BALANG ARAW KABANATA 4

[Kabanata 4 - Suliranin]

HABANG patuloy na bumubuhos ang malakas na ulan, bumukas ang pinto at bumungad doon si Enrique na basang-basa ng ulan. Hinubad niya ang kaniyang sumbrelo at pinunasan ang kaniyang noong nabasa na.

Habang patuloy na humakbang ay ilinibot niya ang kaniyang paningin. Malalim na ang gabi at hindi na niya inaasahan pang may maabutan sa ibaba ng mansyon. Ngunit napatigil siya matapos maabutan si Felicia na nakasandal sa pader. Ang mas lalong nagpagulat sa kaniya ay ang tahimik nitong pagluha na rinig sa buong kapaligiran sapagkat kay tahimik ng malamig na gabi.

Dahan-dahan nang nag-angat ng tingin sa kaniya si Felicia at nakita ni Enrique ang poot na ngayon ay namumutawi sa mga mata nito. At sa pagkakataong iyon, naglakad na si Felicia papalapit sa kaniya at pinaulanan ng mga tanong na kailanman ay hindi niya inasahan.

Tumatagos sa nakasaradong bintana ang liwanag na nagmumula sa buwan, may lampara rin na nasa lamesa at malapit lamang sa dalawa kung kaya't nagawa nilang maaninag ang isa't isa. Nang makalapit ay tinignan ni Felicia si Enrique ng diretso sa mga mata nito. Kitang-kita ngayon ni Enrique ang nagliliyab nitong mga mata sa galit.

Magsasalita na sana siya ngunit naunahan na siya ni Felicia, "Ano itong narinig kong may anak ka raw sa ibang babae?" matigas na tanong nito habang nakatingin ng diretso kay Enrique na noo'y nagulat at hindi makapaniwalang tinignan ang asawa.

"Ano?" hindi makapaniwalang tanong pabalik ni Enrique.

Kumuyom ang kamao ni Felicia. "Hindi ka ba talaga nag-iisip? Gagawa ka na lamang ng kalokohan, iyong malalaman pa ng taong bayan! Hindi mo ba naiisip na baka makarating ito sa mga anak mo?!" patanong na sigaw nito, nanginig na ang kaniyang labi matapos maalala si Isla na narinig ang balitang may kinalaman sa ama nito.

Hindi na napigilan pa ni Felicia ang kaniyang sarili at nakapagbitiw na ng masasakit na salita dahil sa labis na inis at galit. Maaari itong makasama sa kanilang anak na nabubuhay sa sinapupunan nito. Nanatiling nakatitig si Enrique sa kaniyang asawa at hindi nakapagsalita, mga bagay na mas lalong nagpasikip sa dibdib ni Felicia.

Nanginginig na napahinga ng malalim si Felicia upang pigilan ang nagbabadya niyang luha. Labis siyang nasasaktan ngayon sa balitang kaniyang narinig, maaaring ngayon ay nakarating na iyon sa lahat at maaaring ikasira ng kanilang pamilya. At mas lalo siyang nasasaktan dahil sa katotohanang narinig iyon ng kaniyang anak at baka makarating na rin sa buong pamilya.

"H-hindi ba't may kasintahan ka noon? At natigil lamang ang relasyon niyo nang itakda tayong ikasal sa isa't isa. Hindi kaya't totoo ang usap-usapan sa buong bayan? Na nagkaroon nga kayo ng anak bago kami ng mga anak mo..." nasasaktang saad ni Felicia at napopoot na tinignan si Enrique bago dali-daling pumanik sa itaas at nagkulong sa kanilang silid.

Naiwang mag-isa si Enrique sa sala at napatulala na lang sa kawalan. Umihip ang malamig na hangin na yumakap sa damdamin niyang nag-iisa. Napapikit na lang siya sa inis, hindi niya akalaing darating ang araw na mangyayari ang bagay na iyon sa kaniya at sa nananahimik niyang pamilya.

ORAS ng siyesta, hindi malaman ni Manang Numeriana kung paano kikilos ng maayos gayong kanina pa siya sinusundan ni Hilario. Si Gael naman ay sinusundaan siya ng tingin. Nasa kusina silang tatlo dahil naghahanda si Manang Numeriana ng makakain para sa mga alaga.

Habang naghuhugas ng kamay ay lihim na sinulyapan ng matanda si Gael, ang mga kilos nito ay pamilyar sa kaniya. Ganiyan na ganiyan din ang ama nito noong bata pa lamang. Ang pinagkaiba lamang ng dalawa ay madalas suplado si Gael habang si Enrique naman ay madalas na makulit noong bata pa, tulad ni Hilario ngayon.

"Manang..." nagkatinginan si Hil at Gael nang sabay nilang tawagin si Manang Numeriana, nagbaba naman ng tingin ang matanda kay Hilario na nasa likuran lang niya.

Napahinga siya ng malalim bago magsalita, "Ano iyon?" tanong ni Manang Numeriana at nagkunwaring hindi nauunawaan ang sitwasyon, nagpatuloy na lang siya sa kaniyang ginagawa.

Sumenyas si Gael na siya na ang magsalita. Sinamaan siya ng tingin ni Hil bago muling bumaling sa mayor doma ng Hacienda De Vera, "M-manang... May sasabihin daw po si kuya Gael," hindi siguradong saad ni Hil at nilingon ang kaniyang kuya Gael na ngayo'y kumunot ang noo dahil sa mali-maling sinaad niya.

"Gael," pagtawag ni Manang Numeriana kay Gael at nilingon na ito. Umalis na si Gael sa pagkakasandal sa lamesa at tinignan muli si Hilario gamit lamang ang kaniyang mga mata bago napahinga ng malalim.

Binalingan na niya si Manang Numeriana, "Manang, nais lang po naming magtanong ukol sa... Sa kumakalat na balita tungkol sa aming ama. Kalat na po ito sa buong bayan kung kaya't imposibleng hindi niya ito alam," diretsong saad ni Gael, inaasahan na iyon ni Manang Numeriana ngunit napatigil pa rin siya.

"Manang, totoo po ba iyon? May ibang anak po ba talaga si ama sa ibang babae at hindi kay ina?" inosenteng tanong ni Hilario, sa murang edad ay hindi niya maunawaan ang bagay na ipinamumukha ng mundo sa kaniya.

"Hil, iyong sinasabi ba na hindi ka naniniwalang hindi totoo ang usap-usapan kumakalat ngayon sa ating ama?" tanong ni Gael at humakbang papalapit sa kaniyang kapatid.

Agad namang umiling si Hilario. "Hindi naman sa ganoon, kuya. Nais ko lamang magtanong. Bakit, masama ba?" buwelta ni Hil na hindi ikinatuwa ni Gael. Akmang magsasalita na muli siya ngunit sinuway na sila ni Manang Numeriana.

"Ano ba kayong dalawa? Sa tingin niyo ba ay matutuwa ang inyong ina na makita kayong nagtatalo?" kunot noong tanong ng matanda, maging siya ay naaapektuhan na rin dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin bumababa si Felicia at nagkukulong pa rin sa cuarto.

Napatahimik naman ang dalawang magkapatid at humingi ng tawad. Nang maalala ang kanilang ina ay biglang nakaramdam ng lungkot si Hil. Kahit pa palaging nagagalit ang kanilang ina ay hindi siya sanay na wala ito sa kaniyang paligid, nangungulila na siya rito kahit na mag-iisang araw pa lamang silang hindi nagkikita.

"Manang? Kailan po ba bababa si ina? At nasaan po si ama?" tanong muli ni Hilario. Sa pagkakataong iyon ay napahinga na ng malalim si Manang Numeriana at napaiwas ng tingin.

Noong gabing nagtalo si Felicia at Enrique ay naroroon siya, narinig at nasaksihan niya ang pagtatalo ng mga ito. Nang makapanik na si Felicia at malakas na isara ang pinto ng kanilang silid ay sandaling napatulala si Enrique bago muling lisanin ang kaniyang tirahan kahit na patuloy na bumubuhos ang malakas na ulan.

Lumisan muli si Enrique dahil sa pagtatalo nila ni Felicia na hindi na maubos-ubos. Sa mga ganoong sitwasyon, hindi niya muna nais kausapin si Felicia sapagkat baka kung ano pa ang kaniyang masabi.

Napahinga na lang ng malalim si Manang Numeriana, mabuti na lamang at hindi nagising ang mga anak ng dalawa dahil sa malakas na pagsara ng pinto ni Felicia at sigawan nilang dalawa ni Enrique. Napapikit si Manang Numeriana, ngunit hindi naman makatatakas sa magkakapatid na De Vera ang balitang nakarating na rin maging sa kaniya.

"Manang..." natauhan si Manang Numeriana nang kalabitin siya ni Hilario. Agad siyang nagbalik ng tingin sa dalawa at sinubukang ngumiti.

Ngiting napipilitan. "Ah! Ang inyong inay Felicia kasi ay may malubhang karamdaman. Kasalukuyan niyang linalabanan ito sa loob ng kaniyang cuarto at hindi niya nais lumabas sapagkat baka mahawa kayo," pagsisinungaling ng matanda at umasang mapaniwala niya agad si Gael at Hil.

Napakurap ng dalawang beses si Gael. Maaari nga sapagkat malakas ang buhos ng ulan kagabi at malamig ang panahon kung kaya't maaaring doon nagkasakit ang kaniyang ina. Ngunit... "Ngunit nasaan po si ama?" tanong na naman ni Hilario. Napapikit si Manang Numeriana, kay kulit talaga ng pangalawang anak ng mag-asawang De Vera na ngayo'y nasa magulong sitwasyon.

"Nasa trabaho... Naku! Darami ang aking puting buhok sa iyong bata ka. Ang mabuti pa ay hanapin niyo na si Isla at dalhin dito upang kayo'y kumain na," mabilis na saad ni Manang Numeriana at hinawakan ang balikat ng dalawa upang dalhin sa labas ng kusina.

Agad namang bumalik ang matanda sa loob ng kusina at tinalikuran ang dalawa, nagpatuloy na siya sa kaniyang ginagawang pagluluto. Sa tapat ng kusina ay nagkatinginan si Gael at Hilario. Hinawakan ni Hil ang braso ng kaniyang kapatid at hinatak papunta sa gilid ng pader na humaharang sa kusina at sala.

"Kuya, hindi sinagot ni Manang Numeriana ang aking unang katanungan," wika ni Hil at nababahalang tinignan ang kaniyang kuya. Napaiwas na lang ng tingin si Gael. Hindi siya naniniwala sa balitang kumakalat tungkol sa kaniyang ama kahit na may agam-agam sapagkat wala na lang palagi ang kaniyang ama sa kanilang tahanan.

Napalunok si Gael bago muling sulyapan ang kapatid. "Huwag mo nang isipin iyon, hindi totoo ang usap-usapan na kumakalat sa ating ama. Marahil ay... Sinisiraan lamang nila ang ating ama," hindi siguradong saad ni Gael.

Napakurap si Hilario. "Ngunit--" hindi na niya natuloy ang kaniyang itatanong dahil nagsalita na muli si Gael.

"Hanapin na lang natin si Isla," pagtatapos ni Gael at nauna na sa paglalakad palabas, agad naman siyang sinundan ni Hilario dahil hindi niya naman alam kung saan pupunta at hahanapin si Isla.

Nang makalabas, napatigil silang dalawa matapos makita ang pagluha ng kanilang bunsong kapatid na pinahahalagahan nila ng lubos.

TAHIMIK ang buong kapaligiran. Nakaupo ngayon si Isla sa upuang bato na katabi lang ng tarangkahan (gate) ng kanilang hacienda. Tinatanaw niya ang mga ulap na naghahari ngayon sa kalangitan. Magkahawak ang kaniyang mga kamay, patuloy na iniisip ang nangyari noong araw na nagtungo sila ng kaniyang ina sa pamilihan.

Simula noong araw na iyon ay hindi na niya nasilayan pa ang kaniyang ina, nangungulila na siya rito. Patuloy ding tumatakbo ngayon sa kaniyang isip ang balitang narinig mismo ng kaniyang dalawang tainga. Sa murang edad, hindi niya maunawaan kung ano ba ang ang kaniyang mga narinig. Naguguluhan siya...

"Oh? Narito pala ang anak ng lalaking namamangka sa dalawang ilog." Natauhan si Isla at gulat na nag-angat ng tingin sa kaniyang harapan. Napatayo siya at naguguluhang tinignan ang dalawang lalaking ka-edad lamang ng kaniyang kuya Gael.

"A-ano?" tanong ni Isla. Dahan-dahan nang nagsalubong ang kaniyang kilay dahil sa sinabi ng dalawa.

"Kay sama naman ng iyong ama. May pamilya na nga, gumawa pa ng bagong pamilya," tawa ng isa, natawa rin ang kaniyang kasama. Kusang namuo ang luha sa mga mata ni Isla matapos maunawaan ang sinabi ng mga ito.

Iyon ang natanaw ni Gael at Hilario sa tapat ng tarangkahan matapos makalabas sa kanilang mansyon. Dali-dali silang tumakbo papalabas ng tarangkahan at linapitan si Isla bago tignan ang dalawang lalaking iyon.

"H-hindi totoo ang sinasabi ninyo! Hindi masama ang aking ama!" sigaw ni Isla at kasabay niyon ay ang pag-ihip ng malakas at malamig na hangin.

"Iyong huwag luhaan ang katotohanan. Narinig ko na mismo sa aking ama at sa buong bayan na ang inyong ama ay namamangka raw sa dalawang ilog," nakangising wika ng isa. Tila biglang nag-init sa galit si Hil dahil sa sinabi nito.

Akmang susuntukin na niya ang nagsalitang kasing tangkad niya lang ngunit agad siyang pinigilan ni Gael, hinatak niya ito paatras bago seryosong tinignan ang dalawang lalaking hindi niya alam kung bakit tila kay laki ng galit sa kanila.

"Tama na. Umalis na rin kayong dalawa. Huwag kayong pumarito upang maghanap lamang ng gulo," kalmadong saad ni Gael kahit na sa loob-loob niya'y napipikon na rin siya gaya ng dalawa niyang kapatid.

Natawa na lang ang dalawa bago umalis sa kanilang harapan. Nilingon na ni Gael ang kaniyang dalawang nakababatang kapatid. Nag-aalalang hinawakan ni Gael ang balikat ni Isla na noo'y tumakbo na papasok sa loob habang patuloy na bumubuhos ang luha sa mga mata nito sapagkat hindi niya matanggap ang mga salitang binibitawan nito sa kanilang ama na hanggang ngayon ay wala pa ring paliwanag.

Naiwan namang tulala si Gael at Hilario sa labas ng kanilang hacienda. Ang hindi nila alam, mula sa bintana ng silid sa ikalawang palapag ay lihim na nakasilip doon si Felicia. Nasaksihan niya ang lahat ng nangyari kanina. Nais niyang bumaba at ipagtanggol ang kaniyang mga anak ngunit patuloy na nanghihina ang kaniyang puso sa lahat ng mga nangyayari.

Napasandal na lamang si Felicia sa bintana na ngayo'y nakasara na. Muli na lang niyang ipinikit ang kaniyang mga mata upang pigilan ang pamumuo ng luha sa kaniyang mga matang puno ng kalungkutan.

Mas lalo siyang napoot, mas lalo siyang nasaktan. Ngayon ay paulit-ulit na niyang sinisisi si Enrique sa lahat ng suliranin na nagmula rin dito. Mga problema at paliwanag na hanggang ngayon ay hindi pa rin magawang harapin ni Enrique at patuloy na takasan.

********************
Æ | Cєѕѕ
© aestheticess

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top