BALANG ARAW KABANATA 22
[Kabanata 22 - Ang Hudyat]
KASABAY ng pag-ikot ni Felicia sa gitna ng hardin na napalilibutan ng mga lilang bulaklak ay ang pagtatama nila ng paningin ng isang lalaking walang kurap ngayong nakatitig sa kaniya. Tila naistatwa naman si Felicia sa kaniyang kinatatayuan matapos muling makita si Enrique na hindi niya alam kung bakit maging hanggang dito ay naririto.
Dahil sa gulat ay nawalan ng balanse si Felicia at nahulog sa mga bulaklak. Nagulat naman si Enrique nang bigla ay mawala si Felicia sa paningin niya. Agad naman siyang napahakbang papalapit ngunit dali-dali ring tumayo si Felicia at kinuha ang tamang balanse upang makatayo muli ng maayos.
Ramdam niya ngayon ang muling pagkabog ng kaniyang puso dahil sa kaba. Napalunok si Felicia bago nakayukong naglakad na pabalik sa damuhan. Upang hindi na ito mahirapan pa sa paghakbang, nang makalapit ay hinawakan ni Enrique ang kamay niya upang alalayang makaalis sa nagtataasang mga bulaklak.
Nagulat muli si Felicia bago mapabitaw sa kamay ni Enrique. Naramdaman niya ang pagtindigan ng kaniyang mga balahibo matapos maramdaman ang mainit at malambot na kamay ni Enrique sa kaniya. Muli siyang napalunok bago mag-angat ng tingin kay Enrique na noo'y nanatiling nakatingin sa kaniya.
"Fe... Anong ginagawa mo rito?" tanong ni Enrique at napatingin sa buhok ni Felicia nang may sumabit na bulaklak doon dahil sa pagkahulog kanina. Tinanggal niya naman iyon na ikinatigil ng kaniyang asawa.
"A-ano rin ang ginagawa mo rito? Hanggang dito ba naman ay sinusundan mo ako? Kakaiba kang mangulit, ano?" tanong ni Felicia at tinignan na ng masama si Enrique. Ngunit napatigil din siya matapos maalala ang kinahinatnan ng kanilang pag-uusap nang sungitan niya ito noon. Napalunok siya bago mapaatras ng isang beses.
"Ang totoo niyan ay naparito ako dahil sa aking pasyente, si Binibining Assunta," saad ni Enrique at napangiti, lumawak pa iyon nang mamutawi ang pagkapahiya sa mukha ni Felicia.
Sandaling hindi nakagalaw si Felicia sa kaniyang kinatatayuan, hindi siya makapaniwalang ang lalaking itinutukoy ng kaniyang kaibigan ay walang iba kung hindi ang lalaking gumugulo rin ngayon sa buhay niya. Napagtanto ni Felicia na isa palang doktor si Enrique. Napagtanto niya rin na ang buong pangalan pala nito'y doktor Enrique De Vera.
Akmang magsasalita na muli si Enrique ngunit tumalikod na si Felicia at dali-daling umalis sa mansyon ng mga Medina dahil hindi niya nakayanan pa ang kahihiyang kaniyang nagawa sa harapan nito. Hindi naman nagawang sumunod ni Enrique dahil may kailangan pa siyang gampanan sa lugar na iyon bilang isang doktor.
Ngunit ngayo'y buo na ang kaniyang tiwala na ang babaeng kaniyang tinatanaw ngayon ay walang iba kung hindi ang kaniyang asawa, si Felicia. Pilit man siyang tinatakasan nito sa ngayon ngunit masaya siyang malaman na buhay ito at ang taong nawala sa kanila ay maaari pang muling magbalik.
KATATAPOS lamang ng misa sa simbahan ng Santa Prinsesa. Isa-isa nang nagsisilabasan ang mga tao sa loob ng simbahan at isa roon si Sinta na noo'y nakayuko lang at mabilis na naglalakad ngayon pababa ng hagdan.
Ang buong akala niya'y makatatakas na siya sa kaniyang iniiwasan ngayon ngunit napatigil siya matapos maramdaman ang kamay na humawak sa kaniyang pulso. Tila nanigas siya sa kaniyang kinatatayuan bago dahan-dahang lumingon at naramdaman niya ang mabilis na pagtibok ng kaniyang puso matapos masilyan ang walang reaksyong mukha ni Gael.
Ilinibot niya ang kaniyang paningin at narito na pala sila ngayon sa gilid ng simbahan kung saan walang taong dumadaan. Napalunok siya at nanatiling nakayuko habang nararamdaman ngayon ang mainit at malambot na kamay ni Gael sa kaniyang palapulsuhan. Kanina sa loob ng simbahan, matapos niyang masilyan si Gael na pumasok sa loob ay dali-dali siyang nagtungo sa pinakagilid upang magtago ngunit natagpuan pa rin siya nito.
Hindi naman sila nagkatabi dahil hindi rin maaari iyon. Umihip ang malamig na hangin. Dahan-dahan na siyang muling nag-angat ng tingin sa mga mata ni Gael na ngayo'y diretsong nakatingin sa kaniya.
"G-gael..." kinakabahang pagsambit ni Sinta sa pangalan ni Gael at umasang masusundan iyon ng kung maaari ay bitawan siya nito dahil nasa gilid pa man din sila ng simbahan at baka maparuhasan pa sila ng mga taong maaaring makahuli ngayon sa kanila ngunit hindi niya rin nagawa dahil sa mga titig ni Gael na siyang nagpapatunaw ngayon sa kaniya.
"Ano't tila ako'y iniiwasan mo na?" malamig na tanong nito na siyang ikinatigil niya. Totoong iniiwasan niya nga si Gael, at iyon ay dahil nagiging totoo na. Simula nang hindi na siya takbuhan at iwasan pa nito, nagsimula na rin niyang maramdaman ang kakaibang kaba na kaniyang nararamdaman sa tuwing nasa paligid ang kaniyang sinta.
Tulad na lamang ngayon. Agad namang umiling si Sinta, "H-hindi, hindi kita iniiwasan. M-masama lang talaga ang aking pakiramdam," palusot niya at muling napayuko, halata naman na siya'y nagsinungaling.
Napatigil na lamang siya nang dahan-dahang bitawan na ni Gael ang kaniyang pulso. Muli siyang nag-angat ng tingin sa walang emosyon nitong mukha. Napatingin sila ng diretso sa mga mata ng isa't isa.
"Marahil ay may iba ka na," walang emosyong saad ni Gael at tinalikuran na siya bago dire-diretsong naglakad paalis ng simbahan. Naiwan namang tulala si Sinta. Naguguluhan na nga siya sa kaniyang sarili, naguguluhan pa siya sa mga inaakto ni Gael sa mga nakalipas na araw kung saan iniwasan niya rin ito.
Napahinga siya ng malalim bago tanawin ang pag-alis ng kaniyang sinta. Wala naman siyang iba at tanging si Gael lamang. Ngayo'y naguguluhan lang siya sa mga ikinikilos ni Gael na pilit sinasabing walang gusto sa kaniya ngunit tila naninibugho naman.
"INAY, ayos lang po ba talaga kayo?" nag-aalalang tanong ni Felicia. Naririto sila ngayon ni Nay Anchita sa kanilang munting tahanan. Hindi naman magawang umalis ni Felicia habang nakahiga ngayon ang kaniyang ina sa kama at may sakit na idinaramdam.
"Sanya, ayos nga lang ako. Kaya ko ang aking sarili. Magtungo ka na sa iyong patutunguhan basta't ika'y mag-ingat lamang," saad ni Nay Anchita at linagok na ang gamot na kaniyang ginawa para mawala na ang hilo at bigat na kaniyang nararamdaman ngayon.
Mabagal na ang pagsasalita ni Nay Anchita dahil sa katandaan. Napahinga naman ng malalim si Felicia bago umupo sa matigas na kama at hawakan ang kamay ng kaniyang ina-inahan na siyang ikinatingin din sa kaniya nito.
"Inay, magpagaling po kayo, ha? Saglit lang po ako at babalik din," wika ni Felicia at nginitian si Nay Anchita na siyang ikinangiti rin ng matanda. Mapalad talaga siya sa pagdating ni Felicia sa kaniyang buhay.
Tumango na si Nay Anchita at tumayo na rin si Felicia. Kumaway muna siya sa matanda bago naglakad na palabas sa kanilang tahanan. Hindi niya man gustong iwanan ang kaniyang ina ngunit hindi niya rin nais biguin si Assunta ngayong kaarawan nito, ika-apat ng oktubre.
Pag-uwi noong araw na iniwan niya si Enrique sa hardin, tyaka pa lamang niya nakita ang liham ni Assunta na nakadikit sa bestidang itinahi nito para sa kaniya. Ang nilalaman ng liham ay ang pakiusap ni Assunta na magtungo siya sa kaarawan nito. Hindi niya rin naman ito magagawang matiis kung kaya't ngayo'y magtutungo na siya pabalik sa Intramuros.
Napatigil naman siya sa paghakbang nang matagpuan si Hilaria na nakasandal sa pader ng tahanan nito at nakatulala sa kawalan. Kasalukuyan nitong iniisip si Enrique. Noong nakaraang araw pa siya nag-iisip ng sobra matapos biglang lumisan nito habang hindi pa siya tapos magkuwento.
Sa isip ay baka may masama siyang nasabi kung kaya't umalis ito bigla at nakalimutan pang kuhanin ang mga ibinili nitong kuwaderno, pluma, at tinta sa kaniya. Nais na niyang magtago ngayon dahil sa takot na kinabukasan ay hindi na niya maabutan pa ang araw ngunit sa kabilang banda ay naisip niyang mukha namang mabait ito at napapraning lang siya.
Nagtataka naman siyang tinignan ni Felicia. Wala siyang kaalam-alam na iniisip nito ngayon si Enrique at nagbigay ng impormasyon dito tungkol sa kaniya. Mga impormasyon na siyang nagbigay linaw kay Enrique kung sino nga ba ang kinikilala nilang si Sanya Espinosa.
Nagkibit balikat na lamang si Felicia bago magpatuloy na sa paglalakad papunta sa Intramuros sapagkat wala naman siyang sapat na salapi upang sumakay sa isang kalesa. Natauhan naman din si Hilaria at walang ibang nagawa kung hindi tanawin ang pag-alis ng kaniyang kaibigan na hindi na dapat mangyari pa.
MAKULIMLIM ang kalangitan habang naglalakad ngayon si Felicia sa loob ng intramuros papunta sa tahanan ni Assunta. Habang ilinilibot ni Felicia ang kaniyang paningin ay napagilid siya matapos makasalubong ang grupo ng sundalong espanyol at mukhang may seryosong pag-uusap.
Hindi naman sila nagawang sundan ng tingin ni Felicia dahil bukod sa wala siyang pakielam sa mundo'y baka pag-isipan pa siya ng masama dahil sa pagsunod ng tingin sa mga sundalong iyon. Nagpatuloy na lamang siya sa paglalakad habang dinarama ang malamig na ihip ng hangin.
Makalipas ang ilang sandali ay nakarating na siya sa kalsada kung saan nakatayo ang mansyon ng kaniyang kaibigan. Natanaw na niya si Assunta na nakasuot ng magarbong baro na kulay krema at kulay lilang saya na siyang paborito nitong kulay.
Ilinibot nito ang kaniyang paningin at sadyang kay dami ngayong naglalakad sa bawat kalsada. Hindi pa siya tuluyang nakalalapit nang mapalingon na sa kaniya si Assunta at magtama ang kanilang paningin. Sumilay ang matamis na ngiti sa labi nito matapos siyang makita.
"Sanya!" nakangiting pagtawag nito sa kaniya at kusang lumapit upang mahagkan siya. Tinapik naman ni Felicia ang kaniyang likod bago kumawala sa kanilang yakap.
"Mabuti na lamang at nabasa mo ang liham na idinikit ko sa ibinigay kong bestida sa iyo. Bigla ka na lamang kasing nawala. Sayang at hindi mo naabutan si Doktor De Vera," nakangiting saad ni Assunta at hinawakan ang kamay niya upang isama papasok sa loob ng mansyon. Napatigil naman si Felicia ngunit hindi na niya iyon ipinahalata.
"Assunta, sigurado ka ba sa lalaking iyon?" wala sa sariling tanong ni Felicia na ikinatigil naman ni Assunta. Narito na sila sa loob ng mansyon at nilingon na rin siya nito.
"Ha? Sinong lalaki?" nagtatakang tanong ni Assunta. "Si Ginoong Enrique ba?" tanong muli niya at napangiti na. Hindi naman nagsalita si Felicia ngunit naunawaan na ni Assunta na si Enrique nga ang itinutukoy nito.
"Hindi," nakangiting sagot niya, sa pagkakataong ito ay si Felicia naman ang nagtaka. "Anong hindi?" naguguluhang tanong ni Felicia. Natawa naman si Assunta bago pisilin ang kamay ni Felicia na noo'y hawak pa rin niya.
"Ako'y humahanga lamang sa kaniya ngunit hindi ko siya gusto. Ang totoo niyan ay may iba rin akong mga hinahangaan, hindi ko lamang nabanggit sa iyo no'n dahil bigla kang umalis. May napupusuan din si ama na ikasal sa akin ngunit hinihintay niya lamang akong magdesisyon," nakangiting salaysay ni Assunta na siyang nagpalinaw sa naguguluhang si Felicia. Napangiti rin siya.
Ngunit dahan-dahang naglaho ang ngiti sa kaniyang labi matapos mapagtantong nakaramdam siya ng kapanatagan sa isinalaysay ni Assunta, na tila panatag siyang malaman na hindi naman pala gusto ni Assunta si Enrique na pilit niyang iwinawaksi palagi sa kaniyang isipan.
Humakbang naman si Assunta papalapit sa kaniya at bumulong, "Isa pa, nalaman kong tatlumpu't pataas na pala si Ginoong Enrique. Hindi yata tama ang edad niya para sa akin," nakangiting wika ni Assunta at natawa. Napailing na lang si Felicia bago ipakita rito ang handog niyang munting regalo.
"Maligayang kaarawan. Nawa'y tumanda na rin ang iyong isipan at huwag nang kumapit palagi sa aking braso," pagbati at saad ni Felicia bago mapangiti. Tila kumislap naman ang mukha ni Assunta matapos makita ang handog nitong puting panyo at may nakaburda roong rosas na kulay lila.
"Maraming salamat, Sanya!" tuwang-tuwang pasasalamat ni Assunta bago yakapin ang braso ni Felicia, makakita lamang siya ng bagay na kulay lila at masaya na agad siya. Napailing naman si Felicia bago mahigpit na yakapin din pabalik si Assunta dahil nanggigigil na siya.
Makalipas ang ilang sandali ay biglang napabitaw si Assunta sa braso ni Felicia matapos may maalala. Ngayon ay nagtatampo na niyang tinignan si Felicia na ikinataka naman nito.
"Sanya, hindi mo lang sinabi sa akin noong nakaraan na kayo'y nakatakdang mag-isang dibdib na pala ng iyong kasintahan!" pasigaw na saad ni Assunta at napahalukipkip ngunit makalipas lang ang ilang segundo ay napangiti rin agad ito ng malawak bago mapatakip sa kaniyang bibig.
"binabati kita, kaibigan! Masaya ako para sa iyo," nakangiting pagbati ni Assunta at hinawakan muli ang kamay ni Felicia na noo'y naging taliwas ang reaksyon. Napatigil ito at sandaling hindi nakagalaw matapos muling maalala si Flavio. Simula nang dumating si Enrique sa buhay niya, tila nagbago na rin ang lahat.
Sinubukan na lang ngumiti ni Felicia, "S-salamat," pasasalamat niya kay Assunta na noo'y pinagmamasdan ang kaniyang daliri kung saan nakasuot doon ang singsing na ibinigay sa kaniya ni Flavio.
Umihip ang malakas na hangin. Tumayo na silang dalawa. Napasulyap si Felicia sa bintana kung saan masisilayan niya ang hardin kung saan nagkatagpo na naman sila ni Enrique sa walang hanggang pagkakataon.
Napahinga ng malalim si Assunta na ikinabalik ng tingin niya rito. "Paumanhin nga pala kaibigan sapagkat hindi ko agad nasabi sa iyo ngunit paparating na ngayon ang aking ama upang ako'y sunduin at lisanin ang intramuros ngayon," pagsisimula ni Assunta at nag-angat ng tingin kay Felicia. Nakasuot siya ng may kataasang bakya kung kaya't kasing tangkad niya si Felicia ngayon.
"Bakit? Saan kayo magtutungo?" tanong ni Felicia. Sa nakikita niyang dahilan, marahil ay mamamasyal ngayon ang mag-ama dahil kaarawan ngayon ni Assunta. Bigla tuloy napaisip si Felicia tungkol sa kaniyang ama. Sa kaniyang ala-ala, walang ama na nag-alaga at nakasama niya roon.
Muling napahinga ng malalim si Assunta bago mapatingin sa balkonahe. Nakabukas ang puting kurtina na tinatangay dahil sa malakas na ihip ng hangin sa labas.
"Hindi pa ba nakararating sa iyo ang balita noon? Nagpahayag na ng digma--" hindi na natapos ni Assunta ang kaniyang sinasabi dahil mapatigil si Felicia nang mula sa pinto ng mansyon ay walang ingay na pumasok doon si Enrique.
Bago pa magtama ang kanilang paningin ay dali-dali nang napatalikod si Felicia at nagtungo sa balkonahe upang itago ang kaniyang mukha sa suot niyang itim na balabal.
Hindi naman napansin ni Enrique si Felicia nang salubungin na siya ni Assunta. Siya'y naparito dahil maliban sa kaarawan ngayon ni Assunta, nagbakasakali rin siyang muling makita si Felicia sapagkat hindi na ito nagtutungo pa sa pamilihan tulad noon.
"Maaaring ilang araw na lang at dumating na ang mga briton upang atakihin ang bansang ito dahil na rin sa napagkasunduang digmaan sa pagitan ng Espanya at Britanya." Kay Enrique na nabahagi ni Assunta ang isinasabi niya kanina kay Felicia. Napatigil naman si Enrique dahil sa sinabi ni Assunta.
Nabalitaan na niya ang bagay na iyon ngunit nawala sa kaniyang isipan dahil sa biglaang pagbabalik ni Felicia sa kaniyang buhay.
"Sa aking gunita ay nalalapit na ang hudyat ng walang katapusang digmaan sa mundong ito," patuloy ni Assunta at bumuntong hininga. Napahinga rin ng malalim si Enrique bago mapasulyap sa isang babaeng nasa balkonahe at nakatalikod sa kaniya ngunit nagawa niya pa ring makilala.
Si Felicia naman na ilinibot ang kaniyang paningin sa baybayin ng maynila ay napatigil nang may matanaw doon mula sa malayo. Akmang hahakbang na si Enrique papalapit kay Felicia ngunit isang malakas na pagsabog ang naghari sa buong kapaligiran ang siyang nagpatigil sa lahat.
Gulat na napahawak si Felicia sa baranda ng balkonahe dahil sa pagyanig ng buong kapaligiran bago muling nagbalik ng tingin sa karagatan at tila tumigil ang pag-ikot ng kaniyang mundo matapos makita ang milyong-milyong mga barko na ngayo'y papasugod sa kaniyang bansang Pilipinas.
********************
Æ | Cєѕѕ
© aestheticess
3.7.22
baranda or barandilya means — railing/s in english. this is it! magsisimula na po ang giyera sa pagitan ng Espanya at Britanya sa ating bansang Pilipinas na noong mga panahong iyon ay nasa ilalim ng pamumuno ng mga espanyol.
september 24, 1762 naglayag ang mga britenyo papunta sa Maynila mula sa Madras British India. (On 24 September 1762, a British fleet of eight ships of the line, three frigates, and four store ships with a force of 6,839 regulars, sailors and marines, sailed into Manila Bay from Madras British India). — source: https://en.wikipedia.org/wiki/British_occupation_of_Manila
october 4, 1762 naman sila nakarating sa Maynila at upang atakihin ang Intramuros. Ang giyera na ito ay ipinahayag na ng dalawang bansa ngunit marami pa ring hindi nakapaghanda. ating abangan ang susunod na mangyayari sa giyera na ito at kung ano ang mangyayari kay felicia at enrique sa kalagitnaan ng labanan na magpapatuloy sa susunod na kabanata.
maraming salamat sa pagbabasa! <3
nagmamahal,
cess.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top