BALANG ARAW KABANATA 3

[Kabanata 3 - Balita]

PAYAPA ang buong kapaligiran. Nasa balkonahe ngayon ng kanilang silid ni Enrique si Felicia at nakahawak sa baranda. Mula sa malayo ay tinatanaw niya ang marahang pag-alon ng tubig sa dalampasigan na matatanaw mula sa kanilang mansyon.

Malalim ang kaniyang iniisip ngayon. Habang pinagmamasdan ang mga alon na patuloy na humahampas sa buhangin ng dalampasigan, iniisip niya kung ilang alon pa ba ang kaniyang haharapin? Bago maintindihan ang kaniyang nararamdaman ngayon.

Muling lumipas ang mga araw. Noong nakaraang linggo kung saan nakiusap si Gael at Hilario na Hil ang palayaw na magtungo sila ni Enrique sa paaralan ay wala namang masamang nangyari. Pumunta naman si Enrique sa escuela at pinasyal pa sina Isla na madaling nakasama sapagkat hindi naman mahigpit ang kaniyang ama hindi tulad ng kaniyang ina, ni Felicia.

Hindi nga lang nabuo ang araw ng magkakapatid na De Vera dahil hindi sumama si Felicia. Nagdahilan itong masakit ang kaniyang tiyan; na maaaring dahil nagdadalang tao ito. Ngunit ang totoo, hindi naman totoo ang kaniyang sinabi at nagdahilan lamang sapagkat hindi niya maatim na makasama si Enrique.

Hindi naman nagpumilit si Enrique at hindi rin napilit ng magkakapatid si Felicia sapagkat natatakot din sila rito. Kung kaya't sa huli, ang mag-aama na lamang ang umalis at pumasyal sa bayan ng Santa Prinsesa.

Naiwang mag-isa si Felicia at tila hanggang ngayon ay nais mapag-isa. Wala muli ngayon si Enrique sapagkat ayon dito ay magtutungo na muli siya sa kaniyang trabaho. Si Enrique ay isang doktor at nagtutungo sa iba't ibang bayan kung saan siya kinakailangan at nais makiisa.

Umihip ang malamig na hangin. Napabuntong hininga si Felicia at napayuko. Hindi na niya maunawaan pa ang kaniyang sarili, hindi niya alam kung bakit ganoon ang nararamdaman niya. Kung masaya pa nga ba siya sa kaniyang buhay? O kung naging masaya nga ba siya sa loob ng labing isang taon na pagsasama na ng kaniyang asawa?

Hindi niya alam ngunit sa bawat pagpatak ng araw ay ang unti-unti ring paglamig ng kaniyang gabi.

Nasanay at minahal na rin naman ni Felicia ang kaniyang itinakdang kapalaran ngunit sa pagkakataong ito ay tila biglang nagbago ang malamig na ihip ng hangin na palaging yumayakap sa kaniyang nilalamig na pusong palaging nakararamdam ng pag-iisa.

Ngunit wala na rin naman siyang ibang magagawa pa. Napahinga na lamang siya ng malalim at lumabas na sa silid na ngayon ay binabalot ng lamig at pag-iisa.

NANG makababa, naabutan ni Felicia si Isla sa sala na nakaupo sa sahig at nakayuko habang tutok na tutok sa kuwadernong ibinili sa ng kaniyang ina para sa kaniya. Wala itong suot na panyapak kung kaya't nasilayan ni Felicia ang maputi at maliit nitong mga paa. Napagtanto ni Felicia na may iginuguhit pala ito.

Dahil walang ingay kung gumalaw si Felicia ay hindi siya natunugan ni Isla. Walang tunog na lumapit si Felicia sa kaniyang anak at tinignan kung ano ang iginuguhit nito. Isang malaking pag-alon... Iyan ang nasilayan ni Felicia sa kuwaderno.

Hinihipan ni Isla ang kuwaderno upang matuyo na ang tinta nang maramdaman na niya ang presensya ng kaniyang ina at mapalingon dito. Agad siyang napangiti at tumayo upang yakapin ang ina. Naabot niya pa ang leeg ni Felicia kung kaya't nang umayos ng tayo si Felicia ay nabuhat na niya si Isla.

"Kay bigat mo na pala," saad ni Felicia at napangiti habang pinagmamasdan ang pagkislap ng mga mata ni Isla habang pinagmamasdan din siya.

Yinakap naman ng mahigpit ni Felicia si Isla at hinele na kaniyang ginagawa noong sanggol pa lamang ito. Ngayon ay damulag na ito ngunit nais pa ring magpabuhat sa kaniya.

"Susmaryosep! Hija! Bakit mo naman binubuhat ang batang ire? Kay bigat na ni Isla!" gulat na salubong ni Manang Numeriana matapos maabutan ang mag-ina na nagyayakapan.

Napalingon naman sila kay Manang Numeriana. Napangiti ng kaonti si Felicia bago dahan-dahang ibaba na si Isla at napahawak sa kaniyang tiyan dahil nagdala lang siya ng dalawang bata sa loob at labas ng kaniyang katawan.

Kinuha naman ni Isla ang kaniyang kuwaderno na nasa lapag at ipinakita iyon kay Manang Numeriana at sa kaniyang ina. Kinuha naman iyon ni Felicia sa kamay ng anak niya at pinagmasdan ang ginuhit nitong alon. Habang nakatulala sa kuwaderno ay ilinagay na ni Isla ang ginamit niyang pluma at tinta sa lamesa dahil baka may makatapak pa roon... Ang turo ng kaniyang ina sa kaniya.

Nang magbalik ng tingin kay Felicia ay nakaramdam bigla ng kaba si Isla dahil nakatulala lang ito sa iginuhit niya. "Ina! Hindi po ba kaaya-aya ang aking iginuhit?" nakangusong tanong ni Isla. Natauhan na si Felicia mula sa pagkatulala sa alon na nagbabalik sa kaniya sa nakaraan.

Agad ngumiti si Felicia, "Maganda ang iyong obra. Kasing ganda mo," ngiti ni Felicia at kinurot ang baba ni Isla. Nagliwanag na ang mukha nito at nagtatalon sa tuwa dahil sa papuri ng kaniyang ina sa kaniya.

"Sa susunod po, ikaw naman po ang aking iguguhit. Sunod po ay si Manang Soledad, ama, kuya Gael, at huli po si kuya Hil sapagkat magkaaway kami ngayon," saad ni Isla at napasimangot nang maalala ang naging pag-aaway nila ng nakatatandang kapatid.

Natawa naman si Manang Numeriana. "Naku! Huwag kayong nag-aaway magkakapatid. Hindi maganda iyan," sermon ni Manang Numeriana sa hindi masungit na paraan hindi gaya nang kung paano sumermon si Felicia.

Napakurap ng tatlong beses si Isla bago dahan-dahang tumango. Minsan, nais niya na lang talagang manahimik dahil araw-araw na lang siyang napagagalitan.

Pumanik muna si Isla upang iligpit ang kaniyang mga pinaggamitan. Naisip niyang ipinta ang mukha ng kaniyang ina kahit mahirap gamit ang pluma at tinta. Sa kaniyang panahon ay hindi pa naiimbento ang lapis. Naimbento ang modernong lapis noong taong 1795. Mayroon na ito noon ngunit wala pang hugis.

Nang makapanik ang anak ay muli na lang napatulala sa kawalan si Felicia. Sa tuwing wala ang kaniyang mga anak o walang kumakausap sa kaniya, pakiramdam niya ay mag-isa na muli siya.

Napatingin siya kay Manang Numeriana nang hawakan nito ang kamay niya at paupuin sa kanape. Si Manang Numeriana ay nasa edad 50 na. Matanda na ito ngunit malakas pa rin naman ang pangangatawan kung kaya't nagawa niya pa ring magsilbi para sa pamilya De Vera.

"Hija, ika'y ayos lang ba?" sinseryong tanong nito, mula sa pagkakayuko ay nag-angat ng tingin si Felicia sa kaniya. Nang makita ang malungkot na mga mata nito ay tila alam na ng matanda ang kasagutang kaniyang tinatanong.

Sinubukang na lang ngumiti ni Felicia, "A-ayoko na lang pong pag-usapan ito. Ipapasyal ko na lamang si Isla nang sa gayon ay... Makalimutan ko muna siya," sagot ni Felicia at linabanan ang emosyon na namumutawi ngayon sa mga mata niya.

Akmang magsasalita na muli si Manang Numeriana ngunit sabay silang napatingin sa hagdan nang mabilis na bumaba roon si Isla. Agad niyang yinakap si Felicia ngunit sinuway siya ni Manang Numeriana dahil baka mapano ang bata sa sinapupunan ni Felicia na kapatid din nito.

Napasimangot naman si Isla at napasiring. Ang totoo ay hindi niya gusto ang katotohanang may bago siyang kapatid. Nais niyang siya lang ang bunso at gabi-gabi siyang umiiyak sa kaniyang silid dahil sa oras na isilang ang kaniyang huling kapatid ay baka hindi na siya ang maging paborito. Mabuti na lang at hindi nakatingin sa kaniya si Felicia at Manang Numeriana kung kaya't hindi siya napagalitan.

Makalipas ang ilang saglit ay muling binalingan ni Isla si Felicia. "Ina, marinig ko po ang sinabi niyo kanina kung kaya't hindi niyo na iyon maaaring bawiin pa. Papasyal tayo ngayon," desisyon na wika ni Isla at tumango ng tatlong beses.

Tahimik na napahinga ng malalim si Felicia bago magbaba ng tingin kay Isla na ngayo'y nakangiti ng malawak sa kaniya. Napahalukipkip si Felicia, "Sige, tayo'y mamamasyal kung makikipagbati ka sa iyong kuya Hil sa oras ng pagbabalik nila ni Gael mamaya. Sumasang-ayon ka ba?" tanong ni Felicia, agad namang tumango si Isla at napangiti ng labas ngipin dahil sa saya.

Lahat ay gagawin niya upang makapasyal lamang. Muli na niyang yinakap ang kaniyang ina at lihim na binulungan ang kapatid na kung babae man ito, sana ay mas maganda pa rin siya.

Inakbayan naman ni Felicia ang kaniyang anak at sinulyapan si Manang Numeriana na ngayo'y nakangiti habang pinagmamasdan ang mag-ina. Tinanguhan niya ang asawa ng kaniyang alagang si Enrique na simula pagkabata ay nabantayan niya kung kaya't kilalang-kilala niya ito.

Alam at nauunawaan niya ang lahat. Nakikilala niya ang lahat ng kaniyang pinagsisilbihan. Alam niya ang kasalukuyan at ang nakaraan ng mga ito na ibinaon na nila sa limot ngunit patuloy pa rin silang binabalikan.

"INA! Isda ba iyon?" ngiting-ngiti na tanong ni Isla nang mapatingin sa malinaw na tubig ng karagatan. Hapon na at nagtungo silang ang mag-ina sa daungan nang naisipang sila'y sumakay sa bangka at mamili sa kabilang pamilihan ng bayan.

Ipinagbihis ni Felicia si Isla nang puting baro at kulay luntiang saya na itinerno niya sa kaniyang suot ngayon. Ipinagsuot niya rin ito ng luntiang balabal kagaya niya. Isinipit ni Felicia sa damit ni Isla ang balabal sapagkat baka makalimutan ni Isla na may suot siyang balabal at tangayin ng hangin.

Tumango lang si Felicia sa katanungan ng kaniyang anak habang kaniyang kamay ay nasa tapat ng kaniyang dibdib dahil hawak niya ang kaniyang suot na balabal. Makalipas ang ilang sandali ay napuno na rin ang sinasakyan nilang bangka kung kaya't nagsimula nang umandar ang bangka patungo sa kabilang pamilihan.

Napatitig naman si Felicia sa marahang pag-alon ng tubig. Dahil sa kalinawan ng tubig ay nasisilayan rin ni Felicia ang mga isda at ilalim ng malalim na katubigan ng karagatan.

"Ina... Nais ko na po ngayong maging isda!" tuwang-tuwang saad ni Isla at kumapit sa kaniyang ina. Natawa ang mga pasahero dahil sa sinabi ni Isla habang si Felicia ay napangiti rin habang nakatulala sa pag-alon ng tubig.

Nagbaba na si Felicia nang tingin kay Isla. "Humawak ka na lamang ng mahigpit sa akin at baka ika'y mahulog pa," saad ni Felicia at linagay sa likod ng tainga ni Felicia ang hibla ng buhok nitong tinatangay dahil sa malakas na ihip ng hangin.

Nagbalik na ng tingin si Felicia sa harapan habang hawak ang kamay ng kaniyang anak na nakayakap na ngayon sa kaniya. Nag-angat siya ng tingin sa kalangitan na ngayo'y nababalot ng mga ulap. Sa huli ay pinagmasdan na lang muli niya ang pag-alon ng tubig na ngayo'y unti-unti nang lumalakas.

"INA! Isa po ba itong talong?" tanong ni Isla, narito na sila ngayon sa palengke at iginagala ni Felicia ang kaniyang anak.

Maraming tao sa kapaligiran ngunit hindi naman siksikan, normal na dami ng mga tao sa loob ng pamilihan. Napadpad na ang mag-ina sa gulayan dahil naghahanap si Felicia ng pang-ipit para sa kaniyang anak. Palagi na lamang nakabuhaghag ang buhok nito at kay sarap hablutin sapagkat hindi ito marunong magsuklay.

"Mga amiga, totoo ba itong aking narinig tungkol kay Doktor De Vera na namamangka raw ito sa dalawang ilog?" tanong ng isang Doña na ikinatigil ni Felicia, tila naistatwa siya sa kaniyang kinatatayuan matapos iyong marinig mula lamang sa kaniyang likuran.

"Ang sabi nila ay oo. Ang mas malala pa, may anak pa raw itong iba sa labas!" pasigaw na tugon naman ng isang Doña. Nakasuot ng balabal si Felicia at nakataas sa kaniyang ulo kung kaya't mukhang walang kaalam-alam ang mga Doña na nasa harapan lang nila ang asawa ng lalaking pinag-uusapan nila ngayon.

"Talaga, amiga? Naku, kawawa naman ang kaniyang asawa lalo na kapag nakarating ang balitang ito sa kaniya. Malamang ay katapusan na iyon ni Enrique. Ang sabi pa naman nila ay naglalaro ng kutsilyo ang asawa nito. Ano nga ba ang pangalan ng babaeng iyon? Fatima? Felicidad?" tanong ng ikatlong Doña.

"Felicia ang ngalan nito. Mahilig pala sa babae ang doktor na iyon. Kung sa bagay, babaero ito noong kabataan niya. Hanggang ngayon pa rin pala kahit may pamilya na," saad ng isang Doña at sabay-sabay silang natawa.

Napapikit ng mariin si Felicia at agad tinakpan ang tainga ni Isla ngunit huli na ang lahat sapagkat narinig na nito ang lahat. Kahit nanlalamig ang buong katawan ay buong sikap niyang binuhat si Isla at nagmadaling umalis sa loob ng palengke. Nagtataka naman silang sinundan ng tingin ng tatlong Doña na pinag-usapan si Enrique De Vera na napakalaking bahagi sa buhay ng pamilya De Vera.

Walang tigil at mabilis na naglakad si Felicia papalayo sa lugar na iyon, sa lugar kung saan narinig niya ang balitang nagpaguho sa kaniyang mundo.

MADILIM ang gabi. Habang patuloy na bumubuhos ang malakas na ulan, bumukas ang pinto at bumungad doon si Enrique na basang-basa ng ulan. Hinubad niya ang kaniyang sumbrelo at pinunasan ang kaniyang noong nabasa na.

Habang patuloy na humakbang ay ilinibot niya ang kaniyang paningin. Malalim na ang gabi at hindi na niya inaasahan pang may maabutan sa ibaba ng mansyon. Ngunit napatigil siya matapos maabutan si Felicia na nakasandal sa pader. Ang mas lalong nagpagulat sa kaniya ay ang tahimik nitong pagluha na rinig sa buong kapaligiran sapagkat kay tahimik ng malamig na gabi.

Dahan-dahan nang nag-angat ng tingin sa kaniya si Felicia at nakita ni Enrique ang poot na ngayon ay namumutawi sa mga mata nito. At sa pagkakataong iyon, naglakad na si Felicia papalapit sa kaniya at pinaulanan ng mga tanong na kailanman ay hindi niya inasahan.

********************
Æ | Cєѕѕ
© aestheticess

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top