pakiramdam magtaksil, Enrique?" tanong ni Felicia at nag-aalab ang mga matang tumingin kay Enrique.
"Anong pakiramdam na mamangka sa dalawang ilog?" patuloy ni Felicia. Ang mga salitang binitawan nito ay ang mga salitang kailanman ay hindi malilimutan ni Enrique. Sa pagkakataong ito ay namutawi na rin ang poot sa kaniyang mga mata dahil sinimulan na naman siya ni Felicia.
"Ano na naman ba ito, Felicia? Wala nga akong babae!" sigaw ni Enrique dahil sa bagay na nais ipamukha sa kaniya ni Felicia.
"Ngunit bakit iyan ang kumakalat na balita tungkol sa iyo?!" tanong na sigaw pabalik ni Felicia. Paulit-ulit na siyang humihinga ng malalim upang pigilan ang nagbabadyang luha sa kaniyang mga mata dahil sa galit.
"Bakit mas naniniwala ka pa sa sinasabi ng iba kaysa sa sinasabi ko?!" napopoot na tanong ni Enrique. "Dahil hindi ko alam kung dapat pa ba kitang pagkatiwalaan!" sagot nito na siyang nagpatigil sa kaniyang mundong mapait.
Napatigil si Enrique. May mga bagay na pumasok sa kaniyang isipan habang nakatingin ng diretso sa mga mata ng asawa na tila wala nang pakielam pa sa kaniya. Sa huli ay sinubukan niya na lang ngumiti, ngiti na puno ng pait. "S-sige. Nauunawaan ko na. Na sa huli, ako na naman ang mali..." mapait na saad ni Enrique at tinalikuran na si Felicia bago nagsimulang humakbang paalis.
"Enrique!" pasigaw na pagtawag ni Felicia rito ngunit dire-diretso na itong umalis sa kanilang silid. Napakabig na lang siya sa upuan at tahimik na lumuha. Hindi na niya maintindihan pa...
Umihip ang malamig na hangin na siyang yumakap sa kaniyang nilalamig na puso. Tuluyan nang kumawala ang luha sa mga mata niya dahil palagi na lamang siyang iniiwang nitong luhaan at naguguluhan sa kanilang pagsasamang tila wala nang patutunguhan.
Naiwang mag-isa at luhaan si Felicia habang nakatulala sa pintong ngayon ay naiwang nakauwang ni Enrique. Ipinikit niya ang kaniyang mga mata at ibinulong na lamang sa kaniyang isipan ang katanungan na hanggang ngayon ay hindi niya pa rin magawang matanong sa loob ng labing isang taong pagsasama nilang dalawa.
Bakit patuloy pa rin kitang minamahal gayong patuloy mo rin akong sinasaktan?
MAKULIMLIM ang kalangitan, payapa ang buong kapaligiran. Narito ngayon si Felicia sa labas ng kanilang mansyon at nakaupo sa isang bato na nasa loob lang din ng kanilang hacienda. Hawak niya ngayon ang kaniyang umbok na tiyan. Nagpapasalamat siya at hindi siya mag-isa ngayon dahil naririto ang kaniyang anak.
Pinakiusapan ni Felicia si Manang Numeriana na ipasyal muna sina Gael, Hil, at Isla sa bayan upang malibang ang mga ito at makalimutan ang kanilang nasilayan sa pagitan nilang dalawa ni Enrique. Bilang isang magulang, kaniyang pinagsisisihan ngayon ang kaniyang mga nagawa sa harap ng kaniyang mga anak. Masyado siyang magpadalos-dalos at nagpadala sa galit.
Natauhan si Felicia at napatingin sa tarangkahan nang bumukas iyon. Tumayo na siya, akmang ipapasok na ni Mang Ambo ang kalesa sa loob ngunit agad siyang pinigilan ni Felicia. Mabilis siyang naglakad papalapit sa matanda at sinulyapan ang kalesa bago muli ito. Sa kaniyang pagkakatanda ay ginamit ni Enrique ang kalesa nang ito'y umalis na naman.
Kung kaya't kataka-takang mag-isa na lamang umuwi si Mang Ambo ngayon. "Nasaan ho si Enrique?" malamig na tanong ni Felicia. Naligo, gumalaw, naglakad, nagpahangin, at nag-isip na siya't lahat-lahat ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin mawala ang bigat sa kaniyang dibdib.
Napatigil naman si Mang Ambo dahil sa katanungan ni Felicia. Hanggang ngayon ay nakatatak pa rin sa kaniyang isipan ang namumugtong mga mata ni Felicia nang magbalik ito sa kalesa noong araw na sinabi nitong isama siya nito patungo kay Enrique. Nababahala siyang mangyari muli iyon.
"S-sa tulay ho, señora. Ang sabi niya ay iwan ko na lang po siya roon sapagkat nais niyang mapag-isa," sagot ni Mang Ambo, nanatiling nakatitig sa kaniya si Felicia. Nakikita niya ngayon ang kabang bumabalot dito. "Dalhin niyo ako sa kaniya," walang emosyong wika ni Felicia.
"Ngunit--" hindi na natapos ni Mang Ambo ang kaniyang sasabihin dahil nagpatuloy si Felicia sa pagsasalita, "Ako ang kaniyang asawa." Kung kaya't wala nang ibang nagawa pa ang matanda kung hindi alalayan si Felicia pasakay sa kalesa at magtungo pabalik sa tulay ng Santa Prinsesa kung saan iniwan niya si Enrique De Vera.
MALAKAS na ihip ng hangin ang sumalubong kay Felicia nang makarating sila sa kalye kung saan nakatayo ang tulay ng Santa Prinsesa. Papalubog na ang araw. Nang makababa sa kalesa ay dire-diretsong naglakad si Felicia patungo sa tulay. Tinawag pa siya ni Mang Ambo ngunit wala nang makapipigil pa sa isang taong naghahangad na malaman ang katotohanan.
Ngunit dahan-dahang bumagal ang mabilis na paghakbang ni Felicia matapos tuluyang matagpuan si Enrique na nakatayo sa gitna ng tulay. Nasa tulay nga ito, ngunit ang katotohanang may kahawak itong kamay ay ang labis na nagpatigil ngayon sa kaniya.
Nakatalikod ito at ang kasama nitong babae kung kaya't hindi niya alam kung anong reaksyon o emosyon ang namumutawi ngayon sa dalawang taksil, ngunit ang tanging malinaw lang sa kaniya ay ang mapait na emosyon na namumutawi ngayon sa kaniyang mga mata.
Tila napako ang kaniyang mga paa mula sa kaniyang kinatatayuan at hindi makagalaw habang nakatingin ngayon ng diretso kay Enrique. Lumingon ito sa babae kung kaya't nasilayan ni Felicia ang ngiting kailanman ay hindi nito nagawang maibigay sa kaniya bilang asawa.
Tila nanigas si Felicia sa kaniyang kinatatayuan matapos makilala ang babaeng iyon. Ngunit tuluyang gumuho ang kaniyang mundo nang mahigpit na yakapin ng dalawa ang isa't isa at harap-harapan niya pa mismong nakita.
********************
Æ | Cєѕѕ
© aestheticess
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top