BALANG ARAW KABANATA 30
[Kabanata 30 - Habang Buhay]
DAHAN-DAHAN nang umupo si Sinta sa damuhan matapos sandaling pagmasdan ang lapida ng kaniyang minamahal. Umihip ang malamig na hangin na siyang nagbalik sa kaniya sa mapait na ala-ala ng nakaraang hindi na muli pang magbabalik. Napahinga siya nang malalim bago hawakan ang lapida ni Gael na nasa ilalim ng puno.
"G-gael, kumusta ka na?" tanong ni Sinta bago sinubukang pigilan ang pamumuo ng luha sa mga mata niya. Nagtatanong pa lamang siya ngunit hindi na niya mapigilang masaktan sapagkat kailanman ay hindi na tutugon pa si Gael sa kaniyang mga sinasabi tulad noon.
Lumingon siya sa kaniyang likuran at mula sa kaniyang puwesto ay kaniyang matatanaw ang lapida ng kaniyang ina. Mapait siyang napangiti matapos muling maalala ang unang beses na pagtatama ng kanilang mga mata ni Gael dito mismo sa simenteryo ng Santa Prinsesa.
Muli na siyang nagbalik ng tingin sa kaniyang harapan at pinunasan ang kaniyang luhang pilit niyang pinipigilan. Naparito siya upang bisitahin ang kaniyang ina at si Gael, kasama na si Hilario at Isla na katabi at kasama ngayon ni Gael hanggang sa kamatayan.
Mula sa kaniyang bulsa ay kinuha niya roon ang isang liham na inabot sa kaniya ni Felicia kahapon. Ito ang ikalawang liham na galing kay Gael para sa kaniya ngunit hindi ito ang nagbigay mismo dahil sa iba't ibang dahilan. Dahil hindi maaari at hindi na maaari pa.
Sinubukan niya munang tatagan ang kaniyang loob bago buklatin ang nakatuping liham ni Gael para sa kaniya. Nasasaktan siyang maunawaan na ito na rin ang huling liham ni Gael para sa kaniya sapagkat wala na ito. Nahihirapan man ay sinimulan na niyang basahin ang liham.
Sinta,
Kumusta ka? Umaasa ako na makarating ang liham kong ito para sa iyo kahit na ito ay iiwanan ko na lamang sa aming madilim na tahanan sapagkat tulad ng aking sasabihin sa iyo ay lilisan na kami.
Paumanhin sapagkat hindi ko na magagawa pang hintayin ang muli mong pagbabalik sa akin ngunit masaya pa rin akong malaman na bago ako tuluyang lumisan sa mundong ito ay handa mo pa rin akong balikan.
Paumanhin din sapagkat ako'y lilisan na, kami ay lilisan na. Ngunit sa kabila niyon ay hinding-hindi ko pa rin malilimutan ang lahat ng ating pinagsamahan. Simula nang ikaw ay aking makilala, simula nang dumating ka sa aking mundo, at sa lahat-lahat na. Iniiwasan man kita palagi noon ngunit ibig kong malaman mo ngayon na masaya ako dahil nakilala kita at dumating ka sa buhay ko.
Kami man ay lilisan na ngunit umaasa ako na hindi mo pa rin ako malimutan at nawa'y maalala mo pa rin ang aking boses. Lilisan man ako ngunit kailanman ay hindi ko malilimutan ang iyong makapal na kilay, mapungay na mga mata, matangos na ilong, manipis na labi na palaging ngumingiti sa tuwing nasisilayan ako. Maging ang iyong itim, mahaba, at mala-alon na buhok na mas lalong nagpapadagdag sa iyong kagandahan.
Alam kong sa iyong paningin ay wala akong pakielam sa iyo ngunit sa tuwing hindi ka nakatingin sa akin ay nagagawa kitang pagmasdan at maging sa malayuan. Umaasa ako na magagawa mo pa ring ngumiti nang matamis sa kabila ng aking paglisan sa bayan na ating pinagmulan.
Sa muli mong pagbabalik ay wala na ako kung kaya't ngayon pa lang ay humihingi na ako ng tawad. Alam kong imposible na mabasa mo pa ang liham na ito sapagkat ito ay nakatago sa aking silid kung kaya't nais ko nang sabihin na hindi lang sa bayan ng Santa Prinsesa ako mangungulila kung hindi sa iyo rin.
Kailanman ay hindi kita malilimutan, lumipas man ang taon at panahon. Hindi ko alam kung kailan muli tayo magkikita o kung mangyayari pa ba iyon ngunit umaasa pa rin ako. Sa paglipas ng panahon na wala ako ay alam kong may iba ka na ring makikilala at mapupusuan na mas magbibigay ng atensyon sa iyo tulad ng hindi ko maibigay sa iyo.
Alam kong mga bata pa tayo kung kaya't mukhang madali lang sa iyo na sabihing ibig mo akong pakasalan. Ngunit sa kabila ng lahat ay nais ko pa ring malaman mo na ikaw din ang ibig kong pakasalan, magbago man ang lahat.
Sa ngayon ay magpapaalam muna ako. Maraming salamat sa lahat. Kung sakali mang magkita tayong muli, asahan mong tatawagin na kita sa iyong pangalan. Salamat at paalam, Binibining Sierra.
Y antes de terminar esta carta, quiero que sepas que excepto Isla y mi madre, eres la mujer de mi mundo. Te amo...
Ang iyong sinta,
Gael De Vera.
Sunod-sunod na bumuhos ang luha sa mga mata ni Sinta matapos mabasa ang huling liham ni Gael para sa kaniya. Humihikbi niyang yinakap ang liham bago muling pagmasdan ang puntod ni Gael. Pakiramdam niya ay muling dinurog ang kaniyang puso matapos nitong aminin na pareho sila ng nararamdaman ngunit tanging sa liham na lamang.
Papalubog na ang araw habang patuloy na umiihip ang malamig na hangin sa kapaligiran ng simenteryo na siyang tumatangay sa mga patay na dahon na nahulog sa sahig. Ang malamig na hangin na siyang humawi sa kulot at mala-alon na buhok ni Sinta habang yakap nito nang mahigpit ang huling liham ni Gael para sa kaniya.
"G-gael, te amo mas que nunca. Te extraño... (G-gael, I love you more than ever. I miss you)" lumuluhang wika ni Sinta bago yumuko upang yakapin ang lapida ni Gael. Noong nabubuhay pa ito ay hindi man lang nila naranasang yakapin ang isa't isa. Sadyang napakadaya ng tadhana.
Sa huling pagkakataon, habang patuloy na umiihip ang malamig na hangin ay nagsimulang bumuhos ang ulan ngunit hindi umalis si Sinta sa kaniyang puwesto ay niyakap lamang ang lapida ni Gael na tanging kaniyang magagawa na lang sapagkat wala na ang kaniyang sinta.
Labing lima na si Sinta, ngunit sa paglipas ng panahon ay magiging labing limang taong gulang na lamang si Gael.
NAKATULALANG pinagmamasdan ngayon ni Felicia ang kalsada kung saan doon nagwawakas ang bawat patak ng ulan. Gabi na at siya lamang ang naririto ngayon sa Hacienda De Vera. Tanging ang isang lampara lamang ang nagbibigay liwanag sa kaniya. Nakatayo siya ngayon sa tapat ng bintana upang pagmasdan ang bawat patak ng ulan sa labas.
Kasalukuyan niya ngayong iniisip ang kaniyang pamilya. Labis na siyang nangungulila ngayon sa kaniyang mga anak at hindi pa rin niya matanggap na wala na ang mga ito sa kaniyang buhay. Naalala bigla ni Felicia noong mga panahong nagkakaroon sila ni Enrique nang hindi pagkakaunawaan, palaging nandiyan sina Isla upang pasiyahin siya.
Hindi niya rin mapigilang malungkot matapos mabalitaan ang magkasunod na pagkamatay ni Manang Numeriana at Mang Ambo dahil sa katandaan. Ang mag-asawang iyon ang dalawang tao na tanging pinagkatiwalaan ni Felicia. Naalala niya bigla nang ibahagi sa kaniya ni Manang Numeriana ang katotohanang hindi ito maaaring magkaanak ngunit hindi pa rin siya iniwan ni Mang Ambo at sinamahan pa rin sa paninilbihan sa Hacienda De Vera.
Naunang mamatay si Manang Numeriana at dahil si Numeriana lamang ang tanging dahilan upang mabuhay si Mang Ambo ay sunod na rin siyang sumakabilang buhay.
Mag-iisang buwan na simula nang muli silang magsama ni Enrique sa iisang bubong. Hindi man sabihin ng isa't isa ngunit naramdaman ni Felicia ang malaking pagbabago sa pagitan nilang dalawa. Lalong-lalo na't wala na ngayon ang mga taong nagbibigay liwanag sa kanilang madilim na tahanan, ang kanilang mga anak.
Wala ngayon ang pamilya ni Enrique at ang kinikilala niyang pamilya Vergara sa Santa Prinsesa. Ramdam na ramdam ngayon ni Felicia ang pag-iisa habang inaalala ang lahat ng mga taong nawala sa kaniya. Hindi niya maunawaan kung ano ba ang kasalanang nagawa niya sa kaniyang nakaraang buhay upang danasin niya ang lahat ng ito ngayon.
Si Enrique naman ang pumasok sa kaniyang isipan. Sa paglipas ng panahon ay may nangyayari at nagbabago na tila yumakap na nga sa kanilang mga buhay. Pakiramdam ni Felicia ay may kulang at nagbago na sa pagitan nilang dalawa.
Hindi niya man gusto ngunit sa muling pagkakataon ay tila dahan-dahan na namang naglalaho ang tiwala niya para kay Enrique dahil sa mga pangyayaring naging dahilan upang mawala muli ang tiwala niya rito.
MULA sa pagkakatulala ay lakas loob na nagsimulang humakbang si Felicia pasunod sa lalaking kanina niya pa sinusundan. Hapon na at kaninang umaga ay nasa kanilang tahanan si Enrique ngunit ngayo'y naisipan niya itong sundan pag-alis dahil hindi na niya mapigilan pa kahit ilang ulit niyang sabihin sa sariling magtiwala siya rito dahil baka may masama na namang mangyari tulad ng dati.
Lalo na nang maamoy ang pabango ng isang babae rito na tila naamoy na niya noon.
Alam niyang mali ang ginagawa niyang ito ngunit napapagod na siyang manahimik. Nawala si Enrique sa kaniyang paningin nang sumakay ito sa kalesa kung kaya't kinailangan niyang sumakay din sa kalesa upang lihim na masundan ito ngayon.
Mahigpit na hinawakan ni Felicia ang suot niyang balabal hanggang sa tumigil na ang kalesa. Sinubukan niya munang tatagan ang kaniyang loob bago bumaba sa kalesa at ilibot ang kaniyang paningin sa pamilyar na kapaligiran patungo sa tulay ng Santa Prinsesa.
Naging pamilyar na ang pangyayaring ito sa kaniya kung kaya't bigla ay nakaramdam siya ng kaba dahil baka maulit na naman ang isang pagkakamali na naging dahilan upang masira ang kaniyang masayang pamilya.
Napahinga siya nang malalim bago nagsimula muling humakbang patungo sa tulay. Sa pagkakataong iyon ay umihip ang malakas na hangin na siyang nagbigay daan sa kaniya upang masilayan si Enrique at ang kasama nitong babae sa gitna ng tulay.
Dahan-dahan siyang napatigil sa paghakbang habang nakatingin nang diretso sa kaniyang asawa. Nakaharap ang dalawa sa isa't isa habang nakasandal sa tulay kung kaya't nagawang masilayan ni Felicia ang ngiti ni Enrique. Isang matamis na ngiti na puno ng katotohanan. Ang totoong ngiti na hindi magawang ibigay sa kaniya nito bilang asawa.
Nakangiti ang dalawa sa isa't isa at nakikita niya ang totoong kasiyahan sa mga mata nito ngayon. Sa muling pagkakataon ay tila unti-unting dinurog ang puso ni Felicia habang harap-harapang natatanaw si Enrique na may kasamang iba. Ngunit ang muling nagpapaguho sa kaniyang mundo ngayon ay kung sino ang babaeng kasama ni Enrique sa gitna ng tulay.
Si Assunta.
Napatalikod na lang siya at kasabay niyon ay ang muling pamumuo ng walang katapusang luha sa mga mata niya. Kasabay nang pag-ihip ng malakas na hangin ay ang tuluyang paglisan ni Felicia sa lugar na iyon na muli lang naghatid ng pasakit kay Felicia tulad ng dati.
Ngunit hindi na nakapaghintay pa ang dalampasigan sa muling pagbabalik ng alon, sa muling pagbabalik ko.
"SADYANG kay hirap talagang maging magandang lalaki, kaibigan. Alam ko iyan," saad ni Pretonio kung kaya't hinampas siya ni Bonita sa braso. Narito ngayon si Enrique sa tahanan ng kaniyang kaibigan upang muli ay manghingi ng payo ngunit kung anu-ano na lamang ang natatanggap niya rito.
Napahinga naman nang malalim si Bonita bago magsalita, "Enrique, hindi na tama pa ang iyong sitwasyon. Hindi tamang magmahal ka ng iba dahil may asawa ka na," saad ni Bonita bago mapahalukipkip. Napayuko naman si Enrique.
"Ngunit masisisi mo ba si Enrique kung hindi na si Felicia ang nilalaman ng kaniyang puso? Iniwan siya ni Felicia, natatandaan mo ba?" tanong ni Pretonio sa kaniyang asawa. Napatigil naman si Bonita bago magbaba ng tingin kay Enrique na nakaupo sa kanape at katabi ng kaniyang asawa.
Umihip ang malamig na hangin na siyang pumasok mula sa mga nakabukas na bintana. Napatulala naman si Enrique sa kawalan. Nagtatalo ngayon ang kaniyang damdamin. Hindi niya nais na mawala sa kaniya si Felicia ngunit inaalala niya rin si Assunta na dumating sa kaniyang buhay simula nang iwanan siya ni Felicia sa gitna ng dilim.
Sa lumipas na tatlong buwan ay si Assunta lamang ang sumama sa kaniya sa kabila nang pagkakalunod niya sa kalungkutan. Palagi siya nitong pinupuntahan upang subukang pangitiin kahit kaonti lamang. Hindi siya iniwan nito kahit iyon na ang ginawa ng lahat sa kaniya. Hindi siya sinukuang pasiyahin nito kahit na ang sarili niya mismo ay nais na niyang sukuan.
Sa loob ng tatlong buwang pag-iisa sa dilim ay nagsilbing liwanag si Assunta sa kaniyang buhay at nagawa siyang pasayahin sa kabila ng lahat.
Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay muling nagbalik si Felicia na buong akala niya ay hindi na muli pang mangyayari sapagkat alam niyang nagbalik ito noon sa lalaking labis na minahal din nito. Ang buong akala niya'y tuluyan na siyang iniwan ni Felicia dahil sa mga pasakit na ibinigay niya rito noon ngunit nagkamali siya.
At sa muling pagbabalik ni Felicia ay ang paggulo rin ng kaniyang isip at damdamin dahil nagkaroon na ng puwang si Assunta sa kaniyang puso na kung dati ay si Felicia lamang ang nilalaman.
MAG-ISANG tinatahak ngayon ni Assunta ang daan patungo sa mansyon na kanilang tinutuluyan ng kaniyang ama sa Santa Prinsesa. Dapit-hapon na at napatigil siya sa paglalakad matapos makita ang pamilyar na babae na ngayo'y nakasandal sa pader habang nakatulala sa kawalan.
"S-sanya?" gulat na pagtawag ni Assunta kay Felicia na noo'y nag-angat na ng tingin sa kaniya at diretso siyang tinignan. Nakasuot si Felicia ng itim na balabal na irinegalo ng kaniyang asawa sa kaniya noong mga panahong masaya pa ang lahat.
Napatigil siya matapos makita ang poot sa mga mata nito. "Gusto mo ba siya?" walang emosyong tanong ni Felicia. Muli siyang napatigil matapos maramdaman ang lamig sa boses nito.
"S-sanya..." puno ng pagkatigil na wika ni Assunta. Alam nilang dalawa kung sino ang itinutukoy ni Felicia ngayon. Walang emosyon lang siyang tinignan ni Felicia ngunit alam niyang nasasaktan ito ngayon.
Nanginginig na sinubukan niyang hawakan ang kamay nito ngunit iniwas iyon ni Felicia. Kinakabahan siyang muling nag-angat sa mga mata nitong puno ng kalungkutan.
"P-patawad, hindi ko sinasadya. Hindi ko ginusto n-na..." hindi na natapos ni Assunta ang kaniyang paliwanag dahil humakbang na si Felicia at linagpasan siya. Agad niya naman itong hinabol at hinawakan ang kamay upang pigilan.
"S-sanya, pakiusap. Hindi namin alam ni Enrique na magkikita kami sa tulay. Nagkausap kami ngunit mabilis lamang iyon. Aking sinusubukan naman na iwasan siya sapagkat alam kong sa iyo siya..." nanginginig ang boses na paliwanag ni Assunta habang hawak nang mahigpit ang kamay ni Felicia sapagkat natatakot siyang mawalan ng kaibigan nang dahil sa pag-ibig.
Walang emosyon naman siyang nilingon ni Felicia. Tanging siya, si Enrique, si Bonita, si Pretonio, ang mag-amang Sierra, at ilang mga guardia civil lamang ang nakakaalam na buhay pa si Felicia. Hindi pa alam ni Don Armando na siyang kaniyang ama na si Felicia at si Sanya ay iisa. Hindi rin naman nagsalita ang mga guardia civil tungkol kay Felicia tulad ng pakiusap nito. Hindi ibig ni Felicia na malaman ng lahat na siya ay nabubuhay pa.
Namutawi ang emosyon sa mga mata ni Felicia matapos makita ang namumuong luha sa mga mata niya. Umiwas na ito ng tingin at inalis ang kamay nitong hawak niya bago tumalikod at dire-diretsong lisanin ang lugar kung saan naunawaan na ni Felicia ang lahat.
Habang patuloy na humahakbang at sumasalubong sa kaniya ang malakas na ihip ng hangin ay nauunawaan na ngayon ni Felicia na nahulog si Enrique at Assunta sa isa't isa dahil lumisan siya...
Dahil nang-iwan siya.
MALAKAS na pag-ihip ng hangin ang sumalubong kay Felicia matapos nilang marating ang lugar na ibig niyang puntahan nilang dalawa. Mula sa kaniyang likod ay nilingon na niya si Enrique na noo'y pinagmamasdan siya. Napatingin sila nang diretso sa mga mata ng isa't isa.
Ngunit makalipas ang ilang saglit ay napayuko na si Felicia upang pigilan ang kaniyang emosyon. Humakbang naman si Enrique papalapit sa kaniya at inilibot ang kaniyang paningin. Napatulala siya sa itim na sapatos ni Enrique. Sa loob ng isang buwan ay ito ang unang beses na niyaya niyang lumabas ang kaniyang asawa.
Napatulala si Enrique sa kalangitan na ngayo'y nababalot ng mga ulap. Pilit niyang binubura ngayon si Assunta sa kaniyang isipan at ang napag-usapan nilang layuan muna ang isa't isa sapagkat ang nabubuong koneksyon sa pagitan nilang dalawa ay hindi na tama pa.
"Isa ba itong... Supresa?" tanong ni Enrique bago lingunin si Felicia at sinubukan itong ngitian. Simula nang mawala ang kanilang mga anak ay naglaho na rin ang tunay na saya sa kaniyang mga mata.
Mula sa pagkakatulala ay dahan-dahan nang nag-angat ng tingin sa kaniya si Felicia. Ang kaniyang naging dahilan upang yayain si Enrique lumabas ay dahil kaarawan nito ngayon, ika-tatlumpu't isa ng marso.
Napahinga naman nang malalim si Felicia bago humakbang patungo sa harapan ni Enrique. Naririto sila ngayon sa tabing ilog at patag na kalsada. May mga nakatayo ring puno sa kanilang kapaligiran at naririto pa rin sila ngayon sa bayan ng Santa Prinsesa kung saan nagsimula ang lahat.
"Papalubog ang araw nang tayo'y magkakilala. Ngayo'y darating na ang paglubog ng araw... Nang wala ka..." malungkot na wika ni Felicia habang pinagmamasdan ang kalangitan. Nagbaba naman siya ng tingin sa ilog na nasa kanilang gilid. Patuloy na humahampas ang bawat alon sa malalaking bato.
Para sa kaniya ay siya ang malaking bato na iyon at ang mga alon naman ay ang mga problemang patuloy na sinusubukan ang kaniyang katatagan.
At sa pagkakataong ito ay susuko na ang batong patuloy na sinusubok ng alon.
"Ang paghampas ng alon ay darating na... Nang wala ka..." patuloy ni Felicia bago malungkot na lingunin si Enrique na noo'y napatigil dahil sa kaniyang sinabi.
"F-fe, anong ang iyong sinasabi?" naguguluhang tanong ni Enrique. Sinubukan niyang ngumiti habang nakatulala sa malaking bato na ngayo'y tuluyang lumubog sa katubigan dahil sa malakas na paghampas ng alon.
"M-mahal mo na?" mapait na tanong ni Felicia bago muling mag-angat ng tingin kay Enrique na noo'y napatigil dahil sa kaniyang katanungan. Habang nakatingin siya ng diretso sa mga mata nito ay kaniyang napagtantong iisa na ang taong nasa kanilang isipan ngayon.
"Fe..." nahihirapang pagtawag sa kaniya ni Enrique. Nagsimula nang lumubog ang araw, ang huling paglubog ng araw sa pagitan nilang dalawa.
"Mahal mo na nga?" tanong ni Felicia habang pilit na linalabanan ang kaniyang damdamin.
"P-patawad..." ang sagot ni Enrique na siyang nagbigay linaw kay Felicia na wala na talaga. Hindi niya man gusto ngunit kusang namuo ang luha sa mga mata niya dahil sa katotohanang hindi na siya ang nilalaman ng puso ng kaniyang asawa.
"H-hindi mo kailangan humingi ng tawad. Hindi mo kasalanan na hindi mo na ako minamahal pa..." saad ni Felicia at sinubukang ngumiti kahit na ngayo'y durog na durog na ang kaniyang puso.
"K-kahit hindi mo sabihin, alam kong hindi na ako. A-at aking nauunawaan kung bakit," patuloy niya at mabilis na pinunasan ang luhang tuluyang bumuhos sa kaniyang mga mata.
Napakagat siya sa kaniyang labi upang pigilan ang kaniyang paghikbi. May kinuha siya sa kaniyang bulsa bago humakbang papalapit kay Enrique. Kinuha niya ang kamay nito at ilinagay sa palad nito ang limang pisong barya bago mag-angat sa mga mata nitong naguguluhan.
"Dito tayo nagsimula kung kaya't dito ko rin tatapusin..." mapait na sambit ni Felicia bago isara ang kamay ni Enrique. Saglit siyang napatitig sa kamay nitong hawak niya bago iyon dahan-dahan ding bitawan sapagkat hindi niya nais gumawa ng isang bagay na muling magpapabago sa kaniyang desisyon.
Muli namang kinuha ni Enrique ang kaniyang mga kamay na siyang ikinatingin niya rin muli rito. "F-fe, ano ang iyong ginagawa? Ano ba ang ibig mong mangyari?" nasasaktan na ring tanong ni Enrique bago punasan ang luha patuloy nang bumubuhos sa kaniyang mga mata.
"Pinapalaya na kita..." paglilinaw ni Felicia habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Enrique. Namutawi naman ang gulat sa mga mata nito at agad umiling.
"F-fe, pakiusap..." pakiusap ni Enrique habang hawak nang mahigpit ang kaniyang kamay. Nasasaktan naman siyang napaiwas ng tingin bago lumuluhang sinubukang pigilan ang kaniyang ang kaniyang hikbi ngunit hindi niya talaga iyon mapigilan.
"K-kay sakit mo namang mahalin, Enrique..." humihikbing saad ni Felicia. Tila paulit-ulit na pinipiga ngayon ang kaniyang puso dahil sa kanilang sandali. Hindi niya man gusto ngunit kailangan na niyang bitawan si Enrique dahil masakit na.
"P-palagi kang mag-iingat, ha? Palagi mong iingatan ang iyong sarili kahit wala na ako, kahit wala na kami..." nasasaktang saad ni Felicia. Muling bumuhos ang luha sa kaniyang mga mata dahil kay Gael, Hilario, at Isla na siyang itinutukoy niya ngayon.
Dahil din doon ay tuluyang namuo ang luha sa mga mata ni Enrique sapagkat ngayo'y ibig nang putulin ni Felicia ang namamagitan sa kanilang dalawa. Sinubukan niyang umiling at pigilan ang kaniyang asawa ngunit tila ibig na talaga nitong itigil ang kanilang malamig na pagsasama dahil may mahal na siyang iba.
"M-maligayang kaarawan at maraming salamat sa lahat, aking asawa..." nakangiting pagsambit ni Felicia sa katagang ibig ni Enrique na maging tawagan nila noon ngunit hindi niya nais kung kaya't hindi na rin natuloy. Ngunit ngayo'y nasa huling pagkakataon na sila ay ibig na niya itong sambitin sa kauna-unahan at kahuli-huling pagkakataon.
Aking asawa.
Sa muling pagkakataon ay umihip ang malamig na hangin na siyang naging hudyat upang tapusin na ni Felicia ang lahat ng ito. Nasasaktan niyang hinawakan din nang mahigpit ni Enrique sa huling pagkakataon bago ito tignan ng diretso sa mga mata.
"M-mahal kita..." pagsambit ni Felicia na sa kauna-unahang pagkakataon ay nagawa niyang sabihin kay Enrique. Tila paulit-ulit na tinusok ang dibdib ni Enrique dahil sa lahat ng sinabi ni Felicia at bago pa tuluyang magwakas ang lahat ay mabilis na niya itong niyakap nang mahigpit sapagkat wala na talaga.
Ang paghikbi nilang dalawa ang naghari sa kanilang kapaligiran. Sinubukang itaas ni Felicia ang kaniyang kamay upang yakapin pabalik si Enrique ngunit agad niya ring napigilan ang sarili sapagkat kung gagawin niya iyon ay mas lalo lamang siyang masasaktan.
Naramdaman nila ang patak ng ulan na tumama sa kanilang balat ngunit hindi kumawala si Enrique kay Felicia. Nasasaktang napahikbi si Felicia bago sapilitang kumawala sa mahigpit na yakap ni Enrique. Lumuluha niya itong pinagmasdan sa huling pagkakataon bago tumalikod at nagsimulang humakbang papalayo rito.
Nagsimulang bumuhos ang malakas na ulan tulad ng kanilang mga luha na ngayo'y patuloy na bumubuhos sapagkat simula sa araw na ito ay tuluyan nang mawawala ang pamilya De Vera na minsan ding binuo ng isa't isa ngunit ngayo'y wala na talaga.
Tila napako ang mga paa ni Enrique sa kaniyang kinatatayuan dahil sa sakit na nararamdaman kung kaya't wala siyang ibang nagawa kung hindi tanawin ang paghakbang ni Felicia palayo sa kaniya habang patuloy na bumubuhos ang ulan.
Hindi na ibig pang marinig ni Felicia ang hikbi ni Enrique kung kaya't agad na siyang tumakbo papalayo at nang makalayo ay lumuluha niyang tinakpan ang kaniyang bibig upang pigilan ang kaniyang hikbi at pagluha na nagawang masaksihan ng bawat alon hanggang wakas.
Siya si Felicia na minsang itinakda na makasama ni Enrique, ngunit hindi sa habang buhay.
********************
Æ | Cєѕѕ
© aestheticess
3.28.22
this is it, narating ko na ang huling kabanata ng balang araw. ang susunod na kabanata ay pagwawakas na, tuluyan nang magwawakas ang kwento ng alon at dalampasigan. ako ay masaya ngunit nalulungkot din sapagkat iiwanan ko na ang istoryang ito :((
para sa mga tinatamad mag-translate, ito pala iyong translation sa letter ni gael. iyong last line which is ginamit ko ang wikang espanyol sa tulong ni google translate. ang pangit kasing tignan (para sa akin) kapag nilagay ko sa letter 'yong translation so dito na lang hehe.
Y antes de terminar esta carta, quiero que sepas que excepto Isla y mi madre, eres la mujer de mi mundo. Te amo... -- "And before I finish this letter, I want you to know that except Isla and my mother, you are the woman of my world. I love you..." - gael.
maraming salamat sa pagbabasa. tulad ng sinabi ni gael kay sinta at sinabi ni felicia kay enrique, mahal kita. <//3
nagmamahal,
cess.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top