BALANG ARAW KABANATA 6
[Kabanata 6 - Dahan]
"FE..." napatigil si Felicia matapos sambitin ni Enrique ang palayaw na ibinigay nito sa kaniya. Hindi niya namalayang naglakad na pala ito papalapit sa kaniya at ilinapag sa lamesa ang mga manggang dala nito.
Nanatiling nakatitig si Felicia sa kaniyang asawa. Bigla ay unti-unting nanumbalik sa kaniyang isipan ang ala-ala ng nakaraan kung saan binigyan siya ni Enrique ng palayaw na kailanman ay hindi niya inasahan at malilimutan...
Pilipinas, 1746.
Taong 1746, magkasama ngayon si Felicia at Enrique sa tulay ng Santa Prinsesa. Yinaya ni Enrique si Felicia na lumabas at dahil naroroon ang kaniyang mga magulang na si Don Florencia Vergara at Don Eugenio Vergara ay wala siyang ibang napamilian kung hindi sumama sa lalaking labis na nagdudulot ng pagkairita sa kaniya sapagkat kay kulit nito.
"Feliciana," nakangiting pagtawag sa kaniya ni Enrique, ang ngiti na nagpapasilay sa biloy nito sa magkabilang pisngi. Nauuna si Felicia sa paglalakad sapagkat hindi niya nais makasabay ito. Kunot noo niya namang nilingon si Enrique dahil sa maling pangalang itinawag nito sa kaniya.
"Felicia ang aking pangalan... Mujeriego, (Womanizer)" walang emosyong pagtatama ni Felicia at muli nang nagpatuloy sa paglalakad, mas lalo siyang nairita dahil maling pangalan ang tinawag ni Enrique sa kaniya.
Tuluyan na silang nakatawid sa tulay. Hapon na at naghahari ngayon ang mga ulap sa kalangitan. Malakas din ang alon ng tubig sa ilog at sa ilalim ng maigsing tulay ng Santa Prinsesa.
Alam niyang habulin ng mga babae ang kaniyang mapapangasawa at sa kamalas-malasang pagkakataon ay nagwagi siya.
Labing pitong taong gulang pa lamang si Felicia habang si Enrique naman ay labing walong taong gulang at sa susunod na taon ay ikakasal na sila. Ang kasal na sa pagkakaalala ni Felicia ay tanging ang kanilang mga magulang lang ang may nais at hindi si Enrique, at mas lalong siya.
"Kay haba ng iyong pangalan... Nararapat sigurong ibahin ko ito," ngiti ni Enrique at nasabayan na si Felicia sa mabilis nitong paglalakad. Napapikit naman si Felicia sa inis at nagsalubong na ang kaniyang kilay, ito ang mukha na ang dahilan kung bakit ayaw lumapit ng mga ginoo sa kaniya.
"Fe... Tama! Fe na lamang ang itatawag ko sa iyo nang sa gayon ay hindi na ako mahirapan pa. At..." pinutol ni Enrique ang kaniyang sinasabi at pumunta sa harapan ni Felicia na siyang naging dahilan upang mapatigil ito sa paglalakad.
Walang emosyon siyang nag-angat ng tingin kay Enrique na nakangiti pa rin sa kaniya hanggang ngayon kahit na nakasimangot pa siya. "At upang malaman mo agad kung ako ba ang tumawag sa iyo, Fe," patuloy ni Enrique at tumingin ng diretso sa mga mata niya. Sandaling napatigil si Felicia ngunit agad niyang napigilan ang sarili.
Napasimangot siya, "Ano ako? Alaga mo?" kunot noong tanong nito na ikinapikit ni Enrique upang pigilan na matawa. Nakangiting umiling si Enrique at pinagmasdan ang babaeng ilang buwan na lang at makakasama na niya habang buhay.
Walang kurap na napatitig din si Felicia kay Enrique. Hindi man siya nagpakita ng emosyon ngunit hindi niya magagawang maitatanggi sa kaniyang sarili na masaya siyang sa kauna-unahang pagkakataon ay may nagbigay ng palayaw sa kaniya, at si Enrique iyon.
Hanggang ngayon, si Enrique pa rin ang tanging tumatawag sa kaniya niyon. Kay tagal na rin simula noong huling sinambit ni Enrique ang palayaw na ibinigay din nito sa kaniya, hindi niya inaasahang mangyayari muli ito ngayon.
Natauhan na si Felicia at muling nag-angat ng tingin sa asawa, nakatitig pa rin ito sa kaniya hanggang ngayon. Napaiwas naman ng tingin si Felicia at nagbalik ng tingin sa mga manggang nakapatong ngayon sa lamesa. Hindi niya alam ang dapat maramdaman...
Napansin ni Enrique na natatakam na ngayon si Felicia sa mga mangga sapagkat walang kurap niya itong pinagmamasdan ngayon. Pagod man ngunit nagtungo na siya sa kusina at may kinuha roon. Pagbalik sa hapag ay umupo na siya sa kalapit na upuan ni Felicia at sinimulang balatan ang mga mangga gamit ang kutsilyong kinuha niya sa kusina kasama ang platito.
Habang abala si Enrique sa pagbabalat ng mangga ay napatitig si Felicia sa kaniya, nakasuot pa rin ng pang-alis si Enrique. Nais niyang magalit ngayon dito, sumigaw at saktan si Enrique gaya ng ginawa nito sa kaniya ngunit ngayo'y tila napipi siya.
Napatikhim si Felicia, "P-paano mo nalaman na nais ko ng mangga?" wala sa sariling tanong ni Felicia. Saglit siyang sinulyapan ni Enrique bago muling nagpatuloy sa ginagawa.
"Ito naman palagi ang nais mo," sagot nito nang hindi tumitingin kay Felicia. Napatigil naman siya at dumampon ng pirasong mangga sa platito at sinubo iyon. Lihim siyang napangiti dahil tamang klase ng mangga ang nabili ni Enrique para sa kaniya.
Natapos na ni Enrique ang pagbabalat. Inipon na ni Enrique ang mga balat ng mangga at tinapon iyon sa basurahan sa kusina. Naghugas na siya ng kamay. Itinago niya na rin ang kutsilyong ginamit niya dahil baka mamaya ay kuhanin pa iyon ng kaniyang asawa.
Nang matapos ay muli na siyang nagbalik sa kaniyang kinauupuan at sinulyapan si Felicia na tuloy-tuloy ngayon sa pagkain. Dumampot din si Enrique ng mangga dahil nagugutom na siya, napatingin si Felicia sa kaniya dahil doon. Hindi kailanman nito malilimutan na mahilig kumain si Enrique.
Sa huli ay naghati na lang sila. Hindi nakapagsalita pa si Felicia sapagkat abala siyang unahang kumain si Enrique, napansin naman iyon ni Enrique kung kaya't hindi na siya nakipag-agawan pa lalo na't dalawa ang kaniyang kahati.
Habang nakapatong ang kamay sa lamesa ay lumipat ang makukulit na mga mata ni Enrique sa umbok na tiyan ni Felicia. "Kumusta na pala ang ating anak?" tanong ni Enrique at nag-angat ng tingin sa mga mata ng asawa, walang emosyon siyang sinulyapan nito.
"Aba'y malay ko. Itanong mo siya, tignan mo kung tutugon," sarkastikong sagot ni Felicia at inubos na ang mga mangga. Napakurap ng tatlong beses si Enrique bago tumayo na sa kaniyang kinauupuan.
Naalerto naman si Felicia at napatayo rin sa kaniyang kinauupuan nang tumalikod ito, akmang hahakbang na ngunit agad niyang hinawakan ang braso ni Enrique upang pigilan. "Hindi ka maaaring umalis ngayon. Hinahanap ka na ng mga anak mo," seryosong saad ni Felicia. Dahan-dahan namang nagbalik ng tingin sa kaniya si Enrique.
"Hindi naman ako aalis..." mahinahong tugon ni Enrique. Hinawakan niya ang kamay ni Felicia at maingat iyong inalis sa kaniyang braso. "Dito lamang ako," dagdag ni Enrique habang nakatingin ng diretso sa mga mata nito.
Sandali silang napatingin ng diretso sa mga mata ng isa't isa. Makalipas ang ilang saglit ay hindi na nakayanan pa ni Felicia at napaiwas na ng tingin. Napaatras siya at tumalikod bago mapayuko. "Mag-usap na lamang t-tayo bukas," mabilis na wika ni Felicia at dali-daling naglakad papanik dahil sa kabang hindi niya maunawaan.
Sinundan na lamang siya ng tingin ni Enrique at nang mawala sa kaniyang paningin ay napahawak siya sa mesa at napatulala sa platito na ngayo'y wala nang laman pa. Malamang ay dadalhan niya pa ito ng tubig sa itaas sapagkat nakalimutan nitong uminom dahil sa pagmamadali.
Napahinga na lang ng malalim si Enrique at napasandal sa lamesa. Ngayon ay muli na siyang nanumbalik sa katotohanan. Napapikit siya ng mariin sapagkat hindi na niya maintindihan pa, hindi na niya maunawaan pa ang nangyayari sa kaniyang magulong mundo.
KINABUKASAN, naalimpungatan si Felicia dahil sa sinag ng araw na tumatama sa kaniyang mukha. Dahan-dahan na niyang inimulat ang kaniyang mga mata at lumingon sa kaniyang tabi. Wala si Enrique.
Inaantok siyang bumangon mula sa pagkakahiga at napatingin sa maaliwalas na kalangitan dahil nakabukas ang bintana. Napatulala siya sa kawalan, hindi niya alam kung talaga bang natulog si Enrique kagabi sa kaniyang tabi. Ang tanging naaalala niya lang ay may tumabi sa kaniya bago muling makatulog.
Si Enrique...
Sa muling pagkakataon ay nanumbalik na naman si Felicia sa nakaraang nagdaan na. Muli niyang naalala ang sandali kung saan sa una at sa hindi inaasahang pagkakataon ay magtatagpo ang landas nila ni Enrique, labing dalawang taon na ang nakararaan...
Pebrero, 1746.
Mula sa ilalim ng puno ay nakatulala at mag-isang tinatanaw ni Felicia ang isang tindahan na ilang ulit na niyang binabalikan. May nais siyang bilhin doon ngunit hanggang ngayon ay hindi niya pa rin mabili sapagkat kailanman ay hindi siya nagkaroon ng loob na humingi ng salapi o ano man sa kaniyang mga magulang.
Napataas ang kaniyang kilay nang may dalawang binata ang napatingin sa kaniya at hinabulan siya ng tingin, ngunit nang makita ang papasalubong na kilay ni Felicia ay agad silang umiwas ng tingin at nagpatuloy sa paglalakad na tila walang nangyari. Ang salubong na kilay ni Felicia ang dahilan kung bakit hindi makalapit ang mga kalalakihan sa kaniya.
Umihip ang malamig na hangin. Walang emosyong napatingin naman si Felicia sa kalangitan, papalubog na ang araw at mula sa kaniyang puwesto ay natatanaw niya ang alon sa dalampasigan na may kalayuan sa kaniya. Ibinaba na ni Felicia ang mga mata niya at napatingin sa isang binatang nakasuot ng itim at swabeng naglalakad.
Napatingin naman si Felicia sa mga binibining grupo-grupo at pinapaypayan ang kanilang mga sarili habang sinusundan ng tingin ang lalaking tinatangi nila ng lubos. Napaikot ang mga mata ni Felicia nang makita ang pumupungay nitong mga mata at ngiting abot langit nang sulyapan sila ng binatang iyon.
Kunot noo niya namang sinundan ng tingin ang lalaking mukhang handang pag-alayan ng buhay ng mga babaeng iyon. Napatingin ito sa kaniya. Dahan-dahang nawala ang pagkakunot ng noo niya nang may mapagtanto.
Mukha itong mayaman dahil sa suot nitong mamahalin at malakas pa ang dating. Kaya naman walang takot siyang tumayo at naglakad papalapit sa lalaking iyon, sa lalaking walang iba kung hindi si Enrique De Vera.
Napatigil si Enrique sa taas noong paglalakad nang may babaeng biglang nagtungo sa harapan niya at walang emosyon siyang tinignan. Nagtaka siya dahil hindi man lang ito nag-abalang takpan ang kaniyang mukha at diretso pa siyang tinignan, kung sa bagay ay wala naman itong dalang abaniko.
"Maaari bang makihiram ng salapi?" walang kabuhay-buhay na tanong nito. Nagtataka siyang tinignan ni Enrique. Hindi niya alam kung seryoso ba ito gayong ngayon lang naman sila nagkakilala.
Ilinahad na ni Felicia ang kaniyang palad at tila nabuburyo na. Napalunok si Enrique bago dumukot ng salapi sa kaniyang bulsa at binigyan si Felicia ng limang piso. Napatingin naman si Felicia sa kaniyang palad bago muli kay Enrique na nagtataka pa ring nakatingin sa kaniya at hindi na nakapagsalita.
Kumurap lang ng dalawang beses si Felicia bago talikuran na si Enrique at nagtungo sa tindahang kaniyang tinatanaw kanina at bumili na ng kuwaderno. Naguguluhan siyang sinundan ng tingin ni Enrique dahil hindi man lang ito nagpasalamat at umalis pa na tila walang nangyari.
Napalingon si Enrique sa mga binibining ngayon ay tila pinagsukluban ng langit at lupa. Hindi sila makapaniwalang may isang babaeng walang takot na lalapit sa kanilang sinta gayong sila nga ay hindi makalapit dito dahil may kasunduan silang magkaibigan na hindi maaaring lapitan si Enrique upang lumandi lang.
Nangangailangan din si Enrique noong mga panahong iyon kung kaya't agad niyang hinanap si Felicia at hinabol dahil sa utang nitong hindi na binayaran pa ni Felicia at mukhang kinalimutan na.
At sa hindi inaasahang pagkakataon, hindi rin nila inasahang silang dalawa pala ang itatakda sa isa't isa.
ALAS-SIYETE ng umaga. Katatapos lamang maligo ni Felicia. Nakasuot na siya ng kremang baro at itim na saya. Kasalukuyan niyang binobotones ngayon ang suot niyang baro nang bumukas ang pinto. Tinapos na niya ang pagbobotones sa kaniyang baro at nilingon si Enrique na siyang pumasok sa loob.
Kinuha nito ang naiwan niyang panyo sa lamesa. Bihis na bihis ito at mukhang aalis, bagay na agad napansin ni Felicia. "Saan ka magtutungo?" tanong ni Felicia at tinuyo ang kaniyang mahaba at tuwid na buhok.
"Hindi mo na kailangang malaman pa." Kumunot ang noo ni Felicia dahil sa sagot nito. Matalim ang tingin na linapitan niya ang asawa.
"Sasama ako kung talagang wala kang itinatago," diretsong wika ni Felicia na ikinatigil ni Enrique, sinulyapan na niya si Felicia na hindi siya inurungan at diretso pa rin siyang tinignan dahil sa mga mata nitong humihingi ng paliwanag.
Sandaling napatitig si Enrique sa kaniya bago napahinga ng malalim at tumango. Walang kurap ding tinignan ni Felicia si Enrique bago dahan-dahang umatras at tumalikod na. Napayuko na lang siya at nagpatuloy sa kaniyang ginagawa.
Pumayag man si Enrique ngunit hindi na nawala pa ang paghihinala at agam-agam sa puso ni Felicia dahil sa mga salita at kilos nitong palaging nagbibigay ng dahilan upang dahan-dahang maglaho ang tiwala niya para rito.
********************
Æ | Cєѕѕ
© aestheticess
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top