BALANG ARAW KABANATA 26

[Kabanata 26 - Ala-ala]

"TILA maganda ang panahon ngayon. Mabuti na lamang at ngayon tayo lumabas lahat," ngiti ni Katarina at sinulyapan si Enrique na noo'y katabi niya. Ngumiti lang nang kaonti si Enrique na siyang nagpalawak ng ngiti sa kaniyang labi.

Nasilayan niyang muli ang dalawang biloy nito sa magkabilang gilid ng labi na mas lalong nagpapadagdag sa kagandahang lalaki nito. Umihip ang malamig na hangin. Naputol lamang ang titig niya kay Enrique nang umubo si Isla na noo'y sa wakas ay napapayag na nilang sumama sa kanila.

Napahawak si Isla sa tapat ng kaniyang dibdib bago tignan nang masama si Katarina na noo'y nasa tapat niya. Katabi at nasa gitna siya ni Gael at Hilario habang katapat naman niya si Enrique at Katarina na magkatabi kung kaya't tila nasusuka siya ngayon.

"Isla, ayos ka lang?" tanong ni Gael at hinawakan ang kaniyang likod. Tumigil na siya sa kaniyang kunwaring pag-ubo bago tumango. "Ayos lang. Tila hindi naman maganda ang panahon ngayon," pasaring niya at nag-angat sa makulimlim na kalangitan.

Hapon na at napilitan siyang sumama ngayon sa kaniyang pamilya at kay Katarina dahil wala naman siyang mapamimilian. Sila lang naman dapat nina Enrique, Gael, at Hilario ang aalis ngunit biglang dumating si Katarina at sumama sa kanila. Hindi niya naman nais na siya na naman ang magpa-iwan upang hindi lang makasama si Katarina.

Napatahimik naman si Katarina bago mapayuko at nagpatuloy na lang sa mahinhing pagkain. Sila'y kumakain ngayon sa bagong bukas na kainan kung saan bukas din ang paligid sa pag-ihip ng malamig na hangin. Napatitig naman si Enrique sa kaniyang anak na si Isla, dati ay mapungay ang mga mata nito ngunit ngayo'y napakatalim na.

Napagtanto niyang hindi lang mukha ang nakuha ni Isla sa kaniyang ina kung hindi ang ugali rin na hindi niya magagawang alisin dito. Nagpatuloy na si Gael at Hilario sa pagkain at hindi na pinansin pa ang pagsusungit ni Isla sapagkat karaniwan na naman ito pagdating dito.

Umihip ang malamig na hangin. Hindi nagawang galawin ni Isla ang pagkaing kaniyang nasa harapan ngayon sapagkat nagmula ito sa salapi ni Katarina. Ngunit bigla niya ring naalala ang sinabi sa kaniya noon ni Felicia, na masamang tanggihan ang biyaya lalong-lalo na ang pagkain.

Napahinga na lang siya nang malalim bago mapasulyap sa likuran ni Enrique at Katarina kung saan nasisilayan niya ang mga taong patuloy ngayong naglalakad sa iba't ibang direksyon. Ngunit may isang taong naging malinaw sa kaniyang paningin sa kabila ng malabong kapaligiran.

Nabitawan ni Isla ang hawak niyang abaniko matapos mapamilyaran ang babaeng kaniyang natatanaw ngayon mula sa 'di kalayuan. Magulo man ang buhok nito, nakasuot man ito ng itim na balabal, marumi man ang kasuotan nito, ngunit nagawa niya pa ring makilala ang babaeng walang kurap na nakatingin din ng diretso sa kanila ngayon.

"I-ina..." nabibiglang pagsambit ni Isla bago mapatayo. Gulat na napatingin sa kaniya ang lahat bago mapatingin din sa direksyon kung saan walang kurap na nakatingin ngayon si Isla.

Ngunit napatigil na lamang siya matapos biglang maglaho ni Felicia sa kaniyang paningin sa gitna ng mga taong patuloy ngayong naglalakad sa iba't ibang direksyon. Dali-dali siyang umalis sa kanilang inuupuan ng kaniyang mga kapatid bago dali-daling tumakbo sa puwesto kung saan niya natagpuan kanina si Felicia.

"Ina!" sigaw ni Isla nang makarating sa puwesto kung saan niya nakita si Felicia. Namumuo ang luhang ilinibot niya ang kaniyang paningin sa mga taong napatingin din sa kaniya dahil sa kaniyang pagsigaw sa taong ang alam ng lahat ay namayapa na.

Napatayo rin sina Gael, Hilario, Katarina, at Enrique. Tumakbo sina Gael at Hilario papalapit sa kanilang kapatid na noo'y patuloy na ilinilibot ang paningin sapagkat umaasa si Isla na hindi siya bibiguin ng kaniyang nakita. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nasilayan ng lahat ang pagluha ni Isla De Vera na palagi nitong itinatago sa lahat.

"I-ina..." nanginginig ang labing wika ni Isla at sinubukan muling ilibot ang kaniyang paningin ngunit bigla nang nagdilim ang kaniyang paningin at nawalan nang malay.

"Isla!" gulat na pagtawag sa kaniya ni Hilario. Nasalo naman siya ni Gael at sinulyapan si Enrique na noo'y hindi nagawang makapagsalita. Napasulyap naman si Katarina sa naging reaksyon ni Enrique bago lihim na sinundan ng tingin ang dalawang magkasintahan na tila mga pulubi at patuloy ngayong naglalakad paalis.

Umihip ang malamig na hangin. Patuloy mang nagtatalo ang isipan ni Enrique ay tumakbo na rin siya palapit sa kaniyang mga anak at binuhat si Isla na noo'y tuluyang nawalan nang malay. Naguguluhan at nabibigla man ay binuhat na niya ang kaniyang anak paalis dala-dala ang kutob na baka nga nagbalik na ang taong hanggang ngayon ay kanilang pinakahihintay.

TULALANG pinagmamasdan ngayon ni Felicia ang bawat patak ng ulan mula sa nakabukas na bintana. Gabi na, narito siya ngayon sa isang lumang bahay kubo na natagpuan nila ni Flavio sa loob ng kagubatan. Siya ang nagsabi kay Flavio na magtungo sila sa kagubatan sapagkat alam niyang may mga lumang bahay kubo na nakatayo rito.

Umalis naman kanina si Flavio upang kumalap ng pagkain para sa kanilang dalawa ni Felicia ngunit ngayo'y bumuhos na ang ulan ngunit wala pa rin ito. Nakatulala lang si Felicia habang nakaupo sa isang matigas na kama. Hindi na alintana pa sa kaniya ang ulan na ngayo'y tumutulo na sa itaas ng kubo at sa malakas na pag-ihip ng hangin mula sa labas.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwalang narito na siya ngayon sa bayan na kaniyang pinagmulan, sa bayan ng Santa Prinsesa. Hanggang ngayon ay nakatatak pa rin sa kaniyang isipan ang hitsura ng kaniyang mga anak na ngayo'y malaki na. Si Gael, Hilario, at Isla ang nakatapat sa kaniya habang si Enrique at Katarina naman na nagawa niyang makilala ay nakatalikod sa direksyon kung nasaan siya.

Hindi niya lubos akalaing iyon ang kaniyang matatagpuan sa araw ng kaniyang pagbabalik. Nakararamdam man siya ng gutom ngunit hindi niya iyon magawang indahin pa sapagkat naghahari ngayon sa kaniya ang kaniyang binuong pamilya De Vera na tila masaya na sa bagong ilaw ng kanilang tahanan.

Hindi naabutan ni Felicia ang pagtingin sa kaniya ni Isla sapagkat nahatak na siya ni Flavio palayo at isinama paalis. Hindi na rin niya nagawang lumingon pa dahil sa labis na pagkabigla.

Naramdaman na rin niya ang pagod mula sa pagsakay sa bangka at pagdaan sa ilog pasig hanggang sa marating nila ang Laguna. Naaalala pa rin niya ang kanilang pagtago ni Flavio sa likod ng malaking puno upang hintayin ang paglisan ng mga briton na noo'y dumaan din sa ilog pasig patungo sa ibang lungsod.

Mula sa bintana ay pumasok sa loob ang malamig na ihip ng hangin na siyang yumakap sa damdamin niyang nag-iisa. Napayakap na lamang siya sa kaniyang sarili at napapikit upang damhin ang ihip ng hangin na tulad niya'y nag-iisa.

Nais na niyang puntahan at balikan ngayon ang kaniyang mga anak ngunit natatakot siya, natatakot si Felicia na baka sa muli niyang pagbabalik ay wala na roon ang kaniyang naiwang mga anak na handa pa ring tanggapin ang kaniyang mainit na yakap tulad ng dati.

NAGISING ang diwa ni Isla matapos marinig ang mga taong nag-uusap mula sa kaniyang kapaligiran. Dahan-dahan niyang idinilat ang kaniyang mga mata. Noong una ay malabo pa ang kaniyang nakikita ngunit makalipas ang ilang saglit ay nagawa na niyang masilayan si Hilario at Gael na siyang nag-uusap.

Nakaupo si Hilario sa dulo ng kama habang isa-isa namang tinitignan ni Gael ang kaniyang mga ipininta na idinikit niya sa pader ng kaniyang cuarto. Doon lamang napagtanto ni Isla na naririto sila ngayon sa kaniyang silid. Hindi niya kailanman ninais na may makakita sa kaniyang mga iginuhit ngunit huli na rin ang lahat.

"Kay galing ngang magpinta ni Isla. Ngayon ko lang napagtantong mas magaling siya kay Sinta sapagkat ngayon ko lang naman din nakita ang mga obra ng ating kapatid," wika ni Hilario habang isa-isa ring pinagmamasdan ang mga iginuhit ng kaniyang bunsong kapatid. Hindi naman umimik si Gael.

Para sa kaniya ay pareho lamang magaling magpinta si Sinta at Isla. Ang pinagkaiba lamang ay sa makulay na paraan kung magpinta si Sinta habang ang kaniyang kapatid naman ay sa madilim na paraan.

Nilingon na niya si Hilario ngunit agad din iyong lumipat kay Isla matapos makitang nakadilat na ito at mataray na nakatingin sa kaniya ngayon. Napalingon na rin si Hilario kay Isla at napangiti siya matapos makitang gising na ito.

"Isla," pagtawag sa kaniya ni Hilario at umusog papunta sa kaniyang tabi. Lumapit naman si Gael at sabay nilang inalalayan si Isla paupo sa kama. Napahinga nang malalim si Isla at dinama ang malamig na ihip ng hangin na pumapasok sa loob ng kaniyang silid mula sa mga nakabukas na bintana.

"Isla, ayos ka lang ba?" tanong ni Gael habang nakatingin sa kaniya. Nag-angat naman siya ng tingin sa kaniyang nakatatandang kapatid. Kagigising niya pa lamang ngunit sumama na naman ang kaniyang loob dahil tila mas pinipili ni Gael ang sinta nito kaysa sa sariling kapatid.

Tumango na lang siya. Sa pagkakataong iyon ay muli nang nanumbalik sa kaniyang isipan ang nangyari kahapon bago tuluyang magdilim ang kaniyang paningin. Muling nanumbalik sa kaniyang isipan ang hitsura ng kaniyang ina. Hindi niya alam kung bakit tila kay tagal nitong naghirap.

"Isla... Totoo ba na nakita mo ang ating ina kagabi?" mababa ang tono ng boses na tanong ni Hilario. Hindi na niya mapigilan pa ang kaniyang sarili na tanungin si Isla sapagkat nais niyang malaman ang sasabihin nito tungkol sa nangyari kahapon.

Dahan-dahan naman siyang nilingon ni Isla. Napatulala siya kawalan bago muling inalala ang nangyari kahapon. Nakita niya si Felicia sa gitna ng maraming tao ngunit bigla na lang din itong nawala sa kaniyang paningin na tila isang bula.

"Isla?" natauhan na siya nang magsalita muli si Hilario. Tinignan niya ang dalawa niyang kapatid. Sa totoo lang ay nangungulila na siyang tawagin ang dalawa ng 'mga kuya' tulad ng dati.

Hindi na niya nais pang paasahin ang kaniyang mga kapatid tulad ng ginagawa niya hanggang ngayon kung kaya't sa huli ay pinili niya na lamang magsinungaling at dahan-dahang umiling.

"M-marahil ay hindi naman totoo ang aking nakita at ginawa lamang iyon ng aking isipan," nakayukong saad niya na siyang pumatay sa namumuong pag-asa sa puso ng kaniyang mga kapatid.

Muling naghari ang kalungkutan sa kanilang magkakapatid at sa muling pagkakataon ay walang ibang nagawa kung hindi umasa sa salitang tanging inaasahan nila noon pa man, sa salitang... balang araw.

KASABAY ng pag-ihip ng malamig na hangin ay ang pag-angat ng tingin ni Enrique sa makulimlim na kalangitan. Narinig niya ang malakas na kulog ngunit nanatili lamang siya sa kaniyang puwesto. Narito siya ngayon sa balkonahe ng silid nila ni Felicia at nakalagay sa likod ang kaniyang mga kamay.

Hindi gumalaw si Enrique at pinagmasdan lang ang makulimlim na kalangitan. Ang makulimlim na kalangitan na palaging naghahatid ng masamang pahiwatig sa kaniyang buhay tulad ng pagbuhos ng ulan. Tulad din ng dati ay iniisip niya ngayon ang kaniyang asawa, si Felicia.

Lihim na pinahahanap na niya ito ngayon sa kaniyang mga tauhan. Imposible man ngunit hindi niya alam kung bakit malakas ang kaniyang kutob na baka nga nagbalik na ang kaniyang asawa sa bayan kung saan sinimulan nila ang lahat. Hanggang ngayon ay nakatatak pa rin ang lungkot sa mga mata ng kaniyang mga anak matapos sabihin ni Isla na ang kaniyang nakita ay ginawa lang marahil ng isipan nito.

Nasaksihan niya kanina sa silid ang muling pagguho ng mundo ng kaniyang mga anak dahil sa huli ay wala pa ring pag-asa pagdating sa kanilang ina.

Umaasa si Enrique na matagpuan niya si Felicia bago ang lahat. Siya lamang ang nakakaalam na buhay pa ito na kung sa paningin ng lahat ay matagal nang namayapa. Umaasa siya na sa pagkakataong ito ay hindi na siya mabigo na muling buoin ang kaniyang nasirang pamilya.

Napahinga siya nang malalim bago naglakad na paalis sa balkonahe at pagmasdan ang malaking kama na apat na taon na niyang hindi napapalitan. Wala sa sarili siyang napangiti matapos maalala nang magalit sa kaniya si Felicia dahil nasira niya ang kama nilang dalawa.

Kasabay ng pag-ihip ng hangin ay ang paggunita ni Enrique sa ala-ala nilang dalawa ni Felicia nang unang beses itong magkasakit sa piling niya. Ang ala-alang hindi na muli pang magbabalik ngunit paulit-ulit niya pa ring ibig balikan...

Pilipinas, 1749.

Nagmamadaling pumasok si Enrique sa tarangkahan ng kaniyang hacienda bago mag-angat ng tingin sa ikalawang palapag ng kaniyang mansyon at patakbong pumasok sa loob. Kagagaling niya lamang sa klinika at dire-diretso siyang umuwi sa kanilang tahanan matapos mabalitaang may sakit ang kaniyang asawa.

Pagkapasok sa loob ay napalingon sa kaniya si Manang Numeriana matapos niyang malakas na buksan ang pinto ng mansyon. Buhat-buhat nito sa Gael na noo'y dalawang taong gulang pa lamang at napatingin din sa kaniya.

"Manang, si Felicia?" tanong niya at hinawakan ang maliit na kamay ni Gael na noo'y napangiti naman dahil sa ginawa niya.

"Nasa itaas, bakit? At--sandali, ano't tila ika'y hinihingal?" tanong ni Manang Numeriana na noo'y nasa kaniyang ika-apatnapu't pataas pa lamang. Napahinga nang malalim si Enrique bago umiling at nagmamadaling pumanik na sa itaas.

Nagtatakang sinundan na lamang siya ng tingin ni Manang Numeriana bago muling laruin si Gael sapagkat siya'y natutuwa talaga rito. Naalala niyang siya nga pala ang nagsabi rito na may sakit si Felicia. Kamukhang-kamukha ni Gael si Enrique na kaniyang naalagaan din noong sanggol pa lamang at ngayo'y anak na ito.

Nagmamadaming dumiretso naman si Enrique sa kaniyang silid. Pagkapasok sa loob ay naabutan niya si Felicia na nakahiga sa kama at napalingon sa kaniya. Dahan-dahang humupa ang kabang kaniyang nararamdaman matapos makita ang maaliwalas nitong mukha.

Dali-dali siyang tumakbo papalapit dito at sinunggaban ng yakap. Ibinaon niya ang kaniyang mukha sa leeg nito. Sumilay naman ngiti sa labi ni Felicia bago hawakan ang kaniyang likod at batok bilang pagyakap pabalik.

Magkadikit ang kanilang dibdib kung kaya't naririnig ngayon ni Felicia ang malakas na pagkabog ng puso ni Enrique. Bumitaw na ito sa kaniya at hinawakan ang kaniyang pisngi na noo'y namumula na dahil sa kakaibang kiliti na kaniyang nararamdaman ngayon sa kaniyang puso.

"Ayos ka lang ba? May masakit ba sa iyo?" nag-aalalang tanong ni Enrique. Dahan-dahan naman siyang umiling habang nakatingin ng diretso sa mga nakahahalinang mga mata ng kaniyang asawa. Binigyan na siya ng gamot kanina ni Manang Numeriana at ngayo'y bumuti na ang kaniyang pakiramdam.

Matapos ang ilang segundo nilang pagtititigan ay napapikit na lamang siya matapos maramdaman ang mainit na halik ni Enrique na hindi niya magagawang pagsasawaan habang buhay.

MAG-ISANG ilinilibot ngayon ni Felicia ang kaniyang paningin sa labasan ng kagubatan. Dapit-hapon na ngunit wala pa rin si Flavio. Hindi niya maiwasang kabahan dahil baka may nangyari nang masama rito. Masyadong delikado sa Santa Prinsesa at bigla na lamang magkakaroon ng kapahamakan sa isang iglap.

Umalis na si Felicia sa lumang bahay kubo na kaniyang pinanatilihan buong gabi matapos maramdaman ang kakaibang presenya sa kaniyang kapaligiran. Hindi siya sigurado sa kaniyang nararamdaman dahil baka siya'y napapraning lamang ngunit mas maigi na ring umalis na siya roon.

Umihip ang malamig na hangin at nang mag-angat siya ng tingin sa kabilang kalsada ay napatigil siya matapos makita si Flavio na papalapit ngayon sa kaniya. Hindi niya nagawang alisin ang kaniyang tingin dito. Sa tuwing nakikita niya ang inosente at walang kaalam-alam nitong mukha tungkol sa kaniyang nakaraan ay hindi niya mapigilang masaktan.

Tuluyan na itong nakalapit sa kaniya. Napatigil siya nang hindi nito hawakan ang kamay niya tulad ng palagi nitong ginagawa. Nanatili lamang itong nakatingin sa kaniya. Muling umihip ang malamig na hangin at muli siyang napatigil matapos nitong ngumiti, ngiti na puno ng lungkot.

"I-ikaw pala si Felicia..." malungkot ang ngiting wika nito na ikinagulat niya. Gulat siyang napatingin ng diretso sa mga mata nitong hanggang ngayon ay may pagkatigil pa rin dahil sa mga katotohanang kaniyang nalaman tungkol sa babaeng nasa harapan niya ngayon.

"Ngayon ay nauunawaan ko na kung bakit biglang nagbago ang ihip ng hangin sa ating dalawa, dahil nakakaalala ka na pala..." patuloy ni Flavio at malungkot na tinignan ng diretso ang babaeng handa niyang samahan sa lahat ng laban ngunit sa pagkakataong ito ay hindi na siya bahagi pa ng laban na kinahaharap nito ngayon.

"M-marahil ay tama ang iyong ina, na panahon na upang bumalik ang tunay na ikaw. Ang tunay na ikaw kung saan hindi nababahagi roon ang mga taong nakasama mo bilang si Sanya," malungkot na saad ni Flavio at hinawakan na ang kamay ni Felicia na noo'y hindi nakagalaw sa kaniyang kinatatayuan. Natatakot si Felicia sa maaaring kahinatnan ng kanilang pag-uusap, na baka pagwawakas na naman ang kaniyang kahinatnan.

Huminga nang malalim si Flavio upang tatagan ang kaniyang loob. Nasasaktan siyang malaman na may nauna na pala sa buhay ni Felicia bago siya at wala siyang magagawa kung hindi tanggapin ito sapagkat ipinangako niya rito noon na handa niyang tanggapin ang nakaraan ni Felicia kahit na ano pa ito.

Ngayo'y dumating na ang panahong kinatatakutan niya at kailangan niyang gampanan ang kaniyang ipinangakong responsebilidad. Nasasaktan man siya ngayon ngunit ang tanging hangad niya para kay Felicia ay ang kasiyahan nito.

Ang kasiyahan na alam niyang matatagpuan lang nito sa mga nauna at tunay nitong pamilya.

Muli siyang napahinga nang malalim bago dahan-dahan nang tanggalin ang singsing sa daliri ni Felicia kahit pa iyon ay ang labis na nagpapadurog sa kaniyang puso ngayon. Gulat na napatingin sa kaniya si Felicia dahil sa kaniyang ginawa ngunit buo na ang kaniyang desisyong pakawalan na ang babaeng labis niyang minamahal hanggang ngayon at sa habang buhay.

"A-ako'y magbabalik muna sa aking probinsya. Kung sakaling mang magbago ang iyong isip, maaari ka pa ring magbalik sa akin at handa pa rin akong isuot muli ang singsing na ito sa iyo..." nanginginig na ang boses na wika ni Flavio bago mapayuko at mapaatras. Hindi niya akalaing sa isang iglap ay naging sa kaniya si Felicia ngunit sa isang iglap din ay mawawala na ito sa kaniya.

Hinawakan niya nang mahigpit ang kamay ni Felicia at muli siyang napaiwas ng tingin matapos makita ang namumuong luha sa mga mata nito. Hindi lubos na maunawaan ni Felicia kung bakit bigla na lamang itong mawawala sa kaniyang tabi at iiwanan kahit na alam niyang napakasakit nito para rito.

"Ako nga pala si Flavio, mahal kong Felicia. H-hanggang sa muli..." nasasaktang pamamaalam na ni Flavio at niyakap siya ng sobrang higpit dahil tuluyan nang kumawala ang luha sa mga mata nito. Napahikbi siya bago sinubukang yakapin nang mahigpit si Flavio ngunit tuluyan na nga itong kumawala sa ilang taon nilang pagsasama.

Tuluyan nang nadurog ang puso ni Felicia sapagkat ang mga taong isa-isang dumating sa kaniyang buhay bilang si Sanya ay nagpaalam na rin sa kaniya ngayon.

Tuluyan nang sumapit ang gabi at habang lumuluha niyang tinatanaw ngayon ang paglayo ni Flavio sa kaniya ay muling pumasok sa kaniyang isipan ang sinabi ni Nay Anchita sa kaniya bago ito tuluyang mawala sa kaniyang mundo.

Palagi mong susundin ang isinisigaw ng iyong puso. Sadyang makapangyarihan ang pag-ibig. Hindi ka kailanman bibiguin nito kung ikaw ay nasa tamang panahon at pagkakataon...

SUMAPIT na ang dilim. Naririto ngayon ang magkakapatid na De Vera sa sala at nakaupo sa tig-iisang kanape. Pare-parehong nagpapalitan ng tingin ang tatlo sa hindi malamang dahilan. Nais na ngayong magsalita ni Hilario at tanungin ang kaniyang mga kapatid dahil baka mamaya'y sinasapian na ang mga ito.

Naputol lamang ang kanilang pagtititigan nang may marinig na katok mula sa labas. Tumayo si Hilario, "Ako na ang magbubukas," pirisinta nito at akmang maglalakad na palabas ngunit tumayo na rin si Isla upang pinigilan siya.

"Ako na," mahinahong wika nito at akmang maglalakad na papunta sa malaking pinto ng mansyon ngunit pinigilan din siya ni Hilario. "Isla, gabi na. Hindi tamang lumabas ang mga kababaihan sa gitna ng gabi," taas noong wika nito ngunit hinawakan ni Isla ang braso niya upang pigilan.

"Maging ang paglabas ba ay hindi na rin maaari pagdating sa aming mga kababaihan?" masungit na tanong ni Isla at tinaasan siya ng kilay. Napahinga nang malalim si Gael at tumayo na rin upang pigilan ang kaniyang mga kapatid.

"Tama na iyan. Upang wala nang gulo ay tayong tatlo na lamang ang lumabas," pagtatapos ni Gael at nauna nang maglakad palabas. Sinamaan ng tingin ni Hilario si Isla habang si Isla naman ay siniringan siya bago sumunod kay Gael.

Sa huli ay magkakasunod nang lumabas ang magkakapatid sa kanilang mansyon. Payapa na ang gabi at patuloy na umiihip ang malamig na hangin. Nakasilip ang kabilugan ng buwan na siyang nagbibigay liwanag sa madilim na kapaligiran. Dahan-dahang bumagal ang paghakbang ni Gael matapos makita ang isang babaeng lumipas man ang napakahabang panahon ay nagawa pa ring makilala ng kaniyang puso.

Napatigil din sa paghakbang si Hilario at Isla matapos makita ang babaeng nasa kanilang harapan ngayon. Kusang namuo ang luha sa mga mata ni Isla matapos muling masilayan si Felicia na buong akala niya'y sa panaginip na lamang niya masisilayan.

Nagsimula na ring mamuo ang luha sa mga mata ni Felicia habang nakatingin ngayon ng diretso sa kaniyang mga anak na ilang taon niyang naiwan sa gitna ng dilim. Lumuluha siyang lumuhod at nanginginig ang labing tinignan si Gael, Isla, at Hilario na ngayo'y walang kurap na nakatingin din sa kaniya.

"M-mga anak..." lumuluhang pagtawag sa kanila ni Felicia matapos ang napakahabang panahon. "M-maaari ba akong bumalik sa inyo?" tanong niya at dahan-dahang itinaas ang kaniyang kamay bilang pagsenyas ng yakap.

Hindi pa nagtatapos ang isang segundo ngunit dali-dali nang tumakbo ang kaniyang mga anak papalapit sa kaniya at pasunggab na niyakap siya nang mahigpit. Lumuluha niyang niyakap pabalik ang kaniyang mga anak na matapos ang napakahabang panahon ay hindi niya lubos akalaing muli niyang mahahagkan.

Kasabay ng pag-ihip ng hangin ay ang muling paghahari ng pagluha sa pagitan ng magkakapatid dahil kay Felicia ngunit sa pagkakataong ito ay dala ng saya dahil sa katotohanang ang taong buong akala nila'y mababaon na lamang sa ala-ala ay muli na ngayong magbabalik.

********************
Æ | Cєѕѕ
© aestheticess

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top