BALANG ARAW KABANATA 21
[Kabanata 21 - Kaibigan]
TULALANG pinagmamasdan ngayon ni Felicia ang kaniyang kamay. Sa kaniyang palasingsingan ay nakasuot doon ang singsing na isinuot sa kaniya ni Flavio sa harap ng mga alon at dalampasigan. Gawa ito sa kahoy at simple lamang na hindi naman problema sa kaniya.
Ang tanging problema lang sa kaniya ngayon ay ang kaniyang nararamdaman. Hindi niya alam kung bakit tila may kulang, tila hindi buo ang kasiyahan na dapat niyang maramdaman ngayong nakatakda na silang ikasal ng kaniyang kasintahan.
Sa kaniyang isip, marahil ay nabigla lang siya at hindi inasahan ang pag-aalok ni Flavio ng kasal sa kalagitnaan ng paglubog ng araw. Ngunit ang katotohanang pumayag lamang siya dahil sa kunsensyang nararamdaman patungo sa nangyari sa pagitan nilang dalawa ni Enrique ay ang hindi niya magawang matanggap.
Na dala lamang ng kunsensya kung bakit nakatakda na siyang ikasal ngayon.
Noong nagdaang araw, matapos niyang takasan muli si Enrique ay dumiretso na siya pauwi sa kanilang tahanan nang matagpuan niya si Flavio na hinihintay pala siya. Yinaya siya nito papunta sa dalampasigan na sinang-ayunan niya naman dahil nais niyang huminga at makapag-isip ng tama.
Ngunit mas lalo lamang siyang nagulo nang lumuhod si Flavio sa kaniyang harapan at alukin siya ng kasal. Hindi siya nakapag-isip ng tama at pumayag na lamang dahil habang kasama niya si Flavio, patuloy siyang nakukunsensya dahil sa mga nagdaang araw kung saan tanging si Enrique na lamang ang sumakop sa kaniyang isipan.
Marami nang bumati sa kanila tulad ni Julio at Hilaria. Hindi naman umimik ang kaniyang ina-inahan na si Nay Anchita patungkol sa nakatakda niyang kasal na siyang ikinababahala niya hanggang ngayon.
Umihip ang malamig na hangin. Nag-angat ng tingin si Felicia sa harapan kung saan mula sa malayo ay matatanaw niya ang dalampasigan. Narito siya ngayon sa kanilang tahanan at mag-isa sa gitna ng kawalan.
Hindi na niya lubos na maunawaan pa, hindi niya alam kung tama pa ba ito.
DIRETSO ngayon ang tingin ni Gael. Diretso niyang tinitignan ngayon ang babaeng tulad ng dati ay naparito sa Hacienda De Vera upang bisitahin lang siya at guluhin ang nananahimik niyang buhay. Si Binibining Maria Sinta Sierra.
Hindi naman makaimik ngayon si Sinta habang pilit na linalabanan ang titig ng kaniyang sinta. Narito silang dalawa ngayon sa sala ng mansyon at nakaupo sila sa magkatapat na upuan. Isang lamesa ang pumapagitna sa kanila. Isa-isa ngayong tinitignan ni Gael ang detalye ng mukha ni Sinta. Hindi niya nga naman maitatanggi ang kagandahang itinataglay nito.
Matamis at palangiti si Sinta, doon ito nakikilala. Dahan-dahang napailing si Gael habang pinagmamasdan si Sinta. Sa dami rin ng lalaking humahanga rito, hindi niya alam kung bakit sa kaniya pa ito bumagsak.
Hindi na nakayanan pa ni Sinta at napaiwas na ng tingin. Sinubukan niyang pigilan ang kaniyang ngiti ngunit tuluyan na nga itong sumilay sa kaniyang labi. Noon pa man ay kabisado na niya ang bawat detalye ng mukha ni Gael, ngunit kailanman ay hindi siya nagsawang pagmasdan ang suplado nitong mukha.
Nanginginig ang kamay na sinubukan niyang kuhanin ang kaniyang abaniko na nakapatong sa lamesa ngunit tila saglit na tumigil ang pagtibok ng kaniyang puso nang mahulog ito sa sahig. Nanginginig ang labing nag-angat siyang muli ng tingin kay Gael at tila lumukso ang kaniyang puso matapos muling masilayan ang titig nito sa kaniya.
Naramdaman ni Sinta ang pag-iinit ng kaniyang pisngi. Laking gulat niya nang tumayo si Gael at dinampot ang nahulog niyang abaniko, mas lalo siyang nagulat nang kuhanin nito ang kamay niya at ilagay doon ang kaniyang mamahaling abaniko.
Nanatili sila sa kanilang puwesto at muling napatingin ng diretso sa mga mata ng isa't isa. Hindi na nakayanan pa ni Sinta at tumayo na. Nanginginig ang kamay na ibinaba na ni Sinta ang kaniyang kamay kung kaya't nabitawan na rin iyon ni Gael. Naramdaman niya ang panghihina ng kaniyang tuhod dahil sa nakatutunaw na titig sa kaniya nito.
"M-mauuna na ako," kinakabahang pamamaalam na ni Sinta at nagbigay galang kay Gael bago dali-daling tumalikod at naglakad paalis. Natapakan niya pa ang kaniyang saya at muntik nang mawalan ng balanse ngunit hindi na niya pinansin pa iyon at dire-diretsong nang umalis sa Hacienda De Vera.
Tinanaw na lang ni Gael ang paglayo ng kalesang sinakyan nito paalis. Umihip ang malamig na hangin. Dahan-dahang sumilay ang ngiti sa kaniyang labi. Sa wakas, natagpuan na niya ngayon ang solusyon upang lubayan siya ni Sinta.
Napahinga siya ng malalim bago naglakad na papanik sa itaas. Nang makapanik, sandali niya munang tinignan ang pinto ng silid ni Isla bago pumasok na sa silid nila ni Hilario. Minsan ay hindi niya rin mapigilang makaramdam ng lungkot sapagkat hindi na sila masyadong malalapit pa sa isa't isa tulad ng dati.
Napatigil naman si Gael matapos matagpuan si Hilario na nakaupo sa silya at may namumuong luha sa mga nito habang nakatulala sa kawalan. Natauhan ito at nag-angat ng tingin sa kaniya. Napatigil si Hilario at napaiwas ng tingin bago nakatalikod na pinunasan ang namumuong luha sa kaniyang mga mata.
Nakasara ang mga bintana sa kanilang silid. Napayuko naman si Gael, mukhang alam na niya ang nag-iisang dahilan upang lumuha ang kaniyang kapatid. Napahinga siya ng malalim bago humakbang papalapit dito. Hinawakan niya ang likod ni Hilario at tinapik ito.
"Naaalala mo pa ba ang sinabi ni ina noon, Hil?" tanong ni Gael, nakatalikod man si Hilario ngunit nararamdaman niya ang pigil nitong pagluha. "Na ayos lamang na lumuha..." patuloy ni Gael. Napapikit naman si Hilario at sinubukan muling pigilan ang kaniyang mga luha matapos muling maalala ang hitsura ng kanilang ina na nakaukit na lamang sa kanilang isipan.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin nalilimutan ni Hilario ang bawat ala-alang binuo ng kanilang ina. Isa na roon ang ala-alang itinutukoy ngayon ni Gael kung saan sinabi ni Felicia sa kaniya na walang masama at ayos lamang na lumuha...
Enero, 1758.
Pigil ang luhang nakaupo ngayon si Hilario sa lapag habang matalim na nakatingin sa kaniyang kapatid na si Gael na noo'y pinipigilang matawa. Napatigil lang si Gael at napaayos ng tindig nang walang emosyon siyang sulyapan ng kanilang ina na si Felicia.
"Nais mo bang tumama sa iyo ito?" tanong ni Felicia. Napalunok si Gael at dali-daling umiling matapos makita ang mahiwaga nitong patpat. Itinuro siya ni Felicia gamit ang hawak nitong patpat. "Ikaw, umalis ka rito." Iyon lamang at dire-diretso nang naglakad si Gael palabas at pinuntahan na lang si Isla na noo'y nakikipaglaro kay Manang Numeriana.
Naiwan naman si Felicia at sinulyapan si Hilario na noo'y nakahawak sa kaniyang tuhod. Kanina ay nagtakbuhan sila ni Gael kahit na ipinagbabawal iyon ni Felicia at ngayo'y hindi na siya makatayo dahil nadapa siya at nagkasugat sa tuhod.
Napahalukipkip naman si Felicia. "Ano't pinipigilan mong lumuha?" taas kilay na tanong nito. Hindi naman nakapagsalita si Hilario dahil sa takot na mahampas siya ng mahiwaga nitong patpat.
Napahinga naman ng malalim si Felicia. Hindi na niya napigilan pa at linapitan na si Hilario upang tulungan itong umupo sa kanape. Umupo siya sa tabi nito at kunot noong tinignan ang tuhod nitong namumula at nagkaroon ng mga gasgas na nagdurugo ngayon.
Napaiwas naman ng tingin si Felicia sapagkat hindi siya sanay na makakita ng dugo. Ilinapag niya muna ang kaniyang patpat sa lamesa bago hawakan ang magkabilang balikat ni Hilario at iharap sa kaniya. Napakagat si Felicia sa kaniyang labi upang pigilang matawa sa mukha nitong pinipigilang maluha.
Hinawakan niya ang pisngi ni Hilario na ikinatingin na nito sa kaniya. "Anak, ayos lamang na lumuha sa iyong ina. Mananatili itong lihim sa atin," ngiti ni Felicia na ikinangiti na rin ni Hilario bago yakapin ang kaniyang ina at doon umiyak.
Napangiti naman si Felicia habang yakap ang kaniyang anak. Kahit hindi siya nagdadalang tao, napagtanto niyang magulo talaga ang kaniyang ugali't emosyon.
Si Gael naman na muling pumasok sa loob sapagkat siya'y nauuhaw ay napatigil matapos marinig ang pagtangis ng kaniyang kapatid na tila isang sanggol. Napatakip siya sa kaniyang bibig ngunit napalingon na sa kaniya si Felicia at Hilario nang marinig ang pigil niya namang pagtawa.
"Kuya!" sigaw ni Hilario at dali-daling tumayo upang habulin ang kaniyang kapatid na noo'y inasar siya dahil hindi pa raw talaga siya ganap na binata. Si Felicia naman ay napangiti at natawa na lang habang sinusundan ng tingin ang kaniyang dalawang anak na naghahabulan.
Mga tawa at ngiti na kailanman ay tila hindi na nila muling masisilayan pa.
"MAGANDANG hapon, nariyan ba si Señora Assunta?" tanong ni Felicia. Alos dos na ng hapon at narito siya ngayon sa loob ng Intramuros. Matapos magtungo sa simbahan ay dumiretso na siya rito. Sandali naman siyang tinignan ng isang matandang babae na mukhang kasambahay ng pamilya Medina at sumalubong sa kaniya.
"Narito siya. Pumasok ka," sagot nito at binuksan na ang tarangkahan nang makilala si Felicia. Tinanguhan siya ni Felicia bago dumiretso na sa loob ng mansyon upang dumiretso sa kaniyang kaibigan na si Señora Assunta Medina.
Pagkapasok sa loob ay natagpuan niya ang isang pamilyar na babae na nasa sala at nakaupo sa kanape. May mga gamit panahi sa lamesa at mukhang nagtatahi ito ngayon. Makalipas ang ilang segundo ay napalingon na ito sa kaniya at napangiti matapos siyang makita.
"Sanya!" nagagalak na pagtawag sa kaniya ni Assunta at tumayo upang mahagkan siya. Napangiti naman ng kaonti si Felicia bago marahang tapikin ang likod ng kaniyang kaibigan.
Hanggang noo niya lang si Assunta. Matangkad, maputi ang balat dahil sa lahi nitong kastila, makapal ang kilay, mapungay ang mga mata, matangos ang ilong, mapula ang manipis na labi, at sadyang nagtataglay ng karikitan si Binibining Assunta Medina.
Tatlong taon na ang nakararaan simula nang maging magkaibigan sila ni Assunta. Siya'y nagtungo noon sa Intramuros at nagbakasakali na maging kasambahay sa isang mayamang pamilya nang makatagpo niya si Assunta sa simbahan ng Intramuros. Dalawampu't dalawang taong gulang pa lamang ito noon at ngayo'y dalawampu't lima na.
Tila hindi naman dito mahalaga kung siya'y nagmula sa hirap. Sadyang mabait at paglakaibigan nga ito sapagkat wala naman siyang sinasabi ngunit tinanong pa nito noon kung kailangan niya ba ng trabaho. Hindi niya man nais pansinin si Assunta ngunit kailangan niya rin ng trabaho kung kaya't tinugunan na niya ang mga sinasabi nito. Ang sabi ni Assunta ay maaari siyang magsilbi sa pamilya nito ngunit ang tanging kapalit lang ay maging magkaibigan silang dalawa.
Kung kaya't ngayon, sa kabuuan, nagkaroon siya ng dalawang matalik na kaibigan sa loob ng apat na taon.
"Mayroon ba kayong mga damit na kailangan kong labhan?" tanong ni Felicia nang kumawala na si Assunta sa kaniya. Hinawakan nito ang kamay niya at umupo silang dalawa sa kanape.
"Mamaya mo na isipin iyan, Sanya. Mayroon akong inihandog para sa iyo," ngiti ni Assunta at ipinakita kay Felicia ang ibinurda niyang puting bestida na maaaring ipantulog. Napangiti naman si Felicia at hinawakan ang bestidang ginawa ni Assunta para sa kaniya.
"Salamat. Para saan naman ito? Hindi ko naman kaarawan," nakangiting wika ni Felicia at tinignan ang isang kulay lilang bulaklak na nakaburda sa bandang dibdib ng puting bestida.
Muli niyang sinulyapan si Assunta na noo'y nakangiti pa rin. Sa tuwing siya'y nagtutungo rito, puno ng kabutihan at kapayapaan ang ibinibigay sa kaniya nito kung kaya't naparito talaga siya ngayon.
"Mabuti na lang at naparito ka ngayong araw. Iyan ang aking regalo sa iyo sapagkat ngayong araw ay ang araw kung kailan tayo nagkakilala at naging magkaibigan. Tatlong taon na rin pala ang nakalipas," saad ni Assunta na ikinagulat ni Felicia. Napakurap siya ng dalawang beses, hindi siya makapaniwalang maging iyon ay naaalala pa rin ni Assunta.
Napakamot na lang si Felicia sa kaniyang tainga bago mapangiti na rin at napatango-tango. "Ikaw na talaga ang perpektong kaibigan sa mundo," saad ni Felicia na ikinatawa ni Assunta. Kinuha ni Assunta ang kaniyang abaniko at dahan-dahan iyong binuksan.
Napahinga siya ng malalim bago may ngiti sa labing muling nagsalita. "Alam mo, Sanya, tila... Tila may napupusuan akong ginoo na sadyang kay ganda ng tindig. Isang tingin niya lamang at tila ako'y nahulog na," wala sa sariling pagbabahagi ni Assunta na ikinabalik ng tingin sa kaniya ni Felicia.
"Talaga? Sino?" tanong ni Felicia at ngumiti ng kaonti. Bigla niya tuloy naalala ang kaniyang kasintahan na si Flavio. Ang totoo, siya'y naparito kay Assunta upang saglit na makahanap ng kapayapaan.
"Wala pa akong masyadong nalalaman tungkol sa kaniya ngunit sa aking palagay ay pareho lamang kami ng edad. Isa siyang doktor at siya ang gumagabay sa aking sakit. Siya'y sumasadya sa aming tahanan upang suriin palagi ang aking kalagayan at bilang isa na ring matalik na kaibigan ni ama at handa kaming tulungan sa sakit kong ito na maaari kong ikamatay," nakangiti man ngunit malungkot ding wika ni Assunta. Malungkot naman siyang tinignan ni Felicia.
Ang kaniyang kaibigan ay may malaking kalaban sa buhay, at ito ang sakit nito sa puso na tulad ng ama nitong si Don Armando Medina ay mayroon.
Hinawakan niya naman ang kamay ni Assunta, "Huwag kang mag-alala, Assunta. Naniniwala akong matatalo mo ang sakit na iyan," saad ni Felicia at binigyan ng ngiti si Assunta na siyang nagpangiti rin dito. Napatingin si Felicia sa ibaba. Kahit kaonti, lihim din siyang umaasa na pagdating ng araw, matalo niya ang kaniyang karamdaman at maalala muli ang lahat.
"Salamat, Sanya. Ika'y mataray man ngunit ikaw din ang perpektong kaibigan para sa akin," animo'y maiiyak nang wika ni Assunta at niyakap muli si Felicia. Napailing naman si Felicia at niyakap din pabalik ang kaniyang kaibigan. Dalawampu't lima na ito ngunit tila isang supling pa rin.
"Siya nga pala, sino nga ulit ang doktor na iyong itinutukoy?" tanong ni Felicia makalipas ang ilang sandali. Bumitaw naman muli sa kaniya si Assunta at biglang napangiti ng matamis. May luha pang namumuo sa mga mata nito mula sa pagiging emosyonal.
"Si Doktor De Vera. Maya-maya lang ay darating siya upang muli akong suriin. Baka maabutan mo pa siya at makilala," nakangiting sagot ni Assunta at pinunasan ang kaniyang mga mata. Umihip ang malamig na hangin. Sandaling hindi nakakurap si Felicia, hindi niya alam kung bakit tila narinig na niya ang ngalang iyon.
Sa huli ay tumango na lang siya. Nagpaalam na rin muna si Assunta sapagkat liligpitin na niya ang kaniyang mga pinagamitan at magbibihis din sapagkat hindi niya naman nais magmukhang hindi kaaya-aya sa harap ng ibang tao.
Nang maiwan sa sala si Felicia ay naglakad siya papalapit sa bintana. Sumilay ang ngiti sa kaniyang labi matapos masilayan ang malawak na hardin na napapalibutan ng kulay lilang mga bulaklak sapagkat kulay lila ang paborito ni Assunta. Ito ang kaniyang sadya rito, iyon ang isa sa kaniyang kapayapaan maliban sa tunog ng malakas na alon.
Dumiretso na siya palabas ng mansyon at dumiretso sa loob ng hardin. Wala rin namang ibang nagreklamong mga trabahador sapagkat kilala nila si Felicia bilang matalik na kaibigan ng kanilang Señora at labis nitong pinagkakatiwalaan.
Sa kabilang banda, tahimik na naglakad si Enrique papasok sa loob ng tarangkahan na agad namang pinahintulutan ng mayor doma. Akmang hahakbang na siya papunta sa malaking pinto ng mansyon ngunit napatingin siya sa malawak na hardin na katabi lang ng mansyon.
Dumapo ang kaniyang mga mata sa isang pamilyar na babae na nasa gitna ng malawak na hardin at napalilibutan ng mga bulaklak na kulay lila. Namalayan niya na lamang ang kaniyang paghakbang papalapit sa hardin na pagmamay-ari ng mga Medina.
Papalubog na ang araw at sa pagkakataong ito ay nagmistulang kulay lila ang kalangitan at maging ang mga ulap. May ngiti sa labing umikot si Felicia sa gitna ng mga bulaklak na hanggang hita niya ang taas. Nasa mababang damuhan naman si Enrique at may sampung hakbang na lamang siyang layo kay Felicia na ngayo'y walang kurap niyang pinagmamasdan.
Kasabay ng pag-ihip ng malamig na hangin ay ang pagtatama ng kanilang paningin. Tila bumagal ang takbo ng paligid ni Enrique habang diretsong nakatingin ngayon sa babaeng minsang itinakda na makasama niya, at umaasa siyang maging sa habang buhay.
********************
Æ | Cєѕѕ
© aestheticess
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top