BALANG ARAW KABANATA 29
[Kabanata 29 - Dati]
ISANG malakas na sampal ang naghari sa buong kapaligiran matapos tuluyang makarating ni Felicia sa hukuman at masilayan si Katarina na noo'y muntikang matumba dahil sa sampal ni Felicia na puno ng poot at galit. Madilim ang kapaligiran sa buong selda ng hukuman at ang mga nakabukas na gasera lamang ang nagbibigay liwanag sa kanila.
Hindi tuluyang natumba si Katarina sapagkat hawak ng dalawang guardia civil ang kaniyang braso. Napahawak naman si Katarina sa kaniyang pisngi kung saan tumama ang mabigat na kamay ni Felicia bago mapangiti nang sarkastiko.
Nag-angat siya ng tingin kay Felicia na noo'y namumula dahil sa labis na galit. "Wala na kayong mga anak ni Enrique. Paniguradong hindi na rin magtatagal pa ang inyong pagsasama na pinagtibay lang naman ng kasunduan," tawa ni Katarina. Napopoot siyang linapitan muli ni Felicia at sinakal.
"Walang hiya ka! Dapat ka nang mamatay!" galit na sigaw ni Felicia na naghari sa buong kapaligiran. Sinubukan siyang ilayo ng isang guardia civil ngunit hindi niya binitawan ang leeg ni Katarina na noo'y nakangiti lang sa kaniya.
"W-wala akong pakielam, wala na rin namang natitira sa akin. Wala na si Enrique sapagkat inagaw mo na. Wala na rin si ama dahil sa iyong tunay na ina. Sa totoo lang ay nararapat ka rin ngang mamatay sapagkat ang utang ng iyong mga magulang ang dahilan upang mahirapan at mamatay ang aking ama!" galit na sigaw din sa kaniya ni Katarina habang pilit na linalabanan ang kinakapos niyang hininga dahil hawak nang mahigpit ni Felicia ang kaniyang leeg.
"K-kailanman ay hindi naging kasalanan ng aking mga magulang kung hindi nila nagawang magbayad sa iyong ama sapagkat sila ay nagmula sa hirap. Hindi rin sapat na dahilan iyon upang ipapatay ng iyong ama ang aking mga magulang!" sigaw pabalik ni Felicia habang nararamdaman ang namumuong luha sa mga mata niya sapagkat hindi nila nakamit ng kaniyang pamilya ang hustisya sa pangyayaring hindi man lang nakarating sa hukuman noon.
Ngayon ay hindi na niya hahayaan pang makatakas si Katarina sa kasalanang kailanman ay hindi niya magagawang mapatawad at pagbigyan.
Sapilitan na nilang ilinayo si Felicia kay Katarina sapagkat hindi na ito makahinga pa. Nanginginig nitong hinabol ang kaniyang hininga habang galit na nakatingin nang diretso kay Felicia na noo'y hindi na napigilan pa ang kaniyang mga luha dahil sa poot at sakit na nararamdaman.
Hanggang ngayon ay nasasaktan pa rin si Felicia na sa isang iglap ay wala na ang kaniyang mga anak dahil sa babaeng kaniyang nasa harapan ngayon. Nang dahil lang sa nakabubulag na pag-ibig.
"I-isinusumpa ko, sa huli ay hindi kayo magiging masaya ni Enrique..." wika ni Katarina at muli ay dahan-dahang binigyan ng ngiti si Felicia. Umihip ang malakas na hangin na siyang tumupok sa mga gasera na tanging nagbibigay liwanag sa kanila.
Sa muling pagkakataon ay nanumbalik sa kaniyang naguguluhang isipan ang lahat ng kaniyang ginawa simula noon para lamang masira ang masayang pamilya ni Felicia, para lamang mapasakaniya ang pinakamamahal niyang si Enrique...
Pilipinas, 1758.
"Sundan niyo ang babaeng iyon at sabihin ninyo sa kaniya ang lahat ng aking winika. Naiintindihan niyo ba?" tanong ni Katarina sa dalawang babaeng kaniyang inutusan sabay turo kay Felicia na noo'y kalalabas pa lamang ng simbahan.
Sabay namang tumango ang dalawang binibining kaniyang binayaran bago lihim na sinundan si Felicia De Vera patungo sa pamilihan. Kaniyang pinag-utos na ipahiya si Felicia sa harapan ng lahat at sabihin dito na nasilayan nila si Enrique na may kasamang ibang babae sa gitna ng gabi kahit wala naman talaga.
Kasabay ng pag-ihip ng hangin ay ang pagngiti ni Katarina. Dahan-dahan nang natutupad ang kaniyang mga planong sirain ang pamilya De Vera sa pamamagitan ng pagpapakalat ng gawa-gawang balita na si Enrique ay namamangka sa dalawang ilog.
Ganoon lang din naman kadaling patunayan iyon sapagkat tuwing lasing si Enrique ay palagi niya itong pinupuntahan sa pamamagitan ng pagtago sa suot niyang balabal. Palagi rin niyang ibinubulong kay Enrique ang kaniyang pangalan upang baka sakaling mabanggit nito kay Felicia sa oras na muling magsama ang mag-asawa na kung dapat ay siya.
Matagal na niyang pinapangarap na maikasal kay Enrique at lumaki ang kaniyang pag-asa noon sapagkat minsan na siyang natipuhan at naging kasintahan ni Enrique ngunit biglang dumating si Felicia na wala namang ginagawa ngunit patuloy pa ring pinipili ng lahat sa kabila ng ugali nitong labis niyang kinaiinisan at maging ang pagkatao na rin nito.
Ang hindi niya alam ay walang kahit anong relasyon ang sineryoso ni Enrique noong kabataan nito maliban kay Felicia na pinili niyang pakasalan mula sa lahat.
Nang itakda si Felicia at Enrique sa isa't isa ay wala siyang ibang nagawa nang ipadala siya ng kaniyang ama sa Siam upang doon mamalagi sa loob ng mahabang panahon. At sa mahabang panahon ding iyon, kay daming nabuong plano sa kaniyang isip upang sa muli niyang pagbabalik ay muli na ring magbalik sa kaniya si Enrique.
Labis na inis ang kaniyang naramdaman matapos malaman sa dalawang binibining kaniyang inutusan na may tiwala pa rin pala si Felicia kay Enrique sa kabila ng balitang pilit na ngang ipinamumukha rito. Kung kaya't nang sundan niya si Enrique patungo sa tulay ng Santa Prinsesa at makitang lasing ito ay muli siyang nagkaroon ng plano.
"N-nawalan ako ng anak," puno ng lungkot na sambit ni Enrique habang nakatulala sa alon ng katubigan na nasa kanilang ilalim lang. Napahinga naman nang malalim si Katarina habang pinagmamasdan ang mukha ni Enrique.
Si Gael, Hilario, at Isla na lamang marahil ang tuturingin niyang anak pagdating ng panahon sapagkat nalaman niya sa kaniyang personal na doktor na hindi siya maaaring magkaroon ng anak dahil na rin sa hindi niya pagkakaroon ng buwanang dalaw noon pa man.
"Nakalulungkot na malamang ganoon na lamang kadali na mawala ang tiwala ng aking asawa sa akin," patuloy ni Enrique. Lihim na napaikot siya ng mata bago magkunwaring nahihilo kung kaya't bigla siyang nawalan ng balanse.
Gulat naman siyang nasalo ni Enrique bago alalayang makatayo nang maayos. Malabo ang mukha ng babaeng kaniyang kasama ngayon kung kaya't hindi niya ito magawang makilala ngunit pamilyar ang boses nito. Nagulat lamang siya nang hawakan nito ang kamay niya.
Tatanggi na sana siya ngunit nagsalita ito, "M-maaari bang hawakan ko muna ang iyong kamay? Ako'y biglang nakaramdam ng hilo. Sandali lang naman," pagsisinungaling ni Katarina at binigyan ng ngiti si Enrique na noo'y napatulala sa kawalan.
"Huwag kang mag-alala, maaayos din ang inyong pamilya. Magtiwala ka lamang," pagiging mapagkunwari niya. Natauhan na si Enrique mula sa pag-iisip kay Felicia at nilingon siya. Napangiti ito nang kaonti dahil sa kaniyang sinabi na siyang tuluyang nagpangiti rin sa kaniya.
Lihim naman siyang lumingon sa kanilang likuran at napatigil siya matapos maabutan si Felicia na noo'y napatigil sa paghakbang habang walang kurap na nakatingin ngayon ng diretso sa kanila. Bago pa ito magsalita o humakbang papalapit sa kanila ay agad na niyang niyakap si Enrique.
Iyon ang tanging naabutan ni Felicia at dali-dali nang umalis. Hindi niya nagawang makita pa nang mabilis na kumawala si Enrique sa yakap ni Katarina at gulat na napaatras papalayo rito bago mabilis na naglakad paalis sa lugar na iyon.
Masyadong naging malabo ang koneksyon sa pagitan ni Felicia at Enrique noong mga panahong iyon kung kaya't ganoon na lamang ding kadali na siya'y magwagi sa madilim niyang hangarin.
Nang dumating na ang hudyat, nang tuluyang lumayo ni Felicia sa kaniyang pamilya at naiwang mag-isa sa dalampasigan, doon na pinag-utos ni Katarina sa kaniyang mga tauhan na paslangin si Felicia at ipalamon sa gitna ng mga alon.
Sa paglipas ng panahon ay tuluyan na nga siyang nakalapit sa pamilya De Vera bilang isang binibining ang tanging hangarin ay punan ang naiwang responsibilidad ni Felicia sa kaniyang pamilya. Ngunit hindi naging madali na mapalapit siya kay Isla na hindi lang mukha ni Felicia ang nakuha kung hindi ang ugali rin.
Sa paglipas din ng mahabang panahon ay hindi niya lubos akalaing buhay pa si Felicia at muling magbabalik. Ganoon na lamang ang labis niyang panghihinayang sapagkat nasira ang lahat ng kaniyang adhikain dahil sa muling pagbabalik ni Felicia na kung noon ay inaakala niyang hindi na mangyayari pa.
Labis siyang nataranta at naging balisa dahil siya ang naging dahilan upang mawala si Felicia at natatakot siyang malaman ito ng lahat lalong-lalo na si Enrique. Ngunit nang makita si Gael na nagtungo sa simenteryo at malamang tatakas na ang pamilya De Vera ay nagdilim ang kaniyang paningin at plinanong paslangin ang bawat miyembro ng pamilya De Vera maliban kay Enrique.
Ang lahat ng kaniyang ginawa at sinakripisyo ay napunta lamang sa wala at hindi hahayaang ni Katarina na siya lamang ang magdusa sa huli.
Namutawi ang labis na poot sa mga mata ni Felicia habang nakatingin nang diretso kay Katarina na noo'y nakangiti pa rin sa kaniya. Muli namang sinindihan ng isang guardia civil ang mga gaserang namatay. Sila lamang ang tao sa buong selda at sila pa lamang din ang nakakaalam na buhay pa si Felicia.
"Isinusumpa ko rin na mamamatay ka!" sigaw ni Felicia at kumawala sa guardia civil na humatak sa kaniya kanina palayo bago humakbang papalapit kay Katarina upang muli itong bigyan ng malakas na sampal.
Napopoot naman siyang nilingon ni Katarina at sinubukan siyang lapitan upang gumanti ngunit hindi rin nito nagawa dahil hawak ng dalawang guardia civil ang kaniyang braso. Muli siyang napasigaw sa galit dahil ngayo'y hindi na siya malaya na gawin ang lahat ng kaniyang nais.
Nais pa ngayong saktan muli ni Felicia si Katarina ngunit hindi naman niyon mababalik ang buhay ng kaniyang mga anak. Nanginginig siyang napahinga nang malalim bago nasasaktang tinignan si Katarina sa huling pagkakataon.
"Isinusumpa ko rin na hanggang sa kabilang buhay ay hindi ka magiging masaya sapagkat hindi iyon nararapat sa iyo..." galit na panunumpa sa kaniya ni Felicia bago talikuran siya at dire-diretsong naglakad paalis ng selda kung saan alam niyang tuluyan nang magwawakas si Katarina.
Wala namang ibang nagawa si Katarina kung hindi sumigaw at umiyak sapagkat hawak na ngayon ng mahigpit na hukuman ang buhay niya at wala na siyang magagawa pa.
NAKATULALANG pinagmamasdan ngayon ni Felicia ang likuran ni Enrique habang yakap nito ang kabaong ng kanilang anak na si Isla. Hapon na at makulimlim ngayon ang kalangitan sa bayan ng Santa Prinsesa. Narito sila ngayon sa mansyon ng mga Sierra, dito ibinurol ang katawan ni Gael simula nang mawala sila.
Nakalibing na ngayon sa simenteryo si Gael at Hilario, ngayo'y si Isla na lamang ang nasa kanilang tabi ngunit alam niyang ilang araw na lamang at ililibing na rin ito kasama ng kaniyang mga kapatid.
Nakarating na sa kaniya ang balitang namatay na si Katarina sa loob ng selda kinabukasan matapos niyang magtungo roon. Ang mga guardia civil ang pumaslang dito tulad na lamang ng iniutos sa kanila ng batas. Napaslang na nga si Katarina ngunit hanggang ngayon ay nadudurog pa rin ang kaniyang puso sapagkat kahit ano naman ang kaniyang gawin ay hindi na muli pang magbabalik ang kaniyang mga anak sa kaniya.
Malungkot siyang nag-angat ng tingin sa kaniyang gilid matapos maramdaman ang presensya mula roon. "I-ikaw ba si Binibining Sinta?" nanghihinang tanong ni Felicia sa isang dalagita na ngayo'y malungkot na tumango sa kaniya. Ilang beses na niya itong nakita ngunit ngayon lang siya nagkaroon ng lakas na kausapin din ito pabalik.
Maingat itong umupo sa kaniyang tabi bago siya pagmasdan. "I-ikaw din po ba ang ina nina Gael?" tanong ni Sinta. Nangilid ang luha sa mga mata ni Felicia kung kaya't pumikit siya bago tumango.
"P-paumanhin po," nakayukong paghingi ng tawad ni Sinta matapos makita ang pamumuo ng luha sa mga mata ng ina ng kaniyang sinta. Napahinga siya nang malalim upang pigilan din ang nagbabadyang luha sa mga mata niya. Hanggang ngayon ay hindi niya matanggap na wala na si Gael.
Umihip ang malamig na hangin na siyang pumasok sa loob ng kanilang mansyon. Muli ay nanumbalik sa kaniya ang huling ala-ala sa pagitan nila ni Gael matapos nitong tuluyang bumitaw sa paghihintay sa kaniyang muling pagbabalik dito...
Matapos tuluyang makalayo ni Katarina kay Gael at sa lugar na iyon ay nanginginig na umalis si Sinta sa puno na kaniyang pinagtataguan. Nanginginig man sa takot dahil sa putok ng baril at sa pagsabog na naghari sa kanilang kapaligiran kanina ay dali-dali na siyang tumakbo papalapit kay Gael at hinawakan ang mukha nito.
Matapos siyang iwanan ni Gael sa simenteryo ay naging buo na ang kaniyang loob na sundan ito kahit saan man ito magtungo. Kung kaya't sinundan niya ang pamilya De Vera kasama ang isang babaeng hindi niya magawang makilala. Ngunit ang bala na dalawang beses tumama kay Gael ay ang siyang nagpapaguho sa kaniyang mundo ngayon.
Kinakabahan niya itong sinubukang gisingin. "G-gael, p-pakiusap, gumising ka..." nangingilid na ang luhang pakiusap niya bago ito yakapin nang mahigpit. Napahikbi siya bago muling hawakan ang pisngi nito.
Nababalot na siya ng dugo na nagmula kay Gael ngunit hindi na niya iyon magawang isipin pa. Laking gulat niya nang dahan-dahang dumilat ang mga mata ni Gael na diretsong tumama sa kaniya.
"G-gael!" sigaw niya at hinawakan nang mahigpit ang kamay ni Gael na nanlalamig na ngayon. Sinubukang hawakan din ni Gael ang kaniyang kamay ngunit wala na itong ibang maramdaman pa.
Muli ay dahan-dahan nang ipinikit ni Gael ang kaniyang mga mata. Dito man ngayon magtatapos ang buhay niya, masaya pa rin siyang nasilayan niya ang babaeng nagpapatibok ng kaniyang puso bago tuluyang magdilim ang lahat.
"Gael! P-pakiusap!" sigaw ni Sinta bago muling yakapin nang mahigpit ang walang buhay na katawan ni Gael. Tila dahan-dahang dinurog ang puso niya matapos hindi na maramdaman pa ang tibok ng puso nitong hindi niya man lang nagawang malaman ang isinisigaw.
Nagsimulang bumuhos ang ulan tulad ng kaniyang mga luhang hindi na tumigil pa hanggang sa dumating na ang mga tao dahil sa putok ng baril na nagmula kay Katarina. Namatay si Gael sa harapan ni Sinta, at ang bagay na iyon ang hindi kailanman magagawang tanggapin ni Sinta habang buhay.
"M-maraming salamat sa iyong ginawang pagtulong sa bangkay ng aking anak habang wala kami. S-salamat sa pagmamahal na ibinigay mo sa kaniya," lumuluhang pasasalamat ni Felicia na siyang ikinabalik ni Sinta sa reyalidad. Lumuluha niya ring pinunasan ang luhang tumulo na pala sa kaniyang pisngi bago mapait na ngumiti.
Siya at ang kaniyang ama ang umasikaso sa bangkay ni Gael sapagkat wala namang ibang gagawa niyon para rito. Wala sa Santa Prinsesa ang mga kamag-anak ni Gael at nawawala rin ang pamilya nito. Ang sabi ng kaniyang ama ay huwag na siyang makielam pa sapagkat maaari nilang iyong ikapahamak ngunit lakas loob siyang nagtungo sa hukuman upang sabihin na ang pumatay sa pinakamamahal niyang si Gael ay walang iba kung hindi si Katarina Cortez.
Kung kaya't nang magbalik sina Felicia ay agad nilang natunugan na nagbalik na rin si Katarina at madali rin nila ito nahuli sa tulong ng isang dalaga na naghahangad ng hustisya para kay Gael.
"W-walang anuman po. Labis ko pong ikinalulungkot na wala na rin si Hilario at Isla. Ikinalulungkot ko po ang pagkamatay ng inyong mga anak," lumuluhang saad ni Sinta. Habang sinasabi niya ang mga bagay na iyon ay tila dahan-dahan ding dinudurog ang kaniyang puso.
"M-mahal na mahal ka po nila. Alam niyo po, ikaw ang bukang bibig nila sa akin mula noon. S-sa tuwing kasama ko po si Gael, ikaw ang palagi niyang ibinabahagi sa akin. Kung gaano po kayo kaganda at kabait na ina," pagbabahagi ni Sinta. Muli namang bumuhos ang luha sa mga mata ni Felicia dahil sa sinabi ni Sinta. Kung maaari lamang bumalik ang kaniyang mga anak ay paulit-ulit niyang hihilingin iyon.
"M-mahal na mahal ka po ng inyong mga anak. Alam ko pong nalulungkot sila ngayon dahil ikaw ay lumuluha," malungkot na patuloy ni Sinta at nag-angat ng tingin kay Enrique na noo'y nakaupo na sa silya habang hawak ang kabaong ni Isla. Nasasaktan siya ngayon para sa kalagayan ng pamilya De Vera na labis niya ring inibig.
"S-salamat. Masaya ako dahil dumating ka sa buhay ng aking mga anak. S-salamat dahil dumating ka sa buhay ni Gael," pasasalamat ni Felicia bago hawakan ang kamay ni Sinta na noo'y malungkot na napangiti bago pigilan ang pamumuo ng luha sa mga mata niya dahil kailanman ay hindi na mangyayari pa ang pinapangarap niyang kasal sa lalaking ngayon ay nakalibing na.
Ngayon niya man lang nakilala si Felicia ngunit lakas loob niya itong binigyan ng yakap na alam niyang kailangan nito sa pagkakataong ito. Lumuluha naman siyang niyakap ni Felicia pabalik na hanggang sa kabilang buhay ay papangarapin nitong makamit muli sa piling ng kaniyang mga anak na ngayo'y tuluyan nang inagaw ng mga alon sa kaniya.
PAYAPA na ang gabi sa buong kapaligiran ng Hacienda De Vera. Usap-usapan ngayon ang sunod-sunod na kamatayan ng magkakapatid na De Vera na hindi sila makapaniwalang si Katarina pala ang may gawa. Hindi sila makapaniwalang ang taong sinasabing nagmamabuting loob lamang ay ang siyang may kagagawan pala sa lahat ng trahedya ng pamilya De Vera.
Narito ngayon si Felicia sa madilim na silid ni Isla at nakaupo sa kama. Isa-isang niyang tinignan ang lahat ng mga iginuhit ni Isla sa kuwadernong ibinigay niya rito bago siya mawala, at ngayo'y ito na ang nawala sa kaniya.
Nasasaktan niyang yinakap ang kuwadernong iyon na alam niyang noong mga panahong wala siya ay niyayakap din ni Isla. Itinatanong niya ngayon sa kaniyang sarili kung bakit kay daya ng tadhana? Bakit kung kailan nagbalik na siya ay doon naman nawala ang mga anak niya?
Bumukas naman ang pinto at bumungad doon si Enrique na noo'y tahimik na isinara ang pinto. Kay dilim ngayon ng kanilang mansyon at walang sino man ang mag-aakalang may nakatira pa sa haciendang ito na kung dati ay puno ng kulay at saya.
Kagagaling lamang niya sa silid ni Hilario at Gael upang muling balikan kahit na patuloy lang siyang masasaktan. Mabigat ang dibdib siyang umupo sa tabi ni Felicia na noo'y nakatulala lang sa nakasarang bintana kung saan nagmumula ang tanging liwanag sa pagitan nilang dalawa.
Nasasaktan naman siyang nilingon ni Felicia. "B-bakit hindi mo pa ako sinisisi sa pagkawala ng ating mga anak? Hindi ba't ganoon ka naman dati?" puno ng kalungkutang tanong ni Felicia. Napayuko naman si Enrique, muling pinaalala ni Felicia sa kaniya ang mga kasalanang pilit niyang itinatama ngunit huli na rin ang lahat.
"P-patawad," puno ng pagsisisi na paghingi ng tawad ni Enrique bago mag-angat ng tingin sa mga mata ni Felicia. "N-ngunit hindi mo naman kasalanan na wala na ngayon ang ating mga anak. W-wala kang kasalanan, Fe..." patuloy niya bago hawakan ang kamay ni Felicia na noo'y napatingin nang diretso sa mga mata niya.
Ilinapag muna ni Felicia ang kuwaderno ni Isla sa kama bago sumandal kay Enrique at hawakan ang kamay nitong yumakap sa kaniya mula sa likod. Habang patuloy na umiihip ang malamig na hangin sa labas ay ipinikit niya ang kaniyang mga mata upang pigilan ang muling pagbuhos ng luha sa mga mata niya.
Sa huling pagkakataon ay dinama niya ang yakap ni Enrique na kung dati ay labis niyang kinasasabikan. Sa huling pagkakataon din ay dinama niya ang bawat patak ng ulan na kaniyang naririnig mula sa labas bago ibulong sa kaniyang isipan ang nais niyang sabihin ngunit hindi niya rin magawa.
Patawad, aking mga mahal.
KINABUKASAN, pagbuhos ng ulan ang siyang nagpagising kay Enrique. Nang mapalingon siya sa kaniyang tabi ay laking gulat niya matapos makitang wala na roon si Felicia, tulad lamang ng dati.
Nanghihina ang damdamin niyang ilinibot ang buong hacienda ngunit hindi na niya muli pang natagpuan si Felicia. Sa huling pagkakataon ay nag-angat siya sa makulimlim na kalangitan kung saan doon ay patuloy na bumubuhos ang mahinang ulan. Umihip ang malamig na hangin na siyang humawi sa luhang ngayon ay tuluyan nang bumuhos sa mga mata ni Enrique.
Napakapit na lamang siya sa tarangkahan bago mapayuko at ipinikit ang kaniyang mga mata habang patuloy na nararamdaman ang tuluyang pagkadurog ng kaniyang puso ngayon. Si Felicia na lamang ang natitira sa kaniya ngunit ngayo'y wala na rin ito.
Wala na nga siyang mga anak, iniwan pa siya ni Felicia.
Tuluyan nang bumubos ang malakas na ulan at habang patuloy na umiihip ang malamig na hangin na siyang yumakap sa damdamin niyang nag-iisa ay napagtanto ni Enrique na ito na nga marahil ang itinakda niyang kapalaran, ang mabuhay at maiwang mag-isa...
Pilipinas, 1763.
LUMIPAS ang pasko at bagong taon, lumipas ang mga gabing naging mag-isa dahil sa mga pusong naguguluhan. Nakaupo ngayon si Felicia sa tapat ng kanilang bahay kubo at nakatulalang pinagmamasdan ang singsing na nakasuot ngayon sa kaniyang palasingsingan. Muli ay isinuot na ni Flavio sa kaniya ang singsing na ito simula noong siya'y magbalik din dito.
Kasalukuyan siyang namamalagi ngayon sa Sugbu (Cebu) kung saan nakatira si Flavio at kung saan pinili niyang magbalik at iwanan si Enrique sa gitna ng dilim.
Malungkot na lumipas ang pasko at bagong taon ni Felicia sapagkat sa kauna-unahang pagkakataon ay hindi niya nakasama ang kaniyang mga anak na ngayo'y ilang buwan na niyang hindi nabibisita. Hanggang ngayon ay nagluluksa siya sa pagkamatay ng mga ito at kung maaari lamang siyang bumalik sa mga panahong buhay pa si Gael, Hilario, at Isla ay gagawin niya.
Umihip ang malamig na hangin na siyang yumakap sa damdamin niyang nag-iisa. Napasulyap siya sa mga alon na nagmula sa dalampasigan na ngayo'y handang-handa na niyang salubungin. Naramdaman na lang niya ang luhang muling bumuhos sa kaniyang mga mata matapos ding maalala ang tuluyang pagkamatay ni Julio at Hilaria sa gitna ng digmaan na hanggang ngayo'y nagpapatuloy sa Maynila.
Wala na ang kaniyang matalik na kaibigan, wala na si Hilaria.
Hindi niya matanggap na iyon na nga talaga ang huling pagkakataon na magkikita sila ni Hilaria. Ngayo'y hindi na niya ito muling makakasama pa, hindi na sila sabay na magtitinda pa sa palengke simula pagsapit ng umaga hanggang sa paglubog ng araw. Hindi na kailanman pa.
Nang magbalik siya kay Flavio ay kaniyang nabalitaan dito ang tuluyang pagkamatay ni Hilaria kasama si Julio na ipinangakong hanggang sa kamatayan ay sasamahan ang kaniyang minamahal. Nadamay sila sa giyera na kailanman ay hindi naman nila ninais.
Nakarating na rin sa ibang lalawigan ang mga briton at umaasa si Felicia na hindi na ito makarating pa sa ibang lugar sa Pilipinas tulad na lamang dito sa Sugbu kung saan magkasama silang namamalagi ngayon ni Flavio. Nakarating na ang mga sundalong briton sa Cavite kung saan namamalagi ngayon ang kinikilala niyang kapatid na si Alfredo at maging ang pamilya nito. Sa kabila ng lahat ay umaasa rin siyang ligtas ang mga ito.
"S-sanya..." namumuo ang luhang nag-angat siya ng tingin sa kaniyang gilid matapos marinig ang boses mi Flavio. Agad itong umupo sa kaniyang tabi at pinunasan ang kaniyang luhang hindi niya magawang pigilan.
Tatlong buwan na ang nakalipas simula nang iwanan niya si Enrique at magbalik kay Flavio. Naalala niya bigla nang mag-alinlangan pa si Flavio na tawagin siya sa tunay niyang pangalan ngunit ang sabi niya'y Sanya na ang itawag sa kaniya nito tulad lamang ng dati.
Napahinga naman nang malalim si Flavio bago siya yakapin tulad nang palagi nitong ginagawa sa tuwing siya'y lumuluha. Nangingilid ang luha niyang dinama ang yakap ni Flavio na hindi niya maunawaan kung bakit hindi na magawa pang magdala ng ngiti sa kaniyang labi tulad ng dati.
Habang yakap naman ni Flavio ang babaeng labis niyang minamahal ay hindi niya maunawaan kung bakit hindi na niya makita pa ang kislap sa mga mata nito tulad ng dati. Napasulyap siya sa dalampasigan kung saan doon ay patuloy na humahampas ang alon ng kalungkutan.
Naalala niya bigla noong minsan nang sinubukan ni Felicia na magpalamon sa mga alon ngunit mabuti na lamang at napigilan niya ito kahit kagagaling niya lamang sa trabaho. Labis itong nalulunod sa kalungkutan at sinisisi ni Felicia ang kaniyang sarili sa pagkamatay ng kaniyang mga anak. Kung bakit nagbalik pa siya.
Kasabay nang pag-ihip ng hangin ay ang pagtanto ni Flavio na hindi na iyon tulad pa ng dati.
ARAW ng kasal. Paglabas ni Felicia sa bahay kubo ay napatigil siya matapos makita si Flavio na nakaupo lang sa mahabang upuan habang nakatulala sa kawalan. Hindi ito nakabihis at tila walang espesyal na mangyayari ngayong araw.
"Flavio..." pagtawag niya. Napalingon na sa kaniya si Flavio at napatigil siya matapos makita ang namumuong luha sa mga mata nito. Agad niya itong nilapitan at nag-aalalang tinignan. Napahinga muna ito nang malalim bago hawakan ang kamay niya at paupuin sa kaniyang tabi.
"S-sanya, mahal kita. Alam mo iyan, hindi ba?" tanong ni Flavio habang nakatingin nang diretso sa mga mata ni Felicia na ngayo'y naguguluhan.
"A-anong... Ibig mong sabihin?" naguguluhang tanong ni Felicia. Mapait namang ngumiti si Flavio bago pagmasdan ang alon ng dalampasigan na alam niyang may hinihintay.
"Huwag na tayong magkunwari pa, Sanya. Alam kong hindi na ako ang nagmamay-ari ng iyong puso. Mahal kita kung kaya't hindi ko nais na makita kang napipilitan na mahalin din ako," malungkot na saad ni Flavio. Umihip ang malakas na hangin. Simula noon, pakiramdam niya'y dala lang ng kunsensya kung kaya't nagbalik si Felicia.
"Mahal kita kung kaya't h-hindi ko na ibig pang ituloy ang kasal na ito. H-hindi ko ibig na matali ka sa taong hindi mo na minamahal pa..." patuloy ni Flavio bago magbalik ng tingin kay Felicia na noo'y nagsimula nang lumuha. Hinawakan din ni Felicia nang mahigpit ang kamay niya at kinakabahan siyang tinignan.
"F-flavio..."
"Alam kong mahalaga pa ako sa iyo ngunit hindi mo na ako mahal. M-magkaiba iyon, Sanya," wika niya bago sinubukang ngitian si Felicia. Masakit man, ngunit handa niyang gawin at ipaubaya ang kaniyang minamahal para sa ikasasaya nito.
Ganoon ang pagmamahal. Pipiliin mo ang kaniyang kasiyahan kahit pa masakit.
Nagsimula muling mamuo ang luha sa mga mata ni Felicia sapagkat sa muling pagkakataon ay handa siyang palayain ni Flavio kahit alam niyang iyon ang labis na magpapadurog sa puso nito. Hindi niya alam kung bakit ito ganito, kung bakit kailanman ay hindi ito naging makasarili sa kaniya.
"K-kung kaya't sige na, balikan mo na siya. Alam kong hinihintay niya ang muli mong pagbabalik," nakangiting saad ni Flavio kahit pa iyon ang labis na nagpapadurog sa kaniyang puso ngayon. Dali-dali naman siyang hinagkan ni Felicia at lumuluhang sumandal sa kaniyang balikat.
"S-salamat, salamat sa lahat..." lumuluhang pasasalamat nito. Nasasaktan naman niyang niyakap pabalik si Felicia sa huling pagkakataon. Masakit man ngunit kailangan niyang tanggapin na si Felicia ay hindi ang taong nakalaan para sa kaniya.
Umihip ang malamig na hangin at kasabay niyon ay ang pagngiti ni Felicia sapagkat sa wakas ay makababalik na siya sa bayan kung saan nagsimula ang lahat. Sa wakas ay muli na siyang makababalik sa kaniyang mga anak at sa taong doon niya lamang napagtanto na nilalaman pa rin ng kaniyang puso hanggang ngayon.
Ako ang alon na siyang babalik sa iyo...
PAYAPA na ang gabing mag-isa. Mula sa loob ng Hacienda De Vera ay mag-isang lumabas si Enrique sa kaniyang madilim na tahanan. Ang kanilang tahanan na kung dati ay puno ng kulay at saya ngunit ngayo'y wala ng katao-tao at nababalot din ng dilim.
Nang maisara na ang tarangkahan ng kaniyang hacienda ay napahinga nang malalim si Enrique bago nagsimulang humakbang sa madilim na kalsada na walang katao-tao. Tuloy-tuloy na sana siyang maglalakad paalis ngunit napatigil siya matapos makita ang isang pamilyar na babae na sampung hakbang na lamang ang layo sa kaniya.
Sandaling napako ang mga paa niya habang walang kurap na nakatingin ngayon ng diretso kay Felicia na matapos siyang makita ay nag-unahan na ang mga luha sa pagbuhos. Habang patuloy na umiihip ang malamig na hangin sa madilim na kalsadang walang katao-tao ay nagsimula ring mamuo ang luha sa mga mata niya matapos makita si Felicia sa muling pagkakataon.
"F-fe..." hindi makapaniwalang pagsambit niya sa pangalan nito. Matapos niyon ay dali-dali nang tumakbo si Felicia papalapit sa kaniya at niyakap siya nang mahigpit sa kauna-unahang pagkakataon.
Ibinaon naman niya ang kaniyang mukha sa leeg ni Felicia habang yakap din ito nang mahigpit. Tuluyan nang bumuhos ang luha sa mga mata ni Felicia habang nararamdaman ngayon ang yakap ni Enrique sa kaniya. Hindi siya makapaniwalang mangyayari ang sandaling ito kung saan makikita muli nila ang isa't isa matapos ang lahat.
Ngunit makalipas ang ilang sandali ay dahan-dahang napasandal si Enrique sa balikat ni Felicia habang yakap nila ang isa't isa. Sa paglipas ng panahon ay may nangyayari at nagbabago, pagbabago na maging sa kaniya ay yumakap na rin. Kasabay nang pag-ihip ng hangin ay ang pagkatulala ni Enrique sa kawalan sapagkat sa lumipas na tatlong buwan ay kay dami nang nagbago.
Hindi na iyon tulad pa ng dati.
********************
Æ | Cєѕѕ
© aestheticess
3.26.22
'bawat piyesa' by munimuni para sa last scene ni fe at enrique. maraming salamat sa pagbabasa! <3
nagmamahal,
cess.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top