BALANG ARAW KABANATA 27

[Kabanata 27 - Pagwawakas]

PAGLUHA ang naghahari sa buong kapaligiran habang walang kurap na nakatingin ngayon ang magkakapatid na De Vera sa kanilang ina. Hindi na nila magawang alisin pa ang kanilang tingin kay Felicia sapagkat natatakot silang bigla na lamang itong maglaho sa kanilang paningin tulad ng dati.

Nanginginig ang labing muling yinakap ni Felicia si Gael at Hilario na nasa kaniyang tabi habang si Isla naman ay nasa kaniyang paahan at yakap din nang mahigpit ang kaniyang tuhod. Narito na sila ngayon sa loob ng mansyon at nakaupo sa kanape ng sala.

Ipinikit ni Felicia ang kaniyang mga mata upang pigilan ang pamumuo ng mga luha rito. Hindi na natigil pa ang pamumuo ng luha sa kanilang mga mata matapos muling magbalik ng liwanag sa madilim na mundo ng isa't isa. Hindi na nais pang kumawala ngayon ni Felicia sa yakap ng kaniyang mga anak na ang tanging kaniyang hinangad lamang bago siya tuluyang mawalay sa mga ito noon.

Tumatagos sa mga nakasarang bintana ang liwanag ng buwan mula sa labas. Nakabukas ang mga gasera kung kaya't kahit papaano ay maliwanag ang buong kapaligiran. Mula sa palikuran ay lumabas naman doon si Manang Numeriana at nabitawan niya ang kaniyang hawak na pangkuskos matapos makita ang babaeng yakap ngayon ng kaniyang mga alaga.

"F-felicia?" gulat na tanong ng matanda at napahawak sa kaniyang dibdib. Napatingin naman sa kaniya ang mag-iina at muling namuo ang luha sa mga mata ni Felicia matapos masilayan ang matandang noon pa man ay tapat nang nagsisilbi sa kanilang pamilya.

Bumitaw muna si Felicia sa kaniyang mga anak bago lapitan ang matanda at mabilis na yakapin. Napakagat siya sa kaniyang labi upang pigilang humikbi. Nagugulat naman siyang niyakap pabalik ni Manang Numeriana at hindi makapaniwalang tinignan sina Isla na noo'y lumuluha pa rin sa labis na saya.

"Felicia, hija!" nagagalak na sigaw niya at mahigpit na niyakap si Felicia na noo'y tuluyan nang lumuha. Napakasaya ni Felicia dahil sa katotohanang naglaho man siya ngunit naririto pa rin si Manang Numeriana na tanging pinagkakatiwalaang kasambahay ng kaniyang pamilya.

Makalipas ang ilang saglit ay bumitaw na rin si Manang Numeriana sa kaniya at hinawakan ang kaniyang magkabilang balikat. "Susmaryosep, Felicia, ikaw ba talaga iyan?! P-paanong ika'y naririto na ngayon?" nabibiglang tanong ng matanda at sinamahan siya sa muling pag-upo sa kanape.

Muling namang tinanggap ni Felicia ang yakap ng kaniyang mga anak bago sinubukang pigilan ang kaniyang pagluha. "N-napakahabang salaysayin, Manang. N-ngunit napakasaya ko sapagkat nakikita ko na kayong muli. H-hindi ako makapaniwalang mangyayari ang sandaling ito," nanginginig ang boses na wika ni Felicia at pinunasan ang kaniyang luha na ngayo'y patuloy na bumubuhos.

Binasa niya ang kaniyang labi bago binalingan si Gael na noo'y diretso pa ring nakatingin sa kaniya. Hinawakan niya ang pisngi ng kaniyang anak bago yakapin nang mahigpit na agad naman nitong tinugunan pabalik. Si Gael ang kaniyang unang anak na siyang una ring nagpadama sa kaniya kung ano nga ba ang pakiramdam na maging isang ina.

Nang bumitaw siya rito at emosyonal niyang pinagmasdan ang kaniyang panganay na anak. Hinawakan niya ang makinis nitong pisngi at pinunasan ang nangingilid nitong mga luha. Tama nga ang kaniyang pakiramdam noon na mas magiging kamukha ni Gael ang kaniyang ama kapag ito'y lumaki na.

"G-gael, anak, ang laki-laki mo na. May nililigawan ka na ba?" emosyonal ang ngiting tanong ni Felicia. Napangiti rin bigla si Gael bago pinunasan ang luhang ngayon ay patuloy na namumuo sa kaniyang mga mata.

"Si Binibining Sinta, ina," nakangiting sabat ni Hilario na siyang ikinalingon sa kaniya ni Felicia at ikinangiti rin. "Ina, huwag po kayong maniwala riyan. Hindi ko po nililigawan ang binibining iyon," pagtanggi naman ni Gael at matalim na tinignan si Hilario na noo'y pinigilang matawa.

Natawa rin si Felicia bago nakangiting pinagmamasdan naman si Hilario. Inayos niya ang buhok nito bago yakapin rin nang mahigpit. Si Hilario naman ang kaniyang anak na palaging nagbibigay ng lihim na ngiti sa kaniyang labi kahit na ang sinasabi niya palagi noon ay hindi dahil kaugali nito si Enrique. Siya rin ang nagbigay ng palayaw dito tulad ng pagbibigay niya ng pangalan sa kaniyang mga anak.

"Hil, ika'y ganap na binata na talaga anak. Hindi ka na naaasar ng iyong kuya ngayon, ano?" nakangiting tanong ni Felicia. Taas noo namang tumango-tango si Hilario na siyang ikinalawak ng ngiti ni Felicia. Kinurot niya ang baba ng kaniyang pangalawang anak bago balingan naman si Isla na noo'y yakap pa rin ang kaniyang tuhod.

Marahan niyang hinawakan ang magkabilang braso nito na siyang ikinaangat ng tingin nito sa kaniya. Sinulyapan niya si Hilario na noo'y tumayo na upang si Isla naman ang umupo sa tabi niya. Pinaupo niya si Isla sa kaniyang bago hawakan ang kamay nito. Nagsimula muling mamuo ang luha sa mga mata ni Felicia habang nakatingin ng diretso sa kaniyang anak na ngayo'y lumuluha na rin.

Niyakap niya nang mahigpit si Isla na sa kauna-unahang pagkakataon ay muling naramdaman nito matapos ang napakahabang panahon. Napapikit siya matapos marinig ang hikbi ni Isla na sa wakas ay nailabas na nito sa yakap ng kaniyang ina.

Halo-halong emosyon ngayon ang nararamdaman ni Felicia habang yakap nang mahigpit ang kaniyang anak. Si Isla ang tanging babae sa kaniyang buhay na nagdadala palagi ng ngiti sa kaniyang labi sa kabila ng kalungkutang bumabalot sa kaniya noon. Naalala niya bigla kung bakit Isla ang ipinangalan niya rito, dahil sa isang isla niya rin ito isinilang.

Nang bumitaw na si Felicia kay Isla ay hinawakan niya ang pisngi nito. Sadyang nakuha naman ng kaniyang anak ang karamihan sa kaniya sapagkat hindi maitatangging kahawig na niya ito ngayon.

"Anak, labis akong nangungulila sa iyo, labis akong nangungulila sa inyo. Kumusta ka na, anak? Ika'y dinurugo na ba?" tanong ni Felicia na ikinagulat ni Isla at maging ng magkakapatid. Sabay na napaiwas ng tingin si Gael at Hilario at nagpanggap na walang narinig.

Natawa naman si Manang Numeriana at siyang sumagot na sa katanungan ni Felicia, "Oo, Felicia. Nagkaroon na si Isla nitong mga nakaraang buwan lamang kung kaya't mas lalong naging masungit," sagot ni Manang Numeriana. Napataas naman ang kilay ni Felicia matapos maalala ang pagiging masungit niya.

Ngunit hindi niya muna nais pairalin ang kaniyang ugali ngayon at nais munang damahin ang saya at paghinga nang maluwag sapagkat buong puso pa rin siyang tinanggap ng kaniyang mga anak sa kaniyang muling pagbabalik.

Napahinga siya nang malalim bago muling yakapin ang kaniyang mga anak na noo'y sabay-sabay nang napangiti dahil sa wakas ay muli nang nagbalik ang nag-iisang liwanag ng kanilang buhay. Nang bigla ay bumukas ang pinto...

"PAUMANHIN, Señor. Susubukan na lamang naming muli siyang hanapin," nakayukong paghingi nito ng tawad kay Enrique. Papasapit na ang dilim at seryosong nakatingin ngayon si Enrique sa kaniyang tauhan na inutusan niya upang hanapin ang kaniyang asawa.

Hindi naman nagbigay ng kahit anong reaksyon si Enrique at dahan-dahan na lamang tumango. Nagbigay galang na sa kaniya ang lalaki at inayos ang itim nitong salakot bago maingat na naglakad na paalis. Tinanaw na lamang niya ang paglaho nito sa dilim. Napahinga siya nang bago mapayuko na at nagsimulang maglakad din paalis.

Sa huli ay bagsak ang balikat siyang naglakad pauwi. Ayon sa kaniyang tauhan ay natagpuan na nila si Felicia sa kagubatan ngunit bigla na lamang itong nawala sa kanilang paningin. Masaya siyang malaman na nagbalik na si Felicia sa Santa Prinsesa ngunit naglaho rin iyon matapos mapagtantong delikado na nagbalik pa rito si Felicia, matapos malamang maliban sa kaniya at may nagmamanman pang iba rito.

Tuluyan nang sumapit ang dilim nang makarating siya sa Hacienda De Vera. Ang malamig na ihip ng hangin ay nagbabalik sa kaniya sa nakaraang nalimot na. Nag-angat ng tingin si Enrique sa kabilugan ng buwan bago naglakad na papasok sa loob ng mansyon. Hindi niya mapigilang manghinayang sapagkat sa pagkakataong ito ay nabigo pa rin siya.

Maingat niyang binuksan ang pinto ng mansyon at nakayukong isinara ito. Nagsimula na siyang maglakad patungo sa sala ngunit nabitawan niya ang hawak niyang maleta (briefcase) matapos masilayan ang babaeng walang kurap na nakatingin din ngayon sa kaniya kasama ang kanilang mga anak.

Sandaling naghari ang katahimikan sa pagitan ng lahat habang nakatingin ng diretso sa isa't isa ang dalawang tao na siyang bumuo sa pamilyang ito. Unti-unting nanumbalik sa isipan ni Felicia ang mapait na ala-ala ng nakaraan habang pinagmamasdan ngayon ang lalaking naging malaking bahagi sa kaniyang buhay simula pa noon.

Dahan-dahang naglaho ang emosyon sa kaniyang mukha matapos maalala ang lahat ng kasalanang nagawa sa kaniya ni Enrique na hanggang ngayon ay wala pa ring paliwanag. Mga kasalanang naging dahilan upang mangyari sa kaniya ang lahat ng ito. Ang malamig na mukha naman ni Felicia ang nagpapakirot ngayon sa dibdib ni Enrique sapagkat alam niyang siya ang dahilan niyon.

Napaiwas na ng tingin si Felicia at tumayo. "Ina..." ngunit hindi niya natuloy ang kaniyang gagawing paghakbang nang sabay-sabay siyang tawagin ng kaniyang mga anak at tumayo upang hawakan siya.

Napatigil naman siya at isa-isang tinignan si Gael, Hilario, at Isla. Kitang-kita niya ngayon ang takot sa mga mata nito dahil baka mawalan na naman sila ng ina sa isang iglap. Napahinga siya nang malalim upang tatagan ang kaniyang loob.

"M-magtutungo lamang ako sa itaas, mga anak. Hindi ako aalis," wika ni Felicia at sinulyapan si Enrique bago naglakad na papanik sa itaas. Walang ibang nagawa ang magkakapatid kung hindi tanawin ang pagpanik ng kanilang ina at umasang hindi isang panaginip ang nangyayari ngayon sa kanila.

Napahinga rin nang malalim si Enrique bago muling damputin ang kaniyang maleta at naglakad din pasunod kay Felicia. Dumiretso siya sa kanilang silid sapagkat dito ito dumiretso. Naabutan niya itong ilinilibot ang paningin sa kanilang payapang silid.

Hindi mapigilang makaramdam ng paninibago ni Felicia habang pinagmamasdan ang tahanang ito na kay tagal niya ring naiwan. Ang pamilyar na amoy ng kanilang silid ay nagbabalik sa kaniya sa nakaraan. Ang amoy ng kanilang silid ngayon ay ang pabango ni Enrique na mula nang magsama sila ay gamit na nito.

Inalis muna ni Felicia ang kaniyang pagiging emosyonal bago walang emosyon na lingunin si Enrique na noo'y pinagmamasdan siya. Muli silang napatingin nang diretso sa mga mata ng isa't isa.

"Fe... Nagbalik ka," pigil ang emosyong saad ni Enrique. Nais na niyang yakapin ngayon ang kaniyang asawa ngunit natatakot siyang hindi nito tanggapin ang yakap niya at tulakin muli papalayo tulad ng dati.

"Para sa aking mga anak," matigas na sambit ni Felicia at sinubukan ding pigilan ang kaniyang emosyon. Napaiwas siya ng tingin dahil sa luhang hindi niya maunawaan kung bakit patuloy na namumuo sa kaniyang mga mata.

Napatalikod siya kay Enrique at nagsimulang humakbang papalapit sa balkonahe. Sumalubong sa kaniya ang malamig na ihip ng hangin mula sa labas. Dinapuan niya ng tingin ang dalampasigan at mga alon na kaniyang matatanaw mula sa kaniyang puwesto.

Tama nga ang sinabi noon ni Isla na ang isang pangako ay nakalaan lamang din upang mapako.

"Hindi na kita mahal..." malamig na wika ni Felicia habang nakatulala sa kawalan. Ang apat na salitang binitawan ni Felicia ay tila isang milyong balisong na tumama sa dibdib ni Enrique. Sandali siyang hindi nakagalaw at nanatiling nakatitig kay Felicia, umaasang bawiin nito ang sinabi niya.

Ngunit lumipas ang ilang saglit at hindi sinundan ni Felicia ang kaniyang sinabi. Hanggang ngayon ay naaalala at iniisip pa rin niya ang lalaking piniling palayain siya upang muli lamang na maging masaya sa piling ng kaniyang mga anak, ang lalaking piniling masaktan para sa kaniyang kasiyahan.

Naghari ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Walang ibang nakapagsalita, walang ibang nakagalaw. Tanging ang pag-ihip lamang ng malamig na hangin ang yumakap sa mga damdamin nilang nag-iisa. Mga pusong hindi nagawang tumanggap at magpalaya.

Hindi na nakayanan pa ni Felicia at muli nang humarap kay Enrique upang maglakad paalis ngunit agad siyang pinigilan ni Enrique at humarang sa daanan. Walang emosyon siyang nag-angat sa mga mata nitong puno ng kalungkutan. Kaonti na lamang at makakatikim na ito sa kaniya.

"Fe, h-hayaan mo muna akong gamutin ka..." saad ni Enrique at napakagat sa kaniyang labi nang gumaralgal ang boses niya. Muling napaiwas ng tingin si Felicia nang biglang nanikip ang kaniyang dibdib.

Hindi na niya nagawang umalma nang hawakan ni Enrique ang kamay niya at paupuin sa kama. Sinindihan ni Enrique ang mga lampara upang magbigay ng liwanag sa kanilang dalawa. Hinawi na rin niya ang kurtina sa balkonahe upang tuluyang isara kasama ang mga bintana sa kanilang silid.

Muli na siyang umupo sa tabi ni Felicia at malungkot na tinignan ito. Napahinga siya nang malalim bago ilagay ang buhok nito sa likod ng tainga at maingat na isipit mula sa likod. Napatigil naman si Felicia, minsan nang ginawa iyon ni Enrique sa kaniya noon.

Hindi maiwasang makaramdam ng lungkot ni Enrique dahil sa magulong buhok, maduming damit, at mga sugat na natamo nito sa gitna ng paglalakbay pabalik sa kanilang mga anak. Binuksan niya ang kaniyang maleta bago maingat na tanggalin ang tela na nakatali sa noo nito. Natuyo na ang dugo roon.

Ilinapag ni Enrique sa kama ang tela bago sinimulang kuhanin ang mga gamit sa maleta na kailangan niyang gamitin. Nahagip ng kaniyang mga mata nang kuhanin ni Felicia ang telang iyon at tiklupin bago ipitin sa kamay. Ang telang iyon ay nagmula pa sa damit ni Flavio at pinunit upang itakip sa kaniyang sugat.

Hindi na lang iyon binigyang pansin ni Enrique at pinahiga na si Felicia sa kama upang simulang gamutin. Tila pinipiga ang puso niya sa tuwing napapasulyap sa malamig na mukha ni Felicia at hindi magawang tumingin sa kaniya.

Nasasaktan man ngunit pinili na lamang niyang gamutin si Felicia kahit na malinaw na sa kaniya ang katotohanang hindi na siya ang nagmamay-ari sa puso nitong minsan ding napasakaniya.

TAHIMIK na ang buong kapaligiran sa kanilang tahanan habang nakatulalang pinagmamasdan ni Enrique ang pinto ng kanilang silid. Madaling araw na ngunit pinili niyang hindi na lamang matulog kahit na siya'y pagod galing trabaho sapagkat natatakot siyang bigla na lamang mawala si Felicia sa kaniyang paningin tulad ng dati.

Walang ingay siyang humakbang papalapit sa pinto at maingat iyong binuksan. Bumungad sa kaniya ang kaniyang mag-iina na ngayo'y mahimbing nang natutulog. Magkatabi si Felicia at Isla sa kama habang si Gael at Hilario naman ay naglatag sa lapag at pinili ring matulog sa tabi ng kanilang ina. Pare-pareho lamang silang natatakot ngayon na mawala ang isa't isa.

Nakaligo at malinis na ngayon si Felicia habang suot ang puting bestida na palagi nitong sinusuot noon sa tuwing matutulog. Bagong puting tela na rin ang kaniyang itinapal sa noo nito matapos malinis ang sugat ni Felicia sa noo at sa ibang bahagi ng katawan. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakaramdam si Enrique ng kapayapaan habang pinagmamasdan ngayon ang payapang pagtulog ng kaniyang mag-iina.

Napangiti siya ng kaonti bago isinara na ang pinto ng kanilang silid at naglakad pababa. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwalang naririto na ang taong kay tagal nilang hinintay at pinakiusap sa maykapal na muli nang magbalik.

Akmang maglalakad na siya patungong kusina upang uminom ng tubig ngunit napatigil siya matapos marinig ang tunog ng kalesa mula sa labas. Napasulyap si Enrique sa pintuan bago nagsimulang maglakad papunta roon. Walang ingay siyang kumapit sa busol (doorknob) at ilinapit ang kaniyang tainga sa pinto ngunit hangin lang ang kaniyang naririnig.

Sandaling hindi gumalaw si Enrique sa kaniyang puwesto bago mabilis na binuksan ang pinto at sabay silang napatigil ni Katarina matapos makita ang isa't isa.

"Katarina, ano ang iyong ginagawa rito?" nagtatakang tanong ni Enrique at diretsong tinignan ang mukha nitong puno ng pagkabigla. Napalunok si Katarina bago mapaatras sa pinto at mabilis na umiling.

"W-wala. Ako'y napadaan lamang," tugon nito at lihim na ilinibot ang paningin sa loob ng madilim na mansyon. Napansin ni Enrique ang pagkabalisa sa mukha nito.

"Ikaw ay ayos lang ba?" tanong ni Enrique at ilinibot ang kaniyang paningin sa madilim na labas. Siya'y naguguluhan ngayon sa paglabas ni Katarina sa gitna ng gabi at nang mag-isa pa.

"A-ayos lang. Mauuna na rin ako, Enrique," nakayukong pamamaalam na ni Katarina at mabilis na tumalikod ngunit agad din siyang pinigilan ni Enrique. "Sandali, paano ka uuwi?" tanong muli ni Enrique, nanatili namang nakatalikod sa kaniya si Katarina.

"M-may dala akong kalesa," ang tanging isinagot nito bago mabilis nang naglakad paalis ng Hacienda De Vera. Mayroon itong pribelehiyo na pumasok sa kaniyang hacienda ngunit sa pagkakataong ito ay tila nais na iyong putulin ni Enrique.

Siya'y sawa na sa paulit-ulit na sinasabi sa kaniyang pamilya at ng mga tao na pagbigyan na niya ang kaniyang sarili at mag-asawa nang muli dahil wala na si Felicia. Ngayo'y nagkaroon na ng kabuluhan ang kaniyang paghihintay at hindi na niya kailanman pipilitin pa ang kaniyang sariling mahalin ang isang taong hindi na magagawa pang patibukin muli ang kaniyang puso dahil tanging si Felicia lamang.

Noon ay kay dali lamang niyang magkagusto sa isang tao ngunit simula nang dumating si Felicia sa kaniyang buhay ay kaniyang naintindihan kung ano nga ba ang pinagkaiba ng itinatangi sa iniibig. Nagawa niya mang tangihin ang karamihan, ngunit tanging si Felicia lamang ang kaniyang inibig at iibigin.

Mula sa ikalawang palapag ay naroon naman si Felicia at nasaksihan ang naging tagpo ni Enrique at Katarina. Ngayo'y nakatulala na si Enrique sa labas habang patuloy na sinasalubong ang malamig na ihip ng hangin. Biglang pumasok sa kaniyang isipan ang isang pangyayari noon nang lapitan at sabihin sa kaniya ng isang babae sa pamilihan na ang kalaguyo ni Enrique ay walang iba kung hindi ang dati nitong kasintahan, si Katarina.

Napatulala na lamang din siya sa kawalan at ipinikit ang kaniyang mga mata. Wala siyang kaalam-alam na walang ibang inibig si Enrique kung hindi siya, wala siyang kaalam-alam na simula nang mawala siya'y walang itong ibang ginawa kung hindi hanapin siya kahit na katawan na lamang ang bumalik dito.

Wala silang ibang ginawa kung hindi sarilihin ang kanilang mga saloobin at ilihim na lamang sa sarili ang lahat. Mga pangyayaring naging dahilan upang simula noon ay tuluyang mawala ang tiwala nila sa isa't isa.

KINABUKASAN, sabay-sabay na kumain ang pamilya De Vera sa hapag kainan matapos ang napakahabang panahon. Sa muling pagkakataon ay muling nagbalik si Felicia sa kaniyang puwesto, sa kabisera. Nasa kaniyang gilid naman si Enrique at Gael. Katabi ni Gael si Isla habang nasa tabi naman ni Isla si Manang Numeriana na noo'y inanyayahan nilang sumalo sa kanila.

Katabi naman ni Enrique si Hilario habang katabi naman ni Hilario si Mang Ambo na hanggang ngayo'y nabibigla pa rin matapos malamang buhay pa si Felicia. Ang mga taong nasa hapag ngayon ay ang mga taong tanging nakakaalam na buhay pa si Felicia. Napagdesisyonan ni Enrique na huwag munang sabihin sa lahat na buhay pa si Felicia sapagkat iba ang kaniyang nagiging kutob.

Nagdasal muna sila bago nagsimulang kumain. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nasilayan muli ni Enrique ang matamis na ngiti sa labi ni Isla na siyang ikinatutuwa ngayon ng lahat. Tama nga siyang si Felicia lamang ang solusyon sa kanilang problema.

Nabahagi na sa kanila ni Felicia ang lahat ng nangyari sa kaniya. Kung paanong bigla siyang naglaho at muling nagbalik. Nabahagi niya ang lahat mula sa nangyaring aksidente, sa kaniyang pamumuhay sa Maynila, sa pagkawala ng kaniyang ala-ala, at sa lahat-lahat na. Hindi niya lamang nagawang ibahagi ang katotohanan sa kanila ni Flavio sapagkat hindi niya pa kaya.

Nang matapos silang kumain ay lumisan muna si Mang Ambo sapagkat kailangan pa nitong alagaan ang mga minamahal nitong kabayo na ilang taon na niyang kasama. Si Manang Numeriana naman ay nagtungo sa pamilihan upang mamili. Naiwan ang pamilya De Vera sa kanilang nakasaradong tahanan sapagkat sa ngayo'y hindi muna nila nais ng panauhin.

Nasa sala na sila ngayon at nakaupo sa kanape. Katabi ni Felicia si Isla at Hilario habang nasa tig-isang kanape naman si Enrique at Gael. Lahat sila ngayon ay nakatitig sa ilaw ng kanilang tahanan. Hanggang ngayon ay hindi sila makapaniwalang buhay pa si Felicia na ilang taon nilang linuhaan.

"Ina, kung maaari lang ay nais ko na lang po kayong makasama sa isang bagong mundo. Naaalala niyo pa po ba ang paraisong ikinekwento niyo sa akin noon?" tanong ni Isla habang nakahawak sa kamay ng kaniyang ina. Napahinga naman nang malalim si Felicia bago sinubukang alalahin ang sinasabi ngayon ng kaniyang anak.

Sa totoo lang ay hindi niya pa talaga maalala ang lahat. Kay dami niya pang nakalilimutan. Hindi na niya maalala pa ang ibang tao tulad ng pamilya ni Enrique. Marami na rin siyang nakalimutang pangyayari at kwento tulad ng sinasabi ngayon ni Isla. Ang tanging naaalala lamang niyang paraiso ay ang sinabi sa kaniya ni Nay Anchita noon bago ito tuluyang mawala sa kaniya.

Nagulat na lamang ang lahat matapos masilayan ang pamumuo ng luha sa mga mata ni Felicia. "I-ina, bakit po?" kinakabahang tanong ni Isla na siyang nagpatauhan kay Felicia. Napahawak siya sa kaniyang mata, hindi niya namalayang namuo na ang luha roon matapos muling maalala ang kaniyang tunay na ina.

Agad namang umiling si Felicia at sinubukang itago ang lahat. Napatitig naman si Enrique sa kaniyang asawa. Itago man nito ang lahat ngunit makikita niya pa rin ang lungkot na ikinukubli ng mga mata nito. Sa isip ay naalala marahil nito ang mga taong naging bahagi ng kaniyang buhay sa Maynila.

Sinubukan na lang ngumiti ni Felicia kay Isla. "M-maging ako rin, anak. Ibig ko kayong makasama sa isang mapayapang mundo. Sa isang paraisong mabubuhay tayo at tanging ang isa't isa na lamang ang nakakaalam," ngiti niya at ilinagay ang hibla ng buhok ni Isla sa likod ng tainga nito.

Napangiti na si Isla at niyakap muli ang kaniyang ina. Tinapik ni Felicia ang kaniyang likod bago mag-angat ng tingin kay Enrique at Gael na noo'y napatulala, may kani-kaniyang naisip. Nagbaba naman siya ng tingin kay Hilario na noo'y napangiti dahil sa ideyang naisip ni Isla at Felicia.

"Ibig ko rin pong mabuhay sa kapayapaan. Ibig kong mabuhay na lamang kasama kayo," pagsang-ayon ni Hilario at hinawakan ang kamay ng kaniyang ina. Napangiti naman si Felicia. Kung gayon, pare-pareho pala silang tatlo ng adhikain.

Sa murang edad ay naguguluhan na si Hilario sa mundong kaniyang kinagagalawan. Kung bakit kailangang may maghirap? Bakit kailangang may maging malungkot? Bakit kailangang may magdusa? At bakit hindi pantay ang mundo sa lahat?

Ibig niya na lamang mabuhay sa isang mundong puno ng saya at kapayapaan. Ang tanging adhikain niya lamang ay maging masaya kasama ang kaniyang pamilya.

"Ibig niyo bang... Lumisan?" tanong ni Enrique na ikinatingin ng lahat sa kaniya. Mula sa pagkakatulala ay muling nagbalik ng tingin si Enrique kay Felicia. Nauunawaan niya kung ibig nang lumayo nito mula sa napakagulong mundo na ito.

Hindi naman nakapagsalita si Gael. Walang kahit ano man ang kaniyang tatanggihan pagdating sa kaniyang pamilya. Ibig niya rin namang mabuhay sa mapayapang mundo kasama ang kaniyang pamilya ngunit may isang taong dahilan kung bakit nagkakaroon siya ng agam-agam ngayon. Alam niya at ng kaniyang sarili na hinihintay niya pa rin ang muli nitong pagbabalik sa kaniya hanggang ngayon.

Ngunit sa huli, pinili niya pa ring tumango at sumang-ayon sa adhikain ng kaniyang buong pamilya. Kahit pa ang kapalit niyon ay ang pagkawalay niya sa bayan na labis niyang inibig at sa taong nagsisimula na rin niyang ibigin.

Sinumulan nilang pag-usapan ang planong paglayo mula sa lahat, kalimutan ang mundong minsan nilang ginalawan at gumawa ng isang bagong paraiso kung saan mabubuhay doon ang isang pamilyang mabubuhay na lamang sa paningin ng lahat bilang isang ala-ala.

DAPIT-HAPON na, habang patuloy na nagsusulat ng liham si Enrique sa loob ng silid ay napatigil siya nang may kumatok. Itinago na niya ang kaniyang ginagawang liham para sa isang tao. Bumukas na ang pinto at bumungad sa kaniya si Isla na noo'y nakayuko hanggang sa muling isara ang pinto.

"Isla, bakit?" tanong ni Enrique at naglakad papalapit dito. Isinama niya ito paupo sa kama at nag-aalalang tinignan. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagawa nitong puntahan siya nang kusa sa hindi malamang dahilan.

Napahinga ito nang malalim bago dahan-dahang nag-angat ng tingin sa kaniya. Nakikita niya ngayon ang emosyon na namumutawi sa mga mata nito. Sa lumipas na mga taon na nawala sa kanila si Felicia, nawala rin ang koneksyon nila bilang mag-ama. Sa lumipas na apat na taon ay naging isang estranghero si Enrique kay Isla at hindi nagawang pansinin sa loob ng napakahabang panahon.

Ngunit ngayo'y ibig na niyang magbalik loob dito dahil nagbalik na rin ang dahilan kung bakit lumayo ang loob niya sa kaniyang ama.

"A-ama, isang kasagutan lang po. Kayo ay nagkasala ba kay ina noon? Totoo po ba ang balitang kumalat noon sa inyo?" tanong ni Isla at malungkot na tumingin ng diretso sa mga mata ng kaniyang ama. Ang balitang iyon ang naging dahilan upang masayang ang ilang taon nilang pagsasama bilang mag-ama.

Agad namang umiling si Enrique na hindi niya nagawa noon sapagkat nanghihina ang loob niyang malaman na ganoon na lamang kadaling mawala ang tiwala ng kaniyang pamilya sa kaniya.

"Hindi ko kailanman pinagtaksilan ang iyong ina, Isla. Hindi ko kailanman tinalikuran ang pamilyang ito," buong tapang na sagot ni Enrique. Isang kasagutan lamang ang hinihiling ni Isla noon at sa wakas ay nasagot na ni Enrique ngayon. Nagsimulang mamuo ang luha sa mga mata ni Isla at bago pa iyon bumuhos ay dali-dali na niyang hinagkan ang kaniyang ama.

Napapikit naman si Enrique at niyakap pabalik ang kaniyang anak matapos ang napakahabang panahon. Sa wakas ay muli na niyang nahagkan si Isla, sa wakas ay muli na silang nagkasundo na mula noon ay kay tagal ding hiniling ng isa't isa.

GABI na, tahimik na lumabas si Felicia sa kanilang silid ni Enrique kung saan doon ay mahimbing nang natutulog si Isla. Sa kanilang cuarto na muli natulog si Gael at Hilario. Naayos na nilang lahat ang kanilang mga gamit na kailangan nilang dalhin sa paglisan na napagkasunduan na nilang mag-iina patungo sa bagong mundong kanilang ninanais.

Naabutan niya naman si Enrique na nasa balkonahe at nakasandal doon. Nakatalikod ito sa kaniya. Napahinga siya nang malalim bago maingat na naglakad papalapit dito. Hindi naman nagulat si Enrique nang tuluyan siyang makalapit sapagkat narinig na nito ang kaniyang paghakbang.

Sabay na sumalubong sa kanila ang malamig na ihip ng hangin. Isa-isa ngayong tinitignan ni Enrique ang mga bituin sa kalangitan. Nanatili namang nakatitig sa kaniya si Felicia. Nakikita niya ngayon ang lungkot na namumutawi sa mga mata nito sa kabila ng kaniyang pagbabalik.

Marahil ay dahil na rin sa mga nagbago sa pagitan nilang dalawa. Muli siyang napahinga nang malalim upang lakasan ang kaniyang loob. "Enrique..." pagtawag niya kay Enrique na siyang ikinalingon nito sa kaniya. Umayos na ito ng tayo at huminga rin nang malalim bago sinubukang siyang nginitian.

"Bakit?" tanong nito bago tumingin ng diretso sa mga mata niya. Habang walang kurap din niyang pinagmamasdan ngayon si Enrique ay muling nanumbalik sa kaniya ang bawat ala-ala sa pagitan nilang dalawa.

Mabuti man o masama, ngunit hindi mabubuo ang kanilang bagong mundo kung wala ang taong naging dahilan din upang mabuo ang pamilyang ito. Kasabay ng pag-ihip ng hangin ay ang paglahad niya ng kamay sa tapat nito.

"S-sa kabila ng lahat ay nais ko pa ring malaman kung ibig mo bang sumama sa amin?" emosyonal na tanong ni Felicia habang nakatingin ng diretso sa mga mata nito. Namutawi ang pagkagulat sa mga mata ni Enrique at hindi rin nagtagal ay tinanggap na ang kamay ni Felicia na kailanman ay hindi niya magagawang tanggihan.

Napatingin sila ng diretso sa mga mata ng isa't isa. Hindi man gusto ni Felicia ngunit hindi niya napigilan ang pamumuo ng luha sa mga mata niya habang hawak ni Enrique nang mahigpit ang kaniyang kamay at habang namumuo rin ang luha sa mga mata nito.

Habang maghawak ang kanilang mga kamay at habang patuloy ding umiihip ang malamig na hangin ay sabay na umasa si Enrique at Felicia na sa pagkakataong ito ay hindi na sila bibiguin pa ng salitang palagi nilang inaasahan noon pa man, ng salitang balang araw.

MAG-ISANG naglalakad ngayon si Sinta sa gitna ng madilim na daan. Gabi na at hindi tama na siya'y lumabas sa ganitong oras ngunit nang makarating at mabasa niya ang kauna-unahang liham na ipinadala sa kaniya ni Gael ay hindi na siya nagdalawang isip pa na lumabas ngayon kahit na siya'y mag-isa pa.

Napahawak siya nang mahigpit sa balabal na kaniyang suot matapos umihip ng malamig na hangin. Nagsimula na niyang ilibot ang kaniyang paningin matapos makarating sa simenteryo kung saan sinabi ni Gael na magkita sila. Ang sabi nito sa liham ay magkita sila sa lugar na naging saksi sa kanilang unang pagkikita, at dito na nga iyon.

Napahinga siya nang malalim bago nagsimulang humakbang papasok sa loob ng simenteryo habang dala-dala ang isang lampara. Bukas pa sana siya magtutungo sa Hacienda De Vera upang balikan si Gael tulad ng kaniyang ipinangako rito ngunit ngayo'y nais nitong makipagkita sa kaniya sa hindi malamang dahilan. Pakiramdam niya ay may mahalaga itong sasabihin kung kaya't nais na niya itong makita ngayon.

Makalipas ang ilang saglit na paglalakad ay nakarating na siya sa dulo ng simenteryo at kaniyang natanaw na ang pamilyar na lalaki na ngayo'y nakatayo sa ilalim ng puno at nakatalikod sa kaniya. Tumigil siya sa paghakbang at sandaling pinagmasdan ito. Ilang linggo na rin simula nang iwasan niya si Gael, marahil ay panahon na nga upang muli na siyang magbalik dito.

Mayroong anino ang ilalim ng puno na sinisilungan nito dahil sa liwanag ng buwan. Muling umihip ang malamig na hangin at kasabay niyon ay ang paglingon ni Gael sa kaniya. Nagtama ang kanilang paningin. Dahan-dahan siyang napangiti matapos muling masilayan ang mukha ni Gael sa muling pagkakataon.

"Gael..." pagtawag niya rito bago naglakad papalapit sa ilalim ng puno kung saan nakalibing ang namayapa nitong kapatid. Maliban sa buwan, ang liwanag ng dala niyang lampara ang tanging magbibigay liwanag sa pagitan nilang dalawa.

Makalipas ang ilang segundo ay naging pilit ang ngiti ni Sinta dahil nanatili lamang nakatitig sa kaniya si Gael. Sa pagkakataong ito ay napatigil na siya matapos tuluyang makita ang ikinukubling lungkot ng mga mata nito.

"G-gael, ayos ka lang ba? Ano't tila ika'y malungkot? Ikaw ay may problema ba?" sunod-sunod na tanong niya. Napaiwas na ng tingin si Gael at sinalubong muna ang malamig na ihip ng hangin. Hindi niya maunawaan kung bakit tila biglang nanghihina ang kaniyang damdamin ngayong naririto na si Sinta.

Tinulungan lamang siya ni Hilario na tumakas sa kanilang hacienda sapagkat walang sino man ang maaaring lumabas sa kanila. Wala na si Manang Numeriana at Mang Ambo sa kanilang tahanan sapagkat sila'y lilisan na at wala na ring pagsisilbihan ang mga ito. Sa oras na magtapos ang gabing ito ay lilisanin na rin nila ang Santa Prinsesa.

"Kami ay lilisan na..." nakatulalang saad ni Gael na ikinatigil ni Sinta. "A-ano... Ano ang ibig mong sabihin?" naguguluhang tanong ni Sinta. Bigla siyang nakaramdam ng kaba dahil sa sinabi nito, na baka huli na upang siya'y magbalik.

"Kami ay lilisan na at hindi na muli pang magbabalik magmula sa gabing ito. K-kung kaya't kung maaari ay kalimutan mo na lang din ako," pigil ang damdaming wika ni Gael bago lingunin si Sinta na noo'y nagulat dahil sa sinabi niya.

"G-gael, anong ibig mong sabihin? Saan kayo magtutungo?" naguguluhang tanong ni Sinta at sinubukang humakbang papalapit kay Gael ngunit umatras ito. Napayuko si Gael, natatakot siya na baka biglang magbago ang kaniyang isip nang dahil lang sa nararamdaman niyang ito para kay Sinta.

"G-gael, iiwanan mo na ako? Ngunit akala ko ba'y magagawa mo pang maghintay sa muli kong pagbabalik?" nanginginig na ang boses na tanong muli ni Sinta. Nag-angat na ng tingin sa kaniya si Gael at saglit itong napapikit matapos makita ang nangingilid niyang luha.

"P-patawad ngunit wala ka nang mababalikan pa. Nakikiusap na lamang akong ako'y kalimutan mo na at burahin sa iyong mundo. Kalimutan mo nang may lalaking nagawang patibukin ang iyong puso. Kalimutan mo na si Gael," matigas na saad ni Gael kahit na ang totoo'y tila nadudurog ang kaniyang puso ngayon.

Hindi niya maunawaan kung bakit tila nasasaktan siya, lalo na ngayon habang pinagmamasdan ang pamumuo ng luha sa mga mata ni Sinta. Agad itong umiling sapagkat kailanman ay hindi niya magagawang kalimutan si Gael tulad ng nais nito ngayon.

"K-kung sakali mang magkita tayong muli, asahan mong tatawagin na kita sa iyong pangalan..." saad ni Gael at sinubukang ngitian si Sinta na noo'y tuluyan nang bumuhos ang luha dahil sa kaniyang mga sinabi.

Dahan-dahan niyang inabot ang kamay ni Sinta at hinawakan iyon nang mahigpit sa una at huling pagkakataon din na ito. Tinignan niya si Sinta nang diretso sa mga mata bago tumalikod na at nagsimulang humakbang papalayo rito.

Kasabay ng kaniyang pagtalikod ay ang tuluyang pagbuhos ng luha sa mga mata niya na kanina niya pa pinipigilan. Sa kanilang huling pagkakataon, doon lamang napagtanto ni Gael na siya ay umiibig na nga kay Sinta.

Tila unti-unting dinurog ang puso ni Sinta at walang ibang nagawa kung hindi tanawin ang paglisan ni Gael. Ang bawat hakbang na ginagawa nito papalayo sa kaniya ay nagbibigay ng kirot sa kaniyang puso sapagkat sa kanilang huling pagkakataon ay hindi man lang naging handa si Sinta at kailanman ay hindi magiging handa para sa kanilang huling sandali.

Kasabay ng pag-ihip ng hangin ay ang tuluyang paglayo ni Gael at ang pagkaiwan ni Sinta sa simenteryo kung saan nagsimula at magwawakas din pala ang masakit na kwento nilang dalawa.

********************
Æ | Cєѕѕ
© aestheticess

3.20.22
- maligayang kaarawan, khalil. mula sa serye ng pag-ibig, tadhana. <//3

'somewhere only we know' by keane para kay gael at sinta. english 'yong kanta pero damang-dama :'((

ating abangan ang nalalapit na pagtatapos ng balang araw. makamit kaya ng pamilya de vera ang kanilang adhikain na mabuhay sa isang paraiso na puno ng saya at kapayapaan? abangan. <3

nagmamahal,
cess.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top